SA KABILUGAN NG BUWAN
"Tagu-taguan maliwanag ang buwan..." panimulang awit ng sampung taong gulang na batang si Roselyn habang masayang tumatalon. Sumasabay pa sa hangin ang suot nitong paboritong puting blusa na may bahid na ng pulang likido.
Tuwang-tuwa namang nakasunod sa kanya ang kanyang dalawa pa na kapatid na tulad niya ay patalon din kung maglakad. Bakas sa mga mukha nito ang labis na galak dahil muli ay napagbigyan na naman sila ng kanilang mga magulang na maglaro. Sa ilang araw ba naman na nasa loob lamang sila ng kanilang kulungan, sino ba naman ang hindi matutuwa.
Patuloy pa rin sa pagkanta si Roselyn ng paboritong niyang awitin. Sinasabayan na rin siya ng kanyang mga kapatid sa pagkanta.
"Nasaan na kaya sila"? tanong ng limang taong gulang na batang lalaki. Sandali itong tumigil sa pagnguya ng kanyang kinakain at paikot na tiningnan ang kabuuan ng baybayin. Malalim na ang gabi pero heto sila't patuloy pa rin sa paghahanap ng kanilang mga bagong kalaro.
"Naiinis na ako, ate Rose!" pasigaw nitong reklamo. Halatang nauubusan na ito ng pasensya.
"Malapit nang maubos 'tong kinakain ko," dagdag nito habang nakasimangut na tinitingnan ang paubos nitong pagkain.
"Hati nalang tayo nito Berto, mukhang hindi ko na ito mauubos," suhestiyon ng kanyang ate na si Marianne. Bigla namang lumiwanag ang mukha ni Berto. Ngumiti ito ng napakalaki-laki saka inilahad ang palad nito kay Marianne.
Dali-dali namang iniabot ni Marianne ang isang piraso ng karne na mula pa sa binti ng isa sa mga kalaro nila. Muli namang gumuhit ang isang mala-anghel na ngiti sa labi ng batang lalaki.
Sa di kalayuan kung saan nakatayo ang mga magkakapatid ay ang dalawang magkaibigan na sina Angelie at France— na kapwa rin magkaklase. Tahimik na nakatago sila sa katawan ng punong niyog habang nakatakip ang mga basang kamay sa kanilang bibig. Bakas sa mga mukha nito ang gulat at pagkatakot. Hindi nila inaakala na ang pasimpleng pagbisita nila sa kanilang kaklase ay mauuwi sa isang bangungot.
Ang malalakas na tawa mula sa mga bata na nasa baybayin ang tanging maririnig sa buong isla na sinasabayan naman nang malalakas na hampas ng alon.
Medyo may kadiliman sa pinagtataguan ng dalawang dalaga at tanging sinag lamang mula sa kulay dugong bilog na buwan ang nagbibigay gabay sa kanilang pagtakas.
"Huli kayo!" Biglang bumungad sa kanilang likuran ang batang babae na nasa walong taong gulang. Hubo't hubad itong nakatayo habang nababalutan ng malapot na dugo. Nakangiti itong nakatingin sa dalawang babae na ngayon ay napadapa sa buhanginan dahil sobrang gulat.
"Ate Rose! Nandito sila!" tawag nito sa kanyang mga kapatid habang tumatawa nang mahina. Nagsasayaw-sayaw ito sa tuwa dahil sa huli ay nakita na nila ang kanilang mga kalaro. Paikot-ikot pa ito habang nilalaro ang buhok.
Samantala, ang dalawang magkakaibigan ay pilit na gumagapang sa buhangin para lumayo sa batang nakatayo sa kanilang harapan.
"Ang galing mo talaga, Sophia!" masiglang komento ni Roselyn pagkalapit nito. Muli namang napaatras ang dalawang dalaga nang makita nila ang iba pang kasamahan nang sinasabi nilang Sophia. Lahat sila ngayon ay nakangisi habang pinalilibutan ang dalawang magkaibigan na nanginginig sa takot.
"Pa'no ba yan? Tapos na ang laro," magiliwng saad ng batang si Roselyn habang dahan-dahang humakbang papalapit kay Angelie at France.
"Maligayang pagdating sa isla namin," huli nitong wika hanggang sa isang sigaw ang pumunit sa nanahimik na gabi sa isla ng Sta. Barbara.
--000--
"Hoy, Angelie! Napatulala ka na riyan. Kinakausap ka ni Samantha, oh." Agad na napabalik sa wisyo si Angelie nang marahan siyang tapikin sa balikat ng kanyang matalik na kaibigan na si France. Tila'y masyado siyang naging lutang sa kanyang iniisip at panandalian niyang nakalimutan ang kasalukuyan.
Sumalubong naman sa kanya ang mga nagtatakang mata na ipinupukol ng kanyang kaibigan at ng mga tao na nasa kanyang paligid.
"Ah- eh, ano nga ulit 'yon?" mahina at nauutal niyang tanong kay France at pilit na itinatago ang hiyang kanyang nararamdaman.
"Ano ba kasi ang iniisip mo? Ayan oh, pinapakilala ni Samantha ang mga kapatid niya." Pagkatapos sabihin ng kanyang kaibigan ang mga katagang iyon ay ang siyang pag-akyat ng takot sa kanyang katawan, takot na ngayon ay gumagapang na sa kanyang buong sistema.
Dahan-dahan niyang ibinaling ang kanyang atensyon sa apat na bata na nasa kanyang harapan. Ang kaninang kabang kanyang nararamdaman ay mas dumoble pa. Lalo na nang muli niyang maring ang pamilyar nilang pangalan.
"Ito na nga pala si Roselyn, si Berto, si Mariane at Sophia. Mga kapatid ko pala." Para namang natuod si Angelie sa kanyang narinig at bahagya pang napaawang ang kanyang bibig dahil sa gulat.
"Tamang-tama lang ang pagbisita niyo. Gustong-gusto nang makipaglaro ng mga kapatid ko. Siguro ay pamilyar naman kayo sa tagu-taguan, 'di ba?"
"'Di bale, malalaman niyo rin mamaya."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro