Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 36

|Kabanata 36|

Pebrero 17, 1887

Kung bibigyan ako ng isang kahilingan aking hihilinging maging masaya ako bago pa ako lumisan sa mundong ito.

Por favor haz realidad mi deseo.

- Martina





"Bitiwan niyo iyan kung hindi ay sasabog ang inyong mga sintido!"

Isang malalim at mauturidad na boses ang aking narinig nagmula sa pasukan ang eskinita na ito.

Napahinga ako ng malalim nang marinig ang boses na iyon dahil kahit na iyon ay taong tutulong sa akin nakaramdam din ako ng takot sa boses nito. Ni hindi ko na nga magawa pang tumingin doon dahil tila ba nanigas na ang aking leeg.

Pati na rin ang mga lalaki sa aking harapan ay naestatwa na rin at hindi na nakalingon pa dahil sa narinig na sigaw mula sa lalaking kanilang tinalikuran.

"Lumayo kayo sa binibini! Magbibilang ako hanggang tatlo-" muli na sigaw nito na kahit hindi pa natapos magsalita ay nabilang na.

"ISA!"

Kaagad akong napapikit na hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Pati na rin ang aking likod at balikat ay nanlalamig na rin.

"DALAWA!"

Napadilat ako nang nagsipag-ingit ang lima at nagpasahan pa sa bolso de cabestrillo saka itinapon sa tabi at wala ni limang segundo ay kumaripas na sila ng takbo papunta sa aking likuran.

Kaagad ko silang sinundan ng tingin at doon nasilayan kung paano nila akyatin ang mataas na pader ng wala pang dalawang minuto.

Sunod-sunod ang paghinga ko ng malalim matapos kong diinan ang aking dibdib dahil sa takot at kaba. Ni hindi ko na rin nakayanan pa at natumba at napaupo na ako sa lupa dahil na panginginig at naging haleya na ang aking mga tuhod.

Ito na yata ang pinakanakakatakot na nangyari sa akin sa taon na ito. Tila nga ang aking puso ay kinukuryente at nanlalamig din ito na hindi ko alam kung anong nangyayari.

Nasilayan ko naman ang tao sa di kalayuan na may hawak na katamtaman ang haba ng dospordos na magkabilang kamay ang nakahawak na tila ginawa pa itong baril. Sa kabila ng panginginig at takot ko ay nagawa ko pang matawa ng kaunti dahil sa nakita.

Kaagad naman itong naitapon ng lalaki sa kaniyang tabi saka mabilis akong dinaluhan sa lupa at lumuhod sa aking harapan.

"Martina, ayos ka lamang ba?" natataranta at gulat na aniya na bakas sa kaniyang boses ang labis na pag-alala.

Ang boses na iyon. Ang kalmado at mabait na boses na iyon. Malayong-malayo sa mauturidad at galit na boses kanina. Isang ngiti ang naukit sa aking labi nang makilala ko ang taong iyon.

Naginginig at nanlalamig ang buo kong katawan at buong lakas ko siyang niyakap, "Agustin."

Kasabay niyon ang sunod-sunod kong paghinga at pilit na pagkalma sa aking puso. Nanginginig ang mga kamay ko nang higpitan ko ang pagyakap ko sa kaniya. Naramdaman ko na lamang uminit ang mga mata ko at tila ba ay tinutusok ng mga maliliit na karayom.

Ilang segundo rin ay naramdaman ko ang pagtugon niya sa aking yakap. Inihilig niya ang kaniyang ulo sa aking ulo na nakasiksik sa kaniyang leeg. Sa sandaling iyon naramdaman ko ang pagkapanatag at malayo sa peligro. Sa sandaling iyon naramdaman kong ligtas ako sa kaniyang mga bisig.

Hindi ko na napigilan pa at tuluyan ng tumulo ang aking mga luhang kanina pa nais na kumawala sa aking mga mata. Hindi ko alam. Hindi ko maintindihan.

Ganoon na lamang ang kaba at takot ko dahil sa nangyari kanina. Iyong alam mong wala kang magagawa dahil mas marami sila sa iyo at alam mong mangyayari ang kinatatakutan mong nasa isip na posibleng mangyari.

Ngayon naiintindihan ko na ang mga taong ganoon na lang takot dahil sa ganoong pangyayari. Alam kong higit pa sa pagnanakaw ang magagawa nila sa akin.

Hindi ko pa naranasan ang ganitong pagkatakot ko sa buong buhay ko dahil kapag nangyari ang iniisip kong mangyayari ay hindi ko alam. Sigurado akong tuluyan na talagang magbabago ang lahat.

Hindi ko na napansin na napahagulgol na pala ako habang nakayakap sa kaniya. Hanggang ngayon hindi pa rin nawawala ang mabilis na tibok ng puso ko at panghihina ng buo kong katawan.

"A-agustin," tanging nasambit ko sa pagitan ng pag-iyak kaya mas lalo pang humigpit ang yakap niya sa akin.

"Ayos lamang, Martina. Narito na ako, ligtas ka na," pag-alo niya.

Pakiramdam ko ay mahina ako sa oras na iyon. Wala akong naramdamang lakas at alam kong wala akong kalaban-laban.

Naramdaman ko ang kaniyang pagtapik sa aking likuran at mas lalong yumakap sa akin. Pumikit ako at pilit na ikinakalma ang sarili.

Sa kabila ng hindi pantay na paghinga ay napasinghot ako saka dahan-dahan na bumitaw mula sa yakap saka siya hinarap.

May kaunting ngiti sa kaniyang labi na sinisigurado at pinapanatag akong maayos lamang ang lahat. Mabilis naman niyang inilabas ang kaniyang panyo mula sa kaniyang amerikana/tunika at dahan-dahan na ipinahid sa aking basa mula sa luhang mukha.

Bahagya niyang itinaas ang aking mukha gamit ang kaniyang hintuturo roon sa aking baba kaya nagkasalubong ang dalawang pares na aming mga mata.

Ang tanging nakita ko lamang sa kaniyang mukha ang pag-aalala, pagkabahala, at pagpapanatag sa akin. Dahil sa kaniyang ekspresyon ay naikalma ko na ang aking sarili. Dahan-dahan ko rin na itinaas ang aking mga kamay upang kunin mula sa kaniya ang panyo at punasan ang sarili.

Kusa naman niya iyong ibinigay sa akin at binigyan ako ng kaunting ngiti, "Ayos ka na ba? Wala bang masakit sa iyo? Sinaktan ka ba nila?" sunod-sunod niyang tanong na magkarugtong ang mga kilay.

Napabuntong hininga ako saka yumuko at tumango, "Ay-ayos lamang ako," saka ko siya tinignan at ngumiti sa kabila ng pamumula ang ilong at mga mata ko.

"Maraming salamat dahil dumating ka. Walang nangyaring masama sa akin," bandang huli ay napahikbi ako.

Mabilis naman niya akong niyakap "Shh, tahan na. Ayos lamang, narito na ako."

"Ag-agustin?" garalgal ang boses kong sinambit ang kaniyang pangalan.

"Bakit? Sabihin mo ang iyong nais at gagawan ko iyan ng paraan," mabilis niyang tugon.

"Maaari mo bang ipangako sa aki-akin na hindi mo ito kailanman babanggitin kina Kuya at kina Ina?"

Ayokong mag-alala sila sa akin at malungkot kapag nalaman nila ang nangyari sa akin. Baka pagbabawalan pa akong lumabas ng mansiyon kapag nalaman nilang nangyari ito.

Nang marinig niya iyon ay dahan-dahan siyang napabitaw sa yakap at tumingin sa akin. Ilang sandali siyang napatingin sa akin na tila ba ay tinitimbang ang kaniyang sagot.

"Ayo-ayoko lamang na sila ay mag-alala sa akin," dugtong ko.

Inipit naman niya ang kaniyang labi saka napabuntong hininga sa tumingin sa akin.

"Pangako iyan," saka siya tumango. "Ngunit kapag nais mo ng karamay at taong makakausap, narito lamang ako," dagdag niya.

Napangiti ako matapos niyang sabihin ang mga bagay na iyon at dahan-dahan na tumango.

"Maraming salamat, Agustin."

Isang malapad na ngiti ang aking nasilayan mula sa kaniyang mukha, "Hindi mo kailangan na magpasalamat."

Mabilis naman siyang napatayo at inabot ang kaniyang palad upang tulungan ako. Buong puso ko iyong tinanggap at pinagpag ang sarili matapos tumayo.

Naglakad naman siya paalis saka pinulot ang bolso de cabestrillo na itinapon ng nga lalaki kanina. Hindi ko lubos akalaing ang pagtulong ko kay Tiya ay may kapalit palang kapahamakan.

Naglakad naman siya pabalik sa akin saka iniabot iyon. Napatitig na lang ako rito at kabadong isinukbit iyon.

"Salamat ulit."

"Hindi mo nga kailangan na magpasalamat," nakangiting pag-uulit niya, kaya napangiti na rin ako.

Maya-maya pa ay nagpagpag na rin siya sa mga alikabok at dumi na dumikit sa kaniyang damit. Pinagmasdan ko siyang gawin iyon.

Hindi ko lubos akalaing siya pala ang taong may-ari ng galit at mautoridad na boses na iyon. Malayong-malayo sa kilala kong masayahin at palabiro na si Agustin. Hindi ko alam na may ganoon palang katangian si Agustin na tinataglay.

Tumingin naman siya sa akin matapos ayusin ang sarili.

"Halika na. Umalis na tayo sa lugar na ito," aniya saka bahagyang lumapit sa akin. "Kaya mo bang maglakad? Aalalayan na kita," nag-aalalang aniya.

Napangiti naman ako sa kaniya, "Ayos lamang ako. Kayang kaya ko."

Napatango naman siya ngunit hindi umalis sa tabi ko na nakatingin sa bawat galaw ko na anumang sandali ay aalalayan ako. Naukit ang isang lihim na ngiti sa aking mga labi.

Nang malapit na kaming makalabas sa eskinitang iyon ay nahagip sa aking mga mata ang dospordos na kaniyang ginamit kanina kaya natawa ako.

Kunot-noo naman siyang napatingin sa akin at nakataas ang isang kilay sa pagtataka.

"Hindi ko akalaing kahoy lamang pala ang iyong baril," komento ko kaya natawa naman siya.

"Wala naman kasi akong dalang tunay na baril dito at iyon lang din ang nakita kong bagay sa paligid," natatawang paliwanag niya.

"Mabuti na lang talaga at ako ay hindi na nila nilingon," dagdag niya pa. "Baka kung ano bugbog ang kanilang aabutin mula sa akin."

Natawa naman ako sa kaniyang tinuran kaya mas lalo pa siyang natawa.

Iginiya naman niya ako papunta sa kalsada na may nakaparadang karwahe at may kutsero na naghihintay roon. Nang malapitan namin iyon ay kaagad niya akong inaalalayan papaakyat doon at kaagad naman siyang sumunod.

Nang makausad na ang sinasakyan namin ay tinanong ko siya.

"Paano mo ako nakita?"

"Bulag ang hindi makakakita sa iyong kagandahan, Martina," aniya na nakatingin ng diretso sa aking mga mata.

Hindi ko tuloy alam kung ano ang mararamdaman ko, ang matawa o mapangiti dahil sa kaniyang papuri. Natawa ako.

"Pa-paano nga?" tanging nasambit ko ilang sandali pa ang lumipas nang hindi siya magsalita.

Bigla naman siyang napangiti, "Mayroon akong paroroonan doon sa dulo. Nakasalubong ko naman ang ilang karwahe sa may labasan dito at nakita ko ang iyong Ina at itong Tiya na panay ang tingin sa likuran."

"Nakita ko rin na may pinagkakaguluhan ang mga lalaking iyon sa eskinitang kinaroroonan ninyo kaya hinuha kong may ugnayan ang lahat," dagdag niya.

"Hindi ka ba nila talaga sinaktan?" pag-uulit niya pa.

Mabilis akong napailing, "Hindi, pangako. Dumating ka na bago pa nila ako mahawakan."

Isang malapad na ngiti ang aking nasilayan matapos kong sambitin ang mga salitang iyon.

"Panatag akong marinig ang bagay na iyan," aniya. "Mayroon ka bang paroroonan? Ihahatid na kita sa inyong residensya."

Kaagad na akong napailing, "Sige. Salamat uli."

"Walang anuman, Martina."

Naging tahimik lamang ang buong biyahe namin. Nakatuon ang aking mga tingin sa labas ng bintana nang pilit na bumabalik sa aking isipan ang nangyari kanina. Iba ang kaba ng isang tao kapag nasa ganoong sitwasyon.

Humigpit ang hawak ko sa panyo na nasa aking kamay at pasimple akong suminghot at kinurap paalis ang mga luhang nagbabadyang umagos na naman dahil sa kaba.

Ayoko ng malaman at mapansin pa ito ni Agustin na nakatingin sa kabilang banda ng bintana. Ayoko ko na rin na malaman pa ito ng mga tao sa mansiyon.

Pilit ko na lamang na kinakalimutan ang bagay na iyon habang papasok kami sa Casa Del Veriel. Kinakalma ko rin ang puso ko na kanina pa kumakabog sa hindi malamang dahilan.

"Agustin, maraming salamat talaga," kaagad kong baling sa kaniya matapos tumigil ang karwahe sa baba ng hagdan ng mansiyon. "At saka heto pala ang panyo mo," saka ko iyon inabot sa kaniya.

Kinuha naman niya iyon at inilagay pabalik sa mga kamay ko saka siya tumitig sa akin, "Walang anuman. At saka ito, sa iyo na ito. Kapag kailangan mo ako ngunit wala ako isipin mo na lamang na ako ito."

Mababa at malamyos ang kaniyang tinig habang binibitawan ang mga salitang iyon. Bakas sa kaniyang mukha ang sinseridad at pagiging seryoso roon.

Unti-unti akong napangiti saka tumango, "Sige. At iyon nga palang pangako mo ha?" paalala ko.

"Oo, hindi ko nakakalimutan. Pangako iyon," paninigurado niya. "Kapag kailangan mo ako sabihan mo kaagad ako, darating ako kahit ano man ang mangyari."

Nagkatitigan kami pagkatapos niyang bitiwan ang mga salitang iyon. Itinuon niya ang kaniyang tingin at nasa akin ang kaniyang atensyon. Mistulang ang lahat ng takot at pagkabalisa na mayroon at dinaramdam ko ay agad na nawala. Tila ba ang kaniyang presensya ay isang malaking ginhawa sa aking puso.

"Ahem, matagal pa ba iyan?"

Kaagad akong nagbawi ng mga kamay saka napaiwas ng tingin nang biglang may tumikhim at nagsalita mula sa bintana saka kumatok pa roon.

Ganoon din naman ang naging reaksiyon ni Agustin saka napakamot sa kaniyang batok. Kaagad kong ipinasok ang panyo sa bolso de cabestrillo saka natawa ng kaunti.

Lumingon naman ako sa bintana at natagpuan sina kuya Lucas at kuya Marco na nakatayo sa hagdan at magkakrus pa ang mga balikat at bagot na bagot na nakatingin sa amin.

Napangisi naman ako nang makita sila kaya agad akong napakaway. Hindi naman nagbago ag reaksiyon ng dalawa at sa halip ay itinaas ni kuya Lucas ang kaniyang kamay at iginalaw ang kaniyang hintuturo, sinyales na pinapababa at pinapalapit niya ako sa kanila.

Kaagad akong napalingon kay Agustin saka nginitian siya, "Bababa na ako ha? Maraming salamat uli."

Isang matamis na ngiti ang kaniyang itinugon, "Sige, mag-iingat ka at walang anuman," tumango siya.

Nginitian ko uli siya bago ako tuluyang bumaba at lumabas saka ako lumapit kina kuya na ka-lebel lang ng bintana ng karwahe.

Sinamaan naman ni kuya Lucas si Agustin, "Agustino, tigilan mo ang aking kapatid ha? Malalagot ka talaga sa akin," saway niya rito pero ngumisi lang si Agustin na nakadungaw sa bintana.

"At ikaw, bakit ngayon ka lang?" baling naman niya sa akin.

Kumabog ang puso ko at napahigpit ang hawak ko sa bolso de cabestrillo saka ako napayuko.

Hindi ko kayang magsinungaling sa kanila dahil napkabait nila sa akin. Pero ayaw ko rin na mag-aalala sila sa akin.

"Eh kas-kasi may.."

"Kasi nakisuyo ako sa kaniyang siya ay sumama muna sa akin. Pasensya ka na, Lucas, ako ang may kasalanan," biglang pagsingit ni Agustin kaya napaangat ang ulo ko at bumaling sa kaniya.

Doon ko natagpuan ang kaniyang mga labi may mga ngiti at mga matang nakatingin sa akin. Tila ba sinasabi niyang 'Huwag kang mag-alala at ako na ang bahala.'

Hindi ko namalayan pang nakangiti na ako pabalik sa kaniya.

"Ilayo mo itong kapatid ko sa mga kapahamakan at kalokohan ha, Agustino," masungit na sabi ni Kuya.

Natawa si Agustin, "Ako pa. Hindi mo na nga kailangan pang sabihin sa akin."

Kahit pa kausap siya ni Kuya at kahit pa tumutugon siya rito ay hindi niya binawi ang kaniyang mga tingin sa akin at mas lalo pang tumingkad ang kaniyang mga ngiti.

"Ahh! ¡Duele!"

Napadaing naman siya nang bigla siyang binatukan ni kuya Lucas kaya napaiwas siya ng tingin sa akin at hinaplos ang kaniyang batok. Natawa naman si kuya Marco habang nakatingin sa kaniyang sinapit na nakatayo sa aking tabi.

"Huwag mo nga kasing tinititigan ang kapatid ko," saway ni Kuya.

Napasimangot na lang si Agustin saka ngumiwi.

"Sya, aalis na lang ako. Kung makahampas ito parang walang galang ha, tsaka magkaibigan naman tayo ah," napa-tch siya.

Natawa naman si Kuya sa kaniyang inasal saka umiling, "Sige, umalis ka na. Baka hindi na batok at hampas ang aabutin mo," biro pa nito.

Pinansingkitan siya ng mga mata ni Agustin saka ito tumingin sa akin, "Aalis na ako, Martina. Mag-iingat ka palagi."

Napangiti ako saka tumango, "Maraming salamat ha. Mag-iingat ka rin," kinawayan ko siya.

Maya-maya pa ay umusad na ang kaniyang sinasakyan.

"Aalis na ako, Lucas, Marco," paalam niya pa.

"Sige, kuya Agustino," usal ni kuya Marco.

Hindi naman siya sinagot ni kuya Lucas at sa halip ay mahina niyang tinampal ang noo ni Agustin na siya namang bumawi at hinampas ang ulo nito. Hindi na nakaganti pa si kuya dahil nakalayo na ang kaniyang sinasakyan at lumipat si Agustin ng inuupuan.

Natawa na lang ako habang pinagmamasdan ang kanilang mga kabardagulang ginagawa.

"Halika na, Martina."

Naglakad na si kuya Marco papaakyat ng mansiyon kaya kaagad na akong sumunod sa kaniya. Ilang sadali pa ay sumabay na si kuya Lucas sa amin.

Pagdating namin sa loob ay naroon sina Ina at Tiya na nakaupo sa sala mayor na kaagad napatayo nang makita kami.

Dali-dali na lumapit ang dalawa sa amin, lalo na sa akin. Napangiti si Ina nang makita ako at mabilis akong niyakap.

"Naku, salamat naman at ikaw ay narito na," aniya pa na para bang may nangyaring masama sa akin na siyang ikinabalisa niya.

Agad akong napangiti na halos gusto ko ng mapaiyak. Bakit ba napakabait at napakamaalalahanin ni Ina sa akin, sa kaniyang anak? Hindi ko ito naranasan dati kay...

"Opo, Ina. Bakit po parang kayo po ay nag-aalala?" kuryoso kong tanong.

Nakangiti siyang umiling, "Wala. Ako lamang ay napanatag na ang kalooban na makita kang nakauwi na. Ang aking akala ay kung nasaan ka na napunta,"

"Ayos lamang po ako, Ina. Tsaka po hinatid naman po ako ni Agustin kaya huwag po kayong mag-alala," saka ko siya niyakap.

"Oh sya, sige. Ika'y pumanhik na sa itaas at magbihis at mamaya ay magtatanghalian na tayo," sabi niya sabay kalas sa yakap.

Tumango ako kasabay ng isang ngiti saka ko binalingan si Tiya.

"Tiya, ito na po pala ang inyo bolso de cabestrillo," iniabot ko naman sa kaniya iyon matapos kong kunin ang panyo na inilagay ko kanina.

Nakangiti naman siyang tinanggap iyon, "Maraming salamat, pamangkin."

"Walang anuman po, Tiya."

Hindi rin nagtagal ay umakyat na ako papunta sa aking silid saka nagbihis. Sina Kuya naman ay isinama ni Ina doon sa kusina at si Tiya ay nagpunta sa azotea.

Kaagad kong isinalampak ang pagod kong katawan sa malambot kong kama hawak-hawak ang panyong bughaw ni Agustin.

Napagulong naman ako at dumapa habang pinagmamasdan at pinaglaruan iyon. Kulay bughaw ang tela nito na gawa sa pinya na may halong bulak at seda. May mga nakaburda itong mga disenyo sa bawat gilid na nakapalibot. Sa kanang baba na bahagi nito ay may nakaburda na kaniyang pangalan na nakakonekta sa mga hinahabi sa gilid.

Agustino F. Atravencio

Sobrang kinis at malambot pa ito. At ang bango rin. Hinawakan ko ito ng mahigpit malapit sa puso ko at ipinikit ang mga mata ko para umidlip na may kaunting ngiti sa labi.


"Martina, mayroon ka bang ginagawa ngayon?"

Kaagad akong napalingon sa may pinto nang marinig ko ang boses ni Kuya Lucas mula sa labas ng aking silid.

Napatayo ako saka naglakad papunta sa pinto at binuksan iyon. Bumungad sa akin ang nakabihis na si kuya Lucas.

"Wala kuya. Bakit?" taka kong tanong matapos kong tignan ang buong palapag.

"Kung ganoon ay nais mo bang sumama sa Puente de la Reina?" nakangiting usisa pa nito.

Nagdugtong nang mga kilay ko saka napangiti, "Bakit? Anong gagawin natin doon?"

"Kaarawan kasi ng aking kaklase ngayon kaya nag-imbita siya."

"Kaarawan ng kaklase mo? Eh hindi naman niya ako kilala, nakakahiya naman."

"Ano ka ba, ayos lang iyon. At saka para naman mapasyal ka at maaliw," dahilan pa ni Kuya kaya napangiti ako.

"Si-sige, magpapalit lang muna ako. Mabilis lang ako."

"Naroon lamang ako sa labas."

Napatango ako matapos niyang sabihin iyon kaya agad ko ng sinara ang pinto at naglakad papunta sa bihisan. Nagpalit na ako ng kulay asul na baro't saya saka binitbit na ang bolso de cabestrillo at abaniko.

Nadatnan ko si kuya Lucas na nakasakay na ng karwahe sa labas. Kasama niya pa si kuya Marco na nakangisi sa akin. Kaagad na akong sumakay at umusad na ang sinasakyan namin.

"Sasama ka rin, kuya Marco?" tanong ko nang maisuot ko ang ang dala kong bdc. Pinaikli ng bolso de cabestrillo, ang haba naman kasi.

"Hmm. Wala rin naman akong ginagawa."

Napangiti naman ako, "Ako rin. Nga pala, kuya Lucas, wala pala akong dalang pangregalo sa kaklase mo," baling ko naman kay Kuya.

Natawa naman si kuya Marco, "Huwag mo ng isipin ang ganoon, hindi na mahalaga ang pagbibigay ng regalo. Kumain na lang tayo, maging praktikal ba, oo."

Pati ako ay natawa na rin sa sinabi ni kuya Marco. Sabagay may punto naman siya eh, tsaka isa pa hindi ko rin naman kilala ang kaklase ni kuya Lucas kaya hindi ako sigurado kung ano ba ang ibibigay sa kaniya.

Dahil sa sagot niya ay nahampas pa siya ni kuya Lucas sa braso, "Dami mong kalokohan eh."

Napadaing naman si kuya Marco pero agad din niya akong nilingon saka nginisihan at kinidatan sa kilay.

"Pero huwag ka ng mabahala doon, Martina, hindi naman niya iyon magugustuhan dahil hindi niya mabigyan ng halaga ang kahit anong regalo na ibibigay sa kaniya dahil nabibili niya naman ang kahit anong gusto niya," paliwanag ni kuya.

Napatango na lang ako saka bahagyang ngumiti.

"Oo, kaya nga ang isipin mo lang ay kumain. Maraming masasarap doon na pagkain," singit ni kuya Marco.

"Tch, anong tingin mo sa kaniya, masiba at patay-gutom?" hindi makapaniwalang usal ni kuya Lucas at magkarugtong pa ang mga kilay.

"Sinabi ko lang naman na maraming pagkain doon, hayy," tahimik na sagot ni kuya Marco.

Natawa na lang ako sa inasal ng dalawa.

"Bakit pala wala si kuya Lucio?" pag-iiba ko ng usapan.

"Kasama siya ni Ama sa tanggapan nito," maikling sagot ni kuya Lucas.

"Ahh," tanging nasambit ko at natahimik na at nakatingin sa labas ng bintana sa buong byahe.

Napasalubong tuloy ang mga kilay ko nang maisip kong ang aga pa naman yata para magdiwang ng kaarawan. Alas diyes pa lang naman kasi ng umaga. Pero baka ay pananghalian na ang kainan mamaya.

Biyernes at ikalawang araw ngayon ng Marso, tatlong buwan bago ko matatapos ang aking misyon. Hanggang ngayon ay wala pa rin akong alam kung sino ang papatay sa akin.

Ang tanging alam ko lang sa ngayon ay may isang lalaking iniibig si Kristina. Mayroon ding lalaking ipapakasal sa kaniya at mayroon ding lalaking may gusto sa kaniya.

Kung hindi ako nagkakamali ay si kuya Luis ang lalaking ipapakasal sa kaniya. At base sa kaniyang mga sulat ay ito rin yata ang lalaking mahal niya. Gusto rin kaya niya si Kristina o hindi?

Aish, hindi ko alam.

Hindi nagtagal ay nakarating na kami sa Puente de la Reina. Kagaya pa rin ng dati ay maraming tao, pero hindi na tulad noon na maraming mga nagsasaya.

Lumipas pa ang mga siyam na minuto bago kami nakarating sa may dulo ng bayan na ito. Rito ay may mas maraming mga bahay na kadalasan ay malalaki at may mga ikalawang palapag pa.

Tumigil kami sa isang malaking bahay na nasa dulo. Gawa ito sa kahoy at mga bato. Anim na bintana ang naroon sa harap ng bahay sa ikalawang palapag nito. May katamtaman ang laki rin na kanilang hardin sa harap at doon din ay nakaparada ang mga kalesa at karwahe na sinakyan ng mga bisitang papaakyat sa bahay.

Sa likuran ng bahay ay may napakalawak na damuhan at may burol pa. Nakatanim din doon ang iba't ibang klase ng mga bulaklak kabilang na ang mga rosas, gumamela, kalachuchi at iba pa. Isang ngiti ang namarka sa aking mga labi nang masilayan ang isang klase ng bulaklak na may iba't ibang kulay.

"Halika na, Martina," tawag ni kuya Lucas sa akin.

Bumaba naman silang dalawa kaya sumunod ako. Inabot naman ni kuya Lucas ang kamay ko saka inilagay sa kaniyang braso.

"Huwag kang lumayo sa amin at baka mawala ka pa," aniya kaya ngumiti ako sabay tango.

"Kuya Agustino!"

Napalingon kami kay Marco nang sambitin niya ang pangalan ni Agustin. Nakatingin siya sa aming kanan kaya napatingin ako kaagad doon.

Papalapit ang nakangiting si Agustin sa amin kaya kaagad ko siyang kinawayan kasama ang isang ngiti.

"Martina, narito ka pala," kaagad niyang salubong sa akin kaya napatango ako.

"Ah, oo. Dinala kasi ako ni kuya Lucas eh," tugon ko na ikinangiti niya.

"Masaya akong makita kayong tatlo. Kadarating niyo pa lang?" aniya pa kaya tumango si kuya Lucas.

"Oo. Ikaw ba, kanina ka pa?" pabalik ni kuya Lucas.

Hindi na ako nagtaka pang andito at imbitado rin si Agustin dahil magkaklase naman sila ni kuya Lucas.

"Medyo. Mayroon lang akong binalikan," tumango siya. "Ang sarap talaga ng pagkain nina Diego. Nakikain ako kanina," komento niya pa sabay tawa.

Nagtawanan silang dalawa ni kuya Marco habang napailing nalang si kuya Lucas.

"Ayan nga eh. Kaya nga ako sumama rin dito dahil sa kanilang pagkain," si kuya Marco.

"Kaya rin ako sumama dahil batid kong marami na naman na mga binibini ang narito."

Sabay-sabay kaming napalingon nang marinig ang isang boses mula sa aming likuran. Aming nasilayan ang dalawang magkapatid na sina Gabriel at Joaquin.

Napasalubong naman ang kilay ko dahil doon. Kaklase rin kaya nila ang may kaarawan? Siguro. Pero hindi naman sila magkaklase ah? Marahil ay kaibigan.

Nagkasalubong ang aming mga tingin ni Joaquin. Seryoso siyang nakatingin sa akin at bahagyang may kaunting kunot ang kaniyang noo. Nginitian ko na lang siya ng kaunti at saka nag-iwas ng tingin nang bigla na namang kumabog ang aking dibdib.

"Hindi ka na talaga nagbago, Gabriel," komento ni Agustin kaya napailing ito.

"Masaya naman kaya ah. Subukan mo," natatawang anito kaya nakatanggap siya ng batok mula kay Agustin.

"Baliw," tanging nasabi niya.

Natawa naman si Gabriel at napatingin sa akin kaya bahagya akong ngumiti sa kaniya.

"Narito ka pala, Martina."

"Dinala ako ni Kuya," ulit ko sa sagot ko kanina. Napaangat naman ang kaniyang kaliwang kilay saka tumango bilang tugon.

"Tayo na't umakyat," aya ni kuya Lucas kaya naglakad na kami papunta sa hagdan na patungo sa ikalawang palapag ng kanilang bahay na nasa may gilid nito.

Pagdating namin sa itaas ay medyo marami na ang mga panauhin na dumating. Halos lahat rito ay mga kaedad lang nina kuya at sa akin. Marahil ay ang mga ito ay galing sa kanilang unibersidad.

May iba na nakaupo doon sa mga mahahabang mesa at may iba naman na nakatambay lang malapit sa malalaking mga bintana. May mga grupo ng mga binibini at may mga grupo rin naman ng mga ginoo, at mayroon ding magkakasama.

May iilan naman na nakapansin sa pagdating namin dahil tumitingin at kumakaway pa ang iilan sa mga ito. May iba naman na sobrang abala sa mga ginagawa at kinakausap kaya hindi na kami napansin.

Napako ang tingin ko sa isang lalaking naglakad papalapit sa amin at nakangiti pa.

"Aba'y maraming salamat at kayo ay nakarating," aniya saka nakipagkamay kina Kuya.

"Maligayang kaarawan sa iyo, Diego."

Halos naman magkasabay na binati nina Kuya ang binata. Napangiti naman ito ng malapad.

"Maraming salamat, maraming salamat," tugon niya saka niya inilahad ang buong palapag. "Sana ay maaliw kayo at magustuhan ninyo ang inihanda."

"Sigurado iyon! Napakasarap kaya ng pagkain ninyo rito," si kuya Marco na ang sumagot.

Napairap naman ako sa kaniya saka lihim siyang kinalabit.

"Sasabihin ko iyan kay Ina," balintuna ko sa kaniya.

"Shhh, huwag ka ng maingay. Masarap din naman ang kay Ina ah," kaagad niyang bulong sa akin kaya natawa ako.

"Oo nga pala, Diego, si Martina, aming bunso," biglang pagpapakilala ni kuya Lucas sa kaniyang kaklase.

Napalingon naman ako kay Diego at natagpuan ko siyang nakangiting nakatingin sa akin. Kaagad akong kumaway sa kaniya.

"Maligayang kaarawan sa iyo, Ginoo. Masaya akong makilala ka," sabi ko sabay abot ng kamay para makipagkamay.

Mas lalo pa siyang napangiti, "Maraming salamat, Binibini. Ako ay nagagalak na makita ka rito at makilala," aniya sabay tanggap sa kamay ko saka niya hinalikan ang likod ng palad.

Bahagya pang namilog ang mga mga mata ko dahil hindi ko inaasahan iyon pero ngumiti na ako kaagad nang tumayo na siya ng maayos at tumingin sa akin.

"Batid mo bang lagi kitang naririnig mula sa bibig ng iyong mga kapatid. Marami rin ang nais na ika'y makilala," nakangising sabi niya.

Napatawa ako ng kaunti. Ganoon nga talaga ka tanyag si Kristina?

"Syempre, sino ba naman ang hindi nais makilala ang walang katulad na kagandahan ng binibini," pagsingit ni Joaquin saka hinila ang kamay ni Diego ng ilang sandali ay hindi niya pa rin binibitawan ang kamay ko.

Napangiting natawa ng kaunti si Diego nang minasdan ang nangyari. Nilingon ko naman si Joaquin at natagpuang nakatingin sa akin na bahagyang nakangiti. Narinig ko naman ang pagtawa ni kuya Lucas sa tabi ko dahil sa sinabi ni Diego.

"Sya, tama na Diego. Huwag mo na akong ibuko," aniya pa.

"Oo na," tumatawang tugon nito. "Halina kayo, pasok. Marami riyang mga upuan at pagkain. Narito rin ang ilan nating mga kaklase at kakilala sa unibersidad."

Naglakad na si Diego papalapit doon sa may gitna ng kanilang palapag.

"Iiwan ko muna kayo rito at sasalubungin ko pa ang ibang mga panauhin," paalam niya saka tinanguan kaming lahat.

"Sige, sige. Maraming salamat, Diego," sagot ni kuya Lucas.

Ngumiti naman siya sa akin bago siya naglakad paalis kaya tinugunan ko rin.

"Maligayang kaarawan uli, kuya Diego," pahabol ni kuya Marco kaya itinaas nito ang kamay bilang pagtugon at patuloy lang sa paglalakad.

Naglakad na sina kuya sa isang mahabang mesa sa may gitna. May mga bakante ito sa may gitna kaya agad na silang nagsipwesto. Magkakatabi kaming magkakapatid na ako ang nasa gitna. Katapat naman ni kuya Lucas si Agustin, si Gabriel sa gitna at si Joaquin kasunod niya.

Tahimik lang akong nakamasid sa paligid habang sina kuya ay kausap naman ang mga katabi sa kabilang banda. Nahuli ko naman si Gabriel na nakatingin sa isang grupo ng mga binibini sa may bintana kaya bahagya akong natawa.

"Aswues, ayaw pa kunyaring lapitan," parinig ko sa kaniya na nakatingin pa rin sa tinitignan niya.

Naramdaman ko namang nakatingin na siya sa akin kaya nilingon ko siya. Tama nga ako, dahil magkarugtong na ang kaniyang mga kilay.

"Nais mo silang lapitan, hindi ba?" usisa ko pa nang taasan niya ako ng kilay.

Natatawa naman siyang umiling, "Hindi kaya. Paano mo nasabi iyan?"

"Naku, ipinagkaila pa."

Tumawa na lang siya dahil doon at inialis ang tingin mula rito. Napailing na lang ako at tahimik naghihintay na magsimula.

Tama nga sina Kuya, mukhang masarap ag kanilang mga pagkain dahil sa presentasyon pa lang nito sa malaking mesa sa may harapan ay paniguradong gugutumin na talaga sa kakatingin.

Mabuti na lang talaga at hindi nagtagal ay nagsimula na at ang una ay kinantahan pa si Diego na kasama ang mga magulang niya sa may harapan. Tama nga sina Kuya dahil wala akong nakitang ni isang nagbigay ng regalo sa kaniya. Ganoon nga talaga siya kayaman?

Sina Kuya naman ang nagsipagtayo at kumuha ng aking pagkain. Ako na dapat iyon eh pero huwag ko na raw abalahin ang sarili at sila na lang. Napangiti na lang akong pinagmasdan ang dalawa na dala-dala ang isang plato para sa akin na nilalagyan ng iba't ibang mga pagkain dahil paborito ko raw iyon.

Nakabalik na ang dalawa ang plato na laking pasalamat ko na kahit iba't ibang pagkain ang naroon ay kaunti lamang ang mga ito. Sumunod naman si Gabriel na dala rin ang kaniyang pagkain.

"Narito ang iyong maiinom na tubig, Martina."

Kaagad naman kaming napalingon nang dumating sa Agustin na may dalang isang baso ng tubig kasama ang kaniyang pagkain. Inilapag niya ang tubig sa may bandang harapan ko kaya nginitian ko siya.

"Maraming salamat, Agustin," usal ko.

"Walang anuman," ngiti niya saka siya umupo.

Napatingin ako sa mga pagkain ko saka lihim na napangiti. Andito ang paborito kong biko eh.

"Para sa iyo, Binibini."

Napaangat naman ang ulo ko nang marinig ang isang boses. Si Joaquin. May dala itong platito na may lamang tatlong puto, lahat ay kulay puti. Naptingin ako sa kaniya at doon sa kaniyang dala. Ramdam ko ring nakatingin ang apat sa kaniya.

Inilapag niya ito sa may kanang harapan ko saka ngumiti sa akin.

"Maraming salamat rito, Ginoo," tugon ko saka siya nginitian na siyang ikinatango niya.

Nagsimula na kaming kumain at tahimik lamang ako habang sina Kuya ay panay ang pagkekwentuhan. Minsan pa nga ay pati ang iba naming kasama sa mesa ay sinasali na nila.

Inabot ko naman ang isang pitsel ng tubig sa may harapan ko nang maunahan ako ni Agustin at siya na ang nagsalin niyon sa baso ko. Nginitian ko na lang siya saka nagpasalamat at nagtuloy na sa pagkain.

Halos kalahati na ang naubos ko sa pagkain kaya inabot ko naman ang isang pitsel sa may kanan ko dahil medyo paubos na rin ang nasa kaliwa ko. Kaagad naman iyong kinuha ni Joaquin saka siya na ang nagsalin sa baso ko.

"Ako na, Binibini."

Magkarugtong ang mga kilay kong tinignan ang dalawa. Ano naman kaya ang mayroon sa dalawang ito? Napailing na lang ako saka siya pinasalamatan. Magkarugtong naman ang kilay ni Gabriel nang napatingin ako sa kaniya ngunit nanatili lamang siyang tahimik.

Mas nauna namang natapos si kuya Lucas sa pagkain na ngayon ay umiinom na ng tubig. At tubig, napatingin ako sa dalawang kayabi ni Gabriel na kumakain pa rin ngunit bakas sa mukha na para bang anumang sandali ay titigil sa pagkain at sasalinan na naman ako dahil panay ang tingin pagilid.

Napailing na lang ako saka ngumisi ng kaunti saka kunwaring aabutin ang dalawang pitsel nang pigilan ako ng dalawa at kinuha ang mga iyon para bigyan ako.

Natawa na lang ako nang inumin ko ang tubig na halos nasa may kalahati pa. Napangiwi naman ang dalawa at ang nakakahalatang si Gabriel ay kaagad na itinaas ang kaniyang basong walang laman upang magpasalin.

Pinagdugtungan naman siya ng kilay ng dalawa saka nagsipaglapag sa mga pitsel. Mas lalo pa akong natawa sa kanilang mga reaksiyon.

"Ikaw na mag-isa," usal pa ni Joaquin.

"Ano pa't ikaw ba ay sinuswerte?" iritang saad ni Agustin.

Napailing na lang ako at nagtuloy na sa pag-ubos ng pagkain.


Alas tres na ng hapon at papauwi na kami sa San Luisiano. Naghihintay na lang kami sa karwahe na sasakyan namin rito sa labas ng kanilang bayan. Nakasilong ako sa may malaking arko habang ang lima naman ay mayroon pang nilapitan at kinausap sa kabilang banda.

Pagkatapos namin kanina kina Diego ay naglakad-lakad muna kami at namasyal sa kanilang plasa para matunaw ang kinain namin kanina. Mabuti na lang talaga at hindi masyadong mainit ang araw at mahangin pa.

Hanggang kanina nga ang dalawang sina Joaquin at Agustin ay kung ano-ano na lang ang inaalok at ibinibigay sa akin na nakikitang itinitinda sa gilid ng kalsada. Nagtaka tuloy sina kuya Lucas na pinatigil sa mga pinagagagawa nila.

"Martina!"

Isang malakas na sigaw ang aking narinig mula kina Kuya kaya nawala ang mga iniisip ko. Kaagad akong napalingon sa kanila at natagpuan kong nakatingin silang lahat sa akin pawang nanlalaki ang mga mata.

Anong nangyari sa kanila?

Sa hindi inaasahan ay nakaramdam ako ng biglang pagsakit ng sobra ng ulo at kanang balikat ko na parang bang may bumagsak rito. Parang nayanig yata ang buo kong katawan pati na rin ang kaluluwa ko ay mistula bang lumabas mula rito.

Sobrang sakit nito na nagmanhid na rin ang katawan ko at wala na akong nararamdaman na kahit ano at tanging isang matinis na tunog lamang ang mayroon sa aking tenga.

Unti-unting bumagsak ang katawan ko sa lupa kasabay ng isang malakas na lagapak sa aking tabi. Hindi ko na maaninag pa ang paligid ngunit nadinig ko nalang ang mabibilis na mga yabag papalapit sa akin.

Dalawang kamay ang nararamdaman kong humawak sa magkabilang balikat ko saka ako bahagyang pinaupo at isinandal sa hita nito.

"Martina, Martina, huwag na huwag kang pumikit!" natatarantang utos nito.

Si Agustin.

Naaninag ko kung gaano karugtong ang kaniyang mga kilay at bakas sa mga mata ang pag-aalalang nakatingin sa akin.

Bigla ko namang naramdaman na mayroong likidong lumalabas sa aking ilong at mas napatunayan ko pa iyon dahil nanlaki ang mga mata ni Agustin.

"Panyo! Panyo, Lucas!" hestirikal na sabi niya kay Kuya na nakadalo rin sa akin at panay ang hawak sa mga kamay ko at tawag sa aking pangalan.

Napansin ko na lang na may panyo ng nakatabon ng kaunti sa aking ilong at pinapahiran ang sa tingin ko ay dugo mula rito.

Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin at kung bakit ganoon na lang ang kanilang mga reaksiyon.


Sandali-mamamatay na ba ako? Ito na...ito na ba ang katapusan?


Pero hindi, hindi pa natatapos ang misyon.


"Martina, magiging maayos ka lang. Huwag na huwag kang pumikit."


Narinig ko pa ang kalamado ngunit bakas pa rin ang pagkataranta ng boses ni Agustin bago dumilim ang paligid.








Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro