Kabanata 6
Read more of Rej Martinez's stories on Patreon/Facebook group for $3 pledge or 150 PHP monthly membership on Facebook VIP group. Kindly message my Facebook account Rej Martinez to join VIP group. Thank you very much for your support!
Kabanata 6
Babe
Isang asendero ang Papa na umibig sa kay Tita Christine na galing naman sa isang simpleng pamilya. Unang tapak pa lang muli ni Papa rito ay nakuha na ni Tita Christine ang kanyang atensyon. Hindi na rin iyon nakapagtataka. Si Tita Christina na siguro ang pinakamagandang dalaga noon dito.
Nakangiti ako habang inaalala ang kuwento.
Ang sabi pa galing lang si Tita Christine sa mahirap na pamilya at nagtatrabaho sa lupain ng mga Aguirrezabal ang kaniyang mga magulang noong makilala siya ni Papa. At kahit halos tatlumpung taon din ang agwat nila ni Papa ay hindi iyon naging hadlang upang magustuhan din si Papa ni Tita Christine. Guwapong guwapo nga rin naman si Papa. Kahit pa nga sa edad na nito ngayon.
Ayaw din ni Donya Karmen, ang Mama ni Papa, kay Tita Christine noong una. Siguro dahil mahirap lang si Tita Christine. Pero sinuportahan sila ng Lolo, si Don Mauricio. Pinag-aral pa niya si Tita Christine kaya kahit paano nakapagtapos at nakakatulong din si tita sa kay Papa sa pagpapatakbo ng asukarera.
May mga mag-iisip siguro na kaya lang si Tita Christine nagpakasal sa Papa ay dahil sa yaman ng mga Aguirrezabal. Siguro ay dahil din sa layo ng agwat ng mga edad nila. Pero alam kong totoong mahal ni Tita Christine ang Papa. Nakikita ko iyon. At mahal din siya ng Papa. Nagmamahalan silang dalawa. Ang mga tao nga naman akala ba nila sila ikaw kung makapagsalita na para bang alam na nila ang nilalaman ng puso't isip mo. Nagbuntong hininga ako.
Naisip ko rin si Mami. Siguro ay hindi nga rin siya minahal ni Papa... Minsan lang silang nangyaring dalawa. At ayaw kong makaramdam ng kahit na konting selos kay Tita Christine dahil siya ang minahal ng Papa. Mabait sa akin si Tita Christine at maluwag niya rin akong tinanggap sa pamilya nila. Sinusubukan din niyang maging ina rin pati sa akin. At wala talaga akong masabi sa kabutihan niya. Alam kong natutuwa rin si mami kung nasaan man siya ngayon dahil totoong nag-c-care rin sa akin ang asawa ni Papa. Alam kong kuntento na siya roon.
"Manang, ano po ang nangyayari?" tanong ko nang naabutan sila ng iba pang mga kasambahay na parang may hinahanap.
Bumaling sa akin si Manang. Kakarating ko lang at hinatid ako ni Rad galing sa kanila. Hindi na kami natuloy sa pagbisita sa farm nila dahil nandoon sa kanilang mansyon ang mga magulang niya kaya doon na lang din muna kami. Ang bait pa ng Mama at Papa ni Rad sa akin. "Senyorita, ang Senyorita Karmen ay nawawala na naman." pagpapaalam nito sa 'kin.
"Po? Pinuntahan n'yo na po ba sa garden? Baka nandoon lang siya." sabi ko.
Baka ginamit na naman siguro ni Karmen ang backdoor ng mansyon para pumunta sa flower garden ng Mama niya. Mahilig si Tita Christine sa mga bulaklak kaya sadya talagang naglaan ng lupa ang Papa para lang sa kaniyang malaki rin na hardin dito sa hacienda. Natatakot lang naman kami na baka atakihin si Karmen ng sakit niya habang walang nakabantay sa kaniya gaya ngayon na tumakas na naman siya. Ang batang iyon talaga minsan ay matigas din ang ulo kahit pinagsasabihan na.
Nanguna ako sa pagpunta sa hardin. Sumunod naman sa akin sina manang. Doon nga namin nakita si Karmen na may kausap na kaedad niyang lalaki sa puting gazebo ng garden. Hindi siya nag-iisa at kasama niya iyong lalaking apo ni Governor Ledesma.
Nandito rin siguro sila ni Gov sa mansyon. Ang nalaman ko ay matagal na rin nakasuporta ang mga Aguirrezabal at Ledesma sa isa't isa. May mga pagpupulong nga rin ang Gobernador na rito sa mansyon nangyayari.
"Senyorita," tawag ni Manang Lucia sa kapatid ko.
Bumaling naman sa akin si Karmen. "Ate!" halos tumakbo pa siya patungo sa akin. Naging abala na rin yata ako kay Rad nitong nagdaang mga araw na hindi na tuloy ako nakakapaglaan din ng oras sa mga kapatid ko. Nagbuntonghininga ako at sinalubong din si Karmen ng yakap.
"Bored ka na naman siguro sa loob ng mansyon at wala pa ako kaya mo naisipang lumabas at tumakas? Akala nila ni Manang ay nagsesiesta ka lang sa kuwarto mo."
"Sorry, ate..."
Umiling ako. "Halika na nga."
Tinawag na rin ni manang iyong apo ni Gov. "Baka hanapin ka na rin ng iyong Lolo, Senyorito."
Tumango ito at sabay-sabay na kaming bumalik sa mansyon. "Ito nga pala si Elian, ate. Ang ate Stephanie ko." pakilala ni Karmen.
Ngumiti ako. "Hello, Elian."
"Hello, po." ngumiti rin ito at bumaling din kay Karmen at nagkangitian pa sila. Aba! Ang dalawang 'to...
Natuloy din kami ni Rad sa kanilang farm. Hindi na ako nagpahanda ng pagkain na dadalhin dahil ang sabi ni Rad ay mayroon na raw doon. Tinanong pa niya ako kung ayos lang ba na mamayang pananghalian ay sumabay kami sa mga trabahante ng farm nila sa pagkain. Tumango naman ako at walang problema iyon. Mukhang sanay si Rad makihalo sa mga nagtatrabaho sa kanilang farm. Kahit sa mansyon nga nila ay hindi na iba sa kaniya ang mga tauhan nila doon.
"Hi!" bati ko sa kaniya na may ngiti sa mga labi. Kakasakay ko lang sa shotgun seat ng sasakyan niya.
Sina Papa at Tita Christine ay abala sa asukarera kasama si Kuya Joaquin dahil harvest din. Si Karmela ay may pasok sa eskuwela at binabantayan naman nina Manang Lucia si Karmen na may klase rin mamaya pagdating ng private teachers niya. Homeschooled lang siya dahil nag-aalala nga sina Tita Christine kung papasok siya sa school gaya ni Karmela na wala namang sakit. Nagkausap na rin kami nina Papa tungkol sa pagbabalik ko sa eskuwela.
"Hey," ngumiti sa akin si Rad at nagsimula na rin sa pagmamaneho paalis ng mansyon.
Nag-uusap kami habang nasa sasakyan tungkol lang din sa farm nila. Excited na akong makita ang mga alaga nilang hayop doon. Puwede kaya akong sumubok manguha ng gatas sa mga baka nila? Nakakatuwa na kahit iniisip ko pa lang. "Nakaka-excite!" sabi ko pa.
Ngumiti lang sa akin si Rad. Medyo mahaba rin ang biyahe at malayo ang kanilang farm sa kanilang mansyon. Inisip ko pa nga na kung nasaan ang farm ay nandoon din ang mansyon ng mga Lizares.
May farm house sila ni Rad kaya roon muna kami dumiretso para sa malapit na ring oras ng tanghalian. May mga tao rin sumalubong sa amin. Ngumiti sa akin iyong babae na mukhang nanay na. "Stephanie, these are Aling Fe and her husband, Mang Kaloy." pakilala ni Rad.
"Hello po sa inyo." nakangiti naman akong bumati.
"Magandang hapon, Senyorita. Ang gaganda talaga ng mga anak ni Don Stefano." tukoy nito kay Papa.
Ngumiti ako. Kilala rin nila ang pamilya ko. Silang mag-asawa pala ang pinagkakatiwalaan ng pamilya ni Rad dito sa farm. Medyo malapit lang din daw ang bahay nila rito.
"Sasabay pa rin po ba kayo sa amin doon sa bukid, Attorney?" baling ni Aling Fe kay Rad. "Nag-aalala lang ako sa Senyorita at mainit pa ang araw sa labas." anito.
Maagap naman akong umiling. "Ayos lang, po. Walang problema." paninigurado ko naman sa kanila.
Tumango si Rad at ngumiti rin si Aling Fe. Sumakay na kaming muli sa sasakyan ni Rad patungo sa kung nasaan ang mga tao nila rito sa farm. May sariling service din sila nina Aling Fe at doon na sumakay dala ang dagdag pang mga pagkain na galing at mukhang niluto sa farm house. Mukhang marami rin iyon. Siguro ay dahil marami rin ang mga nagtatrabaho rito.
Pagkarating doon ay sunudsunod ang pagbati nila kay Rad. Nanlaki naman ang mga mata kong bumaling sa kasama ko. "Birthday mo pala?" nagulat ko rin tanong dahil hindi ko naman alam.
Tumango lang sa akin si Rad.
Nagpakawala ako ng hininga. "Hindi mo sa akin sinabi... Happy birthday!" bumawi na lang ako at malaki ang ngiting binati na rin siya.
Ngumiti sa akin si Rad. "Thank you." aniya.
Pinakilala na rin nila ako sa iba pang mga tauhan. May iba pang mga babae roon na gaya rin ni Aling Fe at mga lalaki. "Siya ang isa pang anak ni Senyor Stefano Aguirrezabal , si Senyorita Stephanie." si Aling Fe na pinakilala ako sa mga tauhan.
Mababait silang ngumiti sa akin. Nakangiti rin akong bumati sa kanila. Pagkatapos ay nagkayayaan na rin kumain. "Kantahan muna natin ng birthday song si Attorney Rad Lizares!" pinangunahan ko pa iyon.
Umiling lang si Rad sa tabi ko. Ngumisi ako at nagsimula na kaming kantahan siya ng happy birthday. Tumango si Rad at nagpasalamat pagkatapos. Umupo na rin kami roon at nagsimulang kumain.
"You want to use spoon and fork-"
Mabilis na akong umiling kay Rad. "Ayos lang. Marunong naman akong magkamay." ngiti ko sa kaniya. Lumaki rin naman ako sa hirap. Masarap din kayang kumain ng nagkakamay. Ewan ko basta parang mas nakakabusog kaysa naka-kutsara at tinidor.
Ngumiti sa akin si Rad at nilagyan pa ng pagkain ang plato ko. Nilagyan ko rin ang kaniya. Parang medyo tanga lang kaming pinggan ng isa't isa ang nilalagyan ng pagkain. "Kumain ka rin." sabi ko sa kaniya.
Pagbaling namin ay nakangiti na sina Aling Fe sa amin ni Rad. Medyo nahiya naman ako.
Nagkukuwentuhan din sila habang kumakain kami. Tungkol sa farm at mga hayop nila rito at tanim. 'Tapos ay bahagya rin nagbibiruan. Napapangiti ako at ang saya lang nila. Bumaling ako kay Rad habang abala pa ang iba sa mesang gawa sa kahoy sa mga pinagkukuwentuhan nila. "Bakit wala kang cake?" tanong ko kay Rad.
"Kailangan ba talaga na may cake kapag birthday?" tanong din niya.
Ngumiti ako. "Oo naman! Parang kulang kaya kung walang kahit cake. Wala ka na ngang balloons." sabi ko sa kaniya. "Alam mo si Mami noon kahit wala kaming madaming pera nagsisikap pa rin talaga siyang mabilhan ako ng cake at balloons sa birthday ko."
Ngumiti lang si Rad habang nakatingin din sa akin. Parang pinagmamasdan pa nga ako. Kaya medyo natitigilan din ako sa pagsasalita ay bahagya ang pagtikhim.
"Nagbebake rin yata si Tita Christine. Huwag kang mag-alala, igagawa kita ng cake mo, late na pero okay pa rin naman siguro. Magpapatulong din ako kanila Manang Lucia." sabi ko.
Ngumiti pa si Rad. "Thank you." aniya.
Ngumiti lang din ako at nagpatuloy sa pagkain. "Ang sarap naman po ng mga luto ninyo ." bumaling ako kanila Aling Fe.
"Nako, Senyorita, salamat naman po at nagustuhan ninyo." ani Aling Dolores nang nakita niyang kinakain ko 'yong kakanin na gawa niya.
Ngumiti ako.
Pagkatapos kumain ay medyo bumababa na rin ang araw. Nagpasya kami ni Rad na puntahan na ang mga hayop. Nahiwalay pa ako sa tabi ni Rad at tumakbo nang hinabol din ako ng isang kambing! Tumakbo ako ng tumakbo at maagap din akong sinundan ni Rad. Tumawa siya nang mahuli niya ako sa mga bisig niya, parang pinoprotektahan din ako mula sa kambing na kinuha na rin naman nina Mang Kaloy na bahagya rin napatawa sa nangyari. Napangiwi naman ako.
"Ang bilis mong tumakbo, ah." si Rad na parang inasar pa ako at mukhang natuwa rin talaga siya sa nangyari.
Bahagya akong napasimangot. "Hinabol niya kasi ako..."
"Tumakbo ka kasi." aniyang mukhang natutuwa pa rin.
"Hinabol nga ako ng kambing kaya ako tumakbo." sabi ko rin.
Ngumiti si Rad at tumango na. "Okay, come here. I'll show you more." bahagya niyang inayos ang medyo malaking sumbrero sa ulo ko. 'Tapos hinawakan na niya ang kamay ko para igiya ako.
Napatingin naman ako sa magkahawak naming mga kamay. Napangiti ako at kinilig.
Hanggang tuluyang bumaba na ang araw ay nilibot lang namin ni Rad ang farm nila. May ilang natutunan at tinandaan na rin ako tungkol sa mga hayop at mga tanim. Malaki rin pala talaga ang kinikita nitong farm. Supplier din sila sa bayan at iba pang mga karatig probinsya ng mga karne at iba pang mga nandito sa farm. Iniisip na rin ni Rad na mas palaguin pa ito at magproseso na rin ng mga produkto na galing sa mga hayop at tanim nila rito. Naisip ko rin magandang ideya nga iyon. Kung hindi lang din siguro siya abala sa mga kaso rin niya sa Maynila ay matagal na niyang nasimulan. Tingin ko nga ay mukhang ito rin talaga ang gusto ni Rad... Nakikita kong masaya siya kapag nandito siya kasama sina Mang Kaloy na nakatulong kay Rad.
"Attorney," dumating si Mang Mario na nakasama rin namin sa tanghalian kanina. Bumaling kami sa kaniya. "May naghahanap po sa inyo." anito.
Lumagpas din ang tingin ko sa babaeng bumaba ng sasakyan. Maganda ito at parang isang modelo sa tangkad at katawan. Ngumiti ito sa katabi ko at lumapit na.
"Rad, I miss you! Happy birthday, babe." yumakap at humalik ang babae kay Rad na mukha namang bahagyang natitigilan.
Napatabi naman ako. At nabigla rin sa nangyayari.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro