Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 11 : Just Passed

Chapter 11 : Just Passed

Nang maka-uwi ako sa bahay, ilang beses kong tinanong sa sarili ko kung anong nangyari.

Hindi mag-sink in sa utak ko 'yung galit na mukha ni Juo. 'Yung pagtaas ng boses niya sa akin. Kung bakit siya galit sa akin, kung bakit sinabi niya na buti nalang dumating siya kanina.

May mangyayari bang masama sa akin kung wala siya? Kung hindi siya dumating kanina?

Gusto kong sabihin na meron.

Pero si Alas ang kasama ko kanina, anong gagawin niya sa akin? Hindi naman niya ako masasaktan. Hindi niya ako pwedeng saktan. Hindi niya ako kayang saktan.

Ilang beses kong kinumbinsi ang sarili ko na mali si Juo.

Na walang masamang mangyayari sa akin kung hindi siya dumating. Na walang kahit anong mangyayari kung hindi niya ako hinatid pauwi, kung hindi niya ako sinamahan.

Pero sa tuwing naaalala ko 'yung higpit ng hawak ni Alas sa pupulsuhan ko kanina, parang gusto kong maniwala kay Juo na may masama ngang nangyari kung hindi niya kami nakita ni Alas. 'Yun kasi ang unang beses na hinawakan ako ni Alas ng may dahas. Na para bang nagmamadali siya't hinahabol ng oras. Madalas kasi, hindi ako hinahawakan ni Alas. At kung hinahawakan man niya ako, masiyadong marahan, masiyadong pang-gentleman.

Imposible naman siguro na may kamukha si Alas at 'yun ang kaharap ko kanina 'di ba?

Somehow, feeling ko tama si Juo. Pero parang hindi. Naguguluhan ako.

Dapat na ba akong magpasalamat kay Juo dahil naitakas niya ako sa balak ni Alas sa akin? O dapat akong magalit kay Juo dahil masiyado niyang in-overthink ang mga bagay.

Hindi naman siguro ako kayang saktan ni Alas 'di ba? Baka excited lang siya kanina kaya humigpit ang hawak niya sa pulso ko. Baka hindi naman niya sinasadyang mahigpitan ang hawak sa akin. Baka ang OA ko lang kanina.

Hindi niya 'yon magagawa sa akin dahil ramdam kong gusto niya ako. Matagal na kaming magkakilala at never niya pa akong nasaktan. Both physically and mentally. Sa aming dalawa, ako pa nga yata ang nakasakit sa kaniya. Sa feelings niya para sa akin. Sa paghihintay niya sa akin.

Pero bakit gano'n?

May parte sa akin na naniniwala kay Juo? Na may gagawing masama si Alas sa akin kanina? Na may masamang balak si Alas sa akin?

Hindi ko na kaya! Ang gulu-gulo na ng isip ko.

"'Nak, may problema?" bungad na tanong sa akin ni mama nang tumabi ako sa kaniya sa sofa. Hindi pa rin ako nagpapalit ng damit pangbahay, naka-uniform pa rin ako dahil tinatamad pa akong magpalit. Wala ako sa mood magpalit ng damit ngayon. Nababaliw na ako sa mga nangyayari.

Umiling ako kay mama dahil for sure, maguguluhan din siya tulad ko kapag sinabi ko sa kaniya ang nangyari---ang problema ko.

Napatingin ako sa pulso ko kung saan ako hinawakan ni Alas. Med'yo namumula 'yon, halatang hinawakan nang mahigpit.

"Bakit namumula 'yan?" tanong ni mama sa akin. Doon ko lang napansin na nakatingin na rin pala siya sa wrist ko. Agad niyang hinawakan 'yon at hinimas-himas. "Anyare?" tanong ni mama.

Hindi ko alam kung matatawa ako dahil sa way ng pagsasalita niya, o mao-overwhelm dahil concern siya.

"Wala po. 'Di po importante," sabi ko kaya kinunutan ako ng noo ni mama. Halatang ayaw maniwala.

"Ano ngang nangyari? Pabebe pa ayaw pang ikwento," sabi ni mama kaya bahagyang umirap ng kusa ang mga mata ko.

"Kinusot ko 'yan sa pwet ko 'ma hanggang sa namula. Okay na ba?" sabi ko dahilan para ihagis ni mama sa mukha ko 'yung kamay ko. Saktong nasampal ang ilong ko kaya hinimas-himas ko 'yon habang lukot ang mukha. "Ang sakit!" Daing ko.

"Wala kang kwentang kausap 'nak. Hindi ko alam kung sa'n ka ba nagmana. 'Di naman kami ganiyan ng papa mo. Haynako," sabi ni mama bago nag-cellphone. "Nga pala, kung may problema ka, mama's here okie? One chat away lang ako," sabi ni mama kaya napangiti ako.

Pabiro ang way ng pananalita niya, pero ramdam ko 'yung pagiging nanay niya sa akin. Ang sweet ng nanay ko grabe. Nangangati tuloy pwet ko sa ka-sweetan niya.

"Akyat lang ako ma," paalam ko bago tumayo sa sofa at umakyat sa kwarto ko.

Pagdating sa kwarto, tumalon agad ako sa kama.

Napapikit ako dahil sa frustration na nararamdaman. Hindi ko kasi alam kung anong iisipin sa mga nangyari. Kung tama ba si Juo? O mali ang interpretation namin sa ginawa ni Alas sa'kin kanina?

Nakapikit lang ako habang nagfa-flashback sa utak ko ang nangyari sa labas ng restrooms kanina.

'Yung hawak ni Alas sa akin.

At 'yung pagsisinungaling ni Juo kanina.

Hanggang sa nakatulog na ako.

***

Nagising ako umaga na.

Sobrang gutom na ako dahil hindi na ako nakapag-dinner kagabi. Tuluy-tuloy ang tulog ko. Siguro dulot ng frustration, hindi ko na naisip pang putulin ang tulog ko. In that way, hindi na maiiisip pa 'yung nangyari sa labas ng restrooms.

Kaso heto nanaman, gising nanaman ako. Naaalala ko nanaman.

"Hinay-hinay 'nak. 'Di ka mauubusan ng pagkain," sabi ni mama. Sabay kaming mag-breakfast ngayon. Si kuya Denden tulog pa, si Papa naman maagang umalis ngayong araw.

Tumango lang ako bago kumain nang kumain.

Pagpasok ko sa school, parang normal ang lahat. I mean, yes, normal naman ang lahat. Pero 'yung pakiramdam ko, hindi. Feeling ko may mali. Feeling ko may nagbago sa school kahit wala naman. Ang weird, o baka dulot 'to ng sobrang kabusugan? Ang dami ko yatang nakain sa almusal.

"Good morning," bati ni Yana sa akin. Kapapasok lang din niya.

"Si Yara?" Agad kong tanong dahil hindi niya kasama. Sabay kasi silang pumapasok palagi.

"Naunang pumasok sa akin. May tatapusin yata siyang assignment," sagot ni Yana.

"Hindi ba kayo gumawa kagabi?"

"Ako gumawa. Siya hindi yata. Nakatapat lang sa cellphone buong gabi. Mukhang bad mood nga kagabi. Inis na inis sa cellphone niya. Siguro may ka-chat na siraulo," sabi ni Yana. Pareho nalang kaming nagkibit-balikat. Mukhang wala ring alam si Yana sa ka-chat ni Yara kaya hindi na ako nagtanong pa.

Habang naglalakad kami sa hallway, nakita kong pasalubong sa amin si Alas at ang grupo niya.

Papunta sila sa canteen, siguro.

Agad kong napansin na tahimik siya, habang 'yung mga kasama niya, tawa nang tawa. Usually kasama siyang tumatawa kapag may biruan, pero seryoso siya ngayon. Hindi ko alam kung bakit, pero mukhang malalim ang iniisip niya.

Hindi niya nga namalayan na nakalagpas kami ni Yana sa kanila. Medyo kumirot ang puso ko dahil ito ang unang beses na dinaanan lang niya ako. Wala man lang kahit ngiti, hi, o kaya kahit hipan lang niya mukha ko para malaman kong napansin niya ako.

Hindi ko alam kung sinadya niya, o baka malalim talaga ang iniisip niya.

Pero sana 'yung latter.

"Anong meron? Nag-away ba kayo ni Alas? 'Di ka yata pinansin," puna ni Yana.

"Malay," sagot ko.

"Ang lalim pa ng iniisip. Ni-reject mo na ba 'yon?"

"Hindi pa."

"So may balak?"

"So Dela Pips?" Balik ko sa kaniya kaya agad na sumimangot ang mukha niya.

"Walang damayan ng ibang pangalan. Si Alas lang ang usapan oh," aniya pa bago ngumuso.

"Paki ko do'n. Bahala siya sa buhay niya kung gusto niyang mag-isip ng malalim. Wala akong paki kung 'di niya ako pansinin. Duh. Immature ko naman kung magpapapansin pa ako sa kaniya 'di ba? Ako ba nanliligaw?" Sabi ko.

"Eh bakit parang galit ka?"

"Ako? Galit?" tanong ko bago pumeke ng tawa.

Hindi na siya nagsalita pa. Siguro naramdaman niyang wala akong gana makipag-usap ngayon. Actually, wala talaga ako sa mood. Simula nang gumising ako, wala na ako sa mood.

Nadagdagan pa ngayon.

Ano kayang iniisip ni Alas?

Parehas kaya kami na iniisip 'yung nangyari kahapon? O baka ako nalang ang na-stuck sa issue na 'yon?

Pagdating namin sa classroom, si Juo lang ang nakita namin. Walang bakas ni Yara.

"Sa'n kapatid mo?" Tanong ko kay Yana pero nagkibit balikat lang siya bago umupo sa pwesto niya.

"Good morning," nakangiting bati ni Juo sa amin ni Yana nang mapansin niya ang pagdating namin. "May assignment kayo sa math?" Tanong ni Juo. Nakangiti pa rin siya kaya nagtaka ako.

Mukhang ako nalang talaga ang na-stuck sa issue kahapon. Move on na rin ako shuta.

"'Di ka nanaman gumawa ng assignment? Kokopya ka nanaman? Juo, kailan ka ba matututong gumawa ng assignment. Grade 11 na tayo pero ang---"

Bago matapos ni Yana ang sasabihin niya, sinampal ni Juo ng one whole sheet of paper si Yana.

"Meron ako. Tinanong ko lang. Baka kasi nakalimutan niyo. O baka gusto niyo na ring kumopya sa assignment ko," pagmamalaki ni Juo.

"Paki ko sa assignment mo," sabi ni Yana. Ang sungit agad. "Pustahan, kopya mo lang 'yan kay Luther," aniya pa.

Si Luther ang top student namin sa Math.

"Sama mo naman. 'Di ba pwedeng nagbabagong buhay lang?" Sabi ni Juo bago tumingin sa akin. Bahagyang nawala ang ngiti niya. "'Di ba Jen?"

'Di ko maintindihan kung anong gusto niyang palabasin, o ipahiwatig. Pero alam kong may laman ang sinabi niya.

Bago pa man ako makasagot, may pumasok na sa classroom. Dahilan para makuha ang atensyon namin ni Juo. Si Yana, sinusuri kung tama ang mga sagot ni Juo sa assignment.

Sa may pintuan, nakita namin si Alas at ang mga tropa niya.

At si Alas, seryoso pa rin.

Pero may napansin ako na hindi ko napansin kanina.

Sa bandang kanang kilay niya, may sugat siya. Parang pumutok ang parteng 'yon. Parang...

Parang sinuntok.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro