Prologo
Sabi nila lahat tayo ay dayuhan lamang sa mundong ito. Hindi dito sa lupang ating tinutungtungan ang ating totoong tahanan kung kayat darating ang oras na tayoy lilisan din sa panahong hindi natin inaasahan.
Muling umihip ang hangin at tinatangay nito ang ilang hibla ng aking buhok, napapakit na lamang ako habang sinasamyo ang preskong dulot nito sa aking balat. Mag-isa lamang akong nakaupo sa baybay dagat. Sa aking pag-iisa hindi ko naiwasan ang magmuni-muni habang pilit kunukubli ang totoong nararamdaman dito sa aking dibdib.
Sa di kalayuan, ay siyang pagdaong ng ilang bangkang panlayag lulan ang ilang bangkero habang sa kanilang pagbaba may tangay-tangay na ilang bangkay na nasawi mula sa karimari-marim na engkwentro buhat kabilang isla laban sa mga sundalong Amerikano.
Di naglaon ang kaninang tahimik at maaliwalas na kapaligiran ay napaltan ng ingay ng paghihinagpis at panaghoy mula sa naiwan na kaanak ng mga nasawing sundalo.
Habang nakatanaw sa mga nangyayari, muling nagbalik ang alaalang sa akiy nagdaan. Mga pangyayari sa aking buhay na pilit ko ng kinakalimutan pero kahit ilang beses ko pang tangkain kalimutan ay pawang bumabalik parin sa aking ang lahat.
Ang masalimuot na aking nadama mula sa aking unang pag-ibig hanggang sa reyalidad na tuluyang nagpamulat sa aking maling pag-aakala..
La Islas Filipinas, ika-30 ng Nobyembre taong 1895
"Señorita Mirasol, esto es lo último que encontramos en el barco y creo que es del general Fabio de la Serna.(Senyorita Mirasol, ito na ang huling gamit na natagpuan namin sa barko. Nakakasiguro kami na pag-aari ito ni Heneral Fabio de la Serna)" aniya ng isang bangkero na kasama sa paghahanap sa bangkay ng aking pinakamamahal na si Fabio.
Nangangatal ang aking kamay na tinanggap ang isang maliit na kahon at may hinala na ako kung ano ang nilalamannito. At hindi nga ako nagkamali nang makita ang kulay gintong singsing sa loob nito. Muling dumaloy ang masaganang luha sa aking mga mata.
Tanging masamang pagtitig na lamang ang aking nagawa sa dagat na aking kinamumuhian.
Mahigit tatlong buwan na ang nakakaraan nang isang hindi katanggap-tanggap na balita ang sa aki'y dumating. Nung mga oras pa namang iyon ay lubusan ang aking paghahanda at maging ang kasuotang damit ay talagang pinasadya pa para sa inaasahang araw subalit ganun na lamang ang panlulumo ko nang aking matanggap ang balitang..wala na ang Ginoong hinihintay ko. Siyay kinuha na sa akin ng karagatan at kailanmay hindi na darating ang taong iyon na nangakong sa mismong pagbabalik niya ay isasama na ako sa Valencia upang ipakilala sa kaniyang pamilya bilang kaniyang mapapangasawa.
Puno ng poot at pagdadalamhati ang aking puso na kailanamay hindi na nawala-wala simula nang akoy kaniyang nilisan at ngayong hawak ko ang singsing na batid kong pag-aari nga niya, na sigurado akong ibibigay niya dapat sa akin kung hindi lamang siya nasawi.
Sobrang bigat ng aking pakiramdam at sa mga sandaling ito parang nais ko na lang ding sumunod sa kaniya. Magpapalamon na lang din ako sa alon ng tubig nang sa ganun, mawala na itong paghihirap at sakit na aking nadarama.
Napaupo na lamang ako sa buhanginan habang lumuluha sa dalampasigan ng dagat at tanging pagsigaw na lamang sa kaniyang ngalan ang aking nagawa, umaasa na baka siyay muling ibabalik sa akin ng karagatan.
"Fabio de la Serna!! Ang daya mo! Sabi mo babalik ka at papakasalan pa ako pero bakit ngayon tanging ang singsing na lamang na katumbas ng iyong pangako ang bumalik sa akin?"
"Kung naririnig mo man ako, pakiusap..." di ko nakayanan at napahagulgol ako habang kala moy niyayapos ang singsing "Bumalik ka na sa akin mahal ko. Balikan mo ako at tuparin mo ang iyong pangako"
Sa loob ng ilang minutong pananatili ko sa dalampasigan, walang Fabio na bumalik tanging alon ng dagat lamang ang sa akiy nagpapatunay na hindi na siya babalik pa kahit kailan....
Lahat ng pangarap na aking binuo kasama siya ay naglaho sa isang iglap.
•••
"Mirasol! No te estás volviendo más joven, ya deberías estar casado.
(Mirasol,hindi ka na bumabata pa. Dapat nga ay kasal ka na sa mga sandaling ito)" pangungulit sa akin ng aking Tiyo na siyang kinikilala ring Gobernador-Heneral.
Ang aking mga mata ay napa-irap na lamang sa ere sapagkat sa loob ng isang araw mahigit dalwampung beses niya iyang inuulit sabihin sa akin. At ngayon kakauwi ko lamang tapos ito pa ang ibubungad niyang tanong sa akin. Tss
"Tío, no tengo ningún plan para casarme. (Tiyo, wala na akong balak magpakasal pa)" pagtatapat ko dito. Bigla naman itong matigilan sa pag-inom ng tsampan sa kaniyang kopa at mukhang nasamid ata ito sa aking sinabi. Agad kong kinuha ang panyo sa aking bulsa at kaagad iniabot ito sa kaniya.
"¿Qué acabas de decir? (Anong sabi mo?)" hindi makapaniwalang tanong nito sa akin pagkapunas sa kaniyang bibig.
Napatigil ako sandali habang tinititigan ang kaniyang nakakakunot na noo. Nakakatawa lamang isipin na may ikukunot pa pala ito gayong kulubot na ang kaniyang balat sa buong katawan.
Ramon Rodriguez Salvacion y Erenas, iyan ang buong ngalan ng gobernador-heneral na siya ring aking Tiyong kausap ngayon. Matanda na ito at tanging ako na lamang ang kasa-kasama dito sa Pilipinas. May asawa ito sa Espana ngunit silay matagal nang hiwalay. At ayon sa aking nauulinigang sabi-sabi, nagpla-plano na daw itong magretiro sa susunod na taon, bagay na inililihim nito sa akin. Batid ko naman na kaya niya ito inililihim sa akin ay dahil tututol ako na sumama sa kaniya sa Espanya pagkatapos ng kaniyang termino.
" Dije que no quiero casarme.(Ang sabi ko, ayokong maikasal)" pag-uulit ko sa aking kasagutan kanina. Hindi nabago ang reaksyon nito mula sa aking sinambit.
" ¿Y cuál es tu razón? (At ano ang iyong dahilan?)" seryosong tanong pa nito.
Sandali kong pinag-isipang mabuti ang saktong itutugon sa kaniya dahil kapag nagkataon at hindi niya nagustuhan ang anumang isasagot ko sa kaniya, malamang siya ang gagawa ng sarili plano para sa akin. Isa kasi sa ugali nitong si Tiyo ay ang pakielaman ang aking desisyon sa buhay, bagamat nauunawaan ko naman ngunit may pagkakataon talaga na hindi ko maatim ang kaniyang ugali. Ang nais kasi nito ay palagiang perpekto ang lahat sa kaniyang buhay, bagay na hindi ko sinasang-ayunan.
" Porque decidí dedicarme a Dios. Quiero volver al convento para continuar mi vocación y convertirme en monja. (Dahil nais kong pagsilbihan ang Diyos at maging kaniyang Abang lingkod. Plano ko ring bumalik na sa kumbento sa lalong madaling panahon)"
Kitang-kita ko ang bakas ng pagkadismaya sa mukha nito matapos marinig ang aking kasagutan. Nakaramdam din naman ako ng kaunting habag sapagkat nababatid ko naman na kaya niya ako nais na mag-asawa ay upang may makasama siya sa buhay bukod sa akin. Simula kasi nang namatay ang aking kinikilalang Ama, na siya ring kaniyang kapatid ay siya na lamang ang natitirang myembro ng kanilang pamilya. Bagamat hindi niya ako tunay na pamangkin ni kadugo, ay tinaggap na rin niya ako ng lubusan atinuring na nag-iisang pamilya.
Akin pang natatandaan noon kung gaano ito natuwa nang sabihin kong ako'y may kasintahan na at hinihintay na lamang na itoy makabalik galing Cuba bago kami ikasal. Kaya naman parehas kami nitong nagluksa nang malaman ang nangyari kay Fabio. Isa si Tiyo sa mga labis na nanghinayang sapagkat boto siya na isang de la Serna ang aking makatuluyan.
"Espero que entiendas mi decisión tío y creo que es realmente mi vocación de ser una monja. (Sanay maunawaan mo ang aking pasya Tiyo sapagkat pakiramdam ko nakatadhana na talaga sa akin ang maging madre)"dagdag wika ko pa.
Alam kong mabigat para dito ang payagan ang aking hiling subalit batid ko rin kapag ganito ang usapan ay wala na itong magagawa kundi pumayag sa aking kahilingan.
" Para ser honesto con ustedes, estoy decepcionado porque al final, también me dejarán solo, pero al mismo tiempo no puedo decir que no a su decisión porque es Dios del que estamos hablando. ¿Quién soy yo para detenerte si te llama a ser su sirviente?(Tatapatin kita, akoy labis na nadismaya sa iyong sinabi dahil sa huli, iiwan mo rin naman pala ako mag-isa. Pero sa kabila nito, hindi ko magawang humindi sa iyong desisyon lalo na't Diyos an gating pinag-uusapan dito. Kung talagang itinalaga ka niya upang maging kaniyang alagad, sino ba naman ako para hadlangan ito?" malungkot na pahayag nito sa akin. Tilay nanlambot din ang aking puso sa kaniyang sinabi. Hindi ko rin naman nais na siya'y iwan subalit ang buhay ko'y hindi nakalaan upang magkapamilya. Simula nung nawala sa akin si Fabio ay pinanindigan ko na lamang sa sarili ko na hindi na hahanap pa ng iba kung hindi lang din naman siya. Kaya nga aking naiisip na marahil kaya nangyari ang bagay na ito ay senyales na rin ng Panginoon na ako'y nakalaan talaga para sa kaniya.
Ika-4 ng Disyembre taong 1895
Isang buwan bago ang aking pagbabalik sa kumbento, aking napagpasyahan na magtungo muna sa bayan ng Valencia upang muling bisitahin ang tahanan ng aking pinakamamahal sa huling pagkakataon.
"Binibini ito na ang pinakamamahaling silid na ipinareserba para sa inyo ng Gobernador-Heneral" pabatid sa akin ni Maya ang aking personal na tagapagsilbi.
Iiling-iling na lamang akong pumasok sa nasabing silid na napupuno ng ginto bawat sulok. Malawak ito kumpara sa mga ordinaryo at simpleng silid na hiniling ko.
"Sinabi ko naman kay Tiyo na kahit simpleng silid lamang ay ayos na sa akin" komento ko pa habang tinatanggal ang balabal na nasa aking ulo.
"Kilala nyo naman po ang Gobernador-heneral, kailanma'y nais niyang ihandog sa inyo ang pinakamaganda at mamahaling bagay sa mundo" magalang na tugon sa akin nito. Siyang tunay sapagkat simula noong nawala ang aking magulang na umampon sa akin ay kailanmay hindi ko naramdaman na isa lamang akong hamak na ampon. Lahat ng luho ay hindi ipinagkait sa aking ibigay ni Tiyo Ramon. Minsan nga labis-labis pa sa aking hinihiling at may mga pagkakataon pa na ako ang nanghihinayang sa presyo ng mga bagay na kaniyang inihahandog sa akin.
Pagsapit ng gabi, nakadungaw ako sa ibabaw na kubyerta ng barko. Hindi ako makatulog dahil sa nakakaistorbong paggalaw ng barko.
Habang minamasdan ang karagatan, hindi ko napigilan ang makaramdam ng poot dito. Isang halimaw ang tingin ko dito na kumain sa katawan at kumitil sa buhay ni Fabio.
'Ang sakit lang isipin na ang taong bumuo sa iyo ay siya ring dahilan ng pagkawasak mo..'
Agad kong pinalis ang naglatakan luha sa aking mata nang marinig na bumukas ang pintuan sa aking likuran.
"Binibini pumasok na po kayo sa loob at mukhang nagbabadya ang masamang panahon" nangangambang aniya sa akin ni Maya. Napatingin naman ako sa kalangitang walang bituin at kakaibang dagim na pumapalibot dito senyales na malakas nga ang iuulan. Walang anu-anong pumasok na lamang ako sa loob ng barko at bumalik sa aking silid.
"Maya ano itong magarang pulang saya na nakalatag sa aking higaan at para saan ito?" nagtatakang tanong ko dito. Katatapos ko lamang maligo at inaasahan ko na simpleng saya lamang ang inihanda niya para sa akin.
"Iyo na bang nakaligtaan kaagad Binibini? Ngayon magaganap yung tinutukoy ng Gobernador-Heneral na okasyon" pag-papaalala nito pero nanatiling blanko ang aking isipan.
"Wala akong matandaan na okasyong nasabi sa akin ni Tiyo" seryosong tugon ko. Napakamot ulo na lamang itong kumapit sa akin upang magpaliwanag.
"Binibini hindi po ba't kaya ka pinayagan ng iyong Tiyo na maglayag sapagkat ikaw din ang kaniyang inaasahan na dadalo sa isang mahalagang pagdiriwang daw ng isang malapit na kaibigan?" muli paalala nito at saka ko lang naunawaan ang kaniyang tinutukoy. "Ngayon po gaganapin ang pagdiriwang na iyon sa mismong barkong ito. Kaya nga po dito niya pinareserba ang inyong silid upang kayo'y makadalo sa nasabing pagdiriwang"
Suot ang kulay itim na baro na tinernuhan ng kulay pulang saya habang ang aking buhok ay ipinusod ng kalahati sapagkat hindi ko nais na pinupusod ito ng buo dahil higit kong pinagmamalaki ang natural na aalong-along pagkakulot nito bagay na mas lalong nagpapaiba sa akin sa ibang Binibini. Hindi rin nawala sa aking katawan ang mamahaling alahas na ipinamana pa sa akin ng aking yumaong kinilalang magulang. Mahinhin naming tinatahak ang daan tungong hapag dito sa loob ng barko.
Kung susumahing mabuti, ang barko na aming lulan ay ang may pinaka modernong disenyo sa panahong ito na tinulad sa mga barkong nasasakyan lamang tungong Europa.
Nauna naming narating ang bulwagan kung saan madaming panauhin ang nagkakatipon. Halos lahat ay mga principales at mga kabilang sa alta-sociedad. May ilang din akong namumukhaan na palagian kong nakikita tuwing may dinadaluhan kaming espesyal na okasyon ni Tiyo.
Ang mga kababaihan ay nakaupo sa mahabang sofa habang umiinom ng serbesa sa kanilang kopang hawak habang may ilan ang abala sa pakikinig sa saliw ng awiting tinutugtug ng isang ginoo gamit ang piyano. Masasabi ko na ang barko ay ipinareserba para lamang talaga sa pagdiriwang na ito.
Ang mga kalalakihan naman ay abala sa pakikipag-usap sa mga kakilala. Sa hinuha ko, ang mga ito ay kilalang abogado dito sa Pilipinas sapagkat pamilyar sa akin ang isa sa kanila na personal na abogado ni Tiyo.
"Maya, para saan ba talaga ang pagdiriwang na ito?" tanong ko dito dahil napupuno ng kuryosidad ang aking isipan habang ino-obserbahan ang paligid.
"Base sa aking narinig ang pagdiriwang na ito ay para daw sa kaibigang abogado ng iyong Tiyo, pasasalamat daw ito dahil nakapagtapos na ito ng abogasiya mula Madrid at ngayon unang madedestino bilang abogado ng isang Heneral dito sa Valencia" tugon nito na tinanguan ko na lamang.
Inaya ko na ito na samahan akong makihalubilo sa ilang kakilala. Madami ang bumati sa akin at nagbigay galang. Lalo na ang mga malalapit sa gobernador-heneral na ilang beses ko na ring nakakasalumuha tuwing may ganitong uri ng okasyon.
"Binibining Mirasol, masaya akong makita ka sa pagdiriwang na ito" bati sa akin ni Donya Paciana, kilala bilang asawa ng punong hukom ng real-audiencia. "Tiyak na abala na naman ang Gobernador-heneral kung kayat ikaw na lamang ang pinadala niya dito" dagdag aniya pa nito.
Kung pag-iisipang mabuti, tilay hindi maganda sa pandinig ang kaniyang tinuran. Ang ibig ba niyang ipakahulugan na kaya lamang ako narito ay sapagkat wala ng ibang maipadala si Tiyo kundi ako na lamang?
"Siyang tunay Donya Paciana ngunit nagkataon lamang na saktong kailangan kong magtungo ng Valencia kung kaya't nakadalo ako sa pagdiriwang na ito" nakangising pahayag ko na kinataas ng kilay nito. "Tutal nakausap na lang rin naman kita, nais ko sanang tanungin kung sino ba ang may pagdiriwang sa araw na ito?"
"Ibig mo bang sabihin na dumalo ka nang hindi man lamang nakikilala kung sino ang celebrante sa pagdiriwang na ito?" di makapaniwalang tanong pa nito na akala mo'y isang kasalanan ang aking katanungan.
"Gaya ng aking sinabi, nagkataon lamang kaya ak'oy nakadalo sa okasyong ito. Maaari mo na bang sagutin ang aking katanungan?" tanong kong muli, nawawalan na ako ng pasensya. Ang ayaw ko pa naman sa lahat iyong sasagutin ng isa pa ring katanungan ang aking tanong.
Agad naman itong napaayos ng tayo at tumikhim ng ilang beses. Akma na sana itong magsasalita nang napuno nang ingay ang paligid kasabay nang marahas na pagalaw ng barko na parang dinuduyan patumba ng dagat.
Mabutit agad akong napahawak sa may dingding nang muntikan na akong matumba.
"Binibini!" puno ng pag-aalalang tawag sa akin ni Maya. Agad naman ako nitong dinaluhan ngunit muli kaming kapwa natumba nang mas rumahas pa ang pagalaw ng barko at sa pagkakataong ito, mukhang anumang oras ay tataob na ang barkong sakay namin.
"Por Diyos, por Santo" rinig kong daing ni Donya Paciana kaya napunta sa kaniya ang aming paningin at doon ko tuluyang napagtanto ang nangyayari sa paligid.
Ang kaninang masayang pagdiriwang ay napaltan ng takot at pangamba imbes na tugtugin ng piyano ay sigawan ng mga tao ang pumapailanlan sa paligid.
Muling umindayog patagilid ang barko, sa sobrang pagalaw nito ay hindi ko napigilan ang makaramdam ng pagkahilo. Naririnig ko pa ang pangamba ni Maya subalit sa pagkakataong ito ay wala na rin siyang magagawa dahil oras na bumitaw siya sa hinahawakan ay hindi imposibleng magaya siya sa ilang taong nabagsakan at nadadaganan na ng mga kasangkapan.
Hindi ko na rin napigilan ang mapasigaw nang muling hinagupit ng malakas na hangin ang barko kasabay ng pagkawala ng liwanag sa paligid. Ramdam ko na tuluyan ng tumagilid ang barko at anumang oras ay lulubog na talaga ito!
"IHANDA ANG SALVAVIDAS!" malakas na sigaw ng kapitan dahilan upang mas lalong masindak sa takot ang mga tao sa paligid.
"Tulong!" narinig kong sigaw pa ni Donya Paciana. Nakita ko na dumudugo na ang ulo nito dahil sa napatakan ng aranya (chandelier) at hindi na rin ito makakilos dahil sa nadaganan ng sofa na kanina lamang kaniyang inuupuan.
At dahil sa ako lamang malapit sa kaniya na nakakarinig ng kaniyang pagdaing kung kaya't kahit mahirap ay sinubukan kong tulungan ang Donya.
"Wag kang malikot Donya Paciana, tutulungan kita" mariing wika ko kahit na gumegewang-gewang ako na parang lasing papalapit sa kaniya. Hindi ko alam kung anong mabuting espiritu ang sumapi sa akin sa mga sandaling ito at nagawa ko pang magmagandang loob sa ubod ng samang ugali na Donyang ito.
Sandaling tumahan ang paligid kung kayat matagumpay kong naialis ang nakabalandrang sofa sa katawan ni Donya Paciana.
"Hawakan mo ang aking kamay, dadalhin kita sa iyong asawa" wika ko pa habang inaalalayan ito subalit muling lumakas ang pag alon sa karagatan at muling nayanig ang kapaligiran. Di ko sinasadyang mabitawan ang Donya subalit nang akma muli kong hahawakan ang kamay nito ay saktong tumabingi na naman ang barko. Nasaktuhang bumukas ang pintuan sa aking likuran at nalaglag ako palabas ng barko. Mabuti't napahawak ako sa bakod ng barko.
Tilay nagngangalit sa galit ang alon ng karagatan na nag-aabang na ako'y lamunin ng buo.
Sobrang lakas ng rurok ng ulan kaakibat ng walang pagsidlang ihip ng hangin na pilit akong tinatangay maski ang barkong lulan namin ay hindi nakaligtas sa lakas nito. Mukhang ang bagyong ito na ang sagot sa matagal ko ng hinaing sa buhay.
Nanghihina na ang mga kamay kong nakakapit sa bakod, ilang beses na hampas ng alon sa aking katawan ay nagpapalala sa aking sitwasyon.
Kung ito man ang aking katapusan ay malugod kong tinatanggap ang aking katapusan. Lumuluha kong pinagmasdan ang nagngangalit na karagatan.
Ipinkit ko na ang aking mata at inihanda na ang aking sarili. Isa-isa ko ng ibinitaw ang aking kamay na tanging kumakapit na lamang sa aking buhay.
Fabio, mahal ko hintayin mo ako. Magkakasama na tayong muli.
Ito na ang pagkakataon, ang tagal kong hinintay at ngayon mukhang anumang oras ay magkikita na kaming muli. Masakit mang isipin na hindi ko ma lamang nagawang mamaalam kay Tiyo subalit wala na akong magagawa pa sa pagkakataong ito. Bukal sa puso kong inihanda ang aking sarili sa aking magiging katapusan..
Subalit saktong kabibitaw ko lamang ng aking kaliwang kamay nang maramdaman ko na may humawak dito. Agad akong nagmulat ng mata sa pagkakabigla.
Konti na lamang at mapapasama na ako sa alon ng dagat!
Agad akong nagmulat ng mata at isang pares ng mata ang sumalubong sa akin. Isang Ginoo na hindi ko nakikilala pero habang tinititigan ko ang kaniyang mata tilay nakakaramdam ako na parang pamilyar siya sa akin.
Nais kong magwelga at sigawan siya pero talagang wala akong lakas ng loob hanggang sa naramdaman ko na lamang na unti-unti na niya akong naingat pabalik sa barko.
Nangangatal ang aking tuhod kung kayat muli sana akong matutumba nang maagap ako nitong naalalayan at sa kaniyang mga bisig ako bumagsak.
"Wag kang mag-alala Binibini, naririto ako kahit pa kita'y aking paulit-ulit na sagipin" wika nito sa baritonong boses na mas lalong dahilan ng panlalambot ko. Nanatili akong tulala sa kaniyang mga mata. Pakiramdam ko hinihigop nito ang aking kaibuturan. Para akong naliligaw sa paraan ng kaniyang paninitig at bukod pa doon mukhang sa kaniyang mga mata ako nalulunod at hindi sa nagngangalit na karagatan.
Sino ang estrangherong Ginoong ito na dahilan ng pagkaudlot sa aking pagkakataon na makasama ang aking pinakamamahal na si Fabio?
****
A/N:
Guys wag sana kayong malilito. Ang timeline nito ay simula pagtungtong ni Yano sa Valencia at iikot nung mga kapanahunang nasadlak sa kahirapan ang pamilya de la Serna hanggang sa magiging kasalukuyang daloy ng istorya. Batid ko na nasabi sa CdR ang buong nangyari kung kayat wag sana kayong magtaka kung bakit may konting pangyayari ang maiiba sa istorya lalo pa't wala si Celestina sa kwentong ito.
Disclaimer: Ang imaheng inyong nasilayan sa kabanatang ito ay hindi akin.
-CTTO
Source Ref:
[https://www.tomascotik.com/ensambles/schubertiaden]
[https://cruisearabiaonline.com/2013/08/10/historical-the-first-cruise-ships/amp/]
[https://www.wikigallery.org/wiki/painting_162162/Christian-Schussele/Men-of-Progress%3A-group-portrait-of-the-great-American-inventors-of-the-Victorian-Age%2C-1862]
Kagaya ng aking ipinangako, ang kabanatang ito ay inihahandog ko kay Binibining senamarikit❤️
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro