Kabanata 43
|Kabanata 43|
Mayo 1, 1888
Natutunan kong kung hindi man ipapaglalaban ang mga ninanais, hangarin, at pangarap ay huwag iyakan ang mga pagkakataong nasayang at mga bagay na sana ay makakamit ngunit pinakawalan.
— Martina
"Ina, saan po kayo pupunta?"
Nakataas ng bahagya ang mga kilay ko nang makita si Ina sa kainan kasama ang iilang mga tagasilbi. May basket pa na nakapatong sa ibabaw ng mesa na kakatakip lang ni Lola Iluminada.
"Kina Victorina. Ibibigay ko itong pagkaing niluto ko."
Nagliwanag ang mukha ko at lumapad ang ngiti ko nang marinig ko iyon. "Talaga, Ina? Kung ganoon, maaari ba akong sumama?"
"Oo naman, walang problema iyon. Matutuwa si Victorina na ika'y makita."
Sa kailaliman ng isip ko, mas lalo pa akong natuwa nang maisip na makikita ko na naman si Joaquin. Hindi niya alam na darating ako kaya sopresa ito.
"Sige po. Sandali lamang po at magbibihis lang ako," mas lumapad pa ang mga ngiti ko.
"S'ya, sa baba na lamang ako maghihintay."
Kaagad na akong tumango at mabilis na tumalikod saka tumakbo na papunta sa itaas. Nagpalit ako ng dilaw na damit saka dinala na ang aking bolso de cabestrillo at abaniko. Halos talunin ko na nga ang hagdan sa kakamadali na marating ang labas ng mansiyon. Kinalma ko na lang sarili ko at baka mahalata pa ni Ina.
Nadatnan ko si Ina na nakasakay na sa karwahe. Sumakay na ako at umupo sa tapat niya. Hindi naman nagtagal at umusad na ang sinasakyan namin.
"Sa tingin mo ba ay naroon si Victorina sa kanila, anak?"
Napalingon ako kay Ina na biglang nagsalita sa kalagitnaan ng byahe namin.
"Uh, siguro po. Malapit na rin naman kasi ang tanghalian kaya paniguradong naghahanda sila ng kanilang kakainin."
"Tama ka. Sana lang ay hindi siya nagpunta sa tanggapan."
Ngumiti ako ng kaunti habang pinagmasdan siya. Tahimik na siya at nakatingin sa labas ng bintana. Napakamaamo ng kaniyang mukha at mabait pa siya. Gusto ko tuloy na dalhin siya sa hinaharap.
"Ina, may tanong pala ako."
"Ano iyon, anak?" aniya pagkatapos lumingon sa akin.
"Totoo po ba na...sabi kasi nina Kuya malapit ang mga Del Veriel at Varteliego. Malapit na malapit po ba talaga na halos magkaroon na ng mga sekreto at kasunduan?"
Napangiti naman siya lalo dahil sa tanong ko at bahagyang umiling. "Oo naman. Simula pa lamang sa aming kabataan ay magkakaibigan na kami. Kung kaya naman ay hanggang ngayong mayroon na kaming mga pamilya malapit pa rin kami sa isa't isa. Malapit pa rin ang pamilya natin."
Dahan-dahan akong napatango. Tama nga talaga ang sinabi nina Kuya. Kaya ibig sabihin, hindi imposible na si Kuya Luis ang ipapakasal sa akin.
"Nakakatuwa naman po," nakangiti kong tugon. "Kaya rin sina Kuya ay hindi maihiwalay sa magkakapatid na Varteliego. Kailangan kahit saan sila pupunta ay kompleto sila."
"Tama ka, anak. Nakakatuwa nga iyon ng husto na ganoon na lang ka tibay at lalim ang kanilang pagkakaibigan. Ganiyan din kami dati ng kanilang Ina."
Napangiti na lang ako kay Ina habang iniisip ko ang kanilang kapanahunan. Hindi nagtagal ay nakarating kami sa residensya ng mga Varteliego. May nakita akong iilang tagasilbi na nasa labas ng kanilang mansiyon at nag-aayos ng mga tanim. Maliban doon ay tahimik na ang buong residensya nila. Nauna naman na bumaba si Ina at sumunod ako.
Sinalubong naman kami ng isang tagasilbi na halos kaedad lang yata ni Dueña Hilda. Nakangiti ito sa amin na halata pang nagmamadali.
"Magandang araw po sa inyo, Donya Florentina at Senyorita Kristina."
"Magandang araw din. Nariyan ba si Floren?" tugon ni Ina.
Napalingon ang babae sa kanilang mansiyon at tumawa ng kaunti, "Ah, opo. Narito po ang Donya. Hali po kayo't umakyat tayo. Ako na po ang magdadala nito, Donya Floren."
Inabot niya ang dala ni Ina na siyang ibinigay rin naman nito.
"Sige. Maraming salamat ah."
"Walang anuman po, Donya."
Pinauna na si Ina ng babae at sumunod naman ako matapos kong ngitian ito. Naglakad na paakyat si Ina at abala naman ako sa kakamasid sa buong paligid upang hagilapin si Joaquin.
Napatingin ako sa loob nang may marinig akong yabag na pababa ng kanilang hagdan mula sa itaas. Kasabay niyon ang pagngiti ni Donya Victorina sa amin. Nagmamadali siyang bumaba upang salubungin kami.
"Floren! Narito pala kayo," masiglang-masigla pa siyang niyakap si Ina.
"Mabuti nga at ika'y naabutan namin eh," tugon ni Ina saka sila nagkalas ng yakap.
Napatingin naman sa akin ang Donya kaya nginitian ko siya pabalik. Ikinalaki naman ng mga mata ko nang hilahin niya ako yakapin.
"Masaya akong makita ka, hija. Ilang linggo na rin ang lumipas mula noong ika'y naparito."
Unti-unti akong napangiti habang niyakap pabalik ang Donya. "Masaya rin po akong makita kayo, Donya Victorina."
Pero teka, alam na niya kaya ang tungkol sa amin ni Joaquin? Sana naman ay hindi dahil kapag malaman niya iyon sasabihin niya talaga ang tungkol doon kay Ina. Hindi pa ako handa at baka masira ang lahat.
Kumalas naman siya sa yakap ngunit nanatili ang kaniyang matamis na mga ngiti sa amin ni Ina.
"Tayo sa azotea. Ah, ano pala ang inyong dala rito?"
"Nagluto ako ng kare-kare at alam ko naman na gustong-gusto mo iyon kaya nagdala ako."
Dahil sa sagot ni Ina ay nagliwang tuloy ang mukha ng Donya. Lumapit naman sa amin ang babaeng sumalubong kanina at itinaas ng kaunti ang kaniyang dala.
"Ito po, Donya. Ihahain ko na at ng masaluhan ninyo ito mamaya."
"S'ya, sige. Maraming salamat." Naglakad na uli siya papunta sa azotea kaya sumunod kami ni Ina. "Upo kayo."
Magkatabi kaming umupo ni Ina na nakatalikod sa pinto ng kanilang azotea. Nasa kanan naman siya ni Ina, sa may dulong upuan na nakaharap sa kanilang hardin sa labas.
"Ah, oo, rito na lang kayo magtanghalian ha. Minsan ko na lang naman kayo maimbita na kumain rito kaya sana pumayag ka, Floren," nakangiting aniya.
Napalingon naman si Ina sa akin na nakangiti kaya napakapit ako sa kaniya. Pumayag ka na, Ina. Para makasama mo na ang kaibigan mo tsaka makita ko rin si Joaquin. Pakiusap, Ina.
"Maganda iyan, Victorina, at nagagalak akong tanggapin ang iyong alok ngunit...marahil ay hindi ngayon."
Kaagad na nagsalubong ang mga kilay ko nang marinig ko ang sagot ni Ina. Hala, bakit?
"Bakit naman, Floren? Nakakalungkot naman," nguso pa ni Donya Victorina kaya napangiti ako. Ipilit niyo po, Mama este Donya.
Lumapit naman ng bahagya si Ina sa kaniya at hinawakan siya sa mga kamay nito at natawa si Ina. "Ano ka ba, Victorina? Huwag ka ng bumusangot riyan at baka kumulubot pa iyang napakaganda mong mukha. Hindi ko lang naman kasi maiwan sina Agaton at ang mga binata na kumain nang wala kami."
Mas lalo tuloy na sumimangot si Donya Victorina at pinagkrus pa ang kaniyang mga braso sa dibdib. "Iyan talagang si Agaton. Simula noong siya'y dumating, inagaw na niya ang oras mo mula sa akin. Hmmp!"
Napalingon si Ina sa akin at sabay kaming natawa ng kaunti. Nakakatuwa naman itong si Donya Victorina. Sa tingin ko ay sa kanilang dalawa ni Ina noong sila ay mga dalaga pa ay siya ang isip bata at masyadong bibo.
"Naku, ayan na naman siya. Siyempre siya ang aking kabiyak, hindi ba?" ngisi ni Ina. "Ngunit, ikaw lang naman ang nag-iisa kong kaibigan. At walang makakapalit sa iyo rito sa puso ko."
Natawa naman ako nang lumobo ang ilong ng Donya na tila pa ay kinilig sa sinabi ni Ina. Kung hindi ko lang alam na may mga anak at asawa na ang magkaibigang ito ay mapagkakamalan kong mga dalaga pa ito. Kung makakilos kasi parang mga bata pa rin at hindi rin mahahalata sa kanilang mga itsura at mukha na nasa kwarenta na ang mga ito.
"Sige na nga lang. Pero sana naman ay kahit ni isa beses lang ay hindi mo makasabay iyang si Agaton na kumain. Hay naku, bagyo na lang yata ang makakagawa niyon," nakailing na wika ng Donya kaya natawa kami ni Ina.
Napalingon naman siya sa likuran namin at napangiti. "Joaquin, anak! Halika nga rito."
Nang marinig ko ang kaniyang pangalan, hindi ko na mapalagay ang isip at puso ko. Pati ang mga mata ko ay nanlaki na rin. Nanlamig nga ang mga kamay ko at bumilis pa ang tibok ng puso ko. Gusto ko na lingunin siya ngunit tila ba'y nanigas ang aking leeg. Andito si Joaquin? Umaygudnes!
Tumatambol ang puso ko nang marinig ko ang yabag ng kaniyang mga paa na pumasok sa azotea at naglakad papalapit sa amin. Nanatili akong nakatingin kay Donya Victorina na nakangiti sa kaniyang anak at si Ina ay nakatingin na rin kay Joaquin na nakangiti.
"Hijo. Aba'y napakamakisig nga niya talagang binata," usal ni Ina na ikinalapad ng ngiti ko sa kabila ng panlalamig ng mga kamay ko.
"Saan ba nagmana?" taas kilay na tugon ni Donya Victorina at narinig ko ang mahinang tawa ni Joaquin na mas lalong nagpakabog ng puso ko. Shucks, ano ba to?!
"Magandang araw po, Donya Florentina."
Nanlaki ang mga mata ko nang makita siyang dumaan sa likuran ng upuan ng kaniyang Ina at lumapit kay Ina saka nagmano. Umaygudnes talaga! Naiihi ako. Tama ka Ina, ang pogi niya talaga! Napakamaginoo pa, pechay!
Halos sumabog na yata ang puso ko dahil sa hesterikal na pagtibok nito nang napalingon siya sa akin at nagtama ang mga mata namin. Tila ba'y tumigil ang ikot ng mundo at naging marahan ang aking paghinga habang nakatitig sa kaniya.
Unti-unting sumilay ang kaniyang matamis na ngiti habang inaabot ang aking palad. Halos mawalan na ako ng hininga nang hawakan niya ang palad ko't halikan niya ang likuran nito.
Gusto ko siyang yakapin, gusto kong sumigaw at tumili, gusto kong tumalon pero hindi pwede. Kaya pinigilan ko na lang ang sarili ko't umayos na ng upo at nginitian siya.
"Magandang araw, Binibini," malamyos ang kaniyang tinig kasabay ng pagbitaw niya sa kamay ko.
Lumapad ang ngiti ko at tumugon. "Magandang a–araw rin sa iyo, Ginoo."
Ngumiti muna siya sa akin bago umupo sa katapat na upuan. Bumaling ang atensiyon naming dalawa nang magsalita si Ina.
"Mayroon ka na bang kasintahan, hijo? Pati na rin ang iyong Kuya Luis? Sa aking palagay, Victorina, maaari na silang mag-asawa, hindi ba? Ano ang iyong masasabi?"
Nawala ang mga ngiti ko nang marinig ang mga salitang iyon. Ito na ba iyon? Simula na ng kasunduan? Tsaka, alam na ba nila ang tungkol sa amin?
Mabilis kong nilingon si Joaquin at pinagdugtungan siya ng mga kilay. Pero imbis na pagaanin niya ang loob ko ay ngumiti pa siya na ikinadala ng puso ko sa labis na kaba.
"Palagay ko rin. Ganitong edad din naman si Carlos nang maikasal kami eh," ngisi ng Donya. "Ngunit, sina Lucio at Lucas mo rin ay maaari na naman na mag-asawa na. Para nama't makita mo na ang iyong mga apo sa lalong madaling panahon."
Natawa si Ina saka napakapit sa akin. "Naku, huwag na muna ang sa akin, Victorina. Uunahin na natin sa pagkakataong ito ang iyong mga binata na kay kisig. Hindi ba, hijo?"
Mas lalo naman na napangiti si Joaquin na ikinaputla ko na. Huwag naman niya sanang sabihin muna ang tungkol doon.
"Hindi ko pa po masasabi ang tungkol sa akin," sagot niya na ikinaluwag ng paghinga ko. "Ngunit, marahil po ay baka mauna si kuya Luis sa amin."
Wut? Hindi ko alam pero parang umatras ang pagpanatag ng loob ko. Ibig sabihin, totoo nga talagang nakatakdang ipakasal sa akin si kuya Luis? Shems.
"Oo nga naman. Huwag na lang nating madaliin ang mga bagay-bagay. Darating at darating din naman ang tamang panahon para riyan."
Sabay-sabay kaming napatango bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Ina. Nagtamang muli ang mga mata namin kaya nagngitian kami sa isa't isa.
"Tama ka riyan, Floren," ngisi ni Donya Victorina. "S'ya, ipasyal mo muna ang Binibini sa ating hacienda, anak, at ng makapagkwentuhan kami ni Floren kahit sandali lamang."
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o mahihiya dahil sa sinabi ni Donya Victorina. Pero isa lang ang sigurado ako, nagtatatalon ang puso ko dahil sa tuwa. Sa wakas, magkakaroon din kami ng moment ni Joaquin!
"Sige po, Ina," ngisi niya sa kaniyang Ina at lumingon sa akin. "Halika, Binibini."
Nginitian ko naman siya bago lumingon kay Ina na nakangiti rin pala sa akin. Tumango naman siya bilang pagpayag kaya ngumisi ako saka tumayo na.
"Maiiwan na po namin kayo, Ina, Donya Florentina." Nagpaalam na si Joaquin at nakasunod lang ako sa kaniya palabas ng azotea.
Nauna siyang maglakad papunta sa pinto palabas ng kanilang mansiyon at ako naman ay nakasunod lang sa kaniya habang nakatitig sa kaniyang pigura mula sa likuran. Bakit ba kahit nakatalikod ay napakapogi niya pa rin?
"Hindi ko akalaing mapaparito ka."
Nawala ang ngisi ko dahil sa gulat nang bigla siyang nagsalita at huminto sa may hagdan. Napangiwi naman ako sa kaniya at dahan-dahan na tumango.
"Ah, oo nga eh. Nagkataon lang talaga na pupunta si Ina kaya sinama niya ako." Hah! Sinungaling ka, Chestinell.
Ngumiti siya na ikinalambot ng mga tuhod ko. Halos hindi na nga ako makahinga habang nakatitig sa kaniya. Dahan-dahan niyang itinaas ang kaniyang palad upang alalayan akong bumaba sa hagdan na siyang tinanggap ko naman.
Sa sandaling muling naghawak ang aming mga kamay ay tila may kung ano man na nagpadikit lalo sa mga ito. Nanlamig ang mga kamay ko. Ang kinis nga kamay niya eh. Habang nakatitig ako roon kasabay niyon ang dasal kong sana ay hindi namin bibitawan ang isa't isa.
"Masaya akong naparito ka dahil gustong-gusto kitang makita."
Napatingin ako sa kaniya at napahinto kami nang makarating kami sa baba ng hagdan. Naroon pa rin ang kaniyang mga ngiti. Dati, ito ang bagay na gustong-gusto kong makita at ngayon halos kada minuto ay nasisilayan ko na.
"Ikaw ang dahilan nito."
Nagsalubong ang mga kilay ko nang itinaas ko ang tingin sa kaniya. Nakatitig siya sa akin ng diretso. Natawa siya ng kaunti nang makitang bakas sa mukha ko ang hindi ko pagkaintindi sa kaniyang sinabi.
"Ang sabi ko, ikaw ang ang dahilan ng mga ngiting ito."
Halos mabingi na yata ako sa lakas ng tibok ng puso ko na sumasakop sa tenga at sistema ko. Alam kong hindi na normal ang pagpintig nito. Nitong mga nakaraang araw napapansin ko na talagang madalas mangyari ito.
Nanginginig kong kinamot ang batok ko at nahihiyang ngumiti sa kaniya. Nakita ko pang namula ang kaniyang mga tenga kaya natawa ako at tumalikod na. Pechay!
Paano niya nalamang iniisip ko iyon?
"Hindi mo rin ba sasabihing nais mo akong makita? Hindi mo yata ako nais makita eh," aniya pa mula sa likuran ko kaya natawa ako.
Dahan-dahan naman akong napalingon sa kaniya at ngumiti. "Nais din kitang makita, kaya sumama ako kay Ina."
Nakita ko kung paanong ang kaniyang bahagyang nakangusong bibig ay napalitan ng malapad na ngiti. Ang laki ng ngiti niya na parang pinipigilan niya pa yata. Pati na rin ako ay naramdaman kong uminit ang mukha ko. Mabilis ko tuloy na tinakpan ang bibig ko ng abanikong hawak ko dahil sa hiya.
Shems, ganito ba dapat ang isang binibini? Iyong masyadong bulgar sa nararamdaman?
"Halika, samahan mo ako sa likod-bahay."
Napalingon ako sa kaniya nang magsalita siya. Nakangiti na siya mula sa magkabilang mga tenga habang nakatingin sa malayo. Tumango ako sa kaniya at nagsabay kaming naglakad papunta sa kaliwa ng kanilang mansiyon.
Doon sa likod ay may malaking kamalig ngunit walang mga pader na nakapalibot dito. Kitang-kita ang mga alagang baka, mga manok, baboy at kambing nila na nasa kani-kanilang mga kulungan. May iba naman na pakalat-kalat sa loob at kumakain.
"Madalas kami ritong magkakapatid. Tumutulong sa pag-aalaga sa kanila," kwento niya pa habang naglalakad kami papunta roon.
Nasa bandang kaliwa ang kamalig at sa kanan naman ay hardin na puno ng mga bulaklak at kahoy. Nasa gitna naman ang mga upuang gawa sa kahoy at ang malapad na mesa. Sobrang ganda rin dito. Hindi nga maipagkakailang magkaibigan sina Ina at Donya Victorina dahil pawang mahilig sa mga halaman.
"Ang ganda rito," usal ko at naglakad papalapit sa upuan.
"Ngunit wala pa ring nakakalamang sa kagandahan mo, Binibini."
Natigil ako at napalingon sa kaniya. Bumilis ang tibok ng puso ko at napaangat ang mga labi ko sa isang ngiti. Ito ang pangalawang beses niyang sabihin ito, ngunit kahit pa ganoon ay hindi ko pa rin maiwala ang saya na nararamdaman ko.
Hindi ko nga maramdaman ang dila ko at napatitig na lang sa kaniya. Ni isang salita ay walang lumabas mula sa bibig ko. Papaano ko tutugunan ang sinabi niya? Kikisay na lang kaya ako sa harap niya?
Napailing ako at naglakad na ng patuloy saka umupo sa isang upuan.
"Marahil ay wala pang nakakapagpuri sa iyo, Binibini."
Natagpuan ko siyang nakangisi saka umupo sa tapat ko. Napailing pa siya ng kaunti na tila ba'y tuwang-tuwa pa sa inasal ko. Naalala ko naman ang araw na nagpunta rin ako rito dala ang pagkain na niluto ni Ina. Pagkatapos niyon ay nagpunta kami sa kagubatan. Doon niya rin sinabi ang mga katagang inusal niya kanina.
"Sa aking palagay, dahil sa iyong pagtauli ay wala pang nakapagpuri sa iyo, Binibini."
"Mayroon na kaya. Marami nga eh," nakangiti kong tugon na ikinatawa niya na lang. "Mayroon pala akong sasabihin, Ginoo."
"Binibini at Ginoo na lang ba pala ang itatawag natin sa isa't isa gayong magkasintahan na tayong dalawa?" magkarugtong ang kaniyang mga kilay at nawala na rin ang ngiti niya.
Hindi ko alam pero napangiti na lang ako dahil sa sinabi niya. Ibig sabihin, dapat may tawagan kami? Kagaya ng mahal ko, sinta, irog—omygosh! Hindi ko keri!
Nagkunot ako ng noo saka siya tinaasan ng kilay, "Bakit? Anong gusto mong itawag ko sa'yo? Manong?"
Inilobo naman niya ang kaniyang ilong saka nagtaas ng kaliwang kilay. "Hindi naman iyon ang nais kong ipahiwatig. Iyon bang...tinatawag ng magkasintahan sa isa't isa," paliwanag niya sabay kamot ng tenga. "Kagaya ng ano...ak–aking mahal, at saka giliw ko, o kung hindi naman kaya ay sin–sinta."
Hindi ko na napigilan pang mapangisi habang nakatitig sa kaniya na nagpapaliwanag at nag-iisip kung ano ang tawagan namin. Natatawa ako sa itsura niyang parang nahihiya na ewan.
"Ah, iyon ba?" kunwari ko. "Kailangan pa ba iyon? At saka dapat, hindi ba, hindi muna malalaman nila ang tungkol dito?"
Dahan-dahan naman siyang tumango na parang nag-iisip ng malalim. "Oo nga. Tama ka, mahal ko. Tama ka."
Awtomatikong nagdugtong ang mga kilay ko nang marinig ang kaniyang sinabi. An–ano raw? Mahal...mahal ko?!
Napatitig ako sa kaniya ng ilang segundo na hindi ko rin alam nakangiti na pala ako. Umiling na lang ako at sinubukang itago ang kilig at tuwa na nararamdaman ko.
"Oo nga pala, may sasabihin pala ako."
Nakangiti pa rin siya at umayos ng upo, "Ano iyon, mahal ko?"
Imbes na sana ay seseryoso ako dahil sa sasabihin ko hindi ko na naiwasan pang mapangisi dahil sa unusal niya. Pechay! Mamamatay yata ako sa kilig dito. Gosh, hindi ko alam ganito pala ang pakiramdam na matawag na 'mahal ko'. Shucks, naiihi ako!
Mas lalo pang tumingkad ang kaniyang ngiti nang makita ang reaksiyon ko. Naramdaman ko na lang na uminit na ang mga pisngi ko at sumakit na rin ito sa kakapigil kong mapangiti ng todong-todo.
"Bakit, mahal ko? Mukha yatang hindi ka makapagsalita," nakangising kindat pa ng kaniyang kaliwang kilay. "Maganda ang naisip kong ating itatawag sa isa't isa, hindi ba?"
Natawa naman ako at umiling, "Oo, maganda. Ngunit, hinaan mo muna ang iyong boses. Alam mo bang nalaman na nina Kuya ang tungkol sa atin?"
Natigil siya at natahimik. Nawala na rin ang kaniyang ngiti ng paunti-unti. "Sinong Kuya?"
Ngumuso ako, "Silang tatlo."
"Ganoon nga talaga." Bumuntong-hininga siya. "Malalaman at malalaman din nila ang tungkol sa atin. Ngunit, pangako hindi ko iyon binanggit sa kanila."
Ang kaniyang paliwanag ay naging dahilan ng pagngiti ko ng kaunti. "Alam ko. Kaya nga ganoon na lang ang naging reaksiyon ni kuya Lucio eh. Galit siya."
Napatitig siya sa akin ng ilang segundo saka ngumiti. "Naiintindihan ko sila. Kahit nga ako ay ganoon din ang magiging tauli ko kapag nangyari iyon sa aking kapatid."
"Naiintindihan din naman kita kung bakit hindi mo pa nais na malaman nila ang tungkol sa atin. Ngunit, batid mo bang ibig ko nang ipagsigawan sa mundo na ikaw ang babaeng iniibig ko?"
Napatitig ako sa kaniya at ni isang salita ay walang lumabas sa bibig ko. Siya rin ay nakatitig sa akin. Walang ibang bakas ang kaniyang mukha kung hindi ang pagiging seryoso sa kaniyang sinabi.
Ang tanging bagay lang na iniisip ko habang nalaman kong nasa ganitong panahon ako ay ang tapusin ang misyon ko at ng sa wakas ay magiging masaya na ako sa hinaharap. Ngunit ngayon pumasok ako sa isang relasyon na hindi ko man lang kayang sabihin sa pamilya ko. Mahalaga silang lahat sa akin pero mahalaga rin naman ang misyon ko kaya dapat maging maingat ako sa bawat hakbang na gagawin ko dahil hindi ko na maibabalik uli ang panahon kapag mapalpak ako.
"Gusto ko na rin na sabihin sa kanila ang tungkol sa atin. Naghihintay lang talaga ako ng tamang tiyempo."
Kapag aalis na ako rito, paano ako makakapagpaalam sa kaniya na hindi ko siya masasaktan?
"Maghihintay ako. Hindi kita pipilitin."
"Maraming salamat talaga."
Umiling siya, "Hindi mo naman dapat iyan ipagpaumanhin. Ayos lamang, mahal ko."
At dahil doon, hindi ko na naman mapigilan ang matawa dahil sa huli niyang sinabi. Umiling na lang din ako at nag-isip ng ibang mapag-uusapan.
"Oo nga pala. Saan ka pupunta sana kanina?"
Napaseryoso naman siya at nagkamot ng batok. "Ah, sa bayan sana. May kaibigan kasi akong nais makikipag-usap sa akin. Kaso narito ka kaya hindi na ako umalis. Alam ko naman na maiintindihan rin niya iyon."
"Talaga? Baka naman mahalaga ang nais niyang sabihin. Puntahan mo kaya at baka naghihintay pa sa iyo ang kaibigan mo. Ayos lang naman sa akin na puntahan mo muna siya dahil baka maya-maya ay aalis na kami."
"Huwag na. Mas nais kong makasama ka kaysa sa kaniya," natatawang tugon niya. "Susulatan ko na lang siya ngunit ngayon ikaw na muna."
Napangiti na lang ako dahil sa kaniyang sinabi at pinagmasdan ang buong paligid. Napakaganda dito at napakatahimik pa. Dumako naman ang tingin ko doon sa bakod sa dulo. Sa likuran niyon ay ang residensya nina Clara. Hindi man kita ang kanilang mansiyon mula rito sa kinauupuan ko ay batid kong kapag nasa ikalawang palapag ng bahay nila ay magtatanaw niya si Joaquin sa kanilang mansiyon.
Sa tingin ko ay hindi pa rin alam ni Joaquin ang nangyari sa amin ni Clara. At saka ayaw ko naman na palakihin pa ang gulong iyon. Mabuti nga at pati sina Ina at Ama ay mukhang hindi rin alam ang nangyari. Ngunit, paanong nalaman ni Clara ang tungkol sa amin ni Joaquin? Na magkasintahan na kami. Sinabihan niya kaya ito? Ngunit, tiwala naman akong wala pa siyang sinabihan tungkol dito.
"Nagkausap ba kayo ni Clara?" Hindi ko na naiwasan pang matanong siya tungkol doon.
Napatingin siya sa akin at dahan-dahan nagdugtong ang mga kilay niya. "Binibining Clara? Uh..., ah oo nagkausap kami kailan lang. Bakit mo natanong?"
"Wa–wala naman. Nagtataka lang kasi ako kung bakit niya nasabing tayo na raw," tahimik kong tugon.
"Talaga? Hindi ko nabanggit sa kaniya iyon. Ang tanging sinabi ko lang ay mayroon ng laman ang puso ko at hindi ko matatanggap ang pag-ibig niya. Umamin kasi siya sa akin na...mahal niya raw ako."
Tumitig ako sa kaniya ng ilang sandali. Hindi ko aakalaing magagawa iyon ni Clara. Ngunit kung iisipin din naman ay kung ganoon nga niya talaga kamahal itong si Joaquin sasabihin niya rin ang nararamdaman niya. Ang ikinakalito ko lang ay kung anong ibig niya sabihin na mang-aagaw raw si Kristina kahit kailan. Pati na rin si Dueña Hilda ay ganoon din ang nais na sabihin tungkol sa nangyari. Ikalawang ginoo si Joaquin na may gusto kay Kristina—sa akin na gusto rin ni Clara. Kung ganoon, sino ang una?
"Ikaw lang ang laman ng puso ko. Kaibigan lang ang tingin ko sa kaniya at wala ng hihigit pa roon. Ikaw lang."
Dahan-dahan niyang inabot ang mga kamay kong nakapatong sa mesa at hinawakan gamit ang magkabilang kamay niya. Ngumiti siya ng unti-unti na ikinakabog ng puso ko. Malambot at makinis ang kaniyang mga kamay na nang humawak sa akin ay ikinawala ng hangin sa baga ko. Bakit ganito? Parang mamamatay ako ng maaga kapag kasama ko siya.
"Narito lamang pala kayong dalawa."
Wala ni isang segundo ay nagbitawan kami ng mga kamay at napaayos ng upo nang marinig ang boses na iyon. Kaagad akong napalingon at natagpuan sina Ina na papalapit sa amin saka nagtatawanan pa. Sinulyapan ko uli si Joaquin na napatayo na at lumingon sa akin. Bahagya siyang nakangiti at kumindat na tila nagsasabi huwag na akong maingay.
"Sa aking palagay kasi ay magugustuhan ng Binibini ang lugar na ito, Ina," aniya saka lumapit sa kanila.
Napatayo na rin naman kaagad ako, "Ang ganda nga po rito, Donya Victorina. Pareho rin kayong mahilig ni Ina sa mga halaman at bulaklak kaya parang nasa bahay lang ako."
"Maraming salamat, hija. Tama ka nga riyan at nahilig din ako lalo sa mga iyan dahil sa iyong Ina," nakangiti na wika ni Donya Victorina. "Nakakalungkot nga lang at kayo ay uuwi na't hindi man lang namin makakasabay sa pananghalian."
"Huwag ka na kasing malungkot. May sa susunod pa naman eh," sabi pa ni Ina saka siya bahagyang hinampas sa braso.
"Oo na, oo na. Tiyakin mo lang ha. Minsan na nga lang tayo magkakasamang dalawa eh."
Lihim na lang akong natawa sa kanila. Nakakatuwa talaga silang magkaibigan.
"S'ya, halina nga kayo at baka hindi ko pa kayo pauuwiin."
Nagsimula nang maglakad ang Donya hila-hila pa si Ina paalis kaya sumunod na ako kasama si Joaquin na nakangiti pa sa akin.
"Kay bilis niyo naman na umalis. Nais pa sana kitang makasama ng matagal," rinig ko pang bulong niya.
Napangiti naman ako habang nakatingin kina Ina saka siya nilingon. Nakatingin din siya sa akin. Ilang pulgada na lang din ang pagitan naming dalawa.
"Oo nga eh. Gusto ko rin sana na mamasyal muna tayo o kaya naman ay magpunta sa kagubatan."
"Huwag kang mabahala. Dadalawin kita't mamasyal tayo," ngumiti siya.
Napatango na lang ako at naglakad na kami papunta sa harap ng kanilang mansiyon. Doon ay nakaparada na ang kaninang karwahe na aming sinakyan. Nagyakapan naman ang magkaibigan bago kami nagpaalam at umalis ni Ina. Kumaway pa ako kay Joaquin bago kami tuluyang umalis.
"Anak, may nais ka bang aminin sa akin?"
Napalingon ako kay Ina nang bigla siyang magsalita mula sa harap ko sa kalagitnaan ng byahe namin. Nakatingin siya sa akin ng seryoso kaya nanibago ako dahil kadalasan ay kapag kinakausap niya talaga ako ay nakangiti siya sa akin. Ano kaya ang problema? Nagdugtong ang mga kilay ko ngunit ngumiti pa rin ako sa kaniya.
"Ano po ang ibig ninyong sabihin, Ina?"
Ngumiti naman siya ng tipid saka inabot ang kamay ko na nakapatong sa tuhod ko saka iyon pinisil ng kaunti. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin.
"Ayos na ayos lang naman na iyong sabihin sa akin, anak. Ako ang iyong ina at maiintindihan ko iyon."
"Sa al–alin po?" Mas lalo tuloy na nagdugtong ang mga kilay ko.
Napangisi siya sa akin na animo'y tuwang-tuwa sa pagkakalito ko. "Napansin ko ang tingin sa iyo ni Joaquin," aniya na ikinalaki ng mga mata ko. "May nararamdaman ba siya para sa iyo? Ikaw, pareho ba?"
Ilang sandali akong napatitig at hindi nakapagsalita. Bakit alam na naman ni Ina? Hindi naman siguro sinabi nina Kuya ang tungkol dito, hindi ba? Tsaka, ano ba ang isasagot ko? Ayaw na ayaw kong magsinungaling lalo na kay Ina. Pero, paano na?
Huminga ako ng malalamin at humigpit ang hawak sa aking saya. "Eh, kasi po Ina...huwag po sana kayong mabigla ah." Napakagat ako sa ibabang labi ko habang nakatingin siya sa akin na bahagyang nakahilig. Shucks, sasabihin ko ba talaga?
"Ano po eh, ma–magkasintahan na po...kami."
Napalunok ako habang kinakalma ang kinakabahan kong puso. Mas lalo pang nangngalit ang puso ko nang natigilan si Ina. Kasabay niyon ang pagkawala ng kaniyang mga ngiti at pawang nanlaki ang mga mata. Nakatitig lang siya sa akin at hindi makapaniwalang narinig niya iyon.
"Ano...anong iyong sinabi? Magkasintahan na kayo? Kailan pa?"
"Noong ika-pito po, Ina," halos pabulong ko ng tugon. Nahihiya at natatakot ako dahil sa ginawa kong paglihim nito lalo na sa kaniya. "Paumanhin po talaga, Ina. Hindi ko po ninais na itago po ang bagay na ito sa inyo. Natatakot lang talaga ako na baka tumutol kayo, lalo na si Ama."
Batid niyo po ba, Ina, na dahil kay Ama naging magaspang ang ugali ni Kristina sapagkat ipinagkasundo siyang ipakasal sa isang lalaki?
Huminga siya ng malalim at hinawakan ang magkabila kong mga kamay. "Anak, hindi naman kami tututol taliwas sa iyong iniisip. Kami ng iyong Ama ay tatanggapin naman namin kung sino ang nilalaman ng inyong mga puso dahil batid naming hindi matuturuan ang puso na magmahal."
Nahihiya akong ngumiti. Sana, ganito rin ang lahat ng mga magulang. Sana sa hinaharap ay ganito rin sina Mama. Ngunit, bakit may kasunduang pagpapakasal si Kristina?
"Galit po ba kayo, Ina?"
Natawa siya, "Bakit naman ako magagalit? Hindi ako galit, ngunit bahagya lamang akong nalungkot sapagkat hindi ko man lang nalaman na mayroon na palang kasintahan ang aking unica hija."
Nang dahil doon ay kaagad akong napaupo sa kaniyang tabi at niyakap siya. "Paumanhin po talaga, Ina. Hindi ko sinasadya. Natatakot lang talaga ako." Natatakot rin ako na mawala na kaagad ako sa hindi pa nakatakdang panahon. Dahil kapag nangyari iyon, kayo po ang labis na masasaktan.
"Naiintindihan ko, anak. Huwag kang humingi ng tawad," nakangiting aniya. "Ngunit mag-kwento ka naman. Paano mo naging kasintahan ang anak ni Victorina? Ang akala ko ay ayaw mo sa magkakapatid na iyon. Hindi ko akalaing may magugustuhan kang isa sa kanila. Aba'y sana tinanong ko pa ng husto kanina si Joaquin."
Natawa ako sa mga sinasabi niya. Hindi ko akalaing ganito niya inaalagaan at tinatrato ang anak niya. Mukha pa siyang kaedad ko lang at nakikichismis pa sa lovelife ko.
"Hindi ko po talaga alam, Ina. Isang araw na lang kasi parang may iba na kapag...nasa malapit siya. Nahihiya nga po akong kausap siya at nanginginig pa ako. Nakakatuwa rin ang mga ngiti niya kaya gustong-gusto ko na makita siyang ngumiti. Kinakabahan ako ng husto kapag nasa tabi ko siya o kasama ko siya pero nalulungkot ako kapag wala siya."
Hindi ko aakalaing masasabi ko ito kay Ina. Parang hindi ko siya ina kundi kaibigan lang. Napangiti pa akong lalo dahil nakatingin siya sa akin at nakangiti habang nakikinig.
"Alam mo, anak, ganiyan din ang aking naramdaman noong una akong umibig. Mukha akong bata o kabaguhan pa lang na binibini. Ngunit natuto ako na kapag umiibig ang mararamdaman mo ay ang kapanatagan sa iyong loob, hindi ang kaba at pagkalito sa iyong damdamin. Nararapat na mas mangingibabaw iyon kaysa sa lahat ng mararamdaman mo. Iyong lagi kang pinoprotektahan, panatag at komportable ka kapag kasama siya, nariyan palagi para sa iyo, at nakikisabay sa iyong mga kalokohan. Wala ng iba pang ginoong mas nakakahigit pa sa kaniya dahil siya ang tunay na nagmamahal sa iyo. At siya rin ang Ginoong tunay na nilalaman ng iyong puso. Sana ay ganoon ang nararamdaman mo kay Joaquin." Matamis na ngiti ang ibinigay niya sa akin.
"Batid ko naman na siya ay mabait na bata at may tiwala ako kay Joaquin bukod sa dahilan na anak siya ni Victorina. Ngunit, kahit ano man ang mangyari narito lang ako para sa iyo. Kung may nais kang sabihin o itanong ay huwag kang mag-atubiling lapitan ako. Ako ang iyong ina at ikaw lang ang aking nag-iisang prinsesa. Mahal na mahal kita kaya hindi ko hahayaang ika'y masaktan. Hinihiling ko lamang na ika'y maging masaya sapagkat ito pa naman ang una mong relasyon at sana rin ang huli. Hindi ko nais na maging dahilan ito ng pag-ayaw mo sa susunod kapag ika'y masaktan."
Muli ko siyang niyakap habang nakangiti. "Maraming salamat po talaga, Ina. Ang aking akala nga po ay magagalit kayo sa akin. Alam niyo po ba kasi na noong ika-lima lang niya inamin ang nararamdaman niya at sinagot ko agad dalawang araw lang ang nakalipas. Batid ko naman po talaga na dapat ay kinikalala muna namin ang isa't isa ngunit masyado akong nagmadali."
"Ano ka ba? Hindi mo kailangan na humingi ng paumanhin," saway niya sabay kalas sa yakap. "Kahit pa sinabi mo naman sa amin ang tungkol doon ay ikaw pa rin naman ang magdedesisyon kung iyo bang sasagutin o hindi. Ang tanging magagawa lang namin ay gabayan at suportahan ka."
Habang sinasabi niya ang mga salitang iyon ganoon din ang pagpigil ko sa mga luhang nagsimula ng mamuo. Napakapalad ni Kristina na magkaroon ng ganitong magulang. Samantalang iyong sa akin ay kahit problema ko ay hindi ko man lang masabihan.
"Maraming salamat, Ina. Pasensya na po pala dahil pinalihim ko kina Kuya sa inyo ang tungkol dito. Kasi gusto ko na ako na ang magsabi sa inyo kaso nga lang ay natatakot talaga ako." Ngumiti naman siya na nakailing. "Si Ama na lang po ang hindi pa nakakaalam tungkol dito. Pwede po ba kayong mangako na hindi niyo sasabihin sa kaniya ang tungkol dito? Pangako ko naman po ay sasabihin ko talaga sa kaniya."
"Hindi mo naman kailangan na ipapangako sa akin, anak. Gusto ko rin naman na ikaw ang magsabi sa kaniya tungkol sa bagay na iyon. Ayaw kong pangunahan ka at hindi ko iyon lugar na magsabi sa kaniya tungkol doon kahit pa kabiyak at mahal na mahal ko siya."
"Maraming salamat po talaga, Ina."
Niyakap ko siyang muli ng nakangiti. Naramdaman ko rin ang kaniyang yakap pabalik kaya mas lalo pa akong napangiti. Lahat ng saya na nararamdaman ko ay dinagdagan pa ng mga luhang nagbabadyang magsitulo. Hindi ko pa naramdaman ang ganito noong nasa 2020 pa ako. Mas sobra pa ito sa kasiyahan.
Kumalas na si Ina sa yakap kaya mabilis ako napakurap uoang itago ang mga luha ko. Nakangiti siya sa akin at hinaplos ang ulo ko pati na rin ang mga pisngi ko. Ang tanging nagawa ko lang ay mapatitig sa kaniya ng nakangiti habang dinadama ang pagmamahal niya. Hindi rin naman nagtagal ay nakarating na kami sa mansiyon at nagtanghalian na rin.
"Senyorita, kayo po ba ay abala?"
Napalingon ako kay Isay nang magsalita siya mula sa likuran ko. Abala ako sa pagbabasa ng mga sulat habang nakatambay sa may bintana ng silid ko nang pumasok siya. Inilapag ko ang papel sa mesa at ngumiti sa kaniya.
"Hindi naman, Isay. Bakit?"
Napakamot naman siya sa kaniyang leeg saka ngumiti ng kaunti. "Kasi po nasa azotea si Ginoong Primitivo, hinahanap kayo. Itatanong ko kung makakausap mo siya o kung hindi ay sasabihan ko na sa susunod na lang."
Ipinasok ko naman sa sobre ang mga sulat saka umiling sa kaniya. "Hindi naman ako abala kaya ayos lang. Kanina pa ba siya?"
"Hindi naman, Senyorita. Kadarating niya lang."
Iniwan ko na ang mga sulat sa ibabaw ng mesa at naglakad na papunta sa pinto saka lumabas. Ano kaya ang kailangan ni Primitivo? Pero kailan na rin noong huli siyang nagpunta rito kaya gusto ko rin siyang makita.
Nang makarating ako sa azotea ay natagpuan ko siyang nakatayo sa may balustrada ng azotea at nakatanaw sa labas ng mansiyon habang pinagkrus ang mga pulsuhan sa kaniyang likuran.
Napangiti ako habang nakatingin sa kaniya. Dati pa naman ay naging hindi maganda ang pagtrato ko sa kaniya pero mabait naman pala siya. Mapalad ang magiging kasintahan niya dahil ang bait niya at maunawain pa.
Napansin niyang dumating ako nang mapatingin siya sa may kanan at nakita niya yata ako sa bandang gilid ng kaniyang paningin. Nakangiti siyang tumingin sa akin at naglakad papalapit sa akin.
"Nariyan ka na pala, Binibini. Magandang hapon sa iyo," bati niya.
Kumaway ako sa kaniya saka lumapit, "Magandang hapon din, Ginoong Primitivo. Hindi ko inaasahang bibisita ka. Hinahanap mo raw ako?"
Mas lumaki ang kaniyang mga ngiti saka siya tumango. "Oo, tama. Mabuti na lamang at narito ka." Tumalikod naman siya ng bahagya at nang pagharap niya ay may hawak na siyang pumpon ng pulang bulaklak kagaya ng kaniyang dala noon. Carnations.
Nakangiti pa rin siya habang inaabot sa akin ang mga iyon. "Para sa iyo, Binibini. Sana ay iyong maibigan."
"Maraming salamat dito. Napakaganda," ngiti ko. "Salamat din sa pagbisita sa akin. Halika, upo ka."
"Walang anuman, Binibini," ngiti niya. "Ngunit, kung hindi naman labag sa iyong kalooban ay maaari na lang ba tayong maglakad-lakad sa inyong hardin?"
Natawa ako saka nahampas ang hangin, "Ano ka ba? Oo naman noh, ayos lang."
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro