Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13 : Sorry

Chapter 13 : Sorry

Maaga akong pumasok.

Maaga ring hinanap ng mga mata ko si Alas, pero dahil nga maaga pa masyado, naisip ko na baka mamaya pa siya dadating sa school.

Naglakad-lakad lang ako sa buong campus. Sobrang aga ko ngayong araw. Kasabay kong pumasok si kuya Guard. Hindi ko alam kung bakit pero para akong excited sa araw na 'to. Pero at the same time para akong kinakabahan. Hindi ko alam kung anong bagong mangyayari sa araw na 'to. Hindi ko alam kung bakit ako excited at kinakabahan.

Siguro dahil ngayong araw ia-announce ang mga nanalo sa art contest no'ng nakaraang araw? Siguro dahil maganda ang tulog ko kagabi? Siguro dahil wala akong kahit anong school works na iniisip kaya parang chill lang ako? Tamang excited kasi wala lang?

Hindi ko talaga alam. Wala akong ma-isip na valid reason. Siguro hihintayin ko nalang na mangyari na 'yung bagay na hinihintay kong mangyari, 'yung dahilan kung bakit ako excited.

"Aga mo yata." Napalingon ako sa likuran ko nang may magsalita. Kasalukuyan akong nasa grounds at nakatingin sa malaking puno na dinisenyohan ng school para mas lalong gumanda. Para na rin siyang landmark ng school namin dahil sing tanda ng school ang puno na 'to, o baka mas matanda pa ang puno na 'to sa school.

"Juo," ani ko. "Good morning! Ikaw din. Ang aga mo," bati ko bago umupo sa isang sementong upuan. Katabi lang ito no'ng puno.

"Alam ko kasi na maaga kang papasok. Kaya inagahan ko rin para may kasama ka," aniya bago tumabi sa akin.

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Alam mo na maaga akong papasok? Paano mo naman nalaman?" Tanong ko sa kaniya.

Gamit ang hintuturo niya, tinuro niya 'yung sintido niya. "I use my brain," saad niya. "Joke. Naramdaman ko lang na maaga kang papasok," aniya bago bahagyang tumawa.

"Seryoso. Bakit maaga ka ngang pumasok?" Muli kong tanong sa kaniya. Hindi kasi ako naniniwala na alam talaga niyang maaga akong papasok.

Suminghap siya bago sumagot, "hindi ko pa nagagawa 'yung assignment natin sa Filipino. May kailangan din akong ipasa na reaction paper sa science na nakalimutan kong gawin kahapon kaya ngayon ako magpapasa. Parehas 'yon, hindi ko nagawa kagabi kaya maaga akong pumasok para maasikaso 'yon," paliwanag niya kaya tumango ako.

"Tamad ka pa rin hanggang ngayon," puna ko kaya tinawanan niya ako.

"Hindi naman. Gusto ko lang talaga ng quality time sa family ko kapag nasa bahay ako. You know, bawas school works sa bahay dahil nakaka-stress," giit niya.

"Wew. Reasons," sabi ko kaya muli niya akong tinawanan.

"Akyat muna tayo sa taas? Ilalagay ko lang sa room 'tong bag ko," sabi niya kaya tumango ako. Sabay kaming tumayo at naglakad pa-akyat sa floor kung nasaan ang classroom namin.

Nanatili kaming tahimik. Tanging tunog ng sapatos namin ang maririnig dahil walang nagsasalita sa aming dalawa. May kakaunting mga estudyante na rin sa bawat floor. 'Yung mga early bird students type, at 'yung mga estudyanteng trip pumasok ng maaga para maglinis ng room at magpabida sa teacher.

"Kamusta kayo ni Alas? Kinausap ka ba niya? Nakapag-usap na ba kayo?" Sunud-sunod na tanong ni Juo kaya napatingin ako sa kaniya panandalian.

"Bakit mo naman natanong?" tanong ko.

"Wala naman. Curious lang ako. So ano nga? Kamusta kayo? Lumapit ba siya sa'yo?" muli niyang tanong.

"Ewan ko sa isang 'yon. Kahapon, palagi akong iniiwasan. Parang takot na takot siyang lumapit sa akin. Hindi kami nag-usap buong araw kahapon. Naba-badtrip nga ako sa kaniya e. Hindi naman siya gano'n. Hindi ko alam kung bakit bigla siyang naging gano'n." Huminto ako saglit nang makarating kami sa classroom. Umupo ako sa upuan ko habang si Juo naman nilapag ang bag niya sa upuan niya.

"LQ kayo?" nakangiting tanong ni Juo.

"LQ?" hindi makapaniwalang saad ko. "Baka may topak siya kahapon. For sure lalapit sa akin 'yon ngayong araw at kakausapin ako," sabi ko.

"Let's see," sabi ni Juo. May kakaiba sa tono ng pananalita niya pero hindi ko alam kung ano. O baka naisip ko lang na may mali kaya gano'n?

Napatingin ako sa cellphone ko. Malapit nang mag-6 AM, pero kaming dalawa palang ni Juo ang nasa room. Siguro maya-maya lang, kumpleto na rin kami. Sila Yana at Yara minsan 15 minutes before the first class kung pumasok. Minsan mas maaga, minsan naman late. Depende kung anong oras silang natatapos kumain, o maligo.

For sure sa mga oras na 'to, gising na sila, pero tinatamad pang kumilos.

"Ngayon nga pala sasabihin 'yung mga nanalo sa art contest," panimula ni Juo kaya napatingin ako sa gawi niya. May kung ano siyang sinusulat sa notebook niya. Siguro 'yung assignment namin sa Filipino. "Tingin mo, mananalo ka?" Tanong niya bago tumingin sa akin.

Hindi siya nang-aasar, talagang tanong 'yon galing sa kaniya.

"Tingin mo ba mananalo ako?" balik kong tanong sa kaniya.

"Tingin ko..." tumingala siya at nilagay sa baba ang dulo ng ballpen niya, parang nag-iisip. Pagkatapos binalik niya ang tingin niya sa akin. "Tingin ko mananalo ka, pero hindi champion," aniya bago bumalik sa pagsusulat.

"Pero sagot mo pa rin ang debut ko. Kahit anong place, at least nanalo ako," sabi ko kaya agad siyang tumingin sa akin at umiling-iling.

"I'll only accept the highest place, which is 'yung champion. Kapag mas mababa sa champion, hindi ko sagot ang debut mo," sabi niya kaya napasimangot ako.

"Ang daya mo! Ngayon mo lang sinabi 'yan!"

"At least sinabi ko sa'yo bago i-announce 'yung winners," sabi pa niya na parang nang-aasar.

Hindi na ako nakipagtalo sa kaniya dahil mukhang busy siya sa ginagawa niya. Tingin ko bago magsimula ang first subject, tapos na siya.

Napa-isip tuloy ako nang maalala ko 'yung painting ko noong nakaraang araw.

Mananalo kaya ako?

***

Hindi.

Hindi ako nanalo.

I mean, yes, I won. Pero hindi champion. 1st place lang ang napanalunan ko.

Kaya ito ako, todo simangot.

"Bye bye libreng debut," nang-aasar na sabi ni Juo kaya siniko ko siya. Dahil sa ginawa ko, lalo lang niya akong tinawanan.

"Hmp!" Tangi kong saad.

"Ayos lang 'yan Jen, at least nanalo ka pa rin," sabi ni Yana, halatang pinapagaan ang loob ko.

"Oo nga. At least hindi nanalo 'yung taga kabilang section. Kawawa naman sila," dagdag ni Yara kaya bahagya akong natawa.

"Ang sama mo naman," sabi ko.

"Ganito nalang, ililibre nalang kita ng ice cream dahil may napanalunan ka pa rin naman," sabi ni Juo kaya agad na nagliwanag ang mukha ko. S'yempre hindi literal na liwanag. Ano ako? Star?

"Gusto ko 'yan! Walang bawian ha! Mamayang uwian," nakangiti kong saad.

"Oh, paano kami?" Tanong ni Yara.

"Sali muna kayong contest. Tapos ipanalo niyo. Tsaka ko na kayo ililibre," sabi ni Juo kaya kinuyog siya no'ng magkapatid. "Aray! Tama na aray!" Daing ni Juo.

At dahil mabait akong kaibigan, nakisabunot din ako kay Juo. Tawa kami nang tawa nila Yana dahil nagulo ang buhok ni Juo. Para siyang manok na sinabong. Lukot na lukot ang mukha niya habang inaayos ang buhok niya gamit ang kamay niya.

"Pagkatapos ng lahat ng sakripisyo at kabaitan ko sa inyong tatlo, ganito lang ang igaganti niyo? Sasaktan niyo lang ako?" Pagdadrama ni Juo.

"Daming alam. Basta mamaya, ililibre mo ako ha," sabi ko bago ngumiti.

"Ikaw lang? Kasama kami," sabi ni Yana na sinang-ayunan namin ni Yara.

"Kahit sinabunutan niyo ako, sige, ililibre ko pa rin kayo," sabi ni Juo kaya natuwa kaming tatlo. "Basta isang buong araw akong hindi susungitan ni Yana bukas," dagdag niya kaya nawala agad ang ngiti ni Yana.

"Ako masungit? Sinasabi mo bang masungit ako?" Sabi ni Yana kaya natawa ako.

"Gora na Yana. Ililibre niya tayo ng ice cream. Bukas mo na awayin. Baka magbago pa ang isip," bulong ko kay Yana. Tinanguan lang ako nito bago inirapan si Juo.

"Deal," aniya.

Naglakad na kami pabalik sa classroom. Galing kami sa gymnasium para malaman kung sino 'yung mga nanalo. Doon kasi in-announce.

Habang naglalakad, hinahanap-hanap pa rin ng mga mata ko si Alas. Kahit alam kong absent siya ngayong araw, nagbabaka sakali pa rin ako na late lang siya. Baka papasok pa rin siya ngayong araw. Baka mamayang lunch, pumasok siya.

Pero kung hindi...

Ah basta, kung hindi siya papasok ngayong araw, wala na akong pakialam do'n.

Pero sana sinabi niya sa akin. Dati-rati, sinasabi niya sa akin kapag a-absent siya. Tapos ngayon, a-absent siya ng hindi nagsasabi sa akin?

Shuta.

Wala palang kami, bakit kailangan ko pang isipin ang bagay na 'yon?

***

"Teka mauna na kayo. May naiwan yata ako sa classroom," sabi ko habang tinitingnan ang laman ng bag ko. Malayo na kami sa school, pero naiwan ko 'yung cellphone ko kaya kailangan kong balikan. Yari ako kay mama kapag hindi ko 'yon nadala pauwi.

"Hintayin ka nalang namin dito," sabi ni Juo bago sila pumunta sa may lilim. Hapon na kasi at uwian na namin. Gaya ng napagkasunduan, ililibre kami ni Juo ng ice cream.

Tumango ako bago magsimulang maglakad pabalik sa school.

Habang naglalakad, tinitingnan ko pa rin 'yung loob ng bag ko. Baka kasi napunta sa ibang zipper, o kaya napunta sa pinaka-ilalim. Pero wala talaga. Siguro naipatong ko sa desk ko nang inaayos ko ang laman ng bag ko.

Makakalimutin na yata talaga ako.

Malapit na ako sa school gate nang mapahinto ako.

May lalaking nakatayo sa harap ng gate, parang may hinahantay siya dahil hindi siya pumapasok sa loob. Tinitingnan din niya 'yung mga estudyanteng lumalabas. Maraming nakatingin sa kaniya, hindi ko alam kung bakit. Nakatalikod siya sa akin pero alam kong si Alas 'yon.

Lumapit ako at kinalabit siya.

"Alas?" Agad kong sabi nang lingunin niya ako.

Gusto ko siyang awayin dahil hindi siya pumasok at hindi manlang siya nagpa-alam sa akin. Gusto ko siyang awayin dahil hindi niya ako pinansin buong araw kahapon. Gusto ko siyang awayin kasi na-miss ko siya.

Pero hindi ko magawa.

Ang daming pasa ni Alas sa mukha.

Kahapon putok lang ang kanang kilay niya. Pero ngayon pati kaliwang kilay, putok na. Namamaga na rin ang kaliwang mata niya. May pasa rin siya sa pisngi, sa bandang tainga, sa leeg at sa bandang labi niya.

Ngayon alam ko na kung bakit siya pinagtitinginan ng mga estudyante.

"Anong nangyari sa'yo?" Tanong ko.

Hindi siya sumagot. Bagkus, sinandal niya ang ulo niya sa balikat ko. Nakapatong ang noo niya sa balikat ko. Pagkatapos, naramdaman ko nalang na umiiyak na siya.

"Jen... I'm sorry."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro