Kabanata 53
|Kabanata 53|
“Kristina, anak?”
Agad akong napatingin sa pinto nang marinig ko ang boses ni Ina. Kaagad kong inilapat ang mga kubyertos at uminom ng tubig. Narinig ko ang ingay ng ilang susi mula sa labas senyales na binubuksan ang silid. Maya-maya pa ay bumukas iyon at bumungad si Ina na naglakad papasok. Kaagad ko siyang nginitian at saka tumayo.
“Huwag ka nang mag-abala pa, Kristina. Magtuloy ka lang sa iyong pagkain,” mabilis na aniya kaya umupo na lang din ako pabalik.
Nginitian ko naman siya na huminto sa harap ko. Tinuro ko naman ang isang upuan na nasa kaliwa ko.
“Upo po kayo, Ina.”
“Ayos ka lang ba, anak? Nasaktan ka ba?”
Mula sa pagkuha ko ng pagkain ay napalingon ako kaagad sa kaniya. Anong—marahil ay alam na niya ang nangyari dahil hindi niya ako nakita sa baba.
Ngumiti ako. “Ayos lamang po ko, Ina. Hindi naman po ako sinaktan ni Ama, ng pisikal.”
“Hindi ko akalaing ika’y ikukulong niya rito. Ngunit, huwag kang mag-alala dahil tiyak akong nadala lamang siya sa kaniyang pagkabigla at damdamin,” aniya saka ako hinawakan sa braso. “Batid kong paulit-ulit ko lamang na sinasabi ito ngunit wala pa ring nangyayari, pero huwag kang mabahala sapagkat kakausapin ko siya at gagawin ko ang lahat upang mabago ang kaniyang pasya.”
Agad akong napatigil at mabilis na umiling. “Huwag mong sabihin iyan, Ina. May nangyayari, Ina. Napipigilan at napapakalma mo si Ama. Ngunit sadyang mas nangingibabaw lang talaga ang mga kagustuhan niya,” pagtitiyak ko sa kaniya.
“Pero, Ina, huwag niyo na po pahirapan ang sarili ninyo. Ayaw ko lang po na madamay kayo, kayo nina Kuya. Mas masasaktan ko lang kayo kapag kayo po ang humaharap kay Ama kasi kayo ang mas naapektuhan sa nangyayari,” wika ko. “Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga ginagawa mo sa akin, Ina. Ramdam na ramdam ko po ang pagmamahal ninyo. Kaya po, Ina, hihilingin ko po sa inyo na hayaan niyo po akong ako mismo ang mag-iiba ng pananaw ni Ama.”
Hinaplos naman niya ang pisngi ko. “Gustuhin ko man na hayaan ka, anak, ay hindi ko magagawa. Masakit sa akin na makita kang magdusa na mag-isa. Bilang Ina, hindi ko matitiis na makita kang nasasaktan. Kaya pakiusap, Kristina, anak huwag mong hilingin sa akin iyan.”
“Pero, Ina…”
“Hindi, anak. Anak kita at gagawin ko ang lahat para sa iyo.”
Namumuo na ang mga luha ko sa aking mga mata nang yakapin ko siya. Hinding-hindi ko kailanman makakalimutan si Ina na laging nariyan para sa akin. Sobrang palad mo, Kristina, ay may Ina kang kagaya niya.
“Siya, sige na. Magpatuloy ka na sa pagkain. Hindi tayo mag-iiyakan dito,” aniya sabay tawa kaya natawa na rin ako.
“Labis akong nagulat sa naging anunsiyo kagabi. Ang akala ko ay nananaginip lamang ako,” biglang sabi ni Ina kaya nginitian ko siya ng kaunti.
“Ako rin po, Ina. Hindi ko akalaing magagawa iyon ni Ama.”
“Hanggang nakarating kami sa aming silid ay hindi ko siya tinantanan sa pagtatanong. Ngunit, ang lagi naman niyang sinasabi ay para iyon sa iyong kapakanan.”
Nanatili lang akong tahimik at pinakikinggan siya.
“Batid mo ba ang kinakatakot ko?” aniya kaya dahan-dahan akong umiling. “Kilalang-kilala ko ang iyong Ama. Kapag pinagpasyahan niya ang isang bagay wala ng makapipigil pa roon at mangyayari’t mangyayari talaga iyon.”
Napatigil ako sa pagkain at napatitig sa kaniya. Tumango naman siya bilang pagkompirma sa narinig ko.
“Kaya hayaan mong tulungan kitang baguhin ang pananaw niya. Walang mawawala kung susubukan natin. Gagawin natin ng lahat nang sa gayon ay hindi natin pagsisisihan, na hindi natin sinubukan na baguhin ang kasalukuyan para hindi tayo masaktan, sa hinaharap.”
Ang naging pahayag ni Ina kanina ay hindi na nawala sa isipan ko. Paano na lamang kung matuloy nga talaga ang kasal? Ibig sabihin, mamamatay na naman ang Kristina at hindi ko na mababago pa ang mga nangyayari? Hindi ko magagawang mapagtagumpayan ang misyon ko?
“Napakalalim naman ng iniisip mo, anak. Pasensya ka na’t itiniempo ko pa habang ika’y kumakain,” ani Ina nang makitang nakatulala na ako sa kawalan. “Kung ganoon ay lalabas na ako. Pinuntahan lang kita rito upang tingnan ang iyong kalagayan. Masaya akong maayos ka lamang.”
Hindi nagtagal ay lumabas na si Ina. Hindi na ako natapos pa sa pagkain dahil sa kakaisip tungkol doon. Naging tulala na ako habang nakatanaw sa malaking larawan ni Kristina na nasa harap ng higaan.
Mapipigilan ko pa kaya ang kamatayan mo? Mababago ko ba ang buhay ni mo? Tulungan mo naman ako. Para rin naman ito sa iyo eh.
Nagising ako nang dahil sa katok sa pinto ng aking silid. Nagkasalubong ang aking mga kilay nang mapatitig doon. Napairap rin naman kaagad ako nang maalala ko ang nangyari kahapon kasabay ng pagtunog ng mga susi mula sa labas.
Oo nga pala. Ikinulong pala ako rito.
Napabuga ako ng hangin at bumalik sa pagkahilata sa higaan. Ano na naman kaya ang gagawin ko ngayon? Hindi naman yata maaaring nakakulong lang ako rito hanggang Hunyo.
“Magandang umaga, Senyorita!” rinig na rinig ko ang masiglang bati ni Isay. Napailing na lang ako at ngumisi.
“Bumangon ka na. Senyorita. Baka maabutan ka pa ni Dueña Hilda, magalit pa iyon sa iyo dahil hindi ka pa nakakapaghanda riyan,” aniya saka inilapag ang bandeha na dala sa mesang pang-aral.
Kumunot naman ang noo ko dahil sa narinig, “Handa saan?”
Lumapit naman siya sa akin saka ako tinitigan mula sa itaas na nakahiga pa rin. “Hay naku, nakalimutan mo na yatang kailangan mong mag-ayos pagkagising para makita niyang ika’y kahalihalina.”
“Tss,” umirap ako. “paano kung ayaw ko? Anong magagawa niya? Isa pa iyon, laging kumakampi kay Ama.”
“Senyorita, baka marinig ka pa niya. Mapagalitan ka pa,” saway ni Isay.
Halata sa boses ni Isay na kinakabahan siya at baka marinig ako ni Dueña. Ganoon talaga ang mga tao sa bahay maliban sa pamilya Del Veriel. Istrikta naman kasi si Dueña at paparusahan niya kapag salungat sa kagustuhan niya.
Sasagot na sana ako nang biglang bumukas ng malakas ang pinto at doon ko nasilayan ang pigura ni Dueña Hilda na tila ba’y akala na niya ay kung sino siya. Grand entrance, oo?
Nakaitim pa rin siya ng baro’t saya at dala-dala ang kaniyang patpat. Hindi na talaga nawala ang palaging nakataas na kaniyang kabilang kilay at nababagot at matatalas na mga titig.
“At bakit ika’y hindi pa bumabangon riyan? Ano pa ang hinihintay mo? Bagong taon?” aniya habang naglalakad papalapit sa higaan.
Umirap naman ako at bumaling sa kisame. Ilang segundo ang lumipas pagkatapos kong gawin iyon ay nakaramdam ako ng biglaang hapdi sa aking hita. Napakislot ako at mabilis na napaupo sa kama kasabay ng pagpukol ko ng matatalas na tingin kay Dueña. Hinampas lang naman niya ang hita ko gamit ang kaniyang patpat.
Naman o!
“Ang akala ko ay hindi ka na babangon,” nakaismid na wika niya nang makita akong napaupo sa kama.
“Ano ba kasi ang silbi ng pagbangon ko ng maaga eh hindi naman ako makalalabas dito?” reklamo ko.
“Hindi ko naman sinabing ika’y lalabas. Dito ka pa rin sa iyong silid at makikinig ka sa mga ituturo ko para sa iyong nalalapit na pag-iisang dibdib at katungkulan bilang isang maybahay,” paliwanag niya.
Nang marinig ko ang mga katagang iyon ay literal na lumobo ang ilong ko at nanlaki ang mga mata ko kasabay ng labis na pagkakunot ng aking noo.
“Ano?!” gulantang kong usal at maya-maya ay napalingon sa malayo sabay iling. “Nahh, Huwag na. Hindi naman matutuloy ang kasal kaya sayang lamang ang ituturo mo.”
“At sinong nagsabing hindi matutuloy ang kasalang iyon? Kristina, nangyari ang kasunduang iyon sa harap ng maraming tao, kung kaya naman huwag mong ipahiya ang iyong pamilya sa harap ng buong bayan.”
Luhhhh, parang kasalanan ko pa na mapahiya sila eh sila naman itong pumasok sa kahihiyan.
“Dueña Hilda, hindi ko naman po ginusto na pumasok sa ganitong bagay, sa totoo lang. Kaya bakit ninyo ako pinipilit na gawin ang mga bagay na hindi ko naman gusto? At sa akin niyo pa sinisisi ang kahihiyan na iyan? Ayos lang po ba kayo?”
Pechay! Nakakainis na ito eh. Kakagising ko lang iyan na agad ang ibubungad sa akin. Kagabi iyan na ang problema pati ba naman ngayong umaga iyan ang sasalubong sa akin?
Nagsalubong ang mga kilay niya nang marinig ang mga sinabi ko. Saglit siyang hindi nakapagsalita at napatitig na lang sa akin. Hindi ko rin naman siya masisi dahil baka ang dating Kristina na kilala niya ay hindi sumasagot-sagot. Nasa kapanahunan pa naman ako na ang sasagot ay walang respeto at ang tanging gagawin lang ng mga anak at kababaihan ay sumunod sa mga utos at hindi na iimik pa.
“At ang tabas na ngayon ng dila mo, Kristina. Kanino mo iyan natutunan? Nakakahiya ka at tila ba’y hindi ka tinuruan ng magandang asal,” hindi makapaniwalang wika niya. “Kung ako sa iyo, kikilos na ako at mag-aayos. Dahil kung hindi, hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa iyo,” pagbabanta niya.
Duhh, parang matatakot pa ako. Ihampas ko sa kaniya iyang hawak niya eh.
Napairap ako at ipinagkrus ang mga braso ko sa dibdib. Napansin ko naman si Isay na kanina pa sumisenyas sa akin mula sa likuran ni Dueña kaya tinignan ko siya. Paulit-ulit niyang tinuturo ang palikuran kasabay ng kanina niya pang pag-iling na tila ba sinasabing huwag ko nang patulan pa si Dueña.
Isang malalim na paghinga na lang ang ginawa ko at umalis na mula sa higaan. Kung hindi lang importante iyan sa akin si Isay at hindi lang ako nag-aalala na baka sila ang paparusahan ng dahil sa akin ay hindi ako tatayo. Pechay naman kasi ito eh. Kung bakit pa kasi may kasunduan?
Gagawin ko talaga ang lahat hindi lang matuloy ang inaasam ninyong kasalan.
“Ano ka ba naman, Senyorita? Pinatulan mo pa talaga ang Dueña,” kaagad na wika ni Isay nang makarating kami sa palikuran.
Tumawa na lamang ako ng kaunti saka umiling. “Mas mabuti iyon, para alam niyang kahit anong gawin nila ay wala silang patutunguhan.”
Narinig ko naman ang kaniyang buntong-hininga saka naglakad para ayusin ang paliguan.
“Kung ako rin naman talaga ang nasa posisyon mo, Senyorita, ay gagawin ko rin naman talaga ang makakaya ko para hindi ako matali sa taong hindi ko naman mahal.”
“Mabait at maginoo si Primitivo, ngunit hindi ko kayang saktan siya. Ibibigay ko na lang siya sa iba na alam kong magpapahalaga sa kaniya kaysa sa akin naman na hanggang kaibigan lang ang tingin sa kaniya.”
“Ano ang plano mo ngayon, Senyorita?”
“Hindi ko alam, sa totoo lang,” pag-amin ko. “Pero hindi ko hahayaang manaig ang gusto nila dahil kaligayahan ko ang nakasalalay rito.”
At ang buhay ko rin sa hinaharap.
“Ipinaalam mo na ba sa kaniya na nakakulong ka na sa sarili mong silid?”
Napalingon ako sa kaniya. Si Joaquin ba ang tinutukoy niya?
“Uh..hindi pa. Hindi na, hindi na kailangan. Alam ko naman na makakalabas rin ako kaagad dito. Isa pa, ayaw ko na masali na naman siya sa hindi namin pagkakaintindihan ni Ama. Mas lalong hindi papayag si Ama na itigil ang kasal.”
“Siya, Senyorita. Kung iyan ang nais mo. Sabihan mo lang ako kapag may kailangan ka at handa akong tulungan ka. Nandito lang ako lagi para sa iyo.”
Iniwan na ako ni Isay upang maligo. Habang nagtampisaw sa tubig ay hindi ko maiwasang mapatulala sa kawalan. Sobrang daming pumapasok sa isipan ko na hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa mga susunod na araw. Wala ng kasiguraduhan.
Napaupo na ako sa upuan ng mesang pang-aral ng labag sa loob habang nakatayo naman sa harap ko si Dueña Hilda. Nababagot na tingin ang ipinukol ko sa kaniya na sinuklian naman niya ng matalas na tingin.
“Ang mga tingin ng isang dalaga ay malalamyos at hindi kasing talas ng mga pako. Tila ba’y nakalimutan mo na ang bagay na iyan, Kristina.”
Nilobo ko na lang ang aking ilong at tumingin sa mesa na nasa harap ko. Nakakabagot naman, may paaral-aral pang nalalaman.
Hindi na ako kumibo kaya nagsimula na siyang magsalita. “Higit dalawang buwan na lamang at mag-iisang dibdib na kayo ng Ginoong Primitivo. Kung kaya naman ay nararapat mong malaman ang mga bagay tungkol sa pagiging isang maybahay.”
Pechay naman.
“Ang kasalang ito ay mag-uugnay at mag-iisa sa dalawa sa mga makapangyarihan at maimpluwensyang angkan sa bayan ng San Luisiano. Kung kaya naman, ang kilos at mga gawi mo ang magiging batayan ng mga tao kung anong klase ng pamilya ang mayroon ka at ng pamilyang papasukin mo.”
“Bilang maybahay, nararapat mong unahin ang kapakanan ng iyong asawa at mga anak bago ang sa iyo. Nararapat na puno ka ng pasensya at pagmamahal sa iyong asawa. Kinakailangan na ika’y maging masunurin, mapagkumbaba, tapat sa kaniya sa buong buhay mo.”
“Nararapat na bumangon ka ng maaga upang maghanda para sa panibagong araw na haharapin ng inyong pamilya. Nararapat na maging magiliw ka sa mga panauhin lalo na at magiging abogado ang Ginoo kaya’t tiyak na marami ang dadalaw sa inyong tahanan kung hindi man sa kaniyang tanggapan.”
“Nararapat na maging kaagapay ka niya sa lahat ng bagay, mapatahanan man o sa kaniyang trabaho—Kristina, ikaw ba ay nakikinig?”
Bumuga ako ng hangin. Wala naman akong magagawa eh. Kahit pa hindi ako makinig ay boses niya naman ang pupuno sa tenga ko kaya wala akong mapagpipilian.
“Opo, nakikinig pa naman,” bagot kong tugon.
Bigla naman siyang nagpameywang sa harap ko kaya napakunot ang noo ko dahil doon. Nakatitig na rin siya sa akin ng husto. Hindi ko mawari kung ano ang iniisip niya dahil seryoso lang hindi at hindi mababakasan ng reaksiyon ang kaniyang mukha.
Ano na naman ang problema nito? Napagtanto na ba niyang wala ring silbi ang ginagawa niya?
“Kristina, ano ba ang iyong problema?”
Napaatras ang ulo ko at tinaasan siya ng kilay dahil sa kaniyang tanong. Anong ibig niyang sabihin sa ano ang problema ko? Marami akong problema, alin ang gusto niyang malaman?
“Hindi ka naman ganiyan dati. Oo, batid kong hindi mo nais si Primitivo noong dati pa ngunit hindi naman yata patas na kamuhian mo na lamang siya hanggang sa walang hanggan. Ipinagkasundo na kayo ng inyong mga magulang at ibig sabihin niyon ay nakikita nila kung ano man ang nakabubuti sa inyo—sa iyo.”
“Mabuting tao ang binatang iyon, Kristina. Bakit hindi mo siya bigyan ng pagkakataon na makilala at baka siya ay iyong magustuhan at…mamahalin din sa paglipas ng mga panahon. Kalimutan mo na iyang kasintahan mong si Joaquin. Nakita mo na nga na ika’y ipapakasal na hindi mo pa rin tinapos ang relasyon na iyan. Ano na lamang ang sasabihin ng mga tao sa iyo, Kristina? Sa pamilya mo? Hindi ka ba nag-iisip?”
Napatayo ako. “Eh kayo, hindi rin ba nag-iisip? Inalam niyo ba ang mararamdaman ko kapag ipinakasal ako sa taong hindi ko naman gusto? Alam ninyong may mahal akong iba pero pinilit niyo pa rin at tinuloy ninyo ang kasunduan? Puro na lang kapakanan ninyo ang dapat na isaalang-alang kaysa sa akin. Bahala ng masaktan ako basta kayo hindi? Hindi naman kayo patas diyan.”
Habang sinasambit ko ang mga bagay na iyon ay Naramdaman ko na ang paghapdi ng mga mata ko na tila ba’y tinutusok ng napakaraming mga karayom. Sumikip na rin ang dibdib ko kaya naman kinakalma ko na lang ang sarili ko.
Hindi ka na iiyak, Kristina. Hindi na. Iiyak ka na lang kapag natapos mo na ang misyon mo ng matagumpay.
“Maraming mga bagay akong gustong tanungin at sabihin kay Ama ngunit hindi ko kayang gawin dahil may natitira pa akong respeto sa kaniya at ayaw kong masaktan ko siya at si Ina at sina Kuya dahil sila ang maapektuhan. Pero tama ba iyon? Mas pipiliin ninyo ang sarili ninyong kagustuhan at interes bago ang kapakanan at kaligayahan ng anak niyo? Ha, Ama?!”
Inilabas ko ang lahat ng iyon habang iniisip na narito si Ama sa harap ko o nasa mansiyon man lang at nakikinig sa mga sinasabi ko. Gustuhin ko man na sabihin ang lahat ng iyon sa harap niya ay hindi ko na lang gagawin dahil gaganti siya sa akin gamit sina Kuya.
Naglakad naman si Dueña Hilda papalapit sa akin at wala pang ilang segundo nang maramdaman ko ang kaniyang palad na tumama sa aking pisngi. Malutong ang naging tunog niyon at napalingon pa ako sa labas ng bintana dahil sa lakas. Narinig ko pa ang pagsinghap ni Isay na nakatayo sa kabilang banda ng aking higaan.
Pechay! Sino ang nagbigay sa kaniya ng karapatan na sampalin ako?!
“Gumising ka nga. Nahihibang ka na ba?! Ano na ba ang nangyayari sa iyo? Tinuruan kitang maging tahimik lang sa gilid at sundin ang lahat ng iuutos sa iyo. Hindi ka nararapat na magtanong, sumagot, at usisahin ang mga bagay-bagay. Ang gagawin mo lang ay sumunod, Kristina, sumunod. Sa ayaw at sa gusto mo!”
Tulala akong napalingon pabalik sa kaniya dahil sa gulat sa ginawa niya at hindi makapaniwala sa mga sinasambit niyang mga salita. Ang nais niyo lang ay sumunod ako, sumunod ng sumunod.
“Ngayon, bilang iyong Dueña, inuutusan kita gaya ng pag-utos ng iyong Ama na hiwalayan mo na ang Joaquin na iyon. At wala kang ibang gagawin kung hindi ang hintayin ang araw ng iyon kasal at tatanggapin mo ng buong-buo si Ginoong Primitivo. Alam mo kung ano ang magiging kapalit ng hindi mo pakikinig sa mga utos.”
Matapos niyang sabihin ang mga iyon ay kaagad na siyang naglakad paalis at palabas ng silid. Dali-dali naman na naglakad papalapit sa akin si Isay saka ako inalalayan sa pag-upo.
“Ayos ka lamang ba, Senyorita? Hala naku, tila pa ay mamamaga pa yata ito,” aniya sabay usisa sa kaliwang pisngi kong napuruhan ng sampal.
“Hindi ako makapaniwalang sasaktan ka niya. Ang sama talaga ng ugali ng Dueña na iyon. Nakakainis,” reklamo pa niya.
“Hayaan mo na. Hanggang doon lang naman ang kaya nila. Hindi nila mapipigilan ang pagpigil ko sa kasal.”
“Hay naku,” iling niya. “Ang mabuti pa ay kumain ka muna. Mas nauna ba naman ang sakitan bago ang pagkain. Hindi ko na talaga naiintindihan ang buhay mo, Senyorita.”
“Ako rin,” tamlay kong sagot. “Hindi ko maintindihan kung paano ito nakayanan ni Kristina noong buhay pa siya,” bulong ko.
“Huh?” naguguluhang usal niya.
“Ha? Ah, wa–wala. Sabi ko may tanong ako,” pagtatakip ko.
“Ano iyon, Senyorita?”
“Sino ang may dala sa susi ng kwarto ko? Anong itsura ng pag-ano, alam mo na, pagkulong sa akin? May mga malalaking kadena ba sa labas?”
Natawa naman ng kaunti si Isay saka siya umiling. “Hindi naman, Senyorita. Ngunit may malaking kandado riyan at si Dueña Hilda ay may hawak ng susi. Pero hindi naman siya ang palaging bumubukas niyon.”
“Eh sino?”
“Naalala mo si Leonora?” tanong niya.
“Siya?”
“Oo, siya ang kadalasang bumubukas ng pinto. Hindi natin siya mauuto kapag sinubukan natin siyang bilhin.”
Si Leonora ang taga-silbi rito sa mansiyon na hindi gusto ng halos lahat ng mga taga-silbi. May ugali kasi iyon at laging sumusunod kay Dueña Hilda kaya parang naging alalay niya na ito. Pero kung tutuusin, walang mas uubra pa sa akin. Kung may ugali siya, mas may ugali ako, at mas may ugali pa si Kristina. Kaya talo siya naming dalawa.
“Hindi ko alam kung paano ako tatakas dito. Gagawa ako ng paraan para kahit man lang tanggalin na ang sentensya kong pagkakakulong dito.”
“Sana ay makalabas ka na at maputol na ang kasunduan, Senyorita,” tahimik na wika ni Isay.
Sabay naman kaming napatingin sa gawi ng pinto nang marinig ang mga susi na gumagalaw at tumataginting. Nilingon ko siya ulit na napatingin din sa akin saka ako nagkunot ng noo. Mabilis naman siyang umiling at nagkibit-balikat.
Bumukas naman ang pinto at bumungad sa amin ang tatlo na nakangisi pa. Sina Kuya pala. Kinabahan naman ako doon at akala ko ay kung sino na.
“Martina,” usal ni Kuya Lucio.
Nginitian ko naman silang tatlo. Si Isay naman ay mabilis na tumayo at naglakad papunta sa kabilang banda ng silid. Sa kabilisan ng kilos niya ay hindi inaasahang natapakan niya ang kaniyang palda kaya natisod siya. Mabuti na lamang at nasa harap niya si Kuya Marco kaya mabilis siya nitong nasalo.
Napatawang-baboy naman ako habang malaki ang ngisi na nakatingin sa kanila. Naku naman, may pa-eksenang teleserye pa sila. Yie, kakilig naman.
“Ay hala, naku. Pasensya na po, Senyorito. Hindi ko sinasadya,” aniya pa habang mabilis na napatayo at inayos ang palda.
At ayun, bumalik na naman sa pagiging kabado at praning itong si Isay.
Nginitian naman siya ni Kuya, “Ayos lang. Hindi mo kailangan humingi ng pasensya.”
Nahihiyang ngumiti si Isay at kaagad na napatakbo papunta sa aparador at inayos ang sarili. Napailing na lang ako sa naging asal niya. Hay naku, bagay talaga silang dalawa.
“Ayos ka lamang ba rito? Nalaman namin ang nangyari.” Bumaling si Kuya Lucas sa akin kaya ako tumango.
“Bakit naman kasi nagkita kayo kahapon? Sana sa mga susunod na araw na lang. Alam mo naman si Ama na mapagmatyag iyan,” sabi naman ni Kuya Marco sabay patalbog na umupo sa higaan ko. “Akalain mo iyon, dalawang buwan kang kulong?”
“Mas hindi ako makapaniwala sa kasunduang pagpapakasal,” pag-iiba ni Kuya Lucio. “Paano nangyari iyon? Ang bilis ng pangyayari.”
“Matagal na raw na plano iyon ni Ama at nakita niyang ngayon ang tamang panahon para isakatuparan iyon,” buntong-hininga ko. “Pero gagawa ako ng paraan para hindi iyon matuloy.”
“Kung ganoon, sabihan mo kami kapag kailangan mo ng tulong. Tutulungan ka namin,” nakangiting ani Kuya Lucas.
“Maraming salamat sa inyo. Pero mas nakabubuti na huwag na lang kayong tumulong sa akin. Hindi naman sa ayaw ko ng tulong ninyo pero ayaw ko na masali pa kayo sa hindi namin pagkakaintindihan ni Ama. Gusto ko na mabuti ang relasyon ninyo.”
“Tch, huwag mo nga isipin ang bagay na iyan, Martina. Kapatid ka namin at mahalaga ka sa amin kaya tutulungan ka namin. Hindi maaaring hindi kami masali sa bagay na ito dahil kasali naman talaga kami dahil pamilya tayo.”
“Kuya Lucas…hindi mo kasi ako naiintindihan,” subok kong pagtutol.
“Hindi, Martina. Hindi ka namin pababayaan,” seryosong saad ni Kuya Lucio. “Huwag mo ng isipin ang ibang bagay dahil hindi iyan mahalaga para sa amin. Mas mahalaga ang kasiyahan mo. Kaya hindi mo kami mapipigilan sa pagtulong sa iyo.
Malalim na paghinga ang ginawa ko at napangiwi. Nagmana talaga sila kay Ina. Nginitian ko na lang sila dahil kahit naman anong gagawin kong pagkontra ay alam kong hindi naman sila magpapatalo.
“Oo nga pala, Martina. May panauhin ka,” biglang singit ni Kuya Marco at naglakad papunta sa pinto.
Napakunot naman uli ang noo ko dahil sa sinabi niya. Sino naman ang bibisita sa akin? Si Joaquin kaya?
Nang buksan niya ang pinto at nakita ko ang tao sa labas ay hindi ko mapigilan ang pagtaas ng mga labi ko patungong pagngiti. Nakangiti na siya sa akin ng bahagya at pasimpleng kumaway.
“Agustin!”
Pinapasok naman siya ni Kuya kaya mabilis ko siyang sinalubong at niyakap.
“Magandang araw, Martina,” aniya at naramdaman ko ang pagyakap niya pabalik.
“Hoy, hoy, hoy, bitiw.”
“Oy, ano iyan? Wala kaming sinabing ganiyan.”
“Agustino, bitiwan mo iyang kapatid ko.”
Sabay kaming natawa dahil sa mga naging reaksyon ng tatlo. Kaagad naman siyang bumitiw at hinarap ang tatlo lalo na si Kuya Marco na hinila pa siya papalayo sa akin.
“Paumanhin ang aking kapangahasan. Nag-alala lamang ako ng husto sa kalagayan ng aking kaibigan,” dahilan niya.
“Maaari ka namang mag-alala ng walang yakapan ah?" taas-kilay na saad ni Kuya Lucas.
“Bantayan mo ito, Isay, ha. Sabihan mo kaagad ako kung ano ang ginawa ng dalawang ito,” baling ni Kuya Lucio kay Isay.
Naguguluhan man ay kaagad na tumango at nag-opo si Isay.
“Huh? Hindi ko maintindihan. Aalis na kayo?” paglilinaw ko.
“Oo, pinasama kami ni Ama sa daungan. Kaya sasama kami at habang naroon ay susubukan naming pakiusapan si Ama,” sagot ni Kuya Lucas.
Dahan-dahan naman akong tumango. Matatalas naman na mga tingin ang binigay ng tatlo kay Agustin na ikinangisi niya na lamang.
“Ah, ganoon ba. Sige, mag-iingat kayo ha,” sabi ko.
Hindi naman ako pinansin ng tatlo at sa halip ay tinuro nila gamit ang kanilang dalawang daliri si Agustin na tila sinasabing ‘nakatingin kami sa iyo’ kaya natatawang umiling si Agustin.
“Oo, alam ko iyon,” ngisi niya. “Mga loko talaga iyon,” aniya pa.
Tuluyan ng nakalabas sina kuya kaya nginitian ko siya at bumalik sa mesa. Nilingon ko naman si Isay at doon ko nakita ang sobrang lapad niyang mga ngiti. Nanlobo pa ang kaniyang ilong kaya naman tinaasan ko siya ng kilay. Mas lalo tuloy siyang napangisi dahil sa ginawa ko.
“Napadalaw ka?”
“Ah, kasi…nais ko lamang na alamin ang iyong kalagayan,” aniya. “Ikinulong ka pala rito? Nalaman ko kanina, binanggit ng mga kapatid mo,” paliwanag niya nang makita akong kumunot ang noo.
“Hmm. Umalis kasi ako kahapon at hindi ako nagpaalam kaya ayon, kulong.” Tumawa pa ako ng kaunti saka uminom ng tubig.
Naglakad naman siya papunta sa bintana at doon tumingin sa labas sabay pamulsa ng dalawang kamay. “Hanggang kailan? Isang linggo?”
Natawa ako lalo sa sinabi niya. “Isang linggo. Dalawang buwan, kamo. Hanggang sa dumating ang araw ng kasal.”
Mabilis siyang napalingon sa akin. “Ha? Ikakasal ka na?” hindi makapaniwalang bulalas niya. Bakas sa kaniyang mga mata ang pagkagulat at kung hindi ako nagkakamali ay naroon ang bahid ng kalungkutan.
“Unang araw ng Hunyo ng itinakda nilang araw dahil tila nagmamadali sila,” sagot ko saka inipit ang mga labi ko. “Pero hindi naman ako sang-ayon doon. Sa katunayan ay gagawin ko ang lahat para maputol ang kasunduan.”
“Bakit nila ginagawa ito? Hindi ba nila iniisip ang mararamdaman mo? Tila ba’y napakakalma naman ni Primitivo at hinahayaan ito.”
“Hindi na siya tutol sa bagay na ito dahil…Teka, naikwento ko na ba sa iyo? Na umamin siya sa akin na may nararamdaman siya para sa akin kaya nais niya rin ang kasunduang ito.”
Matapos kong sabihin iyon ay natawa siya paismid. Tila hindi makapaniwala sa narinig. Tumitig naman siya sa akin habang nakangiti ng kaunti.
“Pagmasdan mo nga naman, dahil sa karikitan na taglay mo at sa maganda mong asal maraming ginoo na ang magkaroon ng gusto sa iyo,” wika niya saka bumaling na uli sa labas. Ilang segundo siyang naging tahimik at maya-maya pa ay mga mga salita siyang sinambit ngunit mahina iyon kaya hindi ko na narinig pa.
“Huh?” usal ko matapos niyang kausapin ang sarili. “Lakasan mo naman kasi iyang boses mo, hindi kita marinig.”
“Wala,” mahinang aniya saka bumuntong-hininga. “Anong binabalak mo ngayon? Teniente Mayor pa naman ang iyong Ama kaya sigurado akong buong bayan ay malalaman ang kasalang ito.”
“Hi–hindi ko pa alam,” pag-amin ko. “Ngunit, nakatitiyak akong hindi magaganap ang kasal dahil pipigilan ko iyon anuman ang mangyari.”
Bumaling naman siya sa akin at saka naglakad papunta sa upuan na nasa tabi at umupo doon. Nginitian ko siya kahit bakas sa mukha niya ang kababaan ng damdamin na kaniyang iniinda.
“Tutulungan kita. Sabihan mo kaagad ako dahil walang pag-aatubiling tutulungan kita. Narito ako…bilang ka–kaibigan mo, Martina. Hindi ko hahayaang magdusa ka at lalong-lalo na hindi ko kayang makita kang nasasaktan, umiiyak, at nahihirapan.”
Ang tanging nagawa ko lamang ay titigan siya. Pumipiyok na at nanginginig ang kaniyang boses habang binibitawan ang mga salitang iyon. Ako mismo ay hindi ko maintindihan kung bakit may tila kumikirot sa dibdib ko. At tila pa ang sakit na iyon ay tumagos hanggang sa aking kaluluwa.
Hindi ako tiyak kung bakit parang nawawalan na ng hangin ang aking baga. Habang nakatitig sa kaniya ay iniisip kong dapat ay pinoprotektahan ko ang taong ito ngunit bakit ako pa ang dahilan kung bakit siya nasasaktan.
Hindi siya karapat-dapat na masaktan lalo na mula sa akin. Ako na nga ang nakasakit sa kaniya ako pa itong tinutulungan niya.
Bakit ka ganiyan, Agustin?
“Ag-agustin, huwag mo nang idamay pa ang sarili mo sa kaguluhan na nangyayari sa buhay ko. Ayaw kong mas lalo pa kitang masaktan,” naluluhang wika ko.
Pechay, bakit ako naiiyak?
Ngumiti siya na ikinadurog ng puso ko. “Hayaan mo na ako, Martina. Ito lang ang tanging magagawa ko bukod sa mahalin ka mula sa malayo. Ikakasaya ko na ito.”
Isang luha ang unang pumatak mula sa aking mata. Hindi ko maipaliwanag kung bakit napakasikip ng dibdib ko.
Agustin, hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal mo. Mahalaga ka sa akin bilang isang malapit na kaibigan pero patuloy lang kitang sinasaktan. At hindi iyon gawain ng isang kaibigan. Kung sana lang ay pinigilan na lang kitang magkagusto sa akin, hindi ka pa mahihirapan ngayon.
Dahan-dahan akong tumango at mabilis na pinahiran ang mukha ko saka siya nginitian ng malapad.
“Kung iyan ang nais mo, hindi kita pipigilan. Gusto ko rin na makita kang masaya kaya hahayaan kita kung ikakasaya mo ito.”
Paumanhin, Agustin…
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro