
Raindrop
Raindrop.
Prologue.
Minsan, kung sino 'yung mukhang masaya, sila talaga 'yung pinakamalungkot sa lahat. Ang galing nga e, natatago nila 'yung sakit at hindi napapansin ng mga taong napapaligaya nila. Mas pinipili nilang magmukhang masiyahin kahit sa totoo lang, durog na durog na sila.
Malamig na ang simoy ng hangin. Dahil sa ulap, mas lalong naging madilim ang kalangitan. Mukhang masisira ang acquaintance party namin ngayon, pero hindi alintana ng lahat 'yon dahil focus silang lahat sa mga kandidato ng Mr. and Ms. Acquaintance.
At isa ako ro'n.
Ako ang pambato ng section namin. Wala akong nagawa nang isudgest ng mga kaklase ko na ako ang lumaban. Ano pa bang magagawa ko? Eh ako na ang pinakamagandang babae sa section namin. Well, meron pa namang ibang magaganda, pero hindi sila tulad ko na pinalaki ng magulang ko na palaban. Sana nga lumaki ako.
Suot ang isang black dress with emerald green satin, rumarampa ako at ngiting-ngiti na nakatingin sa mga audience. Wala ako mas'yadong makita dahil sa spotlight na nakatutok sa akin. Ang alam ko lang, todo cheer ang mga kaklase ko sa akin na nasa side ng grounds ng school kung saan ginaganap ang event ngayon. Ang kapartner kong si Johon, mukhang ito ang unang beses na rumampa sa harap ng maraming tao kahit pa extrovert siya.
Pagpunta ko sa backstage, halu-halong amoy ang sumalubong sa akin. Hindi ko naiwasang magtakip ng ilong. Nanatili akong nakikinig sa emcee. Pagkatapos kasi ng evening gown, sunod ng tatawagin ang top 3 contestants na maglalaban sa question and answer portion.
Kaniya-kaniyang cheer pa rin ang bawat sections. Ilang taon na nga bang ginaganap dito sa Westhood University ang pageant na 'to? Simula preschool ako meron na yata nito, pero hanggang ngayon hindi pa rin nagbabago, mas'yado pa ring intense ang labanan.
"The candidates that will advance to top 3 are..."
***
"Ayos lang 'yan, grade 7 ka pa lang naman. May grade 8, 9 at 10 pa naman. Alam ko sa senior high meron din. Kaya may 5 years to go ka pang laban. First time mo pa lang naman," sabi sa akin ni Yohan habang hinahawi ang buhok ko.
"Wala naman sa akin 'yun. Ang 'di ko lang tanggap, ay 'yung sagot ni Johon kanina," badtrip kong saad nang marinig ang sagot ni Johon kanina sa question and answer. Nakapasok kasi siya sa top 3 samantalang ako, hindi na pinalad pa.
"Ay true!" Ani naman ni Crissa bago kami magtawanan. Galing si Crissa at Yohan sa kabilang section. Pero lahat kami grade 7. Hindi kami gaanong close, pero sa mga ganitong event sa school, mas madalas na sila ang kausap ko dahil pagala-gala sila Yana at Yara.
Natapos ang Search for Mr. and Ms. Acquaintance sa taong ito. Bigo si Johon na makuha ang titolo pero 2nd runner up naman siya na sumunod sa title holder. Wala na akong pakialam doon dahil gutom na ako. Hindi pa naman ako 'yung klase ng tao na in denial sa nararamdaman ng sikmura.
Pagkatapos makipag-exchange ng food ticket sa mga Student Government na nag-aasikaso sa buong program, kinain ko na agad 'yung hindi-sulit-na-pagkain-para-sa-bayad na taun-taon namang nangyayari. Sa totoo lang, last year pancit ang pinakain sa amin, and believe me, tuyo't na 'yung pancit at muntik nang hindi makain dahil sa tigas. Aakalain mong hindi niluto. Tapos Zesto na ubod naman ng tigas dahil sa yelo. Parang isang buong taon na nasa loob ng ref bago dineliver sa school namin.
Kahit ganito kapalpak ang school namin, maayos naman ang way of teaching. Actually, salutatorian ako last year, noong grade 6 pa kami. At ngayong Junior High na ako, ano pa nga bang exciting na p'wedeng mangyari sa buhay ko?
"Ay pakshet!"
"Bakit ngayon pa!"
"Hala... ang korni ng acquaintance party natin," dismayadong sabi ni Yana sa tabi ko. Hindi ko napansin na nasa tabi ko na pala sila ni Yara.
"Wow. Akala mo naman sumasayaw siya kapag umaattend ng party," aniya ko kaya sinamaan niya ako ng tingin. "Eto naman. Nagbibiro lang. Alam mo naman na idol kita pagdating sa dancing. Turuan mo naman ako next time," pambobola ko bago niyapos-yapos ang braso niya.
"Jen..." ngumuso si Yana sa akin.
Ngumuso rin ako at kumunot ang noo. "Ano 'yan?" Tanong ko sa kaniya pero nginunguso pa rin niya ako. Hindi ko siya maintindihan kaya sinampal ko na siya ng mahina. "Hindi kita maintindihan. Para kang suso."
"Ambobo talaga," bulong niya bago hinaplos ang pisnging sinampal ko sa kaniya. Akala mo naman ang lakas ng sampal ko, eh parang tinapik ko lang naman. "Kako si Alas nasa likuran mo," saad niya bago tumayo at tumabi kay Yara na nasa kabilang side ng hallway kung saan kami nakasilong ngayong lahat.
Napalingon tuloy ako sa likuran ko.
Doon ko nakita si Alas. Nakasuot siya ng itim na tshirt---ang paborito niyang kulay, at maong na pantalon. Kumakamot-kamot siya sa batok niya at parang may gustong sabihin na hindi niya kayang sambitin.
Hindi ko na maalala kung kailan siya nagsimulang magparamdam sa akin ng kakaiba. 'Yung kakaiba na para bang espesyal ako sa kaniya. Crush, tama. Kung 'yun ang tamang term para do'n. Grade 4 yata, eh patay na patay na sa akin ang lalaking 'to.
Ang hindi ko lang maintindihan, eh kung bakit ayaw niya pang magsalita kahit naghihintay ako sa sasabihin niya.
"G-gusto mo bang sumayaw?" Finally, nagsalita rin siya. Nakatitig siya sa mga mata ko na nagdulot ng kakaibang pakiramdam sa akin. Hindi ko alam kung dapat ba akong kiligin dahil inaya niya ako, pero nabawi ko rin kaagad ang sarili ko nang makitang naghihintay siya sa isasagot ko.
"Paano? Eh umuulan?" Napatingin ako sa grounds, na katapat mismo ng hallway kung saan kami nakasilong. Ngayon ko lang napansin na humina ang ulan, naging ambon ito. Ngayon ko lang din napansin na maraming mga estudyante sa grounds, at magkakapares sila. Maya-maya pa, nagpatugtog ang hinire na DJ ng school ng slow dance.
Nagsimulang mabuo ang romantikong mga sayaw sa pagitan ng mga magkakapareha.
Nilahad ni Alas ang kamay niya sa akin. Tinanggap ko iyon dahil nahihiya ako na inalok niya ako pero tatanggihan ko lang. Isa pa, wala naman sigurong masama kung isayaw ko siya. Hindi naman siguro kawalan sa akin 'yon, at wala namang mawawala sa akin. Sayaw lang naman ang hinihiling niya sa akin, hindi ba?
Nilagay niya ang dalawa kong kamay sa balikat niya pagdating namin sa grounds kasama ang iba pang mga estudyante na sumasayaw ayon sa ritmo ng mabagal na kanta. Umaambon pa rin pero wala kaming pakialam dito. It's our acquaintance party, we need to be happy.
Nilagay niya sa magkabilang bewang ko ang dalawa niyang kamay. Hindi ako sanay sa mga ganito, at hindi ko makayanan ang nararamdaman ko habang nakatingin si Alas sa mga mata ko. Pilit kong iniiwas ang tingin ko sa kaniya, dahil iba talaga ang pakiramdam na malapit ako sa kaniya. Parang... parang may nagwawala sa kalamnan ko.
Gutom pa ba ako?
"Ayieee! Kayo na ba?"
"Ang sweet nila."
"Nakapuntos din si Alas sa wakas!"
"Sila na ba? Bakit ang cute nila!"
"Ayieeee!"
"Tingnan mo. Bagay na bagay talaga sila."
"Baka sila na nga. Hindi naman makikipagsayaw si Jen kay Alas kung hindi pa sila 'di ba?"
Napahinto ako sa pagsayaw dahil sa mga kaklase namin na nang-aasar. Alam kong biro lang ang mga 'yon, pero iba ang epekto nito sa akin. Sobrang weird sa pakiramdam, pero iniwan ko si Alas sa gitna ng grounds, sa gitna ng maraming estudyante na nagsasayawan. Gusto kong magsorry sa kaniya, pero hindi ko nagawa.
"Anong nangyari Jen?" Tanong sa akin ni Yana. Kahit kailan talaga, maasahan ang isang 'to dahil parating nakasunod sa akin.
Naglakad ako hanggang canteen. Doon, bumuhos na ang mga luha ko na hindi ko alam kung saan naimbak. Siguro ito ang tamang oras para ilabas ko itong nararamdaman ko. Hindi ko na mapigilan e.
"Ayos ka lang ba?" Tanong naman sa akin ni Yara.
Tumitig ako sa kanilang dalawa.
"H-hindi pa ako handa," sabi ko habang pinupunasan ang mga luha ko.
"Anong ibig mong sabihin?" Tanong ni Yana.
"H-hindi ko pa kayang mahalin si A-Alas. H-hindi ko pa kayang suklian ang pagmamahal n-niya sa akin," sabi ko sa gitna ng pag-iyak.
"Kaya ko namang maghintay," napatigil ako at napatingin sa likuran nila Yana. Gano'n din sila. Alas. "Maghihintay naman ako hanggang sa kaya mo na akong mahalin, Jen...
...maghihintay ako hanggang sa maging handa ka na, kahit gaano pa katagal."
--
Raindrop
Sunshower Series #2, Jen and Alas Story
Written by, abdiel_25
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro