Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

three / a lullaby to happy ending /

three

a lullaby to happy ending

"Sira na ata ang plakang ito," pagkausap ko sa aking sarili habang minamasdan ang cd na hindi na halos tumutugtog ng tama dala nang sobrang pagkaluma. Nagdesisyon akong tanggalin na iyon sa phonograph player at palitan ng iba pang cd na mayroon ako ngunit ganoon pa rin ang tunog na inilalabas ng cd, putol at paulit-ulit na verse.

"Mukhang sira na iyang cd player niʼyo," sa narinig na iyon ay napalingon ako kay Ellis na siyang pumasok ng bukas na pinto ng aming bahay. Iika-ika siyang naglakad papalapit sa akin dahil sa kanang binti niyang kahapon pa niya inirereklamong nawawalan nang lakas ngunit magmula kahapon ay hindi siya matahimik sa bahay nila at pilit na nagpupunta rito sa amin. "Inihatid na ng asawa mo ang mga apo niʼyo sa eskuwela?" tanong niya pa.

"Mukhang magiging baldado ka na dala ng katandaan mo, Ellis," puna ko sa sitwasyong kinatatayuan niya ngayon ngunit tinawanan niya lang ako at naupo sa pinakamalapit na silyang nakita niya. "Bakit kasi hindi ka na lang makinig sa unica hija mo at nang maipatingin sa doktor ang kalagayan mo? Kung iniisip mong hindi niʼyo kakayanin ang gastusin ay narito naman ako para tulungan kayo," dagdag ko pa.

"Kaya ako nagpunta rito dahil gusto kong maaliw sa mga musika at hindi mapagod sa pakikinig sa sermon mo, Kesha. Nasaan na ba ang radyo mo at pinagtitiisan mo iyang cd player na mas matanda pa sa edad nating dalawa?" paglilihis niya ng usapin kaya naman napairap na lang ako sa hangin at binuksan ang radyo para sundin ang gusto niya.

Nang mahanap ko ang isang station na hilig kong pakinggan sa radyo ay hindi ko na inilipt pa ang channel at iniwan na si Ellis.
Nagpunta ako sa bintana kung saan matatanaw ang terraces ng aming mansion maging ang hardin na aming kabuhayan magmula pa man noon hanggang ngayon.

Patuloy pa rin ang paglago ng negosyo namin kahit na matagal nang wala ang pareho kong mga magulang. May sarili na ring pamilya ang nakatatanda kong mga kapatid sa malalayong lugar at iniwan sa akin ang pag-aalaga ng hardin maging ng mansion.

Hindi naman mahirap para sa akin ang pamahalaan ang negosyo namin dahil mayroon kaming mga trabahador galing sa malalapit na kakilala ng aking pamilya.

Habang pinakatititigan ang hardin ay sandaling nabaling ang aking tingin sa three house na matatanaw mula sa direksyon ko kung saan napakarami kong mga masasayang alaala kasama si Ellis.

Napangiti na lang ako sa sarili nang maalala ang unang beses nakaakyat doon at ang unang beses din akong nalaglag mula roon. Ang bawat kaarawan na ipinagdiwang namin sa lugar na iyon nang magkasama hanggang sa huling pagkakataon na nagkaroon kami para sumayaw at kumanta nang walang humpay.

"Naalala ko nga pala, handa na ang mga bulaklak na ipinapitas mo sa akin para sa pagdalaw niʼyo ng anak mo sa puntod ng asawa mo, Ellis---" natigilan ako sa pagsasalita nang lingunin ko si Ellis at makita ang lalake na nakatulog na sa kaniyang kinauupuan.

Malalim akonv napahinga at nagpunta sa kuwarto upang kumuha ng malinis na kumot at ikinumot iyon sa mga hita at paanan ni Ellis upang hindi siya makaramdam ng lamig at baka manakit na namang muli ang kaniyang mga binti. Matapos ay kinuha ko ang librong magmula kagabi ko pa binabasa at naupo sa katabing silya ni Ellis.

Sa pagdaan nang mahabang panahon ay nagbago ang mga hilig ko, hindi na ako gaanong naaaliw ng pakikinig ng musika hindi gaya noong maliit pa ako. Ngayon ay mas gusto ko na ang pagbabasa. Ngunit naniniwala akong nakuha ni Ellis ang mga hilig ko habang nakuha ko naman ang kaniya.

Nang buklatin ko ang pahina ng libro ay hindi ko mapigilan ang makaramdam ng pait sa aking dibdib. Nagsimula kong basahin ang nakasulat sa pahina kung saan ako naiwan sa pagbabasa ngunit tila ba hindi pumapasok sa isipan ko ang mga naroon dahil sa nararamdaman kong presensya ni Ellis na mahimbing na natutulog sa aking tabi.

Hanggang sa naalala kong muli ang gabi nang aking ikalabing walong kaarawan. At ang naging desisyon ko na siyang kinalabasan nitong sitwasyon na mayroon ako ngayon. "May isang bagay akong pinakagusto, Emmanuel. At iyon ay ang hindi madismaya sa akin ang mga magulang ko."

F l a s h b a c k  ( 1 9 4 4 ) . . .

"Hindi niʼyo mahal ang isaʼt isa? Kung ganoon ay bakit pa kayo napakasal?" nahihiwagaan na ani Ellis habang naniningkit pa ang mga mata. "Pero pakiramdam ko ay gusto ka ni Emmanuel, hindi mo ba siya gusto?"

"Kung gusto ko siya, hindi ikaw ang kasama ko ngayon kahit na kanina lang naganap ang kasal naming dalawa," napapagod kong sagot at isinandal ang likod ko sa pader ng tree house. "H'wag ka nang maingay, matutulog ako," aniko at lumapit nang kaunti katabi niya upang sandalan ang balikat niya at gawin iyong sandalanan.

"Ang bigat ng ulo mo," bulong na reklamo niya ngunit isinadal din sa ulo ko ang ulo niya upang sabay kaming umidlip na dalawa. Tinawanan ko siya at ipinikit na ang mga mata ko na kanina pa pumipikit sa antok.

Sa mga oras na ito ay siguradong hindi pa tapos ang after party ng wedding celebration. Sadyang nagpaalam na ako na mauunang umuwi dahil napapagod na akong paligiran ng mga taong hindi ko naman kilala dahil pawang kakilala lang ang mga iyon nina ama at ina sa pagnenegosyo.

Inihatid ako ni Emmanuel pauwi ng mansion namin ngunit imbis na pumasok ng bahay ay dumiretso ako ng tree house kung saan nangako si Ellis na hihintayin ako matapos ng kasal ko. Hindi ko siya pinayagang magpunta ng kasal ko, hindi ko siya gustong makita sa lugar na iyon.

"Mabait ang papa mo. . ." Hindi inaasahan akong napamulat dahil inakala kong tulog na si Ellies ngunit bigla siyang nagsalita. "Hinayaan niya akong mapalapit saʼyo kahit iniingatan ka ng pamilya mo," dagdag niya pa kaya naman nanatili akong tahimik at walang imik.

"Isa lang naman akong hamak na anak ng hardinero kaya sino ako para magkagusto saʼyo at pigilan kang ikasal sa ibang lalake? Kaya kitang paibigin sa akin. . ." huminto siya sa pagsasalita at mahinang tumawa sa sarili. "Pero hindi ko naman masisiguro ang kinabukasan mo kung ako ang makakasama mo kaya sana alagaan ka niya. Matulog ka nang mahimbing, mahal kita."

E n d  o f  F l a s h b a c k . . .

Kinailangan akong ipakasal ng mga magulang ko sa anak ng mayaman nilang kasamahan sa negosyo para sa mas ikalalago pa ng aming kabuhayan. Hindi sa naging sapilitan ang pakiusap na iyon ng mga magulang ko ngunit maliit pa lamang ako ay naiintindihan ko na ang mga plano ng nila para sa pamilya namin.

Kaya sumang-ayon ako sa paniniwalang para rin sa kinabukasan ko ang gagawin naming iyon. Na sa pag-aakalang wala akong pagsisisihan ay hindi ko na inisip ang sarili ko at hinayaan ang takot ko na magdesisyon para sa akin. Hanggang sa naging huli na ang lahat para magbago pa ang isip ko.

Kung alam ko lang na may taong matagal nang naghihintay sa tabi ko. Kung napansin ko lang na matagal nang may ibang nilalaman ang puso ko. Kung hindi ako naging bulag sa tunay na nararamdam ko.

Wala sana akong pinagsisisihan ngayon. Hindi sana ako nangungulila para kay Ellis at nakukunsensya sa parehong pagkakataon dahil si Emmanuel ang katabi at kayakap kong matulog bawaʼt gabi.

Nakalimutan kong mayroon palang taong naghihintay sa akin na naghihintay lang din ng tamang pagkakataon. Ngunit sadyang hindi ko nagawang makita noon ang nararamdaman niya kaya naging bulag ako

"Mahal," mabilis akong napaangat ng tingin sa nagsalitang iyon at nakita ang asawa kong nakauwi na pala galing sa eskuwelahan ng mga apo namin. "Nariyan pala si Ellis," puna niya nang makita ang natutulog na lalake sa tabi ko.

"Oo, mukhang tapos na ang pagdalaw ng anak niya kaya ayaw niya na naman sa bahay nila at mag-isa lang siya roon," paliwanag ko at tumayo mula sa kinauupuan ko upang tulungan siyang hubarin ang suot niyang vest at isampay iyon sa rack.

"Walang problema, kahit sumabay na siya sa ating maghapunan," aniya at humalik sa noo ko habang marahang tumakap sa mga baywang ko. "Magluluto ako ng paborito ni'yong nilagang buto-buto––pero gulay lang ang kakainin niʼyo at baka mabawasan kayo ng ngipin," nakatawang dagdag niya.

"Pero kakain pa rin kami ng mais," pakiusap ko na tinanguan niya kaya naman napangiti ako. Nang maghiwalay kami sa isa't isa ay nagising si Ellis na nagrereklamo na nagising daw siya dahil nanununtok daw ang tapang na pabango ni Ellis.

Matulog lang nang mahimbing
Paligid ay huwag alalahanin
Narito ako sa iyong tabi mananatili ♫

Hanggang sa magsimula na naman silang pabirong magtalo na dalawa gaya nang lagi. Naiiling na lang ako habang pinanonood silang magkulitan na parang mga bata kahit pa ang isa sa kanila ay hindi na halos makalakad nang walang ginagamit na saklay.

Kahit anong pagsubok pa ang kaharapin
Ano na ang bahala sa lahat
Mahalin mo lang ako nang tapat

Radio October / three :
a lullaby to happy ending / the end
edited & extended version

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro