Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 25


|Kabanata 25|

Disyembre 6, 1889

Ang kahulugan ng pamilya ay ang pagkakaroon ng taong magmamahal sa iyo nang lubos sa kabila ng iyong mga pagkukulang at kamalian. Ang pamilya ay mapagmahal at sumusuporta sa bawat isa. Nakikita nito ang iyong puso higit sa anuman. Sila ang dahilan kung bakit ika'y nagkakaroon ng lakas ng loob at pag-asa sa bawat araw na darating, at hindi iyong sila pa mismo ang magtutulak sa iyo upang mawalan ka ng lakas at sigla sa buhay.

Ako ay labis na nagagalak sapagkat mayroon akong Ina at mga kapatid na kahit pa ang aking ugali ay minsa'y kanilang hindi nais ay nariyan pa rin sila sa aking tabi.

— Martina






"Ano ang iyong ginagawa rito sa aking silid, Kristina?" tanong niya gamit ang malamig at seryosong boses na ikinatayo ng mga balahibo ko sa braso.

Nilunok ko ang bara sa aking lalamunan at bahagyang ngumiti sa kaniya.

Napatikhim muna ako bago nagsalita, "Ah—"

"Umalis ka na rito. Lumabas ka na," matigas na utos niya.

Kaagad kong itinaas ang mga palad ko at winagayway iyon, "Pakiusap Ama, wala akong masamang hangarin. Nais lang sana kitang makausap," paliwanag ko.

Mas lalo namang nagdikit ang mga kilay niya at sumingkit ang kaniyang mga mata, "Wala akong panahong makipag-usap sa iyo, Kristina. Ayaw kong masayang ang aking panahon sa mga walang kwentang bagay na iyong sasabihin," medyo pasinghal na wika niya.

Nabigla ako sa kaniyang sinabi. Ang sakit niya talagang magsalita.

Napasimangot ako ng kaunti, "Pakiusap, Ama. Pangako, pagkatapos kong sabihin ang lahat ng sasabihin ko aalis kaagad ako," pangako ko sabay taas ng palad ko sa aking gilid.

Sinamaan naman niya ako ng tingin at yumuko para magsulat uli at hindi na siya nagsalita pa. Tahimik kong inilabas ang bara sa aking baga at naghintay ng ilang sandali ng kaniyang sagot.

Nang maramdaman kong hindi siya magsasalita ay hinanap ko ang boses ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Kung ano ang uunahin ko.

Napabuntong-hininga nalang ako, "A-ama, sina Kuya Lucas at Marco pala, bakit hindi niyo sila bibigyan ng mana? Ayos lang po sa akin na hindi niyo ako mamanahan, pero sana po bigyan niyo naman po sina Kuya. Kasi diba po anak niyo rin naman—" napatigil ako nang marahas niyang binitawan ang plumang hawak niya sabay tingin ng masama sa akin.

"Huwag mo akong utusan sa kung anong nararapat at nais kong gawin. Umalis ka na," matigas na sabi niya at itinuro ang pinto na ikinasunod ng tingin ko.

Kaagad ko siyang nilingon na nanlalaki ang mga mata, "P-pero, hindi pa po a-ako tapos...," mahina kong ani.

Mas lalong nagdilim ang kaniyang aura, "Ako ay walang pakialam kung ikaw ay tapos na o hindi pa. Ngayon, labas!" singhal niya na ikinaigtad at ikinaatras ko.

Napayuko ako habang nanginginig ang mga kamay ko at tuhod saka ko siya muling hinarap, "A-ama, nais ko lang sanang makipag-ayos sa iyo. Ayaw ko pong may namamagitang galit sa ating dalawa. N-nahihirapan po ako eh. Gusto kong t-tratuhin niyo po ako ng maayos. Ginagawa ko naman po lahat ng nais niyo, bakit parang hindi po ako tanggap ng sarili kong ama?" halos maiyak na ako sa sinasabi ko.

Pareho kami ni Kristina, ang kaibahan lang ay ang kaniyang Ama at sa akin naman si Mama ang parang hindi tanggap ako.

Napayuko ako at mabilis at sunod-sunod na kumurap para mawala ang mga luhang namumuo sa mga mata ko.

Pinakahuling gusto kong gawin ay ang umiyak sa harap ng taong sinasaktan ako. Ayaw kong ipakita sa kaniyang nasasaktan ako dahil si Kristina ay hindi ganoon.

Pero hindi ko na kasi kaya. Sa hinaharap, nasasaktan ako dahil kay mama at ngayon napunta nga ako sa sinauna pero ang kinikilala kong ama naman ang magiging dahilan kung bakit ako masasaktan.

"Nais ko pong gumawa ng mga mararaming alalala kasama kayo. Nais ko na pong magkaayos tayo. Pero bakit ayaw niyo po akong tratuhin na anak niyo? Ang lamig po ng pakikitungo niyo sa akin," garalgal na boses kong sabi at bahagya siyang sinulyapan.

Namumuo na ang mga luha kong ano mang sandali ay tutulo na. Nakakunot ang kaniyang noo habang nakatingin sa akin. Naroon pa rin ang sama at pagsingkit ng tingin niya.

"A-ama," huminto ako nang biglang tumulo ang isang luha kaya mabilis ko iyong pinahid gamit ang nanginginig kong kamay.

"Na-nais ko pong humingi ng tawad sa lahat ng mga naging kasalanan ko sa iyo. Paumanhin po," nanginginig na pati ang boses ko.

"Ang nais ko lang naman po ay sana marinig at malaman niyo ang aking panig at saloobin. May mga bagay po akong nais na gawin at mayroon din po akong sariling desisyon, kaya po sana huwag niyo po akong pangunahan. Nais ko lamang pong mamuhay sa sarili kong nais," ginawa ko ang lahat mawala lang ang sakit at hapdi na nararamdaman ko.

Iniwala ko rin ang mga luha sa mga mata ko na nagpalabo ng tingin ko at lakas loob na nakipagtitigan kay Ama.

Bahagya naman niyang itinaas ang gilid ng kaniyang labi at umismid, "Ako ba ay iyong dinidiktahan? Napakawalang galang," bahid sa kaniyang boses ang pagkaalibadbad.

"Sa pagitan nating dalawa, ako ang magulang kaya gagawin ko ang nanaisin ko sa inyo. At walang makakapigil sa akin," tiimbagang na aniya.

Pinigilan kong mapahikbi at nanatili pa ring nakakatitig sa umaapoy niyang mga mata.
Paano ka ba nagustuhan ni Ina? Napakabait niya, samantalang ikaw... sobrang kasalungat.

"Lumabas ka na. Labas!" sighal niya sabay turo ng pinto.

Hindi ko na mapigilan pa ang puso kong tumatambol na sa loob ko. Nanlalamig na rin ang aking mga kamay. Natatakot ako na baka ano mang sandali ngayon ay masasaktan niya ako.

Sandali akong napayuko at kaagad na bumalik ang tingin sa kaniya, "Kung iyan po ang inyong nais. Ngunit, huwag niyo pong hayaang may ibang mga taong masasaktan. Ayos lang sa akin na ako ang mahirapan, huwag lang sina Kuya at Ina. Sana po maging patas rin kayo kahit sa kanila lang. Tsaka po, sana tuwing kainan huwag niyo pong bigyan ng tensiyon. Kahit man lang po sa kainan ay sana maging masaya tayong pamilya," sinikapan kong sabihin at bahagya siyang nginitian.

Ramdam ko ang talim ng mga titig niya nang lumingon na ako sa pinto at dahan-dahan na inihakbang ang mga paa papaalis.

Tandaan mo, Ama, hindi ako susuko. Aayusin ko ito. Magkakaayos kayo ni Kristina.

Hindi na ako lumingon pa at mabilis na pinihit ang hawakan ng pinto at kaagad na lumabas. Kasabay ng pagsara ko ng pinto ay ang paghinga ko ng malalim.

Inilabas ko ang lahat ng bigat na nararamdaman ko at bara sa aking baga. Mabuti nalang talaga at hindi ako nasaktan—ng pisikal.

Ang hindi ko nalang maintindihan ay kung bakit ba talaga ayaw niyang makipagbati kay Kristina?

Ano ba ang nangyayari sa kaniya? Maski kahit kausapin man lang ako ay ikinagagalit niya pa. Ano ba ang problema niya?

Napabuntong-hininga nalang ako at naglakad na paalis doon at pilit na kinakalma ang sarili. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang mga kamay ko sa nerbiyos.

Bumaba ako papuntang kusina upang kumain. Kanina doon sa opisina ay nawala ang aking gutom. Sino ba naman kasi ang magugutom at mag-iisip ng pagkain kung nasa ganoong sitwasyon na halos lumuwa na ang puso sa takot?


"Senyorita, ako po ay lalabas na," paalam ni Isay matapos niyang magpunta sa paliguan at may inayos doon.

Nakaupo ako sa kama at sinusuklay ang buhok kong hanggang beywang na.

Tinapik ko naman ang espasyo ng kama sa harap ko, "Umupo ka muna. Magkwentuhan muna tayo, hindi pa ako inaantok eh," utos ko sa kaniya.

Tinitigan naman niya ako na parang hindi makapaniwala sa sinabi ko.

"A-ah, naku po, Senyorita, sigurado kayo riyan?" alinlangang turan niya.

"Hindi ba't ipinagbabawal ang mga tagasilbi sa higaan ng kanilang mga pinagsisilbihan," dugtong niya pa kaya bahagya akong natawa at tumigil sa pagsusuklay.

"Eh ano naman ngayon. Gusto ko eh, tsaka isa pa hindi ba't tayo ay magkaibigan na?" simple kong sagot.

Bahagya naman siyang ngumiti at tumango saka dahan-dahan na naglakad papalapit.

"Hindi ba ako mapapagalitan ni Dueña Hilda?" usisa niya saka umupo sa harap ko, sa may gilid na bahagi.

Nakuha naman ng atensiyon ko sa taong nabanggit niya.

Sino ba talaga ang Dueña Hilda na iyan?

Bahagya ko naman siya hinila papunta sa may gitna dahil mahuhulog na siya, "Umusog ka naman rito. Tsaka, isa pa ako ang senyorita rito, kaya ako ang masusunod," may pagmamalaki kong sabi.

Nakangiti naman siyang sumunod at maya-maya pa nakaupo na siya sa harap ko.

"Isay, ikwento mo nga sa akin kung sino si Dueña Hilda," sabi ko kaagad.

Lagi nalang kasi siyang sinasambit ng mga tao. Hindi ko pa talaga siya nakikilala.

Bahagya naman na nagdugtong ang kaniyang mga kilay, "S-senyorita, nakakatawa naman ang inyong biro. Nababatid ng lahat na inyong kilala ng lubos ang Dueña. Kung titignan pa nga ay malapit kayo sa isa't-isa," aniya.

Ganoon din ang sinabi ni kuya Lucio, malapit kami sa isa't isa.

Kunwari akong ngumiti, "Batid ko iyon, Isay. Ngunit ang nais ko lang malaman ay ang iyong pananaw tungkol sa kaniya," paliwanag ko.

"Aking pan–pananaw, Senyorita? Ano ang ibig ninyong sabihin?" naguguluhang tanong niya.

Nagsuklay na uli ako, "Kung ano ang tingin mo sa kaniya. Mabait ba siya? Paano mo nasabing kami ay malapit sa isa't-isa? Mga gano'n ba," tugon ko at bahagyang winawaksi ang hangin gamit ang suklay.

Dahan-dahan siyang napatango, "Ah, ganoon ba? Eh baka inyong hindi magugustuhan ang mga sasabihin ko at kayo ay magalit sa akin, Senyorita," may pag-aalinlangang aniya.

Bahagya akong napasimangot, "Hindi ako magagalit, Isay. Tinatanong ko nga diba. Saka, sabihin mo ang totoo ha?"

Bahagya siyang napatigil at parang iniisip pa ang sasabihin, "Uh...d-dahil ilang taon na rin kayong magkasama, nahinuha naming kayo ay malapit sa isa't-isa. Pansin naming kayo ay magkasundo at ang lahat ng kaniyang sasabihin at iuutos ay iyong susundin," lahad niya.

Napataas naman ang kaliwa kong kilay. Whoa, talaga? May kasundo rin pala ako—este si Kristina? Lalo tuloy akong naintriga kung sino ang Dueña Hilda na iyan.

"Nasaan na pala siya ngayon?" kuryuso kong tanong.

Bahagya naman siyang natawa, "Senyorita, hindi niyo po ba naaalala? Siya po ay pumaroon sa kanilang probinsiya ngunit hindi ba at siya ay babalik pa?" pagpapaalala niya.

Kunwari akong tumawa, "Ah, oo nga pala. Nakalimutan ko eh, oo nakalimutan ko. Naalala ko na," pagtatakip ko.

Hay, Chestinell, muntik ka na ha. Ayaw ko na tuloy magtanong dahil baka mabuko pa ako at pagduduhan pa ako ni Isay.

Pero ngayon, mabuti at medyo may alam na ako kung sino ang Dueña na iyon. Malapit sila ni Kristina.

Kailan naman kaya 'yon babalik?

"Nakalimutan ko pala, Isay. Kailan kami unang nagkakilala?" usisa ko pa.

Napakunot naman ang kaniyang noo habang binigyan ako ng tingin na hindi makapaniwala, at mayamaya pa ay parang nag-iisip na siya.

"Uh, sa aking pagkakaalala noon pong," natigil siya, "mga labin-anim pa yata kayo. Ngunit hindi naman kayo palaging nagkakasama dahil minsan ay umaalis siya papunta sa ibang lugar. Ngunit mula noon, siya na ang iyong naging institutriz," patuloy niya.

Wai–wait, institutriz?

Narinig ko na ito dati. Saan nga ba? Parang nabasa ko na yata. Institutriz, institutriz, institutri—ano?!

Institutriz na ibig sabihin ay...Governess. Governess na tagaturo? May Governess si Kristina?

"Kagaya ng guro, hindi ba?" pasimple ko.

Tumango naman siya, "Tama, ayaw niyo kasing pumasok sa Real Colegio de Santa Isabel sa Maynila eh, kaya hinanapan nalang kayo ng iyong mga magulang ng Dueña, hindi ba, Senyorita?" wika niya.

Ah, talaga? Ayaw pala ni Kristina na mag-aral doon? Eh bakit naman? Mas maganda nga 'yon para hindi na sila mag-away ng kaniyang ama.

"Bakit niyo ayaw mag-aral doon, Binibini?" biglang tanong niya.

Natigil ako sandali at napatitig sa kaniya. Teka, paano ko ba ito sasagutin?

"Uh, d-dahil," utal ko, "ayaw ko kasing magkahiwalay kami ng aking pamilya. Malulungkot ako ng lubusan. Hindi ko kayang sila ay aking hindi makita kahit sa loob man lang ng isang araw. Mangungulila ako ng sobra," drama ko nang maisip ko ang dahilan ko.

Kunyari pa akong umiiyak-iyak at nagpahid ng luha.

Mukha naman siyang naantig sa sinabi ko na bahagyang nalungkot ang mukha niya.

"Paumanhin, Senyorita at naitanong ko pa. Tama kayo, mahirap nga ang mawalay sa pamilya. Labis akong nagdalamhati nang mawala ang aking pamilya. Mahirap ang buhay kapag wala kang magulang na ibibigay ang iyong kailangan at andiyan para damayan ka sa lahat ng iyong mga problema," sentimento niya.

Napatango ako, "Tama ka, tama ka."

Bigla naman siyang napangiti, "Paumanhin, Senyorita, masyado na akong—"

"Ano ka ba? Ayos lang," ani ko na ikinatango niya.

"Hindi na kita gagambalain, Senyorita," turan niya. "Kailangan niyo ng magpahinga, tsaka marahil ay ako na ay hinahanap na," dagdag niya.

Tumango nalang ako, "Sige, salamat sa oras, Isay. Mag-iingat ka pagbaba," tugon ko.

Tumango rin siya at umalis na sa higaan ko, "Walang anuman, Senyorita. Ikinagagalak kong ika'y makausap," bahagya siyang yumukod sa may paanan ng higaan at ngumiti.

"Magandang gabi, Senyorita. Nawa'y mahimbing ang iyong tulog," aniya.

"Ikaw rin!" masigla kong balik. Ngumiti naman siya at lumabas na rin ng silid kaagad.

Humiga nalang ako at nagkumot. Medyo maginaw rin dito kahit walang electric fan, dahil nasa bundok na bahagi ang San Luisiano at marami ring mga puno. Doon lang sa sentro ng bayan ay medyo baba sila at naroon ang dagat.

Pero ang iniisip ko ngayon ay ang katotohanang mayroon palang Dueña si Kristina. Hindi ko naman kasi alam ang tungkol doon dahil wala naman akong nabasang sulat na may naglalaman ng ganoong impormasyon.

Ngunit, ang mahalaga ngayon ay alam ko na. Ano naman kaya ang papel niya sa buhay ni Kristina? Mayroon kaya siyang kinalaman sa pagkamatay ni Kristina? Ang sinabi nila ay malapit sila sa isa't isa kaya hindi naman siguro iyon posible.

Naalala ko naman si Ama. Kaninang hapunan ay parang wala pa rin. Hindi man lang siya naapektuhan sa sinabi ko? Ganoon pa rin kami kumain, tahimik at may tensiyon dahil kay Ama, na hindi ko alam kung bakit.

Hindi ba talaga importante si Kristina para sa kaniya? Wala man lang kung anong bahid ng realisasyon sa kaniya. Parang wala man lang nangyari kaninang hapon. Ewan ko doon. Darating din ang panahong babait din iyan sa akin.





Kagagaling ko lang sa hardin sa harap ng mansiyon at papasok na ako sa loob. Nakikiayos din kasi ako sa mga halaman doon kasama ang ilang mga hardinero.

Hindi ko nakita si Mang Kardo, siguro ay wala siyang trabaho o hindi naman kaya sa ibang parte siya itinalaga. Gusto ko pa namang makasama uli si Mang Kardo sa pagtatanim.

Napadaan naman ako sa pinto ng kainan nang mayroon akong nalanghap sa mabango. Parang may nagluluto. At sigurado akong sobrang sarap niyon dahil sa amoy nito.

Agad akong napatigil saka paatras na bumalik doon. Sinilip ko naman ang kainan pero wala akong nakitang kahit anino ng tao.

Saan naman kaya nanggaling 'yon?

Napatingin ako sa pinto ng kusina nang may narinig akong mga ingay mula roon at nakabukas pa ito.

Whoa, nandoon kaya sila?

Dahan-dahan akong naglakad papasok sa kainan at dumiretso sa kusina na nasa likod lamang nito. Napasilip ako doon at nakita ko si Ina na abala sa harap ng lutuan at mayroong hinaluhalo kasama si Lola Iluminada.

May mga ibang taga-silbi rin na kasama nila at ang iba at nasa kabilang lutuan at mayroon ding hinahalo sa malaking palayok. Gamit nila ay kahoy at may iilang uling rin. May isang malaking mesa sa gitna ng silid at iilang mga upuan na nakapalibot nito.

Maraming mga kagamitan ang nakapatong sa mesa kagaya ng mga sandok, plato, baso, pitsel, at mga garapon ng mga pampalasa. Mayroon ding mga malalaking mga lalagyan na hindi ko alam kung ano ang laman.

Medyo makalat na maayos pa rin tignan ang buong kusina. Ano naman kaya ang niluluto nila? Siguro ay para iyan sa tanghalian dahil malapit na rin. Ang saya pa nila habang nagluluto dahil tumatawa pa sila at nagkukwentuhan.

Nakita ko rin si Ina na nakangiti. Ang ganda talaga ni Ina, simple pero sopistikada at elegante pa rin. Pati rin si Mama ay ganoon din, kaso nga lang dahil kay Lolo mukhang naging strikta at maldita si mama.

"Ma–magandang umaga, Senyorita."

Tahimik ko silang pinagmasdan nang bigla akong nakarinig ng isang bati mula sa isang boses kaya kaagad akong napatingin doon.

Isang tagasilbi na nakatayo sa dulo ng mesa na katapat lang ng pinto, ang nakatingin sa akin ng bahagya at nakayuko.

Dahil sa sinabi niya ay lahat na ng mga naroon sa loob ng kusina ay nagsipaglingon sa akin.

"Kristina? Nariyan ka pala. Pumasok ka, anak. Bakit nariyan ka lamang sa pinto't nakasilip?" aya ni Ina sa akin.

Nahihiya naman akong pumasok ng may kaunting ngiti sa labi. Eh kasi naman itong tagasilbi binati pa ako eh. Mas gusto ko lang naman na masdan sila mula sa pinto.

"Bakit ika'y hindi kaagad na pumasok at nakatayo ka lamang roon sa labas?" kaagad na tanong ni Ina nang makalapit na ako sa kanila.

Nahihiya naman akong ngumiti, "Ayaw ko pong makaistorbo sa pagluluto ninyo," tugon ko.

"Hmm, ikaw anak, huwag mong isipin ang bagay na iyan. Hindi ka istorbo sa akin, maliwanag?" aniya sabay lapit sa akin at hawak sa braso ko.

Ngimiti naman ako kaagad at mabilis na tumango, "Opo, Ina."

Kinurot naman niya ang pisngi ko kaya napahagikhik sa akin. Napakamapagmahal at mabait talaga ni Ina. Sobra.

"S'ya, halika rito. Nais mo bang tumulong?" aya niya sabay hatak ng mahina sa akin papunta doon sa pinaglulutuan niya.

Kaagad naman akong sumabay sa kaniya, "Ano po ang niluluto niyo, Ina? Ang bango po eh, umabot nga po doon sa sala mayor," usisa ko sabay silip doon sa kawali na pinaghahaluan nila ng pagkain.

"Sisig ito, anak," nguso niya sa kawali. "At iyon naman ay kare-kare," doon naman sa isang malaking palayok.

Kaagad akong natakam sa mga nakita ko, "Wow, Ina. Ang sasarap naman ng mga iyan," komento ko.

"Lalo na po iyang sisig. Paborito ko pa naman po iyan," dagdag ko habang nakatitig sa pagkaing nasa kawali.

Paborito ko ang sisig lalo na kapag sobrang anghang. Mahilig kasi ako sa mga maaanghang na pagkain. Si Nang Cely at Mama kapag nagluluto sila, ilang balik talaga ako sa kanin.

Sandali namang natigil si Ina sa paghalo at napalingon sa akin, "Tama ba ang aking narinig? Iyong paborito ang sisig?" hindi makapaniwalang tanong niya kaya napatitig ako sa kaniya ng seryoso.

"Hindi ba at hindi mo nais na kumain ng mga maaanghang na pagkain?" aniya pa. Sandali akong natigil at namutla.

Goodness! Lagot na.

"Ah, opo," kaagad kong takip. "Ayaw ko po sa mga maaanghang, kaso po napag-isip-isip ko ring walang masamang subukan ang ganoong mga pagkain. Kaya po noong nasubukan ko kamakailan lang ay labis ko pong nagustuhan kaya ngayon gusto ko na pong kumain ng mga maaanghang," mabilisan kong palusot at ngumiti-ngiti pa.

Bahagya namang natawa si Ina, "Alam mo, anak, napakasaya kong marinig iyan. Nababatid mo bang lagi kong sinasarapan ang aking mga luto kahit pa ang iba ng mga iyon ay hindi mo tipong kainin ngunit hinihiling ko minsan na sana ay iyong matitikman," nakangiting aniya.

Nagliwanag naman ang mukha ko nang marinig ko iyon at nakaramdam ako ng saya at kasiyahan sa puso.

Sobrang minahal talaga si Kristina ng kaniyang Ina. Kaso nga lang, hindi magandang ugali ang pinapakita niya rito eh. Nakakalungkot isipin.

"Nakakaiyak naman po ang inyong tinuran, Ina," nakangiti kong wika. "Huwag po kayong malungkot at mag-alala, lahat po ng inyong iluluto ay kakainin ko. Lahat po. Pangako po iyan," pahayag ko sabay taas ng kanang palad ko sa gilid.

Malaking ngiti naman ang kaniyang sinukli at nabuhay ang kaniyang  mga mata at kumikislap pa, "Tunay ba iyang sinasambit mo, anak?" hindi makapaniwalang aniya.

Mabilis akong tumango habang nakangiti pa rin, "Totoo po, Ina. Totoo ng sobra. Pangako po iyan," pangako ko.

Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Sobrang nagagalak ang aking puso na halos lumuwa na mula sa aking katawan dahil sa saya.

Hindi ko pa ito naranasan sa buong buhay ko. Sobrang sarap sa pakiramdam, na may taong handang ibigay ang lahat at gawin ang lahat para sa iyo, mapasaya ka lang.

Napahagikhik naman si Ina at mabilis akong niyakap na animo'y batang tuwang-tuwa, "Pangako na iyan, anak ha? Huwag mo sanag babawiin," sabik na sabi niya.

Mabilis ko rin namang niyakap siya pabalik at ninamnam ang sandaling iyon habang nakangiti, "Opo, Ina. Walang bawian," paninigurado ko sa kaniya.

Hinding hindi ko iyon babawiin, Ina. Gagawin ko rin ang lahat sumaya ka lang.

Ang mga tagasilbi naman na kasama namin ay nakangiti lang habang nakatingin sa amin at minsan pa ay nagkakatinginan sila at ngumingiti.

Sobrang sarap na kayakap mo ang iyong ina. Kahit hindi pa siya ang tunay kong Ina, ramdam ko kung paano niya mahalin ng sobra si Kristina.

"S'ya, tama na ang ating mga sentimeyento," aniya sabay kalas sa yakap.

"Ang aking niluluto," usal niya saka siya natawa at hinaplos ang aking ulo at bumaling na sa kaniyang niluluto.

"Ina, maaari niyo bang gawing sobrang anghang? Gusto ko po iyon eh," nakangisi kong usisa.

Natawa naman siyang tumingin sa akin, "Paano naman tayo kakain niyan kung napakaanghang na?" aniya, na ikinakamot ko sa batok ko.

Oo nga naman, Chestinell. Hindi lang naman ikaw ang kakain niyan.

"Marahil ay mamaya sa iyong pinggan ay maaari mo ng lagyan ng napakaraming sili na iyong nais," suhestiyon niya na nakangiti.

Mabilis akong tumango, "Oo nga pala. Tama kayo, Ina," tawa ko.

"Maaari niyo na iyang ihain. Magmadali na rin kayo at ako ay lalakad na," sabi ni Ina sa mga tagasilbi na nagluluto doon sa palayok na malaki.

Napataas naman ang aking kilay, "Saan po kayo pupunta, Ina?" tanong ko.

Ngumiti siya sa akin, "Ah, nakalimutan kong sabihin sa iyo. Ako'y paroroon sa tanggapan ng inyong ama nang sa gayon ay madalhan siya ng kaniyang pantanghalian sapagkat napakarami niyang mga gawain at aasikasuhin na hindi na siya makakauwi pa upang magtanghalian," paliwanag niya.

Dahan-dahan naman akong napatango, "Sige po, Ina. Mag-iingat po kayo. Sasabayan mo na rin po ba siyang kumain doon?" kuryuso kong tanong.

Napatango naman siya habang nakangiti, "Tama ka riyan. Sasabayan ko na ang inyong ama at siya rin ay tutulungan ko na roon."

Lumapad naman ang mga ngiti ko, "Yiee, si Ina oh, napakamaalalahanin talaga," nakangisi kong tukso sa kaniya kaya bahagya siyang natawa.

"Huwag mo nga akong biruin, anak," natatawang aniya. Kaya napatango akong tumatawa nang makita siyang namula.

Naku, si Ina, kinikilig pa oh.

"Oo, Ina. Hindi na," turan ko. "Kung ganoon pala ay kami nalang lima ang magkakasama sa pagkain mamaya," tukoy ko sa aming magkakapatid at ni Tiya Arcela.

Napatingin naman si Ina sa paligid at bumalik sa akin nang parang may naaalala siya, "Oo nga pala, ang inyong Tiya ay nasa bayan pa. Mukhang matatagalan yata siya roon at kanina ko pa siya nautusan at hanggang ngayon ay hindi pa nakakauwi," wika niya.

Kung ganoon, kaming apat nalang ang narito.

"Naku! Akin palang nakalimutang ipadala sa kaniya ang pagkaing aking niluto at ibigay kina Donya Victorina," biglang pahayag niya.

Nagdugtong naman ang kilay ko, "Bakit naman po, Ina? Mayroon bang okasyon at bibigyan niyo sila?" kuryuso kong tanong.

Agad siyang napailing, "Iyon ba ay hindi mo na maalala? Paborito ni Victorina ang aking mga luto lalo na ang kare-kare. Kaya naman kapag ako ay nagluluto niyon ay padadalhan ko talaga siya," kwento niya.

Napatango naman ako bilang pagtugon at pagproseso sa bagong kaalaman na nakuha ko.

"Ngunit, walang maghahatid ng mga ito sa kanila. Sapagkat ang iyong Tiya ay sigurado akong mamaya pa makakabalik dito at ang iyong mga kapatid ay naroon pa rin sa bayan," aniya pa na nababahala kaya agad ko siyang nginitian.

"Huwag kayong mag-alala, Ina. Wala po akong ginagawa kaya piniprisenta ko na ang aking sarili na magdala ng inyong mga niluto roon sa kanila," nakangisi ko pahayag.

Bahagya naman niya akong tinaasan ng kilay kaya mas lalo ko siyang nginitian.

"Ayos lang, Ina. Huwag kayong mabahala. Makakarating iyon sa kanilang mesa," natatawang pagtitiyak ko.

Napailing naman siya, "Hindi naman iyon ang aking inaalala kung hindi ang ideyang ang iyong pagpunta sa residensiya ng mga Varteliego," aniya sabay tukoy sa pamilya ng Teniente de Sementeras.

"Nababatid kong ayaw mong pumaroon sa mga residensiya ng ibang mga pamilya," dagdag niya pa kaya bahagya akong natawa.

"Huwag po kayong mag-isip ng iba, Ina. Bukal po sa aking kalooban ang pumaroon. Isa pa nais ko pong tulungan ang aking pinakamamahal na ina," nakangiti kong tugon.

Kumislap naman ang kaniyang mga saka hinaplos ang aking ulo, "Ang aking unica hija," tanging nasambit niya.

"Handa na po ang mga palayok, Donya Floren," biglang singit ni Lola Iluminada na inilagay ang dalawang palayok sa mesa. Nilingon naman iyon ni Ina.

"S'ya, inyo na iyang ipasok sa lalagyan," utos niya.

Maya-maya pa ay may isang tagasilbi na nagbitbit ng isang basket papalapit kay Lola Iluminada. Doon nila ipinasok ang dalawang palayok na sakto lang ang laki.

Ang basket na iyon ay may dalawang takip, sa magkabilang gilid nito, at isang hawakan sa gitna. Kaagad ko naman iyong nilapitan at saka binuhat. Sakto lang ang bigat nito. Sana hindi ito matapon at madala ko hanggang sa mesa nila.

Nilingon ko naman si Ina, "Aalis na po ako, Ina. Nang sa ganoon ay maabutan ko pa sila sa kanilang pananghalian," paalam ko.

Nakangiti naman siyang tumango, "S'ya at ikaw ay mag-iingat ha?" paalala niya kaya tumango ako.

"Opo, Ina."

Tumango siya bilang tugon, "At saka kapag ikaw ay kanilang yayayain sa pananghalian, doon ka nalang kumain ha? Nang sa ganoon ay magkaroon ka ng panahong makasama at makausap sila," payo niya pa kaya napatango na uli ako.

"Sige po, aalis na po ako," paalam ko.

Ngumiti ako kay Ina saka naglakad na paalis ng kusina. Lumabas na ako at dumiretso sa baba ng hagdan ng mansiyon. Hindi na ako nakapag-ayos.

Ayos na rin naman itong suot ko at presko pa naman ang itsura ko. Isa pa baka mahuli na ako sa tanghalian nila. Baka naman kasi maaga silang magtatanghalian.

Dumating rin naman na hindi nagtagal ang karawaheng inutos ni Ina na maghatid sa akin papunta sa residensiya ng mga Varteliego.

Kaagad na akong sumakay dala ang kaing na may lamang mga pagkain at hindi nagtagal ay pinaalis na ng kutsero ang karwahe sa aming residensiya.

Ang residensiya ng mga Varteliego ay naroon sa silangan na bahagi ng aming mansiyon. Dadaan muna sila sa amin bago sila makarating sa kanilang bahay.

Hindi ko alam kung bakit ngunit hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa loob ko. May masaya, may kinakabahan, may takot, hindi ko alam.

Siguro dahil ito ang unang beses na pupunta ako sa bahay ng ibang tao sa panahon na ito at ako pa mag-isa. Paroroon ako sa kanila ni Joaquin.

Naroon kaya siya? Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Kasama niya kaya si Clara? Sasaya ba siya kapag makikita niya ako?

Aba huy, teka nga? Ano na ba iyang mga iniisip ko? Nasa tamang pag-iisip pa ba ako? Tumigil ka nga. Hangal ka ba?

Kaagad kong tinanggal sa isipan ko ang ganoong mga bagay at napabuntong-hininga nalang ako. Itinuon ko nalang ang aking pansin sa mga tanawin sa labas ng bintana.

Mga sampung minuto yata ang lumipas nang tumigil kami sa harapan ng isang malaking itim at gintong bakod na bakal. Napasilip ako sa bintana at doon ko nakita ang laki ng isang mansiyon sa loob nito.

Kinausap ng kutsero ang nagbabantay sa tarangkahan at maya-maya pa ay pinapasok na kami. Unti-unting umusad ang gulong ng kalesa papasok sa residensiya ng mga Varteliego at tinatahak ang daang gawa sa bato.

May malaki silang hardin sa harap ng kanilang mansiyon at mga malalaking puno ng mangga. May mga duyan ito sa ilalim at mga kahoy na upuan. May iilang mga nagtatrabaho sa hardin at nag-aayos ng mga pananim.

Tumigil ang karwahe sa harap ng mansiyon. Sandali pa akong natulala sa kakatingin doon. Sa tingin ko kay kasinlaki rin ito ng aming mansiyon. Binuksan ng kutsero ang pinto ng kalesa kaya bumaba na ako dala ang kaing na hawak ko.

Napatayo ako sa harap ng isang malaki at malawak na mansiyon. Gawa ito sa mga matitibay na kahoy at maraming mga desinyo. Marami rin itong mga bintanang malalaki at dinudulas pagbukas.

Pareho rin ang istilo ng kanilang mansiyon sa amin na may maliit na palapag na pinakauna at dalawang palapag na sa itaas nito. Ang kanilang hagdan paakyat ay medyo pakurba mula kaliwa papunta sa kanan kaya napahugis C itong baliktad. Maraming mga pananim sa baba ng hagdan na nakalagay.

Habang abala ako sa kakatingin sa buong paligid ay nakarinig akong nagmamadaling yabag mula sa hagdan kaya agad akong napatingin doon.

Nasilayan ko ang maliwanag at nakangiting mukha ng Donya Victorina. Nagmamadali siya ngunit maingat at elegante pa ring naglalakad papababa at papalapit sa akin.

"Hija, aba'y ikaw ay naparito? Halika pasok ka, dali," aya sa akin ng Donya at mahina akong hinatak papunta sa hagdan.

"Magandang araw po, Donya Victorina," nakangiti naman akong sumama sa kaniya daladala ang kaing.

Hindi ko alam kung bakit parang masasabik pa yata ako. Ano na ba ang nangyayari sa akin?

"Nababatid mo bang ako ay hindi makapaniwala nang ikaw ay makitang bumaba mula sa karwahe. Iniisip kong imahinasyon ko lamang ito," aniya habang papaakyat kami sa hagdan.

Bahagya akong natawa, "Talaga po? Pati nga rin po si Ina ay hindi makapaniwala nang sabihin kong ako ay paparito eh," tugon ko.

Nakangiti siyang lumingon sa akin, "Nakakatuwa ka talaga, hija. Halika, pasok ka rito," usal niya saka hinatak na ako papasok sa kanilang sala mayor.

Ang kanilang sala mayor ay matatagpuan malapit sa kanilang pinto na papasok sa palapag na ito, sa bandang kanan. Malaki at malawak ito.

Maraming mga upuan na halatang mamahalin at mga desinyo't palamuti na nagpapagarbo ng buong paligid. Mayroon ding malaking aranyang magarbong nakasabit sa gitnang bahagi ng kisame.

Nakabukas ang mga malalaking bintana na kung saan pumapasok ang preskong hangin at nagpapaaliwalas sa paligid.

"Umupo ka rito, hija," alok niya at tinuro ang isang upuan na nakatalikod sa harap ng mansiyon.

Nakangiti naman akong lumingon sa kaniya, "Ah, Donya Victorina, pinapabigay po pala ni Ina. Kaya po ako narito para ihatid po ito rito," wika ko sabay taas ng kaunti sa basket na dala ko.

Nagliwanag naman ang mukha niya nang marinig iyon at mas lalong lumapad ang kaniyang mga ngiti.

"Tunay?" nasasabik na aniya sabay tanggap ng kaing. "Ano ang mga ito, hija?" usisa niya.

"Sisig po iyan at kare-kare. Si Ina po ang nagluto niyan," pagmamalaki ko pa. Mas lalo naman siyang napangiti saka tumango sa akin.

"Nababatid mo bang ito ay isa sa aking mga paborito. Lalo na at luto pa ito ng iyong ina," kwento niya.

Napatango ako, "Opo. Kwento nga po ni ina eh," tugon ko. Napahagikhik naman siya na ikinatawa ko.

"S'ya, rito ka muna ha? Ipapahain ko lang ito sa kainan. At huwag ka munang umuwi, rito ka na magtanghalian," bilin niya pa kaya tumango ako habang nakangiti.

"Opo, Donya Victorina."

Malapad naman ang ngiti binigay niya bago siya tumalikod at umalis dala ang pagkain na bigay ko. Umupo muna ako doon sa sala mayor at pinagmasdan ang hardin sa harap ng mansiyon. Naroon pa rin ang mga hardinero na nag-aayos doon. Tahimik ang buong mansiyon.

Nasaan naman kaya ang mga anak ng Donya?

Ganito ba lagi ka tahimik ang mansiyon nila? Kung sabagay, malaki ang mansiyon kaya imposibleng iingay ito na iilang taong lang ang mag-uusap.

Napaisip naman ako sa misyon ko. Mayroon kayang kinalaman ang pamilyang ito sa pagkamatay ni Kristina?

Kailan ko ba malalaman kung sino ang papatay sa akin? Kilala ko ba siya?

At bakit niya gagawin ang bagay na iyon? O totoo bang pinatay siya o siya lang mismo ang kumitil sa sarili niyang buhay?









Sa Taong 1890

Note: Real Colegio de Santa Isabel in Manila is also known as Colegio de Santa Isabel (1632) and changed to Real Colegio de Santa Isabel (1733) and now it is known as Santa Isabel College.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro