Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

7


Tatlong araw nang di nakakapasok sa trabaho si Vicky. At sa loob ng mga araw na nasa boarding house lang sya, palagi itong nagpaparinig sa akin. Sa ginagawa nya, nainis na rin sa kanya ang tatlong GRO nang palihim.

"Ganyan pala ugali nyan," si Glenda. Madaling-araw yun na dumating sila. Bumaba ako para kumain uli. Lagi akong nagugutom. "Gagawan ka ng kuwento kapag galit sa iyo."

Kung alam nila na kahit hindi, sa loob-loob ko. Hindi ko na lang sinabi. Mas tamang sila ang makakita nang ganoong ugali ni Vicky.

"Naku, ganyanin nya ako, ewan ko na lang," sabat ni Rose.

"Ipagpipilitan nya pa talaga hanggang ngayon. Eh tatlo kaming magpapatunay na di lumapit sa hagdan itong si Rory," dugtong ni Glenda.

"Hayaan nyo na. Alam naman natin ang tot—"

Di ko natapos ang sasabihin ko. Napatingin ako sa ilalim ng hagdan.

Kaya ganun din yung tatlong babae.

"O bakit?" si Shiel.

"Di nyo ba naririnig yun?" sabi ko.

"Alin?"

"Parang ano... parang may tumutuktok sa dingding."

Saglit kaming tumahimik.

"Wala naman," si Rose.

Di na lang ako umimik. Sigurado ako sa narinig ko. Ilang beses ko na yung narinig nitong nakaraang araw.

Sabay-sabay na kaming umakyat. Hindi pa rin kami nagpapatay ng ilaw sa baba. Iwas na rin na magkatakutan pa kami uli. Wala namang reklamo si Nat nung sabihin namin yun.

Nakakasuya lang na sa trabaho, may usap-usapang nakarating sa akin gaya ng bintang ni Vicky.

"Yun talaga ang balita dito, Rory," sabi ng kapwa ko cashier. "Di lang masyadong vocal ang mga tao dito dahil dun kasi nga senior cashier ka na. Pero kapag nakarating yan sa management, baka maudlot ang chance mo sa ma-promote as head cashier. Ang malala nyan, baka alisin ka dito."

Medyo nag-alala ako. Kailangan ko ang trabaho. Lalaki ang gastos namin ni Benjie kapag nagka-baby na kami. Kaya nagdesisyon akong magsalita na. Pinaliwanag ko ang totoong nangyari.

"Andun ang dalawa naming boardmates at boyfriend ko. Lahat sila, sinabi kay Vicky na nasa may dining table kami kasi nga hilo at nanlalambot pa ako nun sa morning sickness ko. Boyfriend ko nga ang unang tumulong sa kanya pero hinawi nya lang."

"Yun naman pala. Baka nadulas lang sya, tapos naghahanap nang maibabatong panira sa iyo. Ganyan yan eh. Kaya nga di ko pinagkakausap si Vicky dahil sa ginawa nya dati sa akin."

"Naku, dapat nga, ikaw ang magreklamo. May mga nakakita sa kanya na sinampal ka sa employees' exit. Yung nangyari sa inyo, malayo sa trabaho. Kung may issue sya, dapat sa barangay sya magreklamo. Bakit di nya gawin?" sabi nung isang senior sales lady na kasabay ko ring mag-lunch.

Nagkibit-balikat lang ako.

"Kasi alam nyang nagsisinungaling sya," gatong uli nung senior cahier. "At may magpapatunay nun. Ewan ko naman kasi sa iyo, Rory, kung bakit di ka dumistansya dyan. Pinagsabihan ka na namin noon."

"Hayaan nyo na sya. Matanda na si Vicky. Alam nya ang tama at mali," sabi ko na lang.

Nang uwian na sunduin ako ni Benjie, sinabi ko yun sa kanya.

"Tama lang na ipagtanggol mo ang sarili mo. Pupunta ako sa office nyo para tumestigo kapag ganun ang nangyari. Tingin ko naman, tutulungan ka rin ni Nat at ni Glenda. Masuwerte yang si Vicky at babae sya. Kung naging lalaki yan baka masuntok ko," asar nyang sabi.

Naghahapunan kami noon sa isang disenteng karinderya. As usual, may melon shake ako.

"Basta, wag mo na patulan. Ako na ang bahala," sabi ko na lang.

"Wag ka lang nya uling sasaktan. Lalo na ngayon na buntis ka."

Napangiti na lang ako sa kanya.

Pagdating sa boarding house, nasa sala sina Joey at Vicky. May dalawa ring babae doon. Isang nasa katanghaliang edad at isang matanda na.

Base sa dinatnan namin, mukhang nagpapatawas si Vicky. May tinutunaw kasi na kandila sa isang kutsara yung matandang babae, tapos may plangganitang may tubig sa center table.

Gusto kong mapailing. Imbes na bumalik sa doktor dahil dalawang araw na syang nilalagnat at namamaga na talaga ang bukung-bukong nya. I mean, nagpa-doktor lang sya dahil dinala ni Joey ang medical certificate nya sa admin office namin kahapon.

Tahimik lang kaming pumasok ni Benjie. Ayaw naming madagdagan ang istorbong nilikha nang pagpasok namin sa gate at pinto. Mukhang nag-oorasyon kasi yung matanda na tila sobrang seryoso dahil sya lang ang di tumingin sa amin pagpasok.

Nauna si Benjie sa kusina. Tumunog ang swing door.

"Mahabaging langit!" biglang sabi nung matanda kaya napalingon ako.

Nakatingin sya sa direksyon ko. Nanlalaki ang mata.

"Ano yun, babe?" sumungaw si Benjie sa sala.

"E-ewan ko."

"Ikaw," sabi sa akin nung matanda.

"Po?"

Tumayo yung matandang babae. Akala ko nung una, lalapitan ako. Gusto ko sanang kabahan, pero sinimulan nyang ligpitin yung mga gamit nya nasa center table.

"Manang, teka lang," sansala ni Vicky. "Uuwi ka na?"

Walang sagot sa matanda. Pati yung kasama nito, nagtaka rin pero tumulong na rin sa pagliligpit.

"Uhm, iha, aalis na kami," ang may pagmamadaling sabi.

"Eh hindi pa kayo tapos," sabat ni Joey.

Tiningnan ako nung matanda uli. Bigla akong kinabahan na di ko mawari. Tapos bumaling kay Vicky.

"Huwag mo syang aawayin," ang turo sa akin.

"Ha?" sabay pa naming sabi ni Vicky.

"Siya ang dahilan nang nangyayari sa iyo."

"Sinasabi ko na nga ba!" tumaas ang boses ni Vicky.

Tumalim din ang mata ni Joey.

"Teka lang ho? Bakit ako?"

Sumingit na rin si Benjie, "Hindi po yan inaano ng girlfriend ko. Si Vicky pa nga ang nanampal."

"Basta! Basta! Aalis na kami," paalam nung matanda. "Wag ka na mag-abuloy. Ayos lang."

"Sandali lang, Manang. Kailangan ko ng patunay. Magrereklamo ako sa barangay. Kita nyo naman ang nangyari sa akin," awat ni Vicky.

Napahumindig ako sa narinig.

Ano yan? Pwede bang basehan ang sasabihin ng magtatawas sa ganoong reklamo?

"Humingi ka ng tawad sa kanya. Baka sakali, gumaling ka. Lalo na yang paa mo," bilin nung matanda.

"Teka muna. Ang labo eh," sabi ko na.

Saglit akong tiningnan nang matanda. Parang tinitimbang pa ang sasabihin. "May bantay ka, iha."

Nag-iba ang tempo nang pagtibok ng puso ko.

Hindi! Hindi ako naniniwala sa gustong tumbukin ng magtatawas.

Napakapit ako sa braso ni Benjie na bumalik na sa sala.

"Binabantayan ko ang girlfriend ko pero di ko para patulan si Vick—"

"Hindi ikaw ang sinasabi ko," putol nito kay Benjie.

"E sino?" si Vicky, although may nabakas akong takot sa boses nya.

Bago makasagot yung matanda, may narinig kaming pababa sa hagdan. Nagmamadali.

Si Nat. Off nya nga pala ngayon.

Sumilip sya sa sala. Natigilan si Nat at yung matanda nang magtama ang mata nila.

"Basta! Aalis na kami!" paalam uli nila.

"Manang!" tawag uli ni Vicky.

"Tanungin nyo sya," turo nung Manang kay Nat tapos lumabas na sila.

Lahat ng mata namin, napunta kay Nat.

"Oh, bakit ako? Kabababa ko lang," ang sabi nya.

Ayokong magtanong. May kakaibang kaba na gustong gumapang sa dibdib ko.

"M-may bantay raw si Rory," sabi ni Vicky. "Alam mo raw?"

Natigilan si Nat. Hindi ko alam kung dahil sa tanong o dahil narinig nya rin ang naririnig ko ngayon. Lumingon kasi sya saglit.

May tumutuktok sa dingding, galing sa kusina. Mahina lang pero, sigurado ako.

Tila hindi naririnig ng mga kasama namin yun. Naghihintay sila sa sagot ni Nat.

Nagbuntung-hininga si Nat, tapos itinuro si Benjie, "E di yan."

"Hindi raw ako, Nat."

Bumaling ang babae kay Vicky, "Ano'ng bilin nung matanda sa iyo?"

Napangiwi si Joey na syang sumagot dahil di nagsalita ang tinanong, "Mag-sorry daw sya kay Rory."

"Gawin mo. Baka sakali. Siguraduhin mo lang na totoo sa loob mo."

Napasimangot si Vicky. "Hindi mo naman sinagot ang tanong."

"Wala naman akong dapat ipaliwanag sa 'yo. Ikaw gumagawa ng issue dito," pambabara sa kanya ni Nat.

Tumikhim ako, "Nat, wala ka bang lakad?" pag-iiba ko sa usapan.

Nagkibit-balikat sya, "Wala ng jowa, ganda. Tsaka, ano, dito muna ako para samahan ka."

Napakunot-noo ako. May laman ang sinabi nya.

"I mean, in less than three weeks, kasal nyo na. Baka ma-miss kita pag-alis mo," hinaluan nya ng biro.

Sinadya nya yun, sigurado ako. Para ba gumaan ang atmospera namin o itago ang totoong ibig nyang sabihin?

"Saan ka ba pupunta?"

"Bibili ng food. Nagugutom ako. Sama ka?" biro nya uli.

"Hindi, aakyat na ako."

"Oh sya. Baka sa karinderya na ako kumain. Kahit dun muna kayong magjowa sa itaas. Basta wag kayo sa kama ko magpapagulung-gulong," natatawa nyang sabi.

"Sira!" natawa rin kami ni Benjie.

"Nat..." tawag ni Vicky sa kanya.

"Ano? Magpapatulong kayo umakyat? Ayan si Benjie oh. Magpabuhat ka," ang sagot ni Nat bago lumabas sa pinto.

Ilang segundo kaming nagkatinginan nina Vicky.

Nakaramdam ako ng awa sa kanya. Medyo hirap kasi syang lumakad. Struggle ang pag-akyat sa hagdan dahil magkasingtangkad sila ni Joey pero mas malusog si Vicky.

Si Benjie ang unang nagsalita nang maramdaman nya ang pagpisil ko sa braso nya. Alam nya ang ibig kong sabihin.

"Magpapatulong ba kayo?"

"Hindi na! Kaya namin," tanggi nila.

Kaya umakyat na kami.

Kesa ungkatin uli ang nangyari kanina sa ibaba, mas pinili naming pag-usapan ni Benjie ang tungkol sa civil wedding namin. Lampas dalawang linggo na lang mula ngayon.

"Wag mo na alalahanin yung gastos. Kaya ko naman kahit yung kasal natin sa simbahan. Saka konting salu-salo lang naman yun. Dalawa lang ang inimbitahan mo sa trabaho. Tapos sila dito sa boarding house. Si ate at pamilya nya, tapos tatlong kasama ko lang sa trabaho."

May kakaiba kasi akong nakikita sa pagdadahilan ni Benjie. Biglang gusto nyang magpa-resto na lang kami. Though may katotohanan ang sinabi nya dahil malaki ang ipon ni Benjie. Praktikal sya at di maluhong tao.

"Babe, nag-volunteer na sina Shiel ang magluluto para sa pagkain. Nakakahiya naman. Excited yung tatlo na mag-offer. Yun na nga raw regalo sa atin," sabi ko. "Kasya naman tayo dito."

Pabuntung-hininga siyang pumayag.

Narinig pa namin ang pag-akyat nina Vicky at Joey na halatang hirap. Medyo nagtatalo kasi sila.

Umalis lang si Benjie nung bumalik na si Nat.

Natutukso man akong magtanong, pinawalang-bahala ko na lang.

Iniiwasan ko ang negatibong pakiramdam. Hindi healthy para sa amin ni Baby.

Dangan lang, pagtulog ko nang gabing yun, napaginipan ko na naman yung nakakulong ako sa parang box na sementong may pulang pintura. Di ko alam kung kailan pero napanaginipan ko na ito.

Ang pagkakaiba, may nadagdag.

May naririnig na akong sumisigaw na babae na may kasamang paghagulgol. Humihingi sya ng tulong.

Nanlaki ang mata ko nang maintindihan ang sinasabi nya.

May sunog ngang nangyayari!

Alam ko namang panaginip lang ito, yet takut na takot ako. Ramdam ko kasi ang init sa paligid. Init na papatindi. Isama pa ang makapal na usok na pumapasok sa maliit na siwang nang maliit na pinto sa ulunan ko.

Hirap na inangat ko ang kamay ko para itulak yung pinto. Napaso ako. Gawa pala yun sa bakal. Binawi ko ang kamay ko.

Kaya lang, sobrang mausok na talaga at mainit. Hindi na ako makahinga. Pikit-matang tinulak ko uli yung bakal na pinto. Ang nag-iisang daan palabas dito.

Ang sakit na ng kamay at mga daliri ko. Sigurado akong puro paso at sugat na yun. Namamanhid na nga yata. Mas iniisip ko ang pangangailangan ko ng hangin. Mamamatay ako dito!

Saka ko naalala.

Binawi ko ang kamay ko at nagkonsentra.

Panaginip lang ito, Aurora! Gumising ka!

Binabangungot ako, sigurado. Hindi ko magawang gisingin ang sarili ko.

Kailangang pagdilat ko, gising na ako. Nagbilang ako sa isip hanggang tatlo.

Pagdilat ko, nasa loob pa rin ako nung sementadong butas.

Sobrang init na dahil pumasok na ang apoy.

Teka, paanong... bakal at semento pero nagbabaga ang---

Kahoy ba talaga o semento?

Nagbakasakali ako. Panaginip ito, natural na magulo!

Ang pinto. Makakalabas ako dahil rurupok yun sa apoy. Bahala na! Hindi na talaga ako makahinga.

Nanlaki ang mga mata ko ng makita ang kamay ko pag-angat noon.

Ang mga sugat ko doon, lalo na sa dulo ng mga daliri, nakita ko na ito!

"Rory!"

Hingal na hingal akong napadilat.

Si Nat, nag-aalalang nakadukwang sa akin.

Ginigising nya ako.

"Ayos ka lang?"

Umiling akong bumangon. Sapo ko ang bibig.

"Rory!" tawag nya kasi lumabas ako.

Tumakbo ako pababa. Hindi ko na inabalang mainis na patay ang ilaw sa baba. Baka nawala sa isip nina Shiel pag-akyat.

Dumiretso ako sa banyo. Alam kong nakasunod lang si Nat.

Hinihimas nya ang likod ko habang nagsusuka ako.

"Upo ka lang dyan," sabi nya paglabas ko sa banyo at pinaupo ako sa dining. "Ikukuha kita ng tubig."

"Pasensya na," hingi ko ng paumanhin pagkainom.

"Ungol ka kasi ng ungol kaya ginising kita."

"Ano kasi...tsk!" napakamot ako sa batok, "Di ko alam kung paano ipapaliwanag."

"Ang...?"

"Yung ano... yung panaginip ko. Alam kong panaginip lang pero ramdam na ramdam ko kasi lahat. Tsaka ang alam ko, napanaginipan ko na yun. Di ko lang maalala kung kailan."

"Anong...panaginip?"

Naihilamos ko ang palad sa mukha, "Para akong nakakulong sa sementadon--"

Ayun na naman yung parang may tumutuktok na kung ano sa dingding.

Nanigas ang leeg ko. Pati si Nat natigilan. Narinig nya rin!

Tapos tumingin lampas sa akin.

Tumayo ang balahibo ko sa batok. Lalo't nag-krik yung swing door.

Nahigit ko ang hininga, tapos bumukas ang pinto sa sala.

Sabay pa yata kami ni Nat na pasimpleng napabuga ng hangin sa bibig nang,

"O, anyare?" si Shiel.

Kadarating lang nila.

Kumunot ang noo ko.

Ngayon pa lang sila dumating ibig sabihin...

"Nat..." tawag ko na binalewala ang tanong. Nung nilingon nya ako. "Iniwan mo bang bukas kanina. ang ilaw dito?"

Hindi ako sigurado kung hindi sya sumagot dahil na-distract sa pagdating nang tatlong babae o binalewala nya talaga ang tanong ko.

"Bakit gising ka pa, buntis? Bawal sa iyo magpuyat?" pabirong sita ni Rose.

"Nagsuka yan. Sinamahan ko dahil baka madapa eh biglang humangos pababa," si Nat.

"Ay, mega-early morning sickness!"

Hindi nagbanggit si Nat sa totoong dahilan kung bakit gising kami. O baka--

Nagkatinginan uli kami ni Nat. Kaming dalawa lang talaga ang nakakarinig.

Kasi ayun na naman yun tunog sa dingding, tapos tuloy lang sa daldalan ang tatlo!

Nag-iwas agad ng mata si Nat. Nung magpaalam kaming aakyat, nawalan na ako ng pagkakataon dahil nahiga agad sya at pumikit. Nahiya na akong magtanong since naabala ko ang pagtulog nya.

O maaring subconsciously, ayoko na ring alamin. Dahil...napabuntung-hininga uli ako mula sa pagkakahiga.

Lampas isang linggo pa uli ang lumipas, hindi pa rin nakakapasok si Vicky. Walang pagkakataong magkita kami. Lagi lang sya sa kuwarto. Nakita ko nga na matiyaga siyang inaasikaso ni Joey na alternate na araw ring hindi pumapasok sa trabaho. Bumili na nga ng arinola dahil di na basta makakababa si Vicky.

Nag-aalala na ako, kahit sina Shiel.

"Nakausap ko si Joey kanina," pagbabalita ni Glenda. "Di naman daw umeepekto yung antibiotics na nireseta nang doktor. Pabalik-balik pa rin ang lagnat ni Vicky. Tsaka parang lalong ano, yung paa nya, namamaga na tapos nagnanana pa."

Nagtatanghalian kami noon. Saktong off namin. Si Nat, tulog galing trabaho.

Alam ko yun. Narinig kong usap-usapan kahit sa trabaho. Nagpa-confine si Vicky nang limang araw pero walang improvement. Hindi malaman ng mga doktor ang sakit nya maliban sa infection. Di naman daw siya diabetic para mamaga ng ganun. Pinili nilang lumabas na lang at ituloy ang gamutan sa bahay dahil lumalaki ang bill nila sa ospital. Naubos ang kakaunti nilang ipon ni Joey. Hindi sya makahingi ng tulong sa mga magulang na hirap din sa buhay.

"Si Vicky ang nakausap ko nung dalawin ko sa loob ng kuwarto nila," singit ni Rose. "Kinausap daw nila si Nat kasi sabi nga nung pinapunta nya ditong magtatawas, alam daw ni Nat. Pero walang sinabi yung ka-roommate mo, Rory. Maliban sa subukang gawin ang bilin nung matanda. Ano ba kasing pinapagawa sa kanya?"

"Ah eh..." nagdadalawang -isip ako.

Baka kung ano'ng isipin nang tatlong ito. Base sa mga nakaraang kuwentuhan namin, walang sinabi sa kanila si Vicky. Parang alam ko kung bakit.

"Uy, Rory!" untag nila.

"Kasi, ano... sabi nung matanda mag-sorry daw sya sa akin."

"Ah malabo! Mataas ang pride ni Victoria," si Shiel.

Natumbok nya ang dahilan na iniisip ko.

"Teka muna, Rory," sabat ni Rose. "Bakit kailangan nyang gawin yun? Ano'ng kinalaman mo dyan?"

"Oo nga. Bakit nga ba?" segunda nung dalawa.

Nagkibit-balikat ako. "Malay ko."

"Mangkukulam ka ba?" biro ni Glenda.

"Hala sya!" natatawa kong sagot.

Napaigtad kaming sabay-sabay dahil nag-krik yung swing door. Sabay natawa dahil bumukas ang pinto.

"'Morning, babe!"

Si Benjie. May dalang ubas at siopao. Ang bago kong pinaglilihian. Humalik sya sa pisngi ko bago bumati sa tatlo tapos naupo na rin.

Di pa umiinit ang inuupuan ni Benjie, may sumigaw mula sa itaas.

Si Vicky!

Kasunod ang marahas na pagbukas ng pinto. Si Joey naman. Humihingi ng tulong.

Napahangos kami sa itaas lahat.

"Ano'ng nangyari?" tanong namin.

Maging si Nat, nagising na rin.

"Tulungan nyo si Vicky," naluluhang sabi ni Joey.

Naunang pumasok ang tatlong GRO. Narinig ko na napa-'Diyos ko po!' sila.

Kaya di ko napigilang pumasok.

Kahit ako, napasapo sa bibig ko.

Yung pamamaga ng bukung-bukong, umabot na halos hanggang tuhod! At hindi na ito basta namamaga. Para itong nasunog!

"Wag kang lumapit sa akin!" sigaw ni Vicky habang umiiyak. "Ikaw ang may kasalanan nito! Malas ka!"

Lahat kami nabigla sa mga sinabi nya.

Ako pala ang tinutukoy nya.

Hinila agad ako ni Benjie palabas.

Napaiyak ako.

"Ano'ng alam ko dyan, Benj? Nakita nyo namang lahat, hindi ako ang nagtulak o humila sa kanya pahulog sa hagdan," naghihinanakit kong sabi. "At ngayon na lang uli ako nagtangkang lumapit sa kanya."

Niyakap ako ni Benjie. "Walang kang kasalanan, babe. Tama na. Wag ka nang umiyak. Makakasama sa inyo ni Baby."

Tapos nagsusumigaw uli si Vicky. Si Nat naman ang inaaway.

"May alam ka sa nangyari, Nat. Ayaw mong magsalita kasi mas kinakampihan mo si Rory?! Bakit di mo ipaalam sa akin ang tungkol sa bantay nya kung anuman yun?!"

"Teka, ano'ng bantay yun?" tanong nina Shiel.

"Nat...baka naman may maitutulong ka?" sabi ko sa pagitan nang pag-iyak. "Ayoko nang ganito."

"Sinabihan na si Vicky kung ano ang dapat nyang gawin. Inulit ko na rin sa kanya yun," ang tanging sagot ni Nat.

"Ano ba kasi yun?" nagtataka na sina Shiel.

"Dalhin na natin sa ospital si Vicky," suhestyon ni Glenda.

"Wala silang maitutulong," sabi ni Nat. "Si Vicky ang makakatulong sa sarili nya. Alam nya ang dapat nyang gawin."

"Sinungaling ka! Mangkukulam yang si Aurora!"

Napasapo na lang ako sa noo ko.

"Si Rory na nga ang lumalapit sa 'yo, ikaw pa ang may ganang itulak sya palayo," dugtong pa ni Nat.

Binulungan ako ni Benjie, "Magbihis ka, babe. Alis tayo."

"Ha?"

"Wag ka muna dito. Nai-stress ka."

"May pasok ka."

"Magha-halfday na lang ako. Dun ka muna kay Ate."

Labag man sa kalooban, pumayag na rin ako. Di naman kami magkaaway ng Ate ni Benjie. Yun lang, di ako at ease sa kanya. Sobrang relihiyosa at konserbatibo. Naiilang ako na palaging nagpi-preach with Bible verses pa kapag nagkikita kami. Lalo na nitong malamang buntis na ako. Naiilang ako since hindi rin ako palasimbang tao. Alam yun ni Benjie. Kaya nga hindi sya nagpipilit na dun ako tumira kasama nila kahit may sarili kaming kuwarto. sinabi kong after na lang ng kasal kapag umalis na yung umuupa sa bahay nya.

Pagkabihis ko, kalmado na si Vicky.

Tinulungan nang tatlong GRO si Joey na asikasuhin ang babae. Hirap na si Joey mag-asikaso dahil lumalala ang tantrums ni Vicky.

Palihim akong nagbigay ng pera kina Shiel nung marinig ko na walang pambili nang mataas na dosage ng painkiller para sa dati kong kaibigan. Kahit dun man lang, makatulong ako.

Halata ko rin na parang naiilang na sa akin ang tatlong GRO. Mukhang naaapektuhan na sila sa mga sinasabi ni Vicky.

Napapailing na lang ako. Kasi maging sa trabaho, may balitang ganun. May ilang parang nakukumbinsi na sa kung anong dahilan, ako ang rason kung bakit lumalala si Victoria.

"Tawagan o kaya i-text nyo 'ko kapag, ano, kapag kailangan na talagang dalhin sya sa ospital," bilin ko kina Shiel. "Kahit ako na ang sumagot. Wag nyo na lang sasabihin kay Vicky."

Hindi sila nagsalita.

Bumaling ako kay Benjie, "Kahit di na tayo magpakasal sa simbahan, babe. Kay Vicky na lang natin iambag."

"Rory..." nasabi nila.

Napaiyak ako sa palad. "Ayoko nang ganito. Glenda, andun ka nang malaglag sya sa hagdan. Alam mong hindi ako. Walang lumapit sa kanya. Pero ako'ng idinidiin nya. Kahit sa trabaho, ganun na rin ang iniisip nila. Ayokong pati kayo..."

Kinabig ako ni Benjie, "Tama na, babe. Makakasama sa inyo ni Baby."

"S-sorry..." ang tanging nasabi nung tatlo.

Sumabat si Nat, "Mataas kasi ang pride ng kaibigan mo."

Napatingin ako sa kanya. May laman ang sinabi nya. Pati ang mensahe na gustong iparating ng tingin nya sa akin.

May alam talaga siya!

Tumutulong ako sa Ate ni Benjie maghanda ng pagkain para sa hapunan, nakatanggap ako ng text galing kay Joey.

Lumukso ang puso ko sa nabasa. Nagmamadali akong nagpaalam sa Ate ni Benjie na uuwi na. Hindi ko na pinansin ang pagkalukot ng mukha nya, sa kabila nang sinabi kong may emergency sa boarding house.

Tinawagan ko na lang si Benjie.

"Dun na kita pupuntahan. Mag-iingat ka sa biyahe," ang bilin na lang nya.

Nagtaka ako na parang maraming tao sa sala papasok ako sa gate.

Tama ako.

Naroon lahat ng mga boardmates ko. At yung magtatawas na matanda.

"A-anong meron?" tanong ko. "Vicky?"

Umiiyak siya nang tahimik habang nakaupo sa sofa.

Hindi nagsalita ang kahit na sino.

Si Joey, inalis ang kumot na nakatakip sa legs nya.

Napasinghap ako.

Yung kaninang parang sunog sa paa nya na halos umabot lang sa tuhod, umakyat na hanggang hita!

===============

Don't forget to comment or vote!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: