Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologo: Kapalaran ng mga Tagapagmana

"Lakad na, papunta sa iyong ina," hinihikayat ni Costan ang Prinsipe Covel na maglakad ng kusa patungo kay Emperatris Ysavel sa kabilang direksyon.

May kabagalan at bahagyang pag-uga man ang paghakbang ng batang prinsipe, malalakas na ang kanyang binti at siya'y marunong ng maglakad na walang umaalalay sa kanya. Nakangiti siyang lumapit sa kanyang ina habang siya ay tinatawag nito.

"Mamam-ma-ma," sa kanyang murang edad, ito pa lamang ang kaya niyang sambitin.

Kinarga ni Ysavel si Covel at pinupog ito ng halik sa kanyang makinis na noo, "magaling, mahal na Prinsipe."

Isang taon na ang nakalipas mula noong isilang ang munting Prinsipe at nasasanay na rin ang Emperador at Emperatris na mamuhay bilang isang ama at ina, bilang isang buong pamilya.

Kuha ni Covel ang kulay kape ngunit may kapulahang buhok ng Emperatris, namana naman niya sa Emperador ang katamtamang kutis at kulay berde niyang mga mata. Hinele ni Ysavel ang anak habang ito'y nakasandal sa kanyang piling, sa angking ganda ng tinig ng Emperatris, agad na nahimbing ang maliit na Prinsipe sa kanyang dibdib. Pinagmamasdan ni Costan ang anak habang ito ay komportableng nagpapahinga sa alaga ng ina.

"Tulog na siya," bulong ng Emperador sa kabiyak.

Maingat na ihiniga ni Ysavel ang batang prinsipe sa kanyang kunang yari sa purong ginto.

"Ano ng gagawin natin ngayon?" tanong ni Ysavel, pagkahiga nila ni Costan sa kama.

Humikab nang may kalakasan si Costan bago sagutin ang tanong ni Ysavel. "Matulog na rin tayo, mahihirapan na tayo matulog kapag nanlikot na naman ang kamahalan."

Sumulyap lang sa kanya si Ysavel na parang may iniisip.

"Bakit?" tanong ni Costan.

"Napag-isip-isip ko lang," napakagat si Ysavel sa kanyang labi, "di kaya tamang panahon na para magkaroon ng kalaro si Covel?"

Tumingin siya ng malagkit sa katawan ng asawa, tila nagbibigay motibo. Napangiti si Costan, pagkatapos sinunggaban na niya ng halik ang Emperatris, sumara ang kanilang mga bibig isa't-isa, ninanamnam ang lasa ng kanilang mga bibig.

Biglang naudlot ang kanilang pagroromansa nang may naalala ang Emperador, "pero Ysavel, sigurado ka na ba na kaya mo ng magbuntis ulit, hindi ba delikado na?"

"Hindi," humalik ulit ng saglit sa labi ni Costan ang Emperatris bago ituloy ang kanyang sinasabi. "Sabi sa akin ng manggagamot, bibihira lamang daw mangyari yun sa pagbubuntis at nalagpasan ko na. Nakaraos tayo. Ano tutuloy ba natin o hindi?"

"Aba oo naman," wala nang pinalagpas na pagkakataon si Costan. Binuhat niya ang Emperatris, isinandal ito sa pader at itinuloy ang paghalik sa kanya habang tinatanggal ang kanilang mga kasuotan, nakapulupot ang katawan nila sa isa't-isa, suposuporta ng Emperador ang bigat ng Emperatris sa kanyang katawan, mahigpit ang pagkakahawak ni Ysavel sa likod ni Costan, kinapitan niya ang kabiyak na para bang ayaw na niyang bumitaw sa kanyang piling, gumalaw sila sa dingding ng pataas, pababa, pagkatapos pataas at pababa ulit. Taliwas noong una silang nagtalik, tila mas agresibo ngayon ang tirada ni Costan.

Sa kasagsagan ng kanilang lambingan, nakarinig sila ng mahinang paggalaw mula sa kuna ni Covel.

"Dahan-dahan lang, mahal, baka magising siya..." Pabulong na sinabi sa kanya ng Emperatris. Nais ng humalakhak ni Ysavel ngunit di niya magawa sapagkat magigising ang kanilang anak. Namula ang paligid ng kanyang pisngi na para bang siya'y kinilig o nahiya.

Bahagyang humina ang kanilang paggalabog  sa pader, pinupog ng labi ni Costan ang bibig, pisngi, leeg at balikat ng Emperatris habang patuloy lamang ang ginagawa nilang pagmamahal.

***

Pagkalipas ng ilang buwan, natupad ang kagustuhan ng mag-asawa na magkaroon ng kapatid ang Prinsipe at muling nagdalantao si Ysavel. Hula ng manggagamot na babae naman ang kanyang ipinagbubuntis sapagkat mas lalong tumingkad ang kanyang kagandahan.

"Ano ang ipapangalan natin sa ating munting Prinsesa?" tanong ni Costan.

"Mahal," inilagay ni Ysavel ang kamay ni Costan sa kanyang sinapupunan, "ako na ang nagpangalan kay Covel. Ang gusto ko naman sa pagkakataong ito, ikaw ang magpangalan sa Prinsesa natin."

"May naisip na ko," paglalahad niya, "Cordelia."

"Cordelia," pag-uulit ni Ysavel, "napakagandang pangalan para sa isang Prinsesa."

Pinaghalo ni Costan ang pangalan niya pati na rin ng kanyang amang si Cresento at inang si Drella. Doon niya nabuo ang pangalang 'Cordelia.'

***

Hindi nagtagal, naipanganak ni Ysavel si Cordelia ng normal at walang kahit anong aberya, mas malaki ang batang prinsesa kung ikukumpara kay Covel noong siya'y bagong panganak.

Dumaan ang dalawang taon, muling naging abala sa kama ang Emperador at Emperatris kaya naman nakabuo ulit sila ng isa pang tagapagmana, ang kanilang pangatlong anak at ikalawang Prinsipe na pinangalanan nilang Yrvin na hinango nila sa lolo ni Ysavel at ama ni Konde Ysidro, ang dating Konde Yrvin.

Pagkatapos lamang ng isang taon muling nagbuntis ang Emperatris at isinilang niya ang ikaapat nilang tagapagmana, ang ikalawa at bunsong Prinsesa na pinangalanan nilang Ymma.

Sa pagtakbo ng mga araw, buwan at mga taon, nahubog ang kanilang pisikal na anyo na namana nila sa kanilang mga magulang. Gaya ni Covel, nakuha rin ni Cordelia ang kape ngunit mamula-mulang buhok ni Emperatris pero mas hawig niya ang kanyang ama sa mukha, kutis at kulay berde niyang mga mata. Paminsan-minsan ay napapagkamalang kambal ang dalawa dahil sa pagkakapareho ng kanilang mga anyo.

Si Yrvin at Ymma naman ay kabaliktaran. Ang purong kapeng buhok ng Emperador lamang ang nakuha nila kay Costan, mas kahawig nila ang ina sa malaniyebe nilang mga balat at asul na mga mata. Sa apat si Yrvin lamang ang nakamana ng kulot na buhok ni Ysavel sapagkat si Ymma ay kapareho ang buhok ng kanyang ama. Kung si Yrvin ay may kakaibang katangian sa kanyang buhok, mayroon ring pagkakaiba si Ymma sa apat. Sa lahat, siya lamang ang bukod tanging may kakaibang kulay ng mga mata. Kung si Covel at Cordelia ay luntian, si Yrvin ay itim na may pagkaasul gaya ng ina, si Ymma naman ay mayroong matingkad na pagkaasul na maihahalintulad sa kulay ng karagatan at kalangitan. Ang lahat ng nakakakita rito ay nabibighani at sinasabi nilang magdadala ng swerte ang kanyang kakaibang mga mata.

***

Pitong taon ang nagdaan mula nang magsimulang bumuo ng sariling pamilya ang Emperador at Emperatris at sa pitong taon na iyon, nakabuo sila ng apat na tagapagmana, dalawang Prinsipe at dalawa ring Prinsesa.

Isang araw, naglalaro sa may hardin si Covel na ngayon ay malapit nang magpitong taong gulang at si Yrvin na tatlong taon ang edad. Maligayang nakatitig sa kanila si Costan habang sila ay naglalaro ng kanilang nga espadang kahoy bilang pagsasanay. Nagpapanggap ang mga bata na sila'y mga kawal na nakikipagdigma at abala ang dalawa sa paghahampasan ng kanilang mga espada.

Halos kalahati ang laki ni Covel sa nakababatang Prinsipe kaya naman mas yamado siya sa kanilang labanan.

"Sumuko ka na, Ginoong Kawal," pagpapanggap ni Covel sa kapatid.

"Hindi!" matinis na isinagot ni Yrvin sa kanya, mapapaghalataan na batang-bata pa ang kanyang munting boses. "Ako kawal...matatalo ka!"

Nagpatuloy ang kanilang paglilibang, hindi mapigilan ni Costan na mapangiti sa paglalaro ng mga batang Prinsipe.

Umabot sa sukdulan ang paglalaro ng dalawa, napalingon si Covel sa kanyang ama habang siya ay nakikipaglaro sa kapatid at sinamantala naman ito ni Yrvin, itinama niya sa may braso ni Covel ang espadang kahoy, hinablot ng panganay na Prinsipe ang espada ng kapatid, siningit ito sa kanyang kili-kili na parang siya ay nasaksak. Nagkunwari niyang natusok at napabagsak sa damuhan na namimilipit.

"Ah! Nasaksak mo ako...mamamatay na ko."

Kumindat si Covel sa ama bago siya nagkunwaring patay.

"Nanalo ako!" nagtatalon sa tuwa si Yrvin na parang tumatalbog na bola. "Ama, nanalo ako!"

Natatawang napailing si Costan sa kapilyuhan ng batang prinsipe.

Bumangon si Covel sa kanyang kinahihigaan at inabot kay Yrvin ang kanyang espada, "isa pa ulit?"

Nakangangang tumango sa kanya si Yrvin na hanggang ngayon ay masayang-masaya pa rin sa kanyang pagkapanalo.

Magtutunggali na ang dalawang magkapatid nang biglang sumulpot sa hardin ang isang batang lalaking mas matangkad kay Covel.

"Sali ako," sabi niya.

"Oh sige, Aric," sagot ni Covel.

Ang batang ito ay ang anak ni Sarito at Alyna na si Aric na ngayon ay walong taong gulang na at paminsan-minsan ay sinasama ng kanyang ama sa palasyo para makipaglaro sa mga batang Prinsipe.

Maglalaro na sila ngunit may napagtanto si Covel. "Kaya lang pangdalawahan lang ang laro namin, sinong di makakasali?"

Nakaisip si Aric ng isang ideya.

"Pwede tayo muna tapos mamaya kami naman ni Yrvin," suhestiyon ni Aric. "Salitan tayo."

Tumingala muna ang nakatatandang Prinsipe sa kanyang ama, "ama, pwede po ba kami muna ni Aric ang maglaro? Mamaya na po muna namin isasali si Yrvin."

"Sige, anak," sagot ng Emperador, "matagal-tagal na naman kayo nakapaglaro ni Yrvin."

Si Yrvin naman ang sunod na nilapitan ni Covel, "kami muna ni Aric ang maglalaro, mamaya sasali ka namin."

"Gusto ko maglaro," malungkot na saad ni Yrvin.

"Maglalaro ka mamaya, pagkatapos namin ni Aric," hinimas ni Covel ang ulo ng kapatid, "doon ka muna, panoorin mo muna kami."

Umupo si Yrvin sa may halamanan na masama ang loob habang naghahanda ng maglaban ang magkalaro.

"Tara na Covel," alok ni Aric.

Kinuha ni Covel ang kanyang espada at nagsimula silang maglaro ni Aric, malakas ang pangangatawan ni Aric ngunit mas maliksi naman si Covel kaya naiilagan niya ang tira ng kalaro.

Sa balkonahe, taimtim na pinagmamasdan ni Costan ang paglalaro ng dalawang bata, hindi nagtagal, isang alaala ang bumalik sa kanyang gunita. Naaalala niya noong mga bata pa sila ni Fierro, palagi rin silang naglalaro ng espadahan sa mismong lugar na ito. Mga bata pa sila noon at wala pang muwang sa mundo. Imbes na matuwa, nabalutan lamang ng kalungkutan ang kanyang mukha sa naalala.

Bakit ko nga ba naaalala ang mga araw na iyon?

Siguro dahil na rin sa pagkakapareho nila ng anyo ni Covel at si Aric naman ay medyo kapareho ang mangitim-itim na buhok ni Fierro.

Kasagsagan ng kanilang paglalaro, may kalokohang pumasok sa maliit na ulo ni Yrvin. Kinuha niya ang kanyang espada at tumakbo ng matulin patungo sa dalawang batang naglalaro. Ihinampas niya ang espada sa likuran ni Aric. Napahiyaw si Aric sa sakit, pagkatapos ang Kuya Covel naman niya ang kanyang hinampas sa may braso.

"Aray!" sigaw ni Covel.

Naantala ang paglalaro nila ni Aric.

"Nanalo ulit ako!" sabay humalakhak si Yrvin.

"Yrvin," mahinahong sinaway ng Emperador ang anak ngunit masyado itong maligalig para sumunod.

"Sino na kalaban Yrvin ngayon?" tanong ng nakababatang Prinsipe.

Namuo ang inis sa mukha ng nakatatandang Prinsipe, "ang sabi ko mamaya ka na diba? Bakit ba ang kulit mo?"

Itinulak niya pababa sa damuhan ang kapatid, nadala sa kanyang emosyon.

"Covel!" napalakas ang tinig ng Emperador, bumaba siya sa balkonahe upang tulungan ang bunsong Prinsipe. Natahimik si Yrvin at nangingilid na ang luha sa kanyang mga mata. "ayos ka lang?"

Natahimik rin si Covel at Aric sa presensiya ng Emperador.

"Covel, humingi ka ng tawad sa kapatid mo," utos ni Costan sa kanyang panganay.

"Ama, siya po nagsimula eh," pagtatanggol niya sa sarili, "ang kulit-kulit niya, sabi ko pagkatapos namin siya maglalaro."

"Kahit na," may otoridad ngunit kalmado pa rin ang tinig ng kanyang ama, "mali ang ginawa mo, hindi mo dapat siya sinasaktan. Ano ba ang madalas kong sinasabi sa inyong magkakapatid?"

"Huwag na huwag pong makikipag-away," nahihiyang sagot ni Covel.

"Ikaw ang nakatatanda, ikaw dapat ang marunong umintindi sa nakababata," dagdag ni Costan."Magbati kayo."

"Yrvin, patawad, hindi na ko galit sa'yo," hinimas ulit niya ang may kakulutang buhok ng kapatid.

Hindi sumagot sa kanya ang nakababatang Prinsipe.

"Anong isasagot mo, Yrvin?" tanong ni Costan.

"Sagot po?" Ibinalik ni Yrvin sa ama ang tanong.

"Sinaktan mo rin ang kuya mo pati na rin si Aric," paliwanag ng ama, "anong dapat mong sabihin?"

"Patawad Kuya Covel, Kuya Aric," napilitang saad ni Yrvin.

"Magaling," papuri ni Costan.

Napangiti si Covel at Aric sa batang Prinsipe.

"Yrvin, sali ka na sa amin ngayon," alok ni Covel.

"Ayoko na laro," tinalikuran ni Yrvin ang dalawa at naglakad paalis.

Batid ni Costan na may tampo pa rin ang bunsong Prinsipe sa kanyang kuya, alam niyang kung paglalaruin pa niya ulit ito, malamang magkaaway sila ulit.

"Sige, maglaro muna kayo dyan ni Aric, kausapin ko lang si Yrvin," pahintulot ni Costan.

Ipinagpatuloy ng dalawa ang kanilang paglalaro.

Nilapitan ng Emperador ang anak at kinausap ito ng masinsinan, "anak, hindi magandang nagtatampo ka sa kuya mo. May mali ka rin, dapat marunong kang sumunod sa kanya. Matagal na kayong naglalaro, pagbigyan mo na muna si Aric naman ang makipaglaro aa kanya."

"Opo, ama," matatas ang pananalita ni Yrvin kahit na siya ay tatlong taong gulang pa lang.

"Ganito na lang, kung ayaw mo ng makipaglaro sa kanila, pumunta ka na lang muna sa sala, makipaglaro ka sa Ate Cordelia mo."

***

Sa sala, abalang nagbabasa si Ysavel ng isang libro habang siya'y umiinom ng kape, sa may sahig, naglalaro si Prinsesa Cordelia kasama ang bunsong Prinsesa na si Ymma. Limang taon na ang nakatatanda at dalawa naman ang nakababata.

Nakaupo ang dalawang Prinsesa sa mga maliliit na laruang mesa at silya, mayroong suot na laruang korona si Cordelia habang siya'y nakatayo sa harapan ng kapatid.

"Mahal na Prinsesa, naririto na ang Emperatris ng Buong Lupain, si Emperatris Cordelia."

Rumampa si Cordelia na para bang isa na siyang ganap na Emperatris. Natatawa si Ysavel sa paglalaro ng anak, balang araw, magsusuot rin ito ng isang tunay na korona gaya ng sa kanya.

"Anong sasabihin ng Prinsesa sa kanyang ina?" tanong ni Cordelia sa nakababatang kapatid.

"Mamam-ma," sinagot ni Ymma sa kanya, masyado pang bata ang Prinsesa kaya kaunti pa lamang ang kaya niyang sabihin na mga salita.

"Hindi," pagtatama ni Cordelia, "dapat tawag mo sa akin, 'Ina Emperatris Cordelia.' "

"Mam-ah!" muling sinambit ng batang Prinsesa.

Sumuko na si Cordelia sa pagtuturo sa kapatid, kumuha na lamang siya ng isang pirasong mamon sa mesa at inilagay ito sa kanyang laruang plato. "Ito ipinaghanda ng Emperatris ng masarap na pagkain ang Prinsesa Ymma."

Hinablot ni Ymma ang mamon, sinubo niya ito ng isang buo, pagkatapos ninguya ng may kabagalan bago lunukin, nagkalat ang laway at dungis sa kanyang mamula-mulang pisngi.

"Masarap ba, mahal na Prinsesa?" tanong ni Cordelia.

"Sa-rap," pag-uulit ni Ymma.

Natawa si Cordelia, pagkatapos, pinanggigilan niya ang kapatid at kiniliti ito sa kanyang tagliran.

"Halika nga rito, Ymma Ymma mimi mimi mimiya!"

Ito ang madalas niyang itawag sa bunsong Prinsesa kapag ito'y kinikiliti niya, kadalasan ginagaya ito ni Ymma ngunit di niya mabigkas ng diretso ang buong salita at ang "mimiya" lamang ang kaya niyang sabihin sapagkat may pagkakatulad ito sa "ma-ma."

Humalakhak ang bunsong tagapagmana sa pangingiliti ng kanyang Ate Cordelia, hindi nila namalayang dumating na si Yrvin, dala-dala ang kanyang kahoy na espada, siya ay nagtungo sa kinaroroonan ng dalawang Prinsesa at nakita ang ginawang pangingiliti ni Cordelia kay Ymma.

"Sinaktan ng mangkulam ang Prinsesa, ililigtas ko siya," anunsiyo ni Yrvin.

"Hindi ako mangkukulam!" pagtatama ni Cordelia, "ako ang Empe-"

Hinampas ni Yrvin ng kanyang espada sa ulo si Cordelia, pagkatapos hinablot niya si Ymma papalayo sa kanya.

Sumigaw sa sakit at inis si Cordelia, "Ina, ina, si Yrvin po hinampas ako ng malakas sa ulo!"

"Yrvin, kumalma ka nga," saad ni Ysavel, "para ka na namang may bulate sa pwet."

"Liligtas ko lang po si Ymma," sagot ni Yrvin, tumakbo siyang hawak-hawak ang nakababatang kapatid at hindi namalayang nadulas na ito sahig. Umiyak ang bunsong Prinsesa.

"Ymma!" kinalong ni Ysavel ang nadapang anak. "Yrvin, ano ba? Nasaktan ang kapatid mo."

"Pinaiyak mo siya, salbahe ka!" sinampal ni Cordelia ang Prinsipe na ikinagulat ni Ysavel.

"Cordelia, huwag mong sampalin ang kapatid mo!"

Lalong namula ang hampas sa mukha ni Yrvin nang tumulo ang kanyang mga luha at nagsimula siyang tumangis.

Pasugod niyang nilapitan si Cordelia at kinurot ito ng madiin sa kanyang kaliwang braso.

"Arraayyy!" napahiyaw si Cordelia sa pamimilipit.

Natinag lamang siya sa pangungurot nang ilayo siya ni Ysavel sa kapatid. "Ano ba kayong dalawa?"

Umiyak na rin si Cordelia sa sakit ng kurot ni Yrvin.

"Kinurot niya ko, ang sakit!" Pagsusumbong ni Cordelia.

"Ako sinampal niya!" saad naman ni Yrvin.

Pareho silang nagtuturuan habang umiiyak, nataranta si Ysavel sapagkat tatlong anak na niya ang umiiyak at hindi niya alam kung sino ang una niyang patatahanin.

Sakto namang pumasok si Covel sa loob ng sala, katatapos lamang nilang maglaro ni Aric.

"Covel, anak buti naman at dumating ka," nakahinga ng maluwag si Ysavel sa pagdating ng kanyang panganay. "Nag-iiyakan ang mga kapatid mo, tulungan mo kong patahanin sila."

Agad na nag-isip ng paraan si Covel kung paano niya matutulungan ang ina, naaninag niya ang isang librong binabasa sa kanila ng ina tuwing sila ay matutulog, inabot niya ito mula sa mesa.

"Cordelia, Yrvin," pagtawag niya sa kanila. "Tignan niyo, babasahan ko kayo ng istorya, gusto niyo ba?"

Nakuha niya ang atensyon ng dalawang umiiyak na kapatid, sila ay nagtungo sa kanilang kuya at pinunasan ang kanilang mga luha.

"Opo kuya," sagot ni Cordelia, "gusto po namin yung istorya ng tatlong sisiw sa pugad."

"Ako rin," sumang-ayon si Yrvin na para bang hindi sila nag-away ni Cordelia.

"O sige," binuklat ni Covel ang libro, hinanap ang gusto nilang kwento at sinimulan ang pagbabasa, "isang araw may tatlong sisiw na bagong pisa sa kanilang mga pugad, kasama nila ang inahing ibon at sila ay...."

Nagpatuloy ang pagbabasa ni Covel habang inaalagaan ni Ysavel ang bunsong si Ymma. Maya-maya si Cordelia na lamang ang natirang gising. Nakatulog na si Ymma sa piling ng ina at si Yrvin naman ay inantok na sa pagkukuwento.

Hinimas ni Ysavel sa ulo ang kanyang panganay, "maraming salamat, Kuya Covel. Malaking tulong ka sa akin."

Masayang nakasilip si Costan sa kanyang pamilya.

***

Ipinasok ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa kanilang silid, hawak-hawak ni Costan si Yrvin at hawak-hawak naman ni Ysavel si Ymma.

Ihiniga ni Costan si Yrvin sa tabi ni Covel. Ibinaba naman ng Emperatris ang bunso sa kanyang kuna dahil masyado pa siyang bata para tumabi sa kanyang Ate Cordelia at maaari siyang mahulog. Kinalong naman ni Ysavel ang panganay na Prinsesa at ihiniga ito sa kanyang sariling kama.

"Matulog na kayo mga anak," saad ni Costan sa kanila.

"Hindi pa po kami inaantok, ama," sabay na humikab si Cordelia.

"Oo, inaantok ka na," natatawang sagot ni Costan, "magandang gabi, mahal kong Prinsesa."

Hinagkan niya si Cordelia pagkatapos si Covel, Yrvin at Ymma naman ang sunod na hinalikan niya sa kanilang noo.

"Hindi pa rin po ako inaantok," saad ni Covel.

"Ganito na lang," nakaisip ng paraan si Ysavel kung paano sila mapapatulog, "kung kakantahan ko ba kayo, makakatulog na kayo?"

"Opo ina," sabay na sagot ni Covel at Cordelia.

Pumwesto si Ysavel sa piling ng kanyang mga anak at siya'y nagsimulang humuni, nagpaantok sa kamalayan ng kanyang mga anak ang maamo niyang tinig. Pupungas-pungas na ang kanilang mga mata. Nagsimula siyang maghele at kumanta:

"Kayo ang aking mundo, ang aking buhay
Ang aking karagatan at kalangitan
Pag-ibig ko sa inyo ay hindi pagkakaitan

Araw man o gabi
Ako'y palaging nasa inyong tabi

Mula ngayon at magpakailanman,
Pangakong hindi ka iiwanan

Dahil kayo ang aking mundo, ang aking buhay."

Nang matapos na ang awiting handog niya sa kanila, nahihimbing na si Covel at Cordelia pati na rin si Yrvin at Ymma. Ang awiting ito ang simbolo ng kanilang walang hanggang pagmamahal sa kanila. Alam niyang gumagaan ang pakiramdam ng mga anak tuwing aawitin ito ng Emperatris.

"Kay bilis ng panahon, Costan," saad ni Ysavel sa Emperador, "parang kailan lang, ipinagbubuntis ko pa si Covel, namomroblema kung mabubuhay ba siya. Ngayon apat na sila, ang bibilis nilang lumaki."

"Alam ko mahirap maging magulang ng apat, sa ngayon may kalikutan pa sila pero batid kong mamumulat sila sa ating mga turo at lalaki silang mabubuti at marangal." Paninigurado ni Costan.

"At sila ang magiging halimbawa sa Buong Lupain sa oras na sila na ang namumuno," dagdag ni Ysavel.

***

-Dusa ng Bilanggo sa Kontinente ng Kanluran-

Wala ng bakas ng dati niyang anyo ang natitira sa kanya ngayon, tila patay na talaga ang dating matipunong Prinsipe Fierro ng Imperyong Cenpyre. Ngayon isa na lamang siyang Prinsipe ng Bilangguan, araw-gabi binabantayan, bente-kwatro oras nakakakadena ang kamay at paa, hindi nakakapaglinis ng katawan, kumakain at umiinom kung saan rin siya dumudumi at umiihi, halos kalansay na ang buong pangangatawan, ito na ang buhay niya ngayon at malamang ito na rin ang magiging buhay niya sa susunod pang pitong taon, kung aabutin pa siya nang ganoong katagal sa kulungang ito.

Humiga siya sa kanyang tinutulugan sa loob ng pitong taon, sa isang matigas at magaspang na sahig na minsan ay nag-iiwan ng gasgas sa kanyang braso at likuran pero ngayon hindi na niya ito inaalintana, wala ang mga gasgas na ito sa hagupit ng latigo ni Lupet.

Nanumbalik na rin ang lakas ng kanyang mga paa gaya ng kanyang mga kamay ngunit hindi na ang kapangyarihang ipinangako sa kanya ni Tandang Ora.

Papikit na ang kanyang mga mata ngunit may naaninag siyang bakas ng liwanag mula sa isang tanglaw, pinagmasdan ito ni Fierro habang hinihimas ang kakapalan ng kanyang mahabang balbas.

Napagtanto niyang paparating ang isang pamilyar na bantay kasama ang isang lalaking nakagapos. Ang bantay na ito ay kilala niya sa tawag na Wael, isang mamang guwardiya na may katangkaran, kapayatan ang pangangatawan at magaspang ang mukha. Kung gaano kagaspang ang kanyang mukha, ganoon rin kagaspang ang kanyang paos na boses na tila normal na sa kanya. Mula ng mabilanggo si Fierro sa Dusa ng Bilanggo ganito na ang kanyang tinig. Walang alam si Fierro sa nasabing bantay ngunit napapakinggan niya ang usapan ng mga ibang bantay tungkol sa kanya. Ang sabi nila isa siyang dating Kawal ng Mataas na Pinunong si Berhel ngunit may kalokohan siyang ginawa na nag-udyok sa Pinuno na alisan ng bisa ang kanyang pagkakawal at ngayon isa na lamang siyang bantay sa pinakamalaking bilangguan sa Buong Lupain. Hindi man siya kasing brutal ni Lupit, nakikisama naman siya sa tawanan tuwing siya'y pinagkakatuwaan nito, minsan ay tahimik lang siya, ngunit walang tiwala si Fierro sa mga taong tahimik, kung minsan sila pa ang mas mapanganib kaysa sa taong lantad ang kalupitan. Hindi niya alam kung anong pakulo ang itinatago niya sa katahimikang ito.

Pinagmasdan ni Fierro habang inaaasikaso ni Wael ang lalaking ibibilanggo kasama niya, nanginginig ang pangangatawan nito sa takot habang pinagmasdan ang malawak na bilangguan.

"Maawa kayo, huwag niyo kong papatayin! May nag-udyok lang sa akin!"

"Manahimik ka at huwag mo kong iyakan ginoong kawal," kayang humiwa ng bakal ang tinig ni Wael, "pasalamat ka at maysakit ang Punong Bantay ngayon kung hindi kanina pa napisot ang mga itlog mo "

"Sino siya?" usisa ni Fierro.

"Aba himala at nagsalita ka," sagot ni Wael na may pagkabigla. "Siya ay si Malko, dating kawal ng Panginoong Berhel na ngayon ay ipinadampot niya dahil sa pagtatangka sa buhay niya. Sabihin mo sa akin, anong kalokohan ang pumasok sa utak mo at naispin mong gawin iyon?"

"Hindi po kalokohan ginoong bantay," nangangatog na sumagot si Malko, "may dahilan ako kung bakit ko ginawa iyon. Para matapos na ang pamamayagpag ng mga lahing Itmai at Puttlan sa Buong Kanluran."

"Ganoon pala, mali ang ginawa mong aksyon," sambit ni Wael, "maging ako kinamumuhian ko ang mga Itmai at Puttlan, sila ang latak ng Kanluran, pero ang puntiryahin ang taong pumuprotekta sa kanila? Isang malaking kalokohan."

"May nag-utos lang sa akin," paglalahad ni Malko.

"Sino?" nanlisik ang mga mata ng bantay.

Hindi na nagawang sumagot ni Malko.

Lumayo si Wael kay Malko at itinapat niya ang kanyang tanglaw kay Fierro.

"Ngayong kilala mo na siya, ikaw naman ang ipapakilala ko sa kanya, bilanggo tingin rito!"

Sinunod ni Malko ang utos ni Wael. Nasilayan niya ang isang bilanggong ubod ng payat at mahaba ang buhok at balbas.

"Kilala mo ba kung sino siya?"

"H-hindi," sagot ng bagong bilanggo.

"Titigan mo ang pagmumukhang to, siya si Prinsipe Fierro."

Nanlaki ang mga mata ni Malko bago niya titigan ang hindi na makilalang mukha ng Prinsipe.

"Siya si Fierro...Ang Prinsipe Fierro ng Imperyong Cenpyre?"

Isang matalas na ngiti lamang ang sinagot ni Wael sa kanya, pagkatapos iniwan niya ang dalawang bilanggo sa kadilaman ng gabi.

***

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Kinabukasan, maagang gumising ang Emperador para maglibot sa bayan-bayan, nakasanayan na niyang dalawin ang mga nasasakupan niyang kapos sa pamumuhay, isang beses sa isang linggo, nagtutungo ang Karwahe ng Kamahalan dala-dala ang mga sakong may mga prutas, gulay at ilang piraso ng Cepros.

Kasama ng Emperador ang kapitan niyang si Sarito pati na rin ang dalawa pang kawal na si Rohelio at Leiandro sa pag-iikot sa kabayanan.

Pagkababa pa lamang ng Emperador, sinalubong na siya ng mga batang palaboy at pati na rin ng mga pulubi.

"Kamahalan, magandang umaga po," pagbati ng isang batang pulubi kasama ang kanyang kapatid na babae, halatang nag-aabang sila sa maaaring ibigay ni Costan. Inabutan sila ng Emperador ng sampung Cepros at isang maliit na sako ng keso at tinapay.

"Salamat po, kamahalan," sagot nila.

Pagkatapos, kinuyog na ang Emperador ng iba pang mga batang pulubi, nag-uunahan sa limos na kanyang ibibigay.

"Kamahalan, konting tulong lang po."

"Ako po muna, hindi pa po ako kumakain."

Nandidiri na sa kanila si Rohelio at Leiandro sapagkat masangsang at may kalansahan ang kanilang mga amoy at hinihila na nila ang balabal ng Emperador. Nagsimula na silang bugawin ng dalawang kawal.

"Hayaan niyo lang sila," saad ni Costan, pagkatapos nilingon niya ang mga bata, "saglit lang, lahat kayo bibigyan ko, hindi niyo na kailangan pang mag-unahan."

Pumila ng maayos ang mga bata at isa-isa silang inabutan ng Emperador ng pera at makakakain, hinihimas ang buhok ng mga bata bago sila umalis. Lahat sila ay nakangiting nagpapasalamat sa bigay ni Costan. Makita niya lang ang ngiti ng mga kabataan, para bang gumagaan na ang pakiramdam niya.

Nang siya'y maglibot, nasilayan niya ang isang babaeng pulubi na may dungis at grasa sa kanyang kasutoan, hawak-hawak niya ang isang maliit na sanggol sa kanyang piling. Sa habag ng Emperador, inabutan niya ng isang sakong Cepros at pagkain ang naghihirap na ina.

Malugod itong tinanggap ng pulubi na may luha sa kanyang mga mata, "pagpalain kayo, mahal na Emperador."

Napaluhod siyang tumatangis sa may binti ni Costan, niyakap niya ang naghihinagpis na babae.

Nagpatuloy ang kanyang pagtulong sa mga kabayanang naghihirap, nagtungo siya sa kanilang mga kubong halos maubos na ng anay at isang malakas na hangin na lamang ay matitibag na.

"Tanggapin niyo po ang handog ko para sa inyo," inabutan niya ang isang matandang lalaki ng isang sakong Cepros at gulay, "pagawa niyo po ang kubo niyo."

"Maraming salamat po," sagot ng matandang lalaki, "hulog po kayo ng langit sa amin!"

"Wala pong anuman," sinserong tugon sa kanilang lahat ni Emperador.

Nang mapuntahan na niya ang bawat naghihirap na kabahayan, nagpasya nang umuwi ng palasyo si Costan.

"Tara na," atas niya sa kanyang kutsero, "tapos na ang misyon ko rito."

Lumisan si Costan na may kaginhawan sa kanyang kaluluwa, hindi man niya kayang iahon sa kahirapan ang bawat isa sa kanyang nasasakupan, masaya siyang kahit sa simpleng pamamaraan lamang ay nakakatulong siyang maibsan ang kanilang mga uhaw at gutom sa mga handog niyang biyaya.

***

Nagbibiyahe na pauwi ng Palasyo si Costan, Sarito at ang iba pang mga kawal, maayos na pinapalarga ng kutsero ang kanyang kabayo nang biglang may humarang sa kanilang daanan, isang babae ang bigla na lamang dumaan at nabangga ng kanilang karwahe.

"Anong nangyari?" tanong ni Costan sa kutsero.

"May nabangga po tayong babae," sagot ng kutsero.

"Ano?" nabigla ang Emperador at agad siyang bumaba upang siyasatin ang pangyayari. Bumaba rin si Sarito at ang dalawang kawal upang bantayan ang Emperador.

Nakahandusay sa sahig ang isang babaeng apatnapu hanggang limampu ang edad, kulot ang kanyang buhok, matingkad ang koloreta sa mata at pisngi at may malaking hikaw sa tenga.

"Paumanhin po, ginang, hindi po sinasadya ng kutsero ko na mabundol kayo, ano pong masakit sa inyo?"

"Ah, wala naman po, kamahalan," sagot ng babae sa kanya, "medyo masakit lang ang binti ko."

Inalalayan ni Costan patayo ang babae, "patawarin mo ko kung napinsala kita."

Sumenyas ang Emperador kay Rohelio at siya'y kumuha ng isang sako ng Cepros at inabot ito sa kamahalan.

"Ito po," inabot niya sa babae, "tulong ko na sa'yo, kabayaran na rin sa perwisyo."

"Maraming salamat po, kamahalan," sagot ng babae. "Nakakahiya naman po sa inyo."

"Hindi," paninigurado ni Costan, "talagang tumutulong ako sa mga nangangailangan, katatapos lang namin puntahan ang kabilang bayan."

Napangiti ang ginang sa kanyang sinabi, "alam naman po naming lahat ang pagmamalasakit niyo sa inyong nasasakupan, nakikita ko po kayo."

"Talaga?" manghang saad ng Emperador.

"Opo," pagpapatuloy niya, "minsan pa nga, nakikita kong kasama niyo ang inyong mga tagapagmana, kay gagwapo at kay gagandang mga anghel."

Nagalak si Costan sa papuri niya sa mga anak, "kadalasan sumasama sila sa akin sa pagbibigay sa mga nangangailangan, sigurado ka bang ayos ka na? Baka may maitutulong pa ko?"

"Ay wala na po," tuminis ang tinig ng babae habang natatawa, "sobra-sobra na po ang naitulong niyo sa akin, sa totoo nga, ako naman po ang nais maglingkod sa inyo ngayon."

"Maglingkod?" tanong ni Costan. "Sa paanong paraan?"

"Sa pamamagitan po ng pagsulyap sa inyong kapalaran, isa po kasi akong manghuhula at di naman sa pagmamayabang, marami-rami na ring nagpahula sa akin at karamihan sa kanila ay natupad."

Bahagyang napatawa si Costan sa kanyang sinabi, "hindi ko po alam, di po kasi ako masyadong naniniwala sa mga hula. Ano sa tingin mo, Kapitan?"

"Sa tingin ko wala namang masama kung magpapahula kayo kahit ngayon lang kamahalan," payo sa kanya ni Sarito.

"Ano po? Pumapayag na kayo?" usisa ng babae, kita na ang kanyang gilagid dahil nakalabas ang lahat ng kanyang ngipin.

"Sige, pumapayag na ko," sagot ni Costan.

"Buti naman po!" Hiyaw ng ginang sa kanya. "Nararamdaman ko na, marami akong makikitang magagandang bagay sa inyo."

"Pasok ka," alok ng Emperador sa manghuhula at sila ay pumasok sa karwahe. Sumenyas siya kay Sarito at sa mga kawal na magbantay muna sa labas ng karwahe.

Naglabas ng may kalakihang mangkok ang manghuhula, pagkatapos, kumuha siya ng isang maliit na bote mula sa kanyang bulsa, nilagyan niya ang mangkok ng isang likidong animo'y isang tubig.

"Simulan na po natin, lagay niyo lang po ang inyong mga kamay sa mangkok," utos niya.

Maingat na inilagay ni Costan ang kanyang mga palad sa mangkok ng manghuhula.

"Ngayon, tungkol saan po ba ang nais niyong hulaan ko?" tanong ng babae.

"Isa lang ang bagay na pinakainaalala ko sa lahat, ang kapalaran ng mga anak ko, kung ano ba ang naghihintay sa kanila sa hinaharap," tugon ng Emperador.

"Hanga ako sa mga amang kagaya niyo," komento ng manghuhula, "simulan na natin."

Pumikit siya habang hawak-hawak ang dalawang braso ng Emperador. Tila bumubulong ng isang ritwal, nagtagal ito ng ilang minuto, pagkatapos sinimulan na niya ang pagsilip sa kanilang mga kapalaran.

"Ang inyong panganay na Prinsipe ay magiging dakila sa lupaing kanyang sasakupan, magiging isa siyang magiting na mandirigma na handang ipaglaban ang lahat para sa ikabubuti ng karamihan. Marami siyang labang kanyang mapapagtagumpayan. Makikilala siya sa kanyang katapangan at katatagan."

Natuwa si Costan sa kanyang natuklasan, "bago pa man siya ipanganak alam ko nang magiging matatag at magiting ang aking Covel. Nakikita ko rin sa kanya ang pagmamalasakit hindi lang sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa ibang tao."

Tumango ang manghuhula.

"Ngayon, dadako naman tayo sa panganay na Prinsesa," pagpapatuloy niya, "ang nakikita ko sa kanya ay kagandahan: isang kahali-halinang karismang aakit sa mga kalalakihang kanyang makakatagpo, magagamit niya ito sa kanyang ikauunlad at siya'y magsisilbing simbolo ng mga kababaihan sa Buong Lupain."

Hindi na rin ipinagtaka ni Costan ang nakita nito sa anak, "hindi ko maikakaila, ngayon pa lang nakikita ko na ang angking ganda ni Cordelia."

Sa loob-loob naman niya, hindi rin niya maiwasang mag-alala, dahil kung minsan ang kagandahan rin ang nagpapahamak sa isang binibini at ito ang karaniwang sinasamantala ng mga kalalakihan sa kanila.

"Sunod naman ang bunsong Prinsipe," nanatiling nakapikit ang mga mata ng babae, "nakikita ko na ngayon pa lamang, ipinagkalooban siya ng isang kakaibang katalinuhan at karunungan na tanging siya lamang ang nagtataglay, may mga bagay na tanging siya lamang ang makakakita at makauunawa, ang kanyang kapalaran ay nakaukit sa Imperyong Cenpyre at ito ang magdidikta sa kinabukasan ng Imperyo."

Sa lahat ng kanyang hula, dito pinakanapaisip ang Emperador, ngayon pa lang batid na niya ang katatagan ni Covel at kagandahan ni Cordelia pero hindi pa niya nakikita kay Yrvin ang kakaibang talinong sinasabi ng manghuhula. Para sa kanya, kapareho lamang niya ang talino at kakulitan ng isang karaniwang bata.

"Sana nga matupad," natatawang sinambit ni Costan, "sa ngayon kasi siya ang pinakapilyo sa lahat ng anak namin."

Dumilat ang manghuhula sa kanyang sinabi, "iba po ang ngayon sa hinaharap, kamahalan."

Seryoso ang kanyang mukha at dahil dito ay natigilan ang Emperador.

"Ngayon naman titignan ko ang kapalaran ng inyong bunsong Prinsesa."

Ano kaya ang makikita niya kay Ymma?

Nananabik na si Costan.

"Aha, maganda ang nakikita ko sa kanya..." paglalahad ng manghuhula, "taglay niya ang lahat ng katangian ng inyong tatlong anak: lalaki siyang matatag at matapang, huhumaling sa kalalakihan ang angkin niyang karisma at ganda, siya'y bibiyayaan ng katalinuhan at higit sa lahat, makapangyarihan ang kanyang puso, ito ang gagabay sa kanya sabay sa agos patungo sa tadhana niyang makulay at masagana."

Dalawang taon pa lamang si Ymma, ngunit nararamdaman na ni Costan na siya'y nararapat sa lahat ng bagay sa mundo, siguro dahil na rin sa kanyang kakaibang mata na kahalintulad ng tubig at karagatan. Noon pa man, ipinagpapalagay na nilang swerte ito.

"Talaga ba? Napakaganda pala ng kapalaran ng aking Ymma."

Hindi siya sinagot ng manghuhula, nanatili lamang na nakapikit ang kanyang mga mata.

"Para naman sa ikahuli..."

"Wala na po akong anak, apat lang sila," pagtatama ni Costan.

"Hindi na ang mga tagapagmana ang huhulaan ko ngayon kundi ikaw, ang Emperatris at ang Buong Imperyo," paglalahad niya.

Ngumisi si Costan sa kanyang sinabi, "sobra-sobra naman na ata iyan, sapat na sa akin ang inilahad niyo sa aking mga anak."

"Shhh," sinaway siya ng manghuhula at nagpatuloy sa pagsilip sa hinaharap. "Marami akong nakikita...ang kulay na naaaninag ko ay...pula."

Lalong nagtaka si Costan sa sinabi niyang kulay. Pula?

"Nakikita ko ay...dugo...kasawian...kamatayan!"

Kumabog ng mabilis ang pintig ng puso ng Emperador kasabay ng pagtindig nga kanyang mga balahibo. Nakaramdam siya ng kakaibang pangangatog sa kanyang katauhan.

Sa isang iglap, muling bumalik sa kanya ang malalagim na alaala ng nakalipas, ang pagpaslang ni Duke Ambrosio sa amang si Emperador Cresento sa harapan niya. Ang pilipit na leeg ng Lolo niyang si Conrado, ang wakwak na leeg ng lolang si Eda at ang duguang katawan ng kanyang inang si Drella na ang lahat ng may kagagawan ay ang dati niyang kapatid na si Fierro. Ang lahat ng ito ay muling gumimbal sa kanyang kamalayan.

"Niloloko mo ko?" nanggagalaiting tanong ni Costan. "Hindi iyan totoo! Nagkakamali ka!"

Humalakhak ang manghuhula, "hindi mo na matatakasan kung ano ang nakatadhana! Magbabalik ang Panginoon ng Apoy! Siya ang babawi sa trono mo! Siya ang tatapos sa buhay mo! Walang hinaharap ang mga anak mo!"

Lalong lumakas ang halakhak ng manghuhula, habang tumatagal, nag-iiba ang kanyang tinig at siya'y nagtunog matandang mangkukulam, nangilabot ang kalamlam ng Emperador na para bang tinutusok ng kutsilyo ang kanyang tenga. Inalis niya ang kanyang mga palad sa mahiwagang mangkok.

"Magtigil ka!" sigaw ni Costan. "Hindi ko na mapapalagpas ang kalapastangan mo! Mga kawal, dakpin siya!"

Narinig ni Sarito at ng mga kawal ang utos ng Emperador at agad silang nagtungo sa loob ng karwahe.

Sinilaban ng babae ng isang itim na pulbura ang mangkok at isang mahinang pagsiklab ang naganap sa karwahe, nabalutan ng itim na usok ang buong paligid na siya namang humarang sa kanilang paningan, nang maglaho ang usok, wala na rin ang babae pati na rin ang mangkok. Naiwan niya ang isang sakong Cepros na bigay ng Emperador.

"Hanapin niyo siya!" mahigpit na utos ni Costan. "Kampon siya ng kasamaan!"

"Narinig niyo ang kamahalan, hanapin siya!" pag-uulit ni Sarito.

Nagtungo si Rohelio at Leiandro sa kanan at si Sarito naman sa kaliwa. Naiwan sa karwahe ang Emperador na pinagpapawisan at naghahabol ng hininga.

Samantala, sa Gubat ng Kadiliman, hindi magkamayaw si Tandang Ora sa kakatawa dahil sa ginawa niyang panlilinlang sa Emperador.

***

-Dusa ng Bilanggo sa Kontinente ng Kanluran-

"Psst, Kamahalan," pagtawag ni Malko kay Fierro sa kasagsagan ng gabi habang ang karamihan sa mga bantay ay tulog. Nagkunwari si Fierro na hindi niya narinig ang pagtawag ng bagong bilanggo.

"Kamahalan, lingon dito, may sasabihin ako sa'yo," muli niyang pagtawag.

Sa pagkakataong ito, nakuha niya ang atensyon ng dating Prinsipe.

"Ikaw si Prinsipe Fierro di ba?" tanong niya kahit alam na niya ang sagot. "Nabalitaan ko ang nangyari sa inyo, ikaw dapat ang nakaupo sa trono ng Imperyong Cenpyre kung hindi lang inagaw sa'yo ng kapatid mo. Alam kong kung ikaw ang Emperador, hindi mo hahayaan si Berhel na iangat sa posisyon ang mga Itmai at Puttlan."

"Ano bang nais pong sabihin?" tila nayamot si Fierro sa pagsipsip niya.

"May mga taong naniniwala pa rin sa'yo at isa ako sa kanila," paglalahad niya, "kung sakaling magkakaroon ako ng pagkakataon para makatakas ako rito, isasama kita."

Ngumisi si Fierro na para bang walang katuturan ang mga sinabi niya, "takas? Nagbibiro ka ba? Imposible ang pagtakas dito."

"Huwag kayong mawalan ng pag-asa," sagot sa kanya ni Malko, "malay natin isang araw makatakas rin tayo, at kapag nangyari iyon, nasa tabi niyo lang ako. Paglilingkuran ko kayo sa abot ng aking makakaya, pwede niyo kong maging Kapitan ng inyong mga Kawal at susundin ko ang lahat ng kagustuhan niyo, pangako ko iyan sa'yo."

Muling napangisi si Fierro, "pangako? Hindi lang ikaw ang unang nangako sa akin, pinangakuan ako ni Ina at Lolo na mapapasaakin ang trono pero sa huli, kay Costan ito napunta, ipinangako ng aking Diyos na pagkakalooban niya ako ng kapangyarihan ng Panginoon ng Apoy ngunit sa isang iglap inabandona niya ko, binawi niya ang lahat sa akin at hinayaan niyang mabulok ako sa impyernong ito. Hindi na ko naniniwala sa mga pangako."

"Pero di sapat na dahilan iyan para sumuko ka na sa buhay, kamahalan," pagpapatuloy ni Malko, "kung talagang inabandona ka ng iyong Diyos, bakit hindi ka pa niya pinatay? Bakit hanggang ngayon buhay ka pa rin?"

Natahimik si Fierro sa sinabi niya, pagkatapos napag-isipan niyang ibahin ang usapan, "Ikaw? Bakit isinaalang-alang mo ang pagiging kawal mo para lang sa isang utos? Sino ba ang nag-utos sa iyo na paslangin ang Mataas na Pinuno?"

"Isang taong pinagkakautangan ko," paglalahad ni Malko.

***

-Lupain ng Gremon sa Kontinente ng Kanluran-

Sa isa sa maraming panuluyan sa Kapital ng buong Kanluran, naninirahan ang isang lalaki sa baba ng unang palapag kung saan ito ay nagsisilbing lihim sa mga nakatira. Tanging ang may-ari lamang ang nakakabatid sa tinutuluyan ng nasabing lalaki.

May kakapalan ang bigote at balbas ng lalaki ngunit makikilala pa rin siya sa kanyang mga mata at tinig. Siya ang dating Tagapayo ni Emperador Cresento na ngayon ay inuusig na ni Costan. Ang balimbing na Tagapayong si Lodell.

Pitong taon na siyang nagtatago sa pag-uusig ni Costan sa salang pagtatraydor at pakikipagtulungan sa pagpaslang sa kanyang ama. Ngayon itinuturing na siyang isa sa pinakamapanganib na kriminal sa Buong Lupain at may pabuya ang Emperador sa kanyang ulo.

Sa tulong ng isang kaibigan na nagmamay-ari ng panuluyan, matagumpay siyang nakapagtago at siya ay umaasa sa kanya sa pagkain at mga gamit. Nakakubli man ang dating tagapayo, malaya pa rin siyang nakakakilos, siya ang salaring nag-utos sa kawal na si Malko upang paslangin ang Mataas na Panginoong si Berhal nang sa ganoon ay muling mahulog sa putikan ang kinamumuhian niyang mga Itmai at Puttlan. Dahil utang ni Malko sa kanya ang posisyon niya bilang kawal, hindi niya natanggihan ang kanyang utos ngunit siya at pumalpak, sa pagkadismaya ni Lodell.

Isang araw, kumakain ang tagapayo ng tinapay at kape, sa kanyang pagkagulat bigla na lamang bumukas ang pinto at nakita niya ang isang matandang babaeng nakaitim, si Tandang Ora.

"Magandang umaga, Ginoong Liodencio," pagbati ng matanda, "nakaistorbo ba ko sa pagkain mo."

Lubos itong ikinagulat ni Lodell sapagkat matagal na panahon niyang hindi ginagamit ang tunay niyang pangalan.

"Sino ka?" tanong niya sa kanya, "paano mo nalaman ang pangalan ko?"

"Huwag kang matakot," paninigurado ni Ora, "hindi tayo magkaaway, sa totoo lang magkakampi tayo, pareho tayo ng pinagsisilbihan, ang dating Prinsipe Fierro."

"Hindi ko kilala ang sinasabi mong Prinsipe Fierro," pagkakaila ni Lodell, "at lalong hindi ko siya pinagsisilbihan,"

Natawa ang matanda sa kanyang pagmamaang-maangan, "huwag na tayong maglokohan, alam ko ang naging parte mo sa buhay ni Prinsipe Fierro at alam kong batid mo rin ang mga nangyari sa kanila ni Costan. Ang labanan nila sa Gubat ng Cen, Ang paglabas ng kanyang kapangyarihan at ang kanyang pagkalumpo."

"Isang malaking kalokohan," sagot ni Lodell sa kanya, "gawa-gawa lamang iyon ni Costan para mabilanggo siya. Hindi ako naniniwala sa mga kapangyarihan, mahika at Diyos ng Apoy."

"Ah isa kang mapunuring tao, nakikita ko," tugon ng matanda, "hindi ka naniniwala sa isang bagay hanggang hindi mo pa nakikita at nararanasan. Ngayon, aalisin ko ang lahat ng pagdududa sa makitid mong utak!"

"Ang kapal rin ng mukha mo!" nainsulto si Lodell. "Sinong makitid ang-"

Nabalutan ng Itim na usok ang buong kapaligiran ng panuluyan, pagkawala ng usok, sila'y nasa ibang lugar na. Sa isang madilim at nakapangingilabot na kagubatan. Ang Gubat ng Kadiliman.

Nagulantang si Lodell sapagkat natagpuan niya ang kanyang sarili na nakalutang sa ere, sa ibabaw ng isang malaking pasuan na may kumukulong tubig, umaakyat patungo sa kanyang katawan ang init ng usok na nagmumula rito at siya'y napapaso.

Napahiyaw na parang isang babaeng puta ang tagapayo sa pagkaligalig, "Ano to? Pakawalan mo ko!"

"Sabi mo di ka naniniwala sa mahika at kapangyarihan, ngayon naniniwala ka na ba?" tanong ni Tandang Ora.

"Oo, oo naniniwala na ko," nanginginig niyang sinagot. "Nagkamali ako! Pakawalan mo na ko!"

Hinatak ni Tandang Ora ang tagapayo mula sa kanyang kamay na parang isang magnet at siya'y ibinaba sa damuhan.

"Ngayong hawak na kita sa leeg, susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa'yo."

"Sige, sige, ano bang ipapagawa mo sa akin?"

"Ang gusto ko maging bahagi ka sa pagpapatakas sa Panginoon ng Apoy," pagbubunyag ni Ora.

"Si Fierro? Pero ano naman ang mapapala ko? Hindi na niya ako matutulungan sa mga balak ko.Wala na siyang pakinabang sa akin!"

"Wala na," pagsang-ayon ng matanda, "pero ikaw ay may pakinabang pa sa kanya at kapag tinulungan mong makalaya ang Panginoon ng Apoy, magkakaroon ka ng gantimpala mula sa Itim na Diyos. Ibibigay niyo sa'yo ang buong Kanluran, di ba iyon naman ang gusto mo?"

Natigilan si Lodell sa sinabi ng matanda, tila nabasa nito ang kanyang isip, napaisip siya kung kaya niyang ibigay ng Diyos na ito ang kanyang hinahangad na kapangyarihan.

"Kahit na gustuhin ko man siyang tulungan paano ko naman magagawa?" tanong niya sa matanda, "kriminal ako na pinauusig ng Emperador, wala akong mga tauhan at hukbo para itakas siya."

Napailing ang matanda sa kanyang pag-aalinlangan, "hindi na natin kakailanganin ng mga tauhan at hukbo."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro