Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologue

Inilibot ko ang mata ko sa loob ng Quiapo Church.

Palibhasa hindi ako palasimba eversince kaya siguro parang ang awkward ng pakiramdam makakita nang mga malalaking rebulto ng mga santo at kung anu-ano pa.

Tapos dagdag pa yung ma-echo na pagdadasal at sermon nung pari. Pati ang chorus na pabulong na dasal nang mga sandamakmak na nagsisimba ngayon dito.

Biyernes kasi kaya raw maraming tao ngayon dito, sabi ni Vicky. Sya ang nagkaray sa akin dito.

Di na lang ako makaangal kasi sasamahan nya ako dun sa may-ari ng boarding house na inuupahan nya.

"Ama namin, sumasalangit ka..."

Ang creepy talaga nung ugong sa loob ng simbahan. Isang dahilan kaya di ako nagsisimba.

Napatingin ako sa cellphone ko. Malapit nang matapos ang misa. Mag-iisang oras na kami rito.

Nagugutom na ako. Galing pa kami ni Vicky sa shift namin sa trabaho. Nagtatrabaho kami sa isang sikat na department store. Doon kami nagkakilala.

Ako cashier, si Vicky sales lady.

Above minimum lang ang sweldo pero sa single na katulad namin, pwede na. Kailangan lang talagang magtipid para makabili rin kami ng mga luho namin.

Gaya ngayon, lilipat ako sa boarding house nila. Mas malapit kasi sa trabaho, at mas mura ang upa. Kahapon lang daw umalis yung isang boarder sa katabing kuwarto ni Vicky.

Kaya eto ako, kasama sya.

Nakahinga ako nang maluwag nung matapos na ang misa.

"Kain muna tayo, Vicky. Nagugutom na 'ko," sabi ko sa kanya paglabas sa simbahan.

"Sige. Dun tayo," turo nya sa isang kainan na nakakariton.

Hindi naman ako maselan tsaka mas okay nga ang ganito. Makakatipid kami.

May hinuhulugan kasi akong bagong laptop. Katatapos ko lang sa installment sa cellphone ko.

Ito ang isang bagay kaya magkasundo kami ng babaeng ito.

Pareho kaming mahilig sa mga kakikayan pero pareho rin kaming cowboy. Walang arte.

Pareho rin kaming may jowa. Ang pagkakaiba lang, lalaki ang akin, kay Vicky, tibo. At yung tibo ang ka-roommate nya.

Medyo siksikan dun sa kariton, pero keri lang. Alerto naman ako sa mga mandurukot at snatchers. Di ko nga nilalabas ang cellphone ko mula pa kanina.

"So, baks," simula ni Vicky habang kumakain kami. "Hindi mahigpit yung may-ari maliban sa usapang bayaran sa upa. Hati ang mga boarders sa bill ng ilaw at tubig. Asahan mo na na may may sasaway sa iyo kapag naiwan mong bukas ang ilaw o electric fan sa banyo o kaya sa sala. Kaya ikaw, matuto ka rin manaway."

"Mabuti kung ganun," sagot ko.

"Walang pake yung may-ari kung may mga bisita. Sa kabilang barangay sya nakatira. Yung inuupahan namin, bahay yun nung kapatid nya. Nasa abroad daw."

Napatangu-tango ako.

"Isa pa pala, kaya kita sinabihan agad. Minsan yung tatlong kasama natin sa bahay, nagdadala ng mga jowa nila dun. Anyway, dun naman sa mga kuwarto nila. Nagdadagdag na lang sila ng bayad sa ilaw at tubig, lalo na kapag dun nila pinapatulog."

Napaisip ako. So pwede ko palang papuntahin si Benjie dun.

Lihim akong napahagikhik sa sarili.

"Minsan, dun sila nag-iinuman. Minsan, pati kami. Medyo maespasyo kasi ang sala at kusina. Lahat ng kuwarto nasa itaas. Mukhang ayaw lang talaga mabakante yung bahay. Pinagkakitaan na lang. Ang totoo nyan, di yun mukhang boarding house. Up and down na bahay. Medyo luma lang talaga. Pwede kasi ang party-party dun. Basta kapag gabi, wag lang masyadong maingay at baka magreklamo ang mga kapitbahay."

"Aahh... kaya pala ayaw mong umalis dun," ngising tukso ko sa kanya.

Tumawa lang ito ng mahina.

"Pwedeng magluto dun. May LPG at kalan. Sharing din kapag naubos ang gas at kailangang bumili. Kanya-kanya tayong kaldero, pinggan, mga ganun. May iniwang ref si Madam Myrna, para sa mga boarders. Alternate kami sa paglilinis nun. Pag dun ka titira, siguraduhin mong may pangalan mo ang pagkain at inumin mo sa ref. Minsan kasi, kapag nag-iinuman ibang boarders dun, mga pasaway."

"Okay," sabi ko na lang.

Pero malamang, mas madalas akong magkakarinderya na lang, naisip ko.

"Vicky, ilang ba ang kuwarto dun?"

"Tatlo. Hhmm...bale apat pala, pero yung isang kuwarto, di pinauupahan. Parang storage room. Yun daw ang dating kuwarto nung kapatid ni Madam."

"Ilan ang boarders?"

"Pito. Ahm, yung isang room good for three people. Dun yung mga GRO. Yung sa amin ni Joey, good for three din pero ayaw namin nang ibang ka-share so bayad namin ang upa para sa isa. Yung uupahan mo, good for two lang. Yun ang pinakamaliit na room."

"Eh yung magiging roommate ko kung sakali?"

"Nagko-callcenter. Medyo tahimik yun. Di masyadong nakikihalubilo sa amin. Siguro, kasi nga panggabi sa trabaho. So, madalas, ikaw lang mag-isa pag gabi sa kuwarto nyo. Dumadating kasi yun mga seven or eight ng umaga. Tapos matutulog na. Minsan, di pa umuuwi. Malamang pumapag-ibig."

Natawa kami pareho.

"Tara na," yaya ko pagkatapos naming magbayad ng kinain namin. "Para kapag okay usapan namin nung Madam Myrna, empake na 'ko ng mga damit ko."

Ayoko na kasing magtagal sa inuupahan kong boarbing house. Namamanyakan ako dun sa lalaking may-ari. Ilang beses na naming nakitang binobosohan kami sa banyo. Tsaka, bastos makatingin.

Palibhasa, di kamanyak-manyak yung asawa nya.

Kapag nirereklamo naman naming mga boarder kay Misis, di kami pinapansin. Gumagawa lang daw kami ng kwento.

Napapakamot ako ng ulo kasi panay ang hinto namin sa mga nagtitindang mga vendor doon ng mga kung anu-ano.

Sa limang hinintuan namin, isang beses lang sya bumili.

"Baks, gagabihin tayo," paalala ko.

"Grabe naman 'to. Alas otso pasado pa lang."

"Hello! Pupunta pa tayo se'nyo sa Makati. Tapos, uuwi pa ako sa Pasig," sikmat ko.

"Halika na nga," sabi na hinila ako.

"Teka, dun ang sakayan. Bakit dito tayo dadaaan?" reklamo ko uli.

"Syempre, pupunta pa 'ko kay Manang," sabi pa na tila pinapaalala sa akin.

Muntik kong masapo ang noo ko.

Oo nga pala, kaya sya dito nagsisimba once a month, nagpapahula kasi sya. Walang kinalaman ang Quiapo Church o ang relihiyon!

Napatirik na lang ako ng mata.

Ang inaasahan kong dadatnan eh, parang tent type na pahulaan, Tapos merong bolang crystal at kung anu-ano pang mga abubot na karaniwan sa manghuhula base sa mga napapanood ko sa sine at tv. Yung tipong gypsy style, pero nagkamali ako.

Si Manang na sinasabi ni Vicky, nasa edad mid-fifties to sixties. Nakasuot nang lumang blouse at maalikabok sa slacks na halatang luma na rin. May maliit na mesa sa tapat nito at isang estante nang kung anu-anong ugat at mga botelya.

Vendor din pala nung mga pamparegla at mga herbal medicine kuno, gaya nung ibang matatanda dito.

Napabuntung-hininga na lang ako.

Napangiti agad yung matanda paglapit namin. Halatang kilala nya si Vicky.

"Oy, suki," ang bati.

Sabi ko na nga ba!

"Tinapos ko na agad yung nagpapahula sa akin dahil alam kong parating ka na," dugtong pa.

Siniko ako ni Vicky nang pasimple. "Sabi ko sa 'yo, magaling si Manang eh."

Buti napigilan kong mapatirik uli ang mata. Di ko na kinontra.na natural yun sa mga katulad ni Manang na mambola ng regular costumers.

Naupo agad ang kasama ko sa tapat ni Manang. Kaya lang medyo na-conscious ako dahil yung matanda sa akin nakatingin.

Napatikhim tuloy ako at naupo na rin sa tabi ni Vicky.

"Nagmamadali ang kasama mo, Victoria," malumanay na sabi ni Manang. "Kunsabagay, may punto sya. Mas malayo ang bahay nya."

Napatingin ako sa matanda. Si Vicky, napahagikhik.

"Ano'ng masasabi mo, baks?" tukso pa sa akin.

Nagkibit lang ako ng balikat. Nagkataon lang yun. Saka, malamang nabasa nya sa mukha ko na naiinip ako at nagmamadali. At madali na lang ang isipin na malayo ang bahay ko kaya ganun ang ekspresyon ng mukha ko.

Di ako mapakali nung habang nagbabalasa si Manang ng tarot cards, ilang beses syang tumingin sa akin.

Nung binabasa na nya ang tarots para kay Vicky, napaka-common ng mga sinasabi ni Manang. Para lang akong nakikinig sa horoscope of the day.

Walang special at specific.

Ay, ano pa nga bang aasahan ko? Ito lang si Vicky eh. Nagpapaniwala sa mga ganito.

Nag-abot si Vicky dito ng one hundred pesos, pero nung patayo na kami,

"Ineng, ikaw? Ayaw mo ba?"

Umiling ako, "Pasensya na po, Manang. Di po kasi ako naniniwala sa hula. Kaya nga po hula, di ba? Pwedeng mangyari, pwedeng hindi."

Siniko ako ni Vicky.

Pero ngumiti lang yung matanda., "Alam ko naman na di ka naniniwala. Pero, subukan mo lang. Walang bayad."

"Eh..."

"Sige na, baks," pilit ni Vicky. "Malay mo, mapatunayan mo dyan na talagang  may ibang babae si Benjie."

Dun na talaga ako napatirik ng mata. Ayaw nya sa boyfriend ko. Ang dahilan nya, yun daw na nanliligaw sa aking isang customer namin ang dapat kong patulan. Kasi pogi.

Sarap batukan. Mahilig sa pogi, pero ang jowa nya, tibo!

Kapipilit nito, napa-oo na lang ako.

Nagulat ako na hindi tarot ang ginamit ni Manang.

"Akina'ng kamay mo," ang sabi. 

Inabot ko naman. Pinisil-pisil nya muna yun bago tinitigan ang palad ko.

"Umalis ka sa probinsya nyo dahil may matindi kang sama ng loob sa isang kapamilya," simula nya.

Na-tensyon ako. Di ako nagkomento.

Hindi kasi alam ni Vicky ang tungkol doon.

"Mas magandang umuwi ka na, ineng. Ilang taon ka nang sadyang hindi nakikibalita sa inyo. Nag-aalala na ang mga kapamilya mo."

Napatiim ako ng bagang.

Imposibleng alam nya yun!

"Tama, umuwi ka na lang. Wag mo na ituloy ang paglipat ng matitirhan..."

Nagkatinginan kami ni Vicky.

"Nakikita ko ang isang bahay na may makitid na hagdan..." kumunot ang noo nito. "Hhmm.. paikot na hagdan?"

Naramdaman ko ang pagkalabit ni Vicky sa hita ko.

Saglit ko syang tiningnan. Nanlalaki ang mga mata ng kaibigan ko.

Binitawan ni Manang ang kamay ko, "Umuwi ka na sa inyo, ineng."

Di ako kumibo. Gusto kong mainis sa sinasabi nya. Wala naman syang alam sa pinaghihinanakit ko. Ang natumbok nya lang, umalis ako dahil sa matinding sama ng loob.

"Sige, Manang, salamat po," si Vicky na ang nagpaalam.

Papatalikod na kami nung tawagin ako ni Manang, "Aurora, kung hindi ka uuwi, umiwas kang lumipat sa bahay na may pulang kabinet."

Hindi ako lalo nakapagsalita.

Kahit si Vicky, naramdaman ko ang pagka-tense ng braso kung saan ako nakahawak.

"S-sige po. Salamat," sa wakas ay nasabi ko.

Wala kaming imikan ni Vicky.

Nasa jeepney stop na kami nung magsalita sya, "Baks, hindi ko maalalang nagtawagan tayo sa pangalan kanina mula nung tumuntong tayo dito sa Quiapo."

Tumango lang ako. Ayoko nga kasing isipin.

Napaka-skeptical kong tao. Hindi ako nagpapaniwala sa mga ganyan. Pati nga sa relihiyon at laman ng Bibliya, may pagka-skeptical ako.

Kaya lang, si Manang kasi.

Yung Aurora, maliban sa mga legal na dokumento sa paaralan at trabaho, sa probinsya lang ako tinatawag na ganun. O kaya Auring.

Walang tumatawag sa akin ng Aurora kahit sa trabaho. Sa Rory ako kilala mula nang lumuwas ako ng Maynila. Yun kasi ang mas cool na palayaw kesa sa Auring. Kahit si Vicky, Rory or yung regular naming tawagan na Baks lang.

Ayokong mang maniwala sa warning ni Manang, di ko maiwasang kabahan.

"May pula bang kabinet sa boarding house?"

"Hhmm.... Wala. Kahit sa malaking kuwarto, puti ang mga pintura ng mga built-in cabinet."

"E di tuloy ako sa paglipat."

"Baks," kalabit uli nya. "Yung hagdan sa boarding house, gawa sa bakal. Makitid na paikot."

================

Don't forget to comment and vote!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: