Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologo: Lagim ng Huwad na Tagapagmana

"Para sa inyo," nagmula ang mga tinapay sa sakong ibinaon ni Covel, kinuha ng mga maliliit at may kadungisang kamay ng mga batang lalaking pulubi ang kanyang handog para sa kanila. Kinukuyog ng mga paslit ang batang Prinsipe, nananabik sa tig-isang pirasong tinapay na malamang ay hindi pa sapat para mapunan ang kanilang kumakalam na sikmura. Mabilis pa sa alas-kwatro naglaho ang mga tinapay sa sako sa kanilang pag-aagawan.

"Salamat po, mahal na Prinsipe," saad ng isang pulubing kasing edad ni Yrvin.

"Walang anuman," magiliw na pagsagot ni Covel sa mga natulungan.

Kabilang sulok naman, si Cordelia rin ay namimigay ng mamon sa mga batang babaeng kapos-palad.

Sabay-sabay silang nag-uunahang makuha ang biyaya ng batang Prinsesa at ito'y bahagyang ikinarindi ni Cordelia lalo pa at hindi siya sanay makihalibilo sa mga batang may kadungisan at kalansahan ang amoy, gayunpaman, taos sa puso niya ang pagbibigay.

"Isa-isa lang," saad ng isang kawal na umaalalay sa pagbibigay ni Cordelia, "lahat kayo ay bibigyan ng mahal na Prinsesa."

Sinunod ng mga batang babae ang kawal at sila'y bumuo ng linyang kasing tuwid ng haligi at sila'y isa-isang inabutan ng mga mamon. Sa dami ng batang pumila, nagkulang ang handog ni Cordelia kaya naman hinati na lamang ng ibang bata ang kanilang mga tinapay para may makain ang iba.

Maya-maya lumapit ang isang batang babae na kapareho ang edad ng batang Prinsesa, may dungis ang kanyang pisngi at magulo ang kanyang kulot at buhol na buhok.

"Mahal na Prinsesa, laro po tayo," alok niya.

Sumulyap muna si Cordelia sa kanyang ama bago sagutin ang alok ng bata.

"Sige, anak," pahintulot ng Emperador, "walang masama kung makikipaglaro ka sa kanila. Mga bata rin silang katulad mo."

Pumorma ang ngiti sa maamong mukha ni Cordelia kasabay ng kanyang pagtango at hindi nagtagal natagpuan niya ang kanyang sarili na masayang nakikipaglaro sa mga kapos-palad na mga bata.

"Tara may ituturo akong laro sa inyo," paanyaya ni Cordelia sa mga bago niyang kaibigan.

Pingmasdan siya ni Costan habang siya'y nakikipaglaro sa mga bata, kanina pa niya inoobserbahan ang ginagawang pamimigay ni Covel at Cordelia sa mga batang naghihirap at siya'y lubos na nagagalak na sa murang edad ng kanyang mga anak, natutunan na nila ang pagbibigay at pagmamalasakit sa kanilang kapwa.

Noong makita ni Covel na nalilibang ang kapatid sa mga kalaro niya, napagpasyahan rin niyang makipaglaro sa mga batang lalaki.

Sa kanyang pagtataka, naglalaro na ang mga batang lalaki bago pa siya makasali at sila ay maingay na naghihiyawan.

"Sino ang taya?"

"Ang mahal na Prinsipe," sagot ng isang bata.

"Sige, ako taya," maligalig na saad ni Yrvin.

"Yrvin?" gulat na tanong ni Covel nang makita ang nakababatang kapatid na nakikisaya sa mga batang lalaki, "anong ginagawa mo rito?"

Tila walang narinig si Yrvin at patuloy lamang ang pakikipaglaro niya sa mga bagong kaibigan.

Ang buong akala nila, naiwan sa bahay ang bunsong Prinsipe at ito'y nagsususot lamang sa iba't-ibang sulok ng Palasyo.

"Ama, ama," nilapitan ni Covel si Costan at itinuro ang kapatid, "nandito po si Yrvin, nakikipaglaro siya sa mga ibang bata."

Lumingon si Costan sa direksyong itinuro ng anak at nakita niyang nakikipagtakbuhan si Yrvin sa mga bata, nakikipaglaro ng taya-tayaan.

"Hayaan na natin siya," natatawang saad ng Emperador, "alam mo naman iyang kapatid mo. Kaya niyang matakasan ang hawlang may isang dosenang kandado nang hindi natin nalalaman. Makisali ka na rin sa kanila."

Habang naglalaro ang kanyang mga anak, nagpatuloy sa pagbibigay ng handog ang Emperador sa mga pulubi, kapos-palad at naghihirap na kababayan. Biniyayaan niya ng prutas, gulay, tinapay at karne ang mga nasasakupang walang makain. Karamihan sa kanila ay nakatira sa tagpi-tagping kabahayan at kubong inuubos na ng anay. Natutulog ang iba sa manipis na banig, sa magaspang at matigas na papag. Ang iba naman ay mas malala pa ang pamumuhay, wala silang bubong na sisilungan sapagkat sila'y nakatira lamang sa lansangan. Kumakain at natutulog sa kanilang maliit na sapin kung saan sila rin ay sinisinagan ng araw sa umaga at hinahamog sa gabi. Pinagmasdan ni Costan ang bawat isang Cenpyerong binigyan niya ng panandalaing kaginhawahan. Nakita niyang pinaghahatian ng anim na sunod-sunod na magkakapatid ang ilang piraso ng tinapay habang ang kanilang ina ay nagpapasuso sa kanyang bagong silang na sanggol. Ang iba ay kumakain ng mansanas at saging na para bang ngayon lang sila kumain sa buong buhay nila.

Nakaramdam siya ng panlulumo at nangibabaw ang tawag ng kanyang konsiyensiya kahit na wala naman siyang ginagawang masama. Napagtanto niyang pagkauwi nila ng mga anak sa Palasyo, mayroon silang maayos na tahanan, masasarap na pagkain sa hapag-kainan, malambot at komportableng kama at higit sa lahat isang magarbong trono na gawa sa purong Ginto. Para sa kanya na lumaki sa buhay ng karangyaan, isa lamang itong pangkaraniwang pangangailangan na minsan ay hindi na nila naaalintana, mga bagay na mayroon siya kahit na hindi na niya paghirapan at pagtrabahuhan, ngunit sa mga nasasakupan niyang nalulugmok sa ibaba ng gulungan, napalaki nitong bagay.

Paano ko pa maaatim na umupo sa aking trono habang ang mga nasasakupan ko ay naghihirap at naghihikahos sa buhay? Nananatili sila sa ilalim habang ako ay may tahanan, pagkain, pera, ginto...Ginto.

Muling napaisip ng taimtim ang Emperador at biglang bumalik sa kanyang gunita ang kwebang punong-puno ng ginto sa Gubat ng Cen. Isang ideya ang nabuo sa kaisipan ni Costan.

***

Pagkalipas ng ilang oras, nagpaalam na sina Covel, Cordelia at Yrvin sa kanilang mga bagong kaibigan at sila ay pinasakay ni Costan sa karwahe, papaalis na sila pauwi sa palasyo.

"Aalis na ang Emperador," anunsiyo ng isang lalaki.

Nagkumpulan ang mga kapos-palad na kababayan upang magpaalam kay Emperador Costan.

"Maraming salamat po Kamahalan, sa tulong niyo," naluluhang saad ng isang may edad na lalaki, "hindi man po kami nakakakain ng masasarap araw-araw, naiibsan po iyon sa mga biyayang handog niyo para sa amin."

Ningitian siya ni Costan.

"Napakabuti niyo po," saad ng isang babae.

"Pagpalain kayo ng mga Diyos," dagdag pa ng isang ginang.

"Sa totoo nga, kulang pa ang mga tulong ko sa inyo para maibangon kayo sa kahirapan," saad ni Costan, "pero huwag kayaong mag-alala, babalik ako sa isang linggo, may sorpresa akong tiyak na ikagugulat niyo."

Tinandaan nila ang matatamis na salita ng Emperador, iniisip kung ano ang kanyang sorpresa para sa kanila.

"Hindi magtatagal at makakamit niyo na rin ang kaginhawahan," pangako ni Costan bago siya sumakay sa karwahe.

"Mag-iingat kayo, kamahalan," pagpapaalam ng taumbayan sa Emperador habang papaalis ang kanilang karwahe.

***

-Lupain ng Gremon sa Kontinente ng Kanluran-

Seryosong nakatuon ang tingin ni Fierro sa imaheng pinapanood niya mula sa mahiwagang Orbe ni Tandang Ora. Mula rito, nasisilayan niya ang bawat kilos at galaw ng kanyang dating kapatid ngunit ngayon ay kinamumuhian niyang kaaway na si Costan. Pinapanood niya kung paano tumutulong ang Emperador sa mga kapos-palad na kababayang nakatira sa sulok ng Sentralisadong Imperyo.

"Hindi ka pa rin nagbabago, Costan," saad ni Fierro, "hanggang ngayon, matulungin at malambot pa rin ang puso mo. Mahina ka pa rin."

Narinig niya mula sa bibig ng Emperador ang pangako niyang pagbabalik sa susunod na linggo pati na rin ang binabalak niyang sorpresa.

"At may sorpresa ka pa para sa kanila," ngumisi siya na tila tumutugma ang mga pangyayari sa kanyang mga plano, "sa gagawin ko, hindi lamang sila ang masosorpresa kundi pati na rin ikaw."

Ngumiti si Tandang Ora bilang pagsang-ayon sa maitim na balak ng Panginoon ng Apoy.

***

-Entrafor-

Mahimbing na natutulog si Konde Ysidro sa kanilang kama, nakadiretso ang Konde, nakanganga at masarap ang paghilik sa kanyang kinahihigaan. Sa tabi niya, taliwas naman ang nararamdaman ng kabiyak niyang si Kondesa Sandra. Siya'y hindi mapakali sa kanyang pwesto, tila may bumabagabag sa kanyang pagtulog. Naririnig niya ang nakapangingilabot na iyak at paghingi ng tulong ng kanyang anak na si Ysavel. Nakagigimbal ang kanyang hiyaw at pagsaklolo na agad namang nagpagising sa kamalayan ng kanyang ina.

"Ysavel!" malakas ang tinig ni Sandra kasabay ng kanyang pagbangon at pati na rin ang paggising ni Konde Ysidro.

"Sandra, anong nangyari?" tanong ni Konde Ysidro sa asawa.

Tumutulo ang luha sa mga mata ng inang nag-aalala para sa anak.

"Si Ysavel, nakita ko siyang nahihirapan...humihingi siya ng tulong sa akin...nasa kamay siya ni Fierro."

Inakbayan ng Konde ang kanyang asawa bilang pagdamay, "wala kang dapat ipag-alala, panaginip lang iyon. Kabaliktaran lang ang lahat ng panaginip, alam mo kung nasaan siya ngayon? Nasa palasyo, kasama ang Emperador at ang mga apo natin."

"Pero si Fierro..." Hindi pa rin magawang kumalma ni Sandra.

"Patay na si Fierro," siguradong sagot ni Ysidro, "gumuho ang Dusa ng Bilanggo habang naroroon siya. Hindi na siya makapanggugulo pang muli."

"Hindi ko alam, Ysidro," kahit anong sabihin ng Konde, hindi pa rin makampante ang kanyang kabiyak. "Masama ang kutob ko. Ina ako, alam ko kung kailan ako kailangang mag-alala sa ating anak. Puntahan natin siya."

"Alam mo, nananabik ka lang kay Ysavel dahil matagal-tagal na natin silang hindi napupuntahan," tugon ng Konde, "pero kung talagang nag-aalala ka, pupuntahan na agad natin sila. Babyahe na tayo bukas. Aagahan na natin ang pagpunta kahit na nakasaad na liham ko sa Emperador na sa isang linggo pa tayo makakarating."

"Mabuti pa nga, Ysidro," sagot ni Sandra.

***

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Isang araw matapos ang pamimigay nila sa mga nangangailangan, maagang gumising ang Emperador para sa isang mahalagang gawain. Inatasan niya si Kapitan Sarito at ang ilan pang mga kawal na samahan siya sa Gubat ng Cen, may dala-dala silang mga sako at piko. Pinangunahan niya ang mga tauhan patungo sa misteryosong kwebang natagpuan niyo noong mga panahong desperado siya sa paghahanap ng lunas para sa maysakit na kabiyak.

Hanggang ngayon, tila tanda pa rin ni Costan ang pasikot-sikot sa kweba. Wala itong pinagbago sa loob ng pitong taon at malamang ay wala pa ring sinuman ang nakapasok dito mula noon. Hindi nagtagal narating nila ang kanilang patutunguhan. Natigilan si Kapitan Sarito at ang mga kawal sa kanilang nakita. Natuklasan nilang punong-puno ng ginto ang bawat sulok ng kweba, sa itaas man o ibaba, sa kanan man o kaliwa, napapaligiran ito ng maliliit, katamtaman at naglalakihang ginto na kumikinang sa kanilang kinaroroonan.

"Nahanap ko ang mga ito noong mga panahong nag-aagaw buhay si Ysavel," paglalahad sa kanila ng Emperador.

"Ano pong balak niyong gawin sa mga ginto?" usisa ni Kapitan Sarito.

"Kolektahin ito," masinsinang sagot ni Costan, "sa isang linggo ipamimigay natin sa mga kapos-palad."

Napaisip si Sarito sa suhestiyon ni Costan, "kamahalan, di po kaya makakasama kung aalisin natin ang mga gintong ito sa kanilang kinaroroonan. Sigurado po ba kayo na nais niyo itong ipamigay? Hindi po biro ang halaga ng isang maliit na piraso."

"Walang nagmamay-ari ng mga gintong ito," pagbubunyag ng Emperador, "mas makakabuting ipamahagi na natin sa mga nangangailangan kaysa mapasakamay ng taong walang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan. Huwag kayong mag-alala, pamamahagian ko rin kayo sa mga makukuha. Simulan na."

Inilabas ng mga kawal ang kanilang mga piko at sinimulan nila ang pagsibak sa mga bato upang makuha ang mga ginto. May kapakalan ang mga batong nakapaligid ngunit sapat naman ang lakas ng kanilang mga piko upang makuha ang mga ginto. Ang lahat ng kanilang nakukuha ay inilalagay nila mga sakong kanilang dala.

***

Inabot ng gabi ang pagmina ni Costan at ng mga kawal sa mga ginto at sa dami nito, wala pa sa kalahati ang kanilang nakolekta mula sa kweba.

Nang marating ng Emperador ang kanilang sala, nagmasid siya sa paligid. Sa isang sulok, magkakatabi sina Covel, Cordelia at Yrvin malapit kay Ystan. May edad na ang pusang iniligtas nila ni Ysavel noong mga bata pa sila, ngunit siya'y malakas at maliksi pa rin. Malapit siya sa mga batang Prinsipe at Prinsesa at malapit rin sila rito.

Hinihimas ni Cordelia ang pusa habang ito'y nakahiga sa sahig, nakapikit ang mga mata sa sarap ng himas ng batang Prinsesa.

"Kamusta siya?" tanong ni Covel.

"Huwag kang maingay, kuya," saad ni Cordelia, "tulog na siya."

Sunod na napalingon si Costan kay Ysavel. Hinahaplos ng Emperatris ang manipis na buhok ni Prinsesa Ymma habang ito'y pinapatulog niya sa pamamagitan ng paghele. Hinuhuni niya ang "Aking Mundo, Aking Buhay" sa bunsong anak at ito'y unti-unting nakatulog sa kanyang piling.

***

Kinagabihan, humiga ang mag-asawa sa kanilang kama, komportableng nakasandal si Ysavel sa dibdib ng Emperador. Nilingon ni Costan ang mukha ng kabiyak na may ngiti sa kanyang pisngi.

"Bakit?" tanong ni Ysavel.

"Masaya lang ako," tugon ni Costan. "Na ikaw ang kapiling ko sa pagtulog. Ikaw ang unang liwanag na nakikita ko sa araw at ikaw rin ang huli kong nasisilayan sa gabi. Mahal na mahal kita, Ysavel. Alam mo ba iyon?"

"Ano na naman ba ito, mahal?" usisa ni Ysavel, namumula ang kanyang pisngi sa kilig na pilit niyang ikinukubli. "May gusto ka na naman? Alam ko ang ganyang ngiti, huwag mong sabihin na gusto mo pa ng isa pang tagapagmana?"

Ngumisi ang Emperador sa sinabi ng kabiyak. "Sapat ka na para sa akin, ikaw at ang ating mga anak. Wala na kong mahihiling pa kundi ang makasama ko pa kayo ng matagal."

Napailing si Ysavel na may pagtataka sa isinambit ng Emperador, "ano bang sinasabi mo? Palagi naman tayong magkakasama dito sa Palasyo at kahit kailan hindi kami mawawala. Makikita pa nating magbinata at magdalaga ang ating mga anak. Maaabutan pa nating maging Emperador si Covel at ganap na Prinsipe't-Prinsesa sina Cordelia, Yrvin at Ymma."

Napangiti si Costan ngunit agad naman itong naglaho nang maalala niya ang walang kasiguraduhang kapalaran ng kanyang kapatid na si Fierro. Maaaring ngayon nasa panganib sila ngunit hindi lang nila alam.

Isang katok ang narinig nila mula sa pinto ng kanilang silid.

"Pasok," pahintulot ng Emperador.

Binuksan ng isang katiwala ang pintuan, may dala-dalang iskrol.

"Kamahalan, balita mula sa Kanluran."

Bumangon si Costan at kinuha ang mensahe, binuksan niya ito at binasa ang nilalaman, sa pagkabigla ng Emperador, natigilan siya at naibagsak niya ang sulat sa sahig."

"Anong nangyari?" tanong ng Emperatris.

***

-Lupain ng Gremon sa Kontinente ng Kanluran-

Walang malay na nakahandusay ang Punong Kawal na si Haurre at ang batang kawal na si Moverick. Mula sa kanilang kinahihigaan, isang kamay ang humila sa mga sugatang kawal papalayo sa himpilang pinamumunuan na ni Wael ngayon.

Ilang oras lamang dumilat na ang mga mata ni Haurre, mahapdi ang kanyang sugat sa tagliran at ito'y dahan-dahang pinupunasan ng kawal niyang si Gwylon. Nakatitig sa kanya si Moverick at ang ilang mga kawal sa kanilang paligid.

Nakaligtas ang batang kawal mula sa kanyang pagkakahulog at siya ang nagdala kay Haurre at Moverick sa isang panuluyan sa Lupain ng Gremon.

"Gwylon?" tanong ni Pinunong Haurre. "Anong nangyari?"

"Nasugatan kayo, Kapitan," paglalahad ni Gwylon.

Tinignan niya ang saksak na tinamo mula sa paglusob ni Wael.

"Tinraydor tayo ng karamihan sa ating hukbo," nanggagalaiti ang tinig ni Gwylon, "sa pangunguna ng walanghiyang si Wael!"

"Ang hinayupak!" saad ni Haurre, unti-unting bumabalik sa kanyang gunita ang mga pangyayari. "Bigla na lamang siyang sumulpot sa himpilan at ginilitan si Prelo! Tiyak na-"

Natigilan ang Punong Kawal ng ilang saglit. "Ang Mataas na Panginoon? Ayos lang ba siya?"

Pumait ang pagmumukha ni Gwylon, "wala na ang Mataas na Panginoon, pinatay siya ni Wael."

Nanghina si Haurre sa nalaman, tila nakaramdam ng pangangatog ang kanyang buong katauhan.

"Ang Binibining Keischa?"

Tuluyan ng bumigay ang damdamin ni Gwylon nang tanungin ni Pinunong Haurre kung ano ang nangyari sa kasintahan.

"Wala na rin siya," lumuluha niyang sinagot. "Ginahasa at pinaslang rin siya ni Wael. Pagkagising ko, narinig ko na lamang na tinago nila ang kanyang mga labi sa kanyang silid at siya'y pakikinabangan ulit ng walanghiya! Nilapastangan nila ang babaeng mahal ko! Wala man lang akong nagawa para sagipin siya! Wala akong silbi!"

"Huwag mong sisihin ang sarili mo," sambit ni Haurre sa nalulugmok na Kawal. "Hindi lamang ikaw ang nabigo. Lahat tayo. Nabigo natin ang Mataas na Panginoon at ang Buong Kanluran. Ano pa ang narinig mo mula sa kanila?"

Pinunasan ni Gwylon ang kanyang mga luha bago ipaalam sa Punong Kawal ang kanyang natuklasan.

"Nalaman ko ang mga plano nila. Papalabasin nilang napaslang ang Mataas na Panginoon sa isang pag-aalsa. Sasabihin ni Wael na mayroong itinalaga ang Pinunong Berhel na papalit sa kanya kung sakaling siya'y mawawala."

"Sino?" tanong ni Haurre.

"Isang pamilyar na pangalan, Lodell ba? Kung tama ang pagkakarinig ko."

"Lodell?" Napagtanto ni Haurre kung sino ang kanyang tinutukoy. "Mapanganib ang taong ito! Isa siya sa mga kriminal na ipinapausig ng Emperador sa salang pagtatraydor sa Imperyo!"

"Hindi lang yun," pagpapatuloy pa ni Gwylon, "narinig ko ring binabantayan lamang ni Wael ang Himpilan. Sabi niya sa oras na lumusob si Fierro sa Imperyo at nakuha na niya ang trono, babalik na rito si Lodell para pamunuan ang Buong Kanluran."

"Fierro, ang huwad na tagapagmana," kilala siya ni Haurre. "Kung tama ang pagkakarinig mo, iisa lamang ang ibig sabihin nito: Hindi lamang ang Kanluran ang nasa panganib, pati na rin ang Imperyong Cenpyre."

"Ano ng gagawin natin?" tanong ni Moverick.

"Kailangang makabalik ako sa Himpilan! Ibabaon ko ang aking espada sa bungo ni Wael at ipaghihiganti ko si Keischa at ang kanyang ama!"

Sumara ng mahigpit ang kamao ni Gwylon.

"Tama si Gwylon!" pagsang-ayon ni Moverick. "Kailangan na nating kumilos para bawiin ang himpilan!"

"Sandali lang!" sumabat si Haurre sa kanilang kagustuhan. "Huwag tayong basta-basta lumusong sa bagyo! Kung susugurin natin sila ngayon, tiyak na dehado tayo. Isang dosena lang ang bilang natin, wala tayong laban sa isang batalyon. Isa pa, tiyak na pinauusig na tayo ni Wael ngayon, pasasamain nila tayo sa mata ng publiko. Sigurado akong palalabasin nilang kasabwat tayo ng mga Militanteng Itmai at Puttlan. Kailangan nating pagplanuhin ito ng masinsinan. Isang kapalpakan lang at maiiwan nating nagdudugo ang Kanluran sa palad ng mga mananamantala."

Natahimik si Gwylon sa pagdadalamhati para sa namatay niyang nobya. Inakbayan siya ni Haurre at dinamayan.

"Anak, may tamang panahon para sa hustisya. Ipinapangako ko sa'yo, bibigyan natin ng katarungan ang Mataas na Panginoon at ang kanyang anak. Pagbabayaran ni Wael at ng kanyang mga tauhan ang kanilang kahayupan. Babawiin natin ang katawan ni Binibining Keischa at bibigyan natin siya ng maayos na libing. Sa ngayon, kailangan muna nating pagplanuhan kung paano tayo kikilos."

"Tama po kayo," sumang-ayon sa kanya si Gwylon.

"Moverick," tinawag ng Punong Kawal ang binata. "May ibibigay akong utos sa'yo, nais kong magtungo ka sa Imperyo kasama ang iba pa nating mga kawal. Dapat balaan natin ang Emperador sa panganib na nagbabadya sa buhay niya at ng kanyang pamilya at kung sakaling magkagulo, tulungan niyo sila. Alam kong hindi sapat ang bilang natin ngunit tayo'y makakatulong pa rin sa kanila. Kapag umabot sa puntong kinakailangan nila ng matutuluyan, dalhin niyo sila dito. May alam kong lugar, sa liblib na Kabundukan sa Hilagang-Kanluran, doon magiging ligtas sila. Kailangang umalis na kayo sa lalong madaling panahon."

"Masusunod po, Pinunong Haurre," malugod na sumang-ayon si Moverick sa misyong ibinigay sa kanya ng Punong Kawal.

***

Agad na nagtungo si Moverick at iba pang mga Kawal sa daungan ng Dagat Kanluran. Doon sila sasakay ng barko patungo sa Gitnang Kontinente. Sa nangyaring sunod-sunod na kaguluhan sa Kanluran, napagpasyahan ng mga Kanluranin na magtungo na lamang sa Imperyong Cenpyre. Mahaba ang pila sa daungan at puno ang bawat barkong maglalayag patungo sa Imperyo.

***

Nagsisimula ng maglayag ang isang barkong umalis na bago pa makasakay si Moverick at ang mga kawal. Puno na ang nasabing barko ng mga Kanluranin at Erroia. Limandaan lamang ang kapasidad nito ngunit lumagpas sa ganitong bilang ang mga taong nais ng umalis sa Kanluran at mamuhay na lamang sa Cenpyre. Dahil sa nangyaring pagpapasabog sa Tore ng Pananalig at Pagbabago, naging mas maingat ang polisiya sa pagsakay ng barko, hindi nila pinapasakay ang sinumang may lahing Itmai at Puttlan sa takot na baka manggulo sila sa loob.

Sa karamihan ng mga taong nakasakay, isang lalaki ang sumenyas sa isa sa kanyang mga kasama at nagtungo sa kanilang silid sa barko, maya-maya, hindi namamalayan ng mga nakasakay ang kakaibang galawan ng ilang kalalakihang sakay ng barko. Walang kaalam-alam na napapaligiran na sila ng mga Mersenaryong kinuntsaba na ni Lodell. Nagtungo ang lahat sa silid. Pumasok silang mga Kanluranin, ngunit pagkalabas nila sila'y anyong Itmai at Puttlan na sa mga mata ng mga nakasakay.

Hawak-hawak ang kanilang mga espada, pana, sibat at palakol, wala na silang inaksayang oras at nilusob na nila ang mga nakasakay sa barko.

"Takbo! May mga Itmai at Puttlan!" hiyaw ng isang pasahero sa iba pa bago siya sibatin ng isang matangkad na Itmai sa likod na tumagos palabas ng kanyang sikmura.

Nagulat ang lahat, sapagkat pagkakaalam nila, ligtas sila at walang nakasakay na Itmai at Puttlan sa barko. Nagtakbuhan ang mga pasahero, nangangamba para sa kanilang mga buhay, ngunit nakapaligid na ang mga Itmai at Puttlan sa bawat sulok ng barko na para bang kabisado nila ang pasikot-sikot nito.

Nagsimula ang kanilang walang-awang pagpaslang sa mga pasahero. Pinagpapana nila ang mga tumatakbo palayo, sinasaksak ng mga espada at sibat ang mga nakakasalubong sa daan at hinahampas ng palakol ang mga kalalakihang nangangahas na makipaglaban sa kanila. Dumanak ang dugo sa bawat dako ng barko at walang humpay ang pag-ubos nila sa mga pasaherong nakasakay.

Nagtungo ang ilang Itmai at Puttlan sa kinaroroonan ng Kapitan na nagpapaandar sa barko.

Laking gulat ng Kapitan nang makita niya ang mga maiitim at mapuputlang nilalang na nakapaligid sa kanya.

"Anong ibig sabihin nito?" Nangingilabot niyang tinanong.

"Ibig sabihin sa amin na ang barkong to!" walang paligoy-ligoy na ginilitan ng isang Itmai ang leeg ng Kapitan at bumagsak siyang wakwak ang leeg sa ibaba. Pumwesto sila sa manibela at sila na ang nagpaandar sa barko.

May mga ilang kalalakihang pasahero naman ang nagtulong-tulong upang labanan ang mga kalaban. Sabay-sabay silang nagtungo sa kinaroroonan ng Kapitan upang bawiin ang manibela sa mga Militante.

"May paparating!" sigaw ng isa.

"Paslangin niyo lahat!" sigaw ng Itmai na nagpapaandar ng barko.

Nagkaroon ng labanan sa pagitan ng mga matatapang na pasahero at mga mersenaryong nakaharang. Nagtagumpay ang ilan sa pagpatay sa mga nakaharang at nilundagan nila ang lalaking Itmai, pilit na binabawi ang barko sa kanila.

Nakipagbuno sa Itmai ang tatlong kalalakihan na natira sa mga pasehero at hinawakan nilang tatlo ang manibela.

Nagsidatingan ang iba pang mga mersenaryo. Pinana ng isang Puttlan ang dalawang lalaking nagpupumilit bawiin ang barko. Humagis naman ang sibat sa puso ng huling lalaking natitirang buhay sa mga pasahero.

Sa pagkamatay ng mga huling pasahero tuluyan ng napasakamay ng mga mersenaryo ang barkong patungo sa Imperyong Cenpyre. Iniba nila ang direksyon ng barko pataas ng Dagat ng Kanluran kung saan sila'y bababa sa dalampasigang nagdudugtong sa Gubat ng Cen.

***

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Ilang araw matapos ang balita tungkol sa pagguho ng dalawang tore, ang pagkamatay naman ni Panginoong Berhel ang nabalitaan ni Emperador Costan at lubos niya itong ikinabahala.

"Bakit ba nangyayari ang lahat ng ito sa Kanluran?" napahawak sa kanyang noo ang namomroblemang Emperador.

"Baka sinisi ng taumbayan si Panginoong Berhel sa pagtatanggol niya sa mga Itmai at at Puttlan," tugon ni Heman.

"Sapat na dahilan na ba iyon para mag-aklas sila at paslangin ang Mataas na Pinuno?" naiinis na sambit ng Emperador. "Bakit pati ang anak niyang walang kalaban-laban, kailangan nilang patayin? Hindi ko dapat kunsintihin ito. Ngayong wala na si Panginoong Berhel, sino na ang mamumuno ngayon sa Kanluran?"

"Pansamantalang binabantayan ng kawal na si Wael ang Himpilan sa Gremon," paglalahad ni Ving. "Ipinagpipilitan niyang ipinagbilin sa kanya ng Mataas ang Pinuno na bantayan ang Pwesto kahit na ito'y kahina-hinala. Wala akong tiwala sa salita niya."

"Tama ka, Ving," sumang-ayon ang Emperador, "nasaan ba si Haurre? Hindi ba dapat siya ang pinagbilinan ng Mataas na Panginoon sapagkat siya ang Punong Kawal?"

"Kasalukuyang inuusig nila ngayon ang Punong Kawal," saad ng isang konseho. "Dinadawit siya sa pagkampi sa mga Militanteng Itmai at Puttlan."

"Imposible," sagot ng Emperador, "mataas ang integridad ng Punong Kawal. Kilala siya ng aking ama at pinagkakatiwalaan siya ng Mataas na Panginoon."

"Nakapagtataka pa ang pahayag ni Wael na diumano'y nanggaling raw sa Mataas na Panginoon," dagdag pa ni Heman. "Ang sabi niya kay Lodell raw ipinauubaya ang pagiging Mataas na Panginoon."

Napailing si Costan sa pagkayamot, hindi makapaniwala sa narinig.

"Hindi ako naniniwala, kilala ko si Panginoong Berhel at kahit kailan hindi niya ipauubaya ang posisyon sa isang ahas! Sa tingin ko ang Lodell na iyan ang nasa likod ng lahat ng kaguluhang nangyayari sa Kanluran. Alam naman natin kung gaano niya kinamumuhian ang mga Lahing Itmai at Puttlan kaya naman gumawa siya ng paraan para masira sila sa kanluranin at makuha ang loob nila."

Tumango ang karamihan sa konseho ni Costan bilang pagsang-ayon.

"Ito rin po ang palagay ko, Kamahalan," saad ni Ving. "Malamang siya rin ang may kagagawan sa pagpaslang kay Panginoong Berhel nang sa ganoon ay makuha niya ang Buong Kanluran."

"Pinaiikot niya ang buong Kanluran sa kanyang palad!" nanggagalaiti na rin si Heman. "Ang buwitre!"

"Ang masaklap pa rito nilalason niya ang pag-iisip ng mga Kanluranin," pagpapatuloy ng Emperador. "Maraming inosenteng Itmai at Puttlan ang nadadamay sa galit ng Buong Kanluran. Inuusig sila na parang mga hayop. Nawawalan na sila ng kabuhayan, tahanan, dignidad at higit sa lahat, ng kalayaan. Lahat ng ito dahil lamang kay Lodell. Kailangang may gawin ako."

Nabalutan ng lumbay ang buong Silid-Pulungan sa sinabi ng Emperador.

"Ano pong balak niyo?" Tanong ni Heman.

"Magtutungo ako sa Kanluran, aayusin ko ang Buong Kontinente. Aalisin ko sa Himpilan ang manlolokong kawal. Ako mismo ang pipili kung sino ang dapat pumalit kay Panginoong Berhel at mamuno sa Kanluran. At si Lodell, tatapusin ko na ang dapat ginawa ko na noon pa man. Pananagutin ko siya sa batas sa ginawa niyang pagtataksil sa ama ko."

"Mainam po, kamahalan," sumang-ayon ang karamihan sa kanyang konseho.

"Pero bago iyon, may kailangan muna akong gawin dito," napagtanto ni Costan nang bigla siyang may naalala.

***

Kinabukasan, dumating na ang araw na itinakda. Ang araw na may magbabalik at lilisan. Ang araw na babago sa kasaysayan ng Imperyong Cenpyre. Isang panibagong umaga ang sumalubong sa mga kapos-palad na taumbayan, sila'y gumising at nagbangunan sa kanilang mga banig at papag. Ang iba'y gumising na gutom at kumakalam ang sikmura.

Naghahanda na si Costan sa kanyang silid. Isinuot niya ang may kahabaang kulay asul na balabal na minana pa niya sa namayapang Emperador Cresento. Tapos na niyang ayusin ang kanyang buhok at sinusuot na niya ang kanyang bota. Preparado na ang lahat para sa kanyang pagpunta sa kanluran at silanganang sulok ng Sentralisadong Imperyo upang ipamahagi sa kanila ang biyayang hindi nila inaasahan at tiyak na ikabibigla nila. Desidido na ang Emperador sa kanyang pasya, wala ng makakapagil sa kanya sa pagtulong sa mga naghihirap na nasasakupan.

Noong matapos na siya sa pag-aayos, nagtungo siya papalapit sa may punto para sa kanyang lakad. Palabas na siya nang bigla siyang may naramdamang kakaiba. Tila nang-iinit ang kanyang katawan na para bang may nakakulong na apoy sa loob. Tumingin siya sa paligid at pinilit na marating ang labas ng silid ngunit napansin niyang umiikot ang kanyang paningin, namilipit ang kanyang ulo sa sakit at siya'y napahawak sa may pinto. Unti-unting nanlabo ang kanyang umiikot na paningin hanggang sa tuluyan na siyang lubayan ng kanyang kamalayan at siya'y bumagsak sa sahig ng kanyang silid. Sakto namang sumara ang pinto kasabay ng kawalan niya ng malay.

***

Sa labas ng Palasyo, nakahanda na ang karwaheng sasakyan ng Emperador pati na rin ang isa pang karwahe kung saan nakalagay ang lahat ng sakong may laman na Ginto base sa utos ng Emperador.

"Ayos na po ang lahat," pagpapaalam ng isang kawal sa Kapitan, "naririto na po ang bawat sako ng Ginto."

"Mabuti naman," saad ni Sarito, "hintayin na lang nating lumabas ang kamahalan, pagkatapos lalakad na tayo."

Bahagyang napaisip ang Kapitan kung bakit natagalan ang Emperador sa pagbaba, sanay siyang mas nauunang mag-ayos sa kanila si Costan.

***

Kasagsagan ng tanghali, habang nanananghalian ang mga naghihirap sa katiting na pagkaing kanilang paghahati-hatian, nasulyapan ng isang lalaki na paparating ang karwahe ng Emperador.

"Paparating na ang Kamahalan!"

Masiglang nagbangunan ang mga kapos-palad na taumbayan, bata man o matanda, lalaki man o babae, lahat sila'y nagkumpulan malapit sa karwahe upang salubungin ang Mahal na Emperador.

"Nagbalik siya, sabi niya may sorpresa siya para sa atin."

Bumukas ang pinto mula sa karwahe at bumaba rito si Emperador Costan. Sa pagkakataong ito, wala siyang kasamang mga kawal at mga anak. Tumigil siya sa kanyang kinaroroonan at tinignan ang nagkukumpulang tao sa kanyang harapan, pinagmamasdan sila na para bang sinisiyasat niyang maigi ang kanilang anyo at kasuotan na animo'y ngayon lang niya nakita ang mga ito.

"Kamahalan, maligayang pagbabalik po," pagbati ng isang ginang.

"Kamahalan!" binati siya ng mga batang pulubi at pinupog siya ng kanilang mga yakap.

Napalitan ng pagngiti ang tila seryosong mukha ng Emperador.

"Ikinagagalak kong makabalik dito muli," saad niya sa tonong may pagkakaiba sa karaniwan. "Noong huli akong nagtungo rito, ipinangako ko sa inyong mayroon akong sorpresa para sa lahat. Ngayon, malalaman niyo na kung ano ito. Handa na ba kayo?"

Nagsitanguan ang taumbayan, nag-aabang ang lahat para sa kanyang sorpresa, inaasahan nilang may kukuhanin ang Kamahalan sa kanyang karwahe at sila'y naghihintay na handugan ng kanyang biyaya.

Itinuon ng Emperador ang kanyang tingin sa itaas ng isang bubungan, tumango ito bilang paghudyat at sa isang iglap, lumipad mula rito ang isang tira ng pana at ito'y tumama sa likuran ng isang matandang lalaki.

Bumagsak siyang duguan at walang buhay, nagulat ang lahat sa kanilang nasaksihan, bago pa may makapagsalita, nakarinig sila ng hiyaw ng mga kalalakihan mula sa kanilang mga sira-sirang kabahayan at naglitawan mula sa kawalan ang mga bayarang mersenaryo, hawak-hawak ang kanilang mga espada, sibat, pana at palakol. Nakahandang umatake.

"Mga Itmai at Puttlan!" sigaw ng isang ginang. Sa kanilang mga mata ito ang anyong nakikita nila.

"Nagulat kayo?" tanong ng Emperador na may kakaibang ekspresyon sa kanyang pisngi, "Ito ang sorpresa ko sa inyong lahat! Di ba gusto niyo ng maginhawang buhay, puwes ibibigay ko ito sa inyo! Dahil mamamayapa na kayong lahat! Sugod!"

Umatake ang bayarang mersenaryo na parang mga lobong may bibiktimahin at ang lahat ng tao ay nagsitakbuhan sa pangingilabot, hindi akalaing gagawin ito sa kanila ng minamahal na Emperador.

Nagsitakbuhan ang mga batang lalaki at babaeng nakalaro nila Covel, Cordelia at Yrvin noon lamang isang linggo, pinaligiran sila ng mga mersenaryong inaakala nilang mga Itmai at sila'y nagsisiiyakan sa takot. Kinuha nila ang kanilang mga espada at pinagsasaksak ang mga ito ng walang awa. Walang kasing tinis ang kanilang pagtili. Tumagas ang dugo ng mga inosente at musmos kung saan sila pinaslang.

Sinubukang manlaban ng mga kalalakihan sa mga lumulusob na mersenaryo ngunit sila'y pinaslang ng mga ito gamit ang kanilang mga pana at sibat na tumagos sa kanilang mga madudungis na katawan. Ang iba ay pinatay nila sa bugbog at ang iba naman ay pinaghihiwa nila ang balat ng walang tinag gamit ang kanilang mga bolo.

Sunod nilang pinuntirya ang mga kababaihang may mga anak, hinatak nila ang mga ina palayo sa kanilang anak at wala ng nagawa ang mga nalulugmok na magulang kundi sumigaw sa pangingilabot habang pinapatay ng mga mersenaryo ang kanilang mga anak sa harapan nila.

Nagtangkang tumakas ang isang ina kasama ang kanyang sanggol ngunit siya'y naabutan ng mga humahabol sa kanya. Napausog ang ina sa sulok ng isang pader. Itinaas ng isang Puttlan ang kanyang palakol sa tapat ng mag-ina.

"Maawa ka sa amin!" iyak niya, habang hawak-hawak ang kanyang bagong silang na sanggol.

Itinuloy ng Puttlan ang paghampas ng kanyang palakol sa mag-ina na para bang naghiwa lang siya ng pakwan.

Nagpatuloy ang kaguluhang nagaganap sa sulok ng Imperyo at nagsimulang magbaha ang dugo sa paligid.

"Patayin niyo silang lahat!" mabangis na sigaw ng Emperador. "Ubusin niyo sila! Kapag wala na ang mga hampas-lupa at patay-gutom, ibibigay ko sa inyo ang Lupaing ito! Panahon na para mamuhay ang mga Itmai at Puttlan kasama ng mga Cenpyero!"

Narinig ng karamihan ang planong gawin ng Emperador sa kanilang lahat.

"Hayop ka Emperador Costan!" Nanggagalaiting sigaw ng isang ginang. "Paano mo nagawa sa amin ito! Hayooopp!"

"Hayop talaga ako!" sigaw ng huwad na Emperador. "Patahimikin ang babaeng to!"

Nagsilapitan ang iba pa niyang tauhan dala-dala ang kanilang mga kutsilyo, nagimbal ang babae at siya'y tumakbo papalayo. Naabutan siya ng mga mersenaryo at siya'y piangtatadtad nila ng hiwa mula sa kanilang mga kutsilyo.

Ginilitan ng mga bayaran ang leeg ng mga natitirang kalalakihan at ang mga batang pinslang nila ay pinugutan nila ng ulo. Pinagtutusok naman nila ng sibat ang mga matatandang wala ng lakas makipaglaban. Nagkalat ang bangkay sa binulabog na kabayanan.

Hindi pa sila nakuntento. Sinunog nila ang mga sira-sirang kubo at kabahayan hanggang sa ito'y tuluyan ng maabo. Sa pagkalat ng usok, namataan ng mga mersenaryo na mayroong tumatakas papalayo.

"Hayaan niyo sila!" Tugon ng Huwad na Emperador. "Kailangang may mabuhay para ipagkalat ang kawalanghiyaang ginawa ni Emperador Costan!"

Ikinatuwa ni Fierro ang pagtatagumpay ng kanyang plano, sa paggamit niya sa katauhan ni Costan at sa pagtakas ng mga saksi, tiyak na kamumuhian at susumpain na siya ng buong Cenpyre.

"Tara! Marami pa tayong Lupaing sasalakayin!"

Pagkaalis nila, nagmistulang Lupain ng Dugo ang buong paligid. Sa bawat sulok, makikita ang bangkay ng mga batang walang awang pinaslang, ng mga kalalakihang naliligo ng dugo mula sa espada at tadtad ng hiwa mula sa kutsilyo, mga magulang at anak na winakwak ng mga palakol at mga ulo ng matatandang ginilitan at pinugutan. Wala ng sasaklap pa rito, gayunpaman, hindi pa tapos si Fierro sa paghahasik ng lagim sa Imperyong nais niyang pamunuan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro