Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

#rvrsWP || 3.08

𝚂𝚊𝚖𝚎 𝙳𝚊𝚢 || 𝚃𝚞𝚎𝚜𝚍𝚊𝚢 || 𝟿:𝟹𝟸 𝙿𝙼

        "ARE YOU alright?" nag-aalangang tanong sa kanya ni Novem. "Namumula ka, e."

        Nakabalik na pala ito nang hindi niya namalayan. Agad niyang ni-lock ang phone niya bago iyon ilapag sa ibabaw ng mesa.

        "Wala, wala." Matipid siyang ngumiti. "It's just something Fia said."

        Nangunot ang noo nito. "Fia as in Sofia?"

        Tumango siya. "Yep. We stayed in touch kahit pa madalang na kami magkita."

        "Professional dancer na siya, 'di ba? I heard she's been around conducting workshops." Sumimsim ito ng red wine mula sa baso.

        Napangiti siya. "I didn't know you kept tabs on everyone."

        "Well, I was the student council president. Old habits die hard." Inubos nito ang natirang laman ng wine glass. "Besides, I only kept tabs on those who were close to you back then."

        Nasamid siya sa iniinom na wine. "Ha?"

        Nangingiting umiling si Novem. "Anyway, your workmate was right. Maganda nga rito, lalo na 'yong ambiance."

        Tumango siya. "Actually, hindi ko rin alam na p'wede na palang kumain dito sa veranda. Like I told you before, ngayon lang ako nakapunta dito."

        Umayos ito ng upo. "Pasado ba sa 'yo 'yong menu?"

        "Oo naman. Sakto lang 'yong seasoning ng chicken risotto, pati 'yong beef kanina. Wait nga, bakit ako?" Bahagya siyang natawa. "Mas magaling ka kaya sa 'kin pagdating sa ganito."

        Nakagat niya ang sariling dila. Awkward, e.

        Sa halip na mailang, ngumiti pa nang magaan si Novem. "Siguro mas magaling ako, pero mas may tiwala naman ako sa 'yo."

        Siya naman ang napasimsim ng wine nang hindi oras. "Ano nga palang sabi ng manager? Ang tagal niyo ring nag-usap, a?"

        "Willing naman daw silang mag-cater. Saka, puwede rin silang gumawa ng menu para lang do'n sa event."

        "Okay naman na 'yong menu nila, e." Inubos niya ang alak sa baso niya. "Sobrang lambot ng manok."

        "Well, you've always loved chicken," pang-aasar nito. "Kulang na lang, tubuan ka ng pakpak, e."

        Umihip ang malamig na hangin. Hindi niya naitago ang panginginig. Napayakap pa siya sa sarili.

        Natigilan siya nang makitang naghuhubad ng jacket si Novem.

        "Hala, 'wag na." Parang alam na niya ang binabalak nito.

        Hindi nito pinansin ang pagtutol niya.

        Tumayo ito at pinatong ang jacket sa balikat niya. "It's fine. 'Wag ka ngang mahiya. Ako ang nagdala sa 'yo rito, e."

        Bumuntonghininga siya. Sinuot niya ang jacket habang bumalik naman sa pagkakaupo si Novem.

        "Salamat." Tinitigan niya ang lalaki bago huminga nang malalim. "Hindi pa ba nila tayo pinapaalis?"

        "Hindi naman. Dessert na lang naman kasi, e," matipid nitong sabi.

        Lumapit sa kanila ang isang waiter at naglapag ng dalawang platitong naglalaman ng tig-isang slice ng tiramisu.

        "Actually, sir, paki-take out na lang nito." Tinuro niya ang tiramisu bago sumenyas. "At saka, paki-split na lang 'yong bill." Ngumiti siya.

        "Kori, it's fine. This one's on me. Ako ang nag-aya, remember?" nangingiti nitong tanong.

        "Well, oo per—"

        "I insist. Ngayon na nga lang tayo ulit nagsabay kumain, e." Tumawa ito nang mahina bago bumaling sa waiter. "May we have the bill, please?"

        "Okay, sir. Please wait for a moment," magalang na sabi ng waiter bago umalis dala ang dalawang platito ng tiramisu.

        Saglit na sinilip ni Novem ang phone. Ilang minuto ang lumipas bago nito inilapag iyon.

        Tinitigan niya ito. "Babayaran na lang kita, a? Hindi talaga ako matatahimik, e."

        "You can pay for our next dinner," suhestiyon nito. May halong pagbibiro at pagkaseryoso ang boses.

        Next dinner?

        Muli siyang ngumiti nang tipid. "Or maybe, I can buy you beer tonight? Compensation lang, gano'n."

        "P'wede naman. Sige, payag ako if and only if, sasamahan mo 'ko."

        Hindi niya napigilang matawa. "We're not in college anymore, Novem. Pareho tayong may pasok kinabukasan."

        Tinitigan siya nito, naningkit ang mga mata. "I'm thinking of a way to tempt you. . . do you still love joyrides?"

        Doon niya hindi naitago ang pagkinang ng mga mata. "Oo naman. Bakit mo biglang natanong?"

        "Joyride tayo?" nakangiti nitong tanong.

        Ang hirap namang humindi sa ngiting 'yan.

        "Hindi ko talaga alam, e." Sinubukan niyang itago ang pag-aalangan sa boses. "Maaga pa tayo bukas."

        "Sir," biglang pagsingit ng waiter. "Here's the bill and your dessert." Naglapag ito ng isang rattan basket na naglalaman ng resibo at ng isang supot.

        Ngumiti si Novem bago kumuha ng pera sa wallet. Nilagay niya iyon doon sa binigay na basket ng waiter.

        Direkta naman nitong binigyan ng tip ang waiter. "I hope you enjoyed your night, sir—" Bumaling ito sa kanya. "—ma'am."

        Matipid siyang ngumiti. Ganoon din ang ginawa ng kasama niya. Pag-alis ng waiter, lumuwang ang ngiti nito sa kanya. Parang nang-aasar, natutuwa.

       "Kori, kung 'yong oras bukas ang inaalala mo, e, 'di maaga rin tayo umuwi." Muli itong ngumiti, alam na yata ang kahinaan niya. "Ihahatid naman kita bago mag-ala una. Deal?"

        Naningkit ang mga mata niya rito. Gusto niyang mainis sa pagiging persistent nito pero hindi niya kaya.

        Si Novem 'to, e.

        Huminga siya nang malalim. "Okay, sige, deal. Joyride tayo."

        Parang bata itong napangiti nang malawak sa tuwa.

        Napakarupok naman, Kori.#

( ✤ )

( ✤ )

𝚂𝚊𝚖𝚎 𝙳𝚊𝚢 || 𝚃𝚞𝚎𝚜𝚍𝚊𝚢 || 𝟷𝟶:𝟸𝟻 𝙿𝙼

        TANGING ILAW lang ng magkatabing kainan at convenience store ang nagbibigay liwanag sa kanila.

        Abala ang kasama niya sa pagmamaniobra ng sasakyan, nagpaparada.

        Nakalapag sa paanan ni Kori ang isang supot. May tatlong bote ng beer sa loob niyon – isa sa kanya at dalawa ang para kay Novem.

        Pinatay muna ni Novem ang makina bago alisin ang pagkaka-lock ng sariling seatbelt.

        Ibinulsa nito ang susi bago humarap sa kanya. "Tara?" nakangiti nitong tanong.

        Inalis niya muna ang seatbelt bago yumuko para abutin ang supot ng beer. Binuhat niya iyon.

        Sakto namang bumukas ang pinto ng sasakyan.

        Nakababa na pala si Novem, ito ang nagbukas ng pinto. Kinuha na rin nito ang supot mula sa kanya.

        Nilapag nito ang mga bote sa hood ng sasakyan. Umupo na rin si Novem doon. Tumabi siya rito.

        Ilang minuto silang ganoon.

        Parang may switch na lumitaw sa kung saan na nagpaalala ng nangyaring breakup pitong taon na ang lumipas.

        "Kori," pagtawag nito.

        "O?" wala sa sarili niyang sabi.

        Natawa lang nang mahina si Novem. Ni hindi na ito nagtanong, mukhang sanay pa rin sa pagliliwaliw ng isip niya.

        Kinagat nito ang takip ng bote. Tumalsik iyon, umingay nang kaunti. Bukas na ang bote nang iabot iyon ni Novem sa kanya.

        Huminga siya nang malalim. "Salamat." Napasinghap siya nang maramdaman ang lamig ng mapait na beer.

        Natawa na naman si Novem. "Na-miss mo ba?"

        "Slight." Muli siyang tumungga. "Ngayon na lang ulit, e. Puro na lang social events, laging wine."

        "Ako rin, madalang na." Nagbukas ito ng isa pang bote. "Kadalasan pa, si July ang kasama ko."

        Sinilip niya ang notifications sa phone niya. "Well, he really sees you as a brother. Hindi na 'ko nagtaka no'ng nalaman kong nag-uusap pa rin kayo hanggang ngayon."

        Nangunot ang noo nito. "He sees me as a brother?"

        "Yep. Mas gusto ka pa ngang kasama no'n kaysa sa 'kin." Tumungga siya.

        "You sound jealous," natatawa nitong sabi. "S'yempre mas gusto no'n ng lalaking makakausap."

        Natawa siya nang mahina. "I'm not jealous. Napansin ko lang."

        Tumungga ito mula sa bote. Lagpas kalahati na agad ang bawas niyon. "So, how's life?"

        "Sakto lang." Ngumiti siya. "I got the job I want. Stable na rin sila mama." Bumuntonghininga siya bago uminom.

        "But?"

        Awtomatikong tumaas ang isang kilay niya. "Ha? There's no but." Sinubukan niya ring tumawa.

        "Hmm." Lumunok ito. "You sighed. Ang lalim pa nga, e."

        "Alam mo, pahamak din minsan 'yang pagiging observant mo."

        Natatawa itong tumungga mula sa bote. "Sorry, I can't help it."

        Tatlong lagok ng alak ang isinagot niya roon. Sinubukan na rin niyang humiram ng lakas ng loob mula sa pait niyon. "Ewan ko ba. I have everything I want, pero. . ."

        "Akala ko ba, walang pero?" nangingiting tanong ni Novem. Nag-unat ito ng mga binti.

        Sumimangot siya. "Hindi naman nawawala 'yon. Kumikita na 'ko sa pagsusulat at pag-eedit, pero natatakot akong ang ending nito, mawala 'yong gana ko. Baka mawala 'yong thrill, e. Baka gawin ko na lang para sa pera." Lumagok siya mula sa hawak na bote.

        Ngumiti ito sa kanya, maliit lang. "Write something."

        "Ha?" Siya naman ang nag-unat ng mga binti.

        May kinuha itong papel mula sa bulsa. "Write something, kahit anong pumasok sa isip mo." Binigay nito sa kanya ang lukot na resibo galing sa Alejandro's.

        Mabilis itong bumaba sa hood ng kotse. Binuksan nito ang pinto niyon at kumuha ng fountainpen galing sa isang compartment sa loob.

        Muli nitong sinarado ang pinto at umupo sa hood ng kotse, sa tabi niya.

        Inabot nito sa kanya ang fountainpen. "Write something."

        Kinuha niya ang fountainpen mula rito. "Wala akong maisip." Bumuntonghininga siya.

        "Kahit ano lang," mahina itong natawa, "You can write a poem, or just a line from a song."

        "Are you trying to be romantic?" natatawa niyang tanong. "Novem, we're not some characters in a 90's movie."

        Malakas itong tumawa sa sinabi niyang iyon. "Did it work, though?"

        "Lasing ka na talaga, e." Hindi niya napigilang tumawa.

        Sinubukan niyang magsulat ng isang taludtod, pero wala. Medyo magulo na ang isip niya dahil sa beer.

        At kay Novem.

        Tahimik lang siyang pinanood ni Novem habang umiinom ng beer.

        Bumuntonghininga siya bago sumulat. Nakailang bura siya, nakailang pag-cross out.

        "Let me see." Bahagya pa itong umusog sa tabi niya, sinubukang silipin ang kapirasong papel.

        Pinabayaan niya itong agawin ang papel mula sa kamay niya.

        Bigla itong natahimik.

        "O, bakit nanahimik ka?" natatawa niyang tanong.

        Tumikhim ito. "Ang sabi ko kasi, kahit ano. Hindi kahit sino."

        Itinaas nito ang hawak na papel para ipakita sa kanya. Matipid siyang napangiti.

        Isang salita lang naman ang naisulat niya roon: "November".

        "Mag-iisip kasi dapat ako ng salitang ka-rhyme niyan, kaso wala talaga," pagpapaliwanag niya.

        Dire-diretso nitong nilagok at inubos ang laman ng bote bago tupiin at ibulsa ang kapirasong papel.

        "Alam mo bang—" Pinagdikit nito ang mga labi, nagdalawang-isip ata kung itutuloy ang balak sabihin.

        "O?" wala sa sarili niyang sabi.

        "At first, I was relieved that we broke up." Suminghap pa ito pagkasabi niyon, parang nakaramdam ng kaunting kirot.

        "Wow. Saan galing 'yon?" natatawa niyang sabi. "Hindi ko alam 'yan, a."

        Tumawa ito nang mahina. "Kaso, sa una lang pala 'yon." Ngumiti ito bago ubusin ang laman ng bote. "Mahal kita, e."

        'Tangina. Bakit may biglang gano'n?

        May kung anong kumirot sa loob niya pero pinilit niyang tumawa. "Lasing ka na. Ang labo na ng mga sinasabi mo, e." Tumawa ulit siya at napalunok pagkatapos.

        "Hindi, a," nangingiti nitong sabi. Kinuha nito ang huling bote mula sa supot. Kinagat nito iyon, umingay muli nang kaunti ang takip.

        Lumunok siya. "Sorry ulit." Nakailang lagok siya ng alak bago umiwas ng tingin.

        Narinig niya ang malakas na pagsinghap ni Novem dahilan para mapatingin siya rito.

        Tumungga ito mula sa bote. "Para saan?"

        "Sa pag-iwan sa 'yo."

        Lumambot ang tingin nito sa kanya. "Sira." Pinitik nito ang ilong niya. "You did what you have to do. Priorities first, remember?"

        "Novem. . ."

        "Hmm?" Muli itong tumungga mula sa bote. Isa lang, tapos tuloy-tuloy na. Halos ubos na ang laman ng boteng iyon nang tumigil ito.

        Natawa siya. "Inom na inom ka, a?"

        Umiling si Novem. "Sakto lang, pero na-miss ko, e."

        "Hindi na ba kayo nakakainom ni July?" Muli siyang tumawa, baka sakaling gumaan na ang hangin sa paligid.

        "Sira." Muli nitong pinitik ang ilong niya, mas malakas na. "Ikaw 'yong na-miss ko."

        Tumungga siya. "Parang ewan 'to."

        Huminga ito nang malalim. "Do I look happy to you?"

        Hindi niya alam kung anong isasagot.

        "Novem, we're fine this way." Bumuntonghininga siya. "I mean, we got what we wanted, right? We turned out okay, right? Okay lang tayo."

        "We're far from okay." Mabilis nitong sinuklay ang buhok. "Even you don't look okay to me."

        Huminga siya nang malalim. Naramdaman niya kasi ang pag-init ng mga mata niya. Ayaw niyang umiyak.

        Desisyon ko naman 'yon, e.

        "Kori. . ."

        Bumuntonghininga si Novem bago umusog palapit sa kanya. Magkadikit na ang mga balikat nila sa sobrang lapit nito.

        Nangunot ang noo niya. "Bakit?"

        Huminga lang ito nang malalim. Lumambot ang tingin nito sa kanya, medyo bumaba sa mga labi niya bago umakyat at bumalik sa mga mata.

        Palapit nang palapit ang mukha ni Novem sa kanya.

        Ilang beses siyang kumurap. Nahirapan na rin siyang huminga. Paulit-ulit siyang lumunok para maikalma ang sarili.

        "Shit," bulong niya.

        Napasinghap siya. Ganoon din ang ginawa ni Novem.

        Agad itong lumayo sa kanya. "Sorry, hindi ko sinasadya."

        Napayakap siya sa sarili. Bigla niyang naramdaman 'yong lamig ng hangin kahit pa suot niya ang ipinahiram na jacket ng kasama.

        Mabilis ang naging pagkilos ni Novem. Bumaba ito mula sa hood ng sasakyan. Kinuha rin nito ang mga bote bago ilagay sa supot.

        "Novem. . ."

        Tumikhim muna ito bago tumunghay sa kanya. "Tara na, hatid na kita." Maliit lang ang ngiti nito.

        Napalunok siya sa napansin.

        Pilit na ang ngiting iyon ni Novem.##

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro