Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 55

|Kabanata 55|

Sa oras o sandaling magkasama ang sino man mula sa Del Veriel at Letreval ang paksang pagpapakasal ang nasa kanilang bibig.

Ano ba naman kasi talaga ang mayroon sa pagpapakasal namin ni Primitivo? Oo, batid ko naman na mula kami sa dalawang mayayamang angkan pero iyon lamang ba? Kung sabagay, ganoon naman talaga ang rason ng mga kasalan sa kapanuhang ito.

"Ang pasya namin ay ikasal kayong dalawa at walang makapipigil pa niyon. Ang tanging gagawin mo lamang ay sumunod sa aming nais. Hindi ba't ganoon ang turo sa iyo ng iyong mga magulang? Ang maging tahimik sa gilid at susundin ang ano mang iuutos."

Mahigpit ang naging paghawak ko sa aking palda habang diretsong nakatingin sa labas. Ginagawa nilang dahilan ang pagiging tahimik at sunod-sunuran lamang ng mga babae para ipilit nila ang mga bagay na nais nila.

"Sa tingin ko naman ay nasa tamang gulang ka na upang umintindi sa mga bagay na aming ginagawa. Isa pa, hindi lang naman kayo ang nasa ganitong sitwasyon-marami pa riyang iba. Batid kong ikaw ay pinalaki ng tama ng iyong mga magulang kaya naman hindi ka maglalakas-loob na pagtaasan kami ng boses o suwayin ang aming mga utos."

Sa sandaling iyon ay nais ko nang umalis doon at magkulong na lamang sa aking silid. Kung ganito rin naman pala ang sitwasyon na malalabasan ko ay huwag na lamang.

"Hindi ko maintindihan kung bakit mayroon kang kasintahan na ikakasal na naman. Hindi yata iyan magandang pakinggan at makakasira pa sa pangalan ng inyong angkan. Hindi pa nga kayo nag-iisang dibdib ay tinaksilan mo na ang iyong mapapangasawa."

Mas naging mahigpit pa ang paghawak ko sa aking palda. Marahil ay sinabihan siya ni Primitivo tungkol dito.

"Batid mo naman yata ang nararapat mong gagawin ukol sa bagay na iyan. Hindi iyan ang inaasahan na ugali ng bunsong anak ng Teniente Mayor ng bayan na ito."

Kinalma ko na lamang ang aking sarili at dinahan-dahan ang pahinga. Gustong-gusto ko nang itaob ang mesa sa likuran ko. Nanggigigil na talaga ako sa kanilang lahat!

"Mangyayari at mangyayari ang pag-iisang dibdib, Kristina. Walang sino man ang makapipigil niyon. Tandaan mo iyan."

Nang bitiwan niya ang mga salitang iyon ay sinalubong ko ang kaniyang mga titig. Ang kaninang seryoso niyang mukha ngayon ay nakangiti na. Nawala na rin ang kaniyang awra na tulad ng kay ama ay may pagtitimpi at inis. Bumuga na lamang ako ng hangin at nagsalita.

"Iyon lamang po ba ang inyong sasabihin? Kung ganoon ay aakyat na po ako. Magandang gabi," walang latoy kong usal.

Tumango naman siya ng isang beses pagilid habang naroon pa rin ang kaniyang mga ngiti. Hindi na ako nag-aksaya pa ng sandali at mabilis na akong naglakad paalis doon at nilagpasan si Dueña na nakatayo sa may pintuan ng azotea. Dumiretso ako sa silid at isinara ang pinto. Nadatnan ko si Isay na naghihintay habang nakaupo sa may mesang pang-aral. Kaagad naman siyang napalingon sa akin nang marinig ang pagdating ko.

"Senyorita? Ang bilis niyo naman yata na kumain? Mayroon bang nangyari?" sunod-sunod niyang tanong.

Kaagad akong umiling, "Wala, Isay. Nawalan lamang ako ng gana kaya umakyat na ako. Nais ko nang matulog."

Ngumiti naman siya saka tumayo. "Sige, Senyorita. Inihanda ko na ang iyong higaan."

"Salamat, Isay. Maaari ka ng bumaba at magpahinga na rin."

Nanatili ang kaniyang mga ngiti habang tumatango. Naglakad na siya palabas ng pinto kaya sinara ko na ang bintana.

"Do-don Agaton..."

Nagsalubong naman ang mga kilay ko habang inaayos ang bintana nang marinig ko ang gulat na boses ni Isay. Nilingon ko siya at nakitang nakatingala kay ama na nakatayo sa may pintuan. Nang sandaling iyon alam kong maaari akong mabawian ng buhay sa kinatatayuan ko.

Kahit may kadiliman ay kitang-kita ko ang mga ugat ni ama sa noo na tila ba'y puputok na. Naroon pa ang kaniyang matatalim na mga tingin na tila ba'y umaapoy at ang kaniyang mga kamaong nakakuyom. Marahan din ang kaniyang paghinga na halata dahil sa galaw ng kaniyang katawan. Nang masilayan ko ang kaniyang pigura ay tila pa'y nahulog ang aking puso.

"Ama?" pumiyok pa ang aking boses nang pinilit kong magsalita.

Napakabilis ng tibok ng puso ko nang humakbang ako ng ilang metro papalayo sa bintana. Napabaling ako kay Isay na naistatwa sa may pintuan habang nakatitig sa galit na galit na amo. Mas lalo pang kumalabog ang aking puso nang ang mabibigat niyang mga paa ay mabilis na humakbang papalapit sa akin.

Walang isang segundo ang nasayang nang makalapit si ama sa akin na may dalawang metro ang pagitan ay inilapat niya kaagad ang kaniyang mabigat na palad sa aking kaliwang pisngi.

"Se-senyorita!"

Halo-halo ang nararamdaman ko sa sandaling iyon. Kabog sa aking puso na halos atakihin na ako. Ang pagmanhid ng pisngi kong sinampal niya. At ang tila'y paglabas at pagluwa ng kaluluwa ko dahil sa gulat, sakit, at takot. Tila pa'y hindi ko na maigalaw ang aking leeg dahil sa lakas ng kaniyang pagkakasampal sa akin. Nanginginig ang buo kong katawan na kulang na lamang ay matumba na ako sa sahig. Mas lalo pang nanginig ang kamay ko habang dahan-dahan na itinaas iyon upang hawakan at kahit papaano ay tanggalin ang sakit sa aking pisngi. Iyon din ang naging dahilan ng pagkahulog ng mga luha kong naipon at kanina pa nagbabadyang umagos.

"¡Tú, mujer insolente!" singhal niya.

Nang marinig ko ang mga salitang iyon ay bumalik ang alaala ko noong bago pa lamang ako dumating dito. Ganoon ang sinabi niya sa akin nang nagalit siya sa akin noong kumakain kami.

"Walang kang galang! Iyan ba ang itinuro sa iyo? Sinasagot mo pa ang panauhin?!"

Tila isa na siyang tigre. Ano mang sandaling iyon ay kaya niya akong balian ng buto dahil sa kaniyang nag-aapoy na pigura.

"Kami ang mga magulang dito kaya naman kami ang masusunod at hindi kayo. Ano ang karapatan mong diktahan kami? Ha?!"

Hinawakan niya ang kaliwang braso ko ng mahigpit na tila pa'y mababali iyon.

"Ahh.." napakislot ako nang mas lalo pa niyang hinigpitan ang paghawak. "Na-nasasaktan po ako..."

"Nasasaktan ka pala? Ang akala ko ay napakatigas na ng puso, ulo, at damdamin mo kung kaya naman kung ano ng mga bagay ang iyong ginagawa. Wala ka ng respeto, Kristina!"

Marahas niyang binitawan ang braso ko na halos matanggal na iyon mula sa katawan ko. Mas lalo pang umagos ang mga luha ko.

"Wala ka ng respeto sa ama mong nagbigay sa iyo ng lahat ng kailangan mo! Pinaaral kita, binigyan ng lahat ng mga ninanais at kung ano ang maaari mong kailangan, ngunit ito lamang ang isusukli mo? Ang pagsuway sa utos ko!"

"Kaya ko pong...gawin ang lahat ng nais niyo huwag la-lamang iyan." Pinilit kong magsalita.

Umismid siya nang marinig iyon. "Iyan lamang ipapagawa ko sa iyo. Wala ng iba pa. Iyan lamang."

"Ku-kung ganoon, bakit niyo po ako hi-hinayaang maging malapit kay Joaquin? Ba-bakit kayo pumayag noong nagpaalam siya sa i-inyong mamamasyal kami?" usisa ko habang patuloy na tumutulo ang mga luha ko.

"Ah, iyan ba ang ginawa mong dahilan kaya ka nakipagrelasyon sa binatang iyon? Hmm," ismid niya ulit sabay iling ng ilang beses. "Isipin mo na lamang na ikaw ay isang saranggola. Hawak ko ang saranggola at hinahayaan kong lumipad iyon sa kung ano mang banda. Hinahayaan ko man sa mga nais nito ngunit kapag lumakas ang bugso ng hangin at matatangay iyon, hihilahin ko siya pabalik. Dahil kapag hinayaan kong madala iyon ng malakas na hangin mapuputol iyon at mapapadpad sa lugar na ikasira at ikapupunit niyon."

Nagdugtong ang mga kilay kong nakatitig sa kaniyang unti-unti nang nawawala ang pag-aapoy ngunit naroon pa rin ang galit. Gumamit pa siya ng mga salitang makahulugan ngunit sa likod niyon nagtatago ang pagsasakal niya sa anak niya.

Pinahid ko ang mga luha ko saka tipatan ang kaniyang mga titig. "Kung ganoon, ang pagiging mabait mo noong mga nakaraang buwan at ang pagpayag mong magkaroon ng mana sina kuya ay dahil dito? May kapalit ang lahat ng iyon?"

Tinaasan naman niya ako ng kilay. "At may lakas ka pa ng loob na tanungin ako sa mga bagay na ginawa ko? Gawin mo ang inuutos ko sa iyo. Nakita mo nang ikaw ay ikakasal ngunit mayroon ka pa ring kasintahan? Hindi mo ba inisip kung ano ang sasabihin ng mga tao tungkol sa ating pamilya?"

Bumuhos uli ang mga luha ko dahil sa narinig ko. Pechay ba naman kasi ang ibang mga tao na 'yan! Kung sa bagay, sabi ni Kuya Lucio dati na yaman, kapangyarihan, at panganay lang ang mahalaga sa mga Del Veriel. Kaya lahat ay gagawin upang maprotektahan iyan.

May katungkulan at makapangyarihan si ama sa bayang ito, kaya naman kahit pa ang pamilya niya ay nahihirapan na mas mahalaga pa rin ang kaniyang imahe.

"Kaya naman hindi mo na inalam at inalala ang nararamdaman ko," bulong ko. "At isa pa, b-bakit sa Letreval pa kayo nagkaroon...ng kasunduan na mas malapit naman kayo sa mga Varteliego?" tanong ko.

"Napakasuwail! Maaari bang maghiwalay na lamang kayong dalawa? Hindi naman yata mahirap gawin ang bagay na iyon? Tanong ka nang tanong!" nanggagalaiting aniya kaya napapikit na lamang ako at ikinalma ang sarili.

"Anak?"

Narinig ko ang sigaw ni Ina kasabay ng kaniyang mabibigat at nagmamadaling yabag papasok sa aking silid kaya napatingin ako sa kaniya. Nanlalaki ang kaniyang mga mata at mabilis ang kaniyang naging paghinga. Nagmadali siyang makalapit sa amin nang mabilis na itinaas ni Ama ang kaniyang braso at palad na nakabukas, pinapahinto si Ina. Wala namang nagawa si Ina kung hindi ang huminto at nanatiling nakatayo ilang hakbang mula sa pintuan.

Kasunod niyang dumating sina kuya na bakas sa mukha ang gulat at pag-aalala. Magkarugtong pa ang kanilang mga kilay nang tumingin sa aming gawi at kaagad nilang nilapitan si Ina.

"Paulit-ulit ko nang sinasabing putulin niyo na ang inyong ugnayan ngunit hindi ka pa rin nakinig. Ipinapakita mo lamang kung gaano ka kawalang respeto sa iyong ama!" singhal na naman ni Ama kaya napatingin uli ako kaniya. "Isang babala na lamang at pagsisisihan mo na. Maghiwalay na kayong dalawa at huwag na kayong magkaroon ng ugnayan."

"Hindi. Hindi ko po gagawin iyan. Na-nangako ako sa kaniyang...hi-hindi ako bibitaw. Hindi po ako magpa-pakasal sa iba...," hikbi ko.

Hindi ako bibitaw, Joaquin. Alam kong malalampasin natin ito.

"Ganoon ba?" taas-kilay na aniya. "Kung iyan ang nais mo, ang iyong mga kapatid na lamang ang haharap sa parusa mo."

"Huwag! Hu-wag po, ama. Maawa ka...pa-pakiusap..." kapos sa hanging pigil ko. "Ako na lamang ang pa-parusahan niyo, huwag na si-sila. Nagma-mamakaawa po ako," napahagulgol na ako at natumba na ako sa sahig at doon umiyak.

Ang pinaka-ayaw ko sa lahat ay ang madamay ang mga taong mahalaga sa akin na wala namang kinalaman. Walang ibang ginawa ang tatlo kung hindi ang maging mabait, maalaga, at maalalahanin sa akin. Pero dahil sa akin ay mapaparusahan sila.

"Pwes, kung ayaw mong magpakasal kay Primitivo, te repudiaré!"

"Ama!"

"Agaton!"

Hindi ko man maintindihan kung anong sinabi ni ama ay alam kong malala iyon. Bakas sa kanilang mga sigaw ang gulat na kailanman ay hindi ko narinig mula sa kanila. Nanginginig pa nga si Ina nang marinig iyon. Papatayin ba ako?

"Simula sa gabing ito, hindi na kita aakuin at kikilalanin bilang anak. Aalis ka na sa pamamahay ko at wala kang dadalhin kung hindi ang sarili mo lamang. Bahala kang mamuhay sa kung saan mo man nais ngunit sa sandaling makita kita sa bayan ko hindi ako magdadalawang isip na patayin ka."

Tuluyan namang natumba si Ina sa sahig na dali-daling tinulungan nina kuya. Labis ang kaniyang pag-iyak nang dahil sa narinig. Wala namang nagawa sina kuya kung hindi ang yakapin siya.

Naging dahilan ng pagtayo ng mga balahibo ko ang kaniyang mga salitang binigkas. Kaya niyang gamitin ang lakas niya upang pataying ang sarili niya anak?

Tumigil ako sa paghinga nang biglang may pumasok sa isipan ko. Mas lalo pang bumilis ang tibok ng puso ko at may kung ano mang matinis na tunog na tumumbok sa aking tenga.

Siya ba ang pumatay sa sarili niyang anak?!

"Ama, huwag!"

Narinig ko ang sigaw ni kuya Lucio at ang mabilis niyang mga yabag papalapit sa akin. Dinaluhan niya ako sa sahig saka niyakap.

"Pakiusap, Ama, huwag mong gawin iyan kay Martina."

"Labas ka na rito, Lucio. Nais mo bang mas lumala pa ang kaniyang kahihinatnan sapagkat nakialam ka?"

"Maawa ka kay Martina, Ama," pagsusumamo ni Kuya. "Martina, humingi ka ng tawad. Sumunod ka na kay Ama," bulong naman niya sa akin kaya mabilis ko siyang tinignan.

"Hindi, hi-hindi, Kuya. Hindi maaari...dahil nanga-ngako ako sa kaniya na...hindi ako bi-bitaw."

Nawawalan na ako ng hangin dahil sa kakaiyak. Habang yakapa-yakap ako ni kuya ay hinahaplos niya ang likod ko para kahit papaano ay gumaan ng kaunti ang nararamdaman ko.

"Hahanap tayo ng paraan, Martina. Maraming paraan," ani Kuya ng tahimik. "Sa ngayon, iligtas mo ang iyong sarili sa kapahamakan. Paano ka na lalaban niyan kung ikaw mismo nahihirapan na buhayin ang sarili?"

Mas lalo pa akong napahagulgol at napaiyak. Hindi ko na nagawa pang magsalita dahil iilang hangin na lamang ang pumapasok sa baga ko. Mas pinalala pa iyon dahil sa mga sinok mula sa pag-iyak ko.

"Susunod si Martina, Ama. Huwag niyo na siyang parusahan. Kailangan lamang niya ng oras upang pag-isipan ang mga nangyayari. Masyadong mabilis lamang ang naging kaganapan kaya hindi siya makapag-isip ng maayos."

Habang si Kuya ay inilalaban ako kay Ama, nilalabanan ko rin ang pagdilim ng aking paningin. Pinipilit na ng mga mata kong pumikit at umiikot na rin ang paningin ko. Nawawalan na rin ako ng lakas na umupo kaya nakapatong at nakadepende na lamang ako sa mga braso ni Kuya. Madalang na lamang ang naging paghinga ko. Nawawalan na ako ng hangin.

Huwag muna sa ngayon...pakiusap. Kailangan kong malaman ang pasya ni Ama.

Narinig ko ang malakas na pagbuga ng hangin ni Ama. "Hinding-hindi ako mag-aatubiling kaladkarin iyan palabas ng aking mansiyon kapag nalaman kong mayroon pa rin siyang relasyon sa binatang Varteliego na iyon...,"

At tuluyan ng bumitiw ang katawan ko.

"Martina? Martina, gising!"



Mga huni ng ibon at ingay ng mga manok sa paligid ang kabilang sa mga dahilan ng paggising ko. Dagdag doon ang kamay na naramdaman kong nakahawak sa kaliwang kamay ko.

"Lucas, tiyak ka bang walang masamang nangyari sa inyong kapatid?" Narinig ko ang boses ni Ina mula sa aking kaliwa. Siya pala ang may hawak sa akin.

"Tiyak ako, Ina."

Napakunot ang noo ko nang marinig ang kanilang usapan. Bakit? Anong nangyari sa akin? Natulog lang naman ako ah. Ibinuka ko na lamang ang mga mata ko at inilibot ang tingin. Nakahiga ako sa higaan ko habang nasa bawat gilid ko naman si Ina at kuya Lucas. Nakita ko rin si Isay na nasa may paanan ko. Siya ang unang nakapansin sa akin na gising na ako.

"Se-senyorita," bulalas niya kaya napabaling si ina at Kuya sa akin.

"Anak!"

"Martina."

Halos magkasabay pa nga sina Ina at Kuya na sambitin iyon. Dahan-dahan naman akong bumangon at sumandal sa ulunan ng higaan na kaagad din akong inalalayan ni Kuya. Pinagmasdan ko naman silang nakatingin sa akin na para bang may kung anong nangyari sa akin. Mabilis naman ang paglapit ni Isay dala ang isang baso ng tubig sabay abot sa akin.

"Bakit po kayo ganiyan makatingin sa akin?" turan ko matapos uminom.

"Nag-alala kami ng husto sa iyo, anak. Wala ka bang sakit na nararamdaman?" wika pa ni Ina na lalong ikinakunot ng noo ko.

"Wala naman po, Ina. Ayos lamang ang pakiramdam ko liban sa kaunting sakit sa ulo. Bakit po? Kuya?"

May nangyari ba na hindi ko alam?

"Dalawang araw ka ng natutulog mula noong gabing kumakain tayo kasama ang mga Letreval," sagot ni Kuya kaya nanlaki ang mga mata ko.

Ano raw?

"Nawalan ka ng malay-tao noon at ngayon ka lamang gumising kaya nag-alala kami ng husto sa'yo," patuloy niya pa.

"Ha? Ba-bakit? At saka anong petsa na ngayon kung ganoon?"

"Ikalawa na ngayon ng Abril," sagot ni Ina saka pinisil ang kamay ko at ngumiti.

"Nahihirapan ang katawan mong magpahinga dahil sa pagiging hapo buhat ng lahat ng mga nangyayari kaya hindi mo na nakayanan. Nangyari iyon dahil sa pagod, estrés, at pagkabigla mo sa mga kaganapan," si Kuya.

Grabe...

"Nag-aalala na ako sa iyo, Kristina. Magpahinga ka naman at huwag mong isipin ang mga bagay-bagay. Ginagawan ko na rin ng paraan para kahit papaano ay hindi na itutuloy ng iyong ama ang kasal."

Nagsimula na namang naipon ang mga luha ko. "Pero hindi talaga nakikinig si Ama."

"Huwag mo munang isipin ang tungkol sa bagay na iyan. Magpahinga ka muna. Magpalakas ka at kumain nang sa ganoon ay hindi na mangyayari uli ito."

"Opo, Ina."

Ngumiti naman siya sa akin sabay haplos ng ulo ko. "Isay, dalhan mo siya ng pagkain."

"Opo, Donya Florentina."

"Kailangan mo lang na kumain at bumawi ng lakas, Martina. Huwag mo nang isipin ang mga sinasabi ni Ama nang hindi ka mabagabag."

Gustuhin ko man, Kuya, ay hindi ko rin maiiwasan dahil kailangan kong kumilos nang sa gayon ay walang kasalang magaganap at hindi ako mamamatay.

"Susubukan ko, Kuya," turan ko.

Sumimangot naman siya dahil sa aking tugon. "Huwag mong 'subukan' lamang, Martina. Gawin mo."

Ngumiti na lamang ako sa kaniya ng kaunti saka tumango. Nginitian naman niya ako pabalik at hinaplos ang gilid ang gilid ng ulo ko saka bumaling kay Ina.

"Ina, babalik na ako sa bayan. Tiyak akong naghihintay na si Doktor Tiago," paalam niya.

Tinutukoy niya si Doktor Santiago Porazzo, ang doktor kung saan siya tumutulong at nagsasanay. May tanggapan iyon sa bayan. Nakatutuwa talaga silang magkakapatid. May haciendero, may doktor, at may arkitekto.

"Sige, anak. Mag-iingat ka roon. Salamat sa pag-aalaga mo sa iyong kapatid."

"Wala iyon, Ina. Kapatid ko si Martina kaya responsibilidad kong alagaan siya." Ngumiti siya sa akin ng malapad kaya ginantihan ko.

"Salamat, Kuya."

Tumango naman siya saka nagpaalam na uli. Maya-maya ay naglakad na siya palabas ng silid. Kasabay rin niyon ang pagdating ni Isay dala ang mga pagkain. Nang makalapit siya sa amin ay tinulungan siya ni Ina na ilapag iyon sa higaan. Doon ay may kanin at sari-saring gulay gaya ng kalabasa, talbos ng kamote, okra, talong at iba pa na isang ulaman na. May prutas rin at gatas pa.

"Kumain ka na, anak."

Hindi na ako nagdalawang-isip pa na kumain dahil biglang umikot na ang tiyan ko. Dalawang araw ba naman raw kasing tulog. Isa pa, sa tingin ko ay hapon na rin kaya kanina pa kumakalam ang tiyan ko.

Nakangiti naman si Ina habang pinagmamasdan akong kumain. Tumatango naman siya at pinapatuloy lamang ako sa ginagawa ko kapag tinatanong ko siya o tinignan.

"Dahan-dahan lamang, Kristina. Mabilaukan ka pa niyan," aniya pa na ikinatawa ko na lang ng kaunti.

Hindi nagtagal ay natapos na rin ako sa pagkain. Halos wala ng natira sa mga plato kaya si Ina naman ang natawa. Iniwan niya rin naman ako kalaunan para raw makapagpahinga ako. Hinabilin niya pa sa akin na huwag ko raw munang isipin ang mga bagay-bagay at tanggalin muna ang lahat ng problema sa isip ko.

Halata sa mukha ni Ina ang pagod at antok na tila ba'y hindi man lang natulog o umidlip. Binantayan niya ba ako?

"Oo, Senyorita. Nasa tabi mo lang ang Donya nga dalawang gabi. Kaunti nga lang ang kinakain niya para makabalik kaagad sa tabi mo," lahad ni Isay nang tanungin ko. "Labis na nag-alala ang Donya sa'yo, Senyorita. Kaya pakiusap naman na alagaan mo ang sarili mo."

Matamlay naman ang naging ngiti ko. Mas lalo pa akong nalungkot nang naalala ko na namang namatay si Ina dahil namatay ang nag-iisang anak niyang babae. Ganoon na nga lang talaga kamahal ni Ina si Kristina. Pinapangako ko talagang hindi mamamatay si Ina nang dahil sa akin.

"Ano pala ang balita tungkol sa akin? Makalalabas na ba ako rito?" usisa ko.

Sumimangot at ngumiwi naman siya sabay upo sa upuan sa may mesang pang-aral. "Hindi pa rin, Senyorita. Ang sabi ng Don ay kakaladkarin ka raw niya at ipapatapon kapag hindi pa kayo naghiwalay ni Ginoong Joaquin. Mas hihigpitan rin ang pagkulong sa'yo rito dahil wala ng makakapasok rito kung hindi ang pagkain mo lang. Hindi ka na tatanggap ng panauhin."

"Wala rin namang dadalaw sa akin," kako.

"Kahit ang Donya at mga kapatid mo ay bawal na rin. Depende na lamang sa pagkakataon," paglilinaw niya. "Hindi nga maganda ang relasyon ng inyong mga magulang ngayon. Hindi na sila nagpapansinan at hindi na rin doon natutulog ang Donya sa kanilang silid," tila wala sa sariling kwento niya. "Hala, naku! Pasensya na, Senyorita. Hindi ko sinasadyang pag-usapan sila. Nalulungkot lamang ako dahil hindi ko pa sila nakitang ganiyan," wika niya.

Bumuntong-hininga ako saka ngumuso. Kasalanan naman talaga ito ni Ama dahil siya ang puno't dulo ng lahat ng ito.

Magiging maayos din ang lahat ng ito. Sana sa lalong madaling panahon na.

"Wala bang sulat galing kay Joaquin?" usisa ko na ikinailing naman ni Isay.

"Hmmm, kung ganoon ay susulatan ko na lamang siya."

Umalis na ako sa higaan at umupo roon sa harap ng tukador at nagsimula ng magsulat.

Abril 2, 1890

Joaquin,

Magandang araw! Kumusta ka na pala? Hindi pala ako nakasulat sa iyo sapagkat kinailangan kong magpahinga dahil hindi maganda ang aking pakiramdam. Ngunit, maayos naman na ang aking kalagayan.

Ibabalita ko rin sa iyo na dumalaw ang mga Letreval noong ika-tatlumpu't isa at dito sila naghapunan kaya naungkat na naman ang paksang kasalan. Kaya naman sinabi ko sa kanilang hindi ako pumapayag kahit ano man ang mangyari. Dahil doon ay nagalit lalo sa akin si Ama kaya ayun ikinulong ako sa aking silid. Pero hindi pa rin ako susuko, pangako iyan. Sana ikaw rin.

Nagmamahal,

Martina

Ibinigay ko na agad kay Isay ang sobre at lumabas na siya para ipahatid iyon kay Mang Pedring. Naiwan naman akong nakatulala lamang sa kawalan habang nakahilata sa kama.

Ano ba ang gagawin ko rito? Nakababagot naman.

Hindi ko nga ba talaga mapipigilan ang kasal? Kahit pa magkasintahan kami ni Joaquin ay hindi iton naging hadlang para kina Ama na ituloy ang kanilang balak. Nagawa niya pa akong pagbantaang papatayin para lamang sumunod sa kanila. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit niya ako ipapakasal kay Primitivo kung siya lang naman din ang papatay sa akin sa araw ng aking kasal.

Marahil ay nadala lamang siya sa kaniyang galit noong mga sandaling iyon.

Kung iyon man, sino nga talaga ang papatay sa akin? Si Clara? At hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maiproseso ang sinabi niyang lagi ko raw iyong ginagawa sa kaniya. Bakit, may nangyari na bang ganoon? Sino kaya 'yon? Iba rin ba siya sa taong iniibig ni Kristina o iisa lang?

Hanggang ngayon hindi ko pa rin tiyak kung sino ang iniibig niya.

Abril 5, 1890

Joaquin,

Magandang araw!

Sana ay nasa maayos ka lamang na kalagayan. Kumusta ka na? Nababagot na ako rito at nais ko nang lumabas. Ngunit bawal pa rin. May mga pagkakataon tuloy na naisip kong gigi ain at tanggalin na lang ang pinto nang makalabas na ako rito. Wala man lang ako magawang kahit na ano. Nais ko na rin sanang bisitahin si Donya Victorina at pati na rin ikaw. Nais na kitang makita, sobra.

Nagmamahal,

Martina

Naibigay na raw ni Isay ang liham kay Mang Pedring. Pero walang tugon. Ano kaya ang nangyari?

Abril 8, 1890

Joaquin,

Magandang araw! Ayos lamang ba kayo? Kumusta ka? Ilang araw na akong walang balita sa iyo. Ako naman ay maayos lang at heto nakakulong pa rin sa sariling silid.

Kagaya ng naging nakasanayan ko ay natulog lamang ako at nagbasa ng mga libro. Mabuti na lamang, alam mo ba, tinigilan na akong sermonan ni Dueña Hilda ng mga pang-aaral tungkol sa pagiging mabuting dalaga at pag-aasawa. Nakakarindi talagang pakinggan iyon.

Pero hindi na rin nakakapasok sina Ina at Kuya sa aking silid dahil mahigpit iyong ipinagbabawal ni Ama. Galit ako sa kaniya, alam mo ba? Nangungulila na ako kina Ina at nasa iisang bahay lang kami ngunit hindi ko man lang sila makausap at makita. Dahil nga sa nangyayari ay hindi na maayos ang relasyon nina Ama at Ina.

Sana ay maging maayos na ang lahat sa lalong madaling panahon. Nais ko ng lumabas dito at makita ka. Iyan lamang muna sa ngayon ang aking kwento. Maghihintay ako sa iyong tugon at hindi ako bibitaw.

Nagmamahal,

Martina

"Ibibigay ko na ito kay Mang Pedring, Senyorita."

"Sige, salamat. Itanong mo na rin kung mayroon na bang sulat galing kay Joaquin."

Tumango siya sa akin sabay ngiti bago tumalikod at lumabas ng silid.



· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·

Nakaporma ng letrang T lamang ang itsura ko sa higaan habang hinintay na dumating si Isay dala ang hapunan. Pinapapasok ko siya sa kabila ng sinabi ni Ama na wala ng taong papasok dito. Wala namang magagawa ang taga-silbi kung hindi sundin ang utos ko dahil hindi ko siya palalampasin. Ako pa rin ang Senyorita rito.

Pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang tungkol kay Joaquin. Ilang araw na rin ang lumipas at wala pa rin akong natatanggap na balita o sulat galing sa kaniya. Iniisip ko na lang na baka ay bumalik na sila sa kanilang unibersidad at tapusin ang mga huling araw sa pag-aaral. Ayaw ko ng mag-isip ng mga hindi magaganda dahil alam kong hindi naman iyon totoo at hindi iyon nakatutulong.

"Se-senyorita!"

Natataranta akong napabalikwas ng bangon nang marinig ang boses ni Isay na papasok sa aking silid.

"Bakit, Isay? Mayroon bang problema?"

"Na-narinig ko mula sa mga tao sa labas...ang pamilya ni Ginoong Joaquin ka-kasi...," kinakabahan at uutal-utal niyang turan.

Nagdugtong kaagad ang mga kilay ko nang marinig ang pangalan ni Joaquin. Bakit?

"An-anong nangyari sa kanila?" Mabilis ang naging tibok ng puso ko.

"Kasi...ang sabi ay naki...anib daw si Don Carlos sa mga rebelde na at kabilang sa mga taong nais na kalabanin ang pamahalaan, laban sa mga Espanyol na...nais sakupin ng tuluyan ang ating probinsya. Mayroon pa raw mga pasabog at ar-armas sa kanilang imbakan..iyon ng sabi. Ma-may mga pinag-usapan pa ang mga tao na hindi ko na maintindihan at kinakabahan na ako habang nakinig sa kanila."

"Ano? Nasaan...nasaan na sila? Maayos lamang ba ang kanilang kalagayan?" natataranta kong tanong.

"Ang sabi ay sampung araw na raw sila sa cuartel at bukas ay ang una at huling paglilitis ni Don Carlos. Masyadong mabigat ang kaniyang mga kaso ayon sa kanila kaya nga minamadali."

Wala sa sarili akong napaupo sa higaan nang marinig iyon. Tanging matinis lamang na tunog ang nangibabaw sa aking tenga kasabay ng mabilis na tibok ng puso ko. Ano na kaya ang lagay nila ngayon? Maayos lamang kaya sila? Sa tingin ko ay pinahihirapan na sila roon dahil sa nangyayari. Kumusta na si Joaquin? Kaya ba wala na akong natatanggap na sulat mula sa kaniya? Bakit walang nagsabi sa akin?

"Isay...pu-pupunta ako bukas. Tulungan mo ako."





Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro