Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 39

|Kabanata 39|

Marso 30, 1888

Ang nais ko lang naman ay maging masaya ang aking buong pamilya. At higit sa lahat ay bigyan ng halaga ni Ama sina Kuya na siya namang nararapat. Ngunit, bakit dahil lang doon ay magbabago ang lahat? Ayaw kong maging masamang anak dahil doon ngunit ayaw ko ring maputol ang aking kaligayahan at makulong sa isang bagay na hindi ko nais.

No me dejas opción, Ama. Haré lo correcto, incluso si eso significa oponerme a ti.

- Martina



"Totoo ba talaga?" tanong ko sa isang dilaw na bulaklak na tumubo sa tabi ko saka tinanaw ang mala-kristal at napakalinis na talon na rumaragasa pababa papunta sa ilog.

Napakatahimik sa buong paligid maliban sa mga huni ng ibon at ragasa ng tubig. Malamig ang simoy ng hangin at maaliwalas ang kapaligiran. Tinatanaw ko ang katapat na malawak na lupain habang nakaupo sa may bangin rito sa tagong lugar ng Kagubatan ng Walang Hanggan.

Hindi ako nagpaalam kahit kanino at sekreto lang akong nagpunta ritong upang magmuni-muni. Hindi pa rin kasi maalis sa isipan ko ang mga sinabi ni Isay. Totoo ba talaga ang mga iyon?

At saka, sabi ko nga naman ay hindi ako nararapat na umibig sa kahit na sino. Magbabago ang lahat, ang lahat-lahat. Nakatakda akong ikasal sa isang tao at wala sa kanilang tatlo iyon kaya hindi maaari. Isa pa, kaibigan lang ang tingin ko sa kanilang tatlo.

Kaibigan lang? Paano naman si...

Napahawak naman ako sa pulseras na suot sa kanan kong pulsuhan saka bahagyang pinisil iyon. Nakaramdam ako ng pagkirot at pagsikip sa aking dibdib. Nasaan na kaya iyong ibinigay ko sa kaniya?

Ang totoo niyan, hindi ko talaga maintindihan kung ano ang mga nararamdaman ko kapag nasa harap ko siya, katabi ko siya, kasama ko siya, at nasa paligid siya. Hindi ko alam at hindi ko maipaliwanag.

Pero hindi ko naman iyon dapat maramdaman dahil hindi ko dapat iyon maramdaman. At saka, kapatid niya ang ipapakasal sa akin. At, mayroon na rin siyang kasintahan kaya hindi na dapat akong mag-abala pang isipin at ramdamin ang mga bagay na iyon. Dahil mahuhulog lang ang lahat sa dalawang salita, hindi pwede.

Napapikit na lang ako at bumuga ng hangin saka pinagkrus ang mga binti sa ilalim ng hita. Sa Hunyo na matatapos ang aking misyon. Kahit hindi ako sigurado, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para hindi masayang ang lahat ng mga paghihirap at mga nangyari sa akin. Magtatagumpay ako.

Isa pa, si Ama ay unti-unti ng nagbabago. Kagaya ng pangako ko, dumating na rin ang araw na mabuti at maayos na ang kaniyang pakikitungo sa akin. May mga bagay talagang kailangan lang ng kaunting panahon at pasensya.

"Binibining Martina?"

Awtumatikong napadilat ang mga mata ko nang marinig ang isang boses mula sa aking likuran. Kaagad akong napatingin at natagpuan ko ang naguguluhan ngunit may kaunting ngiting mukha ni Joaquin.

Ang pag-iisip sa kanyang pangalan at ang tanawin na aking nakitang papalapit ay nagpadala ng panginginig at pagbilis ng tibok ng aking puso. Ang kanyang pangangatawan ay niyakap ng ibinagay na damit na kanyang isinuot na nagpapakita ng kaniyang marilag na pigura.

Bumagal ang kanyang paglalakad kasabay ng mga kumikislap sa kaniyang paligid at ang kumikinang na liwanag na pumapalibot sa kaniya habang papalapit siya. Lumukso ang puso ko nang lumawak ang ngiti niya habang nakatitig sa akin.

"Gi-ginoong Joaquin," nauutal kong sabi habang sinusubukan kong ikalma ang sarili ko at ngumiti pabalik sa kaniya. Napatayo ako na siya namang dali-dali niyang paglapit para alalayan ako.

Yumuko siya at lumuhod sa tabi ko, hinawakan ang braso ko saka ako tinulungang tumayo. Lumingon ako at doon nakita ko ang mukha niya na ilang pulgada na lang ang layo mula sa mukha ko. Naaamoy ko pa ang kanyang pabango at nakikita ko kung gaano kakayumanggi ang kanyang mga mata na may mga kakulimlimang kayumangging detalye.

Dumagundong ang puso ko at hindi ito mapakali sa loob ko. Para akong nawawalan ng hininga at nanginginig ang mga tuhod ko. Natatakot akong baka marinig niya ang pagtibok ng aking puso. Shems, Chestinell.

Kaagad na akong umiwas ng tingin at umayos ng tayo. Nahihiya akong ngumiti sa kaniya saka bumitaw sa braso niya. Ngunit hindi nakalampas sa kamay ko na maramdaman ang isang bagay sa kaniyang pulsuhan. Ang pulseras.

Hindi ko na namalayang nakatitig na pala ako roon ng may ngiti sa labi. Suot-suot niya ito mula pa noon o ngayon lang niya sinuot ito? Nagkibit-balikat na lang ako at napangiti dahil kahit pa ganoon ay hindi niya itinapon.

"Hindi ko inakalang ikaw ay paparito, Binibini," panimula niya.

"Ah, ikaw nga rin eh," natatawang tugon ko. "Wala kasi akong magawa sa bahay tsaka ilang araw na rin yata mula noong ako'y huling nakapunta rito."

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kaniyang labi saka tumango. Napalingon naman siya sa paligid at inilahad ang inupuan ko kanina.

"Upo ka na, Binibini."

Mabilis akong tumango saka umupo at siya naman ay sumunod sa tabi ko. Iilang dangkal ang pagitan naming dalawa. Dumako uli ang tingin ko sa suot niyang pulseras. Hindi ko alam ngunit sobrang saya ko lang dahil binigyan niya ng halaga ang ibinigay ko.

Umiwas na ako ng tingin at lumingon sa may talon. Pilit kong kinakalma ang pagngangalit ng aking puso. Ang kanyang presensya sa aking tabi ay nagbigay sa akin ng kakaibang pakiramdam na idinagdag pa ang aking tiyan na tila kumukulo at kinikiliti.

"Maraming salamat pala sa iyong ipinadalang mga bulaklak, Ginoo," hinanap ko ang boses ko habang tahimik kami ng ilang minuto, nakatitig lang sa magandang tanawin sa harapan.

"Masaya akong iyong natanggap. Walang anuman, Binibini."

Lumingon ako sa kanya at nakita ko siyang nakangiti na nagpabilis na naman ng tibok ng puso ko.

"Hindi mo na suot ang salungbaba?" tingin niya sa braso kong malayang nakatukod sa bandang gilid ko.

"Ah, oo. Parang pilay naman kasi ako kapag suot ko iyon, at saka kaunti na lang naman ang sakit na halos hindi na maramdaman," ngiti ko saka bahagyang inayos ang manggas ng suot kong camisa.

Medyo may kalakihan kasi ang pasa ko sa balikat kaya nag suot na lang ako ng camisa. Tsaka para na rin hindi makita ang pasa ko sa may itaas na banda ng braso.

Narinig ko siyang tumawa sa tabi ko kaya napalingon ako sa kanya. Nakatitig pa rin siya sa akin kaya nginitian ko na lang siya pabalik at umiwas na ng tingin.

"Hinuha kong ikaw ay hindi na naman nagpaalam," ngisi niya kaya natawa ako.

"Paano mo nalaman?" saka ko siya nilingon.

"Hindi naman nakakapagtaka iyon sapagkat hindi ka naman pinapayagan na magpunta sa kahit saan."

Nagdugtong ang mga kilay ko habang nakatingin sa kaniya. Paano niya nalaman iyon?

"Tama ka. Kaya gusto ko nga muna na mapag-isa at makapag-isip-isip."

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa kaya napataas ang kilay ko.

"Bakit? May problema ba?"

"Wala naman," sabay iling. "Mayroon lamang akong naalala."

Isang maliit na ngiti ang pinakawalan ko at umiwas ng tingin. Naalala niya siguro si Clara, ang kaawa-awang kasintahan niya ika pa Kristina.

Mabait naman si Joaquin, mayaman at gwapo kaso nga lang ay hindi ko alam kung bakit ganoong klase ng babae ang nagustuhan niya.

Sana naman magbago na at maging mabait na iyang si Clara, aaminin kong maganda rin naman siya. Nakakapanghinayang lang at magkaaway sila ni Kristina na magiging maghipag pa naman sila sa hinaharap.

"Binibini, mayroon akong iilang salitang nais na iparinig sa iyo."

Bigla siyang nagsalita matapos ang ilang minutong katahimikan sa pagitan naming dalawa.

Tumingin ako sa kanya na nakakunot ang noo pero may ngiti sa labi. "Bakit? Ano 'yon?"

Ilang segundo siyang nakatingin sa baba at natahimik bago nagsalita. "Pan-paniniwalaan mo kaya kung il-ilalahad kong iniibig kita?" nauutal niyang sambit at isang maliit na ngiti ang lumitaw sa dulo.

Nanlaki ang mata ko dahil sa narinig ko. Tama ba ang mga naririnig ko o halusinasyon ang lahat ng iyon? Iniibig niya ako?

Ako?!

Iniibig niya?!

Weehh?!

"Hindi ko maintindihan ngunit isang araw na lang ay lagi ka ng nasa aking isipan. Hindi ko iyon matanggal kahit ano pa ang aking gawin. Ang iyong pangalan ay akin ng nababasa kahit saan at kapag naririnig ko ang iyong boses, nagtatatalon ang aking puso," ang kaniyang boses ay mababa at malamyos.

Ang kanyang mga salita ay nagpadala sa aking puso sa ikasiyam na ulap. Bumibilis ang tibok ng puso ko at hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng panginginig sa buong katawan ko. Gusto kong tumili dahil sa mga naririnig ko.

Goodness, gusto niya ako!

Tinitigan ko siya ng ilang segundo o minuto, hindi ko alam. Naramdaman ko na lang na hindi na ako makahinga at nagpapasalamat ako sa pagragasa ng tubig dahil hindi nito pinarinig kung gaano kalakas ang tibok ng puso ko.

Seryoso ba siya?

Ngunit, paano niya nasasabi ang mga bagay na ito sa akin kahit pa may kasintahan siya? Bakit niya pinagtataksilan ang kaniyang relasyon kay Clara sa akin?

Nakatingin siya sa akin ng diretso at nakatitig ng seryoso, naghahanap ng kasagutan. Ni hindi siya kumurap o umiwas ng tingin.

"Binibini, ma-maaari ka bang magsalita?" tanong niya, na tila ba ay pagmamakaawa na.

Napakurap ako ng ilang beses habang nakatitig sa kaniya. Ramdam ko pa rin kung gaano kabilis ang tibok ng puso ko. Ano ba ang sasabihin ko? Na gusto ko rin siya? Na oo, maniniwala ako? Hindi ko alam. Anong gagawin ko?

"Binibini?" pagtawag niya uli sa atensiyon ko.

Napaiwas ako ng tingin saka bumuntong-hininga. Kinalma ko ang sarili ko at inipit ang mga labi habang hinahanap sa aking utak ang tamang mga salitang dapat kong sabihin.

"Pasensya ka na Ginoo, kailangan ko na palang umalis," nagmamadali kong usal at agad na tumayo.

Mabilis akong nagpagpag ng sarili na siya rin namang pagmamadaling pagtayo niya. Iyon ang tama at iyon ang nararapat.

"Sandali lamang, Binibini-"

"Naalala ko kasing kailangan ko na pala na matulog sa mga oras na ito sabi ni kuya Lucas para mas lalong madaling maghilom ang mga pasa. Pasensya ka na," pagdadahilan ko na halos hindi na ako makahinga.

Nakita ko ang kirot na bakas sa kanyang mga mata at kabiguan na nakapaskil sa kaniyang mukha. Ang kaniyang mga balikat ay nanganglulupaypay, at ang kaniyang mga labi ay bahagyang napababa.

Ito na yata ang pinakatangang ginawa ko sa buong buhay ko. Pero hindi ko kaya at ayaw kong saktan pa siya ng todo. Isa pa, may kasintahan siya, hindi ba?

"Pasensya ka na, Ginoo. Mauuna na ako sa iyo," mabilis kong paalam at kaagad na tumalikod na. Ayokong makita pa ang kaniyang reaksiyon.

"Hayaan mong ihatid kita sa inyo, Binibini-,"

Mabilis ko siyang nilingon, "Huwag!" Nagulat kaming dalawa sa pagtaas ng boses ko. "Ibig kong sabihin, huwag na. Maraming salamat."

Kaagad na akong naglakad paalis, na tila ba lakad-takbo na ang ginawa ko at kulang na lang ay lumipad ako para makaalis kaagad. Hindi ko na siya nilingon pa. Ayaw ko siyang tignan at baka hindi ko na mapigilan pa ang sarili ko at bumalik sa kaniya saka sabihin kung ang nararamdaman ko.

Habang tinatapak ko ang mga paa ko papalayo sa lugar na iyon at sa taong iyon pinipigilan ko ang mga luhang nagbabadyang umagos mula sa mga mata kong tila ba'y tinutusok ng mga maliliit na karayom.

Bakit ko ba ito nararamdaman? Hindi ko na naiintindihan. Bakit parang ako pa yata ang nasasaktan sa ginawa ko sa kaniya?



"At saan ka galing, Binibini?"

Natigil ako sa may pinto ng mansiyon nang madatnan ko si Dueña Hilda na nakatayo roon at tila ba hinihintay ang pagdating ko.

Hindi na rin nakakapagtataka pa ang nakataas niyang kilay at pinagkrus sa dibdib niyang mga braso at ang kaliwang kamay pa ay may hawak sa kaniyang manipis na patpat. Parang iyong ginagamit ng mga fairy, hindi ko alam.

"Sa likod-bahay," simple kong sagot saka naglakad na paalis ngunit hinarangan niya ako.

"Ako'y kagagaling lamang sa likod-bahay, at ni iyong anino ay hindi ko nasilayan," patuloy niya.

Bumuntong-hininga na lang ako saka nilagpasan na siya, "Baka naman po kasi hindi niyo inayos ang paghahanap."

Wala na akong ganang makipag-usap at makipatalo pa sa kaniya.

"Hindi mo na ba naaalalang ang isang binibini ay hindi maaaring umalis ng mag-isa? Kahit saan ka man magpunta nararapat akong naroon."

Patuloy pa rin ang panenermon niya habang nakasunod sa akin paakyat ng hagdan. Gusto kong humiga at matulog. Hindi ko alam ngunit parang nawalan ako ng gana at lakas.

"Sa susunod ay magsabi ka sa akin kung saan ka paroroon. At saka, bakit masyado ka ng lumalabas ng mansiyon ngayon? Ang isang binibini ay dapat lamang na nakapirmi sa mansiyon, nag-aaral at hinahanda ang sarili para sa pag-aasawa."

Napahilot ako sa sintido at bumuga ng hangin dahil kahit pa nakarating na kami sa itaas ay wala pa ring humpay ang kakadada niya. Ganitong-ganito ang naranasan ko dati eh. Bakit kailangan pang maulit?

Nang makarating ako sa pinto ng silid ko ay hinarap ko siya. Magkarugtong ang mga kilay niyang nakatingin sa akin na tila pa'y nagbabadyang maglalabas na naman ng sermon ang kaniyang nakaawang na bibig.

"Naaalala ko po ang lahat ng iyon, Dueña Hilda," pagtatakip ko. "At saka, hindi po ako mag-aasawa. Papasok na po ako at magpapahinga."

Nasilayan ko pa ang kaniyang mga mata na nanlaki dahil sa mga narinig bago ako tumalikod.

"O mga puti kong buhok! Paano mo iyan nasasabi, Binibini?" bulalas niya. "At anong ika'y magpapahinga? Alas diyes pa lamang ng umaga!"

Nginitian ko na lang siya bago ko sinara ang pinto. Muli akong bumuga ng hangin at napatakbo papunta sa higaan saka isinalampak ang sarili roon.

Goodness! Anong nangyayari?

"Binibini, ayos ka lang ba?"

Napatingin ako kaliwa nang marinig ko ang boses ni Isay. Nakita ko siyang naglalakad papalapit mula sa bihisan. Bahagya akong ngumiti habang dinadama ang kaginhawaan sa pagkakahiga.

"Hmm," ingit ko saka pumikit.

"Bakit naman parang hindi naman, Senyorita?" saka siya nakangiting umupo sa upuan sa harap ko.

"Ayos lang talaga ako, Isay," pilit kong tugon habang bahagyang natabunan ng mga kumot ang bibig ko.

Natawa naman siya dahil sa narinig saka siya dahan-dahan na tumango.

"S'ya, ako ay lalabas na, Senyorita, nang sa gayon ikaw ay makapagpahinga," tumayo siya.

"Salamat, Isay," pilit kong ibinuka ang bibig ko at sinubukang umidlip.

Narinig ko na ang papaalis niyang yabag at ang pagsara ng pinto. Nanatili lang akong nakapikit para matulog. Ngunit kahit ano pa man ang gawin kong paggulong at pag-iba ng posisyon ay hindi pa rin ako makatulog.

Sa halip ay ang nangyaring eksena kanina sa may talon ang paulit-ulit na sumusulpot sa isipan ko. Lalo na iyong mukha niyang bahagyang nadismaya sa pagpaalam ko.

Hindi ko pwedeng iuna ang bugso ng damdamin ko. Hindi ako maaaring magkaroon ng ugnayan at umibig sa isang taong nagmula sa panahong ito. Hindi puwede. Bawal.


"Kanina ko pa naririnig ang paghinga ninyo ng malalim, Senyorita," rinig kong sabi ni Isay na nagliligpit ng iilang mga kalat sa itaas na azotea, iyong katabi ng silid ni kuya Lucas.

Kanina pa siya naglilinis dito at nang makita ko ay tumambay na lang muna ako. Medyo padilim na rin kasi at kitang-kita mula rito ang paglubog ng araw.

Natawa naman ako ng kaunti dahil sa narinig. Iyon lang naman ay dahil hindi pa rin maalis sa isip ko ang mga sinabi ni Joaquin kanina. Ang mga salitang sinambit niya ang siyang bumabagabag ng husto sa akin.

Nakaidlip man ako kanina ay hindi umaalis sa isipan ko ang nangyari kanina. Tila ba kahit saan ako magpunta o tumingin ay iyon lamang ang pumapasok sa isipan ko. Na parang sirang plakang paulit-ulit na naririnig ko.

"Wala. Ayos lang ako," pagtakip ko. "Ang tagal naman kasing lumubog ng araw," dahilan ko pa.

"Hmmm," tanging reaksiyon niya na halatang hindi naman naniniwala kaya tinawanan ko na lang.

Napansin ko naman na may tumigil na karwahe sa baba ng mansiyon. Hindi ko nakita ang sakay ngunit marahil sina Ama o Kuya. Maya-maya naman na kasi ay maghahapunan na kami.

"Nga pala, Senyorita, batid niyo bang hinanap kayo ng sobra ng Dueña?" kwento ni Isay. "Mukhang naninibago nang kaniyang malaman na mahilig na kayong lumabas."

Napatango ako, "Oo nga eh, inabangan pa ako sa may hagdan. Ang sabi niya pa ay dapat ko siyang kasama kahit saan man ako magpunta," sinubukan kong maghanap ng palatandaan kung ginagawa ba nila ito dati.

"Oo nga, Senyorita. Ngayon at narito na ang Dueña lagi na siyang sasama sa iyo saan ka man magpunta. Gaya ng dati," pag-alala niya.

Napaangat ang kaliwang sulok ng labi ko sa narinig. Ang hassle naman niyon. Pero kung sabagay ganoon naman talaga and ginagawa ng mga Dueña. Ngunit, hindi pa rin ako papayag doon. Si Ina nga hinahayaan akong lumabas na mag-isa, siya pa kaya.

"Hindi ko alam. Baka hindi na rin, at ayokong abalahin pa siya, eh tumatanda pa naman na," tugon ko saka kumibit-balikat.

"Kayo talaga, Senyorita," umiiling na usal niya saka natawa ng kaunti. "Malayong-malayo na kayo sa Senyorita na aking nakilala noon," patuloy niya.

Napangiti naman ako, "Talaga? Gaano kalayo? At saka bakit naman malayo na?" kunyari ko pang tanong. Ibig sabihin, nagbabago na nga talaga.

Napatigil naman siya sa paglilinis ng isang nakadisenyong plorera at lumingon sa akin saka sumandal sa estante sa kaniyang likuran.

Napakunot pa ang kaniyang noo at saka siya ngumuso na tila ba ay mayroong malalim na iniisip.

"Eh kasi, mahilig na kayong lumabas. Tapos, kinakaibigan ninyo ang lahat na nakikita niyo, pati na nga rin ako eh. Saka, hindi na po kayo nang-aaway ng tagasilbi at sobrang bait na ninyo," nakangiti pa siya habang sinasabi ang mga salitang iyon.

Napangiti na rin ako habang nakikinig sa kaniya. Masaya lang akong nakikita na nilang nagbabago na si 'Kristina'.

"Talaga? Hmm," natawa ako ng kaunti. "Para naman kapag wala na ako eh hindi masama ang tingin niyo sa akin. Para hindi naman ninyo ako kamuhian," nag-angat ako ng kilay.

Nanlaki naman ang mga mata niya saka napatutop, "Senyorita naman! Huwag kayong magsalita ng ganiyan. Bakit naman kayo mawawala na? Walang ganiyan, Senyorita. Huwag mong pangunahan ang panahon. Naku naman," medyo maypagkahestirikal na saway niya kaya itinawa ko na lang.

"Oo na. Pasensya na ka, Isay," pagkanta kong usal kaya ngumuso siya saka maya-maya pa ay naglinis na uli siya.

Napatingin na lang din ako uli sa araw na at sa kalangitan na unti-unti ng nag-iiba ng kulay.

"Ngunit alam niyo ba, Senyorita?" napalingon ako sa kaniya nang bigla siyang magsalita. "Isa ako sa mga taong masaya na makitang ikaw ay tumatawa, ngumingiti at sumasaya, Senyorita," ngumiti siya ng pagkatamis-tamis.

Nagliwanag ang mga mukha ko't isang malapad na ngiti ang sumilay sa aking labi nang marinig ang katagang iyon. Ramdam ko rin ang sayang iyon hanggang sa puso ko. Hindi ko rin akalaing sa panahong ito maramdaman ko ang saya.

"Ako rin."

Namilog ang mga mata ko at magkasabay kaming dalawa na napalingon nang may marinig kaming boses mula sa pinto. At doon, nasilayan ko ang nakangiting si Agustin habang nakasandal sa pintuan na pinagkrus ang mga braso sa harap ng kaniyang dibdib. Nakangiti siya habang nakatingin sa akin.

Nagkatinginan naman uli kami ni Isay nang makita siya kaya agad akong napatayo. Ganoon din naman ang pagbati ni Isay sa kaniya.

"Magandang gabi po, Senyorito Agustino."

"Agustin? Anong ginagawa mo rito?"

Napaayos naman ang kaniyang tayo saka ipinamulsa ang mga kamay sa bulsa ng kaniyang tunikang hanggang tuhod ang haba. Naroon pa rin ang kaniyang ngiti nang tinanguan niya si Isay at tumingin sa akin.

"Ah, mayroon lamang kaming pinag-usapan ni Lucas ng iilang sandali," tugon niya.

"Ibig sabihin, ikaw iyong sakay ng karwahe na kadarating lang kanina?" Tumango siya. "Aalis ka na?"

Lumapad naman ang ngiti niya, "Ako'y aalis lamang kapag ako ay iyong paaalisin."

Napangiwi naman akong natawa at napailing.

"Nanonood kasi ako ng paglubog ng araw. Baka gusto mo rin na makita?" subok kong aya sa kaniya.

Dahil sa narinig ay agad siyang napangiti ng mas malapad at naglakad papasok.

"Oo nga, ganoon nga rin sana ang aking sasabihin sa iyo."

Lumapit naman siya sa may harap ko kaya inusog ko naman ang isang upuan at itinabi sa upuan ko kaya lang ay inagaw niya ito.

"Ako na. Huwag ka na mag-abala pa, Martina. Upo ka na lang," saka niya inayos ang pagkapwesto nito sa kaliwa ko.

Dahan-dahan naman akong napaupo saka nilingon si Isay. Nakangiti siya sa akin saka itinuro ang labas na sinasabing lalabas na siya kaya tumango na lang ako.

Umupo naman kaagad si Agustin at tinanaw ang papalubog na araw saka napangiti. Sumunod naman kaagad ang tingin ko roon ng nakangiti rin at dinadama ang simoy ang hangin.

"Ang ganda, hindi ba?" usal ko.

Lumipas yata ang ilang segundo bago siya sumagot, "Tama. Napakaganda niya," halos pabulong na sabi niya.

Hindi nawala sa mukha ko ang ngiti ngunit napakunot ang noo ko dahil sa narinig. Dahan-dahan akong napalingon sa kaniya at natagpuang nakangiti siya habang nakatingin sa akin.

Mas lalong lumaki ang ngiti niya kahit magkadikit lang ang kaniyang mga labi nang napatingin ako sa kaniya. Agad naman siyang napaiwas ng tingin at bumaling na sa kaniyang harapan.

Tipid na lang akong napailing na nakangiti saka kagyat siyang pinagmasdan bago umiwas na rin ng tingin.

"Nagpunta ka raw dito at may dala pang mga bulaklak," wika ko na halos patanong na.

"Hm, oo. Sana ay hindi mo tinapon ang mga bulaklak ha?" pabiro niyang aniya na ikinatawa ko.

"Bakit ko naman itatapon 'yon?" nguso ko at saka siya hinarap ng may kunot sa noo. "At saka bakit mo naman ako hindi pinagising? Sana sinabihan mo na lang si Isay na gisingin ako."

"Mas mahalaga naman ang iyong pagpapahinga kaysa sa akin," saka siya ngumiti bandang huli.

Napailing na lang ako at tumingin na sa malayo, "Pero salamat sa pagdalaw mo ah. Nag-abala ka pa tuloy."

"Walang anuman iyon. Isa pa, hindi ka naman magiging abala sa akin," aniya na ikinalingon ko sa kaniya.

Nakangiti siya na mas lalong pinatingkad pa ng papalubog na araw. Nakita ko kung paano nanggaling ang kaniyang ngiti sa kaibuturan ng kaniyang puso, at lumiwanag sa kanyang mukha.

"Sinungaling," nakailing na usal ko na siyang ikinatawa niya.

"Totoo naman. Hindi ka kailanman magiging abala sa akin," malapad ang kaniyang ngiti nang sambitin niya ang mga salitang iyon.

Ilang minuto naming pinagmasdan ang pag-iiba ng kulay ng kalangitan at unti-unting paglubog ng araw bago siya nagsalita.

"Martina, alam mo ba ang ibig sabihin ng 'Je suis tombé amoureux de toi'?"

Napalingon ako sa kaniya ng may kunot sa noo, "Hindi. Bakit? Ano ba ang ibig sabihin niyon?"

Nakaramdam ako ng kakaiba nang marinig ang mga salitang iyon na nagmumula sa kanyang bibig. Hindi ko pa siya narinig na nagsasalita ng ibang wika maliban sa ilang mga Espanyol noon.

"Iyon ay salitang Pranses na nangangahulugang 'Nahulog na ang aking loob at ikaw ay aking iniirog'," kaniyang mga mata ay nakatitig sa akin. Napatitig rin ako sa kaniya bago nagdugtong ng kaunti ang aking mga kilay.

"Talaga?" wika ko ng may pagtataka sa isipan. Bakit niya ito sinasabi sa akin?

"Oo. Je suis tombé amoureux de toi, Martina. Hindi ko maintindihan kung bakit ko nararamdaman iyon para sa iyo. Ngunit, ang tanging bagay na sigurado ako ay ikaw ang isinisigaw ng aking buong pagkatao."

"Noon ay hanggang tanaw lang sa iyo ang kaya kong gawin kahit pa magkaibigan kami ng iyong mga kapatid. Hindi ko magawang ihakbang ang aking mga paa papalapit sa iyo. Ngunit sobrang hindi ko maipaliwanag at mailarawan ang sayang naramdaman ko noong araw na ang tadhana na mismo ang naglapit sa iyo sa akin," kahit pa medyo makulimlim na at madilim ay naaninag kong tila ba kumislap ang kaniyang mga mata at ngumiti siya.

"Agustin..," sinubukan kong magsalita ngunit nahinto iyon dahil sa isang matamis niyang ngiti.

"Martina, gagawin at aking ibibigay ang lahat nang balang araw, matatanggap ko ang higit pa sa ginto mong oo," may kabulungan niyang sabi, na may determinasyon na makikita sa kanyang mga mata. Bahagya siyang umabante papalapit sa akin.

Napabuntong hininga ako ng lihim at inipit ang aking mga labi. "Agustin, ayaw kong saktan at paasahin ka.."

"Ako ay handang umasa at masaktan, Martina. Anong silbi at kahulugan ng pag-ibig kung walang sakit na mararamdaman?"

"Agustin..."

Ayokong masaktan siya. Ayokong paasahin siya. Ayokong bigyan siya ng dahilan para mahulog pa ang loob niya sa akin. Ayokong makasakit ng ibang tao.

"Martina, saka mo na lang ibigay sa akin ang sagot mo kapag ika'y handa na. Handa akong maghintay kahit gaano pa iyan katagal. Papatunayan ko sa iyo kung gaano katotoo ang mga salitang aking binibigkas ngayon."

Ang malamig na simoy ng hapon ay umihip sa pagitan namin habang ang kanyang mga mata ay diretso at tila tumatagos na sa aking kaluluwa. Walang salitang lumabas ulit sa bibig niya pero makikita sa mukha niya ang lahat, ibig niyang sabihin at mula sa puso niya ang bawat salitang kaniyang sinabi.

Lumingon ako at umiwas ng tingin matapos siyang tumango at ngumiti. Nakatingin lang sa paglubog ng araw sa malawak na dagat ng San Luisiano sa ibaba, sa tabi ko ay ang lalaking hindi ko inaasahang sasabihin sa akin ang mga salitang iyon.

Sabay naming pinagmamasdan ang kalangitan na naging kulay lila at kulay-rosas habang ang dilim, na sa ganitong oras, ay inaagaw ang kaluwalhatian ng araw.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Bakit, bakit ito nangyayari? Mabait na tao at kaibigan si Agustin sa akin at panatag ako kapag kasama siya ngunit hindi ko kayang makitang nasasaktan siya at hindi masuklian ang pagmamahal na ibibigay at ibinibigay niya sa akin.

Agustin, mahalaga ka sa akin, ngunit bakit sa akin pa?

Hindi na tinanggap ni Agustin ang paanyaya nina Kuya na maghapunan siya rito at umalis na. Nag-uusap man silang lahat sa kainan ay tahimik lamang ako at wala sa sariling kumakain habang iniisip ang nangyari buong araw. At hanggang ngayong pagtulog ay dala at ginagawa ko pa rin.

Inusog ko ang kumot papaakyat sa aking leeg habang nakatingin sa kadiliman ng paligid. Hindi ko lubos akalaing sa loob ng iisang araw makakatanggap ako ng paglalahad ng damdamin ng dalawang lalaking mga malapit sa akin.

Sa totoo lang, masaya akong malaman na mayroong nararamdaman para sa akin si Joaquin ngunit hindi ko alam kung totoo ba iyon dahil alam naman ng lahat na mayroon siyang kasintahan at baka ay pinaglalaruan niya lang ako. Nalulungkot rin ako ng sobra para kay Agustin dahil napakahalaga niya sa puso ko at ayaw ko siyang masaktan. Ayaw na ayaw ko siyang saktan.

Ano na ang gagawin ko? Hindi ko maaaring ipatuloy ang mga ginagawa nila. Kailangan na huminto na sila sa lalong madaling panahon. Saka, bakit pa ito kailangan na mangyari sa akin? Bakit may mga tao pang magkakaroon ng nararamdaman para kay Kristina-para sa akin?


"Isay, bumili pala tayo ng ubas. Gusto kong kumain niyon ngayon eh," turo ko pa sa isang tindahan na may ibinibentang mga ubas.

"Sige halika, Binibini," masigla niyang ani saka ako giniya papunta roon sa tindahan.

Naatasan kasing mamalengke si Isay kaya sumama na ako sa kaniya. Mabuti na nga lang at wala roon si Dueña Hilda nang umalis kami at baka ay kasama na namin siya ngayon dito.

May nakita naman akong ubas kaya bigla akong natakam kaya sinali ko na lang sa pagbili. Ayos naman na kapag hindi iyon nagkasya sa perang pambili dahil may dala naman ako ritong barya.

Bumili naman si Isay ng isang kilo saka inabot ko na ang pera na galing sa bolso de cabestrillo ko. Naglakad na kami paalis doon dahil tapos na rin naman kami mamalengke at papauwi na rin.

"Wala na ba kayong nais na bilhin pa, Binibini?"

"Wala na," umiling ako. "Puntahan na lang natin ang karwahe at umuwi na tayo."

Tumango naman siya bilang pagsang-ayon saka kami naglakad pabalik sa amin sinasakyan. Ilang buwan na ang lumipas at nasanay na akong maglakad sa ilalim ng sikat ng araw na hindi kagaya ng dati ay isa sa pinaka-ayaw ko. Kumpara kasi ngayon ay hindi pa masyadong maiinit ang labas hindi katulad sa hinaharap na ang sakit at hapdi ng sikat ng araw.

"Binibining Martina!"

"Martina!"

Narinig ko ang dalawang boses na tumawag sa pangalan ko. Magkasabay kami ni Isay na nagkatinginan sa isa't-isa at napalinga sa paligid.

Kaagad na nanlaki ang mga mata nang masilayan ko ang taong nakatayo ilang metro ang layo sa aking harapan. Kumabog na naman ang puso ko sa hindi malamang dahilan. Anak ng.

Hindi na ako nagdalawang isip pa at kaagad na hinila si Isay at mabilis na tumalikod at patakbong bumalik sa tinahak namin na daan.

"Binibini, huwag kayong tumakbo. Hindi iyon maaari! At saka, bakit tayo tumatakbo?" natataranta man ay pilit na sumasabay si Isay sa akin.

"Shh, basta huwag na huwag kang lumingon. Bilisan mo rin."

Kailangan na hindi kami magkita at magkausap. Hindi pwede iyon. Mas mainam na hindi na niya ako makita pa.

"Binibining Martina!"

Narinig ko naman uli ang pagtawag niya at randam ko base sa kaniyang boses na siya ay tumatakbo pasunod sa akin. Hindi kami maaari pang magkausap muli. Ayaw ko na ng gulo.

"Bilisan mo, Isay. Kailangan na nating makaalis."

"Binibini, sandali."

Isang kamay ang humigit sa pulsuhan ko dahilan upang matigil ako sa paglalakad. Magkarugtong ang mga kilay ko nang lumingon ako sa kaniya. Si Joaquin.

"Binibini, ako ba ay iyong iniiwasan?" simula niya at habang magkarugtong ang mga kilay sa pagtataka.

Hinigit ko ang pulsuhan ko mula sa kaniya at tumalikod na para umalis. Ngunit, agad naman iyong natigil nang hawakan niya uli iyon. Bumuntong-hininga ako at nanatiling nakatalikod sa kaniya.

"Maaari mo bang sabihin sa akin kung bakit mo ako iniiwasan, Binibini?" Sa puntong ito ay napatingin na ako sa kaniya na nakalukot ang noo.

"Labis akong nagtataka at naguguluhan kung bakit ganito na ang iyong pakikitungo sa akin. Binibini, mayroon ba akong kasalanan o maling nagawa sa iyo? May kung anong kirot sa puso ko na siyang aking naramdaman, na ika'y lumalayo sa akin."

Bakas sa kaniyang mga mata ang lungkot at dismaya. Hindi niya inalintana ang mga taong dumaraan sa bawat gilid namin at may iba pang napapalingon at napapatingin.

Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko na naririnig ang buong paligid at tanging kaniyang boses na lang ang pumapasok sa aking tenga.

"Nababatid kong ika'y hindi pa handang sagutin ang aking tanong ngunit aking hihilingin, pakiusap Binibini, sana'y hindi magbago ang iyong pakikitungo sa akin."








Sa Taong 1890

🍉 So, any thoughts so far? At, sinong bet niyo, Joaquin or Agustin? awiee.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro