Kabanata 37
|Kabanata 37|
Agosto 22, 1886
Ano naman ngayon kung siya hindi ko nais? Hindi nga rin naman talaga kanais-nais ang kaniyang pag-uugali. At saka, sino ba siya upang aking magustuhan, mas kakarampot nga ang kaniyang pigura kaysa sa kaniyang tagasilbi.
Qué vergüenza
- Martina
Hindi makagalaw ang kaliwa kong balikat at naramdaman kong may benda sa ulo ko nang maalipungatan ko dahil sa mga boses sa paligid.
"Huwag kang mag-alala, Ina. Maayos na ang kalagayan ni Martina."
Narinig ko ang boses ni kuya Lucas na kinakalma si Ina na sa tingin ko ang siyang may hawak sa kaliwa kong kamay at humahaplos nito.
"Patawad talaga, Ina. Napakapabaya kong kapatid. Kung sana alam kong ganoon ang mangyayari ay hindi ko na siya dinala pa roon," paliwanag pa uli ni kuya Lucas.
"Kayo ay hindi ko sinisisi, anak. Aksidente ang nangyari kung kaya't walang nagnais na mangyari ito," tugon ni Ina na patuloy pa rin sa paghawak sa kamay ko.
"Ina, huwag po kayo masyadong malungkot. Matapang naman po si Martina at siya ay gagaling kaagad."
Narinig ko naman ang boses ni kuya Marco na nasa kanan ko. Hindi ko alam kung ano ba ang nangyari sa akin at kung ano ang mayroon sa kanila. Ang alam ko lang ay napasakit ng kanang parte ng aking itaas na bahagi ng katawan. Hindi ako madyadong makagalaw na para bang may mabigat akong pinapasan.
Ang naaalala ko lang din ang nagpunta kami sa Puente de la Reina at nakisali sa pagdiriwang kina Diego at noong paalis na kami ay parang binagsakan ako ng bato dahil sobrang sakit ang naramdaman ko.
"Isay, lagi mo lang na lagyan ng malamig na patse sa kaniyang mga pasa nang mabawasan ang daloy ng dugo sa paligid niyon," utos ni kuya Lucas.
"Opo, Senyorito."
Naramdaman ko naman ang haplos ni Ina sa aking ulo at marinig ang kaniyang mahinang pagsinghot.
"Magpakagaling ka, anak. Narito lamang kami," aniya pa.
Bumukas na naman uli ang pinto at narinig ko ang mga mabibigat na yabag papasok. Walang nagsalita at pawang katahimikan lamang ang bumabalot at namayani sa buong silid.
Isang tikhim ang aking narinig at pilit kong ibinuka ang aking mga mata upang siguraduhin ko siya nga iyon. Nakita ko si Amang magkarugtong ang kilay habang nakatayo sa may kaliwa ng aking higaan sa may hindi kalayuan. Isang minuto yata siyang nakatingin sa kalagayan ko at maya-maya pa ay nilingon niya sina kuya na may matatalas na mga tingin.
"Kayong dalawa, sumunod kayo sa akin," seryosong boses na aniya saka tinalikuran na niya kami at naglakad na palabas.
Naglakad naman palabas sina kuya Lucas at kuya Marco pasunod sa kaniya. Lumipat naman ang paghawak ni Ina papunta sa kamay ko saka bahagyang pinisil iyon.
"Susundan ko muna ang mga iyon, anak. Babalik ako rito," rinig kong sabi niya.
"Bantayan mo siya, Isay. Sabihan mo ako kaagad kapag mayroong nangyari sa kaniya o siya'y magkakaroon na ng malay," baling niya kay Isay.
"Opo, Donya Florentina."
Ibinuka ko naman ang mga mata ko at natanaw si Ina na naglakad na palabas ng silid. Nilingon ko naman si Isay na nakatingin sa pinto kaya tinawag ko na ang kaniyang atensiyon.
"Isay, tubig."
Mabilis pa sa alas kwatro ang kaniyang pagyuko upang tignan ako ng may panlalaki ng mga mata. Kaagad niyang itinango ng mabilis ang kaniyang ulo saka naglakad papunta sa mesang pang-aral at dinala ang isang baso ng tubig.
Sinubukan ko naman na tumukod at umupo sa higaan nang napadaing ako dahil sa sakit ng braso ko. Parang nagmanhid yata ang buong kanang braso ko dahil sa ginawa ko.
"Ay, naku po, Senyorita!" madaling bulalas ni Isay saka inilapag uli ang baso saka ako inalalayan na umupo sa higaan at sumandal sa ulunan ng kama.
Inabot naman niya uli ang tubig na siyang itinunga ko. Napaupo siya sa kama at bahagyang nakangiti sa akin.
"Maraming salamat naman at kayo ay nagising na po, Senyorita," sabik na aniya.
"Ano-ano bang nangyari sa akin, Isay?" pagkababa ko sa basong hawak.
Napakunot naman ang mga noo niya saka ako tinitigan.
"Kung hindi niyo naaalala, Senyorita, ay nabagsakan kayo ng arko sa Puente de la Reina."
Siya naman ang pinanlakihan ko ng mga mata dahil sa narinig. Walang bakas ng pagsisinungaling o pagbibiro na makikita sa kaniyang mukha o boses.
Ak-ako, nabagsakan ng arko? Seryoso ba ito? Himala at buhay pa ako noh?
"Ha-haa?! Nabagsakan ako ng arko? Paano nangyari iyon?" gulantang kong usal saka napainom uli ng tubig.
"Ang sabi ng iyong mga kapatid ay hindi nila nabatid na inaayos pala iyong arko roon kung kaya't nahuli na ang lahat nagkaroon ng aksidente. Ang akala ng mga tao raw sa paligid ay nagpahinga muna ang mga trabahador kaya panatag silang iyon ay maayos eh mayroon palang natutulog doon sa itaas kaya ayon, bumagsak po sa inyo," paliwanag niya.
"Ka-kaya pala ang sakit talaga ng braso ko noong mga oras na iyon," kausap ko sa sarili.
"Mabuti na lamang po at bahagyang nadaplisan lamang kayo ng arko. Baka kung kayo ay nadaganan niyon ay higit pa sa bali ang inyo aabutin. Labis nga pong nag-aalala ang Donya," malungkot na aniya na bigla namang napatayo.
Kunot-noo ko siyang tinitigan, "May problema ba, Isay?"
"Sasabihan ko pa pala ang Donya," tugon niya kaya bahagya akong natawa.
"Huwag muna. Maya-maya siguro. Baka ay may mahalaga siyang inaasikaso kasama sina Ama."
Nilingon ko naman ang bintana para tignan kung may araw pa ba o gabi na. Anong oras na ba? Kailan pa ako nakatulog?
"Anong oras na pala?" kaagad kong tanong sa kaniya na ibinalik ang baso sa mesa.
"Alas sinco y medya na po, Senyorita. Maya-maya ay maghahapunan na kayo. Ngunit ang sabi naman ng iyong Ina ay rito na lang kayo maghahapunan sa iyong silid."
Dahan-dahan naman akong napatango saka napaayos ng upo. Siya naman ay inasikaso ang mga ilaw sa silid at sinara ang mga bintana.
Magdadalawang oras na pala akong nakatulog. Nabagsakan ba naman daw ng arko. Sigurado nga akong dugo iyong lumabas mula sa ilong ko eh. Si-sina Joaquin kaya, nakauwi na kaya?
Awtomatiko akong napalingon sa pinto nang marinig ko ang malakas na sigawan mula sa baba. Si Ama. Tila ba ay mayroon siyang pinapagalitan. Hindi ko alam na posible palang umabot rito ang kaniyang boses.
Napalingon ako kay Isay na ganoon rin pala ang ginawa at napatingin din sa akin. Kaagad siyang nagkibit-balikat nang pinagdugtung ko ang mga kilay ko.
Iniwaksi ko kaagad ang kumot saka dahan-dahan na ibinaba ang mga paa nang pigilan ako ni Isay.
"Sandali lamang, Senyorita. Suotin ninyo itong salungbaba nang hindi mabinat at sasakit ang iyong bisig."
Inalalayan naman niya akong suotin ang telang ginawa at itinali patatsulok sa ibabaw ng aking balikat at ipinatong ko ang aking braso. Inilatag naman niya ang sapin sa aking paa at tinulungan ako sa paglalakad.
Nakakalakad naman ako ng maayos at normal pero masakit lang talaga ang mga braso ko at kaunti naman sa aking ulo. Binuksan niya ang pinto saka ako binalikan para alalayan.
Mas lalo pang namayani ang boses ni Ama dahil sa pagbukas ng pinto ngunit masasabing nasa ibaba ito dahil hindi masyadong naririnig ang mga salitang kaniyang binibitawan.
"Anong nangyari sa kanila, Isay?" nang makalabas kami sa aking silid.
Isinara naman niya ang pinto saka bumaling sa akin, "Wala po akong sapataha tungkol diyan, Senyorita."
"Pinapagalitan kaya ni Ama sina Kuya?" kuryuso kong tanong.
Napasilip ako sa baba nang makarating kami sa may hagdan. At tama nga, mukhang sina Kuya nga ang kaniyang pinagtataasan ng boses.
Habang dahan-dahan kaming bumababa ay kunot-noo rin akong nakikinig sa kaniyang mga sinasabi na lahat nasa lengwaheng espanyol.
Naroon sila sa may gitna ng sala mayor at hindi nila napansin ang pagdating ko dahil lahat si Ama ay nakatalikod sa hagdan at sina Kuya naman ay nakaluhod sa kaniyang harap na tinatakpan naman niya ang hagdan sa kanilang paningin.
Walang ni isang tagasilbi ang narito. Hindi ko rin makita si kuya Lucio at wala akong ideya kung nasaan siya. Si Ina naman ay nasa tabi ni Ama na hawak-hawak pa ito at kinakalma.
"Por favor, cálmate, mi amor. Walang nagnais na mangyari ang bagay na ito. Pakiusap, huminahon ka. Isipin mo na lamang ang iyong anak, ayaw nitong nasasaktan at nasisisi ang kaniyang mga kapatid," aniya ngunit hindi nakinig sa kaniya si Ama.
Anong nangyayari rito?
"Dalawa kayo, apat ang inyong mga mata ngunit hindi niyo man lang nagawang banatayan ang inyong kapatid?!" puno ng pagtitimpi sa kaniyang boses ngunit bakas na sa pagbigkas ng bawat salita ang kaniyang galit at pagkadismaya sa kanila.
"¡Qué increíbles son ustedes dos! At ikaw Lucas, dinala mo pa sa kapahamakan ang iyong kapatid na hindi mo naman kayang protektahan. ¿Qué clase de hermano eres?!"
Halos na yata magputukan na ang mga ugat ni Ama dahil sa panggigigil nito sa galit. Sumasabay pa rito ang paghampas at pagtapik ng kanyang tungkod sa sahig na gawa sa kahoy na nagdaragdag ng higit na diin sa kanyang galit.
Dumadagundong na ang puso ko dahil sa takot kay Ama na hindi ko na kilala kung siya pa ba iyon. Naaawa at nakokonsesya rin ako sa dalawang tahimik at nakayuko lamang na nakaluhod sa sahig. Gusto kong pigilan si Ama at patayuin na ang dalawa pero nanigas ang buo kong katawan at pati si Isay ay nakatulala lang rin.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw kong kahit ni isa sa mga kapahamakan na nangyari sa akin ay ayaw kong ipaalam kina Ina dahil kapag talaga nalaman ito ni Ama ay mayayari ako.
Ngunit mas nagdugtong ang mga kilay ko nang pagmasdan kung gaano na lang kagalit si Ama dahil sa nangyari sa akin. Ang akala ko ba ay wala siyang pakialam kay Kristina at labis niya rin itong kinamumuhian?
"Ten calma, mi amor, ten calma. Tumayo na kayo riyan, mga anak. Tama na ang nangyayaring ito," pakiusap naman ni Ama ngunit nilingon siya ni Ama. (Huminahon ka, aking mahal, huminahon ka.)
"Nadie se pondrá de pie sin mi permiso," malamig na aniya na bahagyang ikinatakot ng ekspresyon ni Ina at gulantang na magkarugtong ang mga kilay. (Walang tatayo hangga'y hindi ko iyon inuutos.)
"Aking mahal, huwag na huwag mo silang hahawakan."
Mas lalong kumabog ang aking puso nang masilayan ko kung paano ni Ina tinaasan ng kilay si Ama at bawat salita na kaniyang inilalabas ay naroon ang pagdidiin at pagkaseryoso nito. Pinasadahan niya naman ito ng naniningkit na mga mata saka mabilis na tumakbo papalabas.
Dahil sa nangyari ay mas lalo pang napayuko sina Kuya habang si Ama naman ay sinundan ng tingin ang papalayong asawa. Saan naman siya pupunta?
Anak ng. Ano na ang nangyayari rito? Nang dahil sa simpleng aksidente na nangyari sa akin magkakagulo ang buong mansiyon. Kung sana alam ko lang na mangyayari ito ay hindi na ako sumama at hindi ko na lang din pinapunta sina Kuya roon.
Ilang segundo pa, na tila ba ay walang nangyari, ay tinignan na naman niya ang dalawa at saka pinagtatapik ang sahig gamit ang tungkod.
"At ngayon, matuto kayo sa pangyayaring ito. Isaksak ninyo sa inyong mga kokote! Huwag na huwag na ninyong dadalhin ang inyong kapatid ni kahit saan man ninyo naisin!"
Napayakap na tuloy sa akin si Isay dahil sa gulat sa pagtaas na ng boses ni Ama. Nanginginig na nga rin ang aking mga tuhod. Hindi ko alam na aabot sa ganito ang mangyayari dahil sa akin.
"Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit kayong mga hindi panganay ay ni kusing ay walang mamanahin dahil kahit simpleng responsibilidad ay hindi ninyo kayang gampanan!"
Nang dahil sa narinig ko ay naningkit ang mga mata kong nakatingin kay Ama. Nangangatog ang tuhod kong umapak sa baba ng hagdan. Sa wakas ay nalaman ko na rin kung bakit ayaw niyang madiktahan ko siya noon.
Ngunit alam ba niya kung gaano ka maprotekta sina Kuya sa akin? Alam ba niya kung paano nila ako alagaan at bigyan ng pansin?
"¡Ya estás en la edad adecuada y ya tienes la capacidad de proteger a tu hermano, pero ni siquiera lo hiciste!" nangangalaiting aniya. (Naroon na kayo sa inyong tamang mga edad at mayroon na kayong kakayahan upang protektahan ang inyong kapatid ngunit hindi niyo man lang ginawa!)
Bigla naman na itinaas ni Ama ang kaniyang tungkod upang hambalusin si kuya Lucas na ikinalaki ng mga mata ko. Hindi ko batid kung bakit sa kabila ng paninigas ng buo kong katawan ay nagawa ko pang tumakbo papunta sa kanila.
"Senyorita..." singhap ni Isay hindi na nagawa pang sumunod sa akin dahil sa takot.
Hinding-hindi ko hahayaang masaktan mo sina Kuya, Ama. Lalo na kung ako ay nakatingin.
"...ang hindi pagtama sa alam mong mali ay isang kahinaan. Kung hinahayaan mong ang mali ang manaig kahit may magagawa ka para itama 'yun ay isang karuwagan."
"Kuya."
Bago pa ang lahat ay nayakap ko na si kuya Lucas ng mahigpit na ikinagulat niya. Wala pang dalawang segundo ay naramdaman ko na ang sakit ng paghampas ni Ama sa kaniyang tungkod sa kanan kong braso. Kung saan naroon ang pasa na hindi pa naghihilom sa sakit dahil sa nangyari kanina.
"Martina!" gulantang na pagsigaw ni kuya Lucas sa akin habang nakaluhod at yakap-yakap ako.
"Anak!"
"Martina?!"
Mula sa pinto papaakyat sa mansiyon ay narinig ko ang mga sigaw nina Ina, Kuya Lucio, Agustin at Joaquin. Narining ko pa ang kanilang mga mabibilis na yabag papalapit sa amin. Hindi ko na nagawa pang makagalaw dahil nagmanhid na naman ang buo kong katawan lalo na ang balikat ko.
Nahihirapan na akong magsalita habang nilalabanan ang pagdidilim ng aking paningin, "Wala po silang kasalanan, Ama. Huwag niyo po silang saktan."
Iyon ang huli kong mga salitang binigkas bago tuluyang binitawan ang lakas kay kuya.
Nagising ako at banaag lang ang nasilayan ko sa buong silid. Napakislot ako nang mahawakan ko ang kanang braso ko. Shemz, ang sakit. Napansin ko namang wala na ang benda sa ulo ko.
Sinubukan kong umupo nang matigil ako dahil may taong natutulog sa kaliwa ko na nakaupo sa upuan katabi ng higaan ay nakasalampay sa kama. Inaninag ko pa ito ng husto at nagtagpuang si Ina ito. Isang ngiti ang nagmarka sa aking labi at dahan-dahan na itinaas ang kaliwang kamay upang haplusin ang ulo nito.
Umalis naman ako sa kama saka umikot papunta sa kaniya saka siya maingat na kinumutan. Mabuti na lang at hindi siya gumalaw at nagising. Marahil ay napagod talaga sa pagbabantay sa akin. Sana na lang ay natulog siya sa kanilang silid.
Napalingon na lang sa mesang pang-aral nang may nakita akong may tinatakpan. Nagugutom na rin ako. Anong oras na ba? Hindi pala ako nakapaghapunan.
Pagbukas ko rito ay isang bandeha ng pagkain. May tubig at isang platong kanin at adobong manok. Mas lalo tuloy na umikot ang aking tiyan sa nakita. Nilingon ko naman si Ina na natutulog pa rin at dahan-dahan na naglakad at umupo para kumain.
Kaliwang kamay na lang ang ginamit ko para sumubo dahil ang sakit talaga kaapag maigalaw ko ang kanan. Nahampas ba naman na kagagaling lang din na nahulugan ng arco.
Medyo nahirapan pa akong kumain dahil umuusog ang pagkain kapag sinasalok ko na sa kutsara. Mabuti na lang at medyo kalahati na ang nakain ko.
Inabot ko naman ang laket na nakasabit sa aking leeg at binuksan iyon. Ala una kinse na ng hating gabi. Napangiwi tuloy ako. Hindi man lang nila ako ginising para kumain. Si Ina kaya, kumain na kaya iyan?
Tinapos ko na lang ang pagkain saka nilingon si Ina. Tahimik pa rin ito at natutulog kay tumayo na ako saka binitbit na ang bandeha para dalhin ito sa kusina.
Nang makalabas ako sa silid ng walang ginawang ingay ay napatigil ako sa gitna ng pasilyo sa palapag na ito. Medyo madilim pa at ang tahimik ng ng buong bahay. May kakaunting kandila sa paligid at ang aranya na nagbibigay ng kakaunting liwanag lang sa buong palapag.
Napailing na lang ako saka bumaba na ng hagdan. Pati rito sa ikalawang palapag ay wala ring tao ni isa. Paniguradong ang mga tagasilbi ay naroon na sa baba at nagpapahinga.
Natural! Ala una na ng madaling araw. Pero mayroon kayang mga multo rito?
Tinahak ko na lang ang kainan na medyo kabado at nagmamadaling dumiretso sa kusina. Tumutunog pa ng kaunti nang sapatos ko kaya kumabog tuloy ang puso ko.
Nang makarating ako sa kusina ay napakadilim na wala na akong makita. Anak ng. Nagsitayuan tuloy ang mga balahibo ko sa braso. Nangangatog ang tuhod kong napahakbang papasok at kinakapa ang mesa na ilang hakbang lang ang layo.
Matagumpay kong nailagay ang tray sa mesa at sinubukang abutin ang gasera. Natitiyak ako na narito lang lagi nakalagay ang gasera sa mesa eh.
Lumilipad na ang mga kamay ko sa ibabaw ng mesa sinusubukang hawakan ang gasera na kung nasaan man nang may naramdaman akong kakaiba at nadaplisan ng kamay ko.
"What the he-heck!"
Sobra pa sa pagkabog ang nangyari sa puso ko dahil nangyari at halos mawalan na ako ng balanse mabuti na lang at nasalo ako ng upuan sa akin likuran. Nawalan ako ng lakas dahil sa gulat na naramdaman.
ANO IYON?!
Minadali ko ng kinapa kaagad ang gasera at nang mahawakan ito ang aking kamay ay mabilis kong pinihit ang bilog sa gilid nito at kumalatis na sa huli ay naglabas ng isang liwanag na namayani sa loob ng silid.
"Aacckkk!"
Halos muntik na akong matumba paatras nang tumama ang liwanag sa mukha ng dalawang taong nakaupo sa tapat ko. Halos higupin na ng paligid ang hangin na hindi na ako makahinga dahil sa nakita. Kaagad kong natakpan ang bibig ko dahil sa kaninang pagsigaw na umalingawngaw pa sa buong kusina.
Magkakatabi ang dalawa at sobra pang lapit nila sa isa't isa na nagyakapan pa sila pagilid. Pawang nanlalaki rin ang kanilang mga mata nang makita ako. Bahagya pang nakadikit ang kanilang mga mukha sa mesa na tila ba ay yumuyuko pa.
"Ag-Agustin? Ginoong Joaquin?" halos mahimatay na ako sa lamig ng buo kong katawan. "Anong ginagawa ninyo rito?"
Hindi ko labis na inaasahan ang presensya ng dalawang ito rito? Sandali, nanloob kaya sila rito? Kung hindi naman kaya ay dumaan sa kusina para pumasok sa mansiyon.
Napaayos naman ng upo ang dalawa saka mabilis na binitawan ang isa't isa. Kumpara kanina na halos maghalikan na sila ay ngayon ay labin-dalawang pulgada yata ang pagitan nilang dalawa.
"Ah, naghanap kasi ako ng maiinom eh," tugon ni Agustin na kinamot ang kaniyang batok pagkatapos.
Kaagad na nanlaki ang mga mata ko dahil sa narinig at pinagtaasan siya ng kilay.
"Na-naghanap ka ng maiinom?" hindi makapaniwalang usal ko na ikinatango niya. "Ang-ang layo naman yata ng hinanapan mo ng maiinom. Sa mismong mansiyon pa namin?" nagdugtong na rin ang mga kilay ko at napaangat ang kaliwang sulok ng labi ko.
Pagtawa ang narinig ko sa kaniya na pati na rin si Joaquin ay natawa. Anong nakakatawa?
"Naku, haha, ipagpaumanhin mo. Hindi mo pala batid ngunit pinatuloy ako ng Don ngayon gabi," natatawang aniya. "Upang umalalay Lucas na asikasuhin at ika'y alagaan," nakangiting dugtong niya pa saka tinapik ang bandang may puso ng dalawang beses.
Lumobo ang ilong ko habang nakataas ang kilay at tinitigan siya. Bumaling naman ako kay Joaquin na ngayon ay bahagyang nakangiti sa akin. At ganoon na nga, hindi mapakali ang puso ko at tumibok ng wala sa normal nitong bilis.
"Ika-ikaw naman, Ginoong Joaquin, anong ginagawa mo ri-rito?"
Inihawi niya pa ang kaunting buhok na napunta sa harap bago nagsalita. "Ah, pinatuloy na rin ako ng Don."
"Dahil?"
"Upang...upang alalayan siyang alalayan si Lucas. Oo, ganoon na nga. Nang sa ganoon ay gumaling ka kaagad, hindi ba Agustino?"
Tinapik niya pa ito sa braso na ikinalingon naman ni Agustin sa akin saka medyo natatawang tumango.
"Ha? Ah, oo. Oo, tama siya. Tama."
Nabaling naman ang pansin ko sa kanilang suot na mga pranelang puti na hinuha kong hiniram mula kina Kuya. Liban doon ay wala na silang suot pang itaas kaya kita ang kanilang mga kayumangging mga balat sa may bandag leeg at pababa.
Oh my gosh, my eyes!
Kaagad na akong napaiwas ng tingin at bumaling sa lampara. Hindi ko alam kung bakit kinakailangan pang narito ang dalawang ito para tulungan si kuya Lucas na naroon naman sina kuya Lucio at Marco at saka sina Ina at Isay.
Sigurado bang walang bayarang nangyayari rito o kaya naman ay nang-akyat bahay talaga ang dalawang ito. Pero bakit naman nila gagawin iyon eh mayayaman naman sila. Kaya bakit?
Binuksan naman ni Joaquin ang bandehang dala ko kaya napatingin ako sa kaniya.
"Mabuti naman at ikaw ay kumain na, Binibini. Kumusta ang iyong pakiramdam?" saka niya sinulyapan ang salungbaba na suot ko.
"Ayos naman. Ang braso ko lang ang masakit, bukod doon ay wala na."
Sabay naman na napatago ang dalawa. Siguro ay kung pinatuloy talaga sila ni Ama ay sa silid silang katapat nakatuloy.
"Iyan ay napakagandang pakinggan," si Agustin. "Huwag mo lang iyan laging nagagalaw. Lalo pa at iyan pa ay nadagdagan pa kanina. Hindi naman nabali ang iyong buto, hindi ba?"
"Hindi naman. Maayos na maayos pa naman," kaagad kong iling. "Kanina pa pala kayo rito?" pag-iiba ko ng usapan.
"Hindi naman masyado. Mga sampung minuto yata bago ka dumating," tugon ni Agustin na sinang-ayunan naman ni Joaquin ng tango.
"Eh, bakit hindi niyo man lang sinindihan ang ilaw? May milagro rito noh?" taas kilay kong usisa.
Napalobo naman ang ilong ng dalawa saka ako tinaasan ng mga kilay.
"Sapagkat ang akala namin ay kung sino na. Baka kami pa ay pagalitan kapag nakita kami rito," pagdadahilan ni Agustin.
"Alam niyo bang kamuntik ko ng mapakawalan ang kaluluwa ko sa mga pinagagagawa ninyo? Muntik na akong atakihin sa puso."
"Paumanhin talaga, Binibini. Hindi naman namin sinasadyang ikaw ay takutin. Kaya ko nga iniabot sa iyo ang gasera nang sa gayon ay ikaw na ang mag-ilaw," dahilan naman ni Joaquin saka natawa silang dalawa.
Mga walang silbi. Andito raw para tulungan akong alalayan tapos halos patayin na ako sa gulat.
Napasimangot naman ako saka sila sinamaan ng tingin na sige pa rin sa pagtawa. Tadyakan ko kaya ang dalawang ito?
"Anak, Kristina, nariyan ka ba?"
Goodness!
Napatigil sa paghagikhik ang dalawa at sabay na namilog ang mga mata namin at nagkatinginan nang marinig ang boses ni Ina sa may sala mayor na papuntang kainan.
Mabilis pa sa alas kwatro na nagsipagkilos ang dalawa papunta sa ilalim ng mesa.
"Bilis! Baka makita tayong magkasama!" bulong ko na halos maisigaw ko na talaga sa kanila at natataranta na akong napatayo.
Sa kakamadali pa nila ay may narinig pa akong nauntog at sabay pa na nagtawanan ang dalawa. Hindi lang naman isa kung hindi dalawa ang narinig ko.
"Aray!" daing nilang dalawa sabay hagikhikan.
"Huwag kayong maingay!"
"Kristina?"
Mas lumapit pa ang boses ni Ina na sa tingin ko ay papasok sa na rito kaya napatugon na ako matapos kong tumingin sa bandang baba ng mesa. Hindi naman sila nakikita kay ayos na.
"P-po? Ina?"
Kasabay ng pagsagot ko ay ang pagpasok niya sa kusina. Wala siyang dinalang ilaw man lang. Napangiti naman siya ng kaunti nang makita ako.
"Ang aking akala ay kung nasaan ka na," saka siya lumapit.
"Ah, inihatid ko lang po itong mga pinagkainan ko," naglakad ako papalayo sa mesa.
"Hindi ka na dapat pang nag-abala pa riyan. Halika na, magpahinga ka na."
Inalalayan naman niya ako saka kami naglakad palabas ng kusina at naiwan ang dalawa sa ilalim ng mesa. Whew, buti hindi nalaman ni Ina.
Bumalik na kami sa silid at tinulungan ako ni Ina na magkumot saka siya umupo sa gilid ng kama sa harap ko.
"Magpahinga ka na, anak. Magpagaling ka kaagad," aniya saka napayuko. "At saka, hu-huwag mong kamuhian ang iyong Ama ah? Hindi niya sinasadya ang nangyari. Galit lang siya dahil sa nangyari sa iyo."
Hinawakan ko naman si Ina, "Hindi naman po ako galit kay Ama. Naiintindihan ko po siya."
Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti at tumango, "Oh s'ya at ikaw ay magpahinga na."
Tumango naman ako, "Opo, Ina. Kayo rin po ay matulog na rin po kayo. Salamat po sa pagbabantay sa akin."
Tumayo siya at bahagyang tumango, "Hindi mo kailangan magpasalamat, anak. Matulog ka ng mahimbing."
Hindi rin nagtagal ay lumabas na si Ina kaya pumikit na uli ako saka bumalik sa pagtulog.
"Sana po ay gumaling na po kayo, Senyorita," ani Benoy saka ako nginitian.
"Oo nga po eh. Tsaka hindi na rin po kayo makakapagsulat muna, nakakalungkot naman," nguso ni Sandro.
"Huwag kayong mag-alala malapit na naman itong mawala at gumaling eh. Tsaka andiyan si kuya Lucas para asikasuhin ako."
Kasama ko ang lima na nakatambay sa likod-bahay habang nagme-merienda. Wala naman kasi akong magawa sa silid kung hindi magmukmuk para magpahinga kaya nagpunta na lang ako rito para turuan na naman silang magsulat o di naman kaya ay magbasa.
Sa agahan namin kanina ay wala na ang dalawang sina Joaquin at Agustin dahil umalis na raw ng maaga. Bumalik naman uli sa tahimik ang pagkain namin. Matapos na kumain ay nilapitan ako ni Ama saka sinabihan na magpagaling daw kaagad ako.
Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko kanina. Ang akala ko nga talaga ay galit siya sa akin. Pero nginitian ko na lang saka dahan-dahan na tumango. Pagkatapos niyon ay hindi na siya muling nagsalita pa at naglakad na paalis papuntang kaniyang tanggapan.
Sina at Tiya ay mayroon daw na pupuntahan. At ang tatlong magkakapatid ay kaninang umaga ko unang nakita, noong nagpunta silang tatlo sa silid para kumustahin ako at lagyan ni kuya Lucas ng mainit na patse sa mga pasa ko para raw mabuhay ang dugo na nabara at kumukumpol sa pasa.
Pagkatapos ng agahan ay hindi na uli sila nakita at may kaniya-kaniya yatang ginagawa.
Maya-maya pa ay dumating na si Isay dala ang iilang mga papel at pluma.
"Magsusulat na naman tayo!" magiliw na turan ni Tinong kaya napangiti ako sa kanila.
"Batid niyo po ba, Senyorita? Mayroon na po kaming maraming mga natutunang isulat," sabik na pagbalita ni Isko.
"Talaga? Napakagaling naman. Sabi ko sa inyo, hindi ba, na masaya talaga kapag mayroon kang maraming natututunan."
"Oo po, tama po kayo. Kaya nga po ay akin na ring tinuturuan ang aking mga kapatid," pagkwento pa ni Isay kay mas lalo akong natuwa.
"Ang galing naman," papuri ko. "S'ya kung ganoon ay inyo nga na isulat ang mga bagay na nakikita ninyo sa inyo paligid."
Sabay-sabay naman na nagsipagyuko ang lima at nagsimula ng magsulat. Pinagmasdan ko silang nakangiti habang nagsusulat. May ibang nagsulat ng puno, bahay, damo, dahon at kung ano ano pa. Masaya akong unti-unti ay may mga natututunan sila at sana ay balang araw makapag-aral na sila.
"Pamangkin, narito ka lang pala."
Napalingon ako at natagpuan ko siya Tiya na papalapit sa amin na nakangiti at may kasunod naman siyang isang lalaki. Matangkad ito at may kalmadong awra. Abot hanggang tenga ang ngiti niya na parang tuwang tuwa na makita ako. Sa aking palagay at magkasing edad lang yata sila ni Tiya.
"Tiya, tinutulungan ko po silang magsulat," tugon ko. "Magandang araw po," baling ko naman sa lalaki.
"Magandang araw rin, pamangkin. Magpagaling ka kaagad."
Naawang ang bibig ko at napaangat sa pagtataka ang mga kilay ko nang marinig ang sinabi nito. Pamangkin? Tiyuhin ko siya?
"A-ah, opo. Marami pong salamat."
"Pasensya ka na ha, pamangkin, at ngayon pa kami aalis ng aking irog. Gayunpaman, batid mo naman na ito ay itinakda na, hindi ba?"
Wala na akong nagawa, kahit hindi ko alam ay napatango na lang ako. Kaniyang irog? Ibig sabihin, asawa niya itong poging nilalang sa harap ko? Ito si Costavio? Maganda silang pagmasdan na magkasama, sa totoo lang. Bagay na bagay.
"Mag-iingat po kayo ha. At saka, dumalaw naman po kayo rito paminsan-minsan," ngumiti ako kaya magkasabay silang natawa.
"Oo naman. Panigurado iyan," si Tiya.
"Siya, pamangkin, hindi ko na papatagalin pa ang iyong Tiya rito ha. Kami ay aalis na," nakangising sabi ni Tiyo Costavio na bahagya kong ikinatawa.
"Sige po. Pasensya na rin po kayo at hindi ko kayo maihahatid sa daungan ha." Magkasabay silang umiling na ikinangiti ko.
"Huwag mong aalalahanin, pamangkin. Kami ay sasamahan ni Ate."
"Sige po, mag-iingat po kayo."
Bago sila umalis ay niyakap ko muna silang dalawa. Ang cute nilang mag-asawa. Magkapareho pa ng pabango, nakakatuwa.
Binalikan ko naman ang mga bata na nagsusulat pa rin. Si Isay naman ay kanina pa bumalik sa mansiyon.
"Ang gagaling niyo naman. Tapos na kayo?" usisa ko na kaagd nilang tinugunan ng mabilis na iling. Natawa na lang ako saka uminom ng tubig.
"S'ya, gisingin niyo ako kapag tapos na kayo ha?"
"Opo, Senyorita. Magpahinga po muna kayo riyan."
Kinurot ko naman si Benoy sa kaniyang pisngi saka inikot ang upuan para magkadugtong ito sa isa pang upuan sa aking tabi. Umupo naman ako pabalik at ipinatong ang mga paa ko sa karugtong na upuan saka pumikit upang umidlip.
Hindi ko alam kung gaano ba ako katagal nakatulog ngunit nagising na lang ako dahil sa naramdaman kong palo sa aking hita. Masakit iyon dahil may kanipisan ang ginamit.
"Aray!"
Napadilat ako saka napahimas sa hita dahil sa sakit. Goodness, ang sakit niyon!
"Ang isang binibini ay hindi dapat inilalagay ang kanyang mga paa sa lugar na may parehong kapantayan na taas ng kanyang salumpuwit."
Isang babaeng mapagkakamalan kong si Nanny Mcphee dahil sa suot nitong itim lahat at mga disenyo pa sa ulo na mga itim din ang kulay.
"Sino ka ba?!" irita kong tanong na hindi ibinababa ang mga paa ko.
Ngumisi ito at napataas ang kilay sa gulat nang marinig akong sabihin iyon.
"Aba, ilang buwan lamang akong nawala at ako na ay iyo na kaagad na nakalimutan?" may bahid na pagtatampo sa kaniyang boses.
"Ako ito, ang iyong Dueña Hilda."
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro