Chapter 1
I.
Clarisette.
Nakakainis.
Bwisit. Putek. Lahat na yata ng klase ng mura nasabi ko na sa isipan ko. Kung multilingual lang ako, baka naisama ko pa 'yon.
Kalahating araw na akong nasa byahe. Kalahating araw na rin akong badtrip. Kalahating araw na rin ako nakaupo rito sa sasakyan at hindi ko na maramdaman 'yung pwet ko. At kalahating araw ko na ring kasama ang isa pang bwisit sa buhay ko.
"Ano'ng oras na? Nasaan na tayo?" Tanong ni Annika nang may kasamang hikab. Kakagising lang niya.
"It's already... 11:30 at nasa Tarlac na tayo." Sagot naman ng bwisit. Inayos niya ang rearview mirror at sinilip ako. Sinuklian ko na lang siya ng irap at tumingin sa labas ng bintana.
"Kaya pala gutom na 'ko. Magdrive-thru naman tayo d'yan, Lou!" Anyaya ni Annika sabay yugyog sa balikat ng pinsan. "Ayun, Lou, oh! Jollibee! Tara do'n!" Tinuro niya ang Jollibee sa 'di kalayuan.
"Do you have money?"
"Libre mo 'ko." She smiled sweetly. Lahat nahuhumaling sa matatamis na ngiti ni Annika pero ni minsan hindi 'yon tumalab kay Louis.
"No."
"Louis naman, eh!" Ungot si Annika. Nainis ako kaya sinuksok ko na lang ang earphones ko sa aking tainga at nakinig sa music. Kahit na ramdam ko na rin ang gutom ay ininda ko na lang dahil malapit na rin naman kami sa Cavite. Ilang oras na lang.
Sinubukan kong umidlip. At makalipas ng ilang sandali, naamoy ko na ang halimuyak ng chicken joy. Leche, lalo ako nagutom at nainis.
"Mari!" Tawag ni Annika sabay hagis ng isang piraso ng fries na tumama sa mukha ko.
"Ano ba?" Iritado kong tanong.
"Birthday na birthday mo, badtrip ka! Kumain ka na nga nang mabawasan naman yang badtrip mo." Iniabot niya ang supot na naglalaman ng chicken joy, french fries at soft drink.
"Magkano 'to?" Binuksan ko ang bag ko para maglabas ng pera sa wallet pero lalo akong nabadtrip sa sagot ni Annika.
"'Wag na. Libre ni Lou 'yan." Humagikgik siya. Pasimple akong nagnakaw ng tingin kay Louis na abala sa pagmamaneho. Babayaran ko na lang siya mamaya.
Oo nga pala. Kaarawan ko nga pala ngayon. At ang ganda ng bungad ng ika-labing walong kaarawan ko. Saktong pagpatak ng alas dose ng hatinggabi ay basta na lang sinabi ng magulang ko na sa Cavite na ako titira. Ni walang warning at hindi man lang pinakinggan ang mga tanong o gustong kong sabihin. At wala akong maisip na dahilan kung ano ba'ng nahithit nila at pinagtripan pa ako. Hindi rin alam ng magpinsan ang dahilan. Basta na lang ako sinundo. Naisip ko na baka napuno na sila sa katigasan ng ulo ko.
Pero kung ito lang ang paraan nila para mapatino ako at maging independent, ano man lang ba magiging pagkakaiba kahit saan ako itapon?
Hindi ko alam. Hindi ko na talaga alam. Ayoko na mag-isip. Kakain na lang ako ng chicken joy para maibsan naman ang inis ko kahit papaano.
Bumalik ako sa pag-idlip pagkatapos kumain. Ginising na lang ako ni Annika nang makarating sa paroroonan. Napakunut-noo ako nang mapansin na nasa parking lot kami ng isang kilalang unibersidad dito sa Cavite. St. Celestine University.
"Bakit nandito tayo?" Tanong ko.
"We live in the dorms, Rie." Tipid na sagot ni Louis sabay labas niya sa kotse. Bigla naman kumalabog ang dibdib ko sa tinawag niyang pangalan sa akin.
"Okay. We as in kasama ba ako d'yan?" Tumingin ako kay Annika.
Tumango naman siya. "Yup. At dito ka na rin mag-aaral." Bungisngis niya sabay sunod naman palabas sa pinsan niya.
"Huh?"
Hindi naman halatang pinagplanuhan nila ito maigi.
Sumunod ako sa kanila sa labas at nadatnan ko si Louis sa likod ng kotse na nilalabas ang mga gamit ko mula sa compartment.
"Ako na d'yan." Mahina kong utas. Sinubukan kong kunin ang maleta mula kay Louis pero nagmatigas siya.
"Ako na."
Matalim ko siyang tinapunan ng tingin na sinuklian naman niya. Walang nagpatalo. Naputol lang ito nang biglang bumahing si Annika.
"Bless me! Ano? Magtititigan na lang ba kayo d'yan o mauuna na ako sa dorms?" Nakapamaywang siya. Umirap ako at pinabayaan na lang si Louis sa gusto niya.
Bumigay na naman ako.
Isinukbit ko na lang ang backpack ko sa balikat at lumapit na lang kay Annika.
"Hindi na ako papasok sa afternoon classes natin. Sa night shift na lang ako, Lou."
"Bahala ka."
"Okay. Thanks, cuz! Tara, Mari?"
Nagkibit-balikat ako. "After you."
Iginiya ako ni Annika sa campus habang papunta kami ng dorms. May iilang estudyante na binati si Annika na ginagantihan naman niya ng malawak na ngiti. Mas maraming bumati kay Louis, na karaniwan ay mga babae na tahimik na tinatanguan lang niya bilang tugon. Pasikreto akong napairap. Contrast talaga ang magpinsan. Isang extrovert at introvert.
Nasa ika-walong palapag ang dorm room namin ni Annika. Sinuspinde ang kanyang dormmate dahil sa pagnanakaw nito ng kanyang monthly allowance.
"Tapos ang kapal pa ng mukha niyang i-deny 'yon, eh, nakuhanan ko na nga ng video! Tameme siya, eh!" Tumawa si Annika habang paakyat kami ng eighth floor. Napangiti na lang ako at umiling. Tahimik lang si Louis sa likod namin.
Nang makarating sa paroroonan, nauna si Annika pumasok sa dorm at nagpaalam na magpapahinga muna habang naiwan naman ako kasama si Louis sa maliit na sala. Wala ni isa sa amin ang nagtangkang basagin ang katahimikan. Wala akong balak pa siyang kausapin at basta na lang kukunin ang maleta at hand carry bag pero hindi niya ito binitawan.
"How long are you going to keep acting like this?"
Tumingala ako at tinaasan siya ng kilay. "Like what?"
"Like you don't care." He sighed.
Pinigilan ko ang sarili kong mapalunok sa titig niya. Kumalabog na naman...
Ngumisi ako. "Hindi ako nag-iinarte. Wala lang talaga akong pakialam." Tinangka ko ulit kunin 'yung maleta ko pero hindi pa rin niya binitawan. "Ano ba? Bitiwan mo nga 'yung suitcase ko!"
"I'm concerned about you. Hindi ka naman ganyan dati..." Malumanay niyang sabi.
"Oh, bakit? Did you expect me to stay the same after what you did? 'Di ba ikaw na rin ang nagsabi na ayaw mo sa'kin because I'm too nice for you?" Nag-air quote sign pa ako. "Naawa ka lang? 'Di ba?" Nakangisi pa rin ako pero putek, naiiyak na naman ako.
"I didn't mean it like that, Rie—"
"Don't call me that. Don't you dare call me that, Valderrama! Save your concern for someone who cares." Tinangka ko ulit kunin ang maleta at bag ko at binitawan na ito sa wakas ni Louis. Aalis na sana ako nang bigla niyang hablutin ang kamay ko at may inilagay sa palad.
"Happy birthday..." Bulong niya. Bahagya akong napatulala sa mumunting ngiti niya na may bakas ng lungkot at pagod. Nakabalik lang ako sa huwisyo nang marinig ang bahagyang pagsara ng pinto. Umalis na siya...
Tiningnan ko ang palad kung saan siya may iniwan at nakitang kwintas ito. Rosas ang pendant. Tuluyan nang nag-unahan sa pagpatak ang aking mga luha.
Ang labo. Sobrang labo mo talaga, Louis.
Napabuntong-hininga na lang ako at inayos ang sarili bago pumunta sa kwarto namin. Naabutan ko si Annika na sitting pretty sa kama at pilit na nakangiti sa akin.
"Ginagawa mo d'yan?" Tumaas kilay ko.
"Ang sweet niyo pa rin ng pinsan ko, 'no?" Hagikgik ng bruha.
"Whatever, Annika. Tsismosa ka." Walang gana kong pinatong ang kwintas sa bedside table at binuksan ang maleta para masabing may pinagkakaabalahan.
"Concerned lang naman kami sa 'yo, Mari. Lalo na 'yang si Lou. Syempre marami rin naman kayong pinagsamahan."
Napatigil ako nang bahagya sa pagligpit ng damit at nagpatuloy ulit. Halos matawa ako. 'Yon na nga, eh. Mahaba ang pinagsamahan namin pero... ano'ng ginawa niya? Tinapon niya lang ang lahat ng 'yon na parang basahan. Ang dami kong gustong isumbat sa kanya pero wala rin namang magbabago. Nangyari na ang nangyari. Mananahimik na lang ako.
Bumuntong-hininga si Annika. "Papasok ka ba sa afternoon classes mo? Kailangan mo pala magpakita muna sa Dean's Office." Paalala niya.
"Okay." Sabi ko na lang.
"Alam mo ba'ng papunta? Gusto mo samahan kita?"
"'Wag na. Magpahinga ka na lang d'yan. Magtatanong-tanong na lang ako."
Sinilip ko kung ano'ng oras na sa phone ko. 2:30 PM. Napagpasyahan kong iwan muna ang phone ko para i-charge. Tulog na si Annika nang umalis ako ng dorm namin.
Napakalaki at napakaganda ng unibersidad. Plano sana naming tatlo rito magkolehiyo pero nagpaiwan na lang ako sa Mt. Province dahil ayoko na makita pa si Louis. Pero nangyari naman ito...
Ayoko nang isipin pa ang ginawa ng magulang ko. Wala rin naman akong makukuhang sagot. Mag-iikot na lang ako sa buong campus hanggang sa sumapit ang gabi. Maganda siguro ang view sa gabi.
Pagkatapos kong makuha ang schedule ko ay nag-tour na ako sa campus, familiarizing everything. Nang makaramdam ng gutom ay hinanap ko ang canteen at nagtake-out ng pagkain. Tiningnan ko ang relo ko. 6:30 PM na.
Sa garden ako kumain dahil may nakita akong picnic spot doon. Nag-iikot ako sa garden, tinitingnan ang iba't-ibang klase ng bulaklak na halatang inaalagaan.
May lalaking abala sa pagpipinta sa 'di kalayuan. It was obvious that he's a foreigner because of his blonde hair and pale complexion. European ang hula ko. May lampara pa sa tabi niya na nagsisilbing ilaw sa kanyang ginagawa. Nagtaka ako. Bakit siya nagpipinta nang ganitong oras? Gan'on ba ka-weird ang mga foreigner? Masyado siyang focused sa pagpipinta at para siyang may sariling mundo at hindi man lang ako napansin na nakaaligid.
Hindi ko na lang siya pinansin. Bumalik na lang ako sa pagmamasid ng mga pulang rosas. May rosas din sa lupa na halatang pinitas. Kinuha ko ito pero agad ko ring nabitawan nang matusok ako ng tinik nito.
"Shit." Bulong ko sa sarili. Ang hapdi, ah.
"Okay ka lang?" Napapitlag ako sa baritono ng boses ng isang lalaki. Napalingon ako at nakita ang lalaking pintor na palapit sa akin, nag-aalala ang mukha.
"Okay lang ako. Natusok lang ako nitong rose." Ipinakita ko ang mga daliri ko na may bahid ng dugo.
Ngumiti nang bahagya ang lalaki at doon ko lang nakita 'yung expressive niyang mga mata. Kulay dagat. Ang ganda.
"Here," Iniabot niya ang kanyang puting panyo.
"Naku, 'wag na. Madudumihan ko pa 'yang panyo mo."
"It's okay." Ngiti niya. There's something about the way he smiled that made me feel at ease. Siguro dahil maamo ang mukha niya.
"Thank you." Nahihiya kong tinanggap ang panyo at pinunasan ang kamay ko. "Labhan ko na lang 'to."
"Sa'yo na lang 'yan." Pahayag niya.
"Huh? Eh..."
"Okay ka lang ba talaga? Baka maimpeksyon 'yan." Parang nasaksak naman ako kung mag-alala 'tong isang 'to. Hindi ko maiwasan mapangiti.
"Okay lang talaga ako. Promise."
Umaliwalas naman ang mukha niya. "If you insist. Balik na ako sa pagpinta, ha?"
"Oh! Sige. Pasensya na sa abala."
"Okay lang. Tsaka bumalik ka na pala sa dorm mo, miss. May curfew tayo rito. Baka mahuli ka pa ng mga Guardians."
"Eh, bakit ka pa nandito?" Tanong ko nang nakakunut-noo.
"Um... exception ako." He chuckled.
Kahit na nagtaka pa ako lalo sa sinabi niya ay hindi na lang ako nagtanong pa. Pagkalabas ko ng garden ay halos wala na ngang tao sa paligid. Nasita pa ako ng Guardian kuno na hindi naman ako pinarusahan dahil bagong estudyante palang ako rito. But there are no more second chances. Hindi man lang ako sinabihan ng dean o registrar o kahit ng magpinsan na may curfew pala rito.
"Malay ko bang may curfew pala? Hindi niyo naman ako sinabihan." Irap ko nang mapagalitan pa ako ng magpinsan. Isa rin pala sila sa mga Guardians.
"Eh, bakit kasi nagpapagabi ka pa? Ganyan ba gawain ng matinong babae, ha?" Singhal ni Louis.
"Lou, kalma. Hindi naman alam ni Mari tsaka hindi rin naman natin siya nasabihan. May pagkukulang din tayo." Awat ni Annika. Hinawakan niya sa balikat ang pinsan ngunit iwinaksi lang niya 'to.
"Tsaka bakit? Within school grounds naman, ah?" Katwiran ko.
"Kahit na! You don't know what kind of danger you might've put yourself into, Mariya Clarisette! Hindi mo man lang ba naisip 'yon?"
"Ang OA mo, Valderrama. Masyado mo nang kinareer 'yang trabaho mo." Umirap ulit ako. Tumayo ako para sana mag-walk out na kaso bigla na naman niya hinablot 'yung kamay ko.
"Ano 'to?" Pinanliitan niya ako ng mata.
"Sugat. Duh."
"Sino'ng may gawa n'yan?" Mas naging mababa ang boses niya. Parang nambabanta. May biglang kilabot na bumalot sa akin.
Marahas kong binawi ang kamay ko. "Ano ba! Why do always make a big deal out of everything?!" Nasigawan ko na siya sa sobrang inis ko.
"Just answer me, Mariya!"
"Guys, baka maireklamo naman tayo n'yan dahil sa ingay niyo..." Annika said quietly, pero hindi namin siya pinansin.
"Sa garden! Natusok lang naman ako ng rosas tapos binigyan ako ng panyo n'ong lalaki—"
Lalo akong nanggigil nang bigla na lang padabog na nagwalk-out si Louis palabas ng dorm. Ang bastos! Hindi pa ako tapos magsalita at nilayasan na agad ako!
Pabalik-balik ang tingin ni Annika sa'kin at sa pinto. Kalaunan ay nag-sorry siya at sinundan ang pinsan sa labas.
Bwisit. Sobrang bwisit ka talaga, Louis.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro