Prologo: Banta Laban sa mga Tagapagmana
-Lupain ng Gremon sa Kontinente ng Kanluran-
Imbes na sa magtungo sa Gubat ng Kadiliman, napunta ang bagong takas na bilanggo pati na rin ang kanyang mga tagasunod sa panuluyang tinutuluyan ni Lodell, sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Tandang Ora.
"Buti naman at dito mo kami dinala kaysa doon sa nakakapangilabot na gubat na pinagdalahan mo sa akin," sabi ni Lodell sa matanda.
"Sa ngayon hindi pa oras para dalhin sa kagubatan ang mga bagong tagasunod ng Panginoon," nilingon ng matanda si Wael at Malko na pagod pa rin sa kanilang mga pinsala at sugat, "pero pansamantala lang ito, kapag gumaling na sila, tayo'y magtutungo na sa Gubat ng Kadiliman kung saan natin lulutuin ang ating mga balak."
Gamit ang apoy ng kanyang palad, sinigaan ni Fierro ang tsiminea upang sila'y magpainit sapagkat hindi na maikakaila ang malamig na klima sa Kanluran.
"Tutal pinag-uusapan na lang rin natin ang ating mga plano sisimulan ko na," kinapalan na ni Lodell ang kanyang mukha, "ipinangako niyong mapapasaakin ang buong Kontinente ng Kanluran kapag tumulong ako. Nakatulong na ako. Ano na ngayon?"
Inakbayan ni Fierro ang tagapayo, "tama ka, nakatulong ka at malaki ang utang na loob ko sa'yo. Huwag kang mag-alala, ang buong Kanluran ang magiging gantimpala mo. Panghawakan mo ang pangako ng Panginoon ng Apoy."
"Maraming salamat, Kamahalan," saad ni Lodell. "Maganda na itong nagkakaunawaan tayo."
"Bakit nga pala, atat na atat kang makuha ang Kanluran?" pag-uusisa sa kanya ni Fierro.
"Gusto kong gumanti sa lahat ng naging sanhi ng aking kasawian," seryoso ang tono ni Lodell ngunit hindi niya magawang harapin ang sinuman habang pinag-uusapan ang kamyang nakaraan, "gusto kong burahin sa mukha ng mundo ang lahat ng may dugong Itmai at Puttlan."
"Bakit?" muling usisa ni Fierro.
"Tsaka na natin pag-usapan, kamahalan. Kapag nagtagumpay tayo at pareho na tayong nasa tuktok ng mundo."
Nirespeto ni Fierro ang pagiging pribado ng kanyang tagasunod. Napalingon siya kay Malko na napahiga sa kama sa sakit ng kanyang sugat sa binti.
"Malko, kung di ako nagkakamali, nangako ka sa akin," pagpapaalala niya.
Natauhan si Malko, pagkatapos ay tumayo siya, kinuha ang kanyang espada at lumuhod ng may katapatan sa kanyang panginoon kahit na may iniindang sugat.
"Kamahalan, nangangako ako na magiging isang tapat na lingkod ako sa inyo, at tutulong ako sa pagbawi mo sa Imperyong Cenpyre."
Napangiting tumango sa kanya ang Panginoon ng Apoy, "maaari ka nang tumayo."
Bumangon ang sugatang kawal.
"Mula ngayon, ikaw na ang magiging Kapitan ng mga Kawal sa oras na ako ay maging Emperador."
"Isa pong karangalan ang paglingkuran kayo."
Pagkatapos ni Malko, si Wael naman ang pinagtuunan ng pansin ni Fierro, "at ikaw, Wael, ano ang plano mo? Sasama ka ba sa amin sa Cenpyre?"
"Sapat na po na naging instrumento ako sa pagtakas niyo, kamahalan," sagot ni Wael, "ngunit ako po ay isang purong Kanluranin at may dugong Erroia. Dito po ako nararapat sa Kanluran, bilang Punong Kawal ni Lodell kapag siya'y Mataas na Pinuno na, ito ang posisyong tinanggal sa akin ni Berhel at nais ko itong mabawi. Tutulungan ko siya sa pag-usig sa mga alikabok ng Kanluran. Isa pa, may anak ako rito, at nais kong palakihin siyang matikas, marahas at tigasing kagaya ko."
"Nirerespeto ko ang pasya mo," saad ni Fierro, "iyon ay kung sang-ayon si Lodell."
"Wala akong pagdududa kay Wael, kamahalan," paninigurado ni Lodell, "noon pa man, nakita ko na ang katapatan niya sa akin. Paglilingkuran niya ko gaya rin ng paglilingkod ko sa'yo."
"Kamahalan, ngayong malaya na kayo, paano natin sisimulan ang pagbawi sa inyong Imperyo?" tanong ni Malko.
Ngumisi si Fierro sa kanyang katanungan.
"Ako na ang Panginoon ng Apoy ngayon, kaya ko ng gawin at makuha ang lahat ng gusto ko. Lilipulin ko hindi lamang ang Cenpyre, kundi pati na rin ang Buong Lupain sa aking lagablab, pasusunurin ko sila gamit ang aking mga nag-aalab na palad at ang sinumang hindi sumunod sa akin ay magliliyab. Kamatayan ang kaparusahan ng lalaban. Pupunuin ko ng takot ang mga puso nila hanggang sa magpasakop sila sa akin."
"Paumanhin, kamahalan," pagtutol ni Ora, "hindi pa maaari, kailangang manatiling sikreto ang iyong kapangyarihan hanggang sa takdang panahon."
"Takdang panahon? Kung hindi pa ngayon, kailan pa ang takdang panahon?"
Nagsimulang mamula ang mga mata ni Fierro at bahagyang napaurong ang matanda ng may pag-iingat.
"Kapag nalalapit na ang pagbabalik ng Itim na Diyos."
"Para saan pa ang kapangyarihan ko kung hindi ko lang rin pala magagamit, paano nila ako katatakutan, papaano ako mamumuno?"
Napailing ang matanda, "kamahalan, ang pamumunong nabubuhay sa takot ay parang isang gusaling binuo ng walang pundasyon. Hindi nagtatagal at guguho sa kawalan. Ito ba ang gusto niyong mangyari?"
"Pinagbabantaan mo ba ako?" Nainsulto si Fierro sa kanyang sinambit. "Baka nakakalimutan mo kung sino ang Panginoon at ang alipin sa ating dalawa?"
"Patawarin mo ko Kamahalan kung nainsulto kayo, pero hayaan niyong ipaliwanag ko ang aking ipinupunto," naghinay-hinay sa kanyang pananalita ang matanda, "Kapag sila'y napasunod mo ng pwersahan, ng labag sa kanilang kalooban at may matinding kabog sa kanilang dibdib, ang tawag dyan ay takot, pero kung sila'y mapapasunod mo ng kusang-loob gamit lang ang iyong karisma at alindog, ng walang dahas at paninindak, mamahalin ka nila at tawag doon ay respeto."
Kung katatakutan ka nila, mapapasunod mo sila sa iyong palad ngunit sigurado ako may isang matapang na mag-aaklas at hindi magtatagal makukuha niya ang suporta ng mga takot at sila'y magkakaroon ng lakas ng loob para lumaban. Kung reresputuhin ka nila, makasisiguro kang sa'yo lamang ang suporta ng iyong mga tagasunod kahit na mayroon pang mag-alsa. Ano ngayon ang mas pipiliin mo? Ang katakutan ka o ang respetuhin ka?"
Napaisip si Fierro sa mga sinabi ng matanda, tila mas nauunawaan ang pagkakaiba ng dalawa, "dapat nila akong katakutan, pero mas kinakailangan ko ang respeto nila, pero paano ko naman makukumbinsi ang mga tao na sumunod sa akin ngayon ng walang pagpipilit? Ang tingin nila sa akin kriminal, huwad na prinsipe, alagad ng kasamaan!"
"Huwag kang kang mag-alala, kamahalan, walang imposible," paninigurado ni Ora, "Ang lahat ay maaaring mangyari basta paghandaan lang natin ng tama. May balak ang Itim na Diyos at ito'y ating isasagawa. Magsisimula ang lahat sa Kontinente ng Kanluran, sa itinakdang oras at sa pagkakataong ito, magtatagumpay tayong lahat, makukuha natin ang lahat ng ating inaasam na kapangyarihan sa Buong Lupain."
***
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Kumalat ang balita tungkol sa nangyaring pagguho ng Dusa ng Bilanggo sa Kanluran at ito'y naging isang malaking palaisipan kay Emperador Costan at sa kanyang mga Konseho.
"Ano ba talaga ang nangyari sa Dusa ng Bilanggo?" naguguluhang tanong ng Emperador. "Kailangang maliwanagan tayo."
"Ang sabi po nila gumuho ito pagkatapos ng isang malakas na lindol habang ito'y nilalamon ng apoy, malamang nagkasunog sa loob," palagay ni Heman.
"Sunog?" Pagtataka ni Costan, "kung ganun, ano ang nagpaguho sa buong bilangguan, ang lindol o ang apoy?"
"Iyan ang hindi pa matiyak ngayon," saad ng isa sa mga Konseho.
"Napapaisip lang ako, sa tibay ng pundasyon ng Dusa ng Bilanggo, basta-basta na lang itong napaguho ng isang pagyanig at ng isang sunog? Di ba nakapagtataka?" tugon ni Kapitan Sarito.
"Ganyan rin ang iniisip ko, Kapitan," sumang-ayon ang Emperador sa kanya.
"May iba pang haka-haka," pagdadagdag ni Ving, "may ulat na may naganap na engkwentro sa pagitan ng mga guwardiya sa loob bago maganap ang pagguho, sa mismong araw na dapat ay bibitayin nila si Prinsipe Fierro."
Kumunot ang noo ng Emperador at taimtim na napapaisip, pilit na pinagtatagpi-tagpi ang mga pangyayari.
"Ano ang balita kay Fierro?" Nais malaman ng Emperador.
"Kabilang po siya sa mga nasawi sa pagguho ng bilangguan, kasama ang Punong Bantay na si Lupito at ang ilang libong kawal," saad ni Heman na may kasiguraduhan sa kanyang tinig.
Napangisi si Costan, "hindi natin ito matitiyak hanggang hindi natin nahahanap ang mga labi niya."
"Pero kamahalan, napulbos ang buong bilangguan," sagot ni Ving, "pati na rin ang konkretong tulay na nagdudugtong sa Lupain ng Greamon. Mahihirapan ng mahanap ang bangkay ng sinuman sapagkat nasa kailaliman na ito ng bangin at malamang lahat sila'y nadaganan ng mga nagkadurog-durog na bato."
"Sa tingin niyo po ba maaaring may kinalaman si Fierro sa pangyayari?" tanong ng isa pa sa mga Konseho.
Sa kanilang pagiging abala, hindi nila namalayang nakikinig si Prinsipe Covel sa kanilang pinag-uusapan, malapit sa may pintuan ng silid.
"Sa dami ng pinagdaanan ko, wala ng imposible, gayumpaman pinanghahawakan ko pa rin ngayon ang paniniwalang tuluyan na ngang nawala si Fierro buhay nating lahat. Para na rin ito sa ikabubuti ng buong Imperyo."
Tila may pilit na inaalala si Covel nang banggitin ng kanyang ama ang pangalan na Fierro habang sila ay nagpupulong.
***
Pagkalabas ni Costan, nakasalubong niya agad ang panganay na si Covel.
"Anak, anong ginagawa mo rito?"
"Wala po, ama, naghihintay lang po sa inyo."
"Naaral mo na ba ang Talaan ng mga Emperador na pinababasa ko sa iyo?" Malumanay ngunit may otoridad ang tono ng kanyang ama.
"Opo," masigla ang tinig ng batang Prinsipe, "tapos na po akong magbasa."
"Ngayon, ipagpatuloy natin ang iyong asignatura, tungkol sa pagkabisa sa lahat ng Emperador," atas ni Costan sa anak, "kanino na nga ba tayo nagtapos?"
"Kay Emperador Carson po," pagmamalaki ni Covel, "namuno noong taong 438 PNC (Pagkatapos ni Croamas), umabot ng 22 taon ang pamumuno hanggang ipamana sa kanyang anak na si Cenon ang trono sa kanyang ika-21 kaarawan. Pumanaw sa edad na 65."
"Magaling anak," papuri ni Costan. "Sino kasunod?"
"Si Emperador Cenon," sagot ng batang Prinsipe, inaalala ang kinabisado niya sa talaan, "namuno taong 460 PNC (Pagkatapos ni Croamas), nagtagal ng 40 taon ang kanyang pamumuno hanggang sa kanyang kamatayan. Pumanaw sa edad na 61."
Muling napatango si Costan sa kanyang anak.
"Susunod na po si Lolo," pagpapaalam ni Covel, "si Emperador Cresento, namuno eksaktong 500 taon PNC (Pagkatapos ni Croamas), nagtagal ng 27 na taon ang kanyang pamumuno hanggang sa kanyang kamatayan sa araw ng koronasyon ng kanyang anak na si Costan. Pumanaw sa edad na 48."
Naglaho ang ngiti sa mukha ni Costan nang matapos ni Covel ang kanyang asignatura at ito'y napansin ng anak.
"Ama, bakit po kayo nalungkot?"
"Wala," iginiit ng Emperador, "naalala ko lang ang Lolo Cresento mo, sigurado ako kung naririto siya, matatuwa siya sa inyong magkakapatid."
"Sana nga po nakilala ko siya," hiling ni Covel, "marami po akong nababasang papuri tungkol sa kanya. Nabasa ko po sa isang libro na pinaslang siya ni Duke Ambrosio ng Artemias, bakit po?"
"Dahil sa poot," sagot ni Costan. "May mga taong handang pumatay dahil lamang sa galit."
"Sabi po sa aklat, ama ng dating Emperatris Artura ang pumaslang kay Lolo, pero hindi naman po siya ang lola ko? Hindi po ba?"
"Hindi, isang simpleng babae lamang ang Lola Drella mo. Simple ngunit siya'y mas higit pa sa sinumang Reyna o Emperatris."
"Talaga?"Napangiti ang bata sa paglalarawan ng ama sa lolang hindi niya naabutan.
"Talaga," saad ng kanyang ama. "Hindi man siya gaanong nababanggit sa anumang aklat, isa siya sa pinakamabuting taong makikilala mo. Marami ka mang mabasang pangalan sa mga aklat."
Muling naalala ni Covel ang pangalang Fierro na narinig niya sa kanyang ama.
"May nabasa pa po ako, na bukod po sa inyo may isa pa pong anak si Lolo Cresento, Prinsipe Fierro po ang tawag sa kanya, narinig ko pong binanggit niyo siya sa pagpupulong kanina."
"Anak, nakinig ka?" pag-aalalang ikinagulat ni Costan, "alam mong hindi ka pa dapat nakikinig sa usapan ng matatanda."
"Patawad po, ama," nahihiyang napayuko ang anak, "pero ama, gusto ko pong malaman, sino po ba si Fierro? Kapatid niyo po ba siya? Prinsipe rin po ba siya?"
Nagpakawala ng buntong-hininga si Costan, "dati siyang Prinsipe at dati ko rin siyang kapatid. Lumaki kaming magkasama dito sa Palasyo, hanggang sa nagbago ang mga buhay namin at nalaman kong hindi ko pala siya tunay na kapatid."
"Huh? Paano po nangyari iyon?" muling pag-uusisa ng bata. Sa bawat sagot niya ay nagkakaroon lamang ito ng panibagong katanungan.
"Kasi...kasi..." Nais itong ipaliwanag ni Costan ngunit hindi umaayon ang kanyang bibig, "tsaka ko na lang ipapaliwanag sa'yo kung bakit, masyadong komplikado ang lahat, bata ka pa para maunawaan."
"Nasaan na po siya ngayon?"
Hindi alam ni Costan kung ano ang isasagot sa tanong ng anak, maging siya ay hindi na alam kung ano ang tunay na kinahinatnan ng dating kapatid.
"May nagawa siyang pagkakasala sa Imperyo kaya pinarusahan siya...pero ngayon...patay na siya."
Sana nga ay patay ka na, Fierro. Para naman magkaroon na kami ng kapayapaan.
***
Sa may hardin, inuukit ni Aric ang kanyang espadang kahoy gamit ang isang kutsilyo, nang biglang dumating si Cordelia. Napansin ng Prinsesa na tila hindi maganda ang timpla ng kaibigan.
"Bakit ka galit?" tanong niya.
"Hindi ako galit," pagmaang-maangan ni Aric habang patuloy ang ginagawa niyang pag-ukit.
"Galit ka, haba ng mukha mo," mapang-asar na itinuro ng Prinsesa ang nakasimangot na mukha ni Aric.
"Si Ama kasi," sa wakas ay umamin na si Aric, "gusto na niya akong iuuwi sa Heracio."
"Gusto mo na ba?" tanong ni Cordelia.
"Hindi pa," sagot niya, "gusto ko dito muna ako para may kalaro ako."
"Baka hinahanap ka na ng nanay mo?" usisa ng Prinsesa.
"Wala na kong nanay, Cordelia," paglalahad niya, "namatay siya sa sakit noong apat na taon pa lang ako."
Naramdaman ng Prinsesa ang lungkot sa boses ng kalaro, "gusto mo maglaro na lang tayo para hindi ka na malungkot?"
Umaliwalas ang mukha ng bata, "sige."
"Tara, magtagu-taguan tayo," alok ni Cordelia.
***
Nagtungo si Covel sa kusina na may dala-dalang sako. Kumuha siya ng isang dosenang tinapay mula sa basket. Napansin ni Mela na napaparami ang inilalagay niyang tinapay sa kanyang sako.
"Hinay-hinay lang, mahal na Prinsipe, baka maubos mo na ang lahat ng tinapay s Buong Lupain, para saan ba iyan?" natatawang saad ng kusinera.
"Para po sa mga batang pulubi na bibisitahin namin ni Ama mamaya," paglalantad ni Covel, "kawawa naman po sila, palagi po silang gutom at walang makain."
Narinig ni Costan mula sa may pinto ang sinabi ng anak at siya'y naantig sa kabutihan ng puso ni Covel.
"Napakabait mo talaga, mahal na Prinsipe," papuri ni Mela habang hinhimas ang ulo ni Covel. "Parang ang kamahalan."
"Sige po, una na ko," nagtungo si Covel palabas ng kusina nang hindi namamalayang naroroon ang ama.
Pumasok si Costan pagkalabas ng anak.
"Kamahalan, hangang-hanga po talaga ako kay Prinsipe Covel," saad ni Mela, "sa murang edad niya, nakikita ko ang pagmamalasakit niya sa mga tao."
Bahagyang napangiti ang Emperador, "mahalaga sila sa iyo, Aling Mela?"
"Aba siyempre po," may pagmamalaking sagot ng kusinera, "nasubaybayan ko ang paglaki nilang apat, para ko na silang mga apo at handa po akong gawin ang lahat para sa kanila."
"Nagagalak ako," tugon ng Emperador, "Maaari pang magtungo kayo ni Ermin at Lynda sa Silid-Pulungan, mamayang pag-uwi namin?"
"Sige po, pero maaari ko po bang malaman kung para saan?" usisa ng kusinera.
"May mga ibibilin lang ako sa inyo," malumanay na saad ni Costan, "mga paghahanda kung sakaling...malalaman mo rin mamaya."
Napansin ng kusinera na tila may bumabagabag sa tono at aura ng Emperador.
***
"Tara na po, ama," pagyayaya ni Covel pagkatungo ng Emperador sa sala.
"Sige, nasaan nga pala si Cordelia?" paghahanap ng Emperador.
"Dito na po ako, ama," sumalubong si Cordelia sa ama, niyakap ni Costan ang anak at kinalong ito sa kanyang piling.
"Ah, ang laki-laki na ng Prinsesa ko," pagbibiro ni Costan habang karga-karga ang panganay na Prinsesa. "Malapit ka ng hindi kalungin ng ama."
"Ama naman eh, magaan lang naman po ako," tugon ng batang babae na may pagkaasar sa kanyang matinis na tinig.
Sunod na nagpunta si Ysavel, kalong-kalong si Ymma, may hawak siyang sulat sa kanyang kabilang kamay.
"Nakatanggap ako ng liham mula sa Entrafor," saad ng Emperatris pagkatapos kinausap niya ang mga anak. "Magandang balita, mga anak. Bibisitahin tayo ng lolo at lola."
Nanigla ang mga mata ni Covel at Cordelia sa ibinalita ng ina.
"Talaga po?" napangiti si Covel.
"Yeeyyy!" hiyaw ni Cordelia sa tuwa. "Makikita ko na ulit si lolo at lola."
"Huwag muna kayong maligalig," natatawang paalala ng ina, "sa isang linggo pa sila pupunta."
Bahagyang nalungkot si Covel at Cordelia.
"Bakit sila bibisita?" tanong ni Costan.
"Tatlumpung anibersaryo na nila at nais nilang makasama tayong lahat sa pagdiriwang," paliwanag ni Ysavel.
"Kung ganun, magpapahanda ako ng mga putahe kay Mela."
"Oh baka aalis na kayo?" paalala ng Emperatris, "paalam ka na kay Ymma."
Hinimas ni Costan ang buhok ng bunsong Prinsesa at pinanggigilan ang kanyang namumulang pisngi.
"Ymma-Ymma, alis lang saglit ang Ama kasama ang Kuya Covel at Ate Cordelia mo," pinaliit ni Costan ang kanyang tinig na ikinatuwa ni Ymma.
"Am-mama," nakangiting sagot sa kanya ng anak.
"Nasaan nga pala si Yrvin?" tanong ng Emperador.
"Sigurado ako kung saan-saan na naman nagsususuot ang batang iyon," tugon ni Ysavel.
"O sige, sabihin mo na lang sa kanya na umalis kami," habilin ng Emperador.
Sunod niyang nilapitan ang kabiyak at hinagkan ito ng saglit sa labi. Ikinatuwa ito ni Cordelia samantalang si Covel naman ay bahagyang nandiri at inilabas ang kanyang dila.
"Paalam, mahal." saad ni Costan kay Ysavel.
"Paalam, ina," sabay na saad ni Cordelia at Covel.
"Ingat kayo," paalala ni Ysavel.
"I-mat!" panggagaya ni Ymma habang iwinawagayway ang kamay sa ama at mga kapatid.
Sumakay si Costan, Covel at Cordelia sa karwahe kasama ang ilang mga bantay na kawal. Sa ilalim ng kinauupuan ng Emperador, natatawang nagtatago si Yrvin habang siya'y nakasingit sa ilalim.
***
-Lupain ng Gremon sa Kontinente ng Kanluran-
Sa kabila ng matinding pagyanig ng kalupaan ilang araw na ang nakalipas, hindi natinag ang pagdagsa ng mga tao sa Kapital ng Kanluran. Dinumog nila ang Lupain ng Gremon na tila kasing rami ng mga buhangin sa dalampasigan. Kanluranin man, Cenpyero o Taga-Silangan, lahat sila'y sama-sama at nagkakaisa para sa isang mahalagang kapistahan, Ang Linggo ng Pananampalataya at Pagsisisi kung saan ang mga tagasunod ay buong linggong magpapasalamat sa Diyos na Puti sa pamamagitan ng panalangin, habang ang iba namang ngayon pa lang sasamba sa Diyos ay hihingi ng tawad, bibinyagan ng mga Punong Pari at pakakawalan ang kanilang mga sarili sa mga nagawang pagkakasala.
Ang lahat ay patungo na sa dalawang nagtataasang tore na tinitingala ng mga kwadrado't magkakadikit na gusali sa Lupain. Ang tore sa kaliwa ay purong puti at tinatawag na 'Tore ng Pananalig,' dito sumasamba ang mga matagal ng deboto ng Diyos na Puti. Sa kanan naman nakatayo ang toreng purong Itim na tinatawag nilang 'Tore ng Pagbabago,' kung saan magtutungo ang mga bagong tagasunod ng Diyos ng Puti, dito sila bibinyagan ng mga Punong Pari. Kapag pinagsama, ang tawag nila sa mga Tore ay 'Tore ng Pananalig at Pagbabago.'
Itinuturing na pinakamataas na istraktura sa Kanluran at isa sa pinakamatayog sa Buong Lupain, mayroong isang daang palapag ang parehong tore kung saan nag-aabang sa bawat baitang ang tig-isang daang Punong Pari sa dalawang tore. Sinasabing aabot sa isang libong talampakan ang taas ng mga tore at kapag ikaw ay sumilip mula sa tuktok, makikita mo ang buong kanluran. Ang dalawang tore ang nagsisilbing tanda at sagisag ng Kanluran at ito ay nirerespeto ng lahat ng Kanluranin.
Nagsisimula ng sumikip ang kapaligiran at hindi na ito mababagsakan ng karayom sa dami ng taong nakaabang sa pagbubukas ng dalawang tore. Madaling malalaman kung saan patungo ang mga tao base sa kanilang kasuotan. Nakamahabang puti ang mga pupunta sa Tore ng Pananalig, habang ang mga magkukumpisal at magpapabinyag naman sa Tore ng Pagbabago ay nakasuot ng Itim.
Sa kasikipan ng mga tao, sumisiksik ang dalawang magkapitbahay, si Arysa na isang Purong Kanluranin at si Conver na isang Cenpyero. Nakaputi ang babae habang ang lalaki naman ay nakaitim.
Pinagmasdan ni Conver ang dami ng taong dumagsa para sa Kapistahan at siya'y nahilo.
"Ganito ba talagang karami ang dumadalo rito?" tanong niya.
"Kaunti pa iyan," sagot ni Arysa, "sabi nila 10,000 ang dumadalo ngayon, tignan mo sa mga huling araw, aabot pa iyan sa 25,000 katao."
"Ngayon ko lang napagtanto na ganitong karami pala ang sumasamba sa Diyos na Puti."
"Sampung taon na akong tagasunod ng Diyos na Puti at wala pa kong nakakaligtaan sa Linggo ng Pananalampalataya at Pagsisisi," may pagmamalaki sa tinig ng babae, "ikaw, isa kang Cenpyero hindi ba? Bakit mo napagpasyahang magbago ng relihiyon?"
"Marami akong mga pagkakasala, bisyo at maling gawain," paliwanag ng lalaki, "pakiramdam ko hindi ako napapagbago ng mga Diyos na Elemento, baka ang Diyos na Puti ang makagawa nun para sa akin."
"Dapat nilista mo na lahat ng kasalanan bago ka pa pumasok sa Tore ng Pagbabago," suhestiyon ni Arysa, "ikukumpisal mo sa 100 Punong Pari sa bawat palapag ang 100 kasalanan bago ka nila binyagan ng 100 beses."
Nagulat si Conver sa ipinaliwanag ng kapitbahay.
"Huwag kang mag-alala, hindi ka naman maiinip, sandali lang iyan, at sa isang taon maaari ka na ring magtungo sa Tore ng Pananalig bilang tagasunod ng Diyos na Puti."
"At mag-alay ng 100 panalangin," natatawang sinambit ni Conver, "hindi maikakailing may kataasan ang mga tore, nakakapagod rin siguro ang pag-akyat, kukumpletuhin mo rin ba ang 100?"
"Naku sa edad kong ito, nagsisimula ng sumakit ang aking mga binti at hita," paglalahad ni Arysa. "Baka tumigil na ko sa ikasampung palapag, hindi naman kami inoobligang tapusin ang isang daan, ang mahalaga ay nakadalo kami."
***
Makalipas ang ilang oras na paghihintay, binuksan na ang dalawang dambuhalang pintuan ng mga tore at nagsimulang magsiksikan papasok sa loob ang mga tao kahit na sila ay pinagsabihan na pumila ng maayos ng mga bantay.
Nagtungo si Arysa sa loob ng Tore ng Pananalig kasama ang iba pang mga deboto at sila ay maligayang sinalubong ng Punong Paring nakaposisyon sa unang baitang. Nakasindi sa harap ang isang daang puting kandila.
"Maligayang pagdating mga kapanalig," nakangiti niyang saad, "nagagalak ang Diyos na Puti sa inyong pagdalo, ngayon sabayan niyo ako sa pagdadasal sa Unang Panalangin."
Ang lahat ay pumikit habang nagsisimula na ang Pari sa pagdadasal, "dakilang Diyos..."
***
Sa Tore ng Pagbabago naman, nagtungo si Conver at ang iba pang mga bagong tagasunod ng Diyos na Puti.
Lumabas ang Punong Pari, hawak-hawak ang isang gintong tasa, bukod tanging siya lamang ang nakaputi sa mga taong nakasuot ng Itim.
"Ngayon, naririto tayo para pagsisihan ang ating mga kasalanan, ituwid ang ating mga pagkakamali, iwan ang ating makamundong pamumuhay at higit sa lahat, iligtas ang ating kaluluwa sa pamamagitan ng pagtanggap sa Diyos na Puti. Nagagalak siya sa inyong presensiya. Ano pa man ang inyong kasalanan, saan man kayo Lupaing nagmula, lahat kayo ay tatanggapin ng Panginoon basta't bukal sa inyo ang pagbabagong-loob."
Nagsimulang pumila ang mga bagong tagasunod at isa si Conver sa mga nauna.
"Pangalan, iho?" tanong ng Punong Pari.
"Conver po," sagot niya kasabay ang pagluhod.
"Conver, maaari mo ng ikumpisal sa akin ang isa sa iyong mga kasalanan." Pahintulot ng Punong Pari.
"Marami po akong pagkakasala," nahihiyaang ibinunyag ni Conver. "Isa na po rito ang pangangaliwa sa aking asawa, nakiapid ako sa isang babae dahil sa tukso, sa tawag ng laman. Patawarin niyo po ako."
Lumuhod sa kanya ang Punong Pari, "Kapatid, iyan ay udyok ng Itim na Diyos. Tuwing tayo'y gumagawa ng kasalanan, nasasaktan natin ang Diyos. Nagkakaroon siya ng sugat, ng itim na butas, at nanghihina ang taglay niyang liwanag sa ating buhay, ngunit sa oras na pagsisihan natin ang ating mga pagkakamali, napupunan itong muli at tumitingkad ang taglay niyang liwanag."
Nananatiling nakayuko si Conver sa pari, umaagos ang luha ng kanyang pagsisisi.
"Pinagsisihan mo na ba ang kasalanang ito?"
"Opo," tugon ng lalaki na taos sa kanyang puso.
Pinunan ng Pari ang tasa mula sa tubigang nakapwesto sa isa sa mga istatwa, pagkatapos ay itinapat ito sa kanya.
"Tinatanggap mo na ba ang Diyos na Puti, mula ngayon at kailanman?"
"Opo," muling isinagot ni Conver.
"Ikaw ay binibinyagan ko bilang tagapalingkod ng ating panginoon," ibinuhos niya ang Banal na Tubig sa ulo ng Cenpyero at ito'y umagos sa kanyang pisngi at naramdaman niya ang lamig ng tubig.
"Humayo ka," ibinangon niya ang bagong tagasunod, "maaari ka ng umakyat sa ikalawang palapag at ihingi ng tawad ang iba mo pang kasalanan."
"Salamat po, Mahal na Puno," sagot ni Conver sa kanya na may pagkagalak sa kanyang kalooban.
***
Lingid sa kaalaman ng lahat, sa isa sa mga abandonadong establishamento, nakaabang na sina Wael at ang iba pa niyang mga tauhan. Nagtungo sila sa tuktok kung saan kitang-kita nila ang dalawang tore sa hindi kalayuan.
"Mukhang maraming tao," saad ng isa sa kanyang mga tauhan.
"Mukha nga," sagot ni Wael sa tinig na mas paos pa sa taong may ubo, "ano pa hinihintay niyo, susunod na Pista? Iakyat niyo na."
Sa kanyang hudyat, pinagtulung-tulungan ng kanyang mga tauhan ang kanilang mga gagamitin sa binabalak nilang panggugulo. Ipinuwesto nila sa tapat ng mga Tore ang kanilang mga tirador at katapult na yari sa kahoy ngunit may kabigatan.
Pagkatapos, inakyat nila isa-isa ang mga dambuhalang bariles na may kabigatan rin, nagsuot sila ng gwantes sapagkat nakakapaso ang init na taglay ng kung ano man ang nasa loob. Binilisan ng mga tauhan ang kanilang pagbubuhat sa mga bariles ngunit ito ay kinontra ni Wael.
"Dahan-dahan lang mga bugok! Kaunting pwersa lang at tayo ang sasabugan niyan!"
Nagdahan-dahan ang mga tauhan hanggang sa napaglinya-linya na nila ang naglalakihang mga bariles.
"Ano ba ang laman?" tanong ng isa sa kanila.
"Isang nagbabagang asido na magdudulot ng matinding pagsabog kung saan ito tatama," paliwanag ni Wael, "siguro naman sapat na ito para magkagulo sa buong Kanluran. Simulan na natin ang palabas!"
Pumwesto ang kanyang mga tauhan sa katapult sa kanyang senyas, "handa na!"
Nilagay nila ang bariles sa ibabaw ng katapult.
"Itapat!" utos ni Wael.
Itinutok ng kanyang mga tauhan ang katapult sa Tore ng Pananalig.
"Pakawalan niyo sa hudyat ko!" Istriktong payo ni Wael, itinapat niya ang kanyang kamay sa tore at tinatantsa kung saan tatama ang bariles base sa posisyon ng katapult.
"Tira!" sigaw ni Wael.
Pinakawalan ng mga kawal ang kanilang tira at lumipad patungo sa Tore ng Pananalig ang unang bariles.
Naaninag ng mga debotong nakapila sa mga tore ang animo'y isang bagay na tatalsik patungo sa itaas ng tore.
"Ano iyon?" Pagtuturo ng isang lalaking nakaputi.
Nagsimulang mag-usap ang mga tao tungkol sa misteryosong bagay na papalapit nang papalapit sa Puting Tore.
Sa ika-70 palapag, walang kamalay-malay ang mga nasa loob, lahat sila ay nakaluhod sa pangunguna ng naitalagang Punong Pari.
"Diyos namin, kami po ay nananalangin-"
Tumama ang bariles sa nasabing palapag, isang nakabibingi at nakapangingilabot na pagsabog ang naganap sa Tore. Bumalabog ito sa pandinig at kamalayan ng mga taong naroroon at ito na ang huli nilang nasaksihan bago pa nila malaman kung ano nangyari at sila ay tuluyang nilamon ng apoy. Nagsimulang masunog ang ika-pitumpung palapag hanggang sa pitumpu't-tatlo. Maging ang tatlong palapag sa ibaba ay apektado rin ng pagsabog, wala ng buhay ang mga pari't-debotong nasa sentro ng pagtama, silang lahat ay naabo at natabunan na sa naganap na pagsabog.
Nagsimulang madurog ang mga dingding sa itaas at ramdam na rin sa mga ibabang palapag ang pagyanig ng tore.
Nagtakbuhan patungo sa hagdan ang mga nagigimbal na tagasunod, nagsiksikan sila sa hagdan at ang iba ay nagkadaganan sa pagmamadaling makababa.
"Dahan-dahan lang mga kapanalig," paalala ng mga paring gumagabay sa mga tao. "Magkakasakitan tayo!"
Masusuwerte ang mga nasa una hanggang ika-dalawampung palapag sapagkat madali silang makakababa paaalis ng tore. Tumakbo sila palabas ng tore na parang mga takot na hayop, tumitili sa pagkasindak.
Nagsimula na ring mataranta ang deboto sa labas ng mga tore. Lahat sila'y nagtatakbuhan papalayo sa lugar na tila mga langgam na nakalas sa linya, kasabay ang malakas nilang hiyawan. Nagbabagsakan ang ilang piraso ng bato at mayroong mga debotong tinamaan sa ibaba.
***
Naaninag ang apoy at makapal na usok hanggang sa kalangitan ng Lupain ng Gremon. Nalanghap ng mga kanluranin ang usok at sila'y sumilip sa kanilang mga bintana. Ang sinumang nakakakita sa tore ay natutulala na lamang sa pagkagulat at pagkabigla. Bumababa ang kanilang mga panga. Ang iba ay napapasigaw at napapamura sa kanilang nasisilayan.
"Putang ina!" sigaw ng isang ginang. "Ano bang nangyayari dito?"
"Nasusunog ang tore," pagtuturo ng isang lalaki sa kapitbahay mula sa kanyang kinaroroonan.
"Diyos ko po, sa mismong Pista pa, kawawa ang mga nasa loob!"
***
Sa ika-pitumpu't-apat na palapag ng tore, nagsisimulang lamunin ng maiitim na usok ang paligid, ang mga deboto sa loob ay nahihirapan ng huminga, umaakyat na rin sa itaas ang init na dulot ng apoy sa ilalim nila. Nagsisiubuhan na ang lahat ng naroroon at nagsisiiyakan na ang mga kababaihan. Nakayakap sa kanila ang mga Punong Pari.
"Mga kapatid, huwag tayong panghihinaan ng loob, manalangin lang tayo at makakalabas rin tayo ng buhay!" sinusubukang palakasin ng pari ang loob ng mga natatakot na tagasunod.
Isa sa kanila ay si Aling Arysa na nahihirapan na sa kanyang paghinga, "Mahal na Puno, dito na po ba tayo mamamatay?"
"Huwag kayong mawalan ng pag-asa," saad ng Punong Pari, "hindi tayo pababayaan ng Diyos, bababa ako, titignan ko kung mayroon tayong madadaanan sa ilalim."
Nagtungo ang Pari sa kasunod na palapag sa ibaba kahit na kumakapal na ang usok at nagbabagang apoy, nang marating niya ito, nagimbal siya nang makita niyang napapaligiran na ng apoy ang buong palapag, maging ang hagdan pababa ay nagliliyab na. Walang nagawa ang Pari kundi bumalik sa itaas.
"May nahanap po kayong malalabasan?" tanong ni Arysa.
"Wala na," naluluhang sagot ng pari, "wala na tayong malalabasan, lamon na ng apoy ang mga palapag sa ibaba natin."
"Ano ng gagawin natin?" tanong ng mga desperadong deboto. "Hindi na kami makahinga!"
"Hindi ko na kaya!" hiyaw ng isang lalaking deboto. "Nakapainit na dito!"
Tumakbo ang lalaki patungo sa may bintana, sumilip ito sa ibaba at nakitang nagmumula ang usok sa ikalawang palapag sa ibaba nila. Nalula siya sa taas ng kanyang kinatatayuan.
"Panginoon ko, patawarin niyo ko," umiiyak na saad ng lalaki, "tanggapin niyo sana ako!"
"Kapatid anong ginagawa mo?" tanong ng Pari sa kanya.
Walang paligoy-ligoy na tumalon ang lalaki sa may bintana at nahulog sa daan-daang palapag pababa. Nagimbal ang lahat ng nakakita sa nahulog na lalaki.
"Mga kapatid, kahit anong mangyari, huwag nating kitilin ang mga buhay natin!" Payo ng pari.
"Ano pa nga ba magagawa natin, mamamatay rin naman tayo sa init dito!" sigaw pa ng isang kapanalig. Ginaya nila ang lalaking tumalon at pumwesto sa may bintana para lumundag.
"Kung mamamatay tayo, kalooban ng Panginoon iyon, pero hindi dapat natin siya pangunahan!"
Tila natauhan ang mga lalaking tatalon at sila'y nagsilayuan sa mga bintana. Umiiyak sa kanilang kinaroroonan.Kada minuto mas kumakapal ang usok at mas umiinit ang tore.
"Ano ng gagawin natin?" tanong ni Arysa.
"Umakyat tayo sa itaas, sa pinakatuktok kung saan mas manipis ang usok at mas malamig, hintayin nating mawala ang apoy, tara!"
Nagsunuran ang mga tagasunod at sa pag-alalay ng Pari, silang lahat ay umakyat paatas ng tore, nakikipagsabayan sa mga iba pang kapanalig na tinatahak ang tuktok. Habang sila'y umaakyat, nawala sa puwesto ang tuktok ng tore, nagkaroon ng pagyanig at nalaglag mula sa bintana ang ilang debotong paakyat.
***
Sa Tore ng Pagbabago, pinagmamasdan ng mga Pari at mga bagong kapanalig ang nangyayaring sunog sa kabilang tore.
Nakatitig si Conver mula sa ikawalumpung palapag ng Itim na Tore habang tinutupok ng apoy ang nasirang mga palapag.
"Diyos ko, iligtas niyo po ang lahat ng naroroon sa Tore ng Pananalig, nawa po ay matigil na ang kaguluhang ito at makauwi sila ng ligtas sa kanilang mga pamilya," panalangin ng naitalagang Pari.
Habang nagdadasal ang mga nasa loob, may nasilayan si Conver na isang bagay na patungo ulit sa Puting Tore.
"Tignan niyo!" napalakas ang kanyang tinig.
Tumama ang bariles sa mas mataas na palapag malapit sa tuktok at muling nagkaroon ng dumadagundong na pagsabog. Higit na mas malakas ang tama nito kaysa sa una at tuluyan na nitong napabagsak ang mga apektadong palapag. Gumiba ang malalaking tipak ng bato at natabunan nito si Arysa, ang mga deboto at ang Punong Pari sa kasagsagan ng kanilang pag-akyat, Nagsimula ng gumuho ang buong tore mula tuktok hanggang sa pinakaibaba, wala ng nagawa ang mga taong nagsisibabaan ng mga hagdan at silang lahat ay nadaganan ng gumuguhong tore bago pa sila tuluyang makalabas, nabalutan ng makakapal na usok at alikabok ang buong paligid dahil sa tuluyang pagkasira ng Tore ng Pananalig. Nang maglaho ng bahagya ang usok, iisang tore na lamang ang makikitang nakatayo sa Lupain ng Gremon, napulbos na ang unang tore, kalat-kalat na ang mga durog na bahagi ng gusali at nagsisitakbuhan papalayo ang mga tao sa nasabing lugar, pilit na iniiwasan ang usok at alikabok.
Nalalanghap ni Wael at ng kanyang mga tauhan ang bunga ng kanilang panggugulo ngunit hindi sila natitinag sa kanilang pwesto at tuwang-tuwa pa ang pasimuno sa kanyang kinaroroonan.
"Tanggapin nawa kayo ng Diyos na Puti," natatawa niyang sinabi, "isang tore na lang."
***
"Panginoon ko, wala na ang Tore ng Pananalig," umiyak na sinambit ng isang babaeng tagasunod habang tumatangis.
"Kailangan na nating umalis ngayon," payo ng Punong Pari.
Ang lahat ay nagtungo malapit sa may pintuan sa hagdan ngunit sa kanilang pagkabigla, ilang deboto ang humarang sa pinto, sa kanilang dinaraanan.
"Makikiraan po," pagpapaalam ng Pari.
"Wala ng makakalabas!" Sagot ng isang lalaking may lahing Itmai, halata sa kanyang maitim na balat at makapal na labi. "Ngayon na!"
Inilabas niya ang kanyang kutsilyo, at nilabas rin ng ibang debotong Itmai at Puttlan ang kanilang mga armas at sinimulan nilang gilitan sa leeg ang mga walang kamalay-malay na tagasunod.
"Anong ibig sabihin nito?" nagugulantang na tanong ng pari, hinablot siya ng isang debotong kulay buwan ang kutis at siya'y ginilitan sa leeg ng isang Puttlan.
Nanlaban si Conver at ang iba pang mga debotong kalalakihan ngunit sila'y isa-isang pinagsasaksak ng mga huwad na tagasunod.
"Di ba masasamang damo kayo?" tanong ng isang Puttlan kay Conver. "Bakit ang dadadali niyong mamatay?"
Inugay niya ang kutsilyo sa leeg ni Conver at siya'y bumagsak sa sahig, umaagos ang dugo kung saan siya hiniwa.
"Kamatayan sa mga makasalanan!" tumatawang sinambit ng isang lalaking Itmai.
Sa bawat palapag ng Itim na Tore, mayroong tigsasampung Itmai at Puttlan ang sumasalakay sa mga bagong deboto, hinaharangan nila ang mga daanan at hagdan paalis ng tore at pinapaslang ang lahat ng naroroon, babae man o lalaki, bata man o matanda, walang ligtas. Una nilang pinapatay sa kanila ang mga Punong Paring nakatalaga sa bawat baitang.
May mga masusuwerteng nasa ibabang palapag ang nakaalis sa tore, ngunit hindi nila alam, sinadya ito ng mga sumasalakay upang malaman ng mga nasa labas ang nagaganap sa loob.
"Mga Militanteng Itmai at Puttlan!" sigaw ng mga debotong lumalabas mula sa tore at tumatakbo sa mga kabahayan. "Nilulusob nila tayo!"
"Sila ang nagpasabog sa Tore!" Iyak ng isang babae.
"Takbo kung gusto niyo pang mabuhay!" babala ng isang debotong nakaitim.
Lalong nagimbal ang taumbayan nang marinig ang balita ukol sa mga Militanteng Itmai at Puttlan na di umano'y nagpasabog sa Puting Tore at lumulusob naman sa isa pa.
***
"Sa wakas, naisakatuparan na ng Itim na Diyos ang paghihiganti niya sa Diyos na Puti at sa lahat ng kanyang lingkod!" saad ni Tandang Ora.
Sumilip si Fierro sa imaheng nabubuo sa Orbe ni Tandang Ora, at taliwas sa nakikita ng mga deboto sa tore, mga ordinaryong kanluranin lamang ang pumapaslang sa mga bagong tagasunod ng Diyos na Puti.
"Paano nila napapagkamalang Itmai at Puttlan ang mga ito? Halata namang mga Kanluranin lang rin naman sila?" pagtataka ni Fierro.
"Nililinlang na sila ng kanilang mga paningin," paglalahad ni Tandang Ora, "sa mga mata nila, mga Itmai at Puttlan ang mga umaatake sa kanila. Nasa ilalim sila ng aking kapangyarihan."
Tinakpan niya ng kanyang kamay ang orbe at pagkaalis nito, napansin ni Fierro na tila mukhang mga Lahing Itmai at Puttlan na nga ang mga lumulusob na kanluranin.
"Magaling," ikinagalak ito ng Panginoon ng Apoy, "Lodell, saan mo nga ba napulot ang mga hambog na to?"
"Hindi ako, kamahalan," sagot ni Lodell, "si Wael mismo ang kumuha sa kanila. Sila'y mga bayarang mersenaryo mula sa Lupain ng Austeraz."
"Hindi ba tayo sasabit sa mga ito?" tanong ni Fierro.
"Makakasiguro ka, kamahalan," malumanay na sagot ni Lodell. "Tikom ang kanilang mga bibig at susundin nila ang ating mga iuutos sapagkat bayad sila ng buo. Magagamit natin sila sa binabalak natin laban kay Costan. Sigurado akong makakapaghasik rin sila nga ganitong lagim sa Imperyong Cenpyre kung masusunod ang mga balak natin."
"Dapat lang," matuwid na saad ni Fierro, "dahil walang makakapigil sa akin sa balak kong lipulin si Costan at ang lahat ng kanyang tagapagmana. Ang kaguluhan dito sa Kanluran ang siyang magiging mitsa."
"Isa pa, kamahalan," dagdag ni Lodell, "handang mamatay ang mga taong ito. Nasa kanilang mga pamilya na ang mga ginto ngunit wala silang kaalam-alam kung para saan ang mga ito at kung kanino ito nagmula."
***
Itinutok naman ang tirador sa Itim na Tore kung saan kasalukuyang nagkakagulo sa loob sa pag-atake ng mga bayarang mersenaryo.
"Huwag na nating patagalin ito," sambit ni Wael. "Tirahin niyo ng tatlong magkakasunod, para gumuho agad."
Muling tumira ang kanyang mga tauhan at ito'y tumama sa gitnang palapag ng Tore, sumunod naman nilang tinamaan sa ikalawa ang ibabang palapag at ang huling tira ay itinama nila sa pinakatuktok ng tore. Tatlong usok ang sumulpot mula sa mga tinamaang bahagi.
Dahil sa tatlong magkakasunod na tira, hindi nagtagal at tuluyan na ring gumuho ang Tore ng Pagbabago bago pa tumindi ang apoy sa paligid nito, nabagsakan ang mga bayarang mersenaryo sa kasagsagan ng kanilang pagpatay sa mga tao sa loob at tulad ng nauna, wala na ring nalabi sa dakilang tore kundi ang durog-durog na mga bato at pundasyon na nagkalat sa kalupaan.
Pagkatingin ng taumbayan sa kanilang mga bintana, wala na rin ang Itim na Tore. Ang iba naman ay nasaksihan mismo ang paglipad ng mga pasabog patungo sa dakilang istraktura at sila ay natigilan sa kanilang mga tahanan.
Napapalibutan ng mga pira-pirasong bato na nagkapatong-patong ang kapaligiran at walang maaninag sa kapal ng usok at alikabok. Sa kailaliman, nabaon ang mga bangkay ng libo-libong deboto (kabilang na ang mga natabunan sa labas), dalawang daang Punong Pari at higit sa isang daang mersenaryo. Aabot sa sampung libo o higit pa ang nasawi sa kaguluhang naganap.
Tumagal lamang ng kalahating oras ang nakapangingilabot na trahedya, at sa loob lamang nito, bumagsak ang dalawang toreng matatag na nakatayo sa loob ng ilang daang taon. Naglaho na ang sagisag na ipinagmamalaki ng mga kanluranin. Tatlumpung minuto lang at tuluyang nabago ang kasaysayan, hindi lamang sa Kontinente ng Kanluran kundi pati na rin sa buong mundo.
***
Noong gabing iyon, walang ni isang liwanag ang makikita sa bawat kabahayan at sa bawat tahanan. Narinig ang walang humpay na iyakan at pagpatak ng luha sa buong Kanluran. Ang imahe ng dalawang tore ang nasa gunita ng bawat kanluranin at walang sinuman ang nakatulog ng mahimbing.
Isang araw matapos ang nangyaring unos, pinayagan ng magtungo ang taumbayan sa lugar kung saan dating nakatayo ang Tore ng Pananalig at Pagbabago, ngayon ay mga batong pino at pulbos na lamang, nagsindi ng kandila ang pamilya ng ilang libong kataong namatay sa itinuturing nilang pinakamalalang trahedya sa kasaysayan ng Kanluran. Bumabaha ang luha sa Lupain ng Gremon sa kanilang pagluluksa, Hindi matanggap ng libo-libong pamilya na wala na ang kanilang mga mahal sa buhay, na sa isang iglap sila'y maglalaho na lamang ng basta-basta sa Banal na Pista at hindi na makikita pang muli. Nakahimlay sila sa ilalim ng kung ano man ang nalabi sa gumuhong mga tore. Wala silang nararamdaman ngayon kundi lungkot at galit.
Kumalat ang balitang mga Militanteng Itmai at Puttlan ang may kagagawan ng lahat ng ito, base sa testimonya ng mga nakaligtas mula sa Itim na Tore. Nagkaroon ng palaisipan ang mga Kanluranin, minsan na nilang naging kaaway ang mga Itmai at Puttlan sapagkat inuusig sila ng mga ito noon at may tsismis pa ngang kinakain nila ang mga Erroiang kanilang pinapaslang. Nabago lamang ang lahat ng pagbuklorin sila ni Emperador Croamas sa mga Kanluranin. Mula noon nagkaroon na ng pagkakaintindihan at pagkakaunawaan sa pagitan nila, ngunit ngayon dahil sa malagim na pangyayaring ito, magkakaroon ito ng matinding epekto sa interaksyon ng kontinente at muling nagkalamat ang ugnayan ng mga Kanluranin sa mga Itmai at Puttlan.
***
Ilang araw matapos ang kaganapang bumago sa Buong Lupain, sumiklab ang kaguluhan sa Lupain ng Gremon.
Sa isang establishamentong pagawaan ng mga sapatos, sapilitang kinakaladkad ng taumbayan palabas nagmamay-aring si Mang Howell, na isang Puttlan.
"Ano bang ginagawa niyo? Bitawan niyo ko! Wala kayong karapatang paalisin ako sa sarili kong establishamento!"
"Tumahimik ka, Puttlan!" sigaw ng isang lalaking Kanluranin, "ang mga lahi niyong mananalakay, hindi dapat nagnenegosyo sa aming teritoryo!"
Ihinanda ng mga tao ang kanilang mga tanglaw at nagbabalak itong ihagis sa kanyang pagawaan.
"Huwag! Parang awa niyo na!" tumatangis na nagmamakaawa ang matanda. "Ito na lang ang ikinabubuhay ko! Wala akong kinalaman sa nangyaring kaguluhan!"
"Sige sunugin na iyan!" sigaw ng kanilang lider.
Sabay-sabay na ihinagis ng taumbayan ang kanilang mga tanglaw at sa pagkakilabot ni Mang Howell, agad itong nilamon ng apoy at nasunog ang lahat ng sapatos na kanyang pinaghirapang gawin. Wala ng nagawa ang matanda kundi mapahiga sa kalupaan, umiiyak habang pinagmamasdan ang pagkawala ng kanyang kabuhayan.
***
Sa kabilang sulok naman, pinagbababato ng mga batang kanluranin ang isang batang lalaking Itmai.
"Umalis ka rito, ayaw ka naming kalaro!" sigaw ng mga batang kasing edad niya.
"Salbahe kayo!" iyak ng batang Itmai. "Ano bang ginawa ko sa inyo?"
"Kami pa salbahe?" tanong ng isang bata. "Kayo ngang mga Itmai ang nagpasabog doon sa dalawang tore!"
"Hindi kami yun!" pagtatanggol ng bata sa sarili.
"Madami kayong pinatay na tao! Baka nga kasama pa sa kanila yung tatay mo!" saad ng isa pang bata. "Umalis ka na dito! Baka kainin mo pa kami!"
Lumayas na lamang ang batang Itmai na may dugong tumutulo mula sa noong tinamaan ng kanilang pambabato.
***
Lalong lumala ang pangsisisi at paghuhusga ng mga Kanluranin sa Itmai at Puttlan kaya naman nagpasya ang Mataas na Panginoong Berhel na magkaroon ng pagpupulong sa kanyang himpilan at ito'y dinaluhan ng libo-libong katao, karamihan ay pamilya ng mga deboto at paring biktima ng trahedya. Nagsimulang magbigay ng saloobin ang Mataas na Panginoon.
"Ang nangyaring pagpapasabog sa Tore ng Pananalig at Pagbabago ay isang napakalagim na trahedya, walang sinuman ang makakalimot sa araw na iyon hanggang sa katapusan ng mundo. Nawala ang isa sa pinakaiingatan nating sagisag at libo-libong buhay ang naglaho sa isang iglap. Kinokondena ko ang kaganapang ito, ang walang kabuluhang pag-atake sa ating paniniwala at tradisyon. Ang walang awang pagwasak sa kapayapaan at sa lahat ng bagay na mahalaga sa atin. Ang paglapastangan sa ating mga Kanluranin at higit sa lahat, sa Diyos. Pinapangako kong hindi ako titigil hanggang hindi napapanagot ang grupong nasa likod ng karumal-dumal na pambubulabog sa ating katahimikan."
Naluluha na ang Mataas na Panginoon sa pagtatapos ng kanyang talumpati. Katabi niya ang Pinuno ng Lupain ng Gremon, ang Puttlan na si Prelo.
"Kung talagang tutuparin mo ang pangako mo, bakit hanggang ngayon isang Puttlan pa rin ang namumuno sa Gremon?" sigaw ng isang lalaki. "Hindi na dapat sila nagkakaroon ng posisyon saan man sa kanluran! Wala ka man lang bang gagawin, Mataas na Panginoon?"
"Parusahan ang mga Itmai at Puttlan! Mga lahi ng mamamatay-tao!" Sigaw ng isa pang lalaki.
"Sila ang may kagagawan ng mga kaguluhan dito! Hustisya para sa mga kamag-anak naming biktima!" umiiyak na hiyaw ng isang babaeng kapamilya ng nasawi.
"Hustisya! Hustisya! Hustisya!" Palakas nang palakas ang hiyawan ng taumbayan.
Napayuko si Prelo sa hiya at pagkadismaya.
"Sandali lang!" napalakas ang tinig ni Berhel. "Makinig muna kayo sa akin!"
Tumigil sa paghiyaw ang taumbayan, umaasang susundin sila ng Mataas na Panginoon.
"Naiintidihan ko kayo, puno kayo ng galit at hangad niyo lamang ay hustisya para sa inyong mga asawa, anak, magulang, kapatid at kamag-anak," saad ni Berhel, "nakarating sa akin ang balitang isang grupo ng Militanteng Itmai at Puttlan ang may pasimuno sa nangyari, pero hindi ko maaaring basta-basta na lamang alisin sa posisyon sina Prelo, Iro at iba pang mga Itmai at Puttlan na namumuno sa kanluran, sapagkat walang nagpapatunay na may kinalaman sila sa nangyaring kaguluhan."
"Uto-uto! Sunod-sunuran!" pang-iinsulto ng isa sa mga nakikinig. "Siguro kasabwat ka!"
"Hindi ako kasabwat!" lalong tumaas ang tono ng Mataas na Panginoon. "Mga kababayan nauunawaan ko kayo pero hindi makatarungan na isisi niyo sa lahat ng may lahing Itmai at Puttlan ang mga pangyayari! Hindi lamang kayo ang biktima, daan-daang debotong Itmai at Puttlan rin ang nasawi sa trahedya, wala ng magawa ang kanilang mga pamilya kundi ipagluksa sila ng tahimik sa kanilang mga tahanan dahil natatakot na silang lumabas at mahusgahan nating mga Kanluranin. Maawa naman kayo sa kanila."
"Maawa?" tanong ng isang ginang, "naawa ba sila ng paslangin nila ang humigit sa 10,000 katao?"
"Ang sinasabi mong pamilya nila, malamang sila ang pamilya ng mga militanteng umatake sa Itim na Tore kaya sila nagtatago!" dagdag pa ng isang matangkad na lalaki."
"Baka nga may buhay pa sa kanila at pinagpipiyestahan nilang kainin ang karne ng mga pinaslang nila!"
"Paalisin sila sa kanluran!"
"Hindi, mas maigi kung patayin!" udyok ng isa.
Napailing si Panginoong Berhel sa mga pinagsasasabi ng mga kababayang makikitid ang pag-iisip.
"Lagpas limang daang taon na ang nakalipas mula ng pagkaisahin ang kanilang mga lahi sa atin. Hindi ito mabubuwag ngayon. Pakinggan niyo ang halimbawa ko. Tayong mga Kanluranin, mayroong mabubuti sa atin ngunit mayroon ring mga kriminal, mga magnanakaw, mamatay-tao at manggagahasa. Ganoon rin ang mga Itmai at Puttlan, tulad natin mga tao rin sila. May mabuti at masama.Tulad natin may karapatan din silang mamuhay ng tahimik at mapayapa saan man nila gusto."
"Hindi sila mga tao!" sigaw ng isang Kanluranin. "Mga barbaro sila noon, mga militante ngayon. Iba man ang pamamaraan nila ngayon, iisa lang ang kagustuhan nila: Ang makapaghasik ng takot sa ating mga puso!"
"Lipulin ang mga Itmai!"
"Lipulin!" pag-uulit ng taumbayan.
"Paslangin ang mga Puttlan!"
"Paslangin!" Iisa ang kanilang tinig.
Sa puntong ito, napagtanto ni Berhel na bulag ang kanyang mga kababayan at siya'y nawalan na ng pag-asa.
"Ipinapangako kong bibigyan ko ng hustisya ang inyong mga pamilya, huhulihin ko ang Militanteng may kagagawan nito. Sila lang! Hindi ko idadamay ang mga taong walang kinalaman dito. Iyon lang, paalam."
Nilisan ni Panginoong Berhel ang himpilan. Bumulabog sa buong himpilan ang pangungutya ng taumbayan sa naging pasya ng kanilang Mataas na Panginoon.
"Sumpain ang kumakampi sa mga Itmai at Puttlan! Sumpain! Sumpain! Sumpain!"
Nagsimulang magliparan ang mga prutas, kahoy at batong ihinahagis ng mga Kanluranin sa balkonaheng pinangroonan ni Berhel.
***
Pagsapit ng hapon, nagtungo ang Puno ng Gremon na si Prelo sa Silid-Pulungan ni Panginoong Berhel. Inabot niya sa Mataas na Panginoon ang isang iskrol na naglalaman ng isang pagpapaalam.
"Magbibitiw?" tanong ni Panginoong Berhel. "Bakit?"
"Hindi ko na po kayang pamunuan ang Gremon lalo na sa sitwasyon ngayon," naluluhang isinambit ni Prelo. "Kinatatakutan nila ako, kinamumuhian, hinuhusgahan, itinuturing na parang kriminal, nadadamay na rin pati ang asawa at mga anak ko."
"Naiintidihan kita," tugon ng Mataas na Pinuno, "hindi pa huhupa ang usok hanggang buhay ang apoy. Ano ng balak mo ngayon?"
"Lilipat na lang po kami sa ibang Lupain kung saan hindi kami uusigin," paglalahad ni Prelo, "nakapag-usap po kami ni Iro, balak na rin po niyang magbitiw sa inyong konseho pagkatapos ko."
May pagkahabag na inakbayan ni Berhel ang nagbitaw na Puno. "Mag-iingat ka, kaibigan."
"Hinihiling ko po na makahanap kayo ng karapat-dapat na papalit sa akin," yumuko siya ng may pagkalumbay bilang pamamaalam.
"Kapitan Haurre," pagtawag ni Berhel sa kanyang Punong Kawal.
Lumabas ang isang lalaking may katangkaran at may kakisigan ang katawan ngunit hindi na siya kabataan sapagkat may limampung taong gulang na ang kanyang edad.
"Ihatid mo si Prelo sa labas ng himpilan," saad ng Mataas na Panginoon.
"Masusunod, Mataas na Pinuno," may kalakihan ngunit maamo ang tono ng tinig ni Kapitan Haurre.
Sinamahan nila ng isang batang kawal na si Moverick ang nagbitiw na Puno palabas ng kanyang himpilan.
Naiwang nag-iisip ang Mataas na Pinuno sa kanyang silid, nagpapakawala ng bugtong-hininga sa suliraning kanyang pinagdaraanan.
Ilang minuto lamang, nakarinig siya ng kakaibang ingay mula sa labas ng kanyang himpilan, animo'y tunog ng pag-ugay ng mga espada ang gumalabog kasunod ng isang malakas na hiyaw at pag-ungol.
Nagpasya siyang magtungo sa labas upang siyasatin kung ano ang nangyayari. Pagkabukas niya sa pintuan, gumimbal sa kanyang paningin ang nakita.
Hawak ng dati niyang kawal na si Wael ang pugot na ulo ng nagbitiw na Punong si Prelo, tumutulo pa ang dugo mula sa kanyang pinutol na leeg. Sa paligid, walang malay ang kawal na si Moverick at may tama naman ng pana sa tagliran ang Punong Kawal na si Haurre habang ito'y nakahandusay sa kalupaan.
"Walanghiya ka!" Nanggagalaiting isinambit ni Berhel.
Sa hudyat ni Wael, itinuro ng mga kawal ni Berhel ang kanilang mga sibat sa kanya, senyales ng kanilang pagtiwalag.
"Sumpain ang kumakampi sa Itmai at Puttlan," painsultong isinaad ni Wael.
Inugay niya ang kanyang espada at humiwa ito mula sa dibdib hanggang sa sikmura ng Mataas na Panginoon.Bumagsak siya sa sahig, duguan at wala ng buhay.
"Pasukin niyo ang loob," atas ni Wael, "pagkakaalam ko may anak siyang babae, dalhin siya sa sa akin!"
Nagtungo sa loob ang mga tumiwalag na kawal, patungo sa silid ng anak ni Berhel na si Keischa.
Namalayan sila ng isang kawal na hindi bababa sa dalawampung isa ang edad. Ang batang kawal na si Gwylon na may lihim na relasyon kay Binibining Keischa. Tumakbo siya patungo sa kwarto ng kasintahan bago pa makarating ang mga tauhan ni Wael.
"Keischa! Kailangan mo ng makaalis dito ngayon!" babala niya sa dalagita.
"Bakit anong nangyayari?" nagtatakang tanong ng dalagita.
"Si Wael, pinatay niya ang ama mo," paglalahad ni Gwylon.
"Ano?" Tumulo ang luha mula sa mapekas na pisngi ng dalagita.
"Pinapahanap ka niya ngayon, kailangan na nating makatakas!"
Binuksan ni Gwylon ang isang bintana at tinali rito ang isang lubid.
"Dito tayo bababa," sabi niya.
Pumwesto na si Gwylon sa ibabaw ng bintana nang biglang lumipad pabukas ang pinto ng silid at sila'y pinapaligiran na ng mga ibang kawal.
"Naririto na sila!" hiyaw ni Keischa.
Inilabas ng kanyang kasintahan ang espada nito, nakahandang makipaglaban sa mga traydor na kasamahan. Walang paligoy-ligoy na nagpakawala ng tira sa kanyang pana ang isa sa mga bumaliktad na kawal. Tumama ito sa balikat ni Gwylon, nawalan siya ng balanse at nahulog mula sa bintana.
"Gwylon!" sigaw ng dalagita.
Sinilip niya ang kasintahan at nakita niya itong nakahiga sa may damuhan na wala ng malay. Tumangis ang dalagita sa sinapit ng kanyang minamahal, pupuntahan niya sana ito ngunit siya'y sapilitang hinatak papalayo ng mga kawal at patungo kay Wael.
"Bitawan niyo ko!" Pagpupumiglas niya. "Bitawan niyo ko! Gwylon!"
Pagkarating nila sa may sala, nasilayan ni Keischa ang walang buhay na ama habang patuloy ang pag-agos ng kanyang dugo.
"Papa!" pagtangis niya.
Nakatayo si Wael malapit sa walang buhay na Panginoon.
"Mga halimaw, pinatay niyo ang ama ko!"
Pinaghahampas siya ni Keischa sa mukha ngunit agad nitong hinablot sa leeg ang nagwawalang dalagita at idinikit ito sa may pader.
"Tumigil ka kakangawa mo, kundi itutulad kita sa mahal mong Papa!" babala ni Wael, tinignan ng kanyang nanlilisik na mga mata ang magandang kurba ng katawan ng dalagita at hinaplos ang kulay krema niyang buhok."Bata ka pa noong huli kitang nakita, hilaw pa. Ngayon, dalaga na, hinog at sariwang-sariwa!"
Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Wael. Sinunggaban niya ng halik si Keischa sa kanyang leeg at wala ng nagawa pa ang dalagita kundi mapasigaw. Dumagundong ang kanyang hiyaw sa bawat sulok ng himpilan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro