Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Raven 🔸 5

Raven's POV

NATAPOS ang klase namin na mabigat ang pakiramdam ko pero pilit kong pinapagaan yun. Alam ko na walang kasalanan si sir Blast. Hindi naman siya Eon at lalong hindi din siya ang gumawa ng batas. Hindi ko lang talaga gusto ang patakaran nila. Pero hindi ko na yun isinatinig.

"Raven, sumama ka sakin. I-tetest pa kita para sa klasipikasyon mo." Saad nito sa akin at naglakad na ito paalis sa arena kaya sumunod kaagad ako rito.

Kinakabahan ako kahit alam ko na titingnan lang ni sir Blast kung saan klasipikasyon ako nararapat. Pero iniisip ko rin kung ano ang paraan para malaman yun. Kukunan ba nila ako ng dugo? Ooperahan? Iniisip ko pa lang ay kinililabutan na ako.

Tahimik lang akong nakasunod kay sir Blast hanggang narating na namin at isang malamansyon na istraktura na sinasabi niyang office at laboratoryo daw niya dito sa Fortress.

Pumasok kami doon at agad na bumungad sa aking mga mata ang kulay puti. Oo lahat ng kulay, gamit, kisame, sahig ay kulay puti. Para siyang laboratoryo sa mga palabas na nakikita ko.

Pumanhik kami sa pinakadulo. May nakikita akong nakalab gown at parang may mga chemical silang tinetest sa mga chemical tools. Nakita ko na ang mga ito sa bahay dahil mahilig din si mama gumawa ng mga ganoon bagay na kailan man ay hindi ko maintindihan kung para saan yun.

Nakarating na kami sa pinakadulong silid. Hindi ito kagaya ng ibang silid na gawa sa salamin at nakikita ang ano man sa loob. Close ito na parang normal na silid.

Pumasok na kami doon at agad kong nakita ang mga teknolohiyang buong buhay ay hindi ko pa nakikita. May higaan doon at may parang helmet na hugis sa itaas at sa tabi nito ay isang malaking parang TV monitor.

May mga ibang istrumento pa doon na hindi ko maintindihan kung para saan ang mga yun. Pero alam ko naman na hindi na dapat ako magtanong kung ano ang mga iyon dahil hindi naman ako kagaya nila na isang scientist. Hindi naman yun bagay na ginagamit ng isang normal na tao araw-araw.

"Ipapaliwanag ko sayo kung ano ang gagawin natin." Turan ni sir Blast na ngayon ay hawak na nito ang isang clipboard at may isinusulat ito doon. "Hihiga ka diyan at isusuot mo ang head gear na yan. Yan ang teknolohiya para malaman natin kung anong klasipikasyon ka nababagay. Kung nagtataka ka kung paanong malalaman yun, simple lang dahil lahat ng kapangyarihan o dahilan ng paglabas nito ay nasa utak lahat. Pagcontrol at lakas. Ang utak ang pinakabasehan ng abilidad, dahil kung wala ito ay hindi ito gagana. Kaya noon, lahat ng batang tinamaan ay dumudugo ang ilong at tenga dahil nagbabago na ang utak nila. Naglakaroon ng bagong kakayahan kaya namamatay ang mga batang hindi kinakaya ang pagbabago. Yun ang natuklasan namin sa pag-aaral ng Enigma." Paliwanag nito sa akin.

Ngayon ay naintindihan ko na. Naalala ko na dumugo nga ang aking ilong doon at biglang nahihilo ako at parang nabibiyak ang ulo ko sa sakit noon nasa ospital na ako. Ganoon ba yun? Dahil nagbago ang istraktura ng aking utak?

"Kaya sa madaling salita, ispesyal kayo. Dahil hindi na kayo isang normal na kagaya namin na walang kakayahan." Patuloy nito. "Kaya humiga ka na para malaman natin kung anong klasipikasyon ka."

Hindi ako umimik pero naglakad ako patungo sa higaan. Pumatong ako doon at kinuha ko yun head gear at isinuot yun. Humiga naman ako at nakatingin lang ako sa kisame.

May mga pinindot si sir Blast sa monitor at naramdaman ko ay medyo malamig sa ulo ko. Nagsimula na ang pag-analyze ng teknolohiya kung ano ang kakayahan ko at klasipikasyon. Hindi yun kaagad natapos dahil nagloloading ito. Matatapos lang yun at lalabas ang resulta pag 100% na. Yun ang nabasa ko sa instruction.

Hindi nagsasalita si sir Blast at patuloy lang itong nakamasid sa monitor na tila binabasa nito ang mga readings. Nasa 50% na ang progreso at hindi ko alam pero kinakabahan ako sa resulta. Pero kahit ano pa ang resulta ay tatanggapin ko.

90% yun na ang progreso kaya nanlamig na ang mga kamay ko sa kaba. Pakiramdam ko ay parang hahatulan na ako.

100%.......analyzing....

Yung ang nakalagay sa screen na hindi ko na maalis alis ang tingin ko.

Legendary (extremely dangerous)

Parang nabulunan ako sa aking nakita. Kulay Gold ang nakalagay at legendary ang nakasulat. Napatingin ako kay sir Blast na halatang nagulat din ito sa kinalabasan at napatingin ito sa akin. Parang kinabahan ito at napahilamos na ito sa mukha.

Bumangon na ako at hinubad ko ang head gear na suot ko. Hindi nagsasalita si sir Blast kaya pakiramdam ko ay may mali. Ganoon ba kasama ang resulta? Alam ko na ang legendary ang pinakamataas na klasipikasyon pero masama ba yun?

"Raven." Sa unang pagkakataon ay binasag ni sir Blast ang namumuong katahimikan sa pagitan namin dalawa. "Kailangan mong itago na isa kang Legendary." Saad nito.

Napakurap-kurap naman ako rito dahil hindi ko siya maintidihan kung bakit kailangan kong gawin iyon.

"P-pero bakit sir?" Tanong ko. May mali ba?

"Gusto lang kitang protektahan. Isang malaking sugal na ang pananatili ng isang Legendary dito sa mundo. Alam ko na naiintindihan mo kung ano ang ibig sabihin ng Legendary. Ito ang pinakamapanganib na Eon na kayang pumatay ng million ka tao sa isang kisap mata lang. Kung ang isang Legendary ay madadagdagan ay parang katapusan na yun ng mundo." Paliwanag nito at hinawakan ako nito sa balikat. "Si Vander Cambridge ay isang napakadelikadong Eon kaya hindi siya nakikihalubilo. He can kill all of the Eons kung gugustuhin niya. Kaya mangako ka Raven. Itatago mo ang pagiging Legendary mo at hindi mo ito gagamitin sa masama."

Napakunot noo naman ako. Wala sa plano ko ang kumitil ng buhay ng tao kaya hindi ko maintindihan kung bakit ito sinasabi sa akin ni sir Blast. "Pero bakit kailangan kong itago? Bakit si Vander hindi niya kailangan itago sir?"

"Dahil hindi nila pwedeng galawin si Vander dahil sila ang may-ari ng Fortress. Kung malalaman ito ng council na may panibagong Legendary ay hindi na sila mananahimik. Natatakot ako na baka tapusin nila ang buhay mo. Sana maintindihan mo ang sinasabi ko Raven. Ako ang personal na huhubog sayo. Hindi pwedeng ibang propesor ang magtuturo sayo dahil malalaman nila ang kakayahan mo." Anito.

Naintidihan ko na ang ibig sabihin ni sir Blast. Gusto niya lang akong iligtas. Naiintidihan ko rin na manganganib ang buhay ko oras na malaman ng lahat na isa akong legendary kaya kailangan na maitago ko yun. Pero bakit ganoon? Hanggang ngayon ba ay magtatago pa rin ako? Akala ko tapos na ako doon pero hindi pala.

"Ilalagay ko sa record na isa kang common. Mas mainam na mababa ang tingin nila sayo para hindi ka maisali sa kahit anong misyon o paligsahan. Ang misyon at paligsahan ay para lamang sa rare hanggang sa epic. Hindi rin kasali ang legendary dahil baka makapatay si Vander ng di sinasadya." Paliwanag nito sa akin.

Napatangu-tango naman ako. Naiintindihan ko yung ipinupunto ni sir Blast. Kung gusto kong hindi mabuko, kailangan kung magpakababa sa tingin ng iba.

"Kailan po magsisimula ang training natin?" Tanong ko rito.

"Every class sasali ka pa rin pero hindi kita isasali sa ano man aktibidadis. Pero pagkatapos ng klase natin, sumama ka sa akin dahil yun ang oras mo para mag-ensayo sa totoong abilidad mo. Alam ko na nagtataka ka kung bakit tuturuan kita na alam mo naman na natatakot ako sa kakayahan mo. Pero para rin sayo iyon. Para maprotektahan mo ang sarili mo oras na malaman nila kung ano ka talaga." Paliwanag nito sa akin.

"Opo sir Blast." Sagot ko na lang rito. Sa totoo lang, natutuwa ako kay sir Blast dahil pinapakita niya ang pagmamalasakit sa akin. Sana ganito ang lahat ng tao. Yung walang diskriminasyon na nagaganap. Yung pantay-pantay ang lahat.

"Sige makakaalis ka na." Saad nito pero agad naman akong pinahinto nito. "One more thing. Wag mong hahayaan na mapalapit ka kay Vander, dahil maaaring malaman niya kung ano ka."

Napakunot noo naman ako. "Maaaring malaman niya?"

"Hindi ako sigurado, pero mas mabuti na ang mag-ingat. Dahil sa lahat ng Eons, ang legendary ay parang panginoon ng mga Eons. Nais ko lang na mag-ingat ka." Paliwanag naman nito sa akin.

Tumango naman ako. "Opo, sir Blast. Mauna na po ako sa inyo." Paalam ko naman rito at umalis na doon sa laboratoryo ni sir Blast.

Tahimik akong lumabas doon. Binabaybay ko lang ang pathway at malalim din ang aking inisip. Alam ko na komplikado na ang sitwasyon ko. Ang pagiging Eon ko ay para ng isang sumpa pero hindi ko akalain na mas lala pa yun ng malaman ko kung ano ang klasipikasyon ko.

Pakiramdam ko ay ang hirap ng buhay ko. Parang nabubuhay ako sa pagtatago at pagkukunwari. Pero anong magagawa ko kung yun na talaga ang kapalaran ko? Parang pinagkait na sa akin ng langit ang pagiging malaya.

"Tabi! Haharang harang ka sa daan!" Nagulat na lang ako ng bigla akong itinulak ng boses babae mula sa aking likuran.

Halos matumba ako dahil hindi ko yun inasahan at itinulak niya ako papuntang gilid. Napatingin ako sa kanya at hindi ko alam kung bakit niya ginawa yun. Ngayon lang ako nakatagpo ng ganitong klaseng tao. Nakataas ang kilay nito at nakapameywang habang nakatingin ito sa akin. Tiningnan pa ako nito mula ulo hanggang paa na mas lalong ikinataas ng kilay nito.

"Anong class ka?" Tanong nito sa akin at ramdam ko sa kanyang tono ang pagkadisgusto niya sa akin.

"Class?" Nagtaka ako kung ano ang ibig niyang sabihin.

Natawa naman ito ng pagak at tiningnan ako nito na parang isa akong maliit na nilalang na mas mababa pa sa kanya. "Class lang hindi mo alam? Ganyan ka ba kabobo? Nga naman, totoo nga ang kasabihan, maganda ka lang pero wala ka nito." Sabay turo nito sa ulo nito.

Napakunot naman ang noo ko dahil nagtataka ako sa inaasta niya. Hindi ko alam kung ano ba dapat ang magiging pakikitungo ko. Hindi ko rin alam kung ano ang gusto niyang palabasin.

"Anong kailangan mo?" Nagtatakang tanong ko. Ngayon lang talaga ako nakatagpo ng ganitong klaseng tao. Hindi ko alam kung ano ang matatawag ko sa kanyang ugali.

"Anong classification ka nga, tonta!" Asik nito sa akin at doon ko pa nabasa ng tuluyan na parang galit ito sa akin. Pero wala akong maisip na dahilan para magalit siya sa akin.

Klasipikasyon pala ang tinatanong niya. "Isa akong common." Sagot ko naman rito.

Mas lalong ngumisi naman ito at halata ang pang-uuyam sa mga mata nito.

"Tingnan mo nga naman. Isa ka lang pa lang common? Dapat sayo ay ipatapon na sa gobyerno para mawala ka na sa mundo. Ayokong makita ang pagmumukha mo dito sa Fortress. At wag kang magpapakita sa landas ko dahil baka ako mismo tatapos sayo!" Asik nito sa akin at naglakad na ito palayo.

Naiwan akong natulala at nagtataka. Parang hindi ako makapaniwala sa mga nangyari. Posible ba na may taong magagalit sayo na hindi mo kilala at hindi mo ginawan ng masama? Dahil hindi ko siya kilala at wala akong maisip na rason para magalit siya sa akin.

Wala naman akong makapang inis sa kanya o galit. Hindi naman ako nasaktan sa mga sinasabi niya. Purong pagtataka lang ang nararamdaman ko sa ngayon. Pero imbes na igugol ko ang pagtataka ko ay naglakad na lamang ako papuntang cafeteria. Nagugutom na ako at nandoon na rin si Haze at hinihintay ako.

Agad na nakarating ako sa cafeteria. Nakayukong naglalakad lamang ako dahil naiilang ako sa mga tingin ng mga Eons doon. Kumuha lamang ako ng plato at basta nagsandok lang ako ng kanin at kumuha lang ako ng kung anong ulam ang madampot ko kahit hindi ko yun kilala. Nahihiya kasi akong magtagal dito lalo na at hindi ko kasama si Haze. Pero sigurado ako na nandito yun sa cafeteria.

Agad na nakompleto ang pagkain ko at nakaramdam naman ako ng bulungan sa paligid. Pinilit kong ignorhin yun. Napatingin ako doon sa sulok kung saan kami nakaupo ni Haze kagabi at nandoon nga siya at may kasama itong lalaki. Parehong nakanganga ang dalawa at may tinitingnan ito. Kaya napatingin din ako doon.

Isang lalaking matangkad na naglalakad at patungo ito sa dereksyon ko. Masyado itong matangkad na nasa palagay ko ay mahigit anim na talampakan ang taas nito at itim na itim ang buhok nito na parang sadyang ginulo. Malaki ang katawan nito dahil nakikita ko yun sa mga bisig niya na ang mga muscle nito. Hindi ito moreno pero hindi rin naman ito kaputian. Pero mas nakakaagaw pansin ang magandang mukha nito. Napakaganda nito bilang lalaki.

Teka bakit ko ba siya tinitingnan? Naasiwa ako bigla sa inakto ko kaya inalis ko ang tingin sa lalaki at ng papalapit na siya sa akin ay saka ako naglakad patungo kina Haze at nilagpasan ito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro