[4]. Lady
Roseville Valley,
MORTAL REALM
Hingal na hingal na napabangon ang isang labing-limang taong gulang na babae; Nanaginip siya ng mga weirdong bagay at naramdaman niya ang sakit na naranasan ng isa sa mga tauhan na nasa panaginip niya.
Pero siguro, mas pipiliin niyang doon na lamang sa mundo ng kaniyang pantasya na manirahan kaysa na manatili siya rito at masaktan, sakit na mas malalala kahit pa sa pisikal na sakit.
Napaupo siya sa kaniyang maliit at lumang kama. Binuksan niya ang maliit na gasera at dahil dito, binunyag ng maliit na liwanag ang mga tuyong dugo at preskong sugat sa kaniyang mga binti at braso.
"Sana totoo na lang ang panaginip ko, gusto ko ng makaalis dito," mahinang wika ng dilag at biglang tumulo ang kaniyang mga luha.
Simula noong pinanganak siya ay doon nagsimula ang kalbaryo ng kaniyang buhay. Iba ang kaniyang itsura kaysa sa kanyang ina. Ang pagkakaalam niya ay ginahasa ang kaniyang ina kaya nabuntis at siya ang naging bunga. Bukod sa likas na galit sa kanya ang kaniyang ina dahil siya raw ang dahilan kung bakit nasira ang buhay nito ay sinasabihan siyang anak ng enkanto ng mga matatanda sa bayan nila. Puti ang kaniyang malalagong buhok, puti at porselana ang balat at asul na mga mata.
Hindi niya alam kung bakit siya ganito, kung bakit ganito ang itsura niya na ito ang dahilan kung bakit siya sinasaktan at sinasabihang salot ng mga tao. Hindi naman niya nagustuhan na maging ganito eh, wala naman siyang ginawang masama.
"Tumahimik kang bata ka! Ang ingay mo! Putangina!" narinig niyang sabi ng kanyang ina na alam niyang kakarating lang nito galing mahjong at inuman.
Nakaramdam siya ng takot at nanginig ang kaniyang balat. Mabilis niyang itinigil ang kaniyang hikbi at niyakap ang kanyang mga binti ng marinig niya ang mga mabibigat na yabag na mula sa kaniyang ina.
Palakas nang palakas ang mga yabag, papunta ito sa kaniya, mas lalo siyang nanginig sa takot. Kasi baka pag-pasok nito sa kwarto niya ay sasaktan nanaman siya ng kaniyang ina.
Bumukas ng malakas ang pinto at lumuwa ang galit na mukha ng kaniyang ina at sa kanang kamay nito ang latigo na paboritong gamiting panakit sa kanya.
"M-Mama! Sorry po! Tatahimik na po!" mahinang pagmamakaawa niya at kulang na lang ay lumuhod sa harapan ng ina.
Malamig lang siyang tiningnan ng babae at wala man lang ni-awa ang nakarehistro sa mukha at mata nito.
"Dapat tumahimik ka na lang habangbuhay, salot ka!" sabi ng ina at sinimulang ihagupit ang latigo sa katawan ng dilag.
Nararamdaman niya ang hapdi ng balat na natatapyas na dahil sa latigo. "Aaaahhhh! Tama na po! Masakit, mama!" hikbi niya at tanging mga impit na sigaw na lamang niya ang kaniyang naririnig at nalalasahan na niya ang kanyang luha, pawis at ang dugo.
"Bakit kasi hindi ka pa namamatay?" wika ng ina at sinabunutan siya.
Halos mapunit na ang kaniyang anit sa ginawa ng ina. Puros sakit na lang ang kaniyang nararamdaman, kailan ba matitigil ang kaniyang pag-hihirap?
Pinagpatuloy ng kaniyang ina ang ginagawa sa kaniya hanggang sa kinain na siya ng kadiliman.
Naglalakad siya ng mag-isa sa bayan, apat na taong gulang pa lamang siya noon. Umalis ang kaniyang ina papuntang kabilang bayan, isang buwan pa ang ina niya sa bayan na 'yon at iniwan siyang mag-isa, ni walang pagkain o pera man lang ang iniwan sa kaniya.
Masama ang tingin ng mga tao sa kaniya at ayaw siyang lapitan, medyo nasanay na siya sa mga ginagawa ng mga tao sa kaniya. Patuloy lang ang lakad niya papuntang kagubatan, ang isang lugar kung saan matatahimik siya.
"Bakit hindi pa siya magawang patayin ng kanyang ina? Pag magpatuloy pa ang buhay ng salot na 'yan ay mamatay tayong lahat!" sabi ng isang babaeng kausap ang isang albularyo sa kanilang bayan.
"Dapat nga ay mawala na ang salot na 'yan, pero hindi natin siya maaring patayin hanggang sa hindi sinabi ng ating kabanal-banalang si paring Henry, " sang-ayon ng albularyo.
Patayin... Nanginig siya sa takot sa narinig, ayaw pa niyang mamatay!
Tumakbo siya nang mabilis dahil sa takot sa narinig, hanggang sa maramdaman niya ang hapdi ng mga bato na tinapon sa kaniya ng mga grupo ng mga bata na naglalaro.
"Umalis ka rito! Mamalasin kami dahil sa'yo!" sabi ng mga bata at tinuloy ang pag-tapon sa kaniya ng bato.
Dahil sa ginawa ng mga bata ay muling bumukas ang mga preskong sugat niya sa katawan at tumulo ang saganang dugo mula rito.
Tumakbo siya palayo ngunit ramdam niya rin na hinahabol pa siya ng mga bata. Sa bawat takbo niya ay ramdam niya ang hapdi at kirot ng bato at ang pagtulo ng saganang dugo sa sahig.
"Habulin siya! Batuhin natin 'yan ng bato!" utos ng isang bata.
Tumakbo siya nang tumakbo at tumigil ng nakita niya ang matayog ng puno ng acasia. Dali-dali siyang umakyat papunta sa pinakamataas na bahagi ng puno. Alam naman niyang hindi marunong umakyat sa puno ang mga batang humahabol sa kaniya.
"Bumaba ka riyan, salot!" sabi ng mga bata.
May isang batang lalaki na biglang ngumisi at may dinukot sa bulsa ng suot-suot nitong salawal-isang pitikan. Kinuha nito ang bato sa kamay ng kasama at inilagay ito sa pitikan at parang ibon siyang sinapol gamit nito.
"Tama na! Hindi ako salot! Tama na, pakiusap!" pagmamakaawa niya habang sinasalag ang bawat bato na nanggaling sa pitikan.
Ngunit tanging tawa at pagbato ng bato lang ang ginagawa ng mga bata. Kahit na kapwa bata siya ay hindi nila ito pinapagpas kahit na kinukulayan na ng kanyang dugo ang puno ng acasia ay tuloy pa rin ang mga ito sa kanilang ginagawa.
Hanggang sa naramdaman niya ang pagdilim ng kaniyang paningin at ang tunog ng pagkahulog niya sa puno, 'di pa doon natatapos-ang masasakit na sipa na kaniyang natamo mula sa mga bata sa ibaba.
"Hindi ako salot! Huwag! Tama na! Masakit! Huwag po! Maawa po kayo!" naalimpungatang usal ni Thyrian; basang-basa ang kaniyang mukha ng pawis at ng kaniyang mga luha.
"Bata, okay ka lang?" narinig niyang sabi ng isang boses sa kaniyang tabi.
Dahil sa narinig ay nanginig agad si Thyrian sa takot baka saktan din siya ng tao na katabi niya.
"Huwag po! Huwag niyo po akong saktan!" maluha luha niyang sabi.
Humarap ang tao sa kaniya, at isa itong magandang babae na may itim na mga mata, pinahid nito ang luha niya gamit ang kamay nito.
"Hindi kita sasaktan, bata. Pangako, kanina pa ako naririto, nakita kong tinapon ka ng isang babae dito sa gitna ng gubat, rinig kong sabi niya ay para kainin ka raw ng mga ligaw na hayop, ano bang nangyari sa'yo? Kaawa-awang niña?" mahina at puno ng pag-aalalang sabi ng babae kay Thyrian.
Napaluha si Thyrian at napahagulgol, "Ako po si Thyrian, ako po ang tinataguriang salot ng mga taong-bayan, mabuti pa ay lumayo na rin po kayo sa akin baka po madamay po kayo."
Sa halip na lumayo ay niyakap siya ng mahigpit ng babae at mas lalo siyang napaiyak, ngayon lamang siya nakaramdam ng may yumakap sa kanya, "Hindi ka salot, napakawalang puso naman ng mga taga-bayan. Alam kong may tinatagurian silang salot pero hindi ko inakalang isa palang inosenteng bata! Halika, sumama ka sa kubo ko, gagamutin ko ang mga sugat mo, 'wag ka na lang bumalik sa bayan, dito ka na lamang, walang mananakit sa'yo," pag-aaya ng babae.
Kumislap naman ang mga mata ni Thyrian. Gusto na niyang lumayo mula sa mga taong-bayan, ito na ang pagkakataon!
"Sige po, pero bago po ako sumama, ano pong pangalan niyo at bakit po kayo naririto sa gubat?"
"Ako si Lucianna, tumakas ako mula sa bayan dahil tinagurian nila akong isang mangkukulam, pag mahanap daw nila ako ay susunugin ako kasama ang mga dayami," sagot ng babae; galit ang rumehistro sa mukha nito.
Lumungkot pa lalo ang mukha ni Thyrian, "Pareho po pala tayo," sabi ni Thyrian.
Tumango ang babae at napaluha na rin ito. "Sige, tara na nga, bago pa mag-gabi." Pinahid nito ang luha sa mata at inalok ang bata.
Tumayo na si Thyrian at pinagpag ang suot na puting bestida na ngayo'y puno ng mantya ng sariling dugo.
Ngunit, bago pa man sila makalakad ay narinig ni Thyrian ang mga yabag ng paa na patungo sa kanilang direksyon.
"Ano bang ginawa mo! Hindi pa ito ang tamang oras para patayin siya! Pag siya ay namatay ngayon, papaslangin tayo ng diyos!" rinig niyang sabi ng pamilyar na boses.
"Hindi pa naman namamatay ang salot na 'yon! Andito lang 'yon! Di pa 'yon nakakalayo," sabi ng isa pang boses-ang kanyang ina.
"Tara na, Thyrian! Tumakas na tayo habang wala pa sila!" bakas ang pagmamadali sa tono ng babaeng si Lucianna.
Maabutan sila, alam niya 'yon, ang magagawa nila ay tumakbo pero...
"Ako si Lucianna, tumakas ako mula sa bayan dahil tinagurian nila akong isang mangkukulam, pag mahanap daw nila ako ay susunugin ako kasama ang mga dayami,"
Pag maabutan kami ay madadamay pati ang tumulong sa akin.
"Umalis na po kayo, Ate Lucianna, madadamay kayo pag mahuli tayo at baka patayin nila kayo, kaya ko na po ang sarili ko," sabi niya sa babae habang ngumingiti.
Ayaw niyang may madamay, ayaw niyang may masaktan dahil sa kanya.
"Pero! Sasaktan ka nila!" ani ni Lucianna at mahigpit na hinawakan ang braso ni Thyrian.
Maluha luhang ngumiti pa lalo si Thyrian at niyakap ang babae, "Salamat po, Ate Lucianna sa ginawa niyong kabutihan sa akin, hindi ko po ito makakalimutan-ngunit ayaw ko pong madamay kayo, sige na po, umalis na kayo," sagot niya at kinalas ang yakap sa babae at mariin itong itinulak papunta sa mistulang kurtina ng mga dahon at puno.
Pagkatapos ay siyang lumitaw ang kaniyang ina at ang kasama nito at dali-dali siyang hinila at kinaladkad.
"Andito ka lang palang salot ka! Sabi ko naman sa'yo, Garry, matagal mamatay ang isang sugo ng demonyo," sabi ng kaniyang ina.
Hindi na niya pinansin ang sakit ng pagkakahawak ng kaniyang ina o ang sakit ng kaladkad nito o pati na rin ang sakit ng mga sinasabi nito, naka-pokus ang kaniyang mata sa mga malulunkot na mata ni Lucianna na nagtatago sa likod ng isang puno ng narra.
"Maraming salamat po, Ate Lucianna,"
Pabulong na sabi niya. Sana sa susunod na magkita sila ay maisama na siya nito upang lumayo sa mga taong nanakit sa kaniya.
Sana...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro