Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Regalo ni Mahiway - Part 2

Regalo ni Mahiway (Short Story)

PART 2



"Mahanap?! Regalo?!" Nanlaki ang mga mata ni Dangway. "Baka nakalilimutan mong may mabigat na konsikuwensiya kapag tinanggap ni Selma ang regalo mo... Saka, tungkulin natin na gabayan lang ang mga tao sa paghahanap ng kanilang nawawalang mga gamit. Hindi 'yong ikaw mismo ang maghahanap."

"Alam ko," sagot ni Mahiway. Labag lahat ng balak niya sa alituntunin ng mga Aghoy. Subalit para ano pa ang pagiging engkanto nila at pagkakaroon ng kapangyarihan kung hindi gagamitin para mapadali ang pagtulong? Isa pa, hindi lang basta malapit na kaibigan si Selma. Utang niya rin dito ang buhay niya. Noong dalaga pa ito at nasa edad na beynte anyos, papalakulin na sana ng ama nito ang mismong sampalok na tinutungo nila ni Dangway ngayon. Ang dahilan ay patatayuan ng kulungan ng baboy ang kinatitirikan nito. Nataong ang kanyang katawan noon ay kaisa ng nasabing puno dahil hinihilom niya ang nabubulok nitong ugat. Mabuti na lang at napigilan ni Selma ang ama sa kadahilanang makapagbibigay ng karagdagang silong at lilim ang puno sa mga baboy. Kung nagkataon, putol din sana pati katawan niya. Kaya bilang pasasalamat, nagpakita siya kay Selma. At nanatili silang magkaibigan kahit nalaman ng huli na isa siyang Aghoy. Iyon nga lang, ito lang ang nakakakita sa kanya.

Biglang may kumalabog sa loob ng bahay ni Selma kaya napalingon sila at natigil sa pagpasok sa puno ng sampalok.

Nailing si Mahiway at sumungaw ang awa para sa kaibigang mortal. "Hinahanap na naman niya ang nawawalang gamit... Kung nagbabantay sana 'yong Karen, e, 'di sana ay natulungan nitong—" Bigla siyang natigilan sa napagtanto. "Hindi kaya..?"

"Ay ang nagnakaw?" madiing sang-ayon ni Dangway habang ang isang kilay ay nakataas at ang ngiti ay tila may gagawing kapilyahan.

"Mismo. Tugma kasi ang araw na nawawala ito at ang araw na nawala rin ang gamit ni Selma."

"Pamilyar ka na sa mga gamit at kasangkapan sa bahay ng kaibigan mo. Ano sa tingin mo ang mukhang mamahalin? 'Yong pagkakainteresan?"

Nagningning bigla ang mga mata ni Mahiway. "Ang baul!" sigaw niya. "Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko na ito napapansin sa tabi ng istante."


~~~


"Huwag! Layuan n'yo ako mga malignooo!"

Dumilim lalo ang anyo ni Mahiway sa pinagsasabi ni Karen. Si Dangway ay napaismid.

"Maligno?! Mga engkanto kami!" turan ni Mahiway.

Napasigaw lalo sa takot si Karen dahil nagsalita ang nakatatakot na nilalang sa harapan. Lalo itong nagsumiksik sa sulok ng sariling kuwarto.

Itinuro ni Mahiway ang baul na nasa tabi ng kama ng babae. "Nagawa mong pagnakawan ang pamilyang nagpapasahod sa 'yo?!"

Nanginginig si Karen. Mistulang gripo sa pagluha ang mga mata at gusto nang lumuwa sa takot. Ganoon din ang pagtulo ng uhog sa ilong na umaabot sa malaki nitong nunal. "P-p-patawarin n'yo ako..."

"Humingi ka ng tawad sa pinagnakawan mo!"

"O-opo...."

"Wala kang kasinsama!" sige pa ring panakot ni Mahiway.

"M-maawa k-kayo... H-hindi ko binuksan ang baul... Nakonsensiya ako—"

"At meron ka pala no'n?!" Lalong naging mabalasik ang anyo ni Mahiway. "Hala! Ngayon mismo, kargahin mo 'yang baul at ibalik sa bahay ni Selma! Kung hindi, puputulin ko 'yang makasalanan mong mga kamay at kakainin 'yang lamanloob mo!"

Mabilis pa sa alas kuwatrong binuhat ni Karen ang baul kahit mabigat at malaki iyon.

Humagalpak ng tawa si Dangway. "Lamanloob? Kakainin?" Umasim ang mukha nito na tila nandiri.

Ngising-tigre si Mahiway. "Para matakot."

At sa sobra ngang takot, madaling narating ni Karen ang bahay ni Selma. Halos maibagsak nito ang kargang baul nang makitang naroroon ang anak ng matanda. Halatang kararating lang mula sa malayong siyudad at galit ang itsura dahil naratnang mag-isa ang ina sa bahay.

Dahil sa nakikita pa ni Karen sina Mahiway at Dangway sa paligid, kasama pati ng takot nito kay Dante, mabilis itong umamin sa pagnanakaw. Mabilis din itong nasisante. At mabilis itong naireklamo sa kinauukulan.

Nang matapos ang kaguluhan sa bahay, nagningning ang mga mata ni Selma nang sa wakas ay nahawakan nito muli ang nakakandadong baul.

"Hayan na ang pangako kong regalo, Selma," nakangiting wika ni Mahiway. "Binabati kita ng maligaya at maagang kaarawan."

"Salamat, salamat." Pero nahinto ito at nagtaka. "Pero sino ka ba, ineng? Ang ganda-ganda mo naman at ang puti-puti mo. Saka ang bata mo pa pero bakit puro uban 'yang buhok mo?"

Natawa ang dalawang Aghoy.

"Inay, sino po ba'ng kausap n'yo?" ani Dante na naaaliw sa ikinikilos ng ina. Noon pa man ay alam nitong may kaibigang engkanto ang ina. "Tiyak, si Mahiway na naman 'yan."


~~~


Kinabukasan, nakaantabay si Mahiway, kasama si Dangway na nakikita na rin ni Selma. Bubuksan na kasi nito ang baul. Nangangating malaman ng dalawang Aghoy ang napakaimportanteng laman noon.

Pagbukas, napahiyaw sila ng "Sulat?!!" nang puro sobre ang tumambad. Inaasahan nilang mga alahas ang laman noon.

"Mga lumang sulat sa akin ni Andoy." Inangat ni Selma ang isang bestida. "Ito naman, bigay ni Dante noong unang sahod niya." Pagkatapos ay nangiti ito. At tila pumasok na sa alaala ng namayapang asawa noong nakaraang taon lang at naiwan na sa realidad ang kasamang dalawang Aghoy.

Naunawaan iyon ni Mahiway. Aniya, "May sentimental value kasi."

"S-sh-syenti—ano ulit?" Lito si Dangway.

"Sentimental na halaga," pagsasalin niya.

Maya-maya, nag-umpisa na ang selebrasyon ng kaarawan. Marami ang imbitado. Kinantahan si Selma ng "Happy birthday to you," na sinabayan ni Mahiway.

"Alam mo rin 'yang banyagang liriko?" nangingiting komento ni Dangway. Subalit may naalala ito bigla. "Pero pa'no 'yong mabigat na konsikuwensiya ng pagbibigay mo ng regalo? Tinanggap iyon ni Selma. Kailangang may kapalit iyon... 'Wag mong sabihing lalabag ka na naman sa alituntunin natin?"

"Hindi ako hihiling ng mabigat na kapalit. Kahit pa labag iyon sa alituntunin nating mga Aghoy. Matanda na si Selma. Ulyanin. Mahina... Noong nailigtas niya ako, humingi ba siya ng kapalit? Hindi. Naging mabuti pa siyang kaibigan. Kung may natutunan man ako sa pamamalagi ko sa mundo nila, 'yon ay ang pagdamay sa kapwa na bukal sa loob."

Minasdan nila si Selma na napalilibutan ng mga bisita, suot-suot ang bestida. Abot hanggang tainga ang mga ngiti nito habang nakaakbay ang anak.


Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro