10
Hindi ako makagalaw kung hindi ko pa narinig ang saglit na pagsinghap at pag-ubo ni Nat.
"R-rory..."
Dun ako tila natauhan nang tawagin n'ya ako sa salit na pag-ubo.
Kasunod nun ang tila mahihinang yabag pababa sa hagdan.
Wala na yung maruming kamay sa palda ko.
Namalikmata lang ba ako tulad nang dati?
"Ayos ka lang?" tanong naman sa kanya ni Benjie. Inalalayan s'ya nito paupo. "Binabangungot ka."
Tumikhim si Nat, "Ayos lang ako."
Tumingin s'ya sa akin tapos sa gilid ko, partikular sa palda.
"Sorry. Naabala ko yata kayo," dugtong n'ya.
"Ano'ng oras ba ang pasok mo?" tanong ko.
"Aw, shit!" biglang tumayo si Nat. "Male-late na 'ko."
Si Benjie na ang dumampot at nagbitbit nang mga kinuha ko sa kuwarto ni Vicky. Bumalik kami sa ibaba para bigyan ng privacy si Nat na maghanda.
"Ano'ng nangyari sa itaas?" tanong ng kaibigan ko habang binabanlawan ko ang hita at binti n'ya.
"Uhm..." saglit akong natigilan.
May mahinang pagtuktok na naman akong narinig sa dingding.
"Rory?" untag n'ya.
"Wala. Medyo binangungot lang ako," si Nat.
Nakababa na pala, dala ang gamit panligo.
"Halika na," yaya ko kay Vicky. "Male-late na si Nat."
Kaming dalawa na ang nag-aalalay kay Vicky paupo sa isang silya sa dining.
"Oy, Baks," kalabit niya sa akin. "Ang dumi, oh."
Nakaturo s'ya sa gilid ng palda ko.
Natigilan ako.
Katulad yun ng dumi sa kumot at kama ni Nat!
Tapos sabay kaming napatingin ni Nat sa ilalim ng hagdan.
Narinig naming pareho. Hindi na iyun ang madalas na pagtuktok sa dingding.
Mahinang daing yun.
Daing na may kasamang paghingi ng tulong.
Paghingi ng tulong na narinig ko na!
May kung anong puwersa ang humahatak sa akin sa ilalim ng hagdan. Umakma akong pupunta doon.
"Wag!"
Si Nat, hawak ako sa braso.
Para akong nagising sa saglit na pagkawala sa sarili.
"Oh, bakit?" Si Vicky, na nagulat sa pabiglang salita ni Nat.
"Ano'ng nangyari?"
Sina Joey at Benjie na galing sa sala nagkukwentuhan.
"W-wala," kambyo ni Nat. "Ano, wag mo iwan si Vicky. Baka mahulog sa upuan n'ya."
Ang lamya ng katwiran n'ya kaya nag-react ang kaibigan ko.
"Grabe ka! Di naman ako na-stroke."
Natawa sina Joey. Nakisali na rin ako para patayin ang namumuong tensyon. Sigurado ako, nawawala ang dating kalmadong composure ni Nat sa mga nangyayari.
Mga nangyayaring pilit kong binabalewala dahil hindi ko maipaliwanag ... o ayoko lang talagang bigyang-pansin dahil lihis sa paniniwala ko.
Di na uli nagkomento si Nat. Naligo na s'ya.
Bago s'ya lumabas sa boarding house, huminto s'ya sa may pinto at nilingon kami ni Benjie sa sala.
"Benjie, kahit dito ka na muna matulog. Baka mga nine in the morning pa naman ako makakauwi. Mag-i-slide shift ako pag pinayagan. Ayoko ma-tag as late."
"Ayos lang naman ak--"
"Wag ka muna magpaiwan mag-isa kahit hanggang bukas lang," putol ni Nat sa sasabihin ko.
Medyo nagulat kami ni Benjie sa pabiglang pagkakasabi n'ya. Nahalata yun ng babae kaya,
"I mean, kakahimatay mo lang. Yung ano, siguradong okay ka na talaga," pasimple pa s'yang nagkamot sa leeg. "Sabay tayo ng off sa isang araw. Dito lang ako. Matutulungan kita mag-ayos ng gamit mo para makalipat."
"Uhm, okay," pagpayag na namin.
"Sige na. Late ka na lalo n'yan," taboy ko.
Hindi ko sigurado kung ako lang ang nakakapansin sa pag-iba ng kilos ni Nat nitong nakaraang araw pa.
Kalagitnaan papaakyat kami ni Benjie, napatingin na naman ako sa ilalim ng hagdan sa pagitan ng mga baitang. Huminto ako sa paghakbang.
"Babe, bakit?" tanong n'ya na napatingin na rin sa tinitingnan ko.
Hindi ko alam kung namalikmata lang ako kaya di agad ako nakasagot.
"Hayaan mo nang hindi nakalapat yan. Baka naglaba sina Shiel," ang sabi n'ya.
Pakiramdam ko, iniiwasan ni Benjie na lumapit pa ako dun. Dahil wala sa hulog ang sinabi n'ya. Alam naming pareho na walang sinampay sa veranda sa itaas.
Ewan ko, pero otomatikong bumuwelta ako pababa.
"Rory, halika na," may diing sabi ni Benj, pigil ako sa balikat. "Kailangan mo nang magpahinga."
"A-ano kasi..." di ko malaman kung paano ko ipapaliwanag sa kanya.
"Ano?"
Napakagat ako sa labi.
May katwiran si Benjie na pigilan ako. At wala akong matinong dahilan para bumaba uli.
Imposible. Namamalikmata lang siguro ako kasi imposible talaga.
Isang palaisipan na pilit kong isinisiksik sa utak ko habang nagpapalit ng damit. Palaisipan na nagpapalipad sa isip ko kaya,
"Rory?"
"Ha?"
"Ilang segundo ka nang nakatingin sa damitan mo. Bakit di mo pa isuot yang hawak mong tshirt?"
Shocks!
Di ko kasi napansin. Nagugulo ang isip ko sa nakita ko kanina paakyat kami.
Ang tila may paggalaw sa loob nung cabinet sa likod ng washing machine. Kanina, narinig ko ang mahinang pagtuktok sa dingding na parang galing sa ilalim ng hagdan kaya nga ako napayuko para tingnan.
Saktong nakita ko ang tila pag-uga ng boltlock at padlock. Tapos, sa maliliit na siwang nang maliit na pinto ng cabinet, may parang gumalaw sa loob.
Napapikit ako.
Imposible talaga!
Daga? Oo, baka mga daga. Kaya siguro ayaw pasuksan yun ni Madam dahil baka butas yun na madalas daanan ng mga daga.
Napadilat ako nang maramdaman ang pagpulupot ng braso ni Benjie sa bewang ko mula sa likod. Tapos, hinalikan ang hubad kong balikat.
"Magbihis ka na, babe. Baka di agad ako makaalis at makabalik dito."
"Ha?"
"Inaakit mo 'ko eh," tukso n'ya.
"Sira! Hindi. Tsaka... teka. Ano'ng aalis at babalik ka?"
"Kanina ka pa lutang, Aurora. May masakit ba sa 'yo?"
"W-wala."
"Kakasabi ko lang na uuwi ako sandali para kumuha nang ilang damit."
"Ha? Bakit?"
Napakamot s'ya sa ulo. "Kay Nat na mismo nanggaling na ayos lang sa kanya na dito na ako matulog sa gabi tutal wala s'ya. Para may kasama ka hanggang makalipat ka na sa isang araw."
Saglit akong napaisip.
"Tara. Wala pang isang oras nakabalik na tayo."
"Ha?"
"Kasama ka."
Napatingin ako kay Benjie.
"Mamaya ka na magbihis ng pambahay."
"Ah...eh..."
"Babe, ayaw kitang iwan dito mag-isa," halata ang pag-aalala sa kanya.
Nagtatalo ang utak ko kung tama bang magpaiwan ako dito kahit saglit o hindi. Kaya lang, hindi ko maintindihan kung bakit parang may nagbubulong sa akin na huwag na sumama.
"Uhm...i-ikaw na lang, Benj. Ano kasi...uhm... maiilang ako sa ate mo. Pupunta ka lang para kumuha ng damit tapos ano, aalis din tayo."
"Aurora..."
Napayuko ako, "Sige na, babe. Samantalahin mo na rin siguro na sabihin sa ate mo na dun na ako tutuloy for one week simula sa isang araw. Ano lang kasi...alam mo namang di ako kumportable--"
"Okay...okay..." napabuntung-hininga s'ya. "Kukuha na ako ng damit good for two days. Basta, dun na tayo ha?"
Tumango ako na hindi tumitingin sa kanya.
"Babe," naupo s'ya sa tabi ko. Ginagap ang palad ko. "Umupa na lang muna tayo sa isang apartelle hanggang makasal tayo."
"Hindi. Wag na. Magastos masyado."
"Ayoko nang ganyan ka. Lalo na at may baby na tayo. Gaya ni Nat, ayoko ring maiiwan ka dito."
"A-ayos lang ako dito. Uhm, andyan lang naman sa kabilang kuwarto sina Vicky. Tsaka, isang linggo lang naman tayo sa ate mo."
Nagbuntung-hininga uli s'ya. "Ganito na lang, babe. Kung okay lang sa 'yo. Dun na tayo dumiretso sa Cavite sa isang araw. Tutal, madali lang naman mag-empake ng mga gamit mo dito. Unahin na lang nating bilhin ang kama para may matutulugan tayo. Tapos yung basic sa kusina."
"Baka may masabi na naman ang ate mo, Benj. Magsasama tayo kahit may isang linggo pa para sa kasal natin."
"Mas importante sa akin kung saan ka kumportable kesa sa sasabihin ng iba, Aurora. Di naman kabisado ni Ate papunta sa bahay ko ... natin sa Cavite."
"Kaya ba ng budget? Madaming kailangan--"
"Babe, ako na ang bahala dun. Kahit four-seater na mesa lang at ilang gamit sa kusina. Saka na yung sofa. Uunti-untiin natin."
"May pera ako--"
"Aurora."
Napatigil ako.
"Ang kailangan ko... nating dalawa, magkasama tayo. May bahay, pagkain. Madali na yung mga gamit. Ikaw, ako at ang baby natin ang importante, okay?"
Napangiti na ako. Kusang yumakap ang braso ko paikot sa leeg n'ya at hinalikan s'ya.
"Oo mo na ang ibig sabihin n'yan ha?" malambing n'yang sabi nang maghiwalay ang labi namin.
Tumango ako, "I love you."
"Mahal na mahal din kita," sagot n'ya.
Nagbilin si Benjie na huwag na akong bumaba pag-alis n'ya. Kaya binigay ko na lang sa kanya ang susi ko sa boarding house para di ko na kailangang pagbuksan s'ya ng pinto mamaya.
Habang mag-isa ako sa kuwarto ko, inumpisahan ko na ang pagliligpit ng mga gamit ko para sa paglipat ko sa isang araw. Dahil ang totoo, excited akong lumipat na sa Cavite.
Busy ang utak ko sa pagpaplano kung paano aayusin ang magiging pugad namin ni Benjie. Kahit sabihin n'yang s'ya na ang bahala, may mga bagay na gusto akong bilhin para mapaganda ang magiging bahay namin. Yung ako ang gagastos. Pareho naman kaming may trabaho. Tama lang na magkatuwang kami sa gastusin sa bahay at pamilya namin.
Siguradong di makakaangal si Benjie kapag ipinilit ang gusto ko at idaan yun sa lambing.
Hanggang sa di ko maintidihang dahilan, napunta ang masayang pangangarap ko nang gising sa mga nangyari kanina.
Natigilan ako nang maalala ang binitawang bilin ni Nat bago s'ya umalis.
"Sabay tayo ng off sa isang araw. Dito lang ako. Matutulungan kita mag-ayos ng gamit mo para makalipat."
Paano n'ya nalaman? Wala pa kaming pinagsasabihan ni Benjie kahit si Vicky na mapapaaga ako nang pag-alis. Isa pa tulog si Nat pagdating namin tapos nagmamadali s'yang mag-ayos para pumasok sa trabaho. Walang pagkakataon.
Natigilan ako dahil narinig ko ang mahinang pagtunog ng swing door sa ibaba.
Dinampot ko ang cellphone ko sa vanity dresser ni Nat na pinagsasaluhan naming gamitin.
Lampas thirty minutes na pala mula nang umalis si Benjie.
Ang bilis naman n'ya.
Nagmamadali kong itinabi ang tatlong bag ng mga damit na nai-empake ko na.
Narinig ko ang magaang na pag-akyat sa hagdan kaya inayos ko na ang kama.
At natigilan uli ako.
Magaan na hakbang... magaan para sa laki at bigat ni Benjie!
Dahan-dahan akong napaupo sa kama. Nakiramdam.
Bagaman naririnig ko ang mahinang ingay galing sa TV nina Vicky, sigurado rin ako na may tao sa labas ng pinto ko.
Dinig ko ang tunog ng mga plastic hangers namin sa bakal na sampayan sa tapat ng kuwarto namin na tila pinaglalaruang hawiin.
"Babe?" tawag ko.
Walang sagot. Pero dumalang ang pagtunog ng mga hanger hanggang sa mawala.
Napabunting-hininga ako. Buntung-hininga na nabitin.
May naglalakad sa tapat. Magaan na hakbang nang isang nakapaa.
Napapikit ako nang mariin.
May umuusbong na takot sa akin. Huminto yun sa mismong tapat ng pinto namin.
Dumako ang mata ko sa cellphone ko. Kailangan ko pang tumayo para maabot yun.
Pero hindi ako makagalaw. Tila ipinako na ako sa pagkakaupo sa gilid ng kama.
"B-benjie?" lakas-loob kong tawag.
Wala pa ring sagot.
Ewan ko. Nagsimulang magtayuan ang mga balahibo ko. Pakiramdam ko, may nakatingin sa akin, tagus-tagusan mula sa kabilang panig nang nakasarang pinto.
Saka ako napatingin doon, partikular sa doorknob.
Hindi yun naka-lock.
Bigla akong nakaramdam na hindi ako nag-iisa at hindi ako ligtas.
"Aurora... gumalaw ka! Tumayo ka!" madiin kong bulong para sa sarili ko.
Gusto kong papaniwalain ang sarili na namamalikmata lang ako na bahagyang pumihit ang doorknob.
"Vicky!" sigaw ko.
Sigaw na nasa utak ko lang pala. Puro hangin ang lumabas sa bibig ko.
Saka ko naramdaman ang tila pagpintig sa puson ko.
Ang baby ko!
Napahawak ako sa tyan ko.
Ang baby ko!
Siguro nga, iba ang tinatawag na mother's instinct para protektahan ang anak n'ya. Bigla akong napatayo.
Diretso sa vanity dresser para damputin ang cellphone ko, at malalaki ang hakbang na tinungo ang pinto para i-lock ang doorknob.
"A-aray!" mahina kong daing.
Mabilis akong napaatras pabalik sa kama, nanlalaki ang mata na nakatingin sa palad ko.
May paso yun dala ng init mula sa paghawak ko sa doorknob.
"Ate..."
Nangalisag ang balahibo ko.
Mahina yun pero narinig ko. Hindi galing sa labas ng pinto. Parang galing sa ibaba. Sa may hagdan!
"...tulong... andito ako... palabasin mo 'ko..."
Tumulo ang luha ko. May isang uri nang magkakahalong pagdadalamhati, takot at pagkatuliro ang bigla kong naramdaman.
Pumintig uli ang puson ko.
Saka ako tila natauhan.
Ang baby ko!
Sabay kapit sa tyan ko.
Kahit masakit ang palad, nanginginig kong hinanap ang number ni Benjie.
Ilang beses yung nag-ring.
Napapikit ako nang mariin dahil,
"Ate...tulong...Wag mo 'ko iwan dito..."
Parang nasa tabi ko lang ang nagsabi at ibinulong sa akin.
"Hello, babe? Andito na ako sa may kanto."
Dun lang ako nagkaroon ng lakas para,
"BENJIE!" sigaw ko.
"Aurora! Bakit?!"
Humagulgol ako habang nakapikit. Ayokong dumilat. Natatakot akong kumpirmahin na hindi ako nag-iisa ngayon sa kuwarto ko.
"Benjie... bilisan mo..." iyak ko uli.
"Putang--" narinig ko pa ang pagmumura n'ya bago namatay ang linya.
Wala pang isang minuto, narinig ko na ang motor n'ya na pumarada sa labas.
Doon ako tila nabuhayan ng loob.
"Benjie!" palahaw ko habang nakapikit at nakayuko, kipkip sa kandungan ko ang cp.
Kasunod ang tunog nang marahas na pagbukas ng pinto sa sala, ang swing door at ang mabibigat na hakbang ni Benjie paakyat habang,
"Rory?! Rory?!" malakas n'yang tawag.
Bumukas na rin ang pinto nina Vicky.
"Oh, ano'ng nangyayari?" si Joey.
Tapos mga katok sa pinto.
"Rory, buksan mo ito! Babe!"
Pinihit n'ya ang doorknob. Bumukas yun!
Sigurado ako kanina, nai-lock ko yun!
Hangos si Benjie sa akin.
"Babe!"
Niyakap n'ya ako saglit tapos ikinulong ang mukha ko sa mga palad n'ya. Pinunasan ang mga luha ko.
"Ano'ng nangyari?" sabay pa nilang tanong ni Joey.
Iling lang ako nang iling habang umiiyak. Di ko kasi alam kung paano ipapaliwanag.
Ginagap ni Benjie ang kamay ko. Napaigtad ako.
"Bakit, Rory?"
Tiningnan ko ang kamay ko. Masakit pero wala yung paso na naroon kanina!
Napahikbi ako sabay yakap kay Benjie.
"Aurora, ano ba'ng nangyayari sa iyo?" puno ng pag-aalala n'yang sabi.
Umiyak na ako sa leeg ni Benjie habang nakapikit nang mariin.
Nakaramdam na kasi ako nang kapanatagan kahit papaano.
Narito na si Benjie. Napakapit ako sa tiyan ko.
"Sumasakit ba? Halika, punta tayo sa ospital," sabi n'ya.
"H-hindi," sagot ko sa pagitan nang pagpipigil na maiyak lalo. "A-ayos lang ako."
"Rory..." tawag ni Joey na nakatayo na rin sa gilid ko. "Aalis ka na ba?"
Napatingin kami ni Benjie sa tatlong bag na itinabi ko sa paanan ng kama.
Tumikhim si Benjie. "Uhm, oo. Sa isang araw."
"Napaaga yata? Akala namin next week pa pagkatapos ng kasal n'yo. Di mo man lang nilabhan ang mga bag mo."
Bahagyang nanlaki ang mata ko kasabay nang pagdagundong ng dibdib ko.
May mga bakas ang mga bag na tila pinagpagan ng uling o abo! Gaya nang kung ano ang meron sa sahig pero di halata dahil natapakan na nila ni Benjie.
"Alam na ba ni Vicky?" dugtong pa ni Joey.
Napaiwas ako ng tingin. Hindi ko malaman kung ano ang una kong aalalahanin. Kung ang kakaibang nangyayari dito o ang mararamdaman ng kaibigan ko.
"H-hindi pa. Bukas sana. Ano kasi, biglaan. May ano kasi. Uhm, b-basta. Tsaka baka magtampo na naman si Victoria."
"Maiintindihan ko naman."
Napasinghap ako.
Ayun ang kaibigan ko, nakatayo na sa may pinto.
Nabanaag ko ang lungkot sa mata n'ya pero may kaakibat na yun na pang-unawa.
Napangiwi ako sa pagpigil ng iyak at saya.
Sa wakas, totoong tanggap na ni Vicky ang pagpapakasal ko kay Benjie.
Pagpipigil na nauwi sa pagsinghap.
May umagaw sa atensyon ko sa gilid ng pinto na kinatatayuan ni Victoria.
Isang maliit, madumi at maputlang kamay ang nakakapit doon... at silhuweta ng isang batang lalaki ang nakasilip!
Hindi ko maaninag ang mukha pero sigurado akong sa akin s'ya nakatingin!
=================
don't forget to comment and vote!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro