Kabanata 40
|Kabanata 40|
Hulyo 29, 1888
Anong silbi ng mga taong ito na ni simpleng utos ay hindi man lang magampanan at magawa ng maayos? ¿Y por qué Ama se enojaría sólo porque los despidí? Hindi ba't ang turan ko dati ay aalisin ko't tatanggalin ang mga taong naninilbihan sa kaniya, kaya at hayan na Ama. Hindi ka naman pala masaya kapag may nangingialam sa iyong nais at desisyon sa buhay.
Espero que sepas que siento lo mismo. ¡Te odio, Ama!
— Martina
Hindi ko alam. Mababaliw na yata ako.
"Nababatid kong ika'y hindi pa handang sagutin ang aking tanong ngunit aking hihilingin, pakiusap Binibini, sana'y hindi magbago ang iyong pakikitungo sa akin."
Sa kabila ng pagkikiusap na bakas sa kaniyang boses at kaniyang mga mata'y nagmamakaawa ay muli kong binawi ang aking pulsuhan mula sa kaniyang pagkahawak.
"Iyon lamang ba ang iyong sasabihin, Ginoo?" kasabay niyon ang pagtaas ko ng kilay sa kaniya na ikinalaki ng mga mata niya. Hindi siya nakapagsalita.
"Kung iyon lamang ay magpapaalam na kami." Hinawakan ko na si Isay saka bahagyang yumukod kay Joaquin. "Magandang araw sa iyo, Ginoo."
Nanatili akong nakayuko at sa kabila ng bigat sa puso na aking naramdaman ay pilit kong ginalaw ang mga paa ko't nilagpasan siya.
Pasensya ka na, Joaquin, at kahit pa man ay magkaaway kami at hindi magkasundo ay hindi ko hahayaang masaktan si Clara ng dahil sa akin. Isa pa, hindi kabilang sa misyon ko ang umibig sa sinuman na nagmula sa kapanahunang ito.
Hindi ko na siya nilingon pa at patuloy lang sa paglalakad habang hawak si Isay. Mabilis akong napatingin sa paligid nang maalala kong may isa pang boses na tumawag sa akin. Sino kaya iyon? Sina kuya kaya?
Huminga na lang ako ng malalim saka umiling. Kahit saang sulok ako tumingin sa buong plasa ay wala akong nakitang pamilyar na pigura. Marahil ay imahinasyon ko lamang iyon.
"Binibini, ayos lamang ba kayo?" usisa ni Isay nang makasakay kami sa karwahe.
Tipid ko siyang nginitian saka tumango, "Oo, ayos lang."
Napansin ko naman na natahimik siya at bahagyang nakatingin sa akin na nakangiwi kaya kinunutan ko siya ng noo.
"Bakit? Mayroon ka pa bang nakalimutan?"
"Ah, wala, wala na, Binibini," mabilis siyang umiling. "Ngunit, kung hindi ninyo mamasamain ay ma–maaari ko bang itanong...ku–kung ano ang tinutukoy ni Ginoong Joaquin?"
Inipit ko naman ang mga labi ko at napahinga ng malalim.
"Umamin kasi siyang...mayroon siyang nararamdaman para sa akin," matamlay na sagot ko.
"Ha?!"
Bakas sa mukha niya ang pagkagulat nang manlaki ang kaniyang mga mata dahil sa narinig. Kaagad siyang napatakip ng bibig, "Paumanhin, Binibini. Ngu–ngunit ang aking akala'y si Ginoong Agustino lang ang umamin sa iyo?"
Awtomatikong nagdugtong ang mga kilay ko dahil sa narinig, "Paano mo nalaman ang tungkol diyan?"
Mas lalo tuloy na nanlaki ang mga mata niya saka napayuko, "Eh, kasi hi–hindi ko sinasadyang marinig ang usapan ninyong dalawa noong akin na kayong tatawagin," paliwanag niya. "Paumanhin, Binibini."
Napangiti ako ng kaunti, "Hindi. Ayos lamang. Ang totoo nga niyan ay hindi ko alam kung anong gagawin ko. Naguguluhan ako kung bakit ganoon ang nangyari. Saka bakit pa ako sa dinami-dami ng babae rito sa bayan? Hindi iyon maaari."
Lumipas pa ang ilang segundo at napatitig muna siya sa akin bago siya nagsalita. "Marahil ay kailangan ninyong makapag-isip ng malalim, Binibini. At saka, timbangin silang dalawa. Baka kasi ay isa pala sa kanila ang taong inihanda para sa inyo."
"Hindi mo kasi naiintindihan, Isay," paglilinaw ko. "Hindi ako maaaring umibig na kahit isa sa kanila. Napakakomplikado ng lahat, saka ayaw ko rin na mayroon akong masaktan."
"Lahat naman po tayo nasasaktan at komplikado rin ang mga bagay, lalo na kapag ginagawa natin iyong komplikado," ngumiti siya ng tipid. "Kahit ano man ang iyong pasya, Binibini, ay narito lamang ako para sa iyo. Alalahanin lang ninyo ang laging sinasabi sa akin ni Lola Iluminada, gamitin rin ang isipan at huwag lang palagi ang puso."
"Saka, Binibini, kung sasabihin ninyong ayaw ninyong masaktan silang dalawa dahil ayaw ninyong pumili, ay mas lalo silang masasaktan."
"At saka, ang pag-ibig naman po ay handang sumugal kahit pa walang kasiguraduhan. Sabihin man ninyong hindi maaari, wala namang makakapigil sa dalawang puso na para sa isa't-isa."
Napatulala ako ng bahagya nang marinig ang mga salitang iyon mula kay Isay. Hindi ko lubos akalaing makakasabi siya ng ganitong mga bagay. Hindi ko inaasahang may mga kaalaman pala siya tungkol sa pag-ibig. Paano at kailan pa?
"Salamat, Isay."
Inilabas ko ang bara sa aking dibdib saka siya nginitian kahit may gulat at pag-aalinlangan. Masaya akong magkaroon ng kaibigang andiyan at dinadamayan ako.
"Walang anuman, Binibini. Basta ay usisahin mong mabuti. Huwag kang mabulag sa malapit at huwag kang tumingin ng husto sa malayo. Piliin mo iyong taong pinipili ng puso at isipan niyo."
Pagdating namin sa mansiyon ay kaagad na akong dumiretso sa aking silid at umupo sa may mesang pang-aral habang kaharap ang tatlong plorera na laman ang mga bulaklak na ibinigay ng tatlo sa akin. Medyo nag-iiba na ang kulay nito at nalalanta na rin.
Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong isipin. Nagsusulputan na silang lahat sa utak ko. Ngunit, mas nangingibabaw pa rin ang dahilan kung bakit ako nandito sa kapanahunang ito. Ang misyon ko.
Una sa lahat, kailangan kong ituon ang pukos ko roon at hindi sa ibang mga bagay kagaya ng pag-ibig. Ni hindi ko pa nga rin alam kung sino ang papatay sa akin. Marahil nga ay pinaghahandaan na nila iyon ngayon.
Ang mabuti ngayon ay alam ko na kung sino ang pamilyang malapit sa amin at kung sino ang ipapakasal sa akin. Sa pagkakaalam ko ay nalaman ni Kristina ang planong kasalan mga labing-walo yata siya. At tutol rin siya rito.
Mula sa kaniyang mga sulat, nasabi niyang may isang tao siyang nagugustuhan na aking palagay ay ang tao ring ipapakasal sa kaniya. Tutol siya sa pagpapakasal dahil alam niyang wala ring magandang maidudulot iyon.
Mayroon ding isang taong may gusto sa kaniya na siyang ikinasuklam niya, base sa kaniyang reaksiyon sa sulat. At mayroong pang isa na may pagtingin sa kaniya ngunit gusto ito ni Clara. Ito kaya ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang pagkasuklam ni Clara sa akin?
Sino naman kaya ang lalaking iyon? Sa pagkakaalala ko ay labing-pito yata si Kristina noon isinulat niya iyon. Ngayon ay ang taong gusto ni Clara ay si...Joaquin.
Ngunit imposible naman na nagkagusto na si Joaquin kay Kristina dati dahil ayaw ni Kristina sa kanila at wala siyang pakialam sa mga ito. Kung kaya't wala silang naging ugnayan. At saka, noong una ay medyo hindi nga sila pabor na makasama ko sila dahil ang sabi ay lagi silang inaaway ni Kristina.
Kung ganoon, sino naman kaya ang lalaking iyon?
Pero, dahil si kuya Luis ang ipapakasal sa akin pabor kaya siya rito? At saka, alam kaya ito ng kaniyang mga kapatid, lalo na ni Joaquin? Bakit nagawang umamin ni Joaquin sa nararamdaman niya para sa babaeng nakatakdang ipakasal sa kaniyang kapatid?
Hooomff, hindi ko na alam.
Napahilot ako sa sintido ko at tumayo. Sunod-sunod na paghinga ng malalim at pagbuga ng hangin ang ginawa ko habang papalabas ng silid, papababa ng mansiyon hanggang sa pagpunta ko sa likod-bahay.
"Maging masaya ka kaya sa hinaharap, Chestinell, lalo na at nangyayari ang mga bagay na ito?"
Kinakausap ko na ang sarili ko habang umupo sa upuan sa ilalim ng puno. Napakatahimik ng buong lugar at walang tao. Ngunit, kahit napakakalma na ng paligid ay hindi pa rin maalis sa isipan ko ang mga nangyayari at hindi pa rin gumagaan ang dibdib ko. Mas lalo pa yata itong sumisikip at nakakalito.
"Binibini."
Mabilis pa sa alas kwatro akong napalingon nang marinig ko ang boses ng isang lalaki. Tumambad sa akin ang pigura ni Joaquin. Kaagad akong napatayo at napatitig sa kaniya. Sa tingin ko ay nagmamadali siya dahil may iilan pang pawis na tumatagaktak mula sa kaniyang noo at tila pa ay hinahabol niya ang kaniyang hininga.
"Ginoong Joaquin? Anong ginagawa mo rito?" magkarugtong ang mga kilay ko na nakatingin sa kaniya.
"Nais sana kitang makausap..."
Nang marinig ko ang papahina niyang boses ay napatango ako. Bumuga ako ng hangin at napaayos ng pagharap sa kaniya. Tama, tama ka, mag-uusap tayo. Lilinawin natin ang lahat.
"Ako rin. May ilan akong katanungan para sa iyo."
Napatango siya at nasilayan ko ang isang ngiti sa kaniyang labi ngunit mabilis ko iyong isinawalang-bahala saka pinagkrus ang mga braso ko.
"Una sa lahat, totoo ba talaga ang nararamdaman mo para sa akin o ginagawa mo lamang akong katatawanan?"
Mabilis na namilog ang kaniyang mga mata at umiling, "Totoo. Tunay ang aking nararamdaman para sa iyo, Binibini. Hindi ko sasayangin ang iyong oras sa mga walang kwentang bagay."
Napahinga ako ng malalim nang marinig iyon at nagpamaywang, "Kung ganoon, bakit mo sinasabi ang mga bagay na ito kahit na alam mong masasaktan ang kasintahan mo? Ginoo, kahit na magkaaway kami ni Clara ay hindi ko maatim na isiping niloloko siya ng isang tao at sa akin pa. Hindi ko magawang paniwalaan ang mga sinasabi mo dahil sa ganoon pa lamang ay hindi na makatotohanan."
"Binibini, sandali," bakas sa mukha at boses niya ang pagkagulat. "Ano ang mga bagay na iyong pinagsasasabi? Wala akong kasintahan at kung mayroon man ay hinding-hindi mangyayaring si Binibining Clara iyon."
Napataas ang kaliwang kilay ko at natahimik ako. Teka, teka, ano raw?
"Hindi mo kasintahan si Clara?" paglilinaw ko na siyang ikinailing niya. "Kung ganoon nga, ay bakit hindi mo ako sinabihan o sinaway man lang? Sinadya mo ba iyon para gawin akong tanga at katawa-tawa?"
"Hindi, Binibini. Ang aking akala'y iyo lamang iyang sinasabi at binibiro. Hindi ko naman lubos akalain na totohanin mo pala ang pag-iisip tungkol doon."
"Hindi mo talaga kasintahan si Clara?" pag-uulit ko.
"Hindi, Binibini. Pangako."
"Wehh?"
Kumunot ang noo niya, "Anong 'wehh', Binibini?"
"Wala," umiling ako. "At saka, may tanong pa ako. Mayroon bang nagugustuhan ang iyong kapatid na si kuya Luis?"
Bahagyang napahilig ang kaniyang ulo nang marinig niya ang tanong ko.
"Si Kuya? Hindi ako sigurado ngunit mukhang mayroon yata. Bakit mo naman natanong?"
"Wala, wala naman."
Kung ganoon, posible kayang gusto rin ni kuya Luis si Kristina? Siya kaya iyong pangatlong lalaki na tinutukoy sa sulat? Pero hindi eh. Kasi gusto nga ni Kristina malaman ng lalaking gusto niya ang nararamdaman niya para rito. Kaya bakit naman niya ipapasa ang taong iyon kay Clara?
Pero paano nga kung mahal talaga nila ang isa't isa. Hindi ko naman mahal si kuya Luis. Magkaiba kami ng puso ni Kristina kaya hindi ko mamahalin si kuya Luis gaya ng pagmamahal ni Kristina sa kaniya.
Napatitig ako sa taong nakatayo sa harap ko. Tahimik lang siya at nakatingin sa akin, naghihintay na magsalita ako. Puno ng pag-asa at saya ang mga mata niya na hindi niya naitago sa kaniyang ngiti.
Si Jaoquin ang gusto ko, at hindi si kuya Luis. At masaya kong umaayon ang lahat dahil ibig sabihin, matitigil ko ang kasal namin ni kuya Luis. Magkapatid silang dalawa at walang pagkakaiba kung si Joaquin ang pipiliin ko dahil mapupunta pa rin naman ako—si Kristina sa isang Varteliego.
Tama ka, Kristina, balang araw magbabago ang lahat. Kung ang nais mo ay kontrahin ang kagustuhan ng iyong Ama na maipakasal kay kuya Luis, ito na Kristina, matutupad na. Hindi ka na mamamatay sa araw ng iyong kasal.
Napahinga ako ng malalim at ilang segundo siyang tinignan. Hindi ko aakalaing darating ang araw na ito. Na makakaharap ko ang lalaking nakatitig sa akin noong araw na dumating ako rito. Na sasabihin ko ang mga salitang...
"Oo ang sagot ko."
Sa kabila ng pagpigil at pagkalma ko sa sarili ko ay hindi ko magawang ibalik sa dati ang mabilis na tibok ng puso ko. Gusto kong sumigaw, tumili, at ilabas ang saya na nararamdaman ko ngayon. Ngunit, sa kabila niyon ay may mabigat akong nararamdaman sa puso ko.
Agustin...
"Ha?"
Mas lalo tuloy na kumabog ang puso ko nang masilayan ko ang nakakunot niyang noo at bahagyang namimilog na mga mata niya. Inipit ko pa ang mga labi ko bago ako uli nagsalita.
"Oo ang aking sagot," pag-uulit ko. "Sinasagot na kita, Ginoong Joaquin."
Ramdam ko ang pag-init ng pisngi ko at ganoon na lang ang pagpigil ko sa ngiting nais ng kumawala mula sa aking mga labi.
"Sinasa–ngunit, tila ba ay napakabilis naman yata, Binibini?"
Sa puntong iyon, ako naman ang nagtaas ng kilay. Anong ibig niyang sabihin? Anong gusto niya, sasagutin ko siya pagkatapos na ng sampung taon? Mamamatay na ako at lahat hindi pa kita masasagot?
"Bakit? Ayaw mo?"
"Hindi naman sa ganoon, Binibini. Ngunit, hindi ko pa napapatunayan din ang aking malinis na hangarin at aking pagmamahal para sa iyo."
Natawa ako ng kaunti, "Pero, maaari mo naman na patunayan iyon na magkasintahan na tayo, hindi ba?"
Lumapad ang kaniyang mga ngiti at nakita ko pa ang pamumula ng kaniyang tenga ilang sandali bago siya tumango.
"Oo, tama ka," aniya saka pinaghawak ang mga kamay niya at parang may kung ano mang nais itong gawin. "Maaari ba kitang mayakap, Binibini?"
Dahil sa narinig ay hindi ko miaiwasang mapatawa ng kaunti at nahihiyang napatango. Tinatanong pa ba iyon?
Bigla naman niyang hinawakan ang braso ko saka ako hinila papalapit sa kaniya. Bago pa man ako makapagsalita ay ikinulong na niya ako sa kaniyang mga bisig. Hindi ko mapigilan ang mga ngiti sa mga labi ko na halos sumasakit na ang pisngi ko sa kapipigil dito.
Naramdaman ko ang mga braso niyang humigpit sa pagkayakap sa akin at ang kaniyang kamay na humahaplos sa buhok ko. Unti-unti ko naman na itinataas ang mga braso ko papunta sa kaniyang likod upang yakapin siya pabalik.
"Labis na napakasaya ng aking puso ngayon, Binibini. Papatunayan ko ang pagmamahal ko para sa iyo. At pangako, hindi ko talaga kasintahan si Clara, kaibigan lamang ang tingin ko sa kaniya."
Bumitaw siya sa yakap. Nginitian ko naman siya saka tumango.
"Oo, naniniwala ako."
Ika-pito ng Marso, taong 1890. Binigay ko ang aking oo sa taong aking gusto. Hindi ko lubos maisip na nagkaroon nga ako ng kasintahan ay sa ganito pang panahon. Tama kaya ang desisyon ko?
Hinigpitan ko ang pagkahawak ko sa kaniyang kamay habang naglalakad kami sa kahabaan ng daan sa plasa. Magaan ang kaniyang mga kamay at maypagka-malambot ito. Habang hawak ko iyon hindi mawala ang pagkabog ng puso ko. Ito ang unang beses ko na makipaghawak ng kamay sa isang lalaki sa buong buhay ko.
Hindi ko lubos akalaing mangyayari talaga ito. Parang nananaginip lang ako. Nilingon ko naman siya at nakitang nakatingin pala siya sa akin, kaya nginitian ko siya at mabilis na umiwas ng tingin. Alas dos na ng hapon at nagpasya kaming mamasyal ngayon.
Mabuti na lang at pinayagan akong pumasyal ngayon nina Ina na ang sabi pa naman nina Kuya ay magpahinga muna ako. Magaling naman na kasi ang mga pasa ko, dumidilaw na lang naman ang mga ito at mawawala na rin.
Ngunit, hindi nila alam ang tungkol sa amin ni Joaquin. Siguro ay balang araw maaamin ko rin sa kanila ito ngunit huwag muna ngayon. Tsaka, baka kapag nalaman ito ni Ama ay magbabago na naman ang pakikitungo niya sa akin. Ayaw ko iyon.
Napatigil ako sa paglalakad nang masilayan ko ang isang pamilyar na pigura sampung metro yata ang layo mula sa amin. Napatigil rin ito at dahan-dahan na napalingon sa aming direksiyon. Unti-unti niyang ibinaba ang tingin sa magkahawak na mga kamay namin ni Joaquin.
Nais ko sanang bawiin ang kamay ko ngunit naramdaman ko na lang ang paghigpit ng paghawak ni Joaquin dito. Napansin ko ring napalingon rin si Joaquin sa taong tinitignan ko at napatitig siya rito. Hindi ko alam kung anong gagawin ko o sasabihin.
"Agustin!"
Sinubukan kong tawagin ang kaniyang pangalan ngunit napatitig lang siya sa mga kamay namin saka bumawi ng tingin at tumalikod. Mabilis kong inapak ang mga paa ko papalapit sa kaniya at nahila si Joaquin na hindi naman nagsalita.
"Agustin, teka!"
Tila ba'y hindi niya kami nakita o narinig man lang ang pagtawag ko dahil dire-diretso lang itong naglakad paalis na hindi lumilingon sa amin. Napatigil na lang ako sa paglalakad at tinanaw ang papalayo niyang pigura.
"Si Agustin iyon, hindi ba?" mahina kong usal.
"Oo, siya nga."
"Ngunit, bakit hindi man lang siya sumagot o tumingin sa atin? Narinig niya kaya ako o kaya naman ay nakita niya ba tayo?"
"Marahil ay hindi niya tayo nakita sa dami ng tao na nakaharang sa atin sa kaniya," nakangiting tugon ni Joaquin kaya dahan-dahan na lang akong napatango.
Mukhang mayroon yatang problema si Agustin. Sigurado akong nakita niya kami dahil nagkatinginan kaming dalawa. Ayos lang kaya siya? Sana naman oo.
"Anak, Kristina?"
Agad akong napadilat mula sa pagkaidlip habang nakaharap sa labas ng bintana nang marinig ko ang boses ni Ina mula sa labas ng silid. Mabilis akong napatayo at nagpunta sa may pinto saka iyon binuksan.
"Ina. Bakit po?" kaagad akong ngumiti sa kaniya saka binuksan ng malaki ang pinto. "Pasok po kayo."
Napansin ko naman ang maganda at magarbong suot niyang baro't saya na kulay makulimlim na pula. May suot pa siyang medyo mapuslaw na pulang panuelo na kinabitan ng pulang bulaklak na brotse sa gitna. Naroon naman sa kaniyang leeg ang perlas na kwintas na may diyamanteng pula sa gitna. Sa kaniyang buhok ay may iilang mga ipit at payneta pa sa likuran. Napakaganda talaga ni Ina.
Anong meron at bihis na bihis siya? May okasyon ba?
"Halika, magbihis ka na at darating na maya-maya ang pintor na binayaran ng iyong Ama."
Mabilis na kumunot ang noo ko, "Pintor? Para saan po iyon?"
"Magkakaroon tayo ng bagong retrato de familia sabi ng iyong Ama," nakangiting aniya.
Retrato de familia? Iyong family painting? Gagawa ng bago eh andoon naman ang luma sa sala mayor katabi ng salamin sa hagdan ah. Bakit naman nila babaguhin?
"Pero mayroon naman pong dati, hindi po ba?"
"Hindi ko alam sa iyong kuya Lucio at pinilit ang iyong Ama na magpagawa ng bago," tugon niya saka naglakad papunta sa aparador. "Ngunit, sa tingin ko naman ay mainam rin iyon."
Dahan-dahan na lang akong napatango saka sumunod sa kaniya. Para sa akin, kahit gusto ko naman na baguhin dahil gusto ko rin maransan iyon pero may parte pa rin sa akin na ayaw ko. Iyon na lang naman ang taging bagay at alaala na mayroon sila kasama ang totoong Kristina.
Kahit masaya akong kasama at naging pamilya sila ay ayaw ko naman na agawin ang lahat ng mayroon kay Kristina. Pakiramdam ko nga ay tinatapakan ko na ang kaniyang pagkatao.
"Ano ang iyong nais na suotin, anak?" baling ni Ina sa akin kaya napabalik ang aking diwa.
Tinignan ko na lang ang loob ng aparador. Pumukaw sa aking pansin ang kulay bughaw na baro't saya sa loob kaya agad akong napangiti. Ito ang paboritong kulay ni Kristina kaya ito na rin ang aking susuotin.
"Iyan na po, Ina. Sa tingin ko ay napakaganda niyan," sabay turo ko nito.
Kaagad naman niya itong kinuha saka inabot sa akin. Nakangiti ko itong tinanggap at hinaplos. Pati si Ina ay ganoon rin ang kaniyang ginawa.
"Ganoon din ang aking palagay." Ngumiti siya. "Magbihis ka na, at ako naman ay maghahanda roon upang ika'y ayusan."
Napatango naman ako bilang tugon saka nagpunta na sa bihisan. Doon ko na isinuot ang magarbong damit ni Kristina. Kulay bughaw na makulimlim ang makapal na saya. May mga nakaburda itong mga kulot at pakurbang mga linya at mga bulaklak gamit ang mga asul na sinulid. Ang kimona at baro ay medyo mapuslaw naman ngunit may kakulimliman pa rin. Nakatahi roon ang mga mamahalin at kumikinang na mga dyamante at palamuti. Ang panuelo naman ay mas mapuslaw na bughaw kumpara sa iba at tagos ang paningin dito. Pinagdugtung ko ang dalawang dulo nito gamit ang nakaipit na bughaw na brotseng paru-paro roon. Nagpalit na rin ako ng sapin sa paa bago lumabas at lumapit kay Ina.
Nadatnan ko siya na inaayos ang mga gamit sa mesa ng tukador. Napaangat naman ang kaniyang tingin at tumitig sa repleksiyon ko sa salaman na nasa kaniyang harapan. Nasilayan ko mula sa kaniyang mukha ang isang matamis at malapad na ngiti.
"Aba, napakaganda nga talaga ng aking anak," turan niya saka lumingon sa akin at lumapit.
"Ei, kayo naman po, Ina. Masyado niyo akong binobola."
"Hindi kaya. Totoo ang aking sinasabi. Talagang ika'y nagmana sa akin," nakangising aniya kaya natawa ako. "Siya, halika na at baka tayo pa ay mahuli."
Giniya na niya ako paupo sa harap ng salamin ng tukador at sinimulan ng suklayin ang aking buhok. Tahimik lang ako habang nakatingin sa kaniya sa salamin na hindi umimik at nakatuon lang ang pansin sa kaniyang ginagawa.
Itinirintas naman niya ang buhok ko sa dalawang gilid ng aking ulo saka niya ito pinagsama at pinusod sa may likuran. Nilagyan niya naman ng ipit na paru-paro, katugma ng aking brotse, ang kanan na tirintas.
"Bahagya tuloy akong nalungkot at hindi ko kasama ang iyong Tiya sa pag-aayos sa iyo," matapos ang ilang minutong katahimikan.
"Ako rin po, Ina. Nakakatuwa nga lalo kapag narito si Tiya eh."
Bahagya siyang natawa, "Oo nga, tama ka. Ngunit, panahon na rin naman upang magsimula sila ng sarili nilang pamilya."
Dahan-dahan na lang akong tumango kay Ina bilang tugon. Naging tahimik ang nalalabi naming oras sa paghahanda. Nilagyan na ni Ina ang mga tenga ko ng hikaw saka kwintas rin na gawa sa magkakarugtong na diyamanteng kulay puti at bughaw. Nilagyan niya rin ng kaunting polbo saka pampula ang aking labi't mukha.
Ilang sandali na ang lumipas at nagtungo na kami sa opisina ni Ama dahil doon daw kami pipintahin. Nadatnan namin doon sina Ama at Kuya na pawang nakabihis na. Bakas sa kanilang mga itsura ang pagiging marangya't sopistikado at mas lalo pa silang pinakisig sa kanilang mga suot.
Suot ni Ama ang kaniyang uniporme bilang Teniente Mayor at sina Kuya ay nakasuot ng pormal, pawang mga nakasuot ng barong at pantalon. Nang makapasok kami ay nagsipangiti ang tatlo habang si Ama ay bahagya lang na nakangiti at kay Ina lang.
"Aba, aba, napakamayumi naman talaga ng ating reyna't prinsesa," nakangiting komento ni kuya Lucio.
"Hay naku, ayan ka na naman Lucio." Napailing si Ina kaya nagtawanan ang tatlo kaya pati na rin ako ay natawa na rin.
"Siya't tayo na ay magsimula. Mahaba-haba pa ito," dagdag ni Ina kaya agad na silang nagsipuwesto sa may harapan ng mesa ni Ama.
Napansin ko naman sa may gitna ng silid ay naroon nakatayo ang isang lalaking nakasuot ng kamisadentro at pantalon habang hawak-hawak ang pampinta. Sa harap naman niya ang kaniyang pagpipintahan.
Kaagad na akong lumapit kina Ina saka ko nginitian ng kaunti si Ama na nakatingin sa akin.
"Sige po, ang mga babae ay riyan sa upuan uupo't ang mga Ginoo naman sa kanilang likuran nakatayo," nakapameywang na utos ng pintor.
"Sa aking kanan na banda po ang Donya, oo, at riyan ka Binibini sa kabila. Kayo naman po, Teniente Mayor, ay riyan sa tabi ng Donya tumayo. Ang tatlong magkakapatid, diyan kayo sa likuran ng inyong Ina at kapatid."
"Hayan! Uh, Senyorito Lucio, dahil kayo ang panganay sa tabi kayo ng iyong Ama. Tapos kasunod si Senyorito Lucas at sa may likuran ng Binibini si Senyorito Marco. Ayan, magaling."
Nakapwesto na si Ama sa may gilid ni Ina hawak pa ang kaniyang tungkod sa kaliwa niyang kamay. Si Kuya Lucio ay nasa kaniyang tabi, sa may likuran ni Ina. Si kuya Lucas naman sa may gitna namin ni Ina at si kuya Marco ay sa likuran ko.
"Ngayo't tayo ay nakapwesto na, sisimulan ko na. Maaari pong huwag na tayong gumalaw at ibigay na lang po natin ang ating itsurang nais na maipinta."
Naistatwa na lang ako sa kinauupuan ko habang magkahawak ang mga kamay na nakapatong sa hita at ngumiti. Mahaba-haba pa pala ito at maya-maya ay baka nakasimangot na ako. Sana naman maipinta akong nakangiti. Si Kristina ba naman kasi sa lumang retrato de familia ay nakasimangot at napakaseryoso. Kung sabagay, mangangawit ba naman kasi kalaunan dahil sa tagal.
Kung ganoon, siya rin ba kaya ang nagpinta sa kanila sa una nilang family painting? Sa dati nilang family painting ay nakadilaw si Ina at si Kristina naman ay nakalila na makulimlim. Tapos si Ama ay naka-uniporme saka sina kuya ay nakapormal na amerikana.
Oo nga pala, bakit kaya hindi na lang nila papakuhanan ng litrato at kailangan pang ipinta? Nangangawit na ang mga pisngi ko saka masakit na rin ang likod ko kakaupo ng tuwid.
Napakatahimik lang ng buong silid at nakatingin lang ako sa pintor na napakaseryosong pabalik-balik ang tingin sa amin at sa kaniyang ginagawa. Inisip ko na lang ang mga panahon at sandali na kasama ko si Joaquin kaya mas lalo akong napangiti. Eiii, si Joaquin.
Bahagya ko namang sinipat ang mga tao sa tabi ko. Hindi nila alam na may kasintahan na pala ang kanilang bunso. Ano na lang kaya ang sasabihin nina Kuya kapag nalaman nila ang tungkol doon?
Siguro ay sa susunod masasabi ko. Wala naman kasing lihim na hindi mabubunyag. Isa pa, magkaibigan sila ni Joaquin at alam kong masasabi at mababanggit rin niya ito sa kanila.
Mabuti na lang at hindi na umabot pa sa dalawang oras ang pag-upo namin doon. Inuna kasi ng pintor ang mga mukha namin at inawtlayn niya na lang muna ang mga katawan at nilagyan ng kakaunting kulay base sa mga suot namin. Bukas daw o sa kamakawala na niya ipapadala ang gawang natapos na.
"Senyorita, marahil po ay roon na lang kayo sa lilim ng kahoy. Mainit po rito."
Ika-limang beses na yata itong pag-uulit ni Mang Kardo habang naggugupit siya sa mga tanim at halaman sa hardin. Katatapos lang kasi ng tanghalian namin at nakita ko siyang abala rito sa harap ng mansiyon kaya nilapitan ko.
"Ayos lang naman po ako, Mang Kardo. Kayo nga rin naman po eh. Mamaya na po kaya ninyo iyan tapusin kapag hindi na masyadong mainit."
Kanina pa ako tanggi ng tanggi sa pagpapasilong niya sa akin. Hindi rin naman kasi masyadong mainit. Tsaka naaliw rin akong nilalaro ang iilang mga bulaklak na nagugupit niya.
"Kailangan ko itong matapos, Senyorita, at ang pangit naman kapag naiwan ko itong hindi pantay. Kayo po ang sumilong at baka pag nakita pa kayo ng inyong Dueña ay pagalitan pa kayo."
Natawa naman ako sa sinabi niya, "Aysues, hindi po iyan. Hindi niya ako magagawang pagalitan dahil nariyan naman si kuya Lucas sa itaas. Isa pa, si Ina nga hindi ako pinapagalitan siya pa kaya."
"Ikaw talaga, Senyorita," natatawang iling niya.
"Totoo naman po eh. Kaya ayos lang na andito ako, tsaka sasamahan ko kayo."
Wala sina Ina at Ama dahil nagpunta sila sa tanggapan. Si kuya Lucio rin ay nasa hacienda kasama si kuya Marco. Kaming dalawa lang ni kuya Lucas ang naiwan dahil pinagpapahinga ako at mayroon din siyang hinihintay. Pati si Dueña Hilda ay nasa itaas, nasa kaniya yatang silid.
Nakakairita nga talaga siya eh. Kahit anong gagawin ko ay kokontrahin niya saka niya ako papaluin ng patpat niya lalo kapag wala sina Ina at Kuya. Pero kapag andiyan sila ay papagalitan lang ako na pabulong. Hindi ko tuloy alam kung ano na ang gagawin ko sa kaniya. Ang sarap lang kurutin.
Dati kaya, ganoon din ang trato niya kay Kristina? Ang sabi pa naman ay malapit daw sila sa isa't isa kaya imposible naman na gaganiyanin niya si Kristina. Hindi ko alam kung bakit sa akin ganoon siya. Dahil ba magkaiba kami ng ugali ni Kristina?
"Binibining Kristinaaa!"
Isang matinis at malakas na sigaw ang narinig ko kaya kaagad kaming napatigil ni Mang Kardo at nagsipag-angat ng tingin. Doon namin nasilayan ang pigura ni Clara na kabababa lang sa kaniyang sinasakyan na karwahe.
Bakas sa kaniyang mukha ang pagkainis at galit dahil sa magkarugtong niyang mga kilay at labis na pagkunot sa kaniyang noo. Halos na rin sumabog yata ang kaniyang mukha sa pamumula na parang kamatis. Mabilis rin ang kaniyang lakad na halos patakbo na papalapit sa akin.
Bakit siya andito? Ano naman kaya ang kailangan niya't kung makasigaw ay wagas.
Ni hindi pa man ako makasagot nang makarating siya kalahating dipa ang pagitan namin ay sinalubong ng pisngi ko ang isang malakas at malutong na sampal.
ANAK NG! Goodness!
"Senyorita!"
Narinig ko pa sa tabi ko ang gulat na gulat na reaksiyon ni Mang Kardo. Parang nayanig yata ang utak ko dahil sa nangyari. Ni hindi pa naproseso ng utak ko ang ginawa niya.
Agad na naangat ang kamay ko at hinawakan ang umiinit at tila ba'y tinutusok ng maliliit na karayom na pisngi ko. Baliw 'to ah!
Biglang sumagi sa isipan ko ang nangyari sa mansiyon ni Lolo Alejandro sa hinaharap. Ang dalawang beses na pagsampal ni Mama sa akin. Mangyayari pala uli iyon...
Hindi ko lubos akalaing pagbubuhatan ako ng kamay ng babaeng ito. Ang kapal niyang pagbuhatan ng kamay si Kristina na kahit sariling Ina niya hindi man lang siya kinurot.
Magkarugtong ang mga kilay kong mabilis na napaharap sa kaniya. Doon ko nakita sa malapitan ang matatalas niyang mga tingin at kaniyang mga labing kaniyang kinakagat dahil sa gigil. Sunod-sunod rin ang kaniyang pag hinga na parang torong galit.
Kumukulo ang dugo kong nanlilisik ang paningin sa kaniya habang nakakuyom ang kamao ko. Kung nakakamatay lang ang tingin ay kanina pa nakahandusay ang babaeng iyan sa harap ko.
"Ano bang problema mo?!"
Hindi ko pa nakakalimutan kung ano ang ginawa niya sa akin sa gabi ng kaniyang kaarawan. Ang kapal naman ng kaniyang mukhang sugurin ako't sampalin sa loob ng residensya namin.
"Ikaw ang mayroong problema! Ang iyong pagmumukhang kagaya ng kakapalan sa uling sa puwit ng aming kaldero!"
Halos masira na yata ang tenga ko dahil sa tinis ng kaniyang mga tili at sigaw. Nanlilisik at naniningkit pa ang kaniyang mga matang nakatingin sa akin.
"Ang sabi ko sa iyo ay layuan mo si Joaquin! Ang kapal ng iyong pagmumukhang agawin siya sa akin. Ang sabi mo ay hinding-hindi mangyayaring magkaroon ka ng pakialam sa kaniya. Ngunit ano itong nalaman kong magkasintahan na kayong dalawa! Ang kapal ng iyong mukha, Kristina!"
Nakataas lang ang kaliwa kong kilay habang nakatitig sa kaniya at nakikinig sa kaniyang litanya. Subalit wala pang ilang segundo ay kaagad na niya akong sinugod at hinablot ang buhok ko.
"Hinding-hindi ko hahayaang maagaw mo siya sa akin! Ngayon ay habang-buhay na niyang itinakwil niya ang aking damdamin at pag-ibig para sa kaniya. Iyon ay dahil sa iyo!"
Halos matanggal na ang aking anit dahil sa higpit ng paghawak at paghila niya sa mga buhok ko. Kaagad ko ring inabot ang kaniyang buhok saka pinaghihila at pinagpuputol ang mga hibla niyon. Packing tape, ang sakit ng ulo ko!
"Senyorita! Naku po, tama na po iyan! Senyorita Clarita, pakiusap," panay ang pagsigaw at pagpigil ni Mang Kardo sa aming dalawa at hinihila palayo si Clara mula sa akin.
"Bitiwan mo ako, hampaslupa!"
Tinadyakan niya si Mang Kardo na ikinatumba nito sa lupa kaya mas lalo kong hinila sa likod ang kaniyang buhok kaya't napatingala siya at sumisigaw.
"Ang kapal ng iyong mukha!"
"Bitiwan mo ako! Tanggalin mo iyang kamay mo, kung hindi susuntukin kita!" Sinigawan ko ang tenga niya para dama.
"Ibalik mo sa akin si Joaquin! Ako lang ang mahal niya at hindi ikaw. Hindi ko hahayaang maagaw mo siya sa akin. Mang-aagaw ka, Kristina, kahit kailan!"
Pinagtatadyakan ko naman siya para bumitaw siya sa akin ngunit hindi niya talaga binibitawan ang buhok ko. Mas lalo pa niya itong hinigpitan sa pagkahawak at hinihila kaya halos mabali na ang leeg ko sa kakapigil.
Natumba naman siya sa lupa kaya kaagad ko ng dinaganan. Hindi naman niya ako binitawan at pati mga braso ko't pisngi ay pinagkakalmot na niya. Pinagsasampal ko naman siya at pinaghihila ang mga buhok niyang mukha ng pugad ng ibon.
Sa buong buhay ko ngayon ko pa naranasang magkipag-away. Mas lalo pa akong nangigil dahil matagal ko na ring gustong masampal itong si Clara. Hindi ko alam kung nasaan na si Mang Kardo dahil tanging sigaw na lang ni Clara ang naririnig ko.
"Aaahh! Bitiwan mo ako, mang-aagaw ka!"
Hindi ko na rin maisip kung ano na ang itsura ng buhok ko na may nararamdaman pa akong natatanggal na at napuputol dahil sa patuloy na pagsabunot ni Clara sa akin.
"Hindi ko siya inagaw dahil walang kayo at hindi siya sa'yo! Bitiwan mo ako, susuntukin talaga kita!"
Napatili na ako at pinagsasampal na si Clara dahil sa galit at pagkairita ko. Kasunod na niyon ay ang pagkarinig ko sa mga boses nina kuya Lucas at ate Guada.
"Kristina! Clara!"
Naramdaman ko na lang na may mga braso ng nakagapos sa beywang ko at hinila na ako palayo kay Clara. Pero hindi bumitaw si Clara na maghigpit ang paghawak sa mga buhok ko. Mas lalo pa iyong nahila dahil tinulungan na siyang patayuin at ilayo sa akin.
"Aaaaahhhh!"
Ang mga tenga namin ay halos mabingi at mabasag na dahil sa kaniyang matinis at malakas na tili at sigaw. Nakakarindi at para bang baboy na iniihaw.
"Tama na! Magsitigil na kayo," pakiusap ni Ate.
"Martina, bumitaw ka na," halos pumagitna na si kuya Lucas sa aming dalawa at si ate Guada naman ay yakap-yakap ako at inilalayo kay Clara.
Hawak-hawak niya pa rin ang dulo ng mga buhok ko kaya pinilit kong kumawala kay Ate at saka tinadyakan si Clara sa tuhod. Halos lumipad na ako kakapatid sa kaniya dahil nakakapit sa akin si ate Guada. Itinaas ko na ang kamao kong kanina pa nakakuyom at buong lakas at pwersang idiniretso sa kaniyang ilong.
Kaagad akong niyakap ni kuya at iniatras nang maistatwa sa gulat si Clara dahil sa nangyari. Tumakbo si ate Guada papunta sa kaniya at hinawakan siya. Tila napatigil pa ang paghinga ni Clara at pinagkrus ang mga tingin sa papunta sa kaniyang ilong.
"Kyaaaaaahhh!"
Mas lalo pang lumakas ang kaniyang tili na halos bulabugin na ang buong San Luisiano. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kaniyang ilong at nakitang may dugong lumalabas mula rito. Pinagtatadyak niya pa ang kaniyang mga paa sa lupa at pawang nanlaki ang kaniyang mga mata. Sumigaw uli siya habang nakatitig sa kaniyang daliring may dugo.
Inialis ko naman sa mukha ko ang nakaharang na mga buhok at inayos ang suot ko habang nakaismid sa kaniyang naghe-hestirikal na itsura. Pechay ka! Hindi mo pala kayang makipagsuntukan eh.
"Anong nangyayari rito?!"
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro