Kabanata 24
|Kabanata 24|
Hulyo 9, 1888
Kung ikaw ay mahalaga para sa isang tao, hindi mo na kailangan pa na ipagpilitan at isiksik o pwersahin na ikaw ay kaniyang tanggapin. Dahil kapag ikaw ay mahalaga mismong siya ang taratuhin ka ng kung ano ang nararapat.
Nababatid kong ako ay walang halaga sa buhay ni Ama.
— Martina
Tumatakbo si Isay papunta sa akin, ngunit bumagal ang lahat pati na rin ang kaniyang sigaw.
“Binibini!”
Pati na rin ang mga sigaw ng tao sa paligid ay malalakas nga ngunit bumagal din ito. Naging blanko na ang isip ko at hindi ko na alam ang aking gagawin.
Tila napako na ako at hinihintay na lang na mahulog ang mga kahon sa akin na sigurado akong masama ang magiging resulta sa akin. Napapikit nalang ako upang hindi makita ang magiging pangyayari.
Ngunit sa paghihintay kong may mahulog sa akin ay mayroong kamay na humawak sa akin at marahas akong hinila. Matapos niyon ay narinig ko ang ingay ng pagkabagsak ng mga kahoy sa lupa.
Kaagad akong napadilat at napalingon doon, nakita ko kung gaano nawasak ang mga ito at nagkahiwahiwalay. Itinaas ko naman ang tingin ko sa pinagmulan ng mga ito.
May mga pusang nasa taas nito at nagsipagtakbuhan papakyat pa sa mga tambak ng mga kahon, nagulat sa nangyari. Sila yata ang naging dahilan kung bakit ito nahulog.
Mabilis naman akong napalingon sa taong nasa harap ko, na siyang nagligtas sa akin, dahil na rin naramdaman ko pa ang kaniyang nakahawak na kamay sa pulsuhan ko.
Ganoon na lang paglaki ng mga mata ko at pagkabog ng aking dibdib nang masilayan ko ang taong iyon. Nandidilim at malalim ang kaniyang mga mata at seryosong nakatitig sa akin.
Nagdugtong rin ang kaniyang mga kilay senyales ng pagkainis at pagkabahala. Nakita ko pa kung gaano niya hinabol ang kaniyang hininga. At ang kaniyang kamay na nakabitin sa ere hawak ang aking pulsuhan.
Siya na naman?
Hindi ko mahanap ang boses ko pero pinilit kong magsalita, “Gin–ginoong Joaquin..,” garagal na boses kong usal.
Agad siyang bumitaw sa kamay ko saka tumingin doon sa tinayuan ko kanina.
“Bakit ka naroon, Binibini? Paano kung nahulog sa iyo ang mga iyon?” lumingon siya sa akin na may pangangaral sa boses.
Bakit parang galit siya? Naroon pa rin ang kaniyang seryosong tingin at magkarugtong na kilay.
“Ayos ka lamang ba?” tanong niya at lumambot ang kaniyang boses pati na rin ang kaniyang ekspresyon.
Hindi ko na nagawa pang makasagot sa kaniya at napatitig nalang sa kaniya. Hindi ko lubos akalaing magagawa niyang hilahin ako palayo roon.
Akala ko ay babagsak na talaga iyon sa akin. Paano niya ako nahila? Ibig kong sabihin, paanong nailigtas niya ako?
Naramdaman ko nalang ang hawak ni Isay sa akin at niyugyug ako ng kaunti, “Binibini, maayos lamang ba ang iyong kalagayan?” alala niyang usal.
Kaagad kong binawi ang tingin ko kay Joaquin at bahagyang napatikhim. Pilit kong kinakalma ang puso kong hindi pa rin bumabalik sa normal dahil sa nangyari.
“Ay–ayos lang. Ayos lang ako,” sagot ko, saka nilingon si Joaquin, “Salamat sa pagligtas sa akin, Ginoong Joaquin,” mahina at putol-putol kong wika.
“Binibini, nawa’y sa susunod ay mag-iingat ka na. Labis na magiging malubha ang iyong kalayan kapag ikaw ay nabagsakan niyon,” seryosong aniya habang nakatitig ang kaniyang mga mata sa akin.
Bahagya akong napangiti at tumango, “Sala–salamat. Salamat talaga,” turan ko.
Ngumiti siya, “Walang anuman, Binibini,” usal niya saka tumingin sa paligid.
“Kayo ba ay papauwi na? Ihahatid ko na kayo sa inyong karwahe,” alok niya saka tumingin uli sa akin.
Inipit ko ang mga labi ko saka tumango, “Ah, oo. Papauwi na kami.”
“Binibini, kayo ay maayos lamang ba?”
Sabay kaming tatlong napalingon nang may nagsalita sa gilid namin. Isang lalaking may edad na, nasa saisenta yata, ang nagmamadali papalapit sa amin na halata dahil medyo natataranta at balisa pa itong nakatingin sa akin.
Tinanguan ko siya, “Opo, ayos lang po ako,” sagot ko.
Sunod-sunod naman ang kaniyang pagyukod sa harap ko na ikinagulat ko ng husto, “Patawad, Binibini. Patawad talaga. Paumanhin,” paulit-ulit pang turan niya.
“Hindi ko talaga mapapatawad ang aking sarili kung kayo ay malubhang nasugatan dahil sa mga iyon,” dagdag niya pa at patuloy pa rin sa pagyukod ng paulit-ulit.
Kaagad ko siyang pinigilan, “Tama na po. Huwag na po kayong humingi ng tawad. Wala naman pong nangyari sa akin, dahil iniligtas po ako ng Ginoo,” saka ako lumingon kay Joaquin na nakatingin sa akin at ngumiti naman siya.
Bumaling ulit ako sa matanda na ngayon ay nakayuko sa harap ko, “Bakit naman po kayo humihingi ng paumanhin sa akin? Hindi niyo naman po siguro sinadyang ihulog iyon diba?” pagtatanong ko.
Mabilis naman siyang umiling, “Hindi po! Hindi ko po magagawa ang bagay na iyon,” kaagad na sagot niya, “Ako po ang may-ari ng mga kahon na iyon, at iyon po ay aking negosyo. Lalagyan po iyon ng mga bote ng gatas ng baka. Tinambak namin iyon dahil hindi pa iyon ginagamit, kaya lamang po ay may mga pusang gala na naging dahilan kaya ito muntik ng mahulog sa inyo,” paliwanag niya.
Binigyan ko ng ngiti ang matanda, “Ayos lang po ako, hindi niyo po kailangan na humingi ng tawad,” wika ko saka dumukot ng pera sa aking bolso de cabestrillo at inabot sa kaniya.
Naguguluhan naman siyang tumingin sa kamay ko at sunod ay sa akin, “P-po? Ano po ito, Binibini?”
Ngumiti ako, “Para po ito doon sa mga kahon na nasira,” nguso ko pa sa mga ito na ikinalaki ng kaniyang mga mata.
Pati na rin si Isay ay pabalik-balik ang tingin sa akin at sa kamay kong may pera.
“P-po?! H-hindi na po ito kailangan, Binibini. Ako nga po sa katunayan ang mayroong pagkakasala sa inyo,”gulat na aniya.
Bahagya naman akong natawa, “Tanggapin niyo na po ito,” abot ko sa pera na iniiwasan naman niya.
“Ngunit–ngunit, Binibini—,”
Hindi ko na siya pinatuloy pa sa sasabihin niya at mahinang itinulak ang pera papunta sa kamay niya.
“Tanggapin niyo na po. Pangtulong po iyan sa negosyo at para na rin po iyan sa mga nasira na mga kahon,” nakangiti kong sabi.
Nag-aalangan naman siyang tanggapin iyon pero inilagay ko na sa palad niya.
“Sa–salamat po, Binibini,” maiyak-iyak na aniya saka yukod ng yukod.
Natatawa naman akong pinigil siya, “Tama na po, tama na. Hindi niyo na po kailangan na magpasalamat” tugon ko at mabilis naman siyang tumango-tango.
“Opo, Binibini. Naiintindihan ko. M-maraming salamat po talaga,” naiiyak na aniya.
Pinahid naman niya kaagad ang kaniyang mga luha saka tumingin sa akin, “Maaari ko po bang mabatid kung ano ang inyong buong pangalan?” usisa niya.
Ngumiti naman ako. “Ang pangalan ko po ay Martina. Ang aking apelyido naman ay...hindi na mahalaga. Ang mahalaga po ay walang nasaktan sa nangyari,” nakangiti kong sagot.
Tumango siya bilang sagot, “Tama po kayo, Binibining Martina,” usal niya. “A-ay hindi ko na po kayo gagambalain pa. M-marami pong salamat dito. Napakabusilak po ng inyong kalooban. Maraming salamat po talaga.”
Ngumiti ako, “Wala pong anuman.”
Ngumiti ito ng malapad at yumukod bago naglakad paalis. Napatingin ako kay Ginoong Joaquin na nakatingin sa lupa at bahagyang nakangisi kaya napataas ang kilay ko.
“Ayos ka lang ba, Ginoo?” taka kong tanong.
Mabilis naman siyang napatingin sa akin at nawala ang kaniyang mga ngiti saka tumikhim.
“Ayos lang ako, Binibini,” sagot niya, “Kung ganoon ay halina kayo. Ihahatid ko na kayo sa inyong karwahe,” wika niya.
Tumango ako bilang sagot saka nilingon si Isay. Ganoon na lamang ang pagdikit ng mga kilay ko nang makita ko siyang nakangisi.
Aba, aba, ano ang problema ng babaeng ito?
“Bakit?” naguguluhan akong usal.
Kaagad niyang inipit ang kaniyang mga labi at mabilis na umiling, “W-wala po. Wala po, Binibini,” kaila niya.
Tinaasan ko siya ng kilay, senyales na hindi ako naniniwala kaya napangisi siya.
“Wala nga po, Binibini. Wala talaga. Pangako,” depensa niya pa.
“Sige, wala,” natatawa kong usal.
Nilingon ko naman si Joaquin na nakatingin sa malayo, “Aalis na tayo?” usisa ko.
Tumango siya. “Tayo na,” aniya at inilahad ang kamay niya sa daanan.
Tahimik lang kaming naglalakad papunta sa karwahe. Katabi ko si Joaquin at si Isay naman ay nasa bandang likuran ko nakasunod sa amin.
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko o kung paano ko siya dadaldalin. Nakakailang naman kasing naglalakad kami ng magkasama pero wala kaming pinag-uusapan.
“Ginoong Joaquin, ilang taon ka na pala?”
“Ano pala ang inyong ginagawa rito, Binibini?”
Sabay kaming nagkatinginang dalawa habang sinasambit ang mga salitang iyon. Hindi ko lubos aakaliang magkakasabay pa kaming magsalita.
Natawa naman ako at siya naman napangiti ng kaunti kaya naman sabay kaming natawa dahil sa nangyari. Napatili nalang ako sa isip ko. Hindi ko na alam ang sasabihin ko!
“Ako ay dalawampu’t tatlong taon na,” sagot niya.
Tumatango ako bilang tugon. Ah, 23. Apat na taon lang pala ang agwat namin.
Luh, eh ano naman ngayon?
“A-ah, nandito rin kami dahil namalengke si Isay kaya sinamahan ko na siya,” sagot ko naman at bahagyang sinulyapan si Isay na may kaunting ngisi sa mukha.
“Ikaw, anong ginagawa mo rito? At saka paanong nailigtas mo ako doon kanina?” sunod-sunod kong tanong.
Ngumiti siya bago sumagot, “Aking pinuntahan si Ama sa kaniyang tanggapan, pagkatapos ay nakipagkita ako sa aking kaibigan, at ika'y aking nakita sa ganoong sitwasyon,” paliwanag niya.
Ngumiti ako ng malapad sa kaniya, “Sobrang nagpapasalamat talaga ako sa iyo. Baka kung hindi mo ako nailigtas kanina ay nakahandusay na ako at duguan doon,” wika ko.
May bahid ng tawa ang kaniyang ngiti, “Walang anuman, Binibini. Paano na lamang kung iyon nga ay nangyari sa iyo? Baka ikaw ay hindi na muling makakatapak pa sa labas ng inyong mansiyon,” aniya.
Kaya natawa ako, “Tama ka,” usal ko habang nakatingin sa lupa.
Bigla akong napasinghap at lumingon sa kaniya na siyang ikinakunot ng kaniyang noo, nagulat sa biglang pagbago ng ekspresyon ko.
“Maaari ba palang huwag mong sabihin ang nangyari kanina kina Kuya? Sigurado akong papagalitan nila ako ng husto kapag nalaman nila iyon,” nababahala kong hiling.
Huminto siya na ikinahinto ko na rin sa paglalakad.
“Ngunit, mas nakakabuting iyon ay kanilang mala—”
Agad ko na siyang pinutol sabay hawak sa braso niya at niyugyug iyon ng mahina, “Pakiusap, Ginoong Joaquin,” malumanay kong pagsusumamo at ngumuso ng kaunti.
Higit pa nga yata sa pagalitan ang makukuha ko kapag nalaman nila ang nangyari.
Bakit nga ba pagdating ko rito sa 1890 puro kapahamakan na ang nakakasalubong ko?
Napatitig naman siya sa akin at sa labi kong nakanguso. Pati na rin ako ay napatitig na rin sa kaniya. Bakit palaging seryoso ang kaniyang mga mata kahit pa nakangiti siya? Tsaka ang ganda ng mga mata niya talaga. Matangos pa ang kaniyang ilong.
Goodness, nahiya ako sa akin. Mabuti nalang at matangos ito kahit maliit. Pati na rin ang kilay niya, tugma sa mga mata niya. Tss, hindi sila bagay ni Clara.
Napakurap naman siya ng ilang beses na siya ring pagpasok sa kokote ko sa nangyayari. Anak ng.
Mabilis akong napabitaw sa kaniya na para akong napaso saka tumingin sa lupa at napapikit ng mariin.
Chestinell, ano na naman ba ito? Hindi ka na nahiya pa? Maraming tao ang nasa paligid, umayos ka nga!
Narinig ko siyang tumikhim kaya napatingin ako sa kaniya. “Pau–paumanhin, Ginoo. Hindi ko talaga iyon sinasadya,” nahihiya kong usal.
Napatikhim siya, “Huwag kang mabahala, hindi ko iyon sasabihin sa iyong mga kapatid,” pangako niya.
Kaya agad na napalitan ang hiya ko ng saya at napangiti ako ng malapad.
“Yeyy! Maraming salamat talaga,” masigla kong pahayag at napapalakpak ng kaunti.
Nakangiti siyang tumango. “Walang anuman, Binibini,” sabi niya.
May narinig naman akong bumukas na pinto sa likuran ko na siyang ikinatingin ko. Isang karwahe ang nakaparada na may kutsero sa gilid nito na nakatayo at binuksan ang pinto.
Inilagay na ni Isay ang bayong na dala at nakatayong nakatingin sa akin sa gilid nito.
Andito na pala kami. Hindi ko man lang napansin.
Binalingan ko na lang si Joaquin na nakatingin pala sa akin, “Mauuna na kami, Ginoo,” paalam ko.
Bahagya niyang itinaas ang sulok ng kaniyang labi at tumango, “Mag-iingat kayo, Binibini,” turan niya.
Ngumiti ako ng malapad at kinawayan siya na siya rin namang pagyuko niya ng bahagya. Matapos niyon ay tumalikod na ako at sumakay na at sumunod si Isay.
Kaagad akong dumungaw sa bintana at nakangiting tinignan si Joaquin.
“Paalam, Ginoo. Salamat sa paghatid at pagligtas sa akin kanina,” kumakaway kong ani.
Ngumiti siya pati na rin ang kaniyang mga mata saka tipid na tumango. Nagsimula ng umusad nag kalesa ngunit nanatili pa rin akong nakangiti at kumakaway sa kaniya.
Hanggang sa umiba na ang direksiyon ng karwahe ay nanatili akong ganoon. Umayos lang ako ng upo nang hindi ko na siya matanaw.
Hindi ko alam kung bakit may parang tumatalon sa puso ko. Bakit parang masaya akong nakita siya? Nararamdaman kong parang nawala ang lahat ng kaba at takot na nadama ko noong muntik na akong mahulugan ng mga kahon at napalitan ng hindi maipaliwanag na nararamdaman.
Parang gusto kong tumili sa saya. Halos sumakit na ang pisngi ko sapagkat natagpuan ko nalang ang sarili kong nakangiti sa kawalan.
Nahihibang ka na, Chestinell.
Pinagmasdan ko ang mga trabahador na nag-aani ng mga pinya habang dumadaan kami sa gitna ng napakalawak na mga plantasiyon. Katabi naman ng plantasyon ng pinya ay ang kakawan. Sa kabila naman ay ang manggahan.
May napansin naman akong pamilyar na pigura sa hindi kalayuan na naglalakad at nangangasiwa sa mga nag-aani ng mga kakaw, sa gitna ng plantasyon nito.
“Isay, si Kuya Lucio ba iyon?” tanong ko sabay turo sa lalaki.
Napatingin naman doon si Isay saka sinuri ang lalaki, at dahan-dahan na tumango.
“Oo, Senyorita. Siya nga ang iyong kapatid,” tugon niya.
Napangiti naman ako saka kinatok ang pader ng karwahe. Nakakunot naman ang noo ni Isay habang nakatingin sa akin. Nginisihan ko lang siya kasabay niyon ang paghinto ng karwahe, kaya agad kong binuksan ang pinto.
“Te–teka, Senyorita. Ano ang inyong ginagawa?” usisa niya pa.
Mabilis akong bumaba saka lumingon sa kaniya. “Pupuntahan ko si Kuya. Mauna ka ng umuwi, sabay na ako sa kaniya mamaya,” ngiti ko, saka isinara ang pinto.
Dahan-dahan naman siyang tumango, “Sige–sige Senyorita. Kayo ay mag-iingat,” turan niya at kinawayan ko siya habang nakangiti at tumango.
“Bye, Isay.”
Pinaalis na ng kutsero ang karwahe at naiwan ako sa gitna ng daan. Nilingon ko naman si Kuya na naroon pa rin sa kinatatayuan niya nakatalikod kasama ang mga trabahador.
Nakangiti akong binagtas ang plantasyon. Napapayuko naman at ngumingiti ng kaunti ang mga trabahador na madadaanan ko saka bumabati. Ginagantihan ko rin naman sila at mabilis na naglakad papunta kay Kuya.
Nakalapit na ako sa kaniya ngunit hindi man lang niya ako napansin. Nakatingin kasi siya sa papel na hawak niya. Kaagad kong sinenyasan ang mga kasama niyang huwag maingay at huwag sabihing narito ako.
Tahimik naman silang tumango at kunwari ay hindi ako nakita. Hindi pa rin talaga ako napansin ni Kuya na nakalapit. Tss, napakaseryoso naman.
Dahan-dahan kong nilapitan si Kuya at bigla siyang hinampas ng mahina sa balikat sabay sigaw, “Kuya!”
Bahagya siyang napaigtad at mabilis na lumingon sa ’kin na nakakunot ang noo, “¡Uy, me asustaste!” bulalas niya na ikinatawa ko ng kaunti.
“Martina? Ano ang iyong ginagawa rito?” hindi makapaniwalang aniya.
Ngumisi naman ako saka kinamot ang batok ko, “Eh, kasi galing kami sa palengke. Nakita kita kaya nilapitan na kita,” sagot ko saka inilibot ang tingin sa buong paligid.
Nakatingin ang mga trabahador sa gawi namin habang nag-aani. May iba pang nag-uusap pero nakatingin sa akin, parang ako yata ang pinag-uusapan.
Ngumiti naman si Kuya at bahagyang ginulo ang buhok ko, “Ikaw talaga. Bakit ka ba nanggugulat ha?” aniya.
Sumimangot naman ako saka hinawi ang buhok kong nakaayos, “Kuya naman, sinira mo,” reklamo ko na ikinatawa niya.
“Ganti ko iyan sa’yo,” saka mahinang tumawa.
“Eh, napakaseryoso mo naman kasi. Hindi mo man lang ako napansing dumating,” sagot ko saka tinignan ang hawak niyang papel.
“Sapagkat mayroon akong tinitignan,” aniya saka itinaas ang papel, “Hindi ko rin inaasahang ika’y paparito,” dagdag niya.
“Ano iyan?” turo ko sa papel na hawak niya.
“Ito ang listahan ng lahat ng mga produkto na ating naani sa linggong ito. Ipapasa ito kasama ang ating buwis sa Teniente de Sementeras kapag tayo na ay magbabayad ng buwis,” paliwanag niya sabay lahad sa akin ng papel.
Napuno ang papel ng mga produkto at ang kanilang dami. Marahil ay para ito sa magsusuri upang may batayan kung magtutugma ba ang bayad at kanilang kinita.
Ibinigay naman niya sa isang lalaki ang papel, “Kayo na ang bahala riyan. Bigyan niyo rin ako ng kopya mamaya,” utos niya.
Nagsipagtango naman ang mga ito at yumukod saka umalis.
Nakangiti naman na lumingon sa akin si Kuya, “Halika, Martina. Samahan mo ako,” aniya.
Nagsimula na siyang maglakad kaya sinabayan ko agad siya.
“Saan tayo?” usisa ko.
“Pangagasiwaan ko sila, samahan mo ako,” tugon niya.
Agad akong napangiti at tumalon ng kaunti, “Talaga? Magiging masaya ito,” wika ko na ikinangiti niya.
Nilakad namin ang daanan sa bawat hanay ng plantasyon. Nakikisali na rin ako sa pagpitas ng ilang mga bunga, kaya pati si Kuya ay nakipitas na rin.
“Ang lawak nga talaga ng hacienda ng pamilya natin,” bulalas ko habang naglalakad kami at pinagmamasdan ko ang buong lupain.
Hindi ko lubos akalaing napakalawak ng lupain ng mga Del Veriel. Malaki man pero hindi ganito kalaki at lawak ang lupain ni Lolo sa hinaharap.
“Siyang tunay, Martina. Kakaw, pinya, mangga, tubo at niyog. Iilan lamang iyan sa ating mga produkto inaani mula sa ating hacienda na siya ring inaangkat natin sa iba’t ibang parte ng bansa at nakakatulong iyon sa paglago ng ekonomiya ng ating bayan,” wika niya.
Whoa, ‘iilan’? Eh, marami na rin iyon eh. At napakalawak pa ng taniman na halos magtagpo na ang langit at ang dulo nito sa lapad at lawak.
Idagdag pa ang mga alagang hayop na mga kabayo, kambing, manok, pato, at baka. Napakayaman talaga.
Tama nga talaga ang sinabi ni Lola Cela na malaki ang parte ng pamilya Del Veriel sa panahong ito.
“Ilang taon na ring nagsimulang umusbong ang pagyaman ng ating bayan. Malaki ang tulong nito lalo na at ang San Luisiano ang kabisera ng ating probinsya,” pagpapatuloy niya.
“Tama ka,” usal ko. “Napakalaking nga na responsibilidad ang pagpapatakbo sa hacienda natin, hindi ka ba nahihirapan?” pagtataas kilay ko.
Bahagya siyang ngumiti, “Hindi. Sa una ay nahirapan ako, iyan ay batid mo, hindi ba? Ngunit bilang panganay, iyon ay aking tungkulin. Iniluwal ako para rito, Martina,” wika niya na para bang sinabi niya na ito sa dati, at may kaunting bahid ng lungkot sa kaniyang tono.
Nagsalubong naman ang kilay ko, “Nga pala, sina Kuya Lucas at Marco, bakit hi–hindi ko sila nakikitang nangangasiwa rito?” nagdadalawang isip kong tanong.
Hindi naman kasi ako sigurado na baka kapag itanong ko ay magduda pa siya dahil baka alam ni Kristina ang tungkol dito. Lalo pa at may nabasa akong liham tungkol sa pagiging hindi patas ng Ama nila sa dalawa.
“Tama ka, nababatid na natin ito mula pa noong una,” usal niya.
Tumango ako. Alam na nga talaga ni Kristina.
“At kinapopootan mo rin ng loob si Ama dahil dito. Pilit ko ring binabago ang kaniyang pananaw ukol rito, ngunit kahit pa ako ay hindi ko man lang magawa,” malungkot na aniya.
Kung ganoon, isa nga talaga ito sa rason kung bakit nagkagalit si Kristina at ang kaniyang Ama.
“Sa angkan ng Del Veriel, yaman, kapangyarihan, at panganay lamang ang importante. Nagsimula pa ito sa ating mga ninuno,” aniya kaya napalingon ako sa kaniya.
Hindi maalis sa isip ko ang pagkalungkot. Kaya pala talaga mukhang hindi nakikialam sina kuya sa tungkulin at gawain na may kinalaman sa hacienda.
At kaya pala, sa hinaharap mga panganay lang ang binibigyan ng espesyal na pagtrato. Sa mga larawan na pininta rin sa mansiyon ay kadalasan sa mga panganay at sa pamilya nila.
Pero bakit ako, panganay naman ako, bakit ang pagtrato ni Mama sa akin hindi ako importante?
“Pero bakit naman hindi? Anak pa rin naman sila. May karapatan din silang maging bahagi nito,” dahilan ko.
Bumuntong-hininga naman siya, “Kahit kaunti man lang o kahit sentimo ay walang mamanahin ang hindi panganay, ngunit malaya namang makakapag-aral sa nais na kuning kurso,” salaysay niya.
Kung ganoon, iyon na ba ang binibigay para makapagsimula ito ng kaniyang sariling sikap?
Tumigil naman siya saka humarap sa akin ng may ngiti sa labi.
“Huwag kayong magbahala, Martina. Gagawin ko ang lahat, tutulungan ko kayo at hinding-hindi ko kayo pababayaan. Pinapangako ko iyan,” wika niya habang nakangiti, ang kaniyang mga mata ay nagbibigay ng kasiguraduhan at katapatan sa kaniyang sinabi.
Ngumiti ako ng malapad, “Ayos lang ako, Kuya. Mas pagtuunan mo ng pansin sina kuya. Tutulungan kitang magiging maayos ang buhay nila,” wika ko.
Tinaasan naman niya ako ng kilay, “Bakit mo sinasabi ang mga bagay na iyan? Ikaw ang nararapat naming pagtuunan ng pansin at aalagaan dahil ikaw ang aming prinsesa, naiintindihan mo? Gagawin ko ang lahat, namin ang lahat, sumaya ka lamang at maging maayos ang iyong buhay,” pangako niya
“Huwag kang mag-alala rin, pati kay Ama ikaw ay aming poprotektahan. May mga bagay siyang ginagawa upang mapabuti ang iyong kalagayan, subalit may mga bagay ring iyong ikinakasakit. Ngunit, asahan mong narito kami kahit hindi mo hingin at hilingin ay handa kaming tulungan ka,” ngiti niya saka bigla niya akong niyakap.
Hindi ko maunawaan ang sayang naramdaman ko sa sandaling iyon. Biglang uminit ang mga mata ko at dahan-dahan na namuo ang mga luha ko sa mata.
Sobrang sarap sa pakiramdam na marinig ang ganoong mga bagay. Iyong may taong handang saluhin ka, protektahan, alagaan, at andiyan para sa iyo. Sa hinaharap ay hindi ko naranasan ang ganitong bagay.
At ngayon, sobrang nagagalak ang puso ko. Sobrang sarap sa pakiramdam. May mga tao palang handang alalayan ka. Napakapalad ni Kristina na may mga kuya siyang ganito.
“Salamat kuya,” mahina kong sabi at suminghot.
Tuluyan ng tumulo ang mga luha ko. Sobrang saya ko talaga. Hinawakan naman niya ako sa mga braso at bumitaw sa yakap saka tumingin sa akin na nakakunot ang noo.
“Martina, ayos ka lang?” may pag-alala niyang usisa.
Tuluyan na akong napahikbi at dahan-dahan na kumawala ang aking mga luha. Hindi ko alam, masyado lang ba akong sentimental na tao?
Pero para sa akin kasi sobrang laki na nito, dahil hindi ko ito naranasan mula sa pamilyang pinagmulan ko.
“Martina?" tawag niya uli.
Napaiyak na ako at mabilis siyang niyakap, “Salamat Kuya,” iyak ko. “Masaya ako, sobra. Hindi ko akalaing may mga tao pala na pinapahalagahan ako,” tuloy ko.
Niyakap naman niya ako pabalik at hinaplos ang likuran ko, “Tahan na, ayos lang,” pagpapatahan niya.
“Tsaka, may mga taong nagpapahalaga sa atin, bawat isa. Tumingin lang tayo sa paligid, makikita nating marami pa ang nagpapahalaga at nagmamahal sa atin,” wika niya.
Kaya mas lalo tuloy akong naluha. Sa hinaharap ba, may mga taong ganoon sa akin? Bakit pakiramdam ko wala?
Bumitaw naman siya, “Sandali nga lamang. Narito ka ba upang umiyak?” natatawang aniya kaya natawa ako ng konti at mabilis na pinahid ang mga luha ko.
“Isa pa, ngayon lamang kita nakitang umiyak,” lahad niya saka pinahiran ang luha ko sa pisngi.
Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niya, “Talaga? Hindi ba ako umiiyak dati?” usisa ko.
Mabilis naman siyang umiling, “Hindi. Lagi ka lamang na seryoso at minsan pa ay magkarugtong na ang iyong mga kilay,” sagot niya, kaya bahagya akong natawa.
Ganoon? Mukhang may galit naman talaga yata si Kristina sa buong mundo. Pero kasi, kapag isa kang dalaga ay nararapat na palagi kang nakangiti, dumadagdag iyon sa pisikal na kagandahan at iyon din ang nararapat.
“Hindi ko nababatid kung paano ka tinitiis ni Dueña Hilda,” naalala ko na naman tuloy ang babaeng labis na pinandirian ni Kuya Marco na hindi ko alam kung bakit.
“Bakit? Sino ba si Dueña Hilda?” usisa ko.
Binigyan naman niya ako ng tingin na may pagdududa, “Huwag mo nga akong linlangin, Martina. Nababatid ko ng sobra na siya ay iyong kilala,” natatawang aniya.
“Kayo pa nga ay malapit sa isa't isa,” pagpatuloy niya.
Napaawang naman ang bibig ko. Ano?! May kaibigan si Kristina na Hilda? Sino naman siya?
“Talaga?” hindi makapaniwalang usal ko.
Dahan-dahan niyang itinango ang kaniyang ulo. Kung ganoon, kailangan kong malaman kung sino iyang Hilda na iyan.
Inakbayan na ako ni Kuya at iginiya doon sa karwahe na nakaparada sa may dulo ng plantasyon ng kakawan.
“Uuwi na tayo. Malapit na rin ang pananghalian,” usal niya.
Mabilis naman na binuksan ng kutsero ang karwahe kaya tinulungan na ako ni Kuya papasakay doon.
Nilingon niya muna ang mga trabahador na nag-uusap sa tabi ng karwahe na mga kausap niya rin kanina pagdating ko.
“Kami ay uuwi na. Magtanghalian na rin kayo maya-maya. Ako ay babalik rito mamayang hapon, kukunin ko rin ang kopya ng mga iyan mamaya,” rinig kong pahayag niya.
“Opo, Senyorito. Maraming salamat,” tugon nila. Matapos niyon ay sumakay na si Kuya at umalis na kami, papauwi para sa nalalapit na tanghalian.
Alas tres na ng hapon nang makaramdam ako ng gutom. Itinupi ko na ang sulat na binabasa ko at ibinalik iyon sa kahon, sa ilalim ng kama. Bababa ako at kakain doon sa azotea.
Inayos ko muna ang damit ko at naglakad papunta sa pinto. Bahagya akong nagulat nang pagbukas ko nito ay siya ring paglagpas ni Ama sa aking kwarto, naglalakad papunta sa kanilang silid, sa dulo ng palapag na ito.
Bahagya naman akong pumasok pabalik at sinilip siya. Hindi ko talaga alam kung paano siya haharapin. Kapag nakatingin pa lamang ako sa kaniya natatakot na ako.
Wala naman kasi siyang pakialam kung anak ka niya o hindi, dahil kung galit siya galit talaga siya at wala na siyang pakialam kung nasaktan ka ba niya.
Mas malala siya ng sobra kay Lolo Alejandro. Kung iisipin, ninuno niya naman ito kaya hindi na dapat ipagtaka.
Nakita ko naman siyang lumiko sa pasilyo sa kaliwa. Iyon ay papunta sa kaniyang opisina na kahanay ng mga silid namin. Sa kaniya ang pinakadulo nito at nasa sulok. Nakangiwi akong lumabas ng silid at tinanaw ang dinaanan niya.
Kakausapin ko kaya siya?
Pero baka kasi papagalitan niya ako.
Magtatanong lang naman ako sa sitwasyon rito sa bahay eh.
Pero baka tadyakan lang niya ako palabas ng silid.
Gusto ko lang naman na magkaayos kami-sila ni Kristina.
Pero baka mage-espanyol na naman siya at hindi ko maiintindihan.
Gusto kong baguhin ang pananaw niya tungkol sa mga anak niya.
Pero baka pagsalitaan pa ako ng masama.
Haiiish! Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto kong maging maayos na kami sa lalong madaling panahon at baka iyon ang maging daan para walang kasalang magaganap sa pagitan ko at sa lalaking ipinagkasundo sa akin.
Bumuntong-hininga nalang ako at naglakad at binabagtas ang daan papunta sa aking kamatayan. Bawat yapak ko ay maririnig sa tahimik na palapag. Tensiyonado akong humahakbang sa dinaanan niya kanina.
Narating ko ang harap ng pinto ng kaniyang opisina. Nangangatog ang tuhod ko at malalim na hininga ang pinakawalan ko nang nilingon ko ang pintuan papalabas ng balkonahe sa gilid ko.
Hingang malalim, Chestinell. Ihanda mo na ang iyong sarili. Itinaas ko na lang ang kamay ko at may pag-aalangang kinatok iyon. Ganoon na lamang ang panlalamig ng buo kong katawan.
Gusto kong tumakbo paalis pero mistulang pinako na ang mga paa ko. Isa pa, baka hambalusan pa niya ako sa baston niya kapag ginawa ko iyon. Isipin niyang isip bata ako.
“Pasok.”
Isang malamig at may kalakasan na boses ang narinig ko mula sa loob. Bumilis ang tibok ng puso ko at nanlamig na ng sobra ang katawan ko. Tahimik akong napatili.
Gusto ko ng tumakbo paalis. Baka hindi na ako makakalabas pa ng buhay rito. Hindi pa ako handang mamatay. Parang mawawalan ako ng hininga kapag ihahakbang ko pa ang mga paa ko papasok.
Chestinell, ano na? Magpapakamatay ka ba?!
“Pasok.”
Nataranta na ako nang marinig ko pa uli ang boses na iyon. At ngayon may bahid na ito ng pagkainis at pagtitimpi. Gusto ko ng maiyak. Naiihi na ako sa kaba. Anak ng pechay! Tulong.
Sinabunutan ko muna ang sarili ko at nanginginig ang kamay na inabot ang hawakan ng pinto. Sobrang ramdam ko ang mabilis at malakas na tibok ng puso ko nang maramdaman ko ang lamig ng bagay na iyon. Sana naman makalabas pa ako ng buhay na walang galos at pasa.
Dahan-dahan ko na iyong pinihit at binuksan. Tumatambol sa loob ko ang aking puso habang inihahakbang ko ang aking mga paa papasok sa silid ng lagim.
Tahimik lang akong pumasok at isinara ang pinto. Nanatili akong nakatayo sa may pinto habang pinagmamasdan siyang nakaupo sa kaniyang mesa sa gilid ng silid, sa may gawing kanan ko.
Nagsusulat siya sa isang makapal na kwaderno na maihahalintulad na sa mga librong makakapal. Napakalawak ng kaniyang opisina. At lahat ng makikita ko ay kayumanggi.
Syempre dahil hindi pa masyadong uso ngayon ang makulay na mga bagay na halos gawing bahaghari na. Isa pa, pagmamay-ari ito ng isang matanda kaya ganito nalang ang desinyo. Pero wala pa naman yata si Ama sa 50, nasa 47 pa yata.
Nasa kanang bahagi ng silid ang kaniyang mesang makintab na gawa sa kahoy. Sa likod niya ay mga larawang nakapinta. Isa na roon, na nakalagay sa gitna ng lahat, ang kaniyang larawan. Nag-iisa siya at nakasuot ng amerikana at hawak ang kaniyang baston, habang nakatingin sa harap.
Sa gitna naman ng silid ay ang upuan niya at ng mga bisita. Isang lamisita na bilog ang nasa gitna at pinalilibutan ng mahahabang mga upuan sa bawat gilid nito. Nakapatong ang lahat ng ito sa isang napakalaking kulay kapeng alpombra.
Sa itaas nitong mesa, nakasabit sa kisame ang isang malaking aranyang nagbibigay liwanag sa buong silid. Sa dulo naman ng silid, katapat ng pintong kinatatayuan ko ay isang napakalaking lalagyanan ng mga libro. Puno ito ng mga libro. Hanggang sa kisame ang taas nito at ang lawak ay hanggang sa magkatapat na pader ng silid.
Sa gilid ng pintuan na katapat ng kaniyang mesa ay mga bagay na makaluma. May mga plorera, desinyo, mga inukit sa kahoy, at iba pa. Sa gitna ng lahat ng ito ay isang hanggang beywang na aparador at sa itaas nito ay isang kabayong nililok mula sa kahoy na may katabing isang halaman.
Mabuti at may isang buhay sa nilalang dito, noh?
Sa tapat ng kaniyang mesa, sa kaliwang banda ng silid, ay ang pinto papalabas sa balkonahe. Magkarugtong yata ito sa balkonahe na nasa labas ng silid ang pinto.
Nakabukas ang pinto kaya pumasok ang hangin na siyang nagpagalaw sa kurtina na nakasabit rito. Ang ganda ng kaniyang opisina, sopistikada at maaliwalas. Kaya lang ang may-ari, ang sama ng ugali.
Huminga nalang ako ng malalim at tahimik na naglakad papunta sa harap niya. Hindi naman kasi siya nagsalita o lumingon man lang sa akin pagkapasok ko.
Abalang-abala sa kaniyang ginagawa, parang si Kuya Lucio lang kanina. Eh kung gulatin ko rin kaya? Para makabawi ako ba. Ang sama niya kaya sa akin. Pagsalitaan ba naman ako ng mga masasamang mga salita. Tapos tatarayan pa ako. Siya lang ang may lakas ng loob na umaway sa akin dito sa buong mansiyon.
Pero huwag nalang, baka magkasa pa siya ng baril at barilin ako rito sa kinatatayuan ko. May nakita pa naman akong baril na nakasabit sa beywang niya dati.
Kung iisipin ko pa lang na gagawin ko ang panggugulat sa kaniya, nakasisiguro akong kamatayan ang bagsak ko. Ni kahit hindi pa ako nakakapagpaliwanag, baka nalagutan na ako ng hininga.
“Nasaan ang kopyang aking hinihingi sa iyo?”
Biglang tanong niya na nagpaigtad sa akin. Bumalik na naman ang bilis ng puso ko na nawala noong pinagmasdan ko sandali ang buong silid.
Teka, ako ba ang kausap niya?
Hindi nalang ako nagsalita dahil hindi ko naman alam ang tinutukoy niya. Baka naman kasi napagkamalan lang akong sina Kuya.
Tsaka isa pa, parang nawala yata ang dila ko na hindi ko na magawang makapagsalita at hindi ko na rin alam kung anong sasabihin ko.
Sinulyapan niya naman ako nang hindi ko siya sinagot at bumalik naman uli siya sa pagsusulat. Ngunit walang ni isang segundo ay lumingon uli siya sa akin. Dahil sa hindi inaasahang makita ako.
Napayuko muna ako bago ko itinaas ang tingin ko sa kaniyang mukha na siyang pinagsisihan ko. Nakatingin lang naman sa akin ang isang malamig, walang kaemo-emosyon at masama ang tingin na isang pares ng mata.
Medyo nagdilim na rin ang kaniyang ekspresyon at aura. Sobrang bilis na ng tibok ng puso ko. At mas lalo pa iyong lumala nang magsalita siya.
“Ano ang iyong ginagawa rito sa aking silid, Kristina?” gamit ang malamig niyang boses.
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro