Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1: Welcome To Don Boscoe

PAGKATAPOS ILAGAY ANG kanilang mga gamit sa lobby ay dumiretso ang lahat sa hapag upang kumain ng meryendang hinanda ng mga pari. Hindi mapigilan ang saya na kanilang naramdaman habang pinag-uusapan ang mga maaari nilang gawin sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi sa Don Boscoe. Bilang mga graduating students sa isang relihiyosong paaralan ay kinakailangan nilang umattend ng recollection isang linggo bago ang seremonya.

“Anong masasabi niyo sa kabuuan ng retreat house?” Tanong ni Joy, ang vice mayor ng kanilang klase.

“Isa lang ang masasabi ko,” saad ni Melanie habang nakataas ang dalawang kamay sa ere. “Natatakot akong matulog sa mansyong ito.”

“True,” pagsang-ayon ni Dionese. “Hindi niyo ba naramdaman kung anong naramdaman ko ngayon? Hindi ako mapakali at para bang may mga matang nakamasid sa atin dito sa Maria Luisa.”

“Hindi,” tamad na sagot ni Beejay sa kanyang kaibigan.

“Manhid ka kasi, Beej. Hindi mo nga maramdaman ang tunay na naramdaman ni—”

“Teka lang,” pag-awat ni Kyla, ang mayor ng kanilang klase. “Pwede bang tumigil kayong dalawa sa mga biro niyo? Baka kung saan pa mapunta itong usapan niyo, e.”

Naghiyawan ang lahat sa kanilang nasaksihan habang ang mga kalalakihan naman ay nagsimulang sumipol. Ilang minuto ang lumipas ay pumasok sa hapag ang dalawang guro at halata sa kanilang mga mukha na dismayado sila sa ipinapakitang asal ng kanilang estudyante. Agad natahimik ang lahat nang makita ang dalawa sa bukana ng pintuan at walang kibo. Tahimik na bumalik sa kani-kanilang mga upuan ang bawat isa at nagpatuloy sa pagkain ng meryenda.

Sa kabilang banda ng silid na malapit sa bintana ay palihim na siniko ni Jezzah ang kanyang katabi na si Blythe. Walang emosyong tiningnan ng dalaga ang kaibigan bago nagpatuloy sa pagnguya ng pandesal. Ngumuso si Jezzah sa direksyon ng kanilang dalawang guro nang mapansin ng dalaga na may dala itong maliit na kahon.

“Are they going to confiscate our phones?” Tanong ni Jezzah sa kanyang kaibigan.

“Paano mo naman nasabi?” Tanong pabalik ni Blythe bago uminom ng orange juice.

“Obvious naman, e.”

“Sa tingin ko rin,” saad ni Angelyn at saka palihim na itinuro ang hawak na kahon ng kanilang guro. “Ano naman ang ilalagay nila riyan—tinapay? At saka hindi pa ba kayo nasanay? No phones allowed sa Don Boscoe at baka nakalimutan niyong walang signal dito sa bundok.”

“May point si Ange,” pagsang-ayon ni Shaine habang pinaglalaruan ang gulay sa kanyang plato. “Pero may dala akong mini camera. Hindi naman siguro bawal iyon, ‘di ba? At saka kailangan natin ng documentation para sa gagawin nating ghost hunting mamayang gabi.”

“Ang girl scout naman ng kaibigan ko,” biro ni Blythe at saka mahinang tumawa.

“Fuck you, Abby.”

Bumilog ang mga mata ni Blythe at hindi pa rin tumitigil sa pagtawa. “Kanina pa kayo sa linyang iyan—baka gusto mo rin akong murahin, Jezz?”

Umiling si Jezzah at sinabayan ang kaibigan sa pagtawa bago bumulong, “Fuck you, Abby.”

“Mga baliw,” saad ni Shaine bago nagpatuloy sa kanyang pagkain. “Anong oras pala magsisimula ang unang aktibidad natin dito sa Don Boscoe?”

“After lunch, I think?”

“After lunch,” pag-ulit ni Shaine sa sinabi ni Jezzah. “Gusto niyong libutin muna ang mansyon? May dalawang oras pa naman tayo bago magtanghalian.”

“Shaine,” pagtawag ni Angelyn sa pangalan ng kaibigan.

“You are against the idea, I know. Kaya tumahimik ka na lang diyan, Ange.”

“Paano mo naman nalaman, aber?” Hindi makapaniwalang tanong ng dalaga.

“Palagi naman,” sagot ni Shaine kasabay ang paglapag ng kanyang cellphone sa lamesa. “Pero alam kong papayag ka rin sa huli, Ange.”

“Dahil hindi siya kill joy,” pagpatuloy ni Jezzah sa mahinang boses.

“Mabuti alam mo,” natatawang saad ni Angelyn at saka inilapag ang kanyang cellphone sa lamesa. “Ang hilig mong ipahamak tayong apat, ‘no?”

“Ang hilig niyo rin kasing bumigay sa pakiusap ko.”

“Buwesit,” komento ni Jezzah bago inilagay sa kahon ang kanyang cellphone nang lumapit ang isa sa kanilang guro, si Juliet.

“Enjoy your stay here,” saad ni Juliet bago tuluyang isinara ang kahon at nilagyan ito ng padlock.

“We will,” sarkastikong saad ni Blythe kasabay ang pagtingin ng dalaga sa harap. “Sana mag-enjoy rin kayong dalawa ni Sir Rome dito, Miss Juliet.”

“Kung hindi kayo magiging sakit sa ulo,” saad ni Juliet na halatang nang-iinis bago tuluyang umalis sa puwesto ng magkakaibigan.

Bahagyang tumawa si Shaine bago itinuon ang kanyang pansin kay Jezzah, “Ang harsh talaga ng babaeng ‘yon, parang hindi dumaan sa pagiging estudyante. Paano kaya ‘yon nakapasok sa St. Catherine’s High School?”

“Baka kaibigan niya ‘yong multo sa school natin?” Natatawang tugon ni Blythe bago inubos ang kanyang inumin.

Tweet your thoughts and use #RHTUFaith on Twitter or Instagram.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro