Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 29

|Kabanata 29|


Nobyembre 28, 1889

Ang sabi nila, kapag mahal mo ang isang tao iyong gagawin lahat upang sila ay sumaya at maging maligaya. Masama raw ang aking ugali at asal. Papaano naman ang taong ako ay sinasakal at pilit na pinapasunod sa kanilang mga kagustuhan? Maganda ba ang kanilang asal? Tunay nga bang ako ay kaniyang mahal o siya ay nagpapakitang-tao lamang.

— Martina



Ang biyahe mula sa Casa Del Veriel papunta sa sentro ng bayan ay nasa labin-siyam na minuto. Mula sa amin papunta kina Kuya Luis ay nasa labin-isang minuto at papunta kina Primitivo ay labin-limang minuto ang tagal. Tahimik lamang kaming apat na nakasakay sa karwahe habang binabagtas ang malubak at mabato ngunit minsa'y lupa at maalikabok na daan. Nakatanaw lamang ako sa labas ng bintana, sa malalawak na lupain na pagmamay-ari ng mga angkang mayayaman na nakatira sa bayan na ito, na ang iba ay mayroon pang posisiyon sa gobyerno. 


Maraming mga magsasaka at trabahador ang nasa kalagitnaan ng malalawak na lupain at nasa ilalim ng matinding sikat ng araw, nagtitiis at karamihan ang iba'y nagsisikap upang mapagtustusan ang kahirapan. 


"Magtrabaho! Huwag magtulala sa kawalan. Hindi nagbibigay ng sentimo iyan!" singhal pa ng nagbabantay rito.


Nakadamit ito ng mas desente at malinis kaysa mga nagtatrabaho. Nakabota rin ito at panay lakad at usisa sa bawat ginagawa ng mga ito at may dala pang may katabaang patpat. Kaagad na nagsipagyukod ng maigi ang mga manggagawa dahil dito. Sinundot-sundot niya pa ang mga ito sa batok gamit ang dalang patpat. Napailing nalang ako at iniwas ang tingin. Inisip ko na lamang ang dahilan kung bakit ako inimbitahan ni Primitivo na kumain sa kanila at kung hindi lang dahil kina Gabriel, Carolino at Kuya Marco ay hindi sila makakasama. 


"Kuya...," usal ko upang kunin ang kanilang atensiyon. May pinag-uusapan kasi sina Kuya Lucio at Kuya Marco na magkatabi sa harap namin ni Kuya Lucas. Sabay naman na nagsipagtingin ang tatlo sa akin at halata sa kanilang mukha ang pagkalito dahil na rin sa pagtaas ng kanilang mga kilay. 


"May tanong ako. Sa tingin ninyo," pagsimula ko, "s-sino sa tatlong Don ang malapit kay Ama?" usisa ko. 


"Sino-sino ang Don na iyong tinutukoy?" ani Kuya Marco. "Marami namang kaibigan si Ama, hindi nga lang iyon masyadong kapansin-pansin sapagkat lagi lang naman iyong napakaseryoso," dagdag niya pagkuwa'y natawa na siyang tapik ni Kuya Lucio sa balikat niya bilang kunwaring saway na natawa rin naman kalaunan.


"Sina Don Carlos, Don Miguel at Don Timoteo, ang Gobernadorcillo," tugon ko.  Nagkatinginan naman ag tatlo sabay taas ng pares ng mga kilay.


Napakunot ang noo ni Kuya Lucio saka lumingon sa akin, "Si Don Carlos. Bakit mo naman iyan natanong?" 


"Wala naman. Sigurado ka ba riyan, Kuya?" usisa ko pa. Napatango naman kaagad siya. 


"Tama si Kuya, malapit nga si Ama at si Don Carlos. Mula pa noon. Magkaklase kasi iyan sila," sang-ayon pa ni Kuya Marco. 


"Talaga?" di makapaniwalang usal ko.


Mabilis na tumango si Kuya Lucas na nasa tabi ko, "Mmm-hmm, talaga. Sina Don Timoteo at Ama ay nagkakilala lamang dahil magkakilala ang mga magulang at ngayon ay parehong naglilingkod sa bayan, kagaya rin nina Don Miguel." paliwanag niya. "At kaya lamang magkumpare sina Ama at ang Don Timoteo ay pareho silang kinuhang amain ng isang anak ng negosyante sa ating bayan, si Matilda Mercedes. At amain siya ni Marco," dugtong niya. 


Napangiti naman ako sa paliwanag ni Kuya Lucas. Siguradong-sigurado at alam-alam ang detalye eh. Kasi naman, magiging biyenan. Pero kung ganoon, sina Ama at Don Carlos pala ang malapit na magkaibigan? Sa aking pagsisiyasat at sa aking mga nalaman gagamitin ako ni Ama sa mga nais at plano niya. At sigurado akong pati ang kasunduang pagpapakasal ay kabilang na doon. Kung hindi ako nagkakamali si Don Carlos ang kaniyang naging kasundo roon? Kung ganoon, isa sa mga anak niya ang nakatakdang ipagkasundo at ipakasal sa akin?


Pasyana barselona, hindi maaari ito! Sabihin ninyong mali ang iniisip ko. Hindi maaari. Hindi pwede!


"Ayos ka lamang ba, Martina?" pagtawag ni Kuya Lucio. 


Napabalik ako sa diwa at ilang beses napakurap saka lumingon sa kaniya at sa dalawa sa harap ko. "Hmm. Ayos kang ako." Napangiti naman ang tatlo at tinapik ako sa balikat. Doon ko napansing tumigil na pala ang karwahe. Nakarating na pala kami? 


"Halika na. Narito na tayo," ani Kuya Lucio at nauna ng bumaba. Sumunod naman si Kuya Marco at si Kuya Lucas. 


Napailing nalang ako. Umayos ka Chestinell ha? Kaagad kong inilabas ang bara sa aking dibdib at dahan-dahan na umusod papalabas. Kaagad naman akong inalalayan nina Kuya pagbaba at sabay kaming lumapit sa iba pa na nasa unahan at nakababa na rin. Iginiya ko ang aking mga mata palibot sa buong lugar. Ito ang unang beses kong pagparito.

Hindi na ako nagtaka pang makita ang mataas na bakod na nakapalibot sa buong residensiya. Mayroon nga silang dalawang guwardiya na nakabantay sa tarangkahan nito. Siyempre dahil Teniente de Polisya naman si Don Miguel. At hindi rin maipagtataka ang napakaraming mga halaman at tanim na nakagamot sa lupa. Gawa sa batong nakahilera ang desinyo ng daraanan. May mga puno rin at mga tanim na nakasabit sa mga sanga nito. Makikita rin sa tayog at arkitektura ng kanilang mansiyon mula sa labas ang ganda, mahal, at tibay nito. Malapad rin ito at sigurang malaki sa loob. Makikita rin ang mga parihabang dinudulas na mga bintana na may karamihan, kaya naman maaliwalas rin ito panigurado.


Napatitig ako sa limang magkakaibigan lalo na sa apat na magkakapatid. Kung tama ang aking hinuha ay isa sa kanila ang nakatakdang ipakasal sa akin. At ang maaaring dahilan niyon ay ang pagkakaiibigan ng aming mga magulang at ang pag-iisa sa aming mga angkan at yaman. Tama nga na ako ay gagamitin ni Ama sa kaniyang pansariling interes. Napatingin ako kay Leon. Hindi. Hindi siya ang kandidato. Mas bata siya sa akin at siya pa ang bunso.


Bumaling ako kay Gabriel. Mabilis akong napailing dahil doon. Hindi. Hinding-hindi rin maaaring siya. Mukha siya ay wala ngang pakialam sa pagtitino, sa pagsunod pa kaya sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Hindi. Hindi siya.


Dahan-dahan na nahulog ang aking mga tingin sa bahagyang nakangiting si Joaquin na nakatingin sa kaniyang mga kaibigan. Marunong ka pala talagang ngumiti eh noh?


Ngunit, imposible rin na siya ang ipapakasal sa akin. Mayroon siyang kasintahan at kung hindi man iyon batid ng kaniyang mga magulang ay gagawin niya ang lahat nang mapigilan na mangyari iyon. Hindi niya pipiliing maipagkaisang-dibdib sa babaeng "masama" ang ugali at babaeng hindi niya mahal. Kaya, hindi siya. Kahit pa nais ko man na siya nalang—ano? Magtigil ka nga. Hindi. Huwag kang hangal at timigil ka.


Pinilit kong inilabas ang bara sa aking dibdib at huminga ako ng malalim. Kasabay rin niyon ang pagbaling ko sa pigura ng kanilang nakatatandang kapatid. Si Kuya Luis. Sa ganoong ding sandali ay hindi ko maintindihan kung bakit ang puso ko ay hindi mapakali at hindi na naaayon sa normal ang kaniyang pagtibok. Ganoon din ang paghinga ko ng mabilis na mistulang ako ay mawawalan na ng hininga. Siya. M-maaaring siya. Siya ang perpektong kandidato para roon. Dahil siya ang p-panganay...at siya rin ang susunod na tagapagmana.


Si Kuya Luis, siya ang lalaking nakatakdang ipagkasundo ng pagpapakasal sa akin. Mas lalo pang nagwala sa aking loob ang aking puso nang sa hindi inaasahan ay nagtama ang aming mga mata. Sumilay rin sa kaniyang labi ang isang matamis na ngiti. Hindi ko alam ang dahilan ngunit nang mangyari iyon ay parang nawala ang hangin sa akin paligid.

Ano itong nangyayari?


Pinilit kong huminga at lumanghap ng maraming hangin at pilit ding suklian ang kaniyang ngiti.


"Martina, ayos ka lamang ba?" Mabilis pa sa alas kwatro ang aking paglingon sa nagsalita sa aking tabi. Bakas sa pag-alala ang mukha ni Kuya Lucas na nakatingin sa akin. Hindi ako nag-atubiling ngitian siya.


"Ayos lamang ako, Kuya." Dahan-dahan ngunit puno ng pag-aalangan na siya ay tumango saka bahagyang ngumiti.


"Halika na at tayo ay kanilang naiwan na," aya niya saka ako inalalayan sa paglakad. Nilingon ko ang iba at nakitang naglakad na sila palayo at papasok sa mansiyon.


Lihim akong napairap at inilabas ang bara sa dibdib. Umayos ka, Chestinell. Pakiusap. Unti-unti mo ng nalalaman ang mga bagay na may kaugnayan sa misyon mo. Huwag mong sirain ang mga sandali.

Nakasunod lamang kami ni Kuya Lucas sa walong iba pa na animo'y mga estudyanteng kadarating lamang sa museyo na manghang-manghang nakatingin sa paligid.


"Kuya, ilang beses na ba kayong naparito?" Hindi ko tuloy maiwasang maitanong iyon dahil sa aking kuryusidad.


"Maraming beses na, Martina, hindi na nga mabilang," aniya. "Aba ay mukhang hindi mo yata batid iyan," komento niya pa saka naman siya umiling. "Kung sabagay, hindi ka naman sumasama sa amin," dugtong niya pa na parang kausap pa ang sarili imbes na ako.


Natawa nalang ako sa kaniyang inasal. Mabuti at nakasama siya ngayon. Kadalasan nga naman kasi itong may lakad palagi kasama si Ate Guada. Umiling na lamang ako at binusog ang mga mata sa mga mamahaling mga ari-arian at magandang bahay ng mga Letreval. Dalawang palapag lamang ngunit napakalapad nito, at tiyak napakalawak nito sa loob. Nasa kaliwang dulo ang kanilang hagdan na yari sa mamahalin at makintab na kahoy pati na rin ang hawakan na mayroon pang mga tangi-tanging ukit at disenyo.


Pagkapasok pa lamang sa pinto sa may hagdanan ay masasalubong na ang pasukan ng malawak nilang azotea. May mga upuan silang yari sa mga kahoy na hindi mapagkakaila ang ang kamahalan at karangyaan sa dahil sa disenyo. Mayroon pa itong lamesita sa gitna at mga libro, plorera at mga makalumang mga gamit na nakapatong rito. Nagbibigay liwanag at kaaliwalasan ang tatlong magkapares na malalaking bintana. Sa kanan naman ng azotea ay isang mahabang pasilyo na papunta sa kung saan. At sa katapat ng azotea ay mga silid na hindi ko alam kung para saan. Marahil ay mga kwarto o hindi naman kaya ay mga mayroong importanteng gamit tuwing mga may pagdiriwang.


Sumunod lamang kami kina Primitivo na naglakad sa unahan namin na binabagtas ang isang pasilyo na nasa may bintana lamang. Ang mahabag pasilyong iyong ay humihinto  hanggang sa kabilang dulo ng buong palapag. Tumigil kami sa gitnang bahagi ng buong palapag. Doon ay nakapabilog ang disenyo nito. At sa aking palagay ay ito ang kanilang sala mayor. Dito rin ginaganap ang mga pagdiriwang o pagtitipon sa kanilang mansiyon.


Hindi maipagtataka ang mga kagamitan at mga disenyo na nakalagay sa ibabaw ng nga mesa, aparador, nakasabit at nakatuntong, na halatang mamahalin ang mga iyon. Lahat rin ng mga iyon ay malilinis at makikintab. Napansin kong walang akong mga tagasilbi na nahagilap dito sa loob ng mansiyon. Kahit pa pinagbabawal na sila ay makita at pumaparito't pumaparoon ay wala pa rin akong makitang kahit isang may inaayos man lang na kung ano man.


"Nasaan pala ang iyong mga magulang at kapatid, Ginoong Primitivo?" si Leon na ang naunang magtanong. Marahil ay kaniyang napansin din na wala man lang katao-tao. Siguro ay wala talaga silang masyadong mga tagasilbi.


"Ah, si Ina at Ama ay naroon sa sentro ng bayan. Mayroong pinaroonan. Si Guillermo naman ay nasa kaniyang silid, kung ako ay hindi nagkakamali," tugon ni Primitivo na nakatingin sa aming lahat.


"Halina kayo. Doon tayo sa aming kainan," aniya pa sabay turo gamit ang palad doon sa may likuran ng sala mayor.


Nakangiti namang nagsipaglakad ang magkakaibigan na pinangunahan ni Primitivo. Tumungo sila papunta sa harapan banda ng kanilang sala mayor saka pumasok sa pinto sa kaliwang banda at doon ay naroon ang kanilang malawak na kainan. May isang malaking aranyang nakasabit sa kanilang kisameng halatang gawa sa mahal na mga kahoy. Sa apat na sulok ng silid ang may mga upuan na nakaporma ng letrang L. Mayroon ding tatlong malalaking bintana sa kabilang dulo, sa katapat ng pinto papasok rito sa silid. Marami rin ditong mga mamahaling mga palaso at mga palamuti. Sa gitna ng silid ay naroon ang tatlong mahahaba at makikintab na mga mesa na nakaayos pahalang, mula kaliwa hanggang kanan ng silid. Ang mesang nasa gitna ay medyo mas nasobra ng kaunti papunta sa kanan at ang dalawa naman ay magkapantay na nakahanay na mas mababa mula rito, papunta sa kaliwa. Sa mesang nasa gitna ay nakapatong ang iba't-ibang uri ng mga pagkaing nakahain sa mga mmamahaling mga plato at mga mangkok. Ang mga iyon ay isa-isang inilalagay ng mga tagasilbi na nakahilera. Mistulang mayroong may kaarawan dito.


"Aba, napakarami naman ninyong inihain," komento ni Carolino. "Paano na lamang kung kami ay hindi kasama, natitiyak kong kahit isang comida ay hindi ninyo mauubos ng Binibini," dagdag niya pa.


"Ang aking akala naman kasi ay ang Binibini lamang ang naroon sa kanilang mansiyon, sapagkat nababatid kong laging abala ang kaniyang mga kapatid doon sa bayan," paliwanag ni Primitivo habang naglalakad patungo sa unahang dulo na upuan. "Mabuti na lamang at kayo pala ay naroon at sumama rito. Medyo tahimik ang buong mansiyon kaya nakabubuting narito tayong lahat at hindi na nagmumukhang nakababagot ang paligid."


Kunwari akong napasimangot. "Hindi naman nakababagot dito ah. Ang ganda nga ng buong residensya ninyo. Parang palasyo," kontra ko.


Napangiti naman si Primitivo, "Maraming salamat, Binibini, sa papuri. Maganda rin naman ang inyong residensya," tugon niya. Ngumiti ako.


"Hayan, magsipag-upo na tayo," imbita niya pa sabay lahad sa mga upuan sa aming harapan.


Nagsipag-upo ang magkakapatid na Varteliego sa aming katapat na mga upuan, sa kaliwang kamay banda ni Primitivo na umupo naman sa dulo ng mesa. Nakahanay sila mula panganay hanggang bunso. Kaming magkakapatid naman ay sa kanang kamay na banda ni Primitivo. Si Carolino ay katabi ni Kuya Marco na nakaupo naman sa kanan ko. Si Kuya Lucas ay nasa kaliwa ko na katabi naman si Kuya Lucio. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla nalang nahulog ang aking tingin kay Kuya Luis. Hindi talaga ako maaaring magkamali, siya talaga ang lalaking iyon.


Napaiwas na lamang ako ng tingin at sa hindi inaasahan ay napunta sa gawi ni Joaquin na nasa tabi niya. Ang mas hindi ko inaasahan ay nakatitig siya sa akin. Hindi ko batid ang kaniyang iniisip sapagkat napakaseryoso ng kaniyang mukha at kahit paggalaw man lang ng kaniyang kilay o pilik mata ay hindi nangyari. Tinaasan ko siya ng kilay ng kaunti bilang pagtanong kung mayroon bang problema. Ngunit hindi siya tumugon. Mas lalo pa akong nagtaka nang nilingon niya ang kaniyang kapatid na si Kuya Luis at ilang segundo niya itong tinitigan pagkuwa'y umiwas ng tingin at yumuko roon sa kaniyang plato.


Ano ba ang problema niya? Eh kanina kinausap at nginitian pa ako. Tss.


Hindi nagtagal ay dumating si Guillermo na umupo sa tabi ni Leon at nagdasal na si Primitivo saka kami nagsipagkain.


"Siya nga pala, inyo bang naaalala si Macario San Simon?" pagtatanong ni Gabriel.


"Sino ba naman ang makakalimot sa kaniya? Siya lang naman ang malakas kapag pinag-uusapan ang pag-aalsa ng mga rebelde laban sa mga namumuno sa ating bansa," tugon ni Carolino.


"Kaya nga," sang-ayon pa ni Leon. "Ano ba ang balita tungkol sa kaniya?" usisa niya.


"Ayon kasi sa isang pinagkakatiwalaang impormante, nagkalat na ang bali-balita sa unibersidad na dahil sa kaniyang bukas na pagtutol sa gobyerno, ang kanilang pamilya ay sinisiyasat sapagkat kanilang hinuha ay isa ang pamilyang San Simon sa mga Ilustradong sumusuporta sa mga pag-aaklas," kwento ni Gabriel.


"Talaga ba? Hindi ko pa batid ang bagay na iyan?" hindi makapaniwalang lahad ni Kuya Lucas.


"Ngunit, mabuting tao si Don Rostenso. Hindi niya magagawa ang bagay na iyon," komento ni Joaquin na ikinatingin ko sa kaniya. Seryoso lamang siya at kakikitaan ng paninindigan sa kaniyang sinabi.


Napatango sa pagsang-ayon si Kuya Marco, "Tama ka riyan. Saka isa nga siya sa sumusuporta sa aktibidad at aksiyon ng gobyerno, bakit siya ang sinisiyasat?"


"Iyan nga rin ang aking iniisip," tugon ni Gabriel. "Ngunit, sa aking palagay ay hindi naman sila darakpin at ibibilanggo. Mabuting mga tao ang pamilya San Simon kaya hindi mangyayari ang bagay na iyon. Kapag nangyari iyon, mapipilay ang gobyerno dahil mababawasan sila ng taga-suporta. At hindi iyon nakabubuti sa kanila," aniya pa.


"Sa aking pagkakaalam, ngayon ang huling pagsisiyasat sa kanila. Aking narinig na dadalo ang aming mga magulang doon kung kaya't sila ay wala rito," pagkwento ni Primitivo na sabay-sabay naming ikinalingon.


"Sana naman mawala na ang kontrobersiya na ito sa kanilang pamilya. Hindi iyon karapat-dapat sa kanila," turan ni Kuya Marco.


"Sana nga," pagsang-ayon ng iba.


Hindi ako umimik at nagsalita. Hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko. Isa pa, wala naman akong alam tungkol sa mga sinasabi nila. Tsaka, totoo nga ba talaga? Laganap na ang mga rebelde sa bayan? Sana naman ay hindi. Ayokong masawsawan ang misyon. Mas nais ko lamang ng mapayapang pamumuhay habang narito ako. Nailabas ko ng pilit ang bara sa aking baga at tumuloy na uli sa pagkain. Pasimple ko naman na sinulyapan ang mga magkakaibigan na masayang-masaya na nag-uusap sa kahit ano pang paksa.


Ang akala ko ba ay hindi nila malapit sina Primitivo?


Nakikita ko rin talaga kung paano sila kalapit sa isa't-isa. Malaki silang grupo pero wala roon ang pagiging mapili. Hindi sila iyong tipong may isang malapit lamang sa dalawa o sa tatlo, malapit talaga sila sa kahit sino man sa grupo. Mas daig pa nga yata nila ang mga babae sa sobrang ingay at daldal. Kung sino-sino pa ang mga pinag-uusapan.


"Naimbitahan ba kayo ni Socorro?" biglang tanong ni Primitivo.


"Si Socorro? Bakit, anong mayroon sa kaniya?" usisa ni Kuya Lucio sabay subo ng ulam.


"Isasakal—este ikakasal na siya," pabiro pang pagsimula ni Primitivo na ikinatawa nila. Mga sira.


"Siyang tunay? Nino? Niyong binibining bigatin at palaging sumisinghot?" hindi makapaniwalang tanong ni Carolino. Halata sa kaniyang mukha ang hindi pagtiwala sa inani ni Primitivo na marahas na nagkarugtong ang mga kilay. Natawa naman ang iba pa na mistulang isang malaking biro ang pangyayari.


"Oo, iyon nga. Ang binibining parating nakasuot ng kwintas na gawa sa malalaking perlas," kompirma ni Primitivo.


Mas lalong naghagalpakan ng tawa ang magkakaibigan dahil sa narinig. Napakunot ang noo ko at nagdugtong na rin ang aking mga kilay habang pinagmasdan sila. Hindi ko alam kung matatawa ako sa kanilang reaksiyon o sa taong kanilang pinag-uusapan.


"Hindi ko akalaing siya makikipag-isang dibdib sa babaeng iyon. Ang aking akala ay ayaw niya rito?" duda ni Kuya Luis.


"Hindi nga. Inyo namang naalala kung paano niya iwasan ang bigating binibining iyon na palaging nakasunod sa kaniya sapagkat gustong-gusto siya nito," pagpapaalala ni Kuya Marco.


"Oo nga. Ganoon na lamang ang kaniyang pagsisisi kung bakit siya nagpunta sa aklatan ng unibersidad noong isang pagkakataon," nakailing na kwento ni Primitivo.


"Marahil ay napagtanto na ni Socorro na kaniya rin palang iniibig ang binibining iyon. Hindi naman kasi natin batid ang kakayahan ng ating puso at kung sino ang pipiliin nito," makahulugang pagkomento ni Joaquin. Agad akong napatango sa isip ko. Tama ka, tama ka, Ginoo. Dahil ikaw mismo, ginawa ang bagay na iyon.


Sabay-sabay naman na nagsipagsang-ayon ang iba pa. "Oo nga naman. Tama ka, Joaquin. Marahil ay matagal lamang niya nakitang iyon na pala," ani Kuya Lucas na natawa bandang huli.


Ano ba naman kasi ang mayroon sa babaeng iyon at ganoon na lamang sila natawa at hindi makapaniwala? Tsaka anong bigatin?


"Kuya, anong ibig sabihin niyo ng bigatin?" pasimple kong tinanong si Kuya Marco sa tabi ko. 


"Ibig sabihin, mabigat, mataba. Iyon ang palaging tawag ni Socorro sa binibining iyon," paliwanag niya.


Napataas ang kaliwang kilay ko. Okay? Eh ano  naman kung mataba. Bakit, gwapo ba ang Socorro na iyan na pagtatawanan niya nalang ang babaeng iyon? Tsaka, bakit naman siya singhot ng singhot? May sipon?


Napailing nalang ako at kumain na uli. Napakadaldal at kung ano nalang talaga ang kanilang pinag-uusapan. Hanggang ngayon hindi pa rin nila maiwan-iwan ang paksa tungkol sa pagpapakasal niyong Socorro na iyon.



⋅─────────⊱༺ ·𖥸· ♡⁠ ·𖥸·༻⊰─────────⋅


Nakarinig ako ng mahinang mga katok mula sa pintuan ng aking silid. Agad ko itong nilingon habang inaayos ko ang laso sa suot na damit pantulog. 


"Anak, Kristina?" 


Isang ngiti sa labi ang nagmarka sa aking mukha nang marinig ko ang boses ni Ina. Mas lalo pa akong napangiti nang marinig ko pa uli iyon. 


"Maaari ba akong pumasok?" pagbabakasali niya. Mabilis akong tumugon, "Opo, Ina. Bukas po iyan." 


Maya-maya pa ay tumunog ang pihitan at unti-unting gumalaw ang pinto. Binuksan ito ni Ina at bumungad sa akin ang kaniyang malapad na ngiti, ang palagi niyang binibigay sa akin sa tuwing ako'y kaniyang nakikita. Kaagad ko siyang sinuklian ng malapad ding ngiti. 


"Ina, magandang gabi. Ang aking iniisip ay patungo na kayo sa pagtulog," wika ko. Naroon pa rin sa kaniyang magandang mukha ang ngiti habang siya ay naglalakad papalapit sa akin.

"Nais ko munang usisahin ang kalagayan ng aking unica hija," tugon niya saka inabot ang aking suklay na nasa mesang pang-aral. "Maaari ba?" sambit niya pa. 


Napatitig ako sa suklay na kaniyang hawak na bahagyang nakataas sa ere. Hindi ko batid ang sayang aking nararamdaman sa aking kalooban. Hindi ko pa naranasan ang bagay na iyan noong ako pa ay nasa hinaharap kasama si Mama. Gustong-gusto kong maranasan iyon.  Mabils akong tumango na halos maalog na ang aking utak dahil sa tuwa. 


"Walang problema, Ina. Kahit kailan mo pa nais," nagagalak kong tugon at agad na umupo sa aking higaan sabay ayos at lagay ng aking buhok sa likuran.  Natawa naman siya ng kaunti, "Mukhang ikaw ay napakasabik naman," aniya pa.


Napangisi ako sa kaniya at mabilis na tumango. Umiling siya sa ginawa ko na animo'y natatawa sa aking kilos at kaagad na umupo sa likuran at sinimulan ang pagsuklay. Nang dumampi ang suklay sa aking ulo ay agad aking napapikit at inilabas ang bara sa aking dibdib. Sa kaniyang bawat pagsuklay at pagtuwid nito ay aking dinama. Hindi man si Mama ang nakagawa sa akin nito, masaya pa rin ako dahil si Ina ang naging ina sa akin noong hinangad kong magkaroon ako ng ina na magmamahal sa akin ng totoo.


Masaya ako dahil naramdaman ko ang pagmamahal niya,  na matagal ko ng pinangarap. Sa pangyayaring ganito, maisasalamin at makikita ko kung paano magmahal ang isang ina, kahit pa sa ganitong simpleng bagay. Ramdam ko ang pagmamahal ni Ina na binibigay niya kay Kristina. Mahal na mahal siya nito ng sobra. Ngunit, bakit ang sabi ng matanda ay hindi maganda ang trato ni Kristina sa sarili niyang Ina? Sa inang nagmamahal ng totoo sa kaniya?


Nanatili akong nakapikit habang dinaramdam ang bawat pagsuklay ni Ina sa aking buhok. Dinamdam ko rin ang kamay niyang puno ng pagmamahal, na umiipit sa aking mga buhok papunta sa likuran ng aking mga tenga, paghawak at pagtuwid sa mga nabuhol at inaayos iyon kasabay ng pagsuklay. 


"Mahaba na pala ang iyong buhok. Ngunit, palaging may buhay at puno pa rin ito ng sigla. Napakagandang pagmasdan," komento niya. 


Napangiti nman ako, "Opo, balak ko po iyang pahabain pa, para mukha na po akong si Rapunzel." 


"Rapunzel? Sino naman iyon?" bakas sa kaniyang boses ang pagtataka, kaya mas lalo akong napangiti.


"Isa po siyang prinsesang may mahabang buhok na kulay ginto," kwento ko. "Nakapagpagaling po ng sugat ang buhok niya, Ina." dagdag ko pa. 


"Nakakatuwa ka talaga anak. Saan mo naman iyan narinig na kwento? Iyan ba ay tunay?" manghang-manghang aniya pa. 


"Isa po iyang palabas, Ina." kwento ko. Narinig ko naman ang mahina niyang tawa.


"Mukha ikaw ay maraming natutunan sa iyong Dueña," komento niya. Napamulat ako dahil doon.


Natahimik ako ng bigla at ni isang salita ay hindi lumabas mula sa aking bibig. Paano ko sasabihin na marami akong mga natutunan ngunit hindi mula sa kaniya? Pasensiya ka na, Ina. Kabilang ka pa sa mga taong aking nalinlang. Napakabait mo pa. Hindi ka karapat-dapat na lokohin.


Bumuga ako ng hangin at pilit na ngumiti sa kawalan. "Tama ka, Ina," tugon ko. "Sa iyo rin naman, marami rin akong natutunan, Ina." Bumalik ako sa pagpikit at hinintay ang kaniyang tugon. Panay pa rin ang kaniyang pagsuklay sa akin na siya dinarama ko pa rin. Isa lamang ang aking sigurado, iyon ay ang hindi ko malilimutan ang sandaling nangyari ang sandaling ito. Natitiyak ako roon.


Kaagad na kumunot ang aking noo at nagdugtong ang aking mga kilay nang hindi ako nakatanggap ng tugon mula kay Ina at sa halip ay narinig ko ang marahan na paghinga niya na parang siya ay nahihirapan at ang pagsinghot niya. Mabilis akong napalingon at umayos ng upo paharap sa kaniya. Napatigil ang kaniyang kamay sa pagsuklay at sandali itong nakabitin sa ere ngunit mabilis na ginamit niya pagpahid sa kaniyang mukha. Umiiyak ba si Ina?


"Ina, ayos ka lamang ba?" usisa ko.


Mabilis niyang pinahid ang mga luha niya gamit ang likod ng kaniyang mga palad at pilit na ipinapakita ang kaniyang masayang mukha sa akin. "A-ayos lamang ako anak. Ako ay napuwing lamang," pagtatakip niya.


Kunyari akong napasimangot, "Ina, wala naman pong alikabok ang aking silid," kontra ko. Hinawakan ko ang magkabilang braso niya, "Ina, mayroon bang problema?" turan ko.


Pilit niyang hindi ipahalata ang paghinga niya ng malalalim sapagkat naroon pa rin ang nakangiti niyang mukha. "Huwag mo itong pansinin, anak. Ayos lamang ako," matamis na ngiti ang kaniyang inilahad. Hindi ko na lamang siya kinulit at baka mawala pa ang kaniyang masayang aura. Kaagad ko ring sinuklian iyon. Tumango ako.


"Ina...," Napatigil at napatitig naman siya nang biglang nawala ng bahagya ang aking ngiti at nag-aalangan ako.


"Bakit? Ano ba iyon anak? Ikaw pa ay mayroong problema o dinaramdam?" mabilis niyang usisa. Agad akong napangiti at umiling.


"Wala? Eh, ano ang iyong nais sabihin?" naguguluhang aniya.


Napayuko ako sandali at napatitig uli sa kaniya. Tinaasan naman niya ako ng dalawang kilay na naguguluhan sa mga inaasal ko at naghihintay sa sasabihin ko. Inilabas ko ang bara sa aking dibdib bago nagsalita, "M-maaari ba kitang mayakap, Ina?" pagbabakasali ko. Hindi ko batid ngunit ang ritmo ng aking puso nasa hindi nakasanayan. Nang marinig niya ang mga salitang iyon ay napangiti siya at parang maiiyak na siya.


"Iyon lamang ba? Hindi problema iyan, anak. Kahit kailan mo nais," aniya na mabilis akong ikinulong sa kaniyang mga braso at mahigpit na yakap ang aking natanggap. Mahigpit ko ring niyakap si Ina. Iyong natatakot akong mawala ang taong minahal ako ng tunay bilang anak na matagal ko ng hangad. Napahalukipkip ako sa kaniyang leeg at napapikit. Hinaplos naman niya ang aking buhok at gilid ng ulo. Dinama ko ang sandali at napapikit.


Hindi ito isang panaginip, Chestinell. Totoo ito.


"Ina...," Ma...


"Bakit, anak?"


"M-mahal na mahal kita, Ina." Mahal kita. Mahal na mahal kita, Ma.


Ilang sandali matapos kong sabihin iyon ay napakatahimik ng buong paligid. Ni isang salita ay wala akong narinig mula kay Ina. Natigil rin at nakabitin sa ere ang kaniyang kamay na kaniyang ginamit paghaplos sa aking buhok. Naging marahan din uli ang kaniyang paghinga. Bigla ko rin uling narinig ang kaniyang paghinga na pilit mula sa kaniyang bibig at napasinghot uli siya.


Kristina, ano ang iyong ginawa sa sarili mong Ina?


Ngumiti na lamang ako at nanatili sa aking posisyon at mas lalong niyakap siya ng mahigpit. Maya-maya pa ay aking nadama ang kaniyang pagngiti at hinalikan niya ang gilid ng aking noo.  Mabilis rin niyang pinahid ang kaniyang mga luha na tumulo na ang iba ay akin pang naramdaman nang tumulo sa aking ulo.


"Ikaw ay ganoon din sa akin. Mahal na mahal kita, anak, Kristina," wika niya. Mas lalong akong napangiti nang marinig ko ang mga katagang iyon. Mahal rin kita, Ina. At sana ay maririnig ko rin ang mga salitang iyan mula sa tunay kong ina. Ni Mama.


"Sya, nararapat ka ng magpahinga," biglang aniya sabay kumalas sa yakap at nakangiting tumingin sa akin sabay hawak sa magkabilang braso ko.


"Kayo rin po, Ina. Batid kong nahapo kayo sa napakarami niyong gawain rito sa mansiyon at sa opisina ni Ama," sang-ayon ko.


Tumango siya sabay haplos sa kaliwang gilid ng aking ulo. Inabot naman niya pabalik ang suklay sa aparador na katabi ng aking kama. "S'ya nga pala, bago ko makalimutan," wika niya pagkatayo niya. "Kung iyong naaalala ay kaarawan bukas ni Binibining Clarita, kaya naman tayo ay kanilang inimbitahan upang dumalo sa kanilang pagdiriwang kinagabihan," dugtong niya.


Kaagad na nagdugtong ang aking mga kilay at napakunot ang aking noo. Si Clara? Ang...ang lihim na kasintahan ni Joaquin? Eh di wow. Hindi bale, bakit ka ba ganiyan, Chestinell? Maging mabait ka sa iba, hindi ba? Bahala sila sa buhay nila dahil hindi ka naman inaano.


Nang mapansin ni Ina na nakatitig ako sa kawalan at natahimik ay napahawak siya sa pisngi ko. Saka isang matamis na ngiti ang sumilay sa kaniyang mukha. "Anak, batid kong kayo ay hindi bati ng binibini, hindi ko man rin batid kung ano ang dahilan ng inyong hindi pagkakaintindihan ay nakakasiguro akong ikaw ay mayroon mabuting kalooban at handa siyang patawarin." wika niya.


Ano nga ba naman kasi ang nangyari sa dalawang babaeng 'to?


"Hindi madali ang pagpatawad lalo na kung nagsanhi iyon ng labis na sakit," dugtong niya saka siya bumalik sa pag-upo sa aking harapan. "Kung kaya't labag man ito sa iyong loob ay hindi kita pipilitin. Sa nakasanayan ay maaari kang magpaiwan rito sa mansiyon," hindi nawala ang ngiti niya. Ina, bakit napakamaunawain at mapagmahal mo talaga sa akin—kay Kristina?


Mabilis kong sinuklian ang kaniyang ngiti at umiling, "Hindi, Ina, ayos lamang iyon sa akin. Matagal ko ng kinalimutan ang gusot sa pagitan naming dalawa ng Binibini," tugon ko. Pero ang totoo, hindi ko pa rin makalimutan ang pang-iismid niya sa akin noon doon sa sentro ng bayan, na akala niya kung sino na siya, porke't kasama niya ang kasintahan niya.


"Siyang tunay?" mas lalo pang nagliwanag ang mukha ni Ina dahil sa tuwa, mas lalo siyang  napangiti.


Mabilis naman akong tumango, "Oo, Ina. Kaya at ayos lamang sa akin na dumalo roon. Nasasabik na nga ako eh." Echoss, Chestinell.


Napatango si Ina at hindi nawala sa kaniyang mukha ang ngiting nakasilay roon. Mukhang siya pa yata ang nasasabik kesa sa akin eh. "S'ya, ikaw ay magpahinga na, oo. Maiwan na kita," nagmadali siyang tumayo sabay ayos ng aking mga kumot. Isinara niya rin ang bintanang nakabukas sa kaliwa ng aking kama.


"Nawa'y mahimbing ang iyon tulog, anak. Isang magandang gabi sa iyo," nakangiting aniya sabay hipan sa lamparang nakasindi sa mesang pang-aral. Nakangisi akong humiga na at nagkumot. Napakasigla at masayahin talaga ni Ina, kahit kailan. Napakamaalaga pa.


"Mahal kita, anak. Matulog ng mahimbing," ang huling mga salitang lumutang sa madilim kong silid. Naramdaman ko ang isang halik na dumampi sa aking noo at maya-maya ay narinig ko ang tunog ng mga yapak ng sapin sa paa ni Ina na pumapalo sa makintab na kahoy ng sahig senyales na siya ay naglakad na paalis sa silid at kita rin dahil sa kaniyang dalang isang lampara na kaniyang pang-ilaw sa daan. Narinig ko ang kaniyang pagsara sa pinto at kasabay niyon ang pagpikit ko.


"Mauuna na kami sa inyo, Binibini."


"Walang problema, Ginoo. Mag-iingat kayo."


Hindi ko napigilan ang isang ngiti na sumilay sa aking mga labi. Sigurado akong hindi ko malilimutan ang sandaling iyon. Napakasaya kong nasilayan ko ang kaniyang ngiti bago siya umalis kanina. Kaagad akong napairap. Kailangan mo ng magandang tulog, Chestinell. Dadalo ka pa sa isang pagdiriwang bukas. Sa kaarawan ng kasintahan ng Joaquin na iyon. Huminga ako ng malalim at pumikit at pilit na iniwala ang mga iniisip. Maya-maya pa ay tuluyan na akong nilamon ang antok at nakatulog.



Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro