Kabanata 35
|Kabanata 35|
Agosto 22, 1889
Hindi ko mawari na kahit ilang beses ko siyang kalimutan at pagtakpan ang aking nararamdaman bumabalik pa rin iyon. Nais ko na lamang na isabay ang aking nararamdaman sa mga hangin at humihiling na sana ay hindi na iyon liparin pabalik sa akin ngunit ang puso ko'y sadyang hindi nagpapapigil.
Dasal ko na balang araw ang kaniyang mga tingin ay babaling sa akin at ako ay kaniyang mabibigyan ng kaunting pansin.
Labis kitang iniibig, Ginoo.
— Martina
Lamig ng hangin at tahimik na paligid. Iyan ang bumabalot sa akin, tinatanaw ang buwan at mga bituin habang nakaupo sa kahoy na duyan na nakasabit sa isang puno sa harapan na hardin ng Casa Del Veriel. Tunog ng mga kuliglig at ihip ng hangin ang pumupuno sa aking tenga. Alas otso na ng gabi at wala na ring tao sa labas ng mansiyon. Lahat rin ng mga tao sa loob ay nasa kani-kanilang mga silid na at sigurado akong sila'y mahimbing nang natutulog.
Kasabay rin niyon ang ikaisandaan ko nang pag-uulit sa mga alaala sa aking isipan sa nangyari kanina. Isang lihim na ngiti ang sumilay sa aking labi nang maalala ko ang kaniyang nakangiting mukha nang iniabot niya sa akin ang isang bulaklak. Hindi ko maiwala sa aking ngiti at reaksiyon ang pagkatuwa habang dahan-dahan na dinuduyan ng kaunti ang sarili.
"Martina?"
Tila nakidlatan ang aking puso nang bigla kong marinig ang isang boses mula sa likuran. Mabilis akong napalingon at nakita ang pigura ni kuya Lucio na papalapit sa akin. Napangiti na lang ako at nanatiling nakaupo habang hinihintay siyang tuluyang makalapit. Nasilayan ko ang magkasalubong niyang mga kilay at hindi makapaniwalang tingin nang tumigil siya sa bandang gilid ko.
"Malalim na ang gabi, Martina, at nararapat na ika'y nasa iyong silid na," aniya na tila sermon at may hawak pang bote ng gatas.
"Hindi ako makatulog, Kuya eh. Tsaka mayroon din akong mga iniisip," pag-amin ko sa kaniya. Umupo naman siya na nakasandal sa katawan ng puno sa bandang kanang kamay ko.
"Kagaya ng?" tumunga siya ng gatas. Si Joaquin—eikk, baliw.
"Pagbabago ni Ama." Dahil sa sinabi ko ay napatingin siya sa akin, saka siya ngumuso pakaliwa.
"Tama ka riyan," tugon niya. "Tila ba'y umiiba na siya, may kaunting kagaya ng kaniyang iilang katangian noon."
Kung gayon, hindi nga talaga ganoon si Ama. Ibig sabihin ay magkasundo pa sila ni Kristina noon? Pero bakit naman sila nagkagalit?
"Oo nga eh. Hindi ko maintindihan ang bigla niyang pagbabago," lumingon ako sa kawalan. "Pero sana, maging tuluyan na talaga ang pagbait niya."
"Tama ka riyan. Nais ko na uli na magiging masaya tayong lahat at magkakasama."
Nang bitawan niya ang mga salitang iyon ay hindi ko napigilan ang mga ngiting sumilay sa aking labi. Naisin ko man na maging masaya ako kasama ang pamilyang ito, pero mas nais ko ring maranasang maging masaya kasama ang totoo kong pamilya.
Ang totoo kong pamilya.
Oo nga, kumusta na kaya sila? Panigurado naman yata na hindi pa sila naisisilang dahil nasa nakaraan pa ang oras. Ngunit ang tangi kong hiling na sana ay kapag nakabalik na ako sa amin ay mararanasan ko ang pagmamahal ng isang pamilya.
"Martina?"
Nabalik ang aking diwa nang marinig ko na ang pagtawag ni Kuya sa akin, "Nakikinig ka ba? Ayos ka lang?"
Nilingon ko siya at matamis na ngiti ang aking ibinigay sa kaniya bagama't hindi na iyon masyadong nakikita dahil madilim ang paligid.
"Ayos lang ako, Kuya," paninigurado ko sa kaniya. "Tsaka, bakit ka pala narito sa labas? Hindi ka rin makatulog?"
Narinig ko ang kaunti niyang pagtawa at nang lingunin ko siya ay nakita ko siyang napailing. Napataas ang kaliwa kong kilay nang masilayan ang kaniyang inasal.
Ano naman kaya ang nangyari sa kaniya? Parang kakaiba yata siya ngayon ah.
"Kuya, nakangiti ka. Sino ang iyong iniisip?"
Iyon na ang tanging nasambit ko dahil natuwa ako sa kinikilos niya. Mas lalo pa akong napangisi nang lumingon siya sa akin at nakita ko ang pagkunot ng kaniyang noo saka tumunga ng gatas.
"Ako'y ay hindi nakangiti at wala akong iniisip, Martina," aniya na halata namang may pinagtatakpan. Lihim nalang akong napailing at nakataas pa rin ang kaliwang kilay dahil sa narinig.
"Hindi nga?" kulit ko pa. "Alam mo, Kuya, hindi mo ako maloloko. Kitang-kita sa mukha mo eh, mayroon ka talagang iniisip. Sino ba kasi iyan?" ngisi ko pa.
Inilobo naman niya ang kaniyang ilong saka tumayo na pagkatapos ubusin ang gatas na hawak.
"Halika na, Martina, pumasok na tayo sa loob. Gabing-gabi na," aniya paglapit sa akin.
"Ay, hindi ako tatayo kapag hindi mo sinabi sa akin kung sino," panghahamon ko.
Gusto lang naman niyang mag-iba ng usapan at makalimutan ko iyon. Halata namanng mayroon talagang nakapalagi sa isip niya eh.
Pinagdugtungan niyaa ako ng kilay, "Makinig, Martina ha. Halika na."
Natawa ako sa sagot niya, "Sabihin mo muna kasi," pamimilit ko pa.
Napahinga naman siya nang malalim saka sinipat ang gilid, "Wala nga akong iniisip, kulit mong bata ka," depensa niya. "Halika na, pumasok na tayo't baka makita pa tayo ni Ama. Baka patulugin tayo rito sa labas."
Ginagalaw niya rin ang kamay niya, senyales na tumayo na raw ako kaya nakanguso na lamang akong tumayo. Inakbayan naman niya ako habang naglakad na kami papaakyat at papasok ng mansiyon.
"Martina, ito na ang huling beses na gagawin mo ang bagay na ito ha," aniya pa habang sinasarado at kinakandado ang pinto. "Paano na lamang kung may mangyaring masama sa iyo at hindi namin alam dahil ikaw ay nasa labas? Lubhang delikado iyon ha, huwag mo na uling gagawin."
Napayuko naman ako habang nakatingin sa kaniyang seryosong mukha sa may kadilimang sala mayor.
"Opo, Kuya. Pasensya ka na talaga, paumanhin," saka ako tumingin sa kaniya.
"Ipangako mo, Martina."
"Pangako, Kuya, hindi na uli ako lalabas ng bahay sa gabi, pangako iyan," saad ko habang nakataas pa ang kanan kong palad.
Lumambot naman ang kaniyang ekspresyon saka binigyan ako ng isang ngiti, "Pinangako mo na ha. S'ya, tayo na. Matulog ka na, malalim na ang gabi oh," aniya saka naglakad na kami papunta sa ikatlong palapag pagkatapos niyang iwan ang bote ng gatas sa lamesita sa sala mayor.
"Ang laki mong tanga, Chestinell," panenermon ko sa sarili habang nakahiga sa malambot kong kama sa silid.
Kababae mong tao nasa labas ka pa ng bahay nakatambay? Parang hindi ka tinuruan ng tama ah. Isa pa, kung may nanakit sa 'yo sa labas edi hindi mo matatapos ang misyon mo kasi nauna ka pang namatay.
Mabuti na nga lang at si Kuya Lucio pa ang nakakita sa 'yo, baka kung Ama mo pa, ah lagot kang bata ka. Tsaka, alam mo namang maraming balitang nagkalat ngayon na may mga rebelde na nagpakalat-kalat lang na hindi mo alam nakapasok na pala sa residensya ninyo na hindi alam ng gwardiya. Aish.
Hay naku, ewan ko sayo Chestinell.
Napapikit na lang ako matapos pagalitan ang sarili at tuluyan ng nilamon ng pagkatulog.
"Ang saya naman po talagang magtanim, Mang Kardo, kapag makikita mong may mga tumutubo na sa mga itinanim mo," masaya kong komento habang nagdidilig ng mga mirasol na itinanim namin noon.
Kahit kaunting pulgada pa lang ang pagtubo ng mga iyon ay masaya pa rin ako dahil kahit papaano ay may resulta ang pagtatanim namin.
"Siyang tunay nga, Senyorita. Mas lalo pang nakakatuwa iyan kapag iyo ng nakikitang mamumulaklak at namumukadkad. Napakaganda," nakangiting aniya saka nagpatuloy sa pag dilig sa mga halaman na inaasikaso niya.
"Oo nga po eh. Sana lumaki na ang mga ito."
Naging abala lang ako sa pagdidilig ng halaman nang mapansin kong may isang karwahe mula sa likod-bahay na pumarada sa baba ng hagdan ng mansiyon. Mula sa itaas naman ay naroon si Ina na papababa at nakabihis ng kaniyang kulay berdeng baro't saya at kasama si Tiya.
Saan kaya sila pupunta? Hindi naman ito nabanggit ni Ina kanina sa agahan.
"Mang Kardo, alam niyo po kung saan sina Ina pupunta?" baling ko kay Mang Kardo na nasa tapat ko.
Mabilis naman siyang napatingin kina Ina saka dahan-dahan na umiling, "Ay naku, hindi po Senyorita eh."
Napangiwi naman ako saka nagpatuloy na lang sa pagdidilig. Maya-maya pa ay sumakay na sina Ina sa karwahe at umalis na ito. Dumaan pa sila sa may harapan namin kaya nagkatinginan kami ni Ina na magkasabay na ngumiti.
"Saan po kayo, Ina?" pahabol ko naman kaya napahinto ang sinasakyan nila.
"Sa Teraza, anak," tugon ni Ina na dumungaw sa bintana.
"Malayo po ba iyan? Maaari po ba akong sumama?" nakangisi ko pang tanong.
Kuminang naman ang ngiti ni Ina, "Nais mo ba? Walang problema, anak. Halika," sabik nya pang tugon.
Napatalon tuloy ako ng kaunti saka nilingon si Mang Kardo na nakangiti sa akin.
"Pasensya na po, Mang Kardo ha, maiiwan ko pa kayo rito."
"Hindi niyo po kailangan na humingi ng pasensya, Senyorita. Mag-iingat po kayo roon," aniya.
"Salamat po. Aalis na po ako ha."
Kinuha naman niya sa akin ang pandilig saka mabilis na tumango.
"Sige, Senyorita."
Kaagad na akong napatakbo papunta kina Ina na nakangiti lang habang nakatingin sa akin. Sumakay na ako sa karwahe na maya-maya pa ay umusad na ito.
Kinawayan ko si Ina at Tiya, "Magandang bati po sa inyo."
Nakangiti naman ang dalawa na magkarugtong ang mga kilay saka tumingin sa isa't isa.
"Nasasabik ka yata, pamangkin," sabi pa ni Tiya kaya napatawa si Ina.
"Opo, makakalabas uli ako tapos kasama pa kayo," ngumisi ako. "Saan nga po uli iyang Teraza?"
"Iyo bang naaalala? Dati ay nagpunta tayo roon," tugon ni Ina. "Doon sa kaliwang parte ng sentro ng bayan, na kung saan doon nakatira ang kadalasan sa mga kapos-palad sa bayan na ito," dagdag niya pa.
"Mayroon tayong aktibidad na mamimigay ng pagkain at kanilang pangangailangan ngayon," kwento ni Tiya.
"Talaga po? Sigurado akong ang saya niyan!"
Mga nakangiting mukha ng magkapatid ang aking nasilayan bago kami natahimik na tatlo at nakatingin na lang ako sa labas at nakamasid sa dinadaanan namin.
Hindi nagtagal ay nakarating kami sa sentro ng bayan ngunit lumiko ito sa kaliwa. Katulad ng sa kanan na bahagi ay mayroon ding mga tindahan rito ngunit kakaunti na lang at mga maliliit lang.
Kadalasan din ng mga bahay na narito ay mga maliliit at gawa lamang sa mga simpleng kahoy at mga nipa. Mabibilang lang ang mga bahay na medyo may kalakihan at may ikalawang palapag.
Mayroon ding mga bahay na may bakod at may mga manok at iilang kambing sa kanilang harapan ng bahay. May mga bata ring naglalaro na madudungis na, maaalikabok at nakapaa lang. May iba rin na napunit na ang mga damit.
Maraming mga eskinita na maliliit at malubak pa ang daan. Pagdaan nga namin ay agad na napapatingin at lumilingon ang mga tao. May iba na napapangiti at kumakaway kina Ina na kita sa bintana at may iba rin na yumuyukod at nagtatanggal ng sombrero.
May iilang kabataan naman na tumatakbo at sumasabay sa sinasakyan namin, sumisigaw pa ng pagbati at magagandang umaga. Kinakawayan naman sila ni Ina at nginingitian.
Hindi nagtagal matapos namin baybayin ang may paliko-likong daan ay nakarating kami sa may gitnang bahagi ng Teraza. Mula sa labas ng bintana ay natanaw ko ang isang pasilong, isang bahay na walang dingding, pinto at bintana. Ang anim lang na haligi nito at bubong na nipa ang gamit nito, at medyo malaki ito. Naroon ang mga tao na naghihintay kina Ina na mga ina, ama, lolo, lola at kanilang mga anak at apo.
"Halika na anak," aya ni Ina sa akin ng nakangiti at maya-maya pa ay pinagbuksan na siya ng pinto saka lumabas.
Sumunod naman sa kaniya si Tiya at ako naman ang nahuli. Kaagad na sinalubong sina Ina sa mga taong naghihintay at sa mga ilang kababaihan na naalala kong nakita ko na dati noong nagpunta ako sa kanilang pagpupulong. Mga asawa ng may posisyon sa gobyerno at may katungkulan sa kanilang sanggunian o grupo.
"Magandang araw po, Donya Florentina," halos sabay-sabay na bati ng mga tao.
Tumugon si Ina ng isang natamis na ngiti, "Magandang araw rin. Kumusta kayo?"
Magkasabay silang nagsipagtugon at may iba na niyakap si Ina. May bumati rin kay Tiya at ngumingiti sa akin.
Sabi ni Ina ay nakapunta na si Kristina rito, kaya siguro ay nakikilala nila ako. Pero ang akala ko ay hindi nagpupunta si Kristina sa ganitong mga lugar?
"Donya Floren, narito ka na," salubong ng isang babae mula doon sa bahay.
Isang babaeng may katabaan pero matangkad kaya medyo hindi nahahalata. Suot niya ang kayumangging pares ng kamisa at saya na may mga bulaklak na disenyo. Medyo may puti na ang kaniyang buhok na nahahalata na mula sa malayo. Mukhang nasa edad na singkwenta na yata siya at respetado rito sa kanilang lugar. Halata rin naman dahil sa kaniyang tindig at awra na may katungkulan ito.
"Magandang araw, Aling Teresa," bati ni Ina na nasa aking harapan.
"Magandang araw rin, Donya. Halos narito na ang lahat ng mga tao at natutuwa silang kayo ay makita," tugon ng Ale.
"Masaya rin kaming maparito. Narito na ba si Donya Mariela?" usisa ni Ina tungkol sa asawa ng Gobyernadorcillo.
"Ay, wala pa ho eh. Maya-maya siguro," tumitingin pa ito sa kalsada na dinaanan namin. "Doon na lang po tayo maghintay," saka niya itinuro ang bahay.
Kaagad naman napatango si Ina saka kami nilingon. Naglakad na ang Ale na sinundan nina Ina kaya napasunod na rin ako.
"Donya Floren!" galak na ani Donya Victorina nang makita si Ina sa kaniyang tabi. Lumapit kasi si Ina sa kaniyang grupo na kinakausap saka siya nito niyakap mula sa likod.
Mukhang malapit nga talaga sila ni Ina, na kagaya rin ng sabi ni Kuya Marco si Don Carlos at Ama rin ang malapit na magkaibigan.
"Halina kayo, doon na lang natin hintayin si Donya Mariela," aya ni Ina matapos siyang yakapin ni Donya Victorina.
Nakangiti lamang kami ni Tiya na nakamasid sa kanila. Mabuti na lang din at walang pumapansin sa akin dahil wala rin naman akong kakilala rito.
Isinukbit ko na lang ang mga braso ko sa braso ni Tiya saka siya nginitian.
"Halika na, pamangkin," aniya saka naglakad na pasunod kina Ina.
Mas lalo naman sina Ina na binati ng mga tao nang makarating kami sa bahay. May mga nagbigay pa sa kanila ng mga bilaong may mga pagkain at mga kwintas na bulaklak at may mga sampaguita pa.
Pinaupo naman kami ni Tiya sa isang mahabang upuan sa may haligi ng bahay habang sina Ina ay kinakausap naman ang mga tao kasama ang ibang Donya roon sa gitnang harapan.
Ilang sandali pa ay nagsipaglingon kaming lahat nang may karwahe na dumating. Bumaba mula roon si Donya Mariela na napakasopistikada ng dating. Kahit medyo simple lang ang kaniyang bughaw na baro't saya ay hindi nito naiwala ang karangyaan sa kaniyang tindig. Mas lalo pang tumingkad ang kaniyang maypagka-mestisang kutis dahil sa kulay ng damit na suot.
Kaagad siyang lumapit kina Ina na pawang nakangiti sa kaniya.
"Magandang umaga sa inyo. Ipagpaumanhin na ako ay medyo nahuli dahil nagkaroon lamang ng aberya ang aking sinasakyan," rinig ko pang paliwanag niya kina Ina.
"Naku, ayos lamang po iyon, Donya Mariela. Kadarating pa nga lamang din po ng iilang Donya," kaagad na pagtugon ni Aling Teresa.
"Ganoon ba? Oh sya, tayo na't magsimula. Tiyak akong nasasabik na ang ating mga kabayan."
Iginiya sila ng mga nangangasiwa sa upuang nakahanda sa kanila sa may harapan. Anim na kahoy na upuan ang magkatabi at nakalinya roon at isa-isa silang umupo.
Sa gitnang upuan pinaupo si Donya Mariela. Dahil na rin siya ang maybahay ng Gobyernadorcillo. Sa kaniyang kanan ay sina Ina, kasunod si Donya Victorina na hindi humiwalay kay Ina. Katabi naman niya ang dalawang babae na hindi ko kilala pero nakita ko na dati.
Sa kaliwa naman ni Donya Mariela ay ang asawa ni Don Miguel na si Donya Amelia. Katabi niya ang dalawang babaeng hindi ko rin kilala.
Nakakapit pa rin ako kay Tiya nang bumaling ako sa kaniya, "Tiya, sino iyang ibang mga kasama nina Ina?"
Si Donya Mariela, Donya Victorina at Donya Amelia lang ang kilala ko dahil minsan ko na rin silang nakasalamuha.
"Sino sa kanila?" aniya saka tumingin doon sa harapan.
"Iyon pong katabi ni Donya Victorina, tsaka iyong tatlo sa kaliwa."
"Ah, iyon ay si Donya Herminia Veloroso," nguso naman niya sa isang babaeng nakadilaw na katabi ni Donya Victorina.
Napansin ko siya kanina na nakatingin sa akin. Medyo pataas ang kaniyang mga kilay at medyo strikta ang kaniyang dating. Pati na rin nga ang kaniyang ngiti ay mukhang hindi pa totoo.
"At ang kaniyang katabi, ang pinakahuli na nasa kanan ay si Feliza Madrigal."
Napatingin naman ako sa kaniyang tinutukoy. Isang babaeng hinuha ko ay magkaedad lamang sila ni Tiya. Ang amo ng kaniyang mukha at mukhang mabait ito. Makinis pa ang kaniyang kutis at hindi maipagkakailang kabighabighani rin ito. Ang tamis rin ng kaniyang mga ngiti.
"Iyong katabi naman Donya Amelia ay sina Donya Soledad Guervantes, si Josefa Nuestro saka si Hermosa Joson. Ang mga kababaihang iyan ay nagmula sa mga mayamang angkan sa ating bayan o kung hindi naman kaya ay naging kabiyak ng mga negosyante."
Napanguso naman ako saka napatango ng kaunti habang pinagmamasdan sila. Kahit pa mula sila sa mga mayayamang pamilya ay rito kasama nila ang mga mahihirap ay hindi nila ipinakita at ipinagmalaki ang kanilang mga kayaman. Simple lang ang kanilang suot at wala ring mga mamahaling mga alahas o palamuti sa katawan. Masaya akong makitang nakikibagay sila sa lugar na naroon sila.
"Labis po kaming nagpapasalamat sa inyo po. Dahil hindi po kayo nagsawang kami ay tulungan at kami ay hindi po ninyo iniwan. Marami pong salamat," pagtatapos ni Aling Teresa sa kaniyang maikling talumpati habang nakangiting nakaharap kina Ina.
Nagsipalakpakan naman ang lahat kabilang na kami sa gilid. Maya-maya pa ay may mga malalaking kahon na pinagtulungan ng iilang mga kalalakihan na pinangasiwaan ng mga gwardiya sibil na dinala sa may harapan ng mga Donya.
Pinagsimula na ni Aling Teresa ang dahan-dahang pagpila ng mga tao doon sa harap ni Feliza. Medyo marami-rami pala sila kaya rin may mga gwardiya sibil na nakabantay sa bawat parte ng bahay para mapanatili ang seguridad ng buong lugar.
"Tinatawag ka ni Ate, pamangkin."
Kaagad akong napalingon kay Tiya nang magsalita siya. Nakanguso siya sa harapan kaya napatingin ako roon. Nakita kong nakangiti si Ina na sumisenyas sa akin na lumapit daw ako. Kahit pa nakangiti ako ay magkarugtong ang mga kilay ko habang nakatingin kay Ina.
Bakit kaya?
Napatayo na lang ako at maingat na naglakad papalapit kay Ina at nahihiyang nagtago sa kaniyang likuran.
"Bakit po Ina?" bulong ko sa kaniya kaya natawa siya saka ako bahagyang hinila para pumagitna sa kanila ni Donya Mariela.
"Halika rito, anak."
Nahihiya naman akong napangiti kay Donya Mariela na nakatingin sa akin.
"Magandang araw po, Donya Mariela," kaagad kong bati sa ginang.
"Aba, nakakatuwa naman. Narito ka pala, hija," aniya saka hinaplos pa ang aking ulo.
Narinig ko naman ang mahinang pagtawa ni Donya Victorina sa tabi ni Ina kaya nakangiti akong tumingin sa kaniya.
"Magandang araw rin po, Donya Victorina."
"Sa iyo rin, hija. Ako ay masayang makita kita rito," nakangiting tugon niya kaya ngumiti ako pabalik.
"Sapagkat narito ka rin naman, anak, nais ko sanang maranasan mong mamigay sa mga nangangailangan," baling ni Ina sa akin.
"Ayos lang po na tumulong ako rito?"
Natawa naman si Donya Mariela kaya pati sina Ina ay natawa na rin.
"Ayos lamang iyon, hija. Huwag kang mag-alala," aniya pa kaya napatango na lang ako.
"Sige po."
Isa-isa naman na nagsilapit kay Feliza at kay Donya Herminia ang mga tao saka nila ito binigyan ng mga bigas na nasa bayong, at may iilan ding mga binhi na iniabot sa mga kalalakihan upang maitanim at kanilang maani. Kasunod ay kay Donya Victorina pawang mga gulay at prutas naman saka sa amin ni Ina ay mga damit. Nagpapasalamat naman sila ng personal kay Donya Herminia na nakatayo sa aking tabi.
Doon naman sa apat pa na donya ay mga bata naman ang nakapila roon. Saka sila binigyan ng mga laruan saka mga damit.
Kita sa kanilang mga mukha ang saya sa mga natatanggap nila. Hindi ko akalaing may ganito rin palang nangyayari sa kapanahunang ito. Kaya pala talaga ang mga tao sa buong bayan ay masasaya.
"Marami ho talagang salamat sa inyo, Donya Mariela," wika pa ng isang babaeng halos kasing-edad din ng Donya habang nakatingin sa amin.
Morena ito at bakas sa kaniyang mukha at katawan ang hapo mula sa labis na pagtatrabaho. Ngunit kahit pa ganoon ay makikita sa kaniyang mga ngiti ang labis na galak.
"Walang anuman. Ano pa ang silbi ng mga nasa katungkulan kung hindi naman kayang paglingkuran ang mga mamamayan?" tugon ng Donya saka nito bahagyang hinaplos ang braso ng ginang.
Nilingon ko naman si Ina na nakangiting nakatingin rito, "Nakakatuwa pong tumulong sa kanila, Ina. Ang saya-saya ho nila oh."
"Tama ka. Nakakataba nga ng puso ang kanilang mga ngiti. Kaya hinding-hindi tayo magsasawang tulungan ang mga kapos-palad," aniya. "Kung hindi nga dahil sa mga taong kagaya nila na nagsisikap na magtrabaho at pagsilbihan tayo ay mahihirapan tayo, kaya dapat mabuti at patas din ang kanilang natatanggap na pakikitungo mula sa atin."
"Tama po kayo."
Nakakatuwa lang din na malaman na kahit ganito ang estado ng buhay nina Ina ay hindi sila mga taong masasama at gahaman sa kapangyarihan. Kahit pa nasa posisyon sila sa gobyerno at hindi sila nasilaw rito.
Hindi naman nagtagal ay natapos na rin ang pamimigay at masayang umuwi ang mga tao. Naiwan naman kami dahil inaayos pa ang mga kagamitan na dinala at nag-uusap pa sina Ina at Aling Teresa. Ako naman ay nakatayo lang katabi si Tiya sa may likuran ni Ina.
"Kanina ko pa pala napapansin ang isang magandang binibini sa likuran. Kasama po ninyo Donya Florentina?"
Kaagad na nagdugtong ang mga kilay ko nang marinig ko ang boses ng Aling Teresa na sinambit ang pangalan ni Ina kaya napalingon ako sa kanilang direksiyon. Natagpuan ko naman silang nakatingin sa akin. Lalo na si Ina na nakangiti pa.
"Oo, siya ang aking pinakamamahal na unica hija," buong pagmamalaking wika niya saka isinukbit ang kaniyang braso sa akin.
"Unica hija? Iyon pong inyo ng dinala rito ilang taon na ang nakalipas?" hindi makapaniwalang tanong ng ale.
"Oo siya nga. Hindi na siya sumama sa akin matapos niyon kaya masaya nga akong naparito siyang muli."
"Kaya pala hindi ko siya gaanong namukhaan. Hindi nga nakakapagtatakang siya'y isang napakagandang binibini makalipas ang ilang taon, magmana ba naman sa isang magandang Ina," sabi pa ng ale.
Bahagya naman akong napangiti. Hindi ko alam kung totoo ba talaga o mula sa kaniyang puso ang papuri o binobolo lamnang kami ni Ina. Pero aaminin ko naman na maganda nga si Ina.
"Tiyak na ikaw ay mahihirapan na pakawalan iyan, Donya Florentina, kapag siya ay nag-asawa," komento ni Donya Josefa.
"Ay naku, huwag na muna iyan. Ayaw ko pang mag-asawa ito, nag-iisa nga lang ay kaagad naman na mawawala sa akin. Ayaw ko ng ganoon," natatawang pakiusap ni Ina kaya napangiti ako.
"Baka mayroon ng humihingi ng permiso riyan mula sa ama, Donya Floren, na hindi mo nalalaman," natatawang gatong pa ni Donya Amelia.
Mabilis na napailing si Ina, "Huwag naman sanang ganoon, Donya. Hindi ako papayag."
Nakangiti lamang akong pinagmasdan ang mga Donya na nagtatawanan at nag-aasaran. Parang mga dalaga pa kung magkulitan. Ngunit kahit pa ganoon ay naroon pa rin ang kanilang pagiging mahinhin at konserbatibong mga galaw.
Panay naman ang kapit at yakap ni Ina sa akin na tila ba ay mawawala ako ng anumang sandali mula sa kaniyang tabi. Abot hanggang tenga ang kaniyang ngiti habang pinag-uusapan nila ako na halatang ganoon niya talaga kamahal ang kaniyang anak.
Bigla tuloy akong nalungkot. Ano kaya ang mangyayari sa kaniya kapag darating na ang panahon na mawawala na ako—ang kaniyang anak? Tiyak akong labis na magdadalamhati ang Donya sa pangyayaring iyon.
Napabuntong-hininga na lang ako at inilahad ang isang ngiti sa kanilang lahat.
Napagpasyahan nilang tanggapin ang paanyaya ni Aling Teresa na tumuloy muna sa kanilang tahanan at magpahinga bago bumalik sa sentro ng bayan.
Kaya narito kami nakaupo sa kanilang azotea. Nasa may bandang pasukan ng Teraza at isa sa mga may kalakihan ang kanilang bahay.
Nakalagay sa mesa sa aming gitna ang iba't ibang pagkain na sinaluhan naman ng mga donya. Panay pa rin ang kanilang pangungumusta tungkol sa buong lugar at tungkol sa mga kaganapan sa bayan.
Maya-maya pa ay ipinakilala naman ni Aling Teresa ang kaniyang dalawang anak na babae. Mga minor de edad pa ang mga ito, labin-tatlo at sampu. Ang kabiyak daw ni Aling Teresa ay nasa bayan ay nagtatrabaho.
Napalingon naman ako kay Tiya na nakaupo sa aking tabi nang napasinghap ito.
"Ang—ang aking bolso de cabestrillo naiwan ko roon sa ating inupuan kanina," nababahalang aniya.
"Po? May importante ho bang gamit sa loob niyon?" magkarugtong na kilay kong pagharap sa kaniya.
"Mga pera lamang ang naroon, ngunit may kalakihan iyon."
"Ganoon po ba? Huwag kayong mag-alala, tsaka sana hindi pa iyon nakuha ng ibang tao," tugon ko saka tumayo ng dahan-dahan para hindi mapansin ng iba.
Kaagad naman akong hinawakan ni Tiya sa pulsuhan kaya napatigil ako saka yumuko.
"Saan ka paroroon?" dugtong kilay na usisa niya kaya tumalungko ako.
"Babalik po ako doon, Tiya. Ako na ang kukuha, huwag kayong mag-alala."
"Hindi, rito ka lamang. Ipapakuha na lang natin iyon mamaya."
"Pero po, baka naman mamaya ay wala na iyon doon? Paano po kung naroon pa iyon ngayon tapos maya-maya may kukuha?"
"Makikisuyo na lamang tayo sa mga gwardiya sibil," dahilan niya pa kaya natawa ako.
"Tiya, wala na pong mga gwardiya sibil," pagpapaalala ko sa kaniya.
Napalingon naman siya kay Ina kaya nakigaya na rin ako.
"Ikaw ay mapapagalitan ni Ate kapag wala ka na rito pagtingin niya."
Mas nataawa naman ako sa sinabi niya kaya napatingin siya sa akin na nakataas ang mga kilay.
"Tiya, hindi po ako pinapagalitan ni Ina," ngisi niya kaya natawa siya at umiling.
"Ikaw talaga," buntong-hininga niya. "Sya, mag-iingat ka ha at ako na ang bahala na magsabi kay Ate mamaya."
Kaagad na umangat ang sulok ng aking labi nang marinig ang mga katagang iyon.
"Sige po, aalis na ako. Kapag aalis na po kayo at wala pa ako ay huwag niyo na lamang po akong hintayin. Magkita na lamang po tayo sa mansiyon," paalam ko.
"Sige, pamangkin. Ikaw ay mag-iingat."
Umalis na ako roon ni hindi ko na nga nagawang magpaalam pa dahil kapag ginawa ko rin naman iyon ay mas matatagalan pa ako dahil sigurado akong makakatanggap pa ako ng maraming katanungan at pagpigil.
Sa totoo lang talaga ay hindi rin ako masyadong komportable kapag kasama ako ng mga taong mas matanda sa akin dahil nasanay ako na kapag nasa ganoong sitwasyon ay wala talaga sa kanilang presensya.
Isa pa, magmumukha kasi akong chismosa kapag ganoon.
Tahimik ko na lamang na binagtas ang daan na dinaanan namin kanina pabalik doon sa bahay. Hindi nga ako nagtaka pang medyo matagal akong nakarating dahil kumpara kanina ay naglalakad lamang ako ngayon.
Napapangiti naman ako at bahagyang kumakaway sa iilang mga bata na nakikita kong naglalaro sa kanilang hardin sa harap ng bahay. Tumutugon din naman sila at kumakaway pabalik.
Nang marating ko ang pinagdarausan kanina ay napakatahimik nito at ni isang tao ay wala akong makita. Nagmadali ko ng nilapitan ang inupuan namin kanina ni Tiya at nakita sa ilalim nito ang kaniyang bolso de cabestrillo. Mukhang nahulog yata ito kanina kaya hindi na napansin ni Tiya.
Kaagad ko na itong isinukbit pahalang sa aking dibdib at naglakad na paalis mula roon. Habang naglalakad ako pabalik ay pinagmasdan ko ang mga bahay sa paligid.
Kumpara sa sentro ng bayan ay napakatahimik talaga rito at mukhang wala pang nakatira sa mga bahay na tila ba'y nagmumukhang inabandona na dahil sira-sira na rin at may kakalatan pa ang iba.
Hindi ko lubos akalain na kahit pa gaano kayaman ang bayan na ito ay may mga lugar pa rin na naghihirap at nangangailangan ng tulong. Masaya lang din ako dahil kahit papaano ay tumutulong naman ang mga tao sa kanila.
Sa paglalakad ko ay bigla akong nakaramdam ng hindi maganda. Kanina pa kumakabog ang aking puso at nanginginig ang aking mga tuhod dahil may narinig akong mga yabag na kanina pa sumusunod sa akin. Napahawak na lang ako sa bolso de cabestrillo.
Hindi ko na nagawa pang lumingon sa likuran dahil baka paglingon ko tumatakbo na pala papalapit sa akin o hindi naman kaya ay nasa likuran ko na pala. Mas lalo ko na lang na binilisan ang paglalakad ko humihiling na sana ay may isang tao man lang akong makita ngayon.
Mas lalo pang kumabog ang puso ko at humigpit ang hawak ko sa bolso de cabestrillo nang marinig kong mas lalo pang lumalapit ang yabag at randam kong hindi lang iisang tao iyon. Marami.
Laking pasasalamat ko at medyo nakahinga ako ng maluwag nang may natanaw akong dalawang lalaki na mula sa eskinita sa kabilang banda na tumawid papaunta sa aking gawi. Mas lalo ko pang minadali ang paglalakad ko upang lapitan sila.
Ngunit kagyat din iyong dumahandahan nang masilayan ko ang kanilang nakangisi pagmumukha at nakatingin sa aking likuran. Dumagundong ang puso ko nang mapagtanto ko ang isang bagay. Magkakasama ang mga ito.
Gusto kong tumakbo pero hindi ko magawa dahil nanginginig na talaga ang mga tuhod ko. Hindi ko na nga kaya pang maglakad dahil hindi na naaayon sa tamang ritmo ang aking puso at hindi na rin sapat ang hangin na nahihinga ko.
Pasimple akong napalinga-linga sa paligid, naghahanap ng maaaring tumulong sa akin. Naipit ang aking paghinga nang makita kong ilang metro na lang ang layo ko mula sa dalawang lalaki sa aking harapan na panay ang titig sa akin. At hindi ko alam kung gaano ba kalayo o kalapit ang iba na nasa aking likuran.
Isa lang ang tanging paraan para maiwasan ko sila. Kaagad akong napatakbo papunta sa isang eskinita na nakita ko sa aking kanan at nang makapasok ako roon ay nagmadali na akong maglakad papunta sa dulo at labasan nito.
Tila nahulog ang puso ko at mas lalo pa itong kumabog ng mabilis nang masilayan kong wala, wala itong labasan. Ang tanging nakita ko lamang ay isang mataas na pader na gawa sa bato. Nanlamig ang buo kong katawan at pati ang paghinga ko ay hindi ko na mabilang ngunit hindi ko rin maramdaman. Tila ba ay nawawalan ako ng hangin.
Isang malaking kamalian ang naging kilos ko. Taga-rito ang mga lalaking ito kaya bihasa na sila sa anumang gawain kagaya ng kung paano ikorner ang isang tao.
Narinig ko ang kanilang mapang-asar na tawanan nang makasunod sila sa akin sa aking katapusan.
"Akalain mo iyon, Paquito, hindi lamang pala isang kasiyahan ang ating mararanasan ngayon, dalawa pala."
Kaagad akong napaharap sa kanila nang marinig ko ang isang boses. Isang boses tuko na lalaki ang nagsalita.
Doon ko nasilayan ang limang kalalakihan na masasabi mong nakatira nga talaga rito. Apat sa kanila ay payat at ang isa naman ay may katabaan at ang mas matangkad sa kanila.
Ang isa sa pinaka-kaliwa ay mukhang tatay na yata dahil medyo hindi na siya binata sa hitsura. Magulo pa ang buhok nito at dalawa sa ngipin nito ay wala na, isa sa baba at isa sa itaas. Iyong mga ngipin sa may sulok ng labi. Mukhang siya yata ang nagsalita kanina.
Katabi naman niya ay isang binata na payat at malago ang buhok. May tali pa ito sa kaniyang noo na tela. Mukhang kabardagulan ang bisyo nito. Kapareho niya ng istilo ang dalawa pang binata pero mukhang mas matanda ito sa kaniya.
Ang lalaki naman sa gitna na mataba ay medyo singkit pa ang mga mata. Tsino kaya ito? Malaki at lumulobo pa ang ilong nito na nakangisi sa akin.
Nakatingin sa akin ang kanilang mga matutulis na mga mata na may halong pannanasa at kasiyahan. Ang mga malagkit at malisyong titig nila ay nasa akin, at itinuon ang kanilang mga tingin mula ulo hanggang paa.
Dahil sa kanilang mga tingin ay napahigpit pa lalo ang hawak ko sa bolso de cabestrillo saka niyakap ang sarili. Dasal ko na sana ay may darating at makakakita sa akin. Bago pa may mangyari sa akin.
"Naliligaw ka ba, Binibini?" ngisi niyong mukhang tatay na.
"Napakaganda ng iyong dala, Binibini. Pati na rin ikaw ay magdanda rin," bungisngis ng lalaki sa gitna at nagtawanan sila.
Dahan-dahan na rin akong napaatras ng naglalakad sila papalapit sa akin.
"Tamang-tama talaga ang iyong dating. Sagot ka sa aming panalangin, alam mo ba iyon?"
"Halika sumama ka sa amin, magsasaya tayo eh. Hindi mo talaga iyon malilimutan," mas lalo pa silang nagtawanan dahil doon saka sumipol pa ang isa.
Pilit kong hinahanap ang boses ko bago pa man sila tuluyan na makalapit sa akin dahil mas lalo akong dehado kapag naipit ako doon sa sulok.
"Ibi–ibigay ko sa inyo itong pera ko, ngu–ngunit pakiusap paalisin niyo ako rito," nanginginig kong turan kaya nagsipagtawanan naman sila.
"Narinig niyo iyon, mayroon nga siyang pera," ngisi pa niyong isang lalaki sa gitna saka biglang nabago ang kaniyang ekspresyon nang lumingon sa akin.
Nandidilim na ang kaniyang mga mata na tila ba ay ano mang sandali ay lalapit na siya sa akin.
"Walang problema iyan, ibigay mo lamang sa amin," aniya na tila kumakanta sa kaniyang tono at parang bata ang kaniyang kinakausap.
Napatitig naman ako sa kanila at mukha naman silang seryoso kaya nanginginig kong tinanggal ang bolso de cabestrillo saka itinapon sa kanilang likuran.
Mabilis naman silang napakilos at tinakbo iyon. Nanlalamig ang mga kamay ko humawak ng mahigpit sa aking palda.
"Umalis na ka–kayo. Nasa inyo na ang aking pera," buong tapang ko silang sinamaan ng tingin.
Napalingon naman silang lahat sa akin at doon ko nasilayan ang kanilang malisyosong mga ngisi.
"Nagkakamali ka, Binibini. Dahil higit pa sa pera ang aming kailangan," nagtawanan sila dahil doon na ang isa pa ay pinasadahan ng kaniyang dila ang kaniyang mga labi sa pagnanasa at pagnanais.
Mas lalo pang kumabog ang puso ko. Marahan na rin ang aking paghinga nang masilayan silang nalakad na uli papalapit sa akin.
Katapusan ko na ba?
"BITIWAN NIYO IYAN KUNG HINDI AY SASABOG ANG INYONG MGA SINTIDO!"
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro