4
"Wag mo na ngang isipin yun," bulong ni Benjie. "Matulog ka na, babe."
Magkatabi kaming nakahiga sa kama ko. Nakayakap sya sa bewang ko mula sa likod.
Actually, may dalawang oras na yata kaming nakaakyat.
Wala kaming ibang usapan matapos nyang i-dismiss kanina sa ibaba na baka nagkamali lang sya. Di kasi ako kumbinsido sa pagbawi nya sa sariling kwento dahil kitang-kita ko ang genuine nyang pagtataka at paglalahad kung ano ang nakita nya.
Alam ko, pinapatay ni Benjie ang issue. Kilala nya akong hindi mapagpaniwala sa mga superstition, yet napansin nya yata na may kakaibang kabog sa dibdib ko dahil sa kinuwento nya.
At ngayon, naramdaman nyang naba-bother pa rin ako kahit na,
"Gusto mo ba nang isa pang round para makatulog ka na talaga sa pagod?" pabiro nyang sabi.
Natawa na ako.
"Gagi!" sabay kurot ko sa palad nya pumipisil-pisil na naman sa boobs ko.
Loko talaga!
Kasi kaninang napansin nyang napapaisip ako nang malalim, nilandi-landi ako. Eh syempre, nagpalandi naman ako.
Expected na naman yun since dito ko sya pinatulog lalo't kakatanggap ko lang ng marriage proposal nya.
"Rory..."
"Hmm..."
"Wala pa ba?"
"Hindi ko alam, babe. Alam mo namang irregular ako."
Mahilig sa bata si Benjie. At ilang beses na syang nagpapahaging na gusto na nyang magkaanak. Kaya lang kasi...
"Bili tayo ng PT," suhestyon nya.
"Wala akong nararamdamang kakaiba sa akin, babe," tapos nagbuntung-hininga ako. "Tsaka... ayokong ma-disappoint tayo pareho kapag negative ang resulta. Dadating sya kung para talaga sa atin."
"Off mo sa isang araw, di ba?"
"Oo, pupunta kami ni Vicky sa DV para mamili uli," sagot ko.
"Tsk!"
"Bakit?"
"Naisip ko kasi, ayusin na natin ang papers natin para sa marriage license. Gusto ko, makasal tayo this month kahit sa huwes muna. Then, sa simbahan after three or four months para makapaghanda tayo."
Sumikdo ang puso ko. Humarap ako nang pagkakahiga sa kanya.
"Bigla ka yatang nagmamadali," pabiro kong sabi.
Huminga sya nang malalim,"Baka maagaw ka pa sa akin."
Hindi agad ako nakakibo. "Hindi ako pumapatol sa may asawa, Benj."
Ngayon alam ko na. Dati kasi, di sya nagbabanggit tungkol sa kasal. Pero yung baby, lagi nyang sinasabi. At wala namang kaso sa akin. Gustung-gusto ko na rin. Sa palagay ko, dala na rin sa nararamdaman kong pangungulila. Lalo na at next week, anibersaryo...
Tama na, Aurora! Makinig ka sa sinabi ni Benjie kanina na di dapat inaala ang ganung bagay.
"Mas mabuting pag dumalaw na tayo sa inyo, kasal na tayo, Rory."
"Wala pa akong balak bumalik."
"Kailangan, Rory. Magpakita ka na sa inyo uli. Sasamahan kita, bilang asawa mo. Sigurado ako, babalik sya. Ngayong alam na nya na nasa Maynila ka."
"Bayaw ko na sya, Benjie."
"Kayo dapat ang ikakasal. Huli mo lang nalaman na buntis ka na sa kanya."
Di uli ako nakakibo.
Hinaplos nya ang hubad kong likod at hinapit sa kanya.
"Babe, I'm sorry. Wala akong intensyong ipaalala sa iyo."
Kahit apat na taon na ang lumipas, alam nyang sensitibo pa rin sa akin ang lahat.
Oo, ex ko ang bayaw ko. Nobyo mula second year college. Unang nobyo at una sa lahat.
Limang araw matapos maaktuhan ni Papang ang dalawa na gumagawa ng milagro sa kuwarto ng kapatid ko, naging bayaw ko si Ray. Kinasal sila sa huwes. Minadali lahat. Gaya nang pagmamadali kong lumayo sa kanilang lahat. At makaraan nang isang buwan ang kasal naman nila sa simbahan. Nakunan ako sa mismong araw na yun dahil sa sobrang pagdadalamhati.
Dito ko na nga rin nalaman sa Maynila sa going two months na ang tyan ko. Mahina ang kapit ng bata at tuluyang nalaglag dala nang sensitibong pagbubuntis at emotional stress ko.
Sinolo ko ang lahat. Halos masaid ang savings ko dahil di agad ako nakahanap ng trabaho sa Maynila dala na rin ng kundisyon ko.
At sabi nung OB na nag-handle sa akin, mahihirapan na uli akong magbuntis.
"Benj, sigurado ka na ba talaga sa akin?"
"Suot mo na singsing ko, babe. Ano'ng klaseng tanong yan?"
Naiyak ako, "Paano kung hindi na talaga pwede?"
"Mag-aampon tayo. Pinag-isipan ko yan nang makailang ulit mula nung makita tayo ni Ray two weeks ago, Rory. Bago ako nag-propose sa iyo kanina."
Yumakap na ako sa kanya.
"Tsaka, gusto ko sa iisang bahay na tayo uuwi..."
Naiintindihan ko yun. Bago pa man maging kami ni Benj, may bahay na itong hinuhulugan para raw sa magiging pamilya nya. Pero sa Ate Linda nya sya umuuwi, kasama ang pamilya nito. Malungkot daw kasi sa isang bahay kung mag-isa lang sya. Sa ngayon, pinauupahan nya yun para pandagdag sa monthly amortization nya.
"...at ayaw kita dito."
Bigla tuloy akong kinabahan sa di ko maintindihang dahilan.
"Ha? B-bakit?"
"Wala. Basta. Matulog ka na. May pasok ka pa mamaya."
"Babe, gisingin mo 'ko bago ka umalis mamaya, ha?" bilin ko.
"Naka-leave ako nang dalawang araw. Ihahatid kita sa trabaho mamaya. Tapos may pupuntahan akong supplier para sa inyo."
"Ha?"
"Para di na kayo pumupunta sa Divisoria. Napapagod ka nang husto. Dun kumukuha yung kapatid nang isang tao ko na nagtitinda rin online. Wala pa kayong ilalabas na pera. Seller lang talaga kayo. Wala kayong imbak na kalat sa bahay. Kukunin nyo lang sa kanila kung ano ang weekly order."
Niyakap ko nang mahigpit si Benjie, "Salamat, babe. Siguradong papayag si Vicky dyan."
"Kapag ayos ang usapan, baka pwedeng sya na lang ang puntahan nyo sa off nyo. Para sa susunod mong off sabay nating asikasuhin marriage license natin."
"Sige. Goodnight, I love you," sabi ko sabay halik sa labi nya.
"I love you more, babe."
Mas payapa na akong nakatulog agad pero naalimpungatan ako nung dumating sina Shiel bandang alas-kuwatro nang madaling-araw.
"Ano ba 'yan? Sino nagganito nang mga damit ko?" si Glenda yun.
"Pati nga rin sa akin. May itim-itim na parang bakat ng sapatos. Sira pa yung mga hanger," reklamo ni Shiel.
Tapos mahinang usapan na, "Baka... away...Joey...Vicky?"
"...kuwarto lang...lagi...away... di... labas..."
"Baka... malala...awayan...pati gamit natin ... eh..."
Dun ko nakumpirma, hindi ang mga GRO kong kasama sa bahay ang may gawa nung mga nakita kong damit nilang nakakalat sa sahig.
Baka nga sina Vicky. May ugali ito na namamato ng mga gamit kapag nag-aaway sila ni Joey, base na rin sa kuwento ng kaibigan ko. Mabuti nga at mahaba ang pasensya nung isa.
Ang iniisip ko lang, tama rin ang sinabi nina Shiel. Sa kuwarto nag-aaway lagi yung dalawa. Naririnig lang namin. Kapag labas nila, tahimik lang sila at di nagpapansinan.
Baka nga matindi ang pinag-awayan. Pumikit uli ako para bumalik sa pagtulog.
Ginising ako ni Benjie na nakabihis na sya.
"Babe, bangon na. Bumili na ako ng agahan natin."
Nag-inat ako, "Sino'ng tao sa baba?"
"Yung Shiel tsaka sina Vicky."
"Ano'ng sabi nung makita ka?"
"Uhm, nagulat lang nang konte, pero wala namang ibang sinabi. Tinanong lang kung andito yung roommate mo. Sabi ko wala. Andun pa silang tatlo sa kusina."
Kinuha ko na yung plastic basket ng mga toiletries ko pati tuwalya.
"Uhm, pinakialaman ko na," imporma nya nung makitang napansin kong mamasa-masa ang tuwalya ko. "Naligo na ako kanina habang wala pang gumagamit sa banyo."
Pagbaba, dun ko nalaman na yung agahan na sinabi ni Benjie, para sa aming lahat dito sa boarding house.
Lihim akong napangiti. Nililigawan nya rin ang mga kasamhan ko para walang masabi sa pagtulog nya dito kagabi.
"Kain, baks," alok ni Vicky.
Medyo nanibago ako sa kanya. Sobrang seryoso para sa umaga.
Baka nga war pa rin sila ni Joey na tahimik lang ring kumakain ng pansit at pandesal.
Tumikhim si Shiel, "Rory, ano ... "
Tumaas ang kilay ko para ituloy nya ang sasabihin. Para kasing nag-aalangan sya. Isa pa may laman na pagkain ang bibig ko.
"Ano, girl... nasagi nyo ba yung mga damit namin sa taas pag-uwi nyo kagabi? May mga nahulog kasi. Nabali yung mga hanger tsaka ano, parang natapakan."
Bahagyang nag-init ang mukha ko. Kaya pala sya nag-aalangan magtanong. Kasalo namin si Benjie sa agahan at ang iniisip nito eh baka kami ang nakasagi nung mga damit nila habang...
Natigilan ako sa pagnguya.
Tapos napatingin ako kay Vicky at Joey. May kung ano sa seryosong ekspresyon nila.
May umaahong kaba sa akin na hindi ko maintindihan. Pilit ko yung itinabi sa utak ko.
"Ano'ng damit?" usisa ni Benjie.
"Yung mga naka-hanger dun sa bakal na sampayan sa taas," si Vicky.
Umiling ako, "H-hindi, Shiel. Ako nga ang dumampot nun sa sahig pag-akyat ko. Naiwan kasi si Benjie para mag-CR. A-akala ko, kayo ang--"
Napaigtad kami dahil nag-krik yung swing door. Tapos bumukas yung maindoor.
Dagli ring nawala ang pagkabog ng dibdib ko.
"Air pressure lang," sabi ko sa kanila. "Wag na nga kayo."
Natawa sila nang hilaw.
Si Madam Myrna, may kasamang babae na palagay ko ay nasa early thirties at isang batang babae na mukhang kinder pa lang.
Mag-ina, malamang.
Magalang kaming bumati. Tapos pinakilala ko si Benjie.
"Si Benjie, Madam. Boyfriend ko. Kain po," alok ko na rin.
Tumango lang ang matanda sa kanya sabay tanggi sa alok ko. Siguro iniisip nito na bumisita lang si Benj o ihahatid ako sa trabaho. Mabuti na lang na maagang naligo at nagbihis ang boyfriend ko. Iwas sa maraming tanong o kung anupaman.
"Naghahanap ng kuwartong mauupahan," patungkol ni Madam sa mga kasama. "Wala naman sigurong problema sa inyo kung paupahan ko yung malaking kuwarto sa itaas, ano?"
Nagkatinginan kami. Hangga't maari, ayaw naming may bata dahil baka mag-ingay sa oras na dapat ay nagpapahinga kami, lalo na sina Shiel.
Isa pa, yun ngang mga inuman session dito at ang pagpapatulog nung tatlong GRO sa mga jowa nila.
Baka maselan ang nanay nitong bata sa mga ganung set-up. Siyempre, ibang usapan na kung may bata sa loob ng bahay.
Kaso, wala naman kaming magagawa. Nangungupahan lang kami.
"Eh, Madam. Paano yung mga nakaimbak na gamit sa malaking kuwarto kung pauupahan nyo?"
Yun ang naisipang itanong ni Shiel.
"Kakausapin ko'ng kapatid ko na palagyan ng divider dun para imbakan. Siguradong papaya yun. Malaki naman yung kuwarto para dito sa dalawa."
Umakyat na sila. At gaya nang inaasahan ko,
"Tsk! Ayoko na may bata dito. Baka maingay," bulong ni Shiel. "Isa pa, syempre, iba ang takbo ng utak ng mga nanay."
Tapos na kaming kumain, nasa taas pa rin sina Madam. Ako na ang umako sa hugasin. Mas maaga ang pasok ni Vicky sa akin ngayon kaya pinauna ko na sya sa banyo. Si Shiel, kinuha yung walis sa ilalim ng hagdan.
"Babe," tawag ko kay Benjie. "Dun muna kayo ni Joey sa sala para mabilis makalinis sa sahig si Shiel."
Mabilis namang tumalima ang dalawa.
Nung kami na lang ni Shiel sa kusina, pasimple nya akong tinanong habang nagwawalis.
"Girl, sure kang di kayo naglabing-labing ni Jowa sa itaas kagabi?"
Saglit akong napahinto sa pagbabanlaw nung isang coffee mug. Hindi ko gusto ang kapupuntahan nang usapan namin. Nagdadala yun nang kakaibang kilabot sa akin kaya,
"Hindi nga. Sa kuwarto kami nag-moment. Ang ingay nyo nga pagdating. Naudlot yung round two namin," papilya kong sagot para patayin yung issue.
Napahagikhik ito.
"Nagsabi naman kasi si Nat na isang linggo syang wala. Sya nga nag-suggest na dyan ko patulugin si Benjie," dugtong ko.
Bago pa sya makakomento, pababa na sina Madam, kaya tumahimik kami.
"Ayos naman po sya," sabi nung nanay kay Madam.
"'Nay, 'gutom ako," biglang ungot nung batang babae pagbaba.
Napangiti ako. Malamang nakita nya yung ilalagay ko pa lang na pansit at palaman sa ref.
"Ay, halika, Kain ka muna," alok ko.
"Nakakahiya kang bata," bulong nung nanay.
"Naku, hindi po. Sobra naman ito," pilit ko. "Halika, nini."
Mabilis na pumuwesto yung bata sa dining table.
Nahuli ko ang pagtirik ng mata ni Shiel. Lukaret talaga ito. Wala nga kasing hilig sa bata.
Tumanggi uli si Madam at yung nanay dahil pati sila, paglalagyan ko sana ng pinggan.
Naupo na lang yung dalawang babae kasama yung bata. Dun na rin sila nag-usap.
"Bukas o sa makalawa ko pa mapapapunta yung karpintero na maglalagay ng dibisyon sa kuwarto nyo," si Madam.
"Wala pong problema, Madam. Next week pa naman kami bubukod pag-alis ng mister ko papuntang Saudi."
"Kailangang mag-down ka na. Para mai-reserba ko na yung kuwarto. Tsaka yun ang gagamitin ko sa gastos para sa dibisyon."
Palihim kaming nagkatinginan ni Shiel at napangiti.
Si Madam talaga, basta pera.
Nalaman namin na nakapisan pala ang babae sa biyenan. Ayaw maiwan dun pag-alis ng asawa.
Understandable. Haha!
At itong Shiel, di nakatiis sumabat, "Bakit di buong bahay ang upahan nyo? Saudi boy naman pala mister mo."
Gusto kong matawa habang pinupunasan ko yung lababo. Ayaw nya talaga dito yung mag-ina.
"Dadalawa lang naman kami ng anak ko. Isa pa, wala pa kaming gamit. Tsaka, ano, one year kaming magbabayad dun sa inutang namin para makapag-abroad mister ko. Uhm, tipid-tipid muna."
Hilaw na ngumiti si Shiel, "Ay, syanga pala, Madam. Pwede bang alisin na lang yang swing door natin?"
"Aba'y bakit? Inaano kayo nyan?"
Tiningnan ko si Shiel. Pinipigilan ko sya magsalita nang kung anu-ano pero,
"Eh kasi, tunug ng tunog kahit walang dumadaan. Nagkakatakutan kami dito."
Tss. Gusto ko sanang kontrahin si Shiel kaya lang, pinigilan ako nang biglang pagtahimik ni Madam. Para nga itong namutla.
Bakit?
"Tsaka ano, Madam Donya," yun ang tawag lambing nila sa matanda. Gustung-gusto nito ang pakiramdam na mayaman sya. "Pwede bang mahiram yung susi sa cabinet dyan sa ilalim ng hagdan? Lalagyan namin ng mga walis at—"
"Hindi pwede. Wag nyong gagalawin yun!" pabiglang sagot nung matanda.
Natigilan kami ni Shiel. Pero humirit pa rin ito.
"Eh... kasi —"
"Hindi nga pwede. Napakaliit na bagay nyang walis," nasusuyang sagot nung matanda.
Tiningnan ko si Shiel nang may warning. Mabuti naman na na-gets nya yun.
"N-nay..."
Napatingin kami sa batang babae. Nakatayo na ito at nakasiksik sa likod ng ina.
"Tapos ka nang kumain, nini?" malambing kong sabi.
Umiling ito nang hindi tumitingin sa akin. Tapos biglang sumubsob sa kilikili ng nanay nya.
"Uy, ano'ng problema mo?" sita nung babae. "Nanlalamig ka."
"U-uwi na tayo, N-nay. Ayoko dito."
Parang napapahiyang napatingin ang babae kay Madam.
Si Shiel, pasimple kong tiningnan para inirapan. Feeling ko, pinandilatan nya yung bata kanina nang di namin napapansin. Sa direksyon nya kasi huli kong nakitang nakatingin yung batang babae kanina.
Kaya lang wala naman akong makitang kakaiba sa ekspresyon ni Shiel na nakatayo patalikod sa hagdan.
Tumikhim ako, "Uhm, ayaw mo na ba? Ililigpit ko na itong—"
"Alis na tayo, N-nay. Ayaw nung bata na andito tayo."
"Ha?" sabay-sabay pa naming nasabi sa bata.
"Y-yung totoy na madungis. Masama po tingin sa' ken," sagot nito "Kanina pa."
"Ano ba'ng pinagsasabi mo?" pilit itong pinapaharap ng ina pero yumakap lang sa leeg nya sa halip. "Tumingin ka nga sa akin, Mariel. Para kang—"
"Ayaw!" biglang sabi nung bata tapos umiyak na.
"Ay, Madam," sabat ni Shiel. "Mahirap may ganyang kasama sa bahay."
"Uwi na tayo, Nay!" may kalaksan na sabi at umiiyak na talaga yung bata.
Napapunta na nga sina Benjie at Joey sa kusina.
Nagtama ang mata namin. Nakakunot ang noo nila. Nagtatanong ang tingin sa akin.
Marahan akong nagkibit ng balikat. Di ko alam kung ano ang nangyayari sa batang babae. Pero... pero, ewan ko. Pinipigilan ko ang kilabutan.
Si Vicky, papalabas ng banyo. Nakabalot pa sa tuwalya ang buhok, "Ay, anyare?"
"Baka lumapit yung bata. Uwi na tayo!"
"Ano'ng bata?" si Vicky na napalabas na sa banyo. "Saan?"
Tumuro yung bata sa direksyon ni Shiel habang nakasubsob sa leeg ng ina.
"Nakatayo sa ilalim ng hagdan."
"Ay, puta!"
Napamura si Shiel sabay takbo sa tabi ko sa lababo.
Tumayo lahat ng balahibo ko sa batok at braso!
==============
Don't forget to comment and vote!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro