Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

#rvrsWP || 2.62

𝙼𝚊𝚢 𝟷𝟺 || 𝙵𝚛𝚒𝚍𝚊𝚢 || 𝟷𝟶:𝟹𝟸 𝙿𝙼

S U M M E R

        DOBLE ANG pagpigil ni Summer para hindi niya kagatin ang mga kuko. Paulit-ulit siyang pumipikit at humihinga nang malalim. Baka magtagumpay siya sa pagpapakalma sa sariling isip. Hindi niya kasi alam kung ipagdarasal niyang totoo ang nakita ni Sam o hindi.

        Mas makabubuti kung totoo nga para tapos na, e. Para magkaroon siya ng dahilan na tapusin na bago pa magsimula.

        Kasalanan din naman niya, e. Kung ginawa niya agad 'yong writing exercises, nabawi niya sana agad ang phone niya.

        Walang pagpapalitan ng mensaheng magaganap. Walang sapilitang panliligaw. Walang goodmorning messages. Hindi mangyayari 'yong panghihimasok ni Enrique July Ochoa sa payapa niyang buhay.

        Pero panghihimasok pa rin ba ang tawag kung pinanuod at tinulungan naman niya ito?

        "Fuck." Ipinikit niya ang mga mata at saka, humiga sa sandalan sa back seat.

        Narinig niyang tumikhim ang driver. Nagmulat siya ng mga mata. "Ma'am, nandito na po tayo."

        "Putangina. Bakit ang bilis?" pabulong niyang sabi.

        Bago pa siya makababa ay natanaw na niya si July. Seryoso ang mukha nito habang naglalakad papalapit sa sasakyan.

        Kumatok ito sa windshield ng driver.

        Pagkababa ng salamin ay nag-abot ito ng isang libong piso. "Keep the change po, kuya," bulong nito sa driver na ikinatuwa naman ng huli.

        Pinagbuksan siya ng pinto ni July. Hindi na siya umangal. Sabay-sabay na rin kasi ang mga iniisip niya. Paano ba siya aakto kung totoo nga ang sinabi at nakita ni Sam?

        Wala naman akong karapatan.

        Parang bata siya nitong hinawakan sa pulsuhan; parang ingat na ingat ito sa kanya kahit na tatawid lang naman sila sa maliwanag na kalsada.

        Hindi naman ito mukhang galit pero unang beses niyang makitang ganoon ang lalaki. Iyong nakakunot lang ang noo at walang bahid ng ngiti. Tahimik lang siyang sumunod dito. Muli siya nitong pinagbuksan ng pinto ng coffee shop. Sa pagkakataong iyon ay kinalabit siya nito nang hindi siya tuminag.

        Wala gaanong tao roon. Dis oras na rin kasi ng gabi. Pang-umaga lang naman ang kape.

        Dumiretso siya sa pinakadulong mesa. Si July naman ang bumuntot sa kanya. Bahagya siyang nagulat nang tumabi ito sa kanya sa halip na umupo sa katapat niyang upuan.

        Huminga ito nang malalim bago humilig sa kanan niyang balikat. "Sabihin mo lang kung hindi ka kumportable," halos pabulong nitong sabi.

        Bukod sa pamamawis ng mga palad ay naramdaman niya ang pag-init ang magkabila niyang pisngi.

        "Uy," tudyo niya nang mapansing nakapikit na ito. Balak pa yata siyang gawing unan.

        Pinagmasdan niya ang mukha nito. Mukha itong pagod, walang tulog, at frustrated. Puting t-shirt at isang pares ng asul na pantalon lang ang suot nito. Parang nagmadali.

        Nagmulat ito ng mga mata. "Sorry. Na-miss kita, e." Matipid itong ngumiti. "Acceptable ba 'yon bilang excuse?"

        Tumikhim siya. "Nakasandal ka naman na. Ano pang excuse sinasabi mo?"

        Napailing lang si July habang nangingiti. Umayos ito ng upo. Dalawang phone ang kinuha nito mula sa dalang satchel bag na ngayon lang niya napansin. Binigay nito ang isa sa kanya. "Phone mo. Sorry, nakalimutan ko kasing ibigay kay Topher kaninang umaga."

        Inabot niya iyon. "Okay lang. Busy ka, 'di ba?" Hindi niya sinasadyang maitaas ang tono ng boses.

        Bumuntonghininga ito bago tumipa sa sariling phone. "Hello, Gwen? Pakiulit nga 'yong sinabi mo sa 'kin kanina."

        May kung ano itong pinindot bago ilapag ang phone sa ibabaw ng mesa. "Sorry na, okay? Ayaw naming mangialam pero kasi, ang bagal niyong dalawa!" Ni-loudspeaker pala ni July ang tawag.

        Nangunot ang noo niya. "Anong nangialam?" tanong niya kay Gwen sa kabilang linya.

        "Holy fuck! Pi-prim?" kabadong tanong ni Gwen sa kabilang linya. "Kuya, ano ba? Magkasama kayo? Oh, my God, bakit kayo magkasama?"

        Mahinang natawa ang katabi niya "Mamaya na 'ko magpapaliwanag, Gwen." Pinatay nito ang tawag bago bumaling sa kanya. "Iba ka talaga, 'no? Mas takot pa sa 'yo si Gwen kaysa sa 'kin."

        Putangina naman.

        Parang may ideya na siya sa kung anong nangyari kahit medyo magulo pa.

        Unti-unting umusbong ang hiya sa loob niya.

        Narinig niyang suminghap si July dahilan para mabaling ang atensyon niya rito. "Takte, ang awkward. Hindi ako sanay." Tumawa ito, binawasan ang pagkailang sa hangin.

        "Oo, friendly ka, e," parang wala sa sarili niyang sabi.

        Ngumuso ito. "Sabi ko nga." Muli itong humiga sa kanan niyang balikat. "Hindi nga totoo 'yong kay Lia. Maghapon ako do'n sa seminar sa QC."

        "Okay. E, 'di hindi totoo," Umayos siya ng upo. "Okay na ba? Tara na." Agad siyang tumayo.

        Narinig niya itong tumawa bago hawakan ang kamay niya. Napaupo siya dahil doon. "Takte naman, Luciero. Ang cute mo magselos."

        "Hindi ako nagseselos." Sinubukan niyang tumayo pero hinila nito ang kamay niya. "Seryoso kasi ako. Tara na."

        Muli siya nitong pinaupo. "Okay, sige na. Hindi ka na nagselos," natatawa nitong sabi. "Sila Gwen kasi may pakana no'n. Wala talaga akong alam kaya nagulat na lang ako na nagagalit ka sa 'kin."

        "Hindi ako galit—" Napapikit siya. "—pero 'tangina naman kasi." Para siyang batang nagsusumbong. . . masagwa. Hindi 'yon uso sa kanya, e.

        "O, 'wag kang iiyak," nakangiti pa nitong pang-aasar sa kanya. Aliw na aliw ang mga nitong nakatitig sa kanya.

        Umirap siya nang matalim. "Ang off mo kasi pagkatapos ng party ni Gwen. Akala ko tuloy, suko ka na."

        "Hay." Umayos ito ng upo, lumapit pang lalo, at saka, tumingin sa kanya nang mataman. "Luciero, kapag sinabi kong gusto kita, gusto kita. Ilang beses ko bang kailangan patunayan para maniwala ka?"

        Sa puntong iyon, lalo niyang naramdaman ang pagod ni July. Halos itim ang ilalim ng mga mata nito. Kung kasama ba siya sa dahilan ng pagod nito ay hindi niya alam.

        Parang ayaw na niyang malaman.

        Bumuntonghininga siya. "Sorry," pabulong lang iyon. Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Nasanay siyang laging may ipinagtatanggol, e. Ngayon lang ata nangyari 'yong siya naman ang nakaperwisyo.

        "Ano ulit? Medyo hindi ko narinig, e." Halata sa tono ng boses nito ang pagkamangha.

        Pinaningkitan niya ito ng mata. "Gago, e 'di 'wag."

        Akmang tatayo siya pero mabilis siyang pinaupo ni July. Hinawakan na naman nito ang kamay niya. Tuloy ay napasinghap siya.

        "No'ng sinabi kong liligawan kita, aaminin ko. Nabigla din ako sa sinabi ko. Padalos-dalos ako, e. Inisip kong baka hindi ko mapanindigan pero gusto kita." Magaan itong ngumiti. "Kahit dinaan ko sa meme 'yong pag-amin ko sa 'yo, totoo 'yon. Luciero, willing akong maghintay."

        Pinilit niyang sumimangot. "Fuck you." Pinigil niya ang ngiti. Hindi uso sa kanya ang kilig, e. Hindi gano'n ang isang Summer Prim Luciero.

        Mahinang tumawa ang lalaki. "Hoy, 'wag kang gan'yan. 'Pag 'yan ginawa 'ko. . . nako. Magsisisi ka."

        "Buti alam mong magsisisi ako," natatawa niyang sabi.

        Parang bulang nawala 'yong pagkailang niya kasabay mga iniisip niya kani-kanina lang. Akala niya kasi, laging nakaiilang kapag usapang feelings. Hindi naman pala. . . lalo na kung pamilyar sa pakiramdam ang kausap.

        Pinitik ni July ang noo niya. "'Di ka talaga nagpapatalo, 'no?"

        "Naman," proud pa niyang sagot. "I never yield."

        "Okay lang 'yan. Willing naman akong magpatalo para compatible tayo." Nag-finger gun pa itong parang bata.

        Pinaikot niya ang mga mata sa ginawa nito. Ilang segundo pa ay muli itong humilig sa kanan niyang balikat. Pinabayaan lang niya. Mukhang inaantok, e.

        "Ochoa," pagtawag niya rito.

        "Hmm?" nakapikit nitong sabi.

        Napamaang siya. Medyo nakiliti kasi siya sa hibla ng mga buhok nitong tumatama sa bandang gilid ng leeg niya. "Nanliligaw ka pa rin ba?"

        Mahina itong natawa. "Parang gano'n na nga."

        "Oo." Nakagat niya ang sariling dila. Halos hindi na nga niya natapos ang pagbanggit sa isang salitang iyon.

        Bahagya itong lumayo sa kanya para tingnan siya — mata sa mata. "Ha? Ano?" nakangiti nitong tanong. "Hindi ko narinig, e. Medyo mahina kasi. Puwedeng pakiulit?"

        "Gago ka, a?" Hindi niya napigilan ang pagsimangot. "Trip mo talaga ako, 'no?"

        "Hindi nga kita trip." Natawa ito nang mahina. "Gusto nga kita. Magkaiba 'yon."

        Hindi siya nakapagsalita. Sa pagkakataong iyon, alam niyang totoo ang sinasabi ni July. Kahit nakaloloko ang ngiti nito, naniniwala na siya. Siya lang naman kasi itong ayaw maniwala. Siguro, gano'n ang takbo ng isip niya dahil bukod sa matigas ang ulo niya, lagi rin niyang pinangungunahan ang lahat.

        Wala namang nagkakagusto sa gano'n. . . kaso iba yata talaga si July.

        Maraming beses siyang napakurap nang maramdamang may kung anong dumampi sa noo niya.

        Hinalikan ni July ang noo niya.

        Ilang beses siyang lumunok. Medyo nahirapan din siyang huminga. Biglang hindi niya maigalaw ang mga kamay. Sabay niyang naramdaman ang tuwa at hiya. Mainit na ang magkabila niyang pisngi pero wala yatang balak kumalas si July.

        "Uy," bulong niya rito.

        Saglit siya nitong binitiwan. "Wala nang bawian 'yon, 'ha?"

        Doon lang unti-unting bumalik ang pakiramdam niya sa paligid.

        Tango lang ang naisagot niya. Natawa na naman ito nang mahina. Mababa lang, masarap sa tainga.

        Pabirong ginulo ni July ang buhok niya. Magaan itong nakangiti sa kanya habang ramdam pa rin niya ang nakapapasong pagdampi ng mga labi nito sa balat niya.

        'Tangina. Mapaso na kung mapapaso.##

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro