II.Ang Pagtutuos
Mabilis na nakarating ang balita mula sa mga rebelde hanggang sa mga bihag na may magaganap na duelo sa pagitan ng taga-nayong si Harun Aiyasari at ang pinuno ng mga rebeldeng si Ghijo-Ban. Sa paglapit ng itinakdang araw , ang mga usapan ay lalong dumalas at naririnig ito ng mga bihag sa mga selda at sari-saring ispekulasyon ang lumutang:
....."kahibangan ang kalabanin ang pinuno natin!"..... sabi ng isang rebelde habang natatawa
......"bakit ba niya hinamon si Ghijo-Ban sa duelo, ano ba ang kanyang binabalak?"..... naguguluhang wika ng isang bihag.
Nasagap rin ng ilang malapit kay Harun ang kanyang ginawang paghamon kay Ghijo-Ban :
Ang pantas na si Gilbran , ang kanyang kaibigang babae na si Sorya at ang kasintahan ni Harun na si Oleso. Silang lahat ay nakakulong sa hilagang parola, malayo sa kinaroroonan ni Harun na nasa timog na parola.
Hinangaan ng pantas ang katapangan niya para sa kapakanan ng kanyang mga kanayon. Lubos din siyang nababahala dahil lingid sa kaalaman ng lahat na pana at palaso lamang ang nakikita nilang sandatang ginagamit ni Harun, hindi espada. Bagamat babae, ipinakita niya na ang pananakot at pagpapahirap ay hindi naging dahilan sa kanya upang ipaglaban kung ano ang makatwiran. Tingin niya, pinili ni Harun makipagsapalaran para sa kapakanan ng mas nakararami.
Sa pagbabadya ng unang araw ng taglamig, dumating na ang itinakdang araw ng kamatayan ng isa sa kanila. Bago magsimula ang duelo, pinalipon ang mga taga-nayon at pinapunta sa liwasan upang saksihan ang magaganap na laban. Ang mga rebelde na nasa harap ng bulwagan ay nabibilang sa daliri sapagkat ang iba ay nasa likod , binabantayan ang mga bihag.
Di naglaon ang mga maglalaban ay handa na.
Sa tolda ni Ghijo-Ban, wala na ang nakasabit na pana ni Harun. Kinuha niya ang kanyang espada na nakalapag sa kanyang lamesa at nagwika habang nakangiting pinagmamasdan ang talim ng kanyang sandata:
"Handa na ako sa aking unang panalo".
Sa timog na parola naman, ibinigay na kay Harun ang espadang gagamitin niya sa laban. Isinuot na rin niya ang damit na tinahi ni Sorya na kasamang dumating ng sandata. Habang hawak niya ang espada, tinignan niya ang talim at ang pagkakayari nito at ang repleksyon ng kanyang walang alinlangang pasya ang nasasalamin.
Pinapunta siya sa pagdarausan ng duelo kasama ang apat na rebelde. Ilang metro na lamang ang layo niya sa posibleng huling hantungan ng isa sa kanila, sinabi ni Harun ang mga katagang ito :
"Kung ito man ang katapusan, sana ay ito na at wala na na dapat sumunod pa".
Sa gilid ng bulwagan, nakatayo ang mga malapit kay Harun, hinihintay na siya'y masilayan anumang sandali na siya ay dumating.
Sa hudyat ng kampana, dumating sa magkabilang dulo ng bulwagan ang maglalaban; ang pinuno ng mga rebelde na si Ghijo-Ban na halos nakangiting naglakad papasok at si Harun na kinakabahan. Nang kanyang natanaw sina Oleso, Sorya at Gilbran mula sa mga nakikisaksi, nahawi ang kaba at namutawi ang tapang, determinasyon at lakas ng loob.
Sa pagtingin ni Harun kay Oleso ay tila nalaman niya ang nais ipahiwatig ng kasintahan:
"Gayundin Harun, asahan mong tutuparin ko", wika niya habang pinipilit niyang maging matatag sa kabila ng pagbabadya ng pagtulo ng luha sa kanyang mga mata.
Sa paglakad ng mga maglalaban kaharap ang isat-isa pitong metro ang agwat, nag-usap ang dalawa:
"O ano binibini, handa ka na bang mamatay?", wika ni Ghijo-Ban
"Hindi ako pumapatol sa mga walang laban na babae", pang-iinis ni Harun "At kung alam mong mamamatay ka, dapat kanina ka pa nagdasal. Teka teka, wala nga palang dirinig sa panalangin mo dahil isa kang WALANG KWENTANG NILALANG!"
Nainsulto nang husto ang pinuno at sa galit niya ay sinugod niya si Harun nang may buong lakas. Habang papalapit ang galit na galit na si Ghijo-Ban, ay nakatayo at nakapikit lamang si Harun.
Bago pa man matamaan si Harun sa talim ng espada ni Ghijo-Ban, umikot siya pakaliwa habang nakayuko upang iwasan ang espada; binunot niya ang kanyang armas at hiniwa niya ito sa likod sabay sipa sa kanya. Sa pagmulat muli ni Harun ay siya ring pagtilapon ni Ghijo-Ban at ng kanyang sandata dalawang metro ang layo sa kanyang kinatatayuan.
Ang lahat ay natahimik at hindi makapaniwala lalo na ang pinuno dahil akala niya ay madadalian siyang talunin ang mahinang babae at walang alam sa pakikipaglaban.
Si Gilbran ay hindi na nabigla sa ipinakita niyang konsentrasyon at tapang na ibinuhos niya sa isang armas na hindi pa niya nagagamit. Naisip din ng pantas na ginamit niya ang ilang bagay na natutuhan niya sa paggamit ng pana't palaso.
Habang namimilipit sa sakit ang pinuno, lumapit si Harun na ang sandata niya'y nakatutok sa pinuno at nagwika " Ha. Ha. Ha. Kita mo mga naman yung babae, nakaupo sa lupa. Ano iiyak ka na ?"
Sumama ang mukha niya sabay sabing :
"Bwisit na yan! Sinuwerte ka lang!"
"Natalo ka. Ang kasunduan ay kasunduan at dapat mong tuparin. Lisanin nyo na ang nayon namin!"
Tumingin siya sa kanan malapit sa taga-palo ng kampana at sumigaw " Ipunin sa labas ang lahat ng gamit at........."
Bago pa matapos ang wika ni Ghijo-Ban, mula sa likod ng kampana, umilaw ang isang kulay bughaw na bagay. Bigla na lamang nabitawan ni Harun ang hawak niyang espada at humandusay na lamang siya sa lupa na may nakatusok na tatlong palaso sa kanyang likod; bagay na ikinagulat ng lahat.
Habang dahan-dahang tumatayo ang heneral, pagalit na nagwika ang nalalasong si Harun :
"Ba....kit mo nagawa ito?"
Unti-unting bumangon si Ghijo-Ban at nagwika na tila nagmamalaki:
"Wala namang napagkasunduang bawal mandaya, hindi ba binibini?"
Maliban sa pandaraya, ang halos hindi niya matanggap ay ginamit laban sa kanya ang armas na nilikha ng kanyang mga magulang.
Sa nalalabing sandali, kinuha niya ang patalim na bahagi ng kanyang pana na itinago niya sa kanyang kasuotan at isinaksak ito sa binti ni Ghijo-Ban habang ito'y abalang nagyayabang sa mga madla sa bulwagan.
Ininda ng pinuno ang pagsaksak ni Harun at bahagya itong napaluhod. Sa mabagal na pagpanaw ni Harun ay namula ang puti niyang gayak na sanhi ng malalim na sugat at lason na inilagay sa mga palaso.
Kahit masakit, binunot ni Ghijo-Ban ang patalim sa binti nya; ibinato ito kay Harun sabay dalawang sipa sa sikmura niya.
"Hmp! Lumalaban ka pa. Kung umanib ka na lang sa amin, nagkaroon pa sana ng saysay ang buhay mo"
Pumasok ang karitela na hila ng kabayo at kinuha ng dalawang rebelde ang bangkay ni Harun; isinakay sa likod at umalis.
"Itapon iyan sa kabundukan at pabalikin ang lahat sa kanilang mga selda!", utos ng sugatang pinuno habang naglalakad nang mabagal papaalis sa bulwagan.
Lumapit ang taong pumana kay Harun at nagtanong:
"Pinuno, ano ang gagawin dito sa pana niya?"
"Sa iyo na yan kung gusto mo"
"Salamat po", wika ng rebelde sabay umalis.
Ang sinapit ni Harun ay naging babala sa mga nagnanais na manlaban kay Ghijo-Ban. Ang taong pumana kay Harun at ang taga-hudyat sa kampana lamang ang nakakaalam ng bitag na inihanda ng kanilang pinuno. Sadyang binilin ni Ghijo-Ban na paba ni Harun mismo ang gamitin upang damdamin niya ang kanyang kahangalan sa laban na nagaganap. Kahit na minamaliit ng pinuno si Harun, hindi siya nagpaka-kampante kaya naman nandaya siya sa laban.
Hapon na nang marating ng karitela ang tuktok ng Aronoa. Doon ay ibinaba ng dalawang rebelde ang kaawa-awang katawan ni Harun sa bato na napaliligiran ng mga bulaklak. Dahil sa pagmamalasakit, tinanggal nila ang mga palaso na nakatusok sa likod ni Harun kasama ang patalim, inilagay nila ito sa kaliwang kamay niya.
Bago sila bumalik sa nayon ay nag-alay sila ng dasal at inayos ang himlayan ni Harun.
Gabi na nang sila ay nakabalik sa nayon. Nagtungo ang dalawa sa tolda ng pinuno at nakaluhod na nag-ulat kay Ghijo-Ban.
"Pinuno, tapos na naming itapon sa bangin ang bangkay niya", kasinungalingang ulat ng mga rebelde.
"Mahusay kung gayon", wika ni Ghijo-Ban "Makakaalis na kayo".
Umalis ang dalawang rebelde sa tolda habang si Ghijo-Ban ay nagpapagaling mula sa mga natamong pinsala sa katatapos na laban.
~~~>°•_©_•°<~~~
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro