two / eleven sweet songs /
two.
eleven sweet songs.
"Kung alam mo lang kung gaano kita kagustong lapitan at makipagkaibigan saʼyo ngunit hindi ko magawa sa takot na baka hindi mo marinig ang boses ko dahil aliw na aliw ka sa tugtugin mo." Sa mga sinabi ni Ellis ay napangiti na lang ako dahil hindi lingid sa kaalaman ko ang tungkol sa bagay na iyon.
Totoong maraming pagkakataon na talagang sinubukan niya akong lapitan at kaibiganin. Sadyang hindi ko lang siya binibigyang pansin noon dahil hindi ko nais na bigyan ng isipin ang aking mga magulang na abala sa araw-araw naming pangkabuhayan.
Ngunit ngayong ipinagtatiwala ako ng sarili kong mga magulang sa binatang kasama ko ngayon ay mukha namang hindi nila ako nais na paghigpitan. At tungkol sa pamilya ko ay naalala ko ang ipinabaon sa aking mga tinapay.
Kaya naman muli kong binitbit ang basket at inilatag iyon sa harapan naming dalawa ni Ellis. May hindi maburang ngiti sa aking mga labi nang sabihin kong, "maligayang kaarawan. Hindi ko napaghandaan ang regalo mo kaya naman para sa araw na ito lamang ay ibibigay ko ang atensyon na gusto mo."
Ang mapang-asar niyang mga ngiti ay unti-unting napapalitan ng maamong ekspresyon. Mahahalata ang unti-unting pamumula ng kaniyang mga pisngi maging ng sulok ng kaniyang mga mata.
Nahihiya ay umiwas siya sa akin ng tingin ngunit muli rin akong tinitigan nang may tapang saka nagsalita, "bilang labing-isang kaarawan ko ngayon ay gusto kong samahan mo akong sumayaw ng labing-isa ring mga tugtugin."
Ngisi naman ang aking naging tugon. "Iyon lang ba? Hindi mo ata alam ngunit may itinatago akong talento sa pagsayaw," matapang kong ganti na nagpatawa sa aming dalawa at doon nga ay nagsimula kaming sumayaw.
Para kaming nagtatagisan sa pagsayaw. Kung sino ang mas magaling ang tatanghaling panalo dahil sa sunud-sunod na tugtugin ng radyo na mayroong maliligayang himig.
Tila ba ay kaarawan ko rin sa sobrang kaligayahan, tumatawa nang walang pag-aalala kahit gaano pa kalakas ang aking mga pagtawang aking ginagawa. Sumasayaw na animo nakalimutan na isa akong dalaga na may imaheng dapat alagaan.
Hindi ko na nabilang kung gaano na karami ang mga tugtuging isinayaw naming dalawa, namalayan ko na lang na masyado na kaming nagtatagal sa pagsayaw nang makaramdam ako ng pagod. Ngunit sa nakikita ko mula kay Ellis ay masyado siyang masaya para makaramdam maski kakapusan ng hininga.
Hanggang sa natapos na ang kasalukuyang tugtugin at napalitan ito ng isang romantikong himig. Sabay sa pagbagal ng mga instrumento ay ang pagbagal din ng mga kilos ni Ellis. Ipinikit niya pa ang sariling mga mata upang damhin ang mabagal na musika.
♫ That day back in October
Where we made history
Of our love's existence
Even when it's now been forgotten ♫
Ngunit huminto siya sa pagsayaw na aking ipinagtaka. Hinarap niya ako at mababagal ang mga hakbang akong nilapitan habang ang kaniyang kanang palad ay nakalahad sa aking direksyon. Nakuha ko naman kung para saan iyon kaya aking ipinatong ang aking palad sa ibabaw ng kaniya.
Matamis ang naging ngiti niya nang matanggap niya ang pahintulot ko na isayaw ako na hawak ang aking mga kamay. Sinimulan naming sabayan ang mabagal na himig ng tugtog at inosenteng nagkakaroon ng katuwaan habang sinasayaw ang romantikong kanta.
♫ Baby, just like my favorite playlist
I'll always choose you
Put it on repeat
Because I want only you ♫
"Ngayon ko lang nararamdaman ang pagod," sambit ni Ellis matapos niyang ubusin ang isang baso ng inuming isinalin ko para sa kaniya. Maging ako ay napagod ding talaga kaya naman hindi na ako nag-abala na bigyan siya ng kahit anong tugon.
Matapos kumain ay napagdesisyunan na rin naming umuwi na bago pa man magdilim. Nauna si Ellis sa pagbaba ng treehouse bitbit ang basket na dala ko. Nang sumunod ako sa pagbaba ay ingat na ingat ako, hindi dahil delikado ang taas ng kailangan kong babain kundi dahil may posibilad pa rin na masilipan ako kahit pa gaano kahaba ang suot kong palda.
"Huwag kang mag-alala, hindi ako nakatingin!" dinig kong sigaw ni Ellis mula sa ibaba kaya naman napalingon ako sa kaniya at nakitang nakaupo siya sa lupa habang nakatingin sa kabilang kalsada at yakap pa ang basket.
Natawa naman ako sa itsura niya at nagpatuloy na sa pagbaba nang walang pag-alaala ngunit mukhang masyadong naalis sa akin ang pag-iingat ko. Nang humakbang ako pababa ay walang kamalay-malay na napagsabay ko ang dalawa kong mga paa sa paghakbang.
Nagtama ang mga ito at nawalan ako ng balance sa aking sarili dahil sa kaliitan ng kahoy na aking tinatapakan. Ang sumunod na lang na naalala ko ay mahuhulog na ako pabagsak sa lupa.
1 3 y e a r s l a t e r . . .
"Hindi ba sinamahan mo si Ellis na magpunta ng ospital kahapon, Kesha? Kumusta naman daw ang paa niya?" ang tanong ni ama na siyang bumasag sa katahimikan sa pagitan naming dalawa habang itinuturo niya sa akin kung paano maingat na pumitas ng bulaklak.
"Hindi naman po ganoon kalala ngunit sinabi ng doktor na magpahinga siya hanggang sa gumaling ang pilay niya," paliwanag ko. "Ama, kung pahihintulutan niʼyo po ay gusto kong gamitin ang pera ko upang ipaayos ang treehouse nang sa ganoon ay wala na ni isa sa amin ni Ellis ang madidisgrasya sa pag-akyat doon."
Matapos ng sinabi ko ay tahimik na ibinigay ni papa sa trabahador ang pangpugit ng bulaklak na hawak niya at kumuha ng pambalot sa sunflower na pinitas niya para sa akin.
Nang ibigay niya iyon sa akin na nakabalot na ay saka siya sumagot, "ikaw ang bahala, Kesha. Trabaho mong pangalagaan ang sarili mong pera at siguruhing hindi iyon masasayang."
"Salamat po," malaki ang ngiting tugon ko at humahagikgik na tinanggap ang bulaklak. Binigyan niya ako ng tango kaya naman nagpaalam na ako na mauuna na saka nagtatakbo paalis. Ngunit hindi pa man ako nakalalayo ay muli niya akong tinawag.
"Ang pinag-usapan natin kasama ng mama mo, Kesha. Ngayong gabi iyon nang ikalabing-walo mong kaarawan!" Sa aking narinig ay napakurap ako at kahit hindi ko gusto ay kusang naglaho ang ngiti sa aking mga labi. Ngunit kahit na ganoon ay binigyan ko ng tango si ama upang ipaalan sa kaniyang naiintindihan ko.
At tuluyan na akong umalis upang magpunta sa isang lugar. Ang tree house sa likod ng hardin na pagmamay-ari ng aking pamilya. At gaya nang lagi ay inakyat ko ang puno hanggang makatuntong ako ng bahay na unti-unti nang nasisira dala nang pagkaluma. Ngunit sa lahat ng rason kaya ako nagpupunta rito ay iisa lang ang siyang gusto ko na laging sasalubong sa akin.
"Wow! Sunflower bouquet? Para sa akin ba iyan?!" At kahit wala pa akong sinasabi ay mabilis nang kinuha mula sa akin ni Ellis ang bitbit ko. Naiwan ang mga braso ko sa ere na kanina ay yakap-yakap ang sunflower na pinitas ng aking ama para sa akin.
"Hindi ba masakit ang paa mo mula sa pagkakahulog sa pag-akyat mo ng tree house ito? Bakit nandito ka ngayon?" alala kong tanong dahil nanggaling lang kami ng ospital na dalawa kahapon dahil iika-ika na siyang maglakad kahapon.
"Masakit, oo. Pero iniisip ko kasi na baka magpunta ka rito at hanapin ako," balewala niyang sagot at ngingiti-ngiting nilalanghap ang bulaklak na pinagkamalan niyang dala ko para sa kaniya dahil nakasanayan niyang lagi ko siyang binibigyan niyon galing sa aming hardin. "Baka malungkot ka kapag mag-isa ka lang rito, mas magiging masakit iyon para sa akin," hindi ko inaasahang habol na aniya.
Napailing na lang ako at nilapitan ang radyo na pinaglulumaan na rin nang panahon dahil sa tagal na namin iyong ginagamit. Binuksan ko iyon at naghanap ng gusto kong pakinggan hanggang sa makahanap ako ng may kalmadong himig na sakto lang para ngayong araw na makulimlim ang kalangitan.
"Mamayang gabi gaganapin ang selebrasyon para sa kaarawan mo, hindi ba?" banggit ni Ellis na mahina kong sinagot ng oo at naupo sa tabi niya. "Kung ganoon ay mamayang gabi ko na rin ibibigay saʼyo ang napakaespesyal kong regalo---"
"Ellis, hʼwag kang dadalo ng kaarawan ko mamaya. Hindi ko gusto na makita ka roon," marahas na putol ko sa sinasabi niya na siyang ikintikom niya at napatitig sa aking mga mata dulot ng pagtataka. "Hindi para sa atin ang mangyayaring selebrasyon, hindi para magsaya tayo. Magiging isang malaking negosyo ang gaganaping selebrasyon, hindi iyon para sa atin."
Iyon ang mga katagang mariin kong binitawan kay Ellis upang ipatindi sa kaniya na hindi siya maaaring dumalo sa gaganaping kaarawan ko ng kaarawan ko. Nakatatakot na makita ang pagdududa sa mga mata niya. Ngunit mas natatakot akong malaman niya ang mga gaganapin ngayong gabi.
Suot ang pinakamahal at pinakamagarang bestida na nasuot ko sa loob nang labing walong taon kong nabubuhay sa mundo, marahan at may pag-iingat akong naglakad patungo sa gitna ng entablado. Kung saan may isang makisig na binata ang naghihintay upang isayaw ako.
At nang magsimulang tumugtog ang awiting kaibig-ibig ang himig ay nawalan ng sindi ang mga ilaw sa paligid at ang tanging natira ay ang liwanag na nakatutok sa aking kinaroroonan. Ang mga palakpakan ay unti-unting humina hanggang sa wala na ni isa ang nagsasalita.
"Kinakabahan ka ba?" ang malambing na tinig na tanong sa akin ng estranghero na hawak ang aking hamak habang nakahaplos sa aking baywang. "Sigurado akong hindi mo rin gusto ang kasunduang ito gaya ko. Nag-iisa akong anak ng mga magulang ko kaya wala akong pagpipilian. Ikaw ba? Bakit hindi mo nagawang tumanggi sa arranged marriage na ito?"
"Mali ka. . ." halos bulong sa hangin na sagot ko. "Hindi ako tutol dito," pagpapatuloy ko at iginala ang mga mata sa paligid para lang maalis sa akin ang nararamdaman kong pagkailang. "Wala akong rason para tumanggi sa mga magulang ko. Sinuportahan nila ako at hindi pinaghigpitan. . ."
"Ibinigay nila lahat ng kailangan at gusto mo? Kaya pakiramdam mo ay dapat lang na ibigay mo rin ang lahat ng hilingin nila saʼyo?" ang pagpapatuloy niya na nagpatigil sa akin dahil tila ba bumaon ang mga narinig ko sa isipan ko.
At doon ay unti-unti akong napabitaw mula sa pagkakapit sa balikat niya at pagkakahawak sa kamay niya. Nang ihakbang ko ang aking mga paa paatras ay naramdaman ko na ang bilis ng tibok ng puso ko dahil sa magiging desisyon ko.
Ngunit ang lalake sa harapan ko ay binigyan ako ng tango na animo sinisiguro sa aking walang mali kung anuman ang piliin ko. "Kung sino o anuman ang nasa isipan mo ngayon na gusto mong piliin, gawin mo. Ang pangalan mo ay Kesha, tama? Ako naman si Emmanuel. Ikinagagalak kong makilala ka."
"Ikinagagalak ko ring makilala ka," ang tugon ko habang nakatanaw sa isang direksyon kung nasaan nagtatago si Ellis na kahit pinagbawalan ko na ay nagpunta pa rin nang patago.
Ngunit sa loob ko ay natatawa ako habang tinatanaw ang lalake na abala sa pakikipagkuwentuhan sa matatanda habang nakikinain na animo ay may sarili silang negosyo na pinagkakasunduan.
Radio October / two :
eleven sweet songs /
edited & extended version
Hello, dear readers! I'd like to ask for some of your time to give my little shop page on facebook a like and follow. It'd help my small business grow. Thank youuu! ⁄(⁄ ⁄·⁄ω⁄·⁄ ⁄)⁄
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro