#rvrsWP || 3.21
𝙹𝚞𝚗𝚎 𝟸𝟹 || 𝚂𝚊𝚝𝚞𝚛𝚍𝚊𝚢 || 𝟷𝟷:𝟹𝟼 𝙿𝙼
K O R I
"KORI?" PAGTAWAG ni Novem habang inaalis ang pagkakasuot ng seat belt. "Nandito na tayo."
Nagmulat at nagpungas ng mga mata si Kori kahit pa hindi naman talaga siya natulog. Nakapikit lang siya buong biyahe pero gising na gising ang diwa niya. Hindi niya rin alam kung ano ang dapat unang isipin o itanong sa kasama.
Pinagbuksan siya ng pinto ni Novem. Sa dami ng iniisip, hindi niya napansing nakababa na ito ng sasakyan. Inalalayan siya nito paupo sa hood ng kotse. Nag-unat siya ng mga binti. Huminga siya nang malalim.
Napalingon siya sa katabi nang marinig itong tumawa. "Bakit?"
Lalong lumakas ang tawa nito. Medyo namumula na ang mga pisngi at tainga nito. "Sorry, 'di ko mapigilan."
Hindi niya nakontrol ang pagtaas ng isa niyang kilay pagkarinig niyon. "Pati ba ikaw, nag-eenjoy na sa pagiging miserable ko?"
"No, you didn't look miserable. Ang cute mo nga, e." Maluwang itong ngumiti.
Pinigilan niya ang pagngiti, galit siya, e.
Tinuro nito ang convenience store sa hindi kalayuan. "Do you want to buy some beer?"
Umiling siya. Nanatili silang tahimik sa loob ng ilang segundo.
"So—" Tumikhim siya. "—what was that?"
"Alin? 'Yong alumni homecoming?"
Tumango siya. "Pinaliwanag ni July sa 'kin, pero hindi ko gaanong naintindihan kasi ano—" Umiwas siya ng tingin. "—ang overwhelming."
Umayos ng upo si Novem. Medyo gumalaw at naalog ang kotse dahil doon. "May alumni homecoming naman talaga dapat. That part was true, but it was cancelled."
"Bakit na-cancel? I sent you a copy of everyone's contact details, right?"
Matipid itong ngumiti. "Hindi ko kasi alam kung paano ka kakausapin. Sabi kasi ni July, parang hindi mo na raw ako kilala no'ng nagtanong siya tungkol sa 'kin."
Saglit siyang napapikit nang maalala kung paano niya sinagot ang chat ni July. "I'm sorry."
"No, no. It's okay." Huminga ito nang malalim. "Doon ko na-realize na unconsciously ko palang iniiwasan 'yong homecoming. Kaya rin siguro hirap akong kausapin ka no'ng una."
Ilang beses siyang lumunok at huminga nang malalim. Kumurap-kurap siya. "Grabe."
"Why?" tanong ni Novem sa mababang boses.
Maraming beses niyang inulit ang pagkurap para pigilan ang pag-init ng mga mata. Suminghap siya. "Hanggang ngayon pala, nasasaktan pa rin kita. Sorry, 'ha?" Ngumiti siya nang peke bago pabirong suntukin ang kaliwang braso ni Novem. Mabilis nitong sinalo at hinawakan ang kamay niya.
Magaan lang, nag-iingat.
Huminga ito nang malalim at lumunok. "No, Kori. I just can't pretend that I do not miss you."
Malakas ang naging pagsinghap nito pagkatapos, parang nakaramdam ng ginhawa.
Lumambot ang tingin niya. "Novem. . ."
"Seven years ago, you ended it because it was getting too real. I was getting too real for you and you thought I didn't feel the same." Malungkot ang naging ngiti nito. "Ang hirap kasi pinangunahan mo ako. Wala akong kalaban-laban, ikaw na 'yong sumuko, e."
Lumunok siya. "I'm sorry," ang tanging nasabi niya.
"What if I tell you that back then, I was more than ready to risk with you? Magsisisi ka ba?"
"Yes," walang alinlangan niyang sagot. "And I'm sorry I didn't kiss you that night."
Tumunghay si Novem. "That hurt, you know?"
"That night, I thought you were just drunk." Napasinghap siya. "Kaya ayon, nag-isip na naman ako na baka kaya gano'n ka lang kasi nakainom tayo, tapos romantic 'yong lugar."
"Naalala mo 'yong unang beses na sinundo kita sa office niyo?"
Tumango siya. Pinilit niya itong titigan nang diretso sa mga mata. Sinubukan niyang masanay sa nakapapaso nitong paraan ng pagtitig.
"God, Kori. Alam mo bang gustong-gusto na kitang halikan sa harap ng mga katrabaho mo?" Kumikinang ang mga mata nito, naluluha. Hindi nga lang niya mawari kung dahil ba sa saya o lungkot.
Yumuko siya para maitago ang pamumula ng mga pisngi sa narinig. "So—sorry ulit."
"Don't apologize for having feelings." Bumuntonghininga ito. "Alam ko namang hindi naiiwasan ang pag-ooverthink pero next time. . . sana subukan mong sabihin sa 'kin 'yong mga iniisip mo."
Tumunghay siya. "Next time? Anong next time?"
Ngumiti ito. "Yes, next time." Huminga ito nang malalim, bumubuwelo. "Kori."
Sinalubong niya ang mga mata nitong nagtatanong at para bang may inaasahan nang sagot. "Yes?"
Medyo pula rin ang mga pisngi ni Novem. Nahiya yata sa mga sinabi.
"Let's try again." Matipid lang itong ngumiti pero nangungusap ang mga mata.
"Novem. . ."
Inasahan na niya ang sasabihin nito pero ganoon pa rin ang epekto – nakabibigla. Iyon na nga siguro 'yong tinatawag na "Novem Effect" ni Fia. Natawa pa ito nang mahina, mababa lang ang boses.
"Kori, I want to try again but if it doesn't work. . . then—"
"This was long overdue, wasn't it?" maliit ang ngiti niya habang binabanggit iyon.
Bakas ang magkahalong tuwa at kaba sa mukha nito. "I-is that a yes?"
"Bakit kita sasagutin? 'Di ka naman nagtanong, a?" Natawa siya nang mahina. "Novem, I'm saying okay, let's try again."
Binalot na naman sila ng ilang segundong katahimikan.
Tinitigan niya nang maigi si Novem. Paulit-ulit nitong pinipigilan at nilulunok ang sariling ngiti. Tahimik siyang napangiti habang pinapanood ito.
"We've always been like this," halos pabulong nitong sabi.
"Like what?" mabilis niyang tanong.
Bumuntonghininga ito pero hindi maialis ang ngiti sa mga labi. "Ang anti-climactic natin lagi."
Gumanti siya ng ngiti. "Oo nga."
"Should we hug it out?" natatawa nitong tanong.
Nangingiti siyang umiling. "We shouldn't." Humilig siya sa kaliwang balikat ni Novem.
"Harap-harapan mo talaga akong ire-reject?" hindi makapaniwala nitong tanong.
"E, sabi mo, sabihin ko sa 'yo mga iniisip ko." Nangingiti niyang sinalubong ang mga mata nito. "Do you know what I'm thinking right now?"
"Not really," kunot-noo nitong sagot.
"I don't want to just hug it out," bulong niya rito.
Huminga siya nang malalim para makakuha ng lakas ng loob.
Ipinikit niya ang mga mata bago abutin ang mga labi ni Novem. Saglit siyang nagmulat nang marinig ang malakas nitong pagsinghap. Napangiti siya. Uminit ang mga pisngi niya nang maramdaman ang paghawak nito sa batok niya. Lalong lumalim ang halik na iyon napanatili nila ang pagkagaan niyon sa pakiramdam.
Halos sampung segundo na ang lumipas at parang pareho silang walang balak bumitaw.
"Kori," bulong ni Novem. Lumayo ito nang kaunti mula sa kanya.
Nalukot ang noo niya. "Bakit?"
"Let's go back," suhestiyon nito at saka, lumunok.
"Hala, anong ginawa ko? Did I accidentally bite you again?"
"Kori." Pulang-pula ang magkabilang tainga nito. "Tara na." Bumaba ito mula sa hood ng kotse.
"What is it?" nakangiti niyang tanong. "Ikaw ang nagsabing mag-share ng iniisip, 'di ba?"
Bumuntonghininga ito. Pinatong nito ang kaliwang kamay sa tuktok ng ulo niya. "Let's go back before I do something I shouldn't."
Mahina siyang natawa. Para kasing sasabog na sa pagkapula ang mga pisngi ni Novem.
"Okay, sige, balik na tayo do'n," natatawa niyang sabi. "Sayang naman 'yong pagkain do'n. How did you pull that off anyway?"
Hinawakan nito ang kanang kamay niya, inalalayan siya pababa ng hood ng sasakyan. "July and I pulled some strings. Oo nga pala, Kori?" Hawak pa rin nito ang kanang kamay niya, wala na yatang balak bumitaw. Pinagsalikop nito ang mga daliri nila.
"Hm?" wala sa sarili niyang sabi.
Nagpamulsa ito sa suot na jacket. Kinuha nito ang phone mula roon, pinakita sa kanya ang oras sa screen.
June 24 ; 12:48 AM
"Goodmorning, love," nangingiting sabi sa kanya ni Novem.
Love.
Bigla niyang naalala ang lahat. Parang eksena sa pelikula na isang minutong flashback – mula sa pagkakakilala nila noong college hanggang doon sa ilang gabi niyang pag-iyak pagkatapos niyang makipaghiwalay. Hindi niya inakalang maririnig niyang muli ang salitang iyon mula sa taong nagparanas at nagparamdam sa kanya ng kahulugan niyon.
Napangiti si Kori. "Goodmorning din, mahal."##
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro