Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 48

|Kabanata 48|

Mayo 19, 1888

Kung bakit pa kailangan ng mga tao na magdusa kapag umiibig? Ang sabi nga nila'y kinakailangan mong magdusa kapag nais mong magmahal. Ika'y masasaktan kapag ika'y nagmahal. Nakaririmarim ngunit iyon ang katotohanan. Ang bawat kasiyahan ay may katumbas na pasakit at pagdurusa.

Martina



Kasama nina kuya Lucio ang kanilang mga kaibigan sa may bintana. Kagagaling ko lang sa kusina para uminim at huminga sandali dahil pagod na ako at ang daming tao na kanina pa nais akong kausapin at kanina ko pa rin iniiwasan.

Hindi na kami nagtagal sa pag-uusap ni Joaquin at baka ay magduda pa si Ama na siya lamang ang kausap ko. Mabuti na lang din at inimbitahan siya nina kuya Marco kasama ang iilang mga ginoo na hindi ko kilala.

Masaya na ang puso kong kahit saglit lamang kaming nagkausap ay nakita ko siya. At hinandugan niya pa ako ng regalo. Masaya rin akong dumating siya ngayong gabi na akala ko ay hindi.

"Huwag ka munang pumanhik. Maya-maya na lamang at pakisamahan mo muna ang mga panauhin," utos ni Ama.

Napalinya naman ang mga labi ko paibaba at dahan-dahan na tumango. "Sige po, Ama."

Nginitian ko na lang siya kahit gustong-gusto ko nang umakyat dahil inaantok na ako. Pero ayos lang. Kung ito ang dahilan kung bakit kami maging malapit ni Ama ay gagawin ko. Unti-unti nang natutupad ang mga hinihiling ko.

Isang tango naman ang iginanti ni Ama saka tumingin na sa paligid kaya nakigaya na rin ako. Nagkasalubong ang mga kilay ko at kaagad na nalukot ang noo ko nang makita sa hindi kalayuan ang papalapit sa amin na si Clara.

Nakatingin pa siya sa akin at walang ka-emo-emosyon ang kaniyang tila palengke niyang mukha. At ano na naman ang gagawin niya? Kung bakit pa kasi pati siya ay inimbita ni Ama rito? Walang modo naman iyan eh. May kakapalan pa ng mukha na magpunta dito matapos akong sugurin dito? Che, madapa ka sana.

"Magandang gabi po, Don Agaton," pagbati ni Clara nang makalapit siya sa aming dalawa ni Ama.

Aish, bakit hindi nadapa?

Sobrang lapad pa ng kaniyang ngiti na parang ang saya-saya niya pa. Hindi ko alam ngunit kumulo ang dugo ko nang makita ang pagmumukha niyang iyon. Ang sarap niya tirisin. Sobra!

"Magandang gabi rin, hija. Sana ay nasiyahan ka sa inihandang pagdiriwang."

Nakangiti naman si Ama sa kaniya na minsan ko lang makitang gawin niya sa akin. Nagkasalubong kaagad ang mga kilay ko nang masilayan iyon. Masaya 'yan, Ama? Masaya?

"Siyang tunay po, Don Agaton. Nasiyahan po ako ng sobra. Babatiin ko na nga rin ng maligayang kaarawan ang Binibini," nakangising aniya at bumaling sa akin. "Maligayang kaarawan ulit, Binibining Martina. Dalawampu ka na at handa ng makipag-isang dibdib."

Tumawa pa siya na ikinangiti ni Ama ng kaunti ngunit magkasalubong naman ang mga kilay na tila ba'y naguguluhan sa naririnig. Nagdugtong nga kaagad ang mga kilay ko at halos lumuwa na ang mga mata ko dahil sa narinig. Pechay! Anong kabobohan ang kaniyang sinasabi?!

"Makipag-isang dibdib?" pag-uulit ni Ama na ikinakabog ng puso ko. "Ikaw rin Clarita, hija, ay handa na ba roon?"

Napabuga ako ng hangin dahil sa tanong ni Ama. Ang akala ko ay uusisahin niya pa. Mabuti na lamang at binalik ni Ama sa kaniya. Goodness talaga! Ito na iyon. Alam kong ito iyon eh. Mapapahamak talaga ako dahil sa bruhang ito. Pechay na! Bakit ka ba nabuhay babae ka?

"Ay, hindi po. Wala pa po akong kasintahan," nakangiti na aniya. "Ngunit, masaya po ako para kay Binibining Kristina at sa kaniyang iniibig. Baka ay anumang mga araw na ito ay mapag-uusapan na nga nila ang pag-iisang dibdib."

Aba'y bruha itong babaeng ito ah! Pechay na nga!

Napataas ang kilay ni Ama dahil sa sinabi niya. "Iniibig, kamo?" pag-uulit niya saka ako nilingon nang nanlilisik na ang mga kaniyang mata.

Namimilog lamang ang mga mata ko na ang nakatingin kay Ama at magkadikit ang mga labi. Gustuhin ko man na magdahilan ay alam kong hindi maniniwala si Ama sa akin. At ayaw ko naman na ipagkaila si Joaquin.

"Opo, Don Agaton. Mayroon pong kasintahan ang inyong unica hija. Bakit? Hindi niyo po ba nabatid? Marahil ay inilihim po niya sa inyo," nakangising laglag niya sa akin habang tinataasan ako ng kilay dahil hindi nakatingin sa kaniya si Ama.

Kung ang tingin pa lang ay nakakamatay ay marahil nakahandusay na ang babaeng iyan sa harap namin ni Ama. Ngunit, sa kabila ng talas ng mga tingin ko sa kaniya ay hindi man lang niya pinansin iyon at patuloy lamang sa paglaglag sa akin nang nakaismid pa.

Sa mga sandaling ito ay nais ko na talagang gamitin ang mga kamay ko at wasakin ang kaniyang pagmumukha. Gusto kong kalbuhin siya. Nais ko siyang sabunutan at tanggalan ng buhok ngunit pinipigilan ko lamang ang aking sarili dahil napakaraming tao at ayaw ko ng eskandalo. Kaarawan na kaarawan ko ay sinisira niya pa ito. Napakawalang hiya!

"Hmm, marahil ay inilihim nga po sa inyo ang tungkol doon," biglang salita na naman niya. "Maiwan ko muna kayo at nang mapag-usapan po ninyo ang tungkol sa bagay na iyon. Tiyak napakarami po ng ikukwento sa iyo si Kristina."

Mas mabilis pa sa kisap-mata ang patalikod at pag-alis niya na tinanaw ko. Kasabay niyon ang pag-isip ko ng isang daan paraan kung paano ko kikitilin ang buhay niya. Pechay!

"Sube las escaleras, Kristina."

Napalingon ako kay Ama nang marinig ang kaniyang malamig at mababang boses na kahit pa napakaingay ng buong mansiyon ay namayani pa iyon sa aking tenga. Hindi ko naman maintindihan ang sinabi niya at tanging nagawa ko lamang ay titigan ang dumidilim niyang mukha.

"Po?" subok kong hanap sa boses ko kahit pa halos hindi na ako makahinga.

"No me dejes repetirlo de nuevo. No te gustara lo que hara continuaci."

Naghatid ng pangangatog ang boses niya sa mga tuhod ko kahit hindi ko naman maintindihan ang sinasabi niya.

Parang nabutas na nga ang mukha ko sa talim ng mga tingin na ibinibigay niya na tila ba'y napakalaking kasalanan ang nagawa ko. Sobrang ang pangit ng pakiramdam ko dahil hindi ko na maintindihan ang ritmo ng pagtibok ng puso ko. Parang ano mang sandali ngayon ay mawawalan na ako ng malay. Parang mamamatay na ako sa labis na kaba.

Bigla naman siyang tumalikod at naglakad papunta sa hagdan paitaas. Naku naman! Anong gagawin ko? Ano ba kasi ang sinabi at hindi ko naman maintindihan?

Sinubukan kong hagilapin si Ina o si kuya Lucio dahil sila lang ang makakatulong sa akin sa sandaling ito pero wala sila. At hindi ko alam kung nasaan sila. Pechay talaga ang babaeng 'yon. Ayos na nga sana dahil medyo maayos na ang pagtrato ni Ama sa akin tapos ito ngayon masisira dahil sa panlalaglag niya sa akin.

"O, Martina? Ayos ka lamang ba riyan? Tila ba'y namumutla ka?"

Agad akong napalingon nang marinig ko ang boses ni kuya Marco. Natagpuan ko siyang nakatayo sa gilid ko at magkarugtong ang mga kilay na nakatingin sa akin.

"Uhh, o-oo. Ayos lamang ako, Kuya," utal kong tugon. "Pero, anong ibig sabihin ng sube las escaleras?"

Kumunot ang noo niya saka nagsalita, "Pumunta ka sa itaas. Bakit?"

Halos lumuwa na ang puso ko dahil sa narinig at idagdag pa ang paglingon ko kay Ama na nakatingin pala sa akin habang nakatayo sa hagdan. Goodness, lupa lamunin mo na ako!

"Itaas? Sa ik-ikatlong palapag, ganoon ba?"

Mabilis naman na tumango si Kuya. "Ano ba kasi ang iyong suliran at tila ba ika'y mawawalan na ng huwisyo?"

"Wala, Kuya. Wala ito," iling ko. "Magdasal ka na lamang na ako'y buhay pa mamaya."

Nakita ko pa kung paano kumunot ng husto ang kaniyang noo at tinignan ako na parang lima na ang aking ulo nang marinig niya ang aking sinabi bago ako tumalikod sa kaniya at dahan-dahan na naglakad papunta kay Ama. Tinawag niya pa ako ngunit hindi ko na siya lumingon.

Kuya, huwag ka nang sumunod at baka madamay ka pa.

Tumuloy naman si Ama sa pag-akyat habang ako ay nanginginig na tila hayop na papunta sa katayan at iihawin na. Handa naman ako na sabihin kay Ama ang tungkol dito ngunit hindi sa ganitong sitwasyon. Kaya nga ayaw kong may makaalam tungkol sa amin ni Joaquin dahil baka sa kanila pa manggaling kapag nalaman ni Ama. Ito na ang ikinakatakot ko.

Hindi ko alam ngunit napakabilis ng pangyayari dahil nasa despacho na ako ni Ama at nakaipit ang mga labi habang nakatingin sa nagngangalit niyang awra. Huminga pa nga siya ng napakalalim bago nagsalita.

"Iniinsulto mo ba ako, Kristina?"

"Pa-paumanhin, Ama. Ngunit balak ko naman na sabihin sa iyo ang tungkol doon. Naghahanap lamang ako ng tamang panahon," kaagad kong paliwanag.

"Tamang panahon?! Kung hindi lamang sinabi sa akin ni Binibining Clara ang tungkol doon ay hindi ko iyon malalaman!"

Napaatras ako dahil sa pagtaas ng boses niya. Umalingaw-ngaw pa iyon sa buong silid na nakasarado.

"At sino ang tarantadong iyon?!"

Nagdadalawang-isip ako kung sasabihin ko sa kaniya ang totoo. At kung sasabihin ko man ay kung ano ang mangyayari kay Joaquin. Alam kong magkaibigan si Ama at si Don Carlos pero alam kong may gagawin siya kay Joaquin.

"Sino?!" singhal niya na ikinakislot ko.

"Si Joaquin po, Am-ama," pilit kong salita at sinalubong ang mga tingin niya na pinagsisihan ko rin.

Umaapoy na ang kaniyang mga tingin sa akin. Napataas ang kilay niya nang marinig ang pangalan ni Joaquin.

"Joaquin?" aniya na tila sinisigurado ang narinig. "Joaquin Varteliego. Ang anak ni Carlos?"

Mabilis pa sa alas kwatro ang pagtango ko matapos marinig ang tanong niya. Diniinan ko na rin ang pagpikit ko dahil narinig ko ang pagbuga niya ng hangin.

"Kasintahan mo siya?" tanong niya na ikinatingin ko sa kaniya dahil kumalma ang boses niya na tila bata ang kausap niya.

"Op-opo, Ama."

Hindi ako kumurap at hindi ako nagbawi ng tingin. Mabuting malaman na ni Ama ang totoo nang sa gayon ay matapos na at mapuputol ang kasunduang pagpapakasal ko kay kuya Luis.

Ganoon na lang ay biglang bumalik na naman ang talas na mga tingin na ibinibigay niya sa akin kasabay ng pagpameywang at pag-untog ng kaniyang tungkod sa sahig.

"Papupuntahin ko siya rito at kayo ay maghihiwalay. Ahora mismo!"

Tila bomba ang kaniyang boses na sumabog sa buong silid at kasabay niyon ang mabibigat niyang yabag papunta sa pinto. Gusto kong tumakbo at habulin siya pero hindi magawang gumalaw ng mga paa ko. Nakatitig lang ako sa kaniya at pinipigilan ang mga luhang nagkumpulan na sa mga mata ko.

Kaarawan ko sa katauhang ito ngunit hindi ko aakalaing masisira lamang ito ng ganoon kadali.

Mariin kong ikinuyom ang mga kamao ko at pinilit ang sarili kong makalapit kay Ama. Kaagad akong tumakbo habang nanlalabo ang mga mata ko dahil sa luhang tumutulo na mula rito.

"Ama! Huwag, pakiusap, huwag," hikbi ko at mabilis na lumuhod at hinawakan ang kaniyang babang pantalon. Tumigil naman siya at bahagya akong itinakwil gamit ang kaniyang paa ngunit hindi ko siya binitawan.

"Ama, maawa po kayo. Huwag po. Mahal ko po si Joaquin!"

Umaagos na ang mga luha ko ngunit pinilit ko pa rin na tingalain siya at salubungin ang kaniyang mga tingin. Kunot na kunot ang kaniyang noo at pinansingkitan niya ako ng mga mata. Marahas niya ring binawi ang kaniyang binti at umatras. Napaupo na lang ako sa sahig habang tumutulo ang mga luha ko at pinipigilan ang bilis ng tibok ng puso ko.

"Mahal?! Naririnig mo ba ang iyong sarili?"

Hindi ko na alam kung maaayos pa ba ang pandinig ko dahil sa kakabulyaw niya sa akin pero wala akong pakialam.

Marahas niyang binawi ang kaniyang binti nang subukan kong hawakan uli saka siya naglakad papunta sa kaniyang mesa. Naiwan naman akong nakaupo at bahagyang nakadapa sa sahig habang hinayaang umagos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.

"Mahal?!" ulit niya pa. "Ikaw ba ay nagpapatawa? Kailan lamang kayo nagkausap at ngayon ay iyo nang sasabihin na mahal mo siya? Napakamapusok ng inyong mga damdamin!"

Isang katok naman ang naging dahilan ng lihim kong pasasalamat ngunit ganoon din ang kaba ko dahil baka kung sino pa iyan ang baka madamay pa siya.

Ni walang isang segundo ay narinig kong bumukas ang pinto at mabilis na naglakad papasok ang tao.

"Mahal? Kristina? Anong nangyayari rito?"

Kaagad akong napalingon nang marinig ang boses ni Ina. Napahagulgol na ako habang nakatitig sa kaniya. Magkasalubong ang kaniyang mga kilay habang nakatingin sa akin.

"Anak, bakit ka nariyan sa sahig? Bakit ka tumatangis?" sunod-sunod ang kaniyang tanong at mabilis akong nilapitan. Pinahid niya pa ang mga luha ko at tinignan pa ako sa kabuuan. Dahil sa ginawa niya ay mas lalo pa akong napaiyak.

"Tumahan ka na, anak. Halika, tumayo ka."

Kaagad akong tumayo saka mabilis na niyakap si Ina at doon na sa kaniya umiyak. Naramdaman ko ang paghaplos niya sa likuran ko. Narinig ko naman ang pagbuntong-hininga ni Ama habang nakatingin sa amin. Sa akin.

"Mahal ko, anong nangyayari rito?" baling ni Ina sa kaniya. "Mayroon ba kayong hindi pagkakaintindihan? Hindi naman kayo nagkakasakitan dito, hindi ba?"

Tumalikod si Ama at naglakad ng ilang hakbang bago niya inuntog nang kaniyang tungkod sa sahig. Dahil sa ginawa niya ay napayakap ako kay Ina ng husto. Ayokong magalit sa akin si Ama. Ayaw kong bumalik na naman sa dati na may galit na namamagitan sa kanilang dalawa ng anak niya.

"Alam mo ba ang tungkol doon, Florentina?" balik na tanong ni Ama kay Ina.

Nanlalabo ang mga mata kong tumingin kay Ama dahil sa narinig. Unang beses kong narinig na tinawag niya si Ina sa kaniyang pangalan. Natatakot ako sa itsura niya na tila ba'y kakain na siya ng tao at para bang umaapoy pa ang kaniyang mga mata. Ganoon din ang mga ugat sa kaniyang sintido na halos puputok na.

"Ang alin? Hindi ko mawari ang iyong tinutukoy." naguguluhang usisa ni Ina kaya bumitaw ako sa yakap at tinignan siya.

"Iyang anak mo mayroon ng kasintahan. Si Joaquin, ang lalaking narito mismo sa ating tahanan! Mga napakamapusok at mga walang galang!"

Nagdugtong ang mga kilay ni Ina dahil sa narinig at nilingon niya ako sabay pisil ng kaunti sa aking mga braso. Huminga naman siya ng malalim at nilapitan si Ama na naglakad papunta sa pinto ng kaniyang balkonahe.

"Mahal ko, ika'y huminahon. Kailan ko lang nalaman ang bagay na iyon at nais ko mang sabihin sa iyo ay hinayaan ko na lamang na si Kristina ang magsabi sa iyo dahil hindi ko posisyon iyon."

Naiwan akong nakatingin sa kanila habang tumutulo ang mga luha ko. Naroon si Ama na sobrang galit at nasa tabi naman niya si Ina na kinakalma siya.

"Florentina, nararapat na sinabi mo iyon sa akin. Kung hindi lamang sinabi ng anak ni Juan ang tungkol doon ay marahil hindi ko malalaman!"

"Maghunos-dili ka nga," saway ni Ina. "Wala ka namang dapat na ipangamba na si Joaquin ang kasintahan ng iyong anak. Mabait siya, maginoo at magalang. Isa pa ay malapit sa ating pamilya ang mga Varteliego kaya wala akong nakikitang dahilan na magiging tutol tayo roon."

"Magalang? Oo, magalang nga. Ngunit ano itong walang kahihiyan nilang ginawa na tumutuloy pa sa aking tahanan, humaharap pa sa aking pagmumukha ngunit hindi man lang maamin ang namamagitan sa kanilang dalawa?!"

"Kasi nga, mahal ko, sila'y naghahanap lamang ng pagkakataon upang aminin sa iyon ang tungkol doon. Kaya tama na, kumalma ka na at mag-aayos tayo rito."

Kinagat ko na lamang ang mga labi ko upang pigilan pa ang paghagulgol ko dahil sa mga binibitawang salita ni Ina. Lagi niyang akong pinagtatanggol, inaalagaan, minamahal ng napakatunay. Saan ba ako makakakuha ng ganitong Ina?

Sumenyas naman siya na lumapit ako kaya pinahid ko ang mga luha ko at naglakad papalapit sa kanila.

"Hindi. Hindi ako papayag na magkaroon silang dalawa ng relasyon. Puputulin nila ang kanilang relasyon simula sa gabing ito," matigas na sabi ni Ama kaya napatigil ako sa may lamesita at napatitig sa kaniya.

Natigilan naman si Ina at lumingon sa kaniya. Bumaling naman si Ina sa akin kaya binigyan ko siya ng nagmamakaawang tingin. Sige na, Ina, kahit panghuli na. Tulungan mo ako. Ayaw kong masaktan si Joaquin ng dahil sa akin.

"Nararapat na maghanap si Joaquin ng babaeng karapat-dapat para sa kaniya. Hindi sila maaaring magkaroon ng relasyon."

Napakurap si Ina ng ilang beses at nagpamaywang. "Karapat-dapat? Hindi ba karapat-dapat ang ating anak para kay Joaquin? Ganoon ba kababa ang tingin mo kay Kristina? Pakiusap, mahal, huwag mo na silang tutulan."

Hinawakan niya si Ama sa braso nito saka tinanguan na tila ba'y naghihintay ng pag-sang-ayon. Mabilis naman akong lumapit sa kanila at lumuhod sa may tabi ni Ama. Pinaghawak ko ang mga nanginginig kong kamay at kasabay niyon ang pagbaha na naman ng mga luha sa aking mga mata.

"Pakiusap, Ama. Ito lamang ang hi..hihilingin ko pa-para sa sarili ko. Sana ay pagbigyan mo po ak-ako," utal-utal kong wika kasabay ng pagsikip ng dibdib ko.

Napahagulgol na ako at yumakap sa binti ni Ama. Kahit pa nanginginig ang mga kamay ko't mga tuhod hindi ko na inalintana iyon. Ang mahalaga ay maisalba ko ang relasyon namin ni Joaquin at ni Ama. Ayaw kong silang dalawa ang mawala sa akin.

Muling binawi ni Ama ang kaniyang binti mula sa pagkahawak ko at umatras. Napaangat ang tingin ko sa kaniya. Nang masilayan ko ang kaniyang mga mata ay nabatid kong hindi na iyon ang Ama na naging mabait sa akin.

Sobrang talas ng tingin niya sa akin na halos kakainin na niya ako ng buhay. Mas malala pa ito kay Lolo Alejandro. Sobra.

Nagdugtong ang kaniyang mga kilay at dumilim ang kaniyang mga mata. Nang magsalita siya ay naramdaman ko ang kaniyang galit dahil sobrang lalim at tigas nito na bawat salita ay tila minamartilyo sa ulo ko.

"Maghihiwalay kayong dalawa sa ayaw at sa gusto mo! Ako ang masusunod, Kristina."

Matapos niyang sabihin ang mga katagang iyon ay mabilis siyang nagmartsa papunta sa pinto palabas. Narinig ko pa ang paghinga ni Ina ng malalim at mabilis na sumunod kay Ama palabas.

"Anak, doon sa iyon silid," utos niya pa sa akin bago tuluyang makalabas ng despacho. "Mahal ko! Sandali lamang!"

Tuluyan nang nanghina ang mga tuhod ko at napasalampak na ako sa sahig. Hindi ko na napigilan ang mga luha kong umagos mula sa aking mga mata at napahagulgol na uli ako. Galit na galit ako sa sarili ko pero mas galit ako kay Clara na sumira ng mga plano ko at sumira sa isa sanang masayang araw ng buhay ko at sa buhay ni Kristina.

Ginawa ko lamang ang paglihim na iyon dahil ayaw kong biglain si Ama at masira ang relasyon na unti-unti ko ng binabalik sa ayos. Wala na. Wala na ang lahat.

Nanlalabo man ang mga mata ko at kahit na wala na akong lakas ay pinilit kong tumayo. Kumabog pa ang dibdib ko nang sa isang iglao ay natahimik ang ikalawang palapag. Sabay-sabay na nahinto ang pagtugtog at nawalaa ang mga pag-uusap ng mga tao.

Sumisikip na ang dibdib ko kakaiyak habang walang lakas na naglakad papunta sa aking silid. Tanging hiling ko lang sana ay hindi masasaktan ni Ama si Joaquin o masira ang ugnayan ng pamilyang ito sa kanila.

Naisalampak ko ang aking sarili sa higaan nang marating ko ang aking silid. Hindi ko na maintindihan kung anong nangyayari sa puso ko. Gustuhin ko man na pigilan ang sarili ko at huminto na sa pag-iyak ay hindi ko mabatid kung bakit ayaw tumigil na magsitulo ng mga luha ko.

Natatarantang katok ang narinig ko mula sa labas kaya agad kong napahid ang aking mukha at tinanaw ang pinto habang nakahiga. Wala ni isang segundk ay bumukas iyon at mabilis na pumasok si Isay. Bakas pa sa kaniyang mukha ang gulat at pagtataka nang makalapit siya sa akin.

"Senyorita? Ano po ang nangyayari?"

Napaupo ako at hinila siya para umupo sa harap ko. Mas lalo pang nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang itsura kong basa ang mukha.

"Senyorita?"

"Isay? Anong nangyari sa baba? Bakit parang ang tahimik na?" sunod-sunod kong tanong.

"Hindi ko maintindihan, Senyorita. Bigla na lamang ipinahinto ng Don ang pagdiriwang. Nakita ko sila ng Donya na magkasunod na bumaba mula rito at saka pa ay sinabi ng Don na nagtatapos na ang pagdiriwang. Hindi ko tiyak ngunit bakas sa kaniyang mukha ang kaniyang galit," paliwanag niya.

"Sa pag-akyat ko ay may mga panauhin na rin na nagpaalam. Hindi naman nila yata nabatid ang pag-iiba ng ugali ng Don. Inaasikaso sila ngayon ng Dueña at ni Inang."

Nagpahid ako ng mukha at hinawakan ang magkabilang mga braso niya. "Sina Joaquin? Umuwi na ba sila?"

Napahinto siya at tila nag-iisip. "Hindi pa sila umaalis nang makarating ako rito. Ngunit marahil ay umalis na sila sa mga sandaling ito."

Hindi ko pa man natatapos na marinig ang kaniyang tugon ay mabilis akong tumayo mula sa kama at nagpunta sa tukador. Kaagad akong kumuha ng papel at pluma at nagsulat.

"Senyorita? Maaari ko bang malaman kung ano ang nangyayari? Tumatangis kayo at biglang nahinto ang inyong pagdiriwang. Mayroon po bang masamang nangyari?"

Kasabay ng pagtatapos ni Isay na magtanong ay hinarap ko siya. Inabot ko sa kaniya ang papel habang mahigpit ang pagkakawak ko roon.

"Isay, alam na ni Ama ang tungkol sa relasyon namin ni Joaquin. Kaya nakikiusap ako sa iyong ibigay mo ito kay Joaquin. Kailangan niyang malaman ang nangyari at mabasa ang sulat na ito sa lalong madaling panahon."

Habang pinapaliwanag ko kay Isay ang nangyari ay ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata. Mabilis naman siyang tumango at isinuksok sa bulsa ang sulat.

"Makakarating ito kay Ginoong Joaquin, Senyorita."

Kaagad na siyang lumabas ng silid at naiwan akong nakatulala sa hangin at naglakad papunta sa may bintana. Tama nga si Isay dahil marami na ang naglakad palabas ng mansiyon at nagsisakay sa kanilang mga karwahe.

Sana ay maabutan pa ni Isay si Joaquin at maibigay ang sulat na iyon. Sana lang.

Katok sa pinto ang nagpalingon sa akin sa gawing iyon. Si Isay na ba iyan? Ang bilis naman niyang nakabalik. Naibigay niya kaya kay Joaquin?

Nagmadali akong lumapit doon at binuksan ang pinto. Inisip kong si Isay iyon at bumalik na ngunit nagkamali ako. Kung nadurog man ang puso ko kanina ay mas lalo pa iyong nadurog nang makita ko ang mga mukha nina Kuya bakas ang pag-aalala.

"Martina? Ayos ka lamang ba? Maaari ba kaming pumasok?" Magkarugtong ang mga kilay ni kuya Lucio at nakakunot rin ang kaniyang noo.

Binigyan ko sila ng ngiti at binuksan ng malaki ang pinto para papasukin sila.

"Ayos lamang ako, mga Kuya," tugon ko matapos sarhan ang pinto nang makapasok silang tatlo. "Bakit kayong tatlo nagpunta rito? Anong nangyari sa baba?"

Pilit kong kinukubli nang mga malulungkot na mga mga mata na nakatingin sa kanila. Ayaw kong malaman nilang uniyak ako o nangyari iyon sa despacho ni Ama dahil alam kong mag-aalala lang sila.

"Sabihin mo sa amin ang katotohanan, Martina. Batid naming mayroong nangyari dahil sa biglaang pagpapauwi ni Ama sa mga panauhin," wika ni kuya Marco.

Ilang segundo pa akong napatitig sa kanila bago bumuga ng hangin. Nakalaylay ang balikat ko naglakad papunta sa higaan at mabigat na umupo sa gilid nito. Sumunod naman ang tatlo na hindi pa rin nawawala ang kunit sa mga noo.

"Eh kasi..na-nalaman na ni Ama ang tungkol sa relasyon namin...ni Joaquin," buntong-hininga ko.

Narinig ko ang pagpitik ng dila ni kuya Lucio saka sila nagkatinginan ni kuya Lucas at umiling. "Sabi ko na nga ba."

"Ikaw ba ang nagsabi sa kaniya? Bakit tila ay malapit na siyang sumabog? Hindi ko akalaing magagalit ng ganiyan si Ama," ani kuya Lucas.

Napailing ako ng wala sa sarili. "Hindi ako ang nagsabi. Si Clara. Nilaglag niya ako kay Ama at naunahan niya akong sabihin iyon. Kaya pinapunta ako ni Ama sa despacho niya at wala na akong nagawa kung hindi ang umamin. At ngayon, nais ni Ama na putulin namin ang aming ugnayan ni Joaquin."

"Kuya, hindi naman niya sasaktan si Joaquin, hindi ba?" mabilis kong lingon ni kuya Lucio na naglakad papunta sa bintana. "Wala namang masisira na relasyon dahil sa akin, hindi ba?"

"Hindi naman siguro," tugon ni kuya Lucio. "Sisiguraduhin ko iyon. Kaya huwag kang mag-alala kay Joaquin. Malapit na magkaibigan sina Ama at Don Carlos kaya matatanggap niya ito."

"Tama ka, Kuya. Pero ang ipinagtataka ko lamang ay kung bakit ganoon na lamang ang galit ni Ama kanina. Ang aking akala'y kapag nangyaring malaman niya ang katotohanan ay matutuwa pa siya dahil anak ng kaniyang kaibigan si Joaquin. Ngunit kabaliktaran ang nangyari at pinauwi niya pa ang mga panauhin," paglahad ni kuya Marco mula sa pagkakaupo sa may tukador.

"Marahil ay nagulat lamang siya. Alam naman ninyong hindi maayos ang pag-akyat ng ligaw ni Joaquin kay Martina," salungat ni kuya Lucas. "Kung ako ang nasa kaniyang katayuan ay hindi rin ako magiging pabor lalo na't nag-iisang babae si Martina. Isa pa, hindi naman si Don Carlos ang pinag-uusapan kung hindi si Joaquin."

Hindi ko na tuloy alam kung ano ang mararamdaman ko dahil sa mga pinagsasabi nila. Gusto kong lumagay sa kapanatagan pero tila mas lalo pa yata nilang pinapalala ang lahat.

"Ngunit huwag kang mabahala, Martina. Marahil ay sasabihin ni Ama ang tungkol dito kay Don Carlos kaya magkakaroon sila ng pag-uusap. Maaayos rin ito," wika ni kuya Lucio saka lumapit sa akin at umupo sa harap ko. "Kung kayo man ni Joaquin sa huli, kahit anong paghadlang ang darating sa inyo, mananaig iyon."

Niyakap niya ako kaya niyakap ko na rin siya ng mahigpit. Dahil doon ay naiyak na naman ako. Sobrang pinagaan ni kuya ang pakiramdam ko. Nang dahil sa presensya nilang tatlo ay kahit papaano napanatag ako dahil alam kong may karamay ako.

"Huwag ka ng lumuha, Martina," alo ni kuya Lucas na hinahaplos ang buhok ko. "Narito lamang kami para sa iyo."

"Maginoo at may prinsipyo si Joaquin. Nakakasiguro rin ako na matapang niyang haharapin si Ama. Iyan ay kung tunay ka nga niyang iniibig." Magkakrus ang mga braso ni kuya Marco sa kaniyang dibdib nang nakasandal siya sa may poste ng higaan ko.

Hindi na ako umimik at tinanguan ko lang si kuya Marco na nakatingin sa akin. Oo, Kuya. Batid kong mahal naman ako ni Joaquin.

"Kung ganoon ay magpahinga ka na," bitaw ni Kuya sa yakap. "Malalim na ang gabi at nararapat na ikaw ay magpahinga na. Huwag ka nang mabahala at kakausapin namin si Ama sa abot ng aming makakaya. Magiging maayos ang lahat."

Tumayo na si Kuya at tinapik naman ni kuya Lucas ang braso ko saka siya ngumiti. Gustuhin ko man na magpahinga ay alam kong hindi ko magagawa iyon dahil sa nangyari.

"Maraming salamat sa inyo, mga Kuya. Sobra." Pinahid ko ang luhang tumutulo mula sa nga mata ko matapos ko iyong sabihin.

Lahat sila ay nakangiti sa akin at sabay na tumango. Hindi rin nagtagal ay naglakad na sila palabas ng pinto. Ganoon din naman ang pagdating ni Isay na halatang nagmamadali. Nabati niya pa sina Kuya bago sarhan ang pinto at lumapit sa akin.

Iniwaksi ko ang kumot at hinila soya papalapit. "Oh, kumusta? Naabutan mo ba siya? Naiabot mo ba sa kaniya?"

Mabilis ang naging pagtango ni Isay saka umupo sa harap ko. "Oo, Senyorita. Naabutan ko pa siya bago siya makasakay sa kanilang karwahe. Nagtaka nga siya kung bakit kayo ay bigla na lang nawala kaya sinabi ko na lamang na mayroon kayong sulat para sa kaniya."

Napangiti ako at nayakap ko si Isay. "Maraming salamat! Salamat talaga, Isay."

"Walang anuman, Senyorita. Huwag na kayong mag-alala dahil maaayos rin ito. Marahil ay nagulat lamang talaga ang Don Agaton nang malaman niya ang tungkol sa inyo."

Bumitaw naman ako saka ngumuso, "Isay, hindi ko alam. Kasi kung nagulat siya ay hindi na aabot pa sa ganoong puntong galit at hindi niya sasabihing tapusin na namin ang ugnayan namin ni Joaquin."

Nakatitiyak akong mayroon itong kinalaman sa pagkasundo niyang papapakasal sa akin. Hindi ganoon ang galit ng isang taong nagulat. Totoo nga talaga ang hinala kong si kuya Luis, ang kapatid ng kasintahan ko, ang ipapakasal sa akin.

"Hindi ko tiyak, Senyorita. Iniisip kong sapagkat nag-iisa kang babae at bunso pa ay ganoon talaga ang kaniyang mararamdaman. At saka unang kasintahan mo naman kasi ang Senyorito Joaquin."

Bumuntong-hininga ako at dahan-dahan na tumango. "Sana ganoon nga, Isay."

"Kristina, anak?"

Sabay kaming napalingon ni Isay nang kumatok at magsalita si Ina sa labas ng pinto. Kaagad akong napabalikwas at tumakbo papunta sa pinto kasunod si Isay. Binuksan ko iyon at bumungad ang matatamlay na mga mata ni Ina.

"Ano po ang nangyari, Ina? Ayos lamang po ba kayo?"

Pumasok siya at hinawakan ako sa magkabilang braso. "Ayos lamang ako, anak," ngumiti siya. "Nakauwi na ang lahat ng mga panauhin. Nasa baba ang iyong Ama at pinapahinahon ko siya. Kausap niya ang iyong mga kapatid pag-akyat ko rito. Huwag ka ng malungkot, anak, kakausapin ko rin ang iyong Ama."

Niyakap ko siya ng mahigpit, "Maraming salamat po, Ina. Sana ay hindi na po siya magalit sa akin. Ayaw ko na pong magkagalit kaming dalawa."

"Shhh, hindi mangyayari iyan," pagpapatahan ni Ina sa akin. "Kaya huwag ka nang mabahala. Magpahinga ka na lamang at pupuntahan ko sila sa baba."

"Nais ko pong kausapin si Ama, Ina," pagbitaw ko sa yakap.

Kaagad naman siyang umiling, "Hindi, anak. Mas lalong magagalit iyon. Kailangan na huminahon muna siya't humupa ang kaniyang galit bago kayo mag-usap at baka ay hindi maganda ang maidudulot niyon."

Naging malalim ang paghinga ko at napatango na lang ako. "Sige po, Ina. Maraming salamat po."

Ngumiti siya saka hinaplos ang pisngi ko. "Sige na. Magbihis ka na at matulog. Magiging maayos ang lahat."

Umalis na si Ina kaya mabigat ang puso ko na nagpunta sa bihisan. Nagpalit na ako ng pantulog saka bumalik sa silid at nadatnan si Isay na inaayos ang higaan.

"Huwag ka ng malungkot, Senyorita. Marahil ay bukas magiging maganda na ang lahat."

Nginitian ko na lang si Isay saka humiga na. Nagpaalam na rin siya at lumabas na ng silid. Kahit anong gawin kong pagpikit ay hindi ko magawang makatulog.

Hindi ko akalaing magtatapos ang araw na ito ng malungkot at masalimuot. Kaarawan pa naman ni Kristina ngayon at ninais kong maging masaya siya sa araw na ito. Kung bakit pa naman kasi napunta ang babaeng mukhang palengke na iyon dito? Siya ang sumira sa masaya sanang araw ko.

Pero, may tiwala naman akong matatanggap din iyon ni Ama dahil magkaibigan naman sila ni Don Carlos. At sa oras na maging pabor na siya roon ay ipapaputol na niya ang kasunduang pagpapakasal dahil sa isang Varteliego rin naman mapupunta ang kaniyang anak. Ang magiging problema ko na lamang ay ang hanapin kung sino ang dahilan ng pagkamatay ni Kristina.

Sana naman bukas ay magiging maayos na ang lahat.



Nagising ako ay natapos na silang mag-agahan. Pinahayaan na lang ako ni Ina na matulog muna dahil daw ay baka napagod ako sa mga nangyari kagabi. Dinalhan na lang ako ni Isay ng pagkain sa kwarto at doon ko na lang inubos iyon.

Nagmadali rin ako sa pagkain dahil aalis pa ako. Ang sabi ni Isay ay nagpunta na si Ama sa bayan. Sina Ina ay hinatid na muna sina Tiya at Tiyo sa daungan dahil nagmamadali silang umuwi. Sinabi pa ni Tiya sa kanila na sayang daw at hindi na sila nakapagpaalam sa akin pero nangako naman sila na babalik din sila uli.

Ang tatlo naman ay narito pa sa mansiyon at may mga ginagawa. Tinanong ko rin si Isay kung ano ang nangyari sa kainan kanina. Kung napag-usapan ba nila ang tungkol kagabi. Pero ang sabi niya ay naging tahimik ang pagkain nila kanina at tila raw nagmamadali si Ama. Nabanggit niya pa na tila malungkot si Ina. Sina Tiya naman ay tila wala pang alam dahil pawang masasaya ang mukha.

Sana naman ay hindi na lang malaman nina Tiya ang nangyari dahil ayaw kong malungkot sila. Masaya na siya kasama si Tiyo kaya ayaw ko na gambalain pa sila sa mga problema ko.

"Isay, kapag may maghanap sa akin ha sabihin mong iniwan mo lamang ako sa silid ko. At kapag nalaman nila ang nangyari ay huwag na huwag kang magsasalita. Inosente ka rito. Naiintindihan mo ba?"

Kasalukuyan kong inaayos ang palda ko habang kausap si Isay na nagliligpit sa higaan.

"Si-sige, Senyorita," may pag-aalangang usal niya. "Pero tiyak akong kayo ay kagagalitan ng Dueña Hilda kapag kaniya itong malalaman. Batid naman ninyo na papasok talaga iyon dito."

"Basta, hindi 'yan. Kailangan lang na hindi ka niya maabutan kapag nagpunta siya rito. Kaya sige na, bilisan mo na riyan. Naghihintay na rin siguro sa akin si Joaquin."

Inayos ko naman ang nakatali kong buhok habang nakaharap sa salamin. Nakita ko naman na humarap siya sa akin at nagpameywang.

"Bakit naman kasi kayo pupunta roon, Senyorita. Hindi mo na lang ba siya susulatan?"

"Isay, sinabi ko na sa sulat na mahalagang magkita kami para malaman niya ang nangyari," paliwanag ko. "Kaya halika na. Umalis na tayo."

Napangiwi naman siya saka dahan-dahan na tumango at nagsimula nang maglakad papunta sa pinto. Sinukbit ko na ang bolso de cabestrillo ko at dinala ko na rin ang abaniko bago sumunod kay Isay palabas.

"Halika na, Senyorita. Baka dumating pa si Dueña Hilda," bulong na aniya saka dahan-dahan na naglakad papunta sa hagdan.

Tahimik ang buong palapag at walang taong palakad-lakad dito. Kaagad na lang akong sumunod sa kaniya at bumaba na kami ng hagdan. Tumigil naman siya sa may paanan nito at inilibot ang paningin sa buong palapag saka niya ako tinanguan.

"Isay?"

Kagyat na nanlaki ang mga mata namin nang marinig ang pagtawag ni Lola Illuminada. Sinilip naman niya ang banda sa kainan at mabilis na lumingon sa akin. Sumenyas siyang walang parating kaya mabilis akong bumaba papunta sa kaniyang likuran.

"Isay!"

Napasapo na lang ako sa mukha ko nang marinig uli ang pagtawag.

"Senyorita, mag-iingat kayo. Bumalik kayo kaagad at baka mahuli ka ng Dueña," bulong niya.

Mabilis akong tumango. Narinig na naman namin ang pagtawag ni Lola Illuminada kaya napatakbo na si Isay.

"Isay! Nasaan ka ba at-"

"Opo, Inang! Andito na po ako. Pasensya na naglilinis ako sa azotea!"

Pumasok na siya sa kusina at hindi ko na narinig pa ang usapan nilang dalawa. Muli ko nalang na sinulyapan ang buong paligid bago kumaripas ng takbo pababa at palabas ng mansiyon.

Tinakbo ko na ang tarangkahan papunta sa kagubatan na nasa likuran ng mansiyon. Mabuti na lamang at kaunti lang ang mga tauhan na nasa imbakan at hindi rin nila ako napansin.

At dahil matagal-tagal na rin akong hindi nakabalik uli ay may kakaunting nagbago sa kagubatan. Matataas at marami-rami na ang mga talahib at mga damo pari na rin ang mga patay na dahon na nakabalandra sa daanan. Ngunit ganoon pa rin ang pagiging tahimik ng paligid. Marahil nga talaga ay walang nakakaalam tungkol sa daanang ito.

Wala pang Joaquin na aking nakita nang makarating ako sa may talon. Alas nuwebe pa lang naman at iyon din ang oras na inilagay ko sa sulat. Sana naman ay dumating siya.

Kailangan ko siyang makausap tungkol sa nangyari kagabi para kung sakaling magpunta man si Ama sa kanila ay hindi na siya magugulat. Dahil baka nga ay kinausap na ngayon ni Ama si Don Carlos sa kanilang tanggapan.

Baka naman kasi tama ang hinala ko na sasaktan ni Ama si Joaquin. Pero ang pinaka-importante ay hindi ako papayag na sundin ang kahilingan ni Ama na magkahiwalay kami ni Joaquin. Naalala ko rin sa sulat ni Kristina na hindi na siya muling susunod pa sa anumang utos ng kaniyang Ama kaya gagawin ko iyon.


"Binibining Martina?"






Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro