Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1


Ang Nakaraan

Ika- 12 ng Disyembre taong 1895

Ang aking buhay ay hindi lamang puno ng kalungkutan at kasiyahan.  Dahil ang istoryang ito ay tungkol sa isang babaeng kung paanong nakipagsapalaran sa gitna ng pighati at kasawian...

Nanginginig pa rin ang aking katawan dahil sa ihip ng hangin sa aking balat. Sa gitna nang panlalamig na aking nadarama, hindi ko pa rin maiwasan ang magdili-dili sa nangyari.

Katotohanan niyan, parang akoy ligaw at lito pa rin sa mga nangyari matapos akong tulungan ng isang estranghero. Basta ang alam ko na lamang matapos niya akong sagipin ay siya ring pagtila ng ulan kasabay ng pagkalma ng karagatan. Matapos mawala ang estranghero sa aking harapan, ay siya namang dating ni Maya na alaalang-alala sa akin. Kaagad din namang dumating ang kapitan ng barko at malugod kaming pinasakay sa nakareserbang maliit na bangkang panlayag.

Kaya ang lagay namin ngayon tilay isang basang sisiw sa gitna ng kawalan habang nakaantabay sa susunod na sasabihin ng kapitan ng barko.

"Ako'y lubos na humihingi ng tawad sa inyong lahat. Hindi ko alam kung paano pa haharap sa inyo dahil bilang isang Kapitan ng barko, dapat nabatid ko na kaagad ang masamang panahon na sasalubong sa atin. Isa itong malaking pagkakamali sa aking parte at tinatanggap ko ang inyong sisi. Sana'y mapatawad ninyo ako sa aking naging pagkukulang" nahihiyang wika sa lahat ni Kapitan Sorioso. Nakatanggap naman siya ng samu't-saring reaksyon mula sa mga kasamahan kong sakay din kanina ng barko. Nagkataon pa naman na nagmula ang mga ito sa kilala at matataas na angkan sa lipunan kung kaya't talagang tiyak na hindi palalampasin ng mga ito ang kapabayaan nito. Mabuti na lamang at walang buhay na nasawi sa nangyari bagamat may ilang sugatan na kasalukuyang ginagamot ng ilang doktor na nagkataong pasahero rin ng barko.

Inilibot ko na lamang ang aking paningin sa kapaligiran, umaasa na makikita ulit ang estrangherong Ginoo, sa ganoo'y siya mapasalamatan ko man lamang kahit na sinira niya ang aking pag-asa na makasama na ang aking pinakamamahal sa langit. Subalit bigo ako, hindi ko siya makita dito. Kahit sandali ko lamang namasdan ang kaniyang itsura ay hindi ko makakalimutan ang kaniyang mukha lalo na ang malalim nitong mata.

"Isang kapabayaan ang iyong ginawa! Muntikan nang manganib ang buhay namin dahil sa iyo!"

"ANG NARARAPAT SA IYO AY TANGALAN NG POSISYON BILANG KAPITAN NG BARKO!"

Napapikit na lamang ako sa iritasyon dahil sa ingay sa kapaligiran. Ang mga Donya na nagmula sa alta sociedad ay talagang hindi natigil sa pagbubutaktak sa kapitan.

Hindi ba sila napapagod ngumawa nang ngumawa ganong wala na rin naman silang magagawa dahil nangyari na ang mangyari?

"Binibini wag po kayong mag-alala pinapasabi ni Don Gutierrez na nagpatawag na daw siya ng mga taong sasagip sa atin. Mamaya lamang ay nandito na ang mga iyon" pabatid sa akin ni Maya at amging ito ay nangangatal na rin kagaya ko.

"Maya nasaang lugar ba tayo?" tanong mo kahit na ginaw na ginaw na ako ay hindi ko maiwasan ang humanga sa lugar na kinaroroonan namin.

"Ayon sa aking narinig ang lugar na ito ay ang San Ildefonso, karatig bayan ng Valencia" sagot nito. Pinagmasdan ko na lamang ang kalmadong dagat habang hinahawakan ang pino at puting buhangin sa dalampasigan nito.

Kung nagkataon na mainit lamang ang panahon ay nakakaengganyong maglangoy sana dito.

Ilang saglit lang ay ilang kalesa ang tumigil sa di kalayuan. Agad nagsi-tayuan ang lahat palapit dito.

"Binibini tayo na po at baka maunahan pa tayo ng iba sa kalesang pinareserba para sa iyo" mariing bulong sa akin ni Maya bago tinulungan akong makatayo. Bago tuluyang lumakad paalis, ay muli kong pinagmasdan ang buong kapaligiran.

Aking titiyakin na babalik ako sa lugar na ito.

"Binibining Mirasol nais mo bang tumuloy muna sa bahay-panuluyan dito sa San Ildefonso o dumiretso na kaagad tayo sa Hacienda de la Serna?" tanong sa akin ni Don Gutierrez habang lulan kami ng kalesa.

"Magtungo muna tayo sa pamilihan upang makapagpalit ng damit at nakakahiya namang magtungo kaagad sa mga de la Serna nang ganito ang aking itsura" sagot ko na kinakamot ng ulo nito.

"Tama kayo Binibini. Paumanhin kung hindi ko kaagad naisip ang bagay na iyan" wika pa nito. Ibinalik ko na lamang ang mata sa bintana ng kalesa

Minsan hindi ko maisip kung paano naging abogado ni Tiyo itong si Don Gutierrez. Hindi man sa minamaliit ko ang kakayanan nito ngunit kung pakiisipang mabuti tilay hindi mo talaga maiisip na naging abogado ito sa kapasidad ng pag-iisip. Nagkataon lamang talaga na kaibigan ito ni Tiyo, na base sa kaniyang kwento ay matagal niya ulit bago nakita. Kaya naman nung muli silang magtagpong dalawa, ay walang pag-aalinlangang kinuha niya ito bilang kaniyang personal na abogado. Yun nga lang, batid ko ang kapasidad nito kaya naman hindi ko rin maiwasan na imungkahe sa kaniya na habang maaga pa ay paltan na niya ito kaagad, at baka imbes na maipagtanggol siya nito ay mas lalo lamang siyang madehado kapag nagkagipitan.

Tumigil ang kalesa sa harapan ng isang mercado. Akma na sana akong bababa ngunit bigla akong tinubuan ng hiya nang masilayan ang maaliwalas at naggagandahang saya ng mga binibining dumadaan sa harapan ng aming kalesa. Aking nabatid na hindi basta-basta ang pamilihang ito kaya naman si Don Gutierrez na lamang ang aking nilingon at mukha anman naunawaan nito ang aking nais ipabatid kaya naman si Maya ang binalingan nito

"Maya mabuti pa'y ikaw na lanang ang bumaba upang bilhan ng bagong saya ang Señorita" utos nito kaya naman walang nagawa si Maya kundi tanggapin ang salaping iniaabot nito bago nagpaalam sa akin.

Pagkabili ni Maya ng saya ay kaagad din akong nag-aya na dumiretso muna sa bahay panuluyan upang makapag-ayos naman at maging presentable ang aking itsura bago magtungo sa Hacienda de la Serna.

Eksaktong dapit-hapon, ilang buntong hininga ang aking pinakawalan habang tinititigan ang labas ng hacienda de la Serna. Halos mag-iisang taon na rin pala ang nakakaraan nung una at huling punta ko rito. Muling nanumbalik sa aking alaala ang nangyari noon..


Beatro de Sta Catalina, Maynila Filipinas (Hunyo, 1895)

Matapos ang 2 buwang bakasyon ay muli akong nagbalik sa kumbento upang sanay ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Isang taon na lang din ang kailangan kong hintayin at magiging isa na akong ganap na Madre.

Magiliw kaming binati isa-isa ni Madre Delia, isa siyang madre na katuwang ni Madre Virginia na siya namang aming punong Madre dito sa kumbento.

"Maligayang pagbabalik din sa iyo Binibining Mirasol" nakangiting bati nito kaya naman sinuklian ko din na may ngiti ang aking tugon sa kaniya.

"Ganundin po sa inyo Madre Delia"

"Kamusta ang iyong pagbabakasyon? Iyo bang nasulit ang dalawang buwan na pagiging malaya sa kumbento?" muling tanong pa nito. Nais ko sanang sabihin na wala din namang pinag-iba ang buhay ko mapalabas o loob ng kumbento ngunit itoy sinarili ko na lamang.

"Maayos lang naman po Madre Delia, katunayan nga niyan mas sabik akong magbalik dito sa kumbento dahil dito may natutunan ako at mas nalilinang ako sa iba't-ibang gawain" tugon ko habang inililibot ang mata sa buong sulok ng kumbento.

"Tilay ika'y may hinahanap Mirasol?" komento pa nito. Napaayos tayo ako at magpapaalam na lamang sana nang muli itong magsalita. "Kung hinahanap mo si Celestina ay mabibigo ka lamang sapagkat ayon sa kaniyang mga magulang ay hindi muna nila ito nais na pabalikin dito sa kumbento" pabatid pa nito na kinatango ko na lamang bago tuluyang nagpaalam.

Naghahalo ang aking damdamin sa narinig. Hindi ba nga't dapat pa akong matuwa sapagkat wala dito ang aking matalik na katunggali sa lahat ng bagay? Ngunit bakit tilay bigla akong nawalan ng gana sa narinig?

"Mirasol mabuti naman at nakabalik ka dito" naputol lamang ang aking pagdidili-dili nang may magsalita sa aking likuran at nang siya'y aking lingunin, ang nakangiting si Edna ang sumalubong sa akin.

"Kamusta Edna?" tanong ko na lamang dito at pilit ngumiti kahit na wala akong ganang makipag-usap kanino man.

"Eto gaya parin ng dati," tugon nito na halos ikairap ko na lamang. "E ikaw kamusta? Nagtungo ka bang España gaya nang iyong mga nagdaang bakasyon?" tanong pa nito.

"Nagkakamali ka Edna sapagkat buong bakasyon ay nasa palasyo lamang ako" tinatamad na tugon ko.

"Ang mahalaga ay nakapag-pahinga ka, hindi gaya ko na nandito pa rin" komento pa nito. Kilala ko ito si Edna at madadal itong tao kung kayat hahayaan ko na lamang siyang mag-iimik kahit na minsan wala namang kwenta ang kaniyang mga sinasabi. "Pero alam mo ba nung mga araw na wala ka, tunay na nakakatamad mag-aral dahil lagi kami ang napapagtuunan ng pansin ni Madre Virginia. Paano ba naman kasi parehas kayong wala ni Celestina, kayong dalawa pa naman ang laging nakakasagot sa mga katanungan nito tuwing nagle-leksyon" pagmamaktol pa nito.

E kung bakit nga naman kasi hindi sila mag-aral ng mabuti nang sa ganun magawa din nilang makasagot sa mga katanungan ni Madre Virginia? Ngali-ngali kong sabihin dito kay Edna na kawasa sila ay asa lamang sa aming matatalino kung kayat pinag-iigi na lamang ang sarili sa pagsasaulo ng dasal.

"Pero alam mo Mirasol bigla kong naalala si Celestina. Kung nandito siya, tiyak na magiging masaya ulit ang ating klase" magiliw na dagdag pa nito. At doon na ako tuluyang nawalan ng gana. Walang sabi-sabing iniwan ko ito mag-isa doon.

Tss..

Kung naalala niya si Celestina, edi puntahan niya!

"Uy Mirasol, binibiro ko lang naman ikaw" aniya pang muli nito at nakasunod pala ito sa akin. Ilang beses pa akong napairap sa ere.

"Bakit naman kasi ganiyan ka tuwing nababanggit ang kaniyang ngalan, e wala naman siyang ginagawa sa iyo. Nagkataon lang talaga na parehas kayo ng kakayanan at may mga oras at pagkakataon na nagkakalamangan kayo sa isa't-isa kayat di maiiwasan na magkaroon ng kumpitensya sa pagitan ninyong dalawa" aniya pa nito na mas lalo kong hindi nagustuhan.

"At ano ang iyong nais palabasin Edna, na inggit ako kay Celestina?" diretsahang tanong ko na kinawaglit ng ngiti nito sa kaniyang labi.

"Ah hindi naman Mirasol. Akoy nagtaka lamang kung bakit tilay may galit ka sa kaniya tuwing iyong nakikita habang siya namay parang wala lang sa kaniya ang lahat" tugon pa nito. Kinalma ko na lanang ang aking sarili at hindi ko rin naiwasan ang matanong ang aking sarili, bakit nga ba tuwing nakikita ko si Celestina ay di ko maiwasan ang magmahili? Kung tutuusin isa lang naman siyang bagong salta dito sa kumbento.

Biglang namutawi sa aking isipan simula nung tumuloy siya dito sa kumbento. Noon nasa akin ang lahat, papuri at paghanga nina Madre Virginia at maging ang aking mga kasamahan dito ngunit simula nung dumating si Celestina, nahati ang atensyon sa akin.

Kailanman itinuring ko ang aking sarili na nakakahigit sa lahat subalit dahil sa isang Celestina de la Serna, bigla akong nakaramdam ng bahagyang pagdududa sa aking kakayanan. Lalo na nung unang beses ako nitong malamangan sa isang pagsusulit. At hindi lamang natapos doon dahil pagtagal-tagal ay mas nalalamangan na rin ako nito sa ibang bagay at parang ipinamukha niya sa akin na higit siyang talentado kesa sa akin. Simula nung panahong iyon, nagkaroon ako ng pagnanais na mas lamangan pa siya at hanggang ngayon dala-dala ko ang pagnanais na iyon. Hindi ako papayag na maging pangalawa lamang sa kaniya. Kaya nga may parte sa akin ang nasasabik sa muli naming paghaharap ngayon sa klase dahil aking titiyakin na sa pagkakataong ito, siyay aking malalamangan na.

Subalit makalipas ang isang lingo, isang hindi magandang balita ang gumimbal sa amin.

Halos hindi na makahinga ng maluwag si Madre Delia habang binabasa ang sulat na pinadala daw ng kapatid nito na ina ni Celestina.

"W-wala na si C-celestina. Natagpuan daw na wala na itong buhay sa tabi ng Ilog"

Hindi kaagad ako nakapagsalita at ilang minuto pa ang nagdaan bago naproseso sa aking utak ang kaniyang sinabi.

"Ngayon din ay magpapabili ako ng boleta patungo sa Valencia. Lahat tayo ay makikiramay sa nasawi nating kasamahan at kaibigan" malungkot na anunsyo ni Madre Virginia.

Isang buong linggo ang itinagal ng aming byahe. Ang mas nakakalungkot lamang pagdating namin sa Valencia ay hindi na namin naabutan ang burol nito. Kaya naman tanging pag-aalay na lamang ng bulaklak at dasal sa kaniyang libingan ang aming nagawa.

Matinding kalungkutan ang nadarama ng lahat lalong-lalo na ni Madam Delia na hindi maampat ang pagluha habang pinagmamasdan ang nitso ng pamangkin.

Napahinga na lamang ako ng malalim at hindi ko maipagkakaila na maging ako ay nalulungkot din sa nangyari. Kahit naman hindi ko kaibigan si Celestina at itinuturing ko itong kakompitensya, kailanmay hindi ko inaasahan na mangyayari ang bagay na ito sa kaniya. Kay bata pa niya upang pumanaw at madami pa sana siyang magagawa.

"Mirasol, nais mo bang kausapin si Celestina kahit sa huling pagkakataon?" mahinang tanong sa akin ni Madre Virginia habang katabi na nito si Madre Delia na ngayon ay pinapakalma na rin nina Edna. Malugod akong tumango at dahan-dahang lumapit sa pinaglibingan nito. Naupo ako sa tapat bago sinindihan ang puting kandila na alay ko sa kaniya.

"Paumanhin Celestina, nais ko mang handugan ka ng bulaklak subalit malamang malalanta lamang ito sa loob ng isang linggo naming ibinyahe bago pa makarating dito" kunwaring paunang biro ko.

"Celestina, kailanmay hindi tayo nagkaroon ng magandang alaala sa isa't-isa. Hindi rin kita itinuring na kaibigan subalit totoo ang kalungkutang aking nadarama dito sa aking dibdib. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pakiramdam ko ay minsan sa aking buhay ay nagkaroon tayo ng magandang alaalang magkasama kahit sa sandaling panahon? Marahil ito'y epekto lamang ng aking panghihinayang sapagkat wala na akong makakakompitensya pa sa klase ni Madre Virginia. Kay bata mo pa para mamaalam at madami ka pa sanang magagawa" biglang tumulo ang luha sa aking mata kung kaya napatingin na lamang ako sa makulimlim na kalangitan. "Pero sabi nga ang bawat tao sa mundo ay may kaniya-kaniya nang tadhanang isinulat ng Diyos. Naisin man nating mangyari o hindi ay wala na tayong magagawa kundi itoy tanggapin"

Tumayo na ako at lagkay pinagpagan ang aking saya.

"Paano ba yan, ito na marahil ang aking una't huling beses na kitay ngingitian. Paalam Celestina, nakakapanghinayang lamang dahil may parte sa aking puso na nagpapabatid na ikay magiging mabuting kaibigan kung nabigyan lamang sana tayo ng pagkakataon." Huling aniya ko bago lumapit na kina Madam Virginia. Paalis na kami nang saktong tumigil ang isang karwahe sa aming harapan sa likuran nito ay siyang lagdating ng kasunod pang mga karwahe.

Mula dito bumaba ang isang Ginoo, may ngiti ito sa labing tumingin sa amin bago nagsalita.

"Magandang araw sa inyong lahat mga Binibini, naparito ako upang kaunin kayo tungo sa aming hacienda" magiliw nitong inalalayan muna sina Madre Delia at Madre Virginia papasok ng karwaheng kaniyang pinagbabaan.

"Maraming salamat Ginoong Fabio" aniya ni Madre Virginia "Walang anuman po" tugon nito. Kung ganun Fabio pala ang ngalan nito.

Masyado yata akong natulala kung kaya't di ko namalayan na nasa aking harapan na pala ito.

"Binibini, kung iyong pahihintulutan, kitay aking aalalayan sa pagsakay sa aming karwahe" nakangiting aniya nito sa akin. Napamaang na lamang ako sa kinatatayuan kasabay ng pagtitig sa kaniyang gwapong mukha at kasabay na pag-ihip ng hangin ay ang kakaibang tibok sa aking puso.

At sa mga sandaling ito, nagsimula mabago ang aking buhay..

--

"Binibining, ano po ang ginagawa ninyo dito at kanina pa po ba kayo diyan?"

Bigla akong nabalik sa realidad nang isang tinig ang sa aki'y pumukaw.

Hindi ko namalayan na nakabukas na pala ang malaking tarangkahan sa aking harapan.

"Binibini?"

Saka lamang nabaling ang aking atensyon sa babaeng pumuna sa akin. Agad kong napagtanto na siya'y isa sa mga tagapagsilbi dito sa Hacienda de la Serna base na rin sa kasuotang suot nito.

"M-magandang gabi, ako'y nagtungo dito upang sanay bumisita. Maaari ba akong pumasok sa loob?" Nagbabakasakaling tanong ko.

"Maari naman po Binibini. Yun nga lang po wala po ditong ibang tao kundi ako lamang" nahihiyang aniya nito bago iminuwestra sa akin ang daan papasok.

Napabuntong hininga na lamang ako at pilit ngumiti. Maging ako ay hindi makapaniwala sa nangyari sa mga de la Serna, hindi kasi lingid sa kaalaman ng lahat ang pagkasawi ng mag-asawang Donya Eleanor at Heneral Fredercio at ngayon naipatapon sina Binibining Flordeliza kasama ang tagapagsilbi nito sa malayong isla. Habang si Ginoong Marco ay walang balita kung nasaan.

"Sa ngayon ang kaibigang abogado ng pamilya de la Sena lamang po ang nagpapasahod sa akin upang maglinis at magbantay dito sa kanilang naiwang mansyon" tugon nito matapos kong tanungin kung sino ang nangangalaga nitong mansyon gayong wala na ang pamilya dito. Sabay namin tanatahak daan papasok ng mansyon ng nga de la Serna.

Muling namutawi ang lungkot sa aking puso nang sumalubong sa akin ang masayang litrato ng mag-anak na de la Serna. Tunay na nakakapanghinayang lamang at nakakalungkot ang masalimuot na nangyari sa kanilang pamilya.

"Binibini magtungo lamang ako sa kusina upang ipaghanda ka ng maiinom o makakain" magalang na pagbibigay alam pa ulit sa akin ng tagapagsilbi.

"Hindi na kailangan. Maaari bang tumungo na lamang muna ako sa silid ni Heneral Fabio?"

Tulala lamang ako habang nangingilid ang luha sa aking matang pinagmamasdan ang larawan ni Fabio.  Kung bakit naman kasi pagkapasok sa kaniyang silid ay kailangan ito kaagad ang bumungad sa akin.

Hindi ko maipagkakaila na nandito pa rin ang sakit kaakibat ng aking pangungulila sa kaniya.

"Mahal kong Fabio, kamusta ka na? Mahigit ilang buwan na rin ang nakakaraan nang ikay mawala sa akin. Pero sa bawat araw na lumilipas, hanggang ngayon heto pa rin ako at hindi makapaniwala sa nangyari sa ating dalawa at maging ang biglaang pagkawala mo at hindi ko parin magawang matanggap ng lubusan" panimula ko sa gitna ng akong mga hikbi. Pinunasan ko muna ang aking mata bago muli nagpatuloy sa pagsasalita.

"Subalit kagaya ng mga istorya sa libro, ang lahat ng bagay ay may katapusan. Ay sa pagkakataong ito naisin ko man o hindi ngunit kailangan ko ng imulat ang aking mata at tanggapin na ikay wala na talaga at kailanmay hindi na darating pa upang tupadin ang mga pangakong iniwan sa akin"

Biglang lumakas ang hangin sa loob ng silid. Kasabay ng ihip nito ay biglang pumasok sa aking isipan si Celestina. Hindi ko maunawaan pero bigla akong nakaramdam na parang gumaan kahit papaano ang aking kalooban.

Ako'y labis na nagtataka sapagkat kailanmay hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap ng masinsinan si Celestina nung itoy nabubuhay pa subalit biglaang pumasok sa aking isipan ang nakangiting mukha nito habang mata nitoy tilay nagpapayo sa akin.

"Mahal, tilay nagdadamdam yata ang iyong kapatid na si Celestina dahil ikaw kaagad ang aking dinalaw pagkarating dito sa inyong tahanan" kunwaring biro ko. Hindi naman ako matatakuting tao. Katunayan nga niyan, may mga pagkakataon na napapanaginipan ko si  Celestina at sa aking panaginip na iyon na iisipin mong totoong nangyari.

Sa aking panaginip, nagkaroon daw kami ng tyansa na maging kaibigan at minsan ko na rin daw itong tinulungan nung itoy humingi ng tulong. Kakatawang isipin na kung kailan wala na siya ay saka naman may parte sa akin ang nagsasabing siyay nais kong maging kaibigan.

Iwinaksi ko na lamang sa aking isipan ang imposible ng hinahangad.

Huminga ako ng malalim bago pinagbuti na mas titigan na lamang ang gwapong larawan ng aking sinisinta.

Sa larawang ito, siyay nakasuot ng kaniyang unipormeng heneral kung saan mas lalong nangibabaw ang kaniyang pagiging makisig. Marahil kung hindi dahil sa nangyari kay Celestina ay hindi rin magtatagpo ang landas naming dalawa..

Hindi ko tuloy naisawang kiligan lalo na nang maalala kung paano kami noon unang nagkausap, nagkapalagayan ng loob, hanggang sa tuluyang nahulog ang aking loob sa kaniya nang hindi inaasahan..

Valencia Filipinas, buwan ng Hunyo taong 1895

Matapos naming magtungo sa sementeryo, inihatid kami ng kalesa sa hacienda. Sa bungad pa lamang ay sinalubong na kami ng mag-anak na de la Serna.

"Maligayang pagdating sa aming casa" may galang na bati sa aking lahat ng isang Ginang. Batid ko na ito na ang ina nina Celestina. Baganat may ngiti ito sa mga labi ngunit hindi maiipagkaila sa mga mata nito sa panaghoy.

"Magandang hapon sa inyo Ate Delia, Madre Virginia at maging sa inyo mga Binibini. Malugod naming kayong tinatanggap sa aming casa" segunda naman ng isang ma-awtoridad na boses ng isang lalaki. Base sa tindigan at asta nito ay di maipagkakaila na ito naman ang ama nina Celestina. Bigla ko tuloy naalala na isa nga palang heneral ang ama nito base sa mga naririnig ko noong kwento tungkol sa kaniya.

Mula sa loob ng mansyon lumabas ang dalawang binibini kasama ang isang Ginoo upang magmano kina Madre Delia at Madre Virginia.

"Kaawaan kayo ng Diyos" aniya nina Madre bago nakangiting ibinalik ang atensyon sa mga magulang ni Celestina.

"Maraming salamat sa mainit na pagtanggap Donya Eleanora, Heneral Frederico at maging sa inyo din mga binibini at ginoo. Bagamat ang aming puso ay nalukungkot sa pagkawala ng aming kasamahang si Celestina" malungkot na aniya ni Madre Virginia.

Muling dinaluyong ng kalungkutan ang kapaligiran hanggang sa isang boses mula sa likuran ang nagsalita.

"Mabuti pa'y pumasok muna tayo sa loob upang magkamustahan"

Sabay-sabay kaming lumingon sa gawi ng nagsalita at ang nakangiting mukha ng kaninang Ginoo na tinawag na Fabio ang sumalubong sa amin. Napaiwas tingin na lamang ako nang mas lawakan nito ang pagkakangiti sa akin.

Pagsapit ng gabi, akoy hindi kaagad dalawin ng antok. Tilay naglalakbay ang diwa ko patungo sa ibang daigdig. Imbes na magpaikot-ikot sa kama na aking kinahihigaan ay kinabuti ko na lamang na tumayo upang magpahangin sa labas. Hindi ko hangad na magambala pa si Edna na himbing ng natutulog sa aking tabi.

Maingat kong isinara ang pinto pagkalabas ng silid. Sa balkonahe ng mansyon ako tumambay at naupo sa upuang de tungga. Hindi ko naiwasan ang mapapikit habang dinadama ang preskong hanging umaakap sa aking katawan.

"Anong ginagawa mo dito Binibininat bakit hindi ka pa nagpapahinga?"

Bigla akong napabalikawas sa pagkakabigla dahil sa nagsalitang tinig. Bakas ang pagkabigla sa aking mujha nang masilayan ko ang Ginoong nagsalita.

Sa muling pagkakataon, heto na naman ang kakaibang pintig na aking nadarama sa tuwing makikita ko ang nakangiti nitong mukha. Tilay nakakabighani at kaibig-ibig.

Agad kong winaksi ang naiisip. Hindi mainam sa isang tulad ko na estudyanteng naghahangad na maging madre sa hinaharap ang mag-isip ng ganito!

"Binibini ikaw ba'y ayos lamang?"

Muli akong napanumbalik sa wisyo nang magsalita itong muli sa aking harapan. Sinubukan kong wag magpahalatang apektado ako bago pormal na tumugon sa kaniyang katanungan.

"Paumnhin Ginoo, akoy nabigla lamang sa iyo. Akoy naparito lamang upang magpaantok sana"

Mas lumawak ang ngiti nito sa akin. Marahil hilig lamang talaga nitong Ginoo na ito ang ngumiti bagay na hindi namana  sa kaniya ni Celestina. Tilay magkabaliktad silang dalawang magkapatid.

"Hindi pa nga pala ako pormal na nakakapagpakilala sa iyo Binibini, kaya kung ayos lamang, nais ipakilala ang aking sarili" aniya nito na tilay nanghihingi ng permiso kaya naman tumango ako bilang tugon kahit pa alam ko naman na ang kaniyang ngalan. "Ako si Fabio de la Serna ang panganay na kapatid ni Celestina. Marahil kayoy magkaibigan ng aking bunsong kapatid"

Napatiim bagang na lamang ako ng palihim sa kaniyang tinuran.

"Kinagagalak kitang makilala Ginoo. Mirasol naman ang aking ngalan ngunit iyong ipagpaumanhin kung ikakaila ko ang iyong sinabi tungkol sa amin ng iyong kapatid na si Celestina. Kami'y magkaklase lamang at bukod doon ay wala na, kung kayat kamiy hindi magkaibigan" pahayag ko na kinangisi lamang nito.

"Aking kinagagalak din naman na makilala ang isang matapang at matalinong Binibining tulad mo, Mirasol" tugon nito na mas lalong kinabilis ng pintig ng aking puso at mas dumoble pa nung kunin nito ang aking kanang kamay upang halkan.

Bigla akong nakaramdam ng kakaibang banas at dama ko rin ang pag-iinit ng aking pisngi. Agad kong hinigit pabalik ang aking kamay.

Sa buong tanan buhay ko siya lamang ang natatanging lalaking nagkaroon ng tyansa na mahalikan ang aking kamay. Marami na ang nagtangka ngunit sa pagkakataong ito bakit walang pag-angal sa aking puso?

"Nasabi mo na hindi kayo magkaibigan ni Celestina, ngunit bakit naman? Aking nakikita na marami kayong pagkakapareha sa isa't-isa" pag-iiba ng usapin nito. Sa isang iglap ang pagkailang ko sa kaniyang nadarama ay nawala at napaltan ng pagkangiwi mula sa kaniyang mga sinambit.

"Hindi kami magkaparehas ni Celestina. May kaniya-kaniya kaming kakayanan na tanging kami lamang ang higit na nakakagawa" depensa ko. Kailanmay hindi ako naniniwala na may mga parehas na kakayanan ang isang tao, para sa akin palaging nay lumalamang o kaya namay nagpaglalamangan. Maalin lamang diyan sa dalawa kaya imposibleng kami ni Celestina ay magkaparehas.

"Siyang tunay, ngunit base sa paraan ng iyong pananalita ay di na kataka-takang kayong dalawa ay may pagkakatulad" di papaawat na turan na naman nito. Hindi na lamang ako nagsalita sa halip ay nagpaalam na lamang na mauna nang magtungo sa silid upang makapagpahinga na.

"Masyado pang maaga at bata pa ang gabi, bakit hindi muna tayo magkwentuhan Binibini?" tugon nito na kinatigil ko. Mukha naman na atid ata nito ang kakaibang ekspresyon sa aking mukha kung kayat muli itong nagsalita. "Paumanhin, hindi naman kita pinipilit kung hindi ko nais na akoy makausap. Ang totoo niyan akoy nagbabakasakali lamang na may makaka-kwentuhan tungkol sa aking kapatid sapagkat mabibilang lamang sa daliri na nakasama ko ito nung itoy nabubuhay pa"

Biglang akong nakaramdam ng awa sa kaniya lalo na nang mabilis na nagbago ang kaninang nakangiti niyang mukha sa pagiging malungkot. Kaya naman wala akong nagawa kundi magkwento kahit na bilang lang din ang alaala na meron ako kay Celestina.

"Kailanmay hindi kami magkasundo ng iyong kapatid. Palagi kaming magkatungali sa lahat ng bagay at iyan ang dahilan kung bakit kailanmay kamiy hindi naging magkaibigan. Subalit sa totoo lang matapos kong malaman ang nangyari sa kaniya ay hindi ko maipagkakaila ang kalungkutang nadarama dahil pakiramdam ko malaki din ang epekto ng pagkawala niya sa kumbento. Bigla akong nawalan ng ganang mag-aral at tuwing wala soya sa kumbento ay hindi rin ako naiengganyong gumawa ng kahit na ano. Huli na nang aking napagtanto na siyay hindi kaaway para sa akin, siyay katunggali na nais ko ring maging kaibigan subalit huli na ang lahat"

Napatingin na lamang ako sa kawalan matapos ang mga sinabi sa kaniya. Hindi ko maunawaan kung bakit ganito na lamang kabilis para sa akin ang maglabas ng saloobin tungkol sa kaniyang kapatid.

Muling nagbalik ang aking atensyon dito nang marinig ko ang mahina nitong pagtawa.

"At anong nakakatawa sa aking mga sinabi?" Hindi ko naiwasan ang magtaray sa tono ng pagtatanong sa kaniya. Ang ayaw ko sa lahat ay yung natatawa ng walang dahilan sa aking harapan pakiramdam ko kasi isa akong katawa-tawa at estupido.

"Pasensya na Binibini, bigla ko lamang naalala si Celestina. Tiyak na kung naririnig niya ang iyong sinambit ay hindi ito magda-dalawang isip na pagbigyan ang iyong nais na maging kaibigan niya" tugon nito sa biglaang seryosong tono. Kay bilis naman atang magbago ang emosyon ng Ginoong ito?

"Baka nga ganun din ang tingin niya sa iyo kung nagkataon e" dagdag pa nito. Wala na akong maisip na sasabihin panking kayat nanatili na lamang akong tahimik na minamasdan ang malawak na hardinan sa labas ng kanilang mansyon na tanaw na tanaw namin dito sa balkonahe.

"Tahimik lamang Celestina, minsanan lamang umimik, palaging nasa bahay kung hindi nagbabasa ay nagpipinta. Lahat yata ng bagay na naisin niyang matutunan ay nagagawa niyang aralin sa sariling pamamaraan. Bibihira rin siyang lumabas kung kayat sa murang edad, nawala siya sa mundong ito nang hindi man lamang nasiislayan ang ibang magagandang tanawin. Ako'y nahahabag at nanghihinayang dahil madami pa sanang magagawa ang aking kapatid at nais ko pa sana siyang makitang umibig hanggang sa ikasal sa kaniyang Ginoong iibigin"

Batid ko ang pagpipigil nito ng pag-iyak kung kayat tumalikod ako bago nagsalita.

"Naniniwala ako na ang tunay at matapang na lalaki ay dapat hindi umiiyak dahil ito ay nagpapakita ng kahinaan. Para sa akin ang totoong katapangan ay ang pagpapakita ng totoong damdamin at paglalabas ng saloobin. Dahil ang pagkikimkim ng kalungkutan ay hindi mainam kung nais mong umusad sa panibagong yugto ng iyong buhay mula sa kasawian. Kailanmay hindi basehan ang pagtangis upang husgahan ang kakayanan ng isang tao dahil lahat ng taong nilikha ng Diyos ay binigyan niya ng bibig, upang magsabi ng katotohanan at magbahagi ng kaniyang nadarama, gayundin naman ng mata upang makakita at sa pamamagitan nito iluha ang mga bagay na hindi na natin kaya pang kimkimin sa ating dibdib. Kaya sige na Ginoo, hindi ako titingin. Ilabas mo lamang iyang luha na kanina pang nais kumawala sa iyong mga mata" mariing aniya ko at di naglaon narinig ko ang hikbi nito.

Tunay na mas nakakaantig kapag lalaki ang lumuluha marahil nasanay lamang ako na palagiang babae ang nakikita kong lumuluha sa aking harapan kung kayat ganito ang aking reaksyon. Pero gaya ng sabi ko mas humahanga ako sa katatagan ni Ginoong Fabio at hindi nabawasan ng pagtangis ang kaniyang dangal at puri bilang isang heneral sa kasalukuyan.

"Maraming salamat Binibining Mirasol. Simula ngayon tatanawin ko itong malaking utang sa iyo, kayat sanay wag mo akong ipagtulakan kung sakaling muli akong lalapit sa iyo" muking aniya nito. Basa sa paraan ng pagkakawika nito tilay tapos na iyong lumuha kung kayat may kung ano sa aking puso ang napakislot sa kaniyang tinuran.

Pero isa lang nasisiguro ko na simula sa araw na ito, magkakaroon ng malaking pagbabago sa takbo ng aking pamumuhay.

Na siyang tunay na nangyari dahil sa sumunod na araw, madami nakakapansin kung gaano ito naging mas malapit sa akin, bagay na kinaiilangan ko. Hindi ko rin kasi nais ang paraan ng paninitig sa amin ni Madre Virginia

Tulad ngayon, kinakabahan akong sumunod kay Madre Virginia ng ipatawag ako nito sa kaniyang silid isang umaga.

"Wag mo sanang mamasamain ngunit nais ko lamang itanong kung anong meron sa inyong dalawa ni Ginoong Fabio? Kapansin-pansin na masyado yata siyang giliw na giliw tuwing kayoy nag-uusap. Ipapaalala ko lamang sa iyo Mirasol na ikay nakatakda nang tumanggap ng sakramento ng pagma-madre sa susunod na taon. Hindi sa pinipilit kita ngunit sanay maunawaan mo na matapos mawala ni Celestina ay ikaw na lamang ang aking inaasahan na magpapatuloy sa bokasyong ito" nagpapaalalang wika nito. Masinsinang tumingin na lamang ako kaniyang mga mata bago tumugon.

"Wala pong namamagitan sa amin ng Ginoo. Nakikita niya lamang ako bilang kaniyang nakababatang kapatid sapagkat nangungulila siya kay Celestina" tugon ko ngunit di man lamang kababakasan na na iniwalanito sa aking sinagot.

"Aking inaasahan na totoo ang iyong tinugon. Basta palagian mong tatandaan Mirasol na mahiwaga ang pag-ibig. Oras na tamaan ka nito, wala ka nang kawala pa. Kaya naman ingatan mo ang wag mahulog sa kahit na kanino pa mang Ginoo." huling babala nito bago inaya na akong muling lumabas ng naturang silid.

Ang kaniyang mga sinambit, batid ko na wala naman akong dapat ikatakot subalit may kung anong pangamba sa aking dibdib.

Hindi naman siguro!

Sa ikatlong araw naming pananatili sa Hacienda de la Serna, isinagawa ang pagsisiyam o nobenaryo para sa kaluluwa ni Celestina. Lahat kami ay taimtim na nagdarasal sa pangunguna nina Madre Virginia at Madre Delia.

Sa bulwagan ng kanilang mansyon isinagawa ang pagdarasal kung saan naglagay ng ilang imahe ng santo sa ibabaw ng mahabang lamesa na nagmistulang altar. Kumpleto ang mga kaibigan nina Heneral Frederico at Donya Eleanora upang makiisa sa pagdarasal.

Matapos ang pagdarasal ay hindi nag-atubiling nagsalita si Heneral Frederico ngunit agaw pansin ang malaking kwadro na hawak-hawak nito.

"Akoy nagpapasalamat sa inyong lahat sa paglalaan ng inyong oras upang maiisa sa pagsisiyam para sa kaluluwa ng yumao kong anak na si Celestina. At ngayon hindi ko na patatagalin pa, nais ko ring ipakita sa inyo ang larawang ipinasadya ko bilang natatanging alaala namin sa kaniya"

Mabilis nitong iniharap ang mismong larawan ni Celestina at hindi ko naiwasan ang mamangha sapagkat kuhang-kuha ang mismong kagandahan ni Celestina. Sinumang gumuhit nitong naturang larawan ay tunay na isang magaling na pintor.

Lahat ay tutok ang nata sa larawang ipinakit ni Heneral Frederico samantalang ako ay inilibot ang mata sa mga bisita. Biglang tumigil ang aking mata sa isang lalaking nakaagaw ng aking pansin sapagkat bakas sa mukha nito ang pagpipigil na paghikbi habang pinakatitigan ang larawan ni Celestina. Kung hindi ko lamang kilala si Celestina, baka pakiisipan kong nobyo nya ito.

Inilibot ko na lamang ulit ang mata nang mahagip nito ang pwesto ng pinakilala kaninang Gobernadorcillo dito sa Valencia. May kadama itong Ginoo na batid kong anak nito, ngunit kapansin-pansin din ang bakas na lungkot at panghihinayang sa mujha nito habang nakatitig din sa larawan ni Celestina.

Napapailing na lamang akong ibinalik ang atensyon sa pamilya de la Serna ngunit ang pinagtaka ko lamang ay kung sino iyong lalaking katabi ni Ginoong Marco. Agaw pansin ito sapagkat ngayon ko lamang siya nakita kung kayat batid ko na hindi ito kaanu-ano ni Celestina.

Ang pinagtataka ko lamang ay kung hindi ito kaanu-ano ni Celestina, bakit gayon na lamang ang reaksyon nito habang titig na titig don sa larawan ni Celestina. At sa lahat siya lamang ang nagtangkang lumapit upang pispisin ang larawan nito.

Hindi ko rin mabatid ngunit may pakiramdam ako na kakaiba ang lungkot na nakikita ko sa mata ng Ginoong ito. Tila sa lahat, siya ang higit na nangungulila.

Napalingon ako sa aking magkabilang tabi, nagbabaka sakaling may mapagtatanungan man lamang nang magsalita si Madre Delia na nasa likuran ko lang pala.

"May katanungan ka ba Mirasol?" tanong nito. Nahihiya naman akong napangiti ng bahagya bago bumulong sa kaniya at itinuro yung lalaking nagpipipigil ng luha kanina.

"Bueno ang pamilyang iyon ay ang mga Villafuerte. At ang lalaking iyong itinuturo ay si Ginoong Ismael na mapapangasawa ng aking pamangkin na si Anatalia" tugon nito napatango na lamang ako bago itinuro naman yung lalaking nakatulala parin sa harapan ng  larawan ni Celestina.

"Ang Ginoong iyon naman ay si Lucio, kapatid din siya ni Ismael" aniya ulit nito. Babalik na lamang sana ako sa aking pwesto kanina nang may pahabol itong sinaad. "Hindi ko lang maintindihan ay kung bakit ganiyan na lamang ang kaniyang lungkot gayong kung hindi ako nagkakamali ay hindi naman sila magkakakilala ni Celestina" buong pagtatakang dagdag pa nito.

Siyang tunay dahil nang muli kong pagmasdan ang Ginoong nagngangalang Lucio ay nangingilid na ang luha sa mata nito habang patuloy sa pagpispis sa larawan ni Celestina.

Naisip ko tuloy baka naman akala lamang ni Madre Delia na hindi nagkakakilala itong dalawa dahil imposible namang ganito ang kalungkutan at pangungulila ang mamutawi dito gayong hindi naman pala nito lubusang nakikilala ako Celestina.

Pinabayaan ko na lamang ang aking iniisip at seryosong nanahimik na lang ulit sa aking kinatatayuan subalit bigla kong naramdaman na parang may nakatingin sa akin at saktong pagtingin ko sa unahan ay siyang pagsalubong ng mata ni Fabio sa akin. Gaya dati ay ngumiti pa rin ito sa akin ngunit ngayon ay kababakasan ng lungkot at dalamhati ang mata nito. Nagpatay malisya na lamang akong nagiwas tingin sapagkat muli kong naalala ang pinabatid sa akin kahapon ni Madre Virginia.

Matapos ang araw na iyon, nagpaalam na rin kami sa pamilya de la Serna na babalik na sa Maynila.

"Mag-iingat po kayong lahat Madam Virginia at Ate Delia. Maraming salamat sa paglalaan ng inyong oras" naluluhang aniya ni Donya Eleanora bago niyakap si Madre Delia.

"Maraming salamat din sa pagtanggap Heneral Frederico at Donya Eleanora. Hangad ko na sanay malagpasan ninyo ang pagsubok ng pagkawala sa inyo ni Celestina. Palagian kayong magdasal at huminga ng gabay sa Diyos" paalala ni Madre Virginia.

"Siyang aming gagawin Madre Virginia" nakangiting aniya ni Heneral Frederico. Di nagtagal ay dumating na ang mga kalesa kaya naman isa-isa na kaming sumakay. Hindi ko napigilan ang magpahalatang nagulat nang makita ko si Fabio na nakaabang na sa kalesang dapat sasakyan namin ni Edna.

Batid ko ang palipat-lipat tingin sa amin ni Edna kaya naman patay malisya akong sumakay at naupo sa unahan kung saan nakapwesto si Fabio ngunit habang umaandar na ang kalesa ay di ko napigilan ang pangilabutan nang marinig ko itong nagsalita sa aking likuran.

"Wag kang mag-alala magkikita pa ulit tayo Binibini at asahan mo iyan"

Na siyang tunay na namang nangyari dahil dalawang linggo, matapos naming makabalik sa kumbento ay walang palya nang dumadalaw sa kumbento si Fabio. Ang kaniyang dahilan ay dinadalaw lang daw niya ang kaniyang tiya na si Madre Delia ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ay palihim ako nitong sinasadya sa may hardinan ng kumbento.

Hindi ko man naisin ngunit wala akong magawa dahil ako ang naatasan tuwing hapon na mag-aayos ng hardinan kung nasaan ang groto na kinatatayuan ng rebulto ng Inang Maria.

"Paumanhin ngunit hindi mainam ang iyong ginagawa. Batid mo naman na akoy may bokasyon kung kayat hindi mo na ako dapat sadyain pa dito" mariing aniya ko isang hapong hindi ko na natiis ang kakulitan nito.

"Paumanhin Binibini subalit hindi ko magagawa ang iyong sinabi" tugon nito sa biglaang paglungkot na boses. Napabuga na lamang ako ng hangin sa ere.

Kahinaan ko talaga sa lahat ay kapag nakakakita ng malungkot na tao kung kayat bago pa mapunta kung saan ang aming usapan ay ako na ang nagkusang umalis at iniwan siya mag-isa doon.

Isa sa dahilan kung bakit kailangan ko na rin siyang lubayan ay dahil sa may pakiramdam ako na may nagbabago na sa akin, partikular sa aking puso.

"Sigurado ka ba sa iyong desisyon Mirasol?" nagtatakang tanong da akin ni Madre Virginia isang hapon nang sadyain ko siya sa kaniyang silid dasalan.

"Opo, kailangan ko rin pong mag-isip at hanapin ulit ang aking sarili dahil pakiramdam ko may nag-iiba" pagpapatotoo ko dito. Hindi ko magawang tumingin sa kaniya dahil batid ko na may hinala na rin siya kung bakit

"Mirasol, wala na tayong magagawa dahil anumang mangyari ay nakalaan na talaga sa atin at itinadhana ng Diyos"

Napabuntong hininga na lamang ako sa kaniyang mga tinuran. Hindi ko akalain na kahit ang itinuturing na matalinong kagaya ko ay makakaramdam ng pagkawalang alam tungkol sa ganiyong uri ng suliraning nararamdaman sa aking puso.

Basta ang alam ko kailangan ko munang makalayo dito lalo na kay Fabio, dahil baka mahulog ako sa isang patibong ng hindi man lamang pinag-iisipang mabuti ang mangyayari.

Sa palasyo ako muli nanatili sa loob ng ilang linggo matapos ang hiningi kong bakasyon kay Madre Virginia. Ang buong akala ko matatahimik na ang buhay ko dito ngunit nagkamali lamamg pala ako dahil isang araw, sa may pasilyo palang ay nakasalubong ko si Fabio.

Nakangiti itong sumalubong sa akin habang salubong ang aking kilay na nakatingin sa kaniya.

"Anong ginagawa mo dito?" bungad na tanong ko.

"Paumanhin Binibini ngunit hindi ko nais na magkamali ka ng pag-aakala sapagkat akoy naparito dahil ang Gobernador-heneral ang aking sadya dito" tugon nito. Nakaramdam ako ng pamumula dahil sa pagkakapahiya "Ngunit ngayon aking binabawi na rin ang nasabi sapagkat isa ka na rin sa dahilan ng pagparito ko dito" dagdag pa nito. At heto na naman ang mga kiliti sa aking tiyan na tanging sa kaniya ko lamang nadarama.

"General Fabio de la Serna" agad akong napaayos ng tayo dahil sa biglaang pagdating ni Tiyo. "Me alegro de verte aquí, pero ¿dónde está tu padre? (Masaya ako na makita kang muli rito ngunit nasaan ang iyong ama?" tuwang-tuwang bungad pa nito bago lumapit kay Fabio. Mabuti na lamang at abala sila sa pagkakamustahan kung kayat dali na akong umalis bago pa mag-isip ng kung ano sa amin si Tiyo.

Sa may balkonahe ako tumambay, pakiramdam ko palagi ang banas ng paligid tuwing naririnig ang mga katagang sinasambit sa akin ni Fabio. Tunay na masyadong mabulaklak ang dila ng ginoo.

"Dito lamang pala kita matatagpuan, Binibini"

Hindi ko man lingunin ngunit sapat na sa aking makilala ang kaniyang tinig. Ano na naman ba ang kailangan sa akin ng lalaking ito?

"May kailangan ka ba dito Ginoo?" pormal na tanong ko kahit hindi nakatingin sa kaniya.

"Oo"  simpleng tugon nito. Napapikit na lamang ako ng mariin.

"Ano?"

"Hindi ano pero sino," sambit ulit nito. Hindi na lamang ako umimik ngunit nagpatuloy pa rin ito sa pag-imik "At kung tatanungin mo kung sino, walang iba kundi ikaw at ikaw lamang Mirasol"

Heto na naman ang di ko maapuhap na bilang ng pagtibok ng aking puso.

Naramdam ko ang dahan-dahang paglapit nito sa akin.

"Binibini aking nababatid na inilaan mo na sa Diyos ang iyong tadhana ngunit sanay iyong pakiisipang mabuti at dinggin ang tinitibok ng iyong dibdib" nagsusumamong aniya nito.

"Hindi mo alam ang iyong isinusumamo Ginoo" matapang ma aniya ko habang hindi pa rin humaharap dito.

"Hindi ako magsasalita lalo na kung hindi ako nakakasigurado sa mga salitang aking binibitawan ngunit Binibini, aking nararamdaman na may kakaiba ka ring nadarama para sa akin at ang pinagkaiba lang ay, itoy iyong pinipigilan at kinikimkim"

Doon na ako tuluyang napaharap sa kaniya. Ang mapupungay nitong mga mata ang siyang nagpapalambot sa pilit kong pinatitigas na puso.

"Bakit hindi mo hayaan ang iyong nararamdaman at sundin ang tinitibok ng iyong puso? Dahil kailanman hindi ka magiging masaya kung titiisin mo ang iyong damdamin" nangangaral na mungkahe pa nito.

"Ano ba ang pumipigil sa iyo? Bakit hindi mo subukang tumaya? Aking ipinapangako na hindi ka magsisisi at aking aalagaan panghabambuhay ang iyong puso oras na pahintulutan mo akong makapasok sa iyong buhay. Kay sarap mamuhay ng walang pagsisisi sa huli" pabatid pa nito ngunit hinalkan muna nito ang aking kamay bago umalis.

Naiwan ako na nakatunganga at isang desisyon ang namutawi sa aking isipan. Sa una't-huling pagkakataon, susubukan kong sumugal. At sanay hindi ako biguin ni Fabio sa pagkakataong ito.

Sa mga nagdaang araw, naging totoo si Fabio ang kaniyang mga ipinangako. At walang pagsisisi sa aking puso lalo na nung araw na ibinigay ko sa kaniya ang aking matamis na oo.

"Walang pagsidlan ang kaligayahan dito sa aking puso. Maraming salamat at mahal na mahal kita Mirasol. Pangako hanggang kamatayan pangalan mo lamang ang aking sasambitin" tuwang-tuwang aniya nito habang panay ang paghalik sa aking noo.

Hindi ko rin maawat ang kaligayahan sa aking puso dahil sa wakas, ngayong araw na ito siyay akong katipan na. Kay sarap pala sa pakiramdam ang umibig lalo na kung ganun din ang nararamdaman ng taong pinakamamahal mo sa iyo.

Subalit tulad ng kasabihan may hanggangan ang kaligayahan. Isang araw hindi maampat ang akong pagluha matapos ipabatid sa akin ni Fabio na kailangan niyang umalis patungong Cuba dahil sa siyay inatasan ng punong heneral na magsasanay sa mga bagong nag-aasam na maging heneral. Walang pagsidlan ang kalungkutan sa aking dibdib at ngayon pa lamang, nangungulila na ako sa kaniya.

"Mahal ko, tahan na. Ako namay nangangako na babalik ako sa iyo at sa aking pagbabalik, kitay aking isasama sa aming hacienda upang ipakilala sa aking pamilya at upang ipabatid na rin na ikay aking pakakasalan"

Bigla akong natigil sa pagtangis na napatingin sa kaniya.

"P-papakasalan?" nauutal na tanong ko.

Pinunasan muna nito ang luha sa aking mata bago tumugon. "Oo Mirasol, ngayong araw na ito saksi ang buwan at tala sa kalangitan. Ngayon araw na ito aking hinihingi ang iyong kamay at sanay pahintulutan mo akong maging iyong kabiyak sa hirap at ginhawa, sa kalungkutan at kasiyahan panghabambuhay"

Bigla akong napatakip sa aking bibig nang lumuhod ito sa aking harapan, isang singsing na gawa sa bulaklak mg sta anna ang inilahad nito sa akin.

Hindi ko naiwasan ang matawa, kamot ulo naman itong napatingin sa akin.

"Paumanhin mahal ko, sa ngayon wala pa akong nakikitang singsing na nararapat ihandog sa iyo sapagkat ang nais ko lamang sa ngayon ay masigurado sa iyo na akoy babalik at hindi kita tatalikuran kahit kailan. Kaya naman asahan mo na sa aking pagbabalik, tutupdin ko ang aking mga pangakong binitawan sa iyo"

Hindi na ako nag-atubili pa at mabilis siyang niyakap.

"Mirasol" sambit nito at akma sanang itatayo ako ngunit hindi ako nagpatinag sa halip mas hinigpitan ang pagkakayakap sa kaniya.

"Oo Fabio, pumapayag ako na maikasal sa iyo at hihintayin kita dahil hindi ako makakapayag na hindi mo tutuparin ang iyong ipanangako sa akin" naluluhang tugon ko. Saglit ako nitong iniharap sa kaniya at muli kong nasilayan ang kakaibang ngiti sa mga labi niyo bago ako muling niyakap ng walang kasing higpit.

"Pangako mahal ko, pagkabalik na pagkabalik ko ay isasama kita kaagad sa Valencia upang ipabatid sa aking pamilya ang tungkol sa atin"

Naghintay ako, ilang araw, linggo buwan ang lumipas. Hanggang sa isang araw aking nabalitaan ang hindi katanggap-tanggap na balitang wala na daw si Fabio at nasawi sa isang labanan laban sa mga pirata. Hindi ko akalain na ang mga kaligayahang nadama sa piling niya ay siyang katumbas at mahigit pa ay siyang sakit na dulot rin niya sa akin matapos ang nalaman.

At hanggang ngayon hetot dala-dala ko pa rin ang sakit sa aking puso. Mga alaala niyang nanatiling isang magandang alaala na lamang. Mga pangako niyang naglaho na rin kasama niya.

Sanay kaya kong ibalik ang mga oras at araw dahil kung nababatid ko lamang na siya palay hindi na ibabalik sa akin ng karagatan, sanay hindi ko na siya hinayaan pang umalis. Sanay ipinagdamot ko na lamang sa kaniya ang pag-aasam na matupad ang pangarap. Maramot mang isipin pero kung ganun ang aking ginawa disin sanay buhay pa siya at baka sa mga oras na ito kami ay kasal na.

Tunay na nasa huli ang pagsisisi..

--

"Aalis na kayo Binibini?" bungad na tanong sa akin ng kasambahay na nagpakilala bilang Lala nang mabungaran akong palabas na ng pintuan.

"Oo Lala, nag-aalala rin ako na baka abutin ng malakas na ulan sa daan" matamlay na tugon ko. Bahagya pa akong nailang nang maramdam ko ang paninitig nito sa akin. Malamang kapansin-pansin na naman ang pamumugto na aking mata.

"Bakit hindi na lamang kayo dito magpalipas ng gabi. Tiyak na ayos lang naman kay Ginoong De Luna kung magpapaalam kayo sa kaniya" wika nito at nahihimigan ko ang pag-aalala sa kaniyang tono.

"Ginoong de Luna?" pagtatanong ko.

"Ah siya nga po pala ang abogado ng pamilya de la Serna at siya rin ngayon ang nangangalaga dito sa haciendang naiwan ng magkakapatid" akma pa sana akong magtatanong nang biglang kumolog sa labas.

"Bueno salamat ulit Lala, mauna na ako at baka umalan na ng malakas" aniya ko bago nagpatuloy na sa paglalakad palabas ng pintuan.

Malayo-layo pa ang aking lalakarin bago tuluyang makalabas ng hacienda de la Serna kaya naman bilis-bilis ako sa paglalakad. Tuluyan na akong nakalabas ng hacienda de la Serna nang isang kalesa ang nakaagaw ng aking pansin dahil sa dire-diretso lamang itong pinapatakbo ng kutsero papasok sa hacienda.

Ngunit bago pa man ako tuluyang lampasan ng karwahe, isang pigura ng lalaking lulan ang naakaagaw ng aking pansin subalit dahil sa pagpatak ng ambon sa aking katawan kung kayat dali na akong nagtatakbo rin palapit sa kalesang kanina pang nagkaabang sa akin. Tuloy hindi ko man lamang nakita ang mukha nung lalaking lulan ng kabilang kalesa. Malakas pa naman ang hinala ko na iyon na ang tinutukoy kanina ng kasambahay na si Ginoong de Luna.

Pero ano ba namang pakielam ko? Mabuti pa'y bukas bago ako bumalik ng Maynila ay magtutungo ulit ako rito upang mag-alay ng dasal sa pamilya de la Serna.

***
A/N:

Nais kong ipabatid na may ilang tagpo sa istoryang ito na naganap na noon sa CdR1896 upang mabigyang linaw kung ano nga ba talaga ang nangyari sa Valencia matapos ang pagkawala ni Celestina.

Kaya sanay wag kayong mabibigla kung may ilang senaryong nangyari na sa CdR1896 ang siya ring mangyayari dito☺️.

Salamat sa pag-unawa❤️

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro