Kabanata 14
Kabanata 14
Valencia
"Masaya ka ba sa iyong desisyon Mirasol?" tanong sa akin ni Raquelita. Kasakulukuyang inaayos ko ang aking mga gamit at isinasalansan sa isang aparador dito sa silid namin sa barko. Kaming dalawa ang magkasama habang sina Marco at Cypriano ang magkasama sa kabilang silid.
"Bakit naman hindi?" tanong ko rin nang hindi tumitingin sa kaniya.
Nagbalik sa aking isipan ang nangyari kanina bago kami tuluyang makaalis ng palasyo, tanging ang mga kasambahay lamang ang humarap sa akin upang mamaalam. Hindi ko na naman napigilan ang malungkot at tanging pagtanaw na lamang sa silid tanggapan ni Tiyo ang aking nagawa. Gustong-gusto kong pasukin siya doon upang makapag-paalam ng husay pero batid ko na siya na ang kusang umiiwas sa akin dahil naging malinaw naman sa akin na mas lalo lamang siyang mahihirapang tanggapin ang aking pag-alis kung harap-harapan pa akong magpapaalam sa kaniya.
Ang mga kasambahay na inaasahan kong mas matutuwa pa sa aking pag-alis ay kabaliktaran ang nakita kong emosyong nanalaytay sa kanilang mga hitsura. May bahid kalungkutan, bagamat nagtataka ay pinalis ko na lamang ito sa aking isipan. Si Maya higit sa lahat ang kababakasan ng kalungkutan at di pa nito napigilan ang mapaluha sa aking harapan matapos akong yakapin. Pilit pa nitong ipinagpipilitan sa akin na siya'y isama ko na lamang pero buo na ang aking pasya na sa pagbalik ko ng Valencia ay mamumuhay ako bilang ako na dapat kapatid ni Cypriano de Luna at hindi bilang si Mira Solana na lumaki sa layaw.
Bago umalis ay hindi ko nakalimutan na ipagbiling mabuti sa kanila si Tiyo na hanggat maari ay bantayang mabuti at palagiang suriin ang pagkain dahil baka mamaya ay may kung anong inilalagay doon ang kerida nito. Dahil sa aking pag-alis ay lalo akong hindi nagtagumapay na palayasin ang kerida. Kaya wala akong magagawa kundi ipagbilin siyang mabuti kina Maya.
"Hindi mo sinagot ang aking katanungan pero ngayong kasama ka namin pabalik ng Valencia ay sapat na sa amin para mapatunayan na nais mo ring makasama ang iyong Kuya," nakangiting wika pa nito. Hindi na lamang ako sumagot pa at pinagsalansan na lamang ang aking saya sa aparador. "Wag kang mag-alala sinabi naman sa amin ni Yano na susubukan lamang daw niya na manirahan kayo sa Valencia pero kung sakaling hindi magkaigi at hindi ka naman dito masaya ay handa naman daw siyang magtrabaho na lamang sa Maynila."
Kahit papaano naibsan ang lungkot na aking nadarama sa kaniyang pinabatid. Ayos na sa akin ang isiping iniisip din ni Cypriano ang aking nadarama. Susubukan ko rin sa abot ng aking makakaya na pakisamahan siya pero sa ngayon hindi ko pa siya kayang tawaging Kuya.
Sa isang Linggong byahe, naging mabuti ang pakikitungo sa akin ni Cypriano pero syempre andun pa rin ang pagkailang. Umuwi kami sa Valencia, inihatid kami ng mag-asawa sa harapan ng isang mansion o malaking bahay na gawa sa bato na may dalawang palapag.
Napaawang ang labi ko habang pinagmamasdan ang kabuuan nito. Malapalasyo na rin ang ganda ng bahay na ito.
"Grabe ang ganda pala ng mansyon ninyo Yano!" humahangang sambit ni Raquelita, halatang pare-parehas lamang kami na ngayon palang nakatungtong dito. Maging si Marco ay di napigilang suntukin nito ng mahina sa tiyan si Cypriano.
"Ang tagal na nating magkakilala pero ni minsan hindi mo man lamang nasabi sa akin na nakatira pala kayo sa palasyo! At bakit ngayon ko lang ito nakita, parte pa ba ito ng Valencia?" tanong nito dito.
Natatawang napatingin naman sa amin si Cypriano bago tumugon. "Mabuti pa'y sa loob na lamang natin pag-usapan ang lahat ng iyan at baka mabigatan kayo sa inyong mga bagaheng dala."
Halos maiwan na naman ang panga namin sa sobrang paghanga sa loob ng mansion. Wala kong tulak-kabigin. Hindi man ito kasing laki ng Malacañang pero hindi nalalayo ang ganda nito rito.
"Ito ang mansion ng mga Valencia na itinayo noong 1685, nang madiskubre ni Don Falcon. Siya ang gumapas at kauna-unahang namuno sa bayang ito. Subalit matapos ang ilang taon, ang Valencia ay ipinagbenta sa apat na pamilya na siyang naghati-hati sa Valencia. Ang lugar na ito ay parte parin ng Valencia ngunit ito ay pag-aari pa rin ng aming mga ninuno." paliwanag ni Cypriano habong inililibot kami sa loob ng bahay.
Panay ang lingat ko sa paligid at sinusuring maiigi ang bawat detalye ng bahay. Ang dingding nito ay gawa sa pinagpatong-patong na mga bato at idinikit na semento ang pang-ibabang palapag nito. Ang pang-itaas na palagapag naman ay gawa sa kahoy ang mga haligi, sahig at dingding at tisa ang bubungan. Gawa naman sa malimit na kahoy ang hagdan at karaniwan sa mga mwebles ay gawa rin sa kahoy.
"Kung ganoon ninuno nyo pala ang pamilya Valencia?" humahangang aniya ni Marco, nakangiti pa itong tumango-tango sa amin.
"Ang aking Ina ay siyang nagmula sa lahi ni Marcus Valencia." tugon nito. Tahimik lamang ako dahil hindi ko rin naman alam ang kwento ng bayang ito.
"Sa totoo lang wala kaming masyadong alam tungkol sa mga Valencia bukod sa kwento ng anak ni Don Falcon na si Katerina Valencia," wika naman ni Raquelita. Napansin ata nito ang nagtataka kong tingin kaya't nagpatuloy ito. "Ang kwento ni Ama, si Binibining Katerina daw ang kahuli-hulihang nabuhay na Valencia."
"Teka paano nangyari naman iyon gayong sabi ni Cypriano na nagmula daw sa salinlahi ni Marcos Valencia ang nanay niya...namin?" napapangiwing tanong ko. Rinig ko ang buntong hininga ni Cypriano at siya na ang sumagot.
"Ang sabi ng aking Lola na siyang ina ng ating ina, si Marcos Valencia daw ay nakipagtanan sa kaniyang kasintahan na isang katutubo, ilang taon bago ito nagpakita sa kaniyang pamilya na noo'y naghihirap na. Ngunit dahil sa kinahirap ng pamilya, binawian din daw ito ng buhay sa di malamang kadahilanan. Inakala ng lahat na si Katerina Valencia na lamang ang natitira sa kanilang lahi. Pero lingid sa kaalaman ng lahat na nagkaroon ng anak si Marcos sa kaniyang nobya na siyang pinagmulan ng ating salinlahi."
"Nakakalungkot pala ang pinagdaanan ng mga Valencia." tanging nasambit ni Raquelita. Matapos nun ay napagpasyahan na lamang ni Cypriano na ilibot kami sa kabuuan ng mansion.
Ang pang-ibabang palapag ay bodega, garahe ng kwarwahe, kabalyaresa, kamalig ng bigas at iba pang pagkain. Dito rin ang silungan ng mga kutsero, hardinero, kusinera, at iba pang naninilbihan dito. May tarangkahan itong matibay habang de-abaniko ang disenyo ng mga pintuan. Nasasahigan ito ng batong silyar, may malinis at maluwag na pasilyo patungo sa malaking hagdan na may siko o hugis ispayral patungo sa pang-itaas na palapag. Sa dulo ng hagdan matatagpuan ang kaida (maliit na sala), ito rin ang nagsisilbing estasyon ng mga bisita. Samantala sa pagpasok mo pa lamang ng bahay ang sala de real ang bubungad sa iyo na kakasya hanggang 50 kataong panauhin na na nakaugnay sa komedor na may mahabang mesa.
Nang tunguin naman namin ang ikalawang palapag, kapansin-pansin ang kabuuan nito ay nilalagyan ng mga natitiklop na partisyon para sa mga silid. Antigo at matigas na kahoy ang gamit sa buong kabahayan. Ang mga dingding ay nahihiyasan ng mga maluwang at mataas na durungawan. Kapis and tatlo-apat na panel ng bintana. Sa ilalim ng pasmaano, may bentanilya na binubuo ng kahoy o bakal na barandilya sa labas ng dalawang uri ng durungawan sa loob, isang de tiklop na persiyana at isang de-tulak na panel. Ang kabuuang disenyo ay naglalayong magpahintuloy ng pagdaloy ng liwanag at hangin sa loob. Kaya't presko at maliwalas ang buong kapaligiran nito.
"Ito ang iyong magiging silid Sinag," wika ni Cypriano nang matapat kami sa isang pintuan sa may dulong bahagi sa ikalawang palapag ng bahay. Binuksan niya ito at tumambad sa akin ang malawak na silid. Walang duda na ang huling gumamit dito ay isa ring babae dahil sa magagandang pinta at disenyo ng kabuuan nito.
Nauna nang pumasok si Raquelita at halos hindi na natigil sa pagnganga sa sobrang paghanga sa bawat silid na napupuntahan. "Ito ba ang dating silid ni Binibining Katerina Valencia?" tanong nito habang pinagmamasdan ang larawan ng isang magandang Binibini. Maputi, mapungay ang mata, matangos ang ilong at maliit ang labi, yan ang itsura ng babaeng nasa larawan.
"Oo siya na nga si Katerina Valencia ang sinasabing kahuli-hulihang natirang Valencia matapos ang unang gyerang nangyari dito sa Valencia, daang taon na rin ang nakakalipas." Tugon ni Cypriano, nasa larawan na rin ang mata nito.
"Matanong ko lang Yano, ano pala ang nangyari kay Binibining Katerina? Wala na kasing kwento pang narinig tungkol sa kaniya." Tanong ni Marco.
"Ang totoo niyan, wala rin kaming alam kung ano na ang totoong mangyari kay Binibining Katerina, basta ang nasabi lamang sa akin noon ni Ina na ang Binibini na lang daw ang tinagurian 'Kahuli-hulihang Valenciang natirang lumaban noon para sa bayan na ito.'"
Kung ganoon, sa kabila pala ng magandang mukha nito ay ang katapangang nakatago sa pagkatao ng Binibining ito. Kahanga-hanga na kahit isa siyang babae, hindi siya nag-atubiling lumaban at ipaglaban ang sariling bayan. Isang patunay na hindi lamang kalalakihan ang may kakayahang mamuno at pahalagahan ang isang nayon, bayan at maging kinasasakupan. Dahil ang isang babaeng gaya namin ay handa ring magsakripisyo at kaya ring mamuno. Hindi batayan ang kasarian upang maging pamantayan sa kakayanan naming mga babae.
Pinagmasdan ko ang kabuuan ng silid, hindi mo aakalain na ilang daang taon na rin ang nakakaraan nang itoy maging silid ng babae sa larawan. Maging ang kamang gawa sa kamagong na at nakukurtinahan ng husi at pinya. Sa isang sulok mayroon itong malaking eskaparateng napupuno ng mga medalya at tropeyo. Pero ang pinaka-nakaagaw ng aking pansin ay ang sa may kaliwang dulong bahagi na nagmistulang karugtong na silid kung saan naman naroroon ang iba't-ibang uri instrumento gaya ng byolin, gitara, piyano, alpa, pluta, cielo, banduria, oktabina, alto at marami pang iba.
"Ang lahat nang instrumentong iyan ay kayang tugtugin ni Katerina," Agaw pansin na pabatid sa akin ni Cypriano. Di ko napigilang humanga pero sa isip ko lamang. Lumingon na lamang ako sa kabilang bahagi kung saan naman naroon ang mga kagamitang pampinta. "Magaling ding pintor si Katerina, katunayan nga niyan nung naghihirap ang kanilang pamilya ay nagawa niyang puminta nang puminta na siyang ibinebenta niya para lamang maitawid ang kumakalam nilang sikmura." Dagdag pa nito. Muli kong sinulyapan ang pintang nakasabit sa dingding nang silid, malamang siya pala ang puminta nang lahat ng ito. Naalala ko bigla si Celestina na biniyayaan din ng kagalingan sa pagpipinta, bagay na mas kinainggitan ko noon sa kaniya. Ako kasi may limitasyon ang kakayanan sa pagpipinta at hindi ko kayang puminta ng larawan ng tao.
Lalakad na sana ako palabas ng pintuan kung saan naghi-hintay na sa amin ang mag-asawa nang mapansin ko si Cypriano na pinagmamadan ang ilang kagamitang ginagamit bilang libangan gaya ng sungka, ahedres, tresilyo at iba pa na nakalagay din sa isa pang eksaparate. "Bihasa din sa paglalaro ng mga bagay na ito si Katerina," nagmamalaking pabatid na naman nito. Hindi ko tuloy naiwasang isipin, may iba mga bagay pa bang hindi kayang gawin si Katerina Valencia?
Narinig ko ang mahinang pagtawa nito bagay na kinakunot ng aking noo. "Marahil ay iniisip mo rin kung ano pa ang hindi kayang gawin ni Katerina," wika nito bago nagseryoso. "Pero ang sabi nila talaga daw talentado ito at matalino. Pero may isang tao pa ring nakakalamang sa kaniyang kakayahan."
Napangiwi na lamang ako at hindi maimahe ang sinabi niya. Sa dami ng tropeyo sa ekaparete kanina, batid ko na magaling din si Katerina sa pangangarera ng kabayo, nabasa ko rin ang lahat ng sobreseliente niyang medalya, kung may nakakahigit pa sa kaniya, ay ibang usapan na iyon.
"Baka halimaw na ang tinutukoy nilang nakakahigit kay Katerina." di ko napigilang komento na kinatawa nito.
"Totoo naman, sino pa ang taong may higit na kakayanan, malamang ang isang iyon ay may sa anting-anting." Dagdag ko pa na mas lalong kinatawa nitong si Cypriano.
"Sinag, ang dami mong alam. Pero para sabihin ko sa iyo, ang taong sinasabi ko na nakakahigit pa daw ang kakayanan kay Katerina ay si Ginoong Enrico, na siya ring unang pag-ibig nito."
Bumilog ang mga labi ko at hindi ko naiwasang humanga habang iniimahe ang tinutukoy nitong Enrico. Kung sakaling nabubuhay siya sa kapanahunang ito, posibleng makuha niya ang puso ng maraming kababaihan. "Mukhang batid ko na kung ano ang iyong tipong Ginoo." bulalas pa nito na kinalaki ng aking mata, tatanggi pa ako nang magpatuloy ito.
"Ayos lamang iyan Sinag, basta ba't aalagaan at mamahalin ka nang lubusan ay papayag ako na hingin ng Ginoo ang kamay mo sa akin. Yun nga lang siguraduhin muna niyang mahihigitan niya ang aking pagmamahal sa iyo." Nakangiting pahayag pa nito na kinatulala ko. Pero bigla ko ring naisip na...Oo nga pala kapatid ko siya kaya malamang sabihin niya sa akin na mahal niya ako. Hays ano ba naman itong sumasagi sa aking isipan?
Agad kong pinalis ang aking naisip na nagbigay kilabot sa aking kaibuturan. Sa halip na mag-isip pa ng kung anu-ano ay inaya ko na lamang itong ipagpatuloy na namin ang paglilibot sa iba pang bahagi ng mansyon.
Natagpuan namin ang karatig asotea, dito malaya kang makakapagmasid sa hardin. Karugtong naman ng komedor ang kusina at ang konkretong batalan na may paliguan at may butas rin para sa pagtataas ng tubig mula sa balon.
Malawak, konkreto ang bahay ganunpaman hindi maitatanggi ang kalungkutang madarama dito lalo pa't kahit mukha hindi naman ito napapabayaan at alaga naman sa linis, ay wala namang taong naninirahan dito. At simula ngayon, tanging kaming dalawa lamang ni Cypriano ang maninirahan dito.
"Bukas pa darating ang ilang kasambahay na makakasama natin dito. Sa ngayon ay tayong dalawa munang magkapatid ang magpapalipas ng gabi rito." Pabatid pa ni Yano, matapos naming malibot ang kabuuan ng bahay.
Hinatid na rin namin ang mag-asawa hanggang sa may labasan kung saan kanina pang naghihintay ang kalesa na kanilang sasakyan pauwi ng Hacienda de la Serna.
"Mirasol dalawin mo naman ako sa amin." Nanlalambing na wika sa akin ni Raquelita bago sumakay ng kalesa.
"At bakit ko naman iyon gagawin? E mabuti nga kapag andito lamang ako sa bahay, tahimik at walang nampuputakte sa akin." Napasimangot naman ito sa akin pero tinaasan ko lamang ito ng kilay.
"E kasi masaya ako kapag nakakasama ka tapos gusto ko lagi tayong magkasama,"
Bigla akong napangiwi sa kaniyang ka-dramahan. "Pwede ba Raquelita, ayon si Marco oh. Sya ang iyong asawa kaya dapat siya ang sabihan mo ng ganiyan."
Parang bata pa itong nagpapadyak sa aking harapan. "Ah basta, kung hindi mo ako bibisitahin. Ako ang pupunta rito!" determinadong wika nito bago nagpa-alalay na kay Marco pagsampa sa kalesa. Tumango pa sa amin si Marco bago sinumulan ng kutserong patakbuhin ang kalesa.
Naiwan kaming dalawang nakatanaw sa mga ito. "Mukha pinaglilihihan ka ng iyong kaibigan. " natatawang komento sa akin ni Yano. Napasimangot na lamang ako.
"Hindi ko siya kaibigan." paglilinaw ko. Hindi naman na ito nakipagtalo pa sakin.
Pumasok na ako sa loob ng bahay at dumiretso sa asotea ngunit sinundan pala ako ni Cypriano. Dinaluyong ng samu't-saring emosyon ang aking kalooban. Hindi ko alam kung paano ko parin siya pakikitunguhan. Bago sa akin ang magkaroon ng kapatid at bago sa akin ang makisama sa iba bukod kay Tiyo Ramon. Para akong nangangapa sa buhay na mayroon ako ngayon.
Naramdaman ko ang pagratig nito sa akin. Dahil sa pagkabigla ay agad din akong napaisod ng kauntian. Narinig ko ang matunog nitong pagbuntong hininga.
"Nararamdan ko na ikay hindi pa rin komportable sa akin hanggang ngayon," nagdadamdam na pahayag nito. Napaiwas tingin na lamang ako sapagkat hindi ko alam kung ano ang aking dapat sabihin sa kaniya. "Kung sa bagay, hindi kita masisisi dahil hindi ko naman batid kung ano ang iyong nararamdaman."
Doon na ako napatingin sa kaniya dahil sa biglang napaltan ng bahid kalungkutan ang kaniyang tono. "Paumanhin, masyado pa rin akong nabibigla sa mga nangyayari. Hindi ko nais na iparamdam sa iyo ang aking pagkailang sa sitwasyon ngunit sanay iyong maunawaan na bago sa akin ang lahat nang ito. Nasanay ako na tanging si Tiyo Ramon lamang ang kaagapay sa buhay at kailanmay hindi rin ako nagkaroon ng kapatid, kaya sanay mapagtyagaan mo pa ako hanggang sa maakap ko nang lubusan ang katotohanan." pagpapatotoo ko bago tumingin sa kaniyang mata. Wala akong mabasa sa kaniyang mata kung kayat hindi ko batid kung ano ang tumatakbo sa kaniyang isipan.
"Sanay maunawaan mo kung hanggang ngayon ay hindi pa rin kita kayang tawaging k-kuya..." dagdag ko pa bago muling nag-iwas tingin dahil sa muntikan ko nang pagpiyok habang sinasambit ang katagang 'Kuya'. Mierda talaga!
Narinig ko ang mahinang paghagikgik nito kung kayat napaltan nang pagtataray ang ekspresyon ng aking mukhang bumaling ulit sa kaniya.
"At a-anong nakakatawa?" kunot noong tanong ko. Tumigil din naman ito kaagad pagkay nailing-iling na lumapit sa akin kaya ngayon magkaharapan na kaming dalawa. Isang bagay ang aking napagtanto habang malaya ko siyang napapagmasdan ng mabuti.
Kay kisig niya at matipunong tunay.
Pinalis ko kaagad ang aking naiisip. Mierda! Ano ba ang nangyayari sa akin at pinupuri ko siya ngayon?
"Kung ganoon, ano ang iyong nais itawag sa akin?" tanong nito, napalunok laway ako.
"Y-yano," tugon ko. Huminga muna ako nang malalim pagkay taos-noong tumitig sa kaniyang tiim bagang na hitsura. Hindi dapat ako mahiya lalot nagpapakatotoo lang naman ako! "Yano ang nais kong itawag sa iyo"
Sandaling katahimikan ang nanaig at tanging hangin lamang ang pilit gumagambala sa masinsinan naming pagtitigang dalawa sa isa't-isa.
"Ayaw mo ba akong maging Kuya mo?" may bahid paghihinakit na tanong nito. nakagat ko ang aking pang-ibabang labi.
"Hindi naman sa ganoon, naisip ko lang na wala namang maiiba e kahit ano pa ang itawag ko sa iyo. Si Celestina nga e, Acong ang tawag sa kaniyang Kuya Marco at ayos lamang iyon kay Marco. Kaya sanay ayos lang din sa iyo na Yano na lang ang itawag ko sa iyo dahil sa totoo lang, hindi talaga ako komportableng may tinatawag na Kuya."
Buong akala ko magagalit siya o ano ngunit mas lalo lamang akong nagtaka nang pagkay malawak itong ngumiti sa akin. "Kumsabagay ayaw ko namang mailang sa akin ang aming bunso." wika nito sabay ginulo ang aking buhok.
Napatulala ako dahil hindi ko inaasahan ang kaniyang inasta at maging ang kaniyang pagngiti sa akin ay hindi kapani-paniwala. Mahabaging Panginoon!
"Bueno, Sinag ang itatawag ko sa iyo simula ngayon at wag ka nang magre-reklamo dahil iyan ang aking parusa sayo yamang hindi mo ako tinatawag na Kuya," dagdag pa nito at mula sa aking buhok na kaniyang ginulo, bumaba ang kaniyang kamay sa aking pisnging kaniyang kinurot ng bahagya. "Hindi ko sukat akalain na lalaki kang maganda higit pa sa aking inaasahang kagandahang dapat mong taglayin." natutuwang komento pa nito habang titig na titig sa aking mukha na akala mo'y bawat parte ay kaniyang kinikilatis nang mabuti.
"Eres tan hermosa, Maria Concordia..." nakangiting wika nito habang dalawang kamay na niya ang pumipispis sa aking magkabilaang pisngi.
Para akong hilong talilo at hindi ko alam kung ano ang dahilan ng pamumula ng aking pisngi, kung dahil ba sa pagpispis niya dito o dahil sa kaniyang katagang sinambit?
Para akong napasong lumayo ng kauntian.
"Ah mabuti pa'y bumalik na ako sa aking silid tutal masirino na rin sa labas." hindi mapakanaling pagdadahilan ko na hindi lubusang makatingin sa kaniya.
"Sinag, nasa asotea tayo kung kayat hindi ka naman masisirinuhan dito" natatawang komento nito na kinapahiya ko nang tunay.
"Ah basta, papasok na ako sa loob." pagdadahilan ko pa pagkay lalakad na sana paalis nang maagap nitong nahawakan ang aking braso.
"Sandali lang, hindi pa tayo tapos mag-usap. Marami pa akong nais sabihin at itanong sa iyo. Ilang taon din akong nangulila sa iyo kaya sana'y pagbigyan mo na ako," nangungusap na pahayag nito. Nagpapaubaya naman akong tumango sa kaniya. Huminga muna ako ng malalim bago kumalas sa kaniyang pagkakahawak sa aking braso paglay nag-ayos tayong humarap muli sa kaniya.
"Ano ang iyong nais malaman?" pormal na tanong ko.
"Kamusta ang iyong naging buhay kasama nang mga taong tumayo magulang mo? Hindi ko nais na mang-usisa ngunit nais kong marinig ang kwento ng iyong buhay..kaya sanay pagbigyan mo ako."
Paano ba naman ako makakahindi kung ganitong nangungusap ang kaniyang malamlam na mata? Hanggang ngayon nabibigla pa rin ako sa nangyayari, hindi ko talaga inaasahan na hahantong sa ganitong sitwasyon at magkakaroon ng tyansang magkausap ng ganitong kasinsinan.
"Lumaki ako sa Espanya kapiling ng aking mga magulang na umampon sa akin. Sa murang edad, nalaman ko na na ako'y hindi nila tunay na anak pero sa kabila nang lahat nang iyon, hindi ako nagdamdam sa halip...pasasalamat ang aking nadarama dahil kung hindi dahil sa kanila ay baka wala na ako rito sa mismong aking kinatatayuan. Pero tunay na mapaglaro ang kapalaran para sa akin dahil kung kailan tinanggap ko na ang katotohanan at sapat na sa akin ang mga tumayo kong magulang, ay saka naman sila kinuha sa akin..." Napangiti na lamang ako nang mapait. Bahagya akong tumalikod at lumapit na lamang sa may barindilla at tinanaw doon ang liwanag sa kalangitan na unti-unti nang napapailaliman ng kadiliman.
"Hindi ako perpekto, madami akong pagkukulang at marami rin ang hindi lingid sa aking kaalaman na aayaw sa pag-uugaling mayroon ako pero ang aking mga magulang...sila tinanggap nila ako nang buong puso at minahal na para talaga kanilang kadugo. Nung nawala sila, dumating naman si Tiyo Ramon sa buhay ko. Sa muling pagkakataon, may isang taong tumanggap at umakap sa pag-uugaling mayroon ako. Kaya naman aking ipinangako na bilang pagtanaw nang utang na loob, susubukan kong gawin ang lahat para sa kaniya. Yun nga lang ngayon, hindi ko na ito magagawa pa dahil siya na mismo ang nagkusang loob na ibalik ako sa aking totoong pamilya," dahan-dahan akong humarap kay Yano, nanatili itong tahimik na nakatingin lamang sa akin.
"Sa loob ng ilang taon, pinagkasya ko na lamang ang aking sarili kakahanap ng mumong impormasyon tungkol sa aking totoong pagkatao. At ngayon nabigyan ako ng tyansa ay labis akong nagpapasalamat sa Diyos. Dahil buong akala ko ay babansagang na lamang akong 'putok sa buho' habambuhay." Kunwaring natatawa habang pinalis ko nang bahagya ang isang butil ng luhang kumawala sa aking mata.
Tumindig ako nang husay at pagkay muling humarap sa kaniya. "At ngayon heto't nabigyan na ako nang linaw tungkol sa aking katauhan. Batid ko na nahihirapan ka rin kung paano ako pakikisamahan, kaya mayroon lamang akong isang kahilingan sa iyo,"
"Ano iyon?"
"Sanay pakitunguhan mo ako sa paanong paraan mo nais at ikay mako-komportable. Ayokong pakikitunguhan mo lamang akong mabuti dahil sa ako'y iyong kapatid. Nais kong magpakatotoo ka sa iyong nararamdaman at ganun din naman ang aking gagawin. Hinihiling ko ito upang makapagsimula tayo nang walang tinatago sa isa't-isa at sa natural na pamamaraan natin mas higit na makilala at maunawaan ang isa't-isa."
Muli na namang sumilay ang ngiti nito na kasing kislap ng mga bituin sa gabing ito. "Bueno, sino ako upang umalma sa kagustuhan ng aking kapatid? At isa pa tunay ang iyong mga sinambit, nais ko ring mas higit pang makilala...yung totoong ikaw. At nais ko ring ipabatid sa iyo na kahit ano ka pa man at maging sino ka man, tanggap kita at mamahalin kita nang lubusan." taos pusong panayam nito hanggang sa lumapit pa siya sa akin.
"Isang bagay ang aking ipinapangako," aniya pa nito at hinawakan ang aking dalawang kamay. "Simula sa araw na ito, asahan mo na ako'y iyong magiging kasama at kaagapay sa lahat ng pagkakataon at anumang oras. Hanggat nandidito at nabubuhay ako, itaga mo sa bato na kailanmay hindi ka na mag-iisa pa, Sinag," napaawang labi akong tumingin sa kaniyang sinserong mata.
"At iyan ang ipinapangako ng isang Cypriano de Luna," aniya pa nito pagkay binitawan na ang aking mga kamay ngunit mas nabigla pa ako sa kasunod niyang ginawa. Hinagkan niya ako sa aking noo! Nawindang ang aking buong katawang lupa at natuptop ang aking labi dahil sa kaniyang ginawa.
"Mahal kita, Maria Concordia at wag kang mag-alala dahil nandito na si Kuya upang ikay alagaan." malambing pang aniya nito bago muling pinispis ang aking pisngi na parang bata sa kaniyang paningin.
Sa mga sandaling ito, dapat nag-aalma na ako sa paraan ng pagtrato niya sa akin pero bakit tilay kay saya sa pusong isipin na simula sa araw na ito, may isang Cypriano de Luna na akong makakasama at maka-kaagapay sa buhay at kailanmay hindi na ako mag-iisa pa dahil kasama ko siya anu't-anupaman ang mangyari?
Sana lang maging tapat siya sa kaniyang mga binitiwang pangako dahil simula rin sa araw na ito, hindi ko man isatinig mismo sa kaniyang harapan...Ipinapangako ko rin na gagawin ko rin ang lahat upang masuklian ko ang kaniyang pag-ibig. Tutal siya nalang ang aking pamilya, kaya dapat mahalin ko nang lubusan ang aking Kuya...higit pa sa kahit na kaninong Ginoo sa mundong ito.
Hindi ako makatulog nung gabing iyon, halos abutin na nang libo ang aking pagbibilang ngunit hindi pa rin ako dalawin ng antok. Aking napagtanto na akoy namamahay lalo pa't hindi ako sanay na hindi nasisilayan ang aking nakasanayang silid sa Malacañang. Tuloy tinanghali ako ng gising sa sumunod na araw.
"Magandang umaga, Binibini," bati nang isang matandang babae pagkababa ko nang hagdanan. Mumukat-mukat at hihikab-hikab pa akong bumaling dito. "Ah Binibini ako nga pala ang nangangalaga sa mansyong ito simula nang umalis ang inyong pamilya rito. Tawagin mo na lamang akong Manang Ines." pakilala nito at may pagalang na tumango na lamang ako dito
"M-magandang umaga," aniya ko pagkay tumingin sa paligid. Mukha namang naunawaan nito si Manang Ines ang aking hinahanap.
"Ah Binibini, kung hinahanap mo ang iyong Kuya ay kaslaukuyang nasa likod bahay siya kasama ang apo kong si Ding." pabatid nito tumango na lamang ako.
"Mabuti pa'y kumain ka na muna ng almusal"
Sumunod naman ako rito sa kusina at doon sinalubong naman ako ng dalawang dalagitang kasambahay.
"Magandang umaga Binibini" magiliw na bati nila sa akin. Agad naman rumatig sa mga ito si Manang Ines at ipinakilala ang mga ito sa akin.
"Binibini, sila nga pala sina Dina at Rita. Kasama ko silang magiging kasambahay at magiging tagapagsilbi ninyong magkapatid."
Kinalatis kong mabuti ang dalawa, ang babaeng tinawag na Dina ay kayumanggi ang balat, tuwid ang buhok at may malamlam na mata habang ang babaeng kasamahan nito na tinawag na Rita naman ay may maputing balat, kulay tsokolateng mata at kulot na buhok.
"Magandang umaga din sa inyong dalawa, tawagin na lamang ninyo akong Binibining Mirasol."
Magiliw naman nila akong inasikaso, lahat nang kailangan ko ay kanilang ibinigay. Yun nga lang hindi ako mapagsimula dahil mag-isa lamang ako rito.
"Nagkain na ba si Yano?" tanong ko sa mga ito. Natigilan sa pagsasalin ng gatas si Manang Ines sa aking baso at akma na sanang magsasalita nang isang tinig ang pumailanlan sa buong kusina.
"Hinahanap mo ba ako, aking mahal na kapatid?" nakangiting tanong ng bagong dating na si Yano bago naupo sa tapat kong upuan. "Kamusta ang iyong tulog?" pang-uusisa pa nito.
Naiiling na lamang akong nag-ayos ng pagkakaupo bago sumagot. "Hindi ayos. Namamahay yata ako." Patotoo ko pagkay napairap sa ere na siya namang kinatawa nito.
"Sa una lang yan, di maglalaon masasanay ka rin na matulog sa iyong bagong silid." wika pa nito na hindi ko na pinansin pa pagkay nagsimula nang magdasal.
"Wala ka bang balak umalis ngayong araw?" kaswal kong tanong sa gitna ng aming pagkain. Mukha naman tapos na itong kumain kung kayat ibinaba na niya ang kaniyang kubyertos at nagpunas ng nguso.
"Ang totoo niyan, ayaw ko pa sanang magtrabaho muna sa ngayon..."
Natigilan ako sa pagkain at nagtatakang tumingin sa kaniya. "At bakit naman?"
"Hindi mainam na iwan kita rito mag-isa gayong kalilipat pa lang natin dito kahapon. Baka mainip ka at nais pa sana kitang mas makasama pa." may halong hiyang tugon nito. Narinig ko ang mahinang halinghinan ng dalawang dalagitang kasambahay na sinuway lamang ni Manang Ines upang magtigil.
Isang malalim na pagtikhim ang aking pinakawalan bago patay malisyang tinapos ang pagkain. "Ayos lamang ako at wag mo akong isipin. Sanay na akong mag-isa," tugon ko.
"Hindi ba't sinabi ko sa iyo na simula ngayon ay hindi ka na mag-iisa pa kailanman?" agad na buwelta naman nito na kinatahimik ko. Muli kong narinig ang kinikilig na halinghing maalin kina Rita o Dina.
"Pero ayos lamang sa akin kung magbabalik ka na sa trabaho. At isa pa, hindi ba't ngayon ka na lamang ulit makakabalik sa iyong trabaho matapos ang ilang buwan? Wag mong sayangin ang pagkakataon lalo't ikaw pa rin ang hukom dito sa Valencia," iwas tinging aniya ko.
Aking nabalitaan na hindi tinanggap nina Hukom Serio ang kaniyang pagkalas sa naturang posisyon dahil bukod daw dito kay Cypriano, ay wala na silang iba pang nakikitang nararapat na maging hukom sa bayang ito.
"Iyan ba talaga ang iyong nais?" nagduduang tanong nito. Tumango naman ako. "Kumsabagay, may punto ka. Ngayong walang tumatayong hukom sa bayang ito, malamang tambak din ang kasong nakalatag sa hukuman panigurado." biglang naiiling na komento nito.
"Bueno, magbihis ka at ngayon din isasama kita. Nais kong ipakita sa iyo ang lugar kung saan nagtra-trabaho ang iyong pinakamamahal na Kuya." nakangiting sambit nito na talagang labas ang ngipin, bagay na mas lalong kinakiligan ng aming dalawang kasambahay.
Bakit ba ang hilig yata ngayong magngingiti nitong si Cypriano? Hindi ba niya batid na nakakawala sa ulirat makita ang kaniyang abot langit na ngiti? Sana lang matagalan ko ang sitwasyon naming dalawa..
****
A/N: Paumanhin sa mahabang paghihintay at salamat sa inyong patuloy na pagsuporta. 🥰
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro