Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologo: Ang Unang Tagapagmana

Isang nakakasilaw na araw ang suminag sa malaniyebeng pisngi ni Emperatris Ysavel. Inunat niya ang kanyang mga braso sa ere at pinunasan ang kanyang pupungas-pungas na mga mata upang alisin ang antok sa kanyang kamalayan. Pagtingin niya sa kanyang harapan, sumalubong sa kanya ang isang tumpok ng mapupulang rosas na halos kumikinang na rin sa sinag ng araw, lumitaw mula rito ang abot tengang ngiti sa mukha ng kanyang kabiyak.

"Maligayang kaarawan, mahal kong Emperatris," inabot ni Emperador Costan ang bulaklak kay Ysavel at ito'y malugod niyang tinanggap.

"Anong araw na nga ba ngayon?" natatawa niyang sinambit sa asawa. "Nakalimutan ko na ang sarili kong kaarawan."

Hinawakan ni Costan ang maputi niyang kamay at hinimas ang kanyang malambot na balat, "ako hindi ko nakalimutan."

Bago pa makasagot si Ysavel, isang piring ang tumakip sa kanyang paningin na nagpahalakhak sa Emperatris, "Costan, ano na naman ba ito?"

"May sorpresa ako sa'yo," inalalayan at ginabayan ni Costan pababa ng Palasyo ang kanyang mahal na asawa.

"Kakapiring mo sa akin, nasasanay na tuloy akong maglakad ng walang nakikita," biro ni Ysavel.

***

Sa Pangunahing Bulwagan, abala na ang lahat sa paghahanda para sa sorpresa nila sa Emperatris. Dumarami na ang mga panauhin sa iba't-ibang palapag habang ang mga tagapaglingkod naman ay nag-aayos na ng paligid, pinupunan ng mga laso at belo ang balkonahe ng bawat palapag. Ihinahanda na ni Mela at Lynda ang mga putaheng niluto nila para sa mga bisita habang si Ermin at ang iba namang kalalakihan ay nag-aayos ng mga lamesa at silya.

"Bilisin niyo na dyan Ermin at baka paparating na ang Kamahalan," utos ni Mela sa anak.

Ipinuwesto na ng mga kalalakihan ang huling silya sa huling mesa at sila ay natapos na sa kanilang pag-aayos.

"Tapos na po kami," saad ni Ermin sa ina.

"Mabuti naman, pakisilip nga sa may pintuan, baka nandyan na sila," puno ng ligaya ang tinig ng batikang kusinera.

Sinunod ni Ermin ang ina. Nagtungo siya sa may pinto, pagkasilip niya nakita niyang naglalakad na si Costan at Ysavel papalapit sa Bulwagan, sumenyas sa kanya ang Emperador na ibigay na ang hudyat para sa mga panauhin.

"Paparating na sila," anunsiyo ni Ermin sa lahat.

"Narinig niyo iyon? Paparating na ang Emperador kasama ang Emperatris," inulit ni Heman sa mga kasamahan at sa mga panauhin, "oras na para magtago!"

Ang lahat ay nagsimulang maghanap ng kanilang tataguan, ang mga nasa ikalawang palapag ay nagtungo sa likod ng mga kurtina, ang mga nasa ibaba naman ay nagtago sa ilalim ng kanilang mga silya at lamesa at ang ilan ay nagtungo sa likuran ng mga haligi.

Ilang saglit lang ang nakalipas, bumukas ang pinto at dahan-dahang ginabayan ni Costan papasok ang kanyang asawa.

"Naririto na ba tayo, Costan?" tanong ni Ysavel. "Maaari ko na bang tanggalin ang piring?"

"Sige, pwede mo nang tanggalin."

Unti-unting tinanggal ni Ysavel ang takip sa mata at pagkadilat niya, nasilayan niya ang magandang ayos ng Bulwagan. Hindi natinag ang lahat sa kanilang pwesto, nagbigay ng hudyat si Heman at nagbilang ng tatlo sa kanyang daliri, matapos ang bilang, ang lahat ay naglitawan sa kanilang pinagtataguan at sabay-sabay silang nagsigawan ng...

"Maligayang Kaarawan, Mahal na Emperatris," nagmistulang isa ang kanilang mga tinig at malamang narinig ito hanggang sa labas ng Palasyo.

Napanganga ang Emperatris sa dami ng panauhing sumorpresa sa kanyang kaarawan, ang buong akala niya ay simpleng handaan lamang ang ipapahanda ni Costan para sa kanya.

"Ano ito?" halos hindi makapagsalita ang Emperatris sa tuwa.

"Ito ang sorpresa naming lahat para sa'yo," itinuro ni Costan ang lahat ng bisita, "inimbitahan ko ang lahat mula sa iba't-ibang Lupain ng ating Imperyo para ipagdiwang ang iyong kaarawan, nagustuhan mo ba?"

Isang bugtong-hininga ang pinakawalan ng Emperatris, na para bang hindi siya makahinga, "siyempre naman... gustong-gusto ko..."

Humarap siya sa lahat ng panauhing nakadalo sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan, "Maraming salamat po sa inyong lahat na nagpunta sa aking kaarawan, taos-puso po ang aking pasasalamat sa inyo, napakasaya ko po na naririto kayo ngayon."

Pumalakpak ang mga panauhin sa pasasalamat ng kanilang Emperatris.

Hinawakan ng Emperador ang kamay ng kabiyak, "Ysavel, tanggapin mo ang regalo ko sa'yo."

Isinuot ni Costan sa kanya ang isang singsing na yari sa purong ginto. Mangiyak-iyak na niyakap ni Ysavel ang Emperador.

Humiyaw ang karamihan sa mga bisita. Para kay Costan kailangan pa rin niyang suyuin si Ysavel gaya noong sila'y magkasintahan pa at hindi dapat natatapos ang suyuan kahit sila ay kasal at magkabiyak na.

"Hindi lamang ito ang sorpresa namin sa'yo," pag-anunsiyo ni Costan, sumenyas siya sa isang sulok at lumapit sa kanila ang mga magulang ni Ysavel na si Konde Ysidro at Kondesa Sandra.

Muling nasorpresa si Ysavel at may pagkasabik niyang niyakap ang ama at ina.

"Dumating kayo," saad niya, "akala ko hindi talaga kayo makakapunta."

"Pupwede ba naman iyon, anak?" sagot ni Sandra.

"Maaari ba naming palagpasin ang kaarawan ng aming Prinse...aming Emperatris..." dagdag ni Ysidro.

Napangiti si Ysavel sa kanila, "mas lalo akong lumigaya dahil naririto kayo."

"Hindi lang kami," pagpapaalam ni Sandra.

Lumapit rin sa kanila ang dalawang babae na tila magkamag-anak, ang nakatatanda ay may kaliitan ngunit may katabaan ang pangangatawan, samantalang ang dalagita naman ay halos kasing edaran ni Ysavel at higit na mas matangkad kaysa sa kanyang kasama.

"Nang Edina, Editha, kayo ba iyan?" tanong ni Ysavel.

"Kami nga," sagot ni Aling Edina kay Ysavel at niyapos niya ito, "ang laki-laki mo na, iha."

"Mabuti naman ay natatandaan mo pa ang Nang Edina mo pati na rin si Editha," saad ni Ysidro.

"Inalagaan ka niya noong batang-bata ka pa at palagi pa kayong naglalaro ni Editha dati," paglalahad ni Sandra.

"Tandang-tanda ko pa po," sagot ni Ysavel, "kamusta Editha?"

"Ayos naman ako, kamahalan," nahihiyang pagbati ni Editha sa kanya.

"Ano ka ba? Parang hindi naman tayo naging magkalaro dati, masaya ako at nakita ko ulit kayo, pagkatapos ng maraming taon. Sana palagi kayong dumalaw."

"Iyon na nga, Ysavel, nais kasing mamasukan ng mag-tiyahin dito sa palasyo kung ayos lang sa inyo ng Kamahalan."

Nahihiyang sumenyas si Ysidro sa Emperador.

"Siyempre naman, ama," malugod na pumayag si Costan, "hindi ko kayo matatanggihan, at isa pa, malapit na kakilala sila ni Ysavel."

Nagkangitian si Aling Edina at ang pamangkin na si Editha, "maraming salamat po, kamahalan, handa po kaming paglingkuran kayo, ano man ang mangyari."

"Natutuwa akong marinig iyan galing sa inyo," nakangiting sagot ni Costan. "Higit sa serbisyo, mahalaga sa lahat ang katapatan ng aming mga lingkod."

"Ngayong pasok na po kami, baka po dito na makahanap ng magiging nobyo ang pamangkin ko," pagbibiro ni Edina.

Halos namula ang pisngi ni Editha sa kadaldalan ng tiyahan.

"Ving, narinig mo iyon?" kinantsawan ni Heman ang anak, "nobyo daw, may kilala akong babagay sa kanya."

Maging si Ving ay nahiya rin sa pagrereto ng ama. Tatlumpung-lima na ang Tagapayo ngunit hanggang ngayon ay wala pa siyang kasintahan.

"Oo nga Ving," nakisali na rin sa asaran ang Emperador, "anong masasabi mo kay Editha?"

"M-M-Maganda po siya kamahalan," matatas man siya sa tuwing siya'y nagbibigay-payo, hindi niya maiwasang mautal kapag babae na ang kakausapin.

Matapos ang pag-uusap, nagsimula na ang handaan para sa kaarawan ni Ysavel, kumain ng mga masasarap na putahe ang mga bisita.

"Kamusta na nga pala ang pagsasama niyo ng kamahalan?" tanong ni Sandra.

"Masayang-masaya naman po kami ni Costan," sagot ni Ysavel.

"Wala pa ba kayong balak na bumuo ng sarili niyong pamilya?" tanong naman ni Ysidro.

Nagkasulyapan sina Costan at Ysavel bago sagutin ang tanong, "medyo abala po kami."

"Abalang mamuno ng Imperyo o abalang gumawa ng mga heredero?" pabirong usisa ni Ysidro.

"Pareho," walang paligoy-ligoy na sinagot ni Costan, ngayong kasal na sila ni Ysavel, hindi na sila mahihiyang talakayin ang mga ganitong usapan.

"Sana naman ay makabuo na kayo kaagad para may mga apo na kami," hiling ni Sandra.

Pagkatapos ng kainan, sila ay nagtungo sa Silid-Sayawan para magsayaw sa mga eleganteng tugtugin.

***

Bago magpalit ang araw, dinala ng Emperador ang Emperatris sa Tore ng mga Bituin at pinagmasdan ang magagandang bituin sa kalangitan.

"Nakikita mo ang milyon-milyong mga bituin, Ysavel. Lahat sila ay kumikinang para sa'yo. Binabati ka nila ng maligayang kaarawan."

Pumaibabaw si Costan at hinagkan niya ang kanyang kabiyak, binuhat niya ito patungo sa kanilang kama, at itinuloy ang kanilang paghahalikan.

Pagkatapos ng kanilang pagroromansa, humiga si Ysavel sa dibdib ng asawa, dinadama ang init ng kanilang mga katawan, tanging kumot lamang ang kanilang saplot.

"Ngayong tapos na ang sorpresa mo sa akin, ako naman ang may sorpresa sa iyo," saad ni Ysavel habang nilalaro niya ang dalawang daliri malapit sa dibdib ng asawa na animo'y mga maliliit na binting naglalakad.

"Ano naman iyon, mahal?" nakangiting tinanong ni Costan sa kanya.

"Natatandaan mo nitong mga nakaraang araw, medyo masama ang pakiramdam ko, nahihilo at nagsusuka ako," pagpapaalala niya.

Seryosong napatango si Costan.

"Napagpasyahan kong magpatingin sa manggagamot kahapon habang kayo ay nagpupulong."

"At ano naman ang sabi niya?"

Nabuo ang ngiti mula sa mamula-mulang pisngi ng kanyang Emperatris, kinuha niya ang kamay ni Costan at ipinuwesto ito sa kanyang tiyan.

"Costan, kinumpirma na niya, dalawang buwan na..."

Isang bugtong-hininga ang pinakawalan ni Costan kasabay ng isang maligayang pagkurba ng kanyang labi, napabangon siya ng hindi oras sa kanyang kinahihigaan.

"Ibig sabihin...magiging ama na ko?"

Tumango pabalik sa kanya si Ysavel, "Oo Costan, magiging ama ka na."

Hindi magkandaugaga si Costan sa kanyang narinig, ang magkaroon ng sariling pamilya kasama ang kanyang minamahal ang isa sa mga bagay na noon pa man ay pinapangarap na niya. Ngayon dinadala na ni Ysavel ang kanilang panganay sa kanyang sinapupunan.

Niyakap ng Emperador ang kanyang Emperatris sa pagkagalak. "Napakasaya ko, Ysavel. Hindi maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Ipinapangako ko na magiging mabuting ama ako sa ating magiging anak."

Hinagkan niya ng buong pagmamahal sa noo ang kabiyak.

***

Nagbunyi ang buong Imperyo sa pagdadalantao ng Emperatris sa kanilang unang tagapagmana, sinigurado ng Emperador na magiging maayos ang pagbubuntis ni Ysavel, pinagsilbihan niya ang kabiyak, mapanatili lamang ang kalusugan ng kanyang mag-ina, madalas niya itong dinadalhan ng gatas at ipinaghahanda ng masusustansyang pagkaing naaayon sa buntis.

Walong buwan ang nagdaan at nalalapit na ang panganganak ni Ysavel sa kanilang panganay. Malaki na ang bata sa kanyang sinapupunan, ngunit hindi kagaya ng karamihan na halos isang pakwan na ang laki ng tiyan, kalahati lamang nito ang kay Ysavel, hindi siya kalakihan kung magbuntis.

Isang araw, pinagmamasdan ng mag-asawa ang paggalaw ng sanggol, itinapat ni Costan ang kanyang tenga at pinapakinggan ang paggalaw ng kanyang anak. Maya-maya, napansin niya ang pag-angat ng maliliit na paa sa tiyan ng Emperatris.

"Sumisipa na naman siya," saad ni Ysavel.

Ngumiti si Costan na para bang nakita na niya ang sanggol.

"Huwag ka munang magmadali, anak. Sandali na lang na lang at makakalabas ka na, mahal na Prin...ano nga ba siya, Prinsipe o Prinsesa?"

"Ang sabi sa akin ng manggagamot base sa senyales na nakikita niya sa akin, sa palagay niya lalaki ang anak natin."

"May naisip ka na bang pangalan para sa kanya?" muling tanong ni Costan.

"Sa ngayon wala pa," sagot ni Ysavel, "pero mayroon na akong mga pinagpipilian, malalaman mo rin."

Hinimas ni Costan ang tiyan ng Emperatris at kinausap ulit ito na parang naririnig siya ng sanggol, "kung ganoon, mahal na prinsipe muna ang itatawag namin sa'yo, anak. Naghihintay lang kami ng iyong ina sa pagdating mo."

Hinagkan niya ng may pagmamahal ang tiyan ni Ysavel, nananabik sa pagdating ng kanyang anak.

***

Isang umaga, kasisikat pa lamang ng araw, gumising sa kamalayan ng nahihimbing na Emperatris ang isang nakapipilipit na sakit sa kanyang sikmura, tumayo si Ysavel para bumangon, pero sa kanyang pagtayo, mas lalo lamang tumindi ang sakit na kanyang nararamdaman at siya ay napabagsak sa sahig na humihiyaw sa pamimilipit. Nagulantang siya nang makitang umaagos ang dugo sa kanyang binti na parang alak na natapon. Pagkatingin niya sa kanyang kamay na nakahawak sa namimilipit niyang tiyan, nakita niyang mayroon na rin itong dugo na tumutulo hanggang sa kanyang braso.

"Hindi..." bulong ni Ysavel sa sarili habang tumutulo ang kanyang mga luha, hindi nagtagal umabot sa sukdulan ang sakit na kanyang nadarama at siya ay wala ng nagawa kundi mapasigaw ng malakas.

Tyempo namang papasok si Aling Edina para dalhan siya ng gatas na ibinilin ng Emperador sapagkat siya ay may mahalagang pagpupulong sa araw na ito.

Binuksan ng tagapaglingkod ang pinto at bumulagta sa kanya ang nakahandusay na Emperatris, kalat na ang kanyang dugo sa sahig.

"Mga Diyos ko po!" napahiyaw si Aling Edina, nanginginig sa kanyang nasilayan at hindi malaman ang gagawin.

"Tulong!" sigaw ni Ysavel. "Ang anak ko!"

Ibinaba ni Edina ang hawak niyang baso ng gatas, "sandali lang po, kamahalan, hihingi ako ng tulong sa Emperador."

Tumakbo si Edina mula sa silid patungo sa Silid-Pulungan na mabilis pa sa matulin na kuneho, pagdating niya, nagsisimula na ang pagpupulong ni Costan at ng kanyang mga tagapayo.

"Kamahalan! Kamahalan!" pinagpapawisan si Edina sa kanyang pagtakbo.

"Bakit, Aling Edina?" usisa ng Emperador.

"Ang Emperatris Ysavel, kailangan niya ng tulong, dinugo po siya sa kanyang silid at namimilipit siya sa sakit!"

Wala ng sinabi pa si Costan at siya'y nagmadali patungo sa kanilang silid, susunod sana ang ibang konseho para siyasatin ang nangyari ngunit sila ay pinigilan ni Heman sapagkat baka makagulo pa ang kanilang presensiya sa nangyayaring aberya.

Pagkadating nila sa silid, natagpuan nilang nanghihina ang Emperatris, nakahiga na lamang siya sa sahig habang patuloy ang kanyang pagdudugo.

"Ysavel!" pagtawag ni Costan. "Naririnig mo ba ako? Anong nararamdaman mo? Ysavel!"

Naaninag ni Ysavel ang asawa pero biglaang nanlabo ang kanyang paningin at siya'y nawalan ng malay.

***

"Mahina ang kapit ng bata," ito ang salitang binitawan ng manggagamot matapos patignan ng Emperador ang Emperatris. Hanggang ngayon siya ay wala pa ring malay. "Malamang ito rin ang dahilan kung bakit dinugo ang Emperatris."

Napapikit si Costan na may pait sa kanyang mukha, hindi makapaniwala sa narinig niya.

"Papaano nangyari ito? Kada buwan tinitignan niyo ang kalagayan ni Ysavel at sabi niyo maayos ang kanyang pagbubuntis."

"Minsan talaga mukhang maayos ang pagdadalantao pero pagdating sa ikawalong buwan bigla na lamang magkakaroon ng ganitong pangyayari. Bibihira lamang ang kaso ng Emperatris ngunit ako'y pamilyar. Sa ngayon, pinainom ko na siya ng gamot para pahigpitin ang kapit ng sanggol pero pansamantala lamang ito. Asahan pa rin po natin na siya'y duduguin at madalas sasama ang kanyang pakiramdam, karaniwan lalagnatin siya ng may kataasan."

"Wala na ba kayong magagawa para gamutin siya ng hindi lang pansamantala?" Seryosong tanong ng Emperador. "Hindi ko kayang nakikitang nanghihina si Ysavel."

"Paumanhin, kamahalan ngunit ito lang po ang kaya ng aking abilidad," sagot ng manggagamot, "pwera na lang kung...kung pwersahan nating papalabasin sa sinapupunan ang sanggol, maaaring dukutin ko ang bata, sa oras na wala na siya sa tiyan ng Emperatris, giginhawa na ang kanyang pakiramdam, iyon nga lang maliit ang tsansang mabubuhay ang bata."

Hindi pa kabuwanan ni Ysavel. Kapag pumayag ako, parang pinatay ko na rin ang sarili kong anak...

"Bukod dito, may pagpipilian pa ba ako?" maingat niyang tinanong.

"Marami," tugon ng manggagamot, "kung inaalala niyo ang kaligtasan ng bata, maaari nating hintayin ang kabuwanan ni Emperatris Ysavel at hayaan natin siyang manganak ng kusa, pero tatapatin ko kayo. Marami rin pwedeng mangyari."

"Sabihin niyo sa akin ang lahat ng posibilidad, " saad ni Costan sa tinig na kasing tikas ng isang kapitan ngunit mahahalata ang pangangatog.

"Posibleng maipanganak ng Emperatris na ligtas ang bata ngunit ang buhay naman niya ang maaaring makompromiso, maaari ring maging maayos ang Emperatris pero maipapanganak niyang patay ang sanggol at ang pinakamalala...nawa huwag namang mangyari...posibleng maipanganak niya ang sanggol ngunit patay na ito at posibleng ikamatay rin ito ng kamahalan dahil sa matinding sakit na dulot ng kanyang panganganak."

Hindi maatim isipin ni Costan na mawala si Ysavel at pati na rin ang sanggol na kanyang dinadala.

"Pakiusap, ako ng Emperador niyo ang nakikiusap sa inyo, gawin niyo ang lahat para masagip ang mag-ina ko, gawin niyo na ang imposible, ibibigay ko ang lahat ng kagustuhan mo, iaangat kita sa pinakamataas na karangalan ng isang manggagamot, basta't iligtas mo sila."

Sa sobrang desperado ni Costan, nasabi na niya ang lahat ng maaari niyang sabihin sa manggagamot.

"Kamahalan, tatapatin ko kayo, maselan ang lagay ng inyong mag-ina, parehong ina at sanggol. Hindi ko po maipapangako na masasagip ko sila parehas, pero ipinapangako ko pong gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya para mailigtas sila."

"Maraming salamat," nangingilid na ang mga luha sa magkabilang mata ni Costan.

"Bibigyan ko kayo ng oras para makapagpasya," saad ng manggagamot bago siya umalis. "Kailangan na po nating gumawa ng aksyon sa lalong madaling panahon."

***

Nanatili si Costan sa piling ni Ysavel, hawak-hawak ang kanyang kamay, nakatulog ang Emperador sa kinahihigaan ng Emperatris. Idinilat ni Ysavel ang kanyang mga mata at nakita niyang tulog na nakatungo ang kanyang kabiyak malapit sa kanya. Nagising ang Emperador sa bahagyang paggalaw ng Emperatris.

"Ysavel, gising ka na," isang pagod na ngiti ang bati ni Costan sa kanya.

"Costan," walang lakas ang manipis at namamaos na tinig ni Ysavel, malamang naubos ang kanyang boses sa lakas ng kanyang sigaw.

"Shhhh, huwag ka munang magsalita kung hindi mo pa kaya," suhestiyon sa kanya ni Costan, himas-himas ang kanyang buhok.

"Ang anak natin?" Ang sanggol agad ang inalala niya. "Ayos lang ba siya?"

"Ayos lang siya, Ysavel," pinagaan ni Costan ang loob ng asawa sa kanyang pagsisinungaling. "Ayos lang kayong dalawa."

Sa init ng kamay ng Emperatris, alam ng Emperador na may kataasan ang kanyang lagnat.

"Hindi ako maayos," sagot ng Emperatris, "alam kong hindi...Costan."

"Ano iyon, mahal?"

"Kung sakaling umabot sa puntong kinakailangang mamili sa pagitan namin ng iyong anak, ipangako mo sa akin na...pipiliin mo si Covel."

"Covel?" tanong ni Costan.

Pumorma ang ngiti sa matamlay na pisngi ng kanyang kabiyak, "di ba sinabi ko naman sa'yo na may pinagpipilian na kong pangalan...nakapili na ko...tatawagin natin siyang Prinsipe Covel."

Napatango si Costan, nagustuhan niya ang pangalang ibinigay ni Ysavel sa kanilang prinsipe. Napagtanto niyang pinaghango ito ng Emperatris sa kanilang mga panagalan. Minsan na niya itong ginawa sa alaga niyang pusa na si Ystan.

"Maipapangako mo ba, mahal? Mas mahalaga na mabuhay siya kaysa sa akin."

Hindi alam ni Costan ang kanyang isasagot, malungkot man siya sa maaaring kahinatnan ng kanyang anak, mas malulungkot siya kung mawawala sa kanya si Ysavel. Hindi pa niya nakikilala ang anak at maaari pa silang gumawa ulit ng isa, dalawa at marami pa, pero ang kanyang Emperatris, nag-iisa lamang siya at hindi niya kakayanin kung mawawala ito sa kanya.

"Huwag mong isipin iyan, mahal," sagot ni Costan, "isa lang ang ipinapangako ko sa'yo. Gagawin ko ang lahat para mabuhay kayong dalawa."

***

Nang makatulog si Ysavel, nagtungo ang Emperador sa kanilang Banal na Templo, nagsindi ng kandila para sa kanilang mga Diyos at nagdasal ng taimtim para sa kaligtasan ng Emperatris at ng kanilang anak.

Kinuha niyo na sa akin si Ama, si Ina, si Lolo at Lola...hindi ko na kakayanin kung pati si Ysavel at ang aming anak ay kukunin niyo rin sa akin.

Sa sobrang taimtim ng kanyang panalangin, nawala na sa kanyang isip na lumipas na ang mga oras at siya'y inabot ng gabi. Nakarinig si Costan ng yabag ng mga paa mula sa madilim na templo.

"Kamahalan," narinig niya ang isang pamilyar na tinig. Ang tinig ng Kapitan niyang si Sarito.

"Kapitan," pagbati ng Emperador.

"Kung inyo pong mamarapatin, itatanong ko lang po kung dito ba kayo magpapalipas ng gabi?"

"Maaari," sagot ni Costan, "kung ito lang paraan para pakinggan ako ng mga Diyos at iligtas nila ang mag-ina ko, handa akong magdasal dito magdamag."

"Paumanhin po kamahalan," nagbigay ng kanyang pagsuporta ang kapitan, "nagdarasal po ang lahat sa Palasyo para sa kaligtasan ng Emperatris at ng batang Prinsipe."

"Maraming salamat," ito na lamang ang sinagot ni Costan, "minsan hindi maalis sa isip ko, napapatanong ako, masamang tao ba ako? Kaya ba pinaparusahan ako ng mga Diyos ngayon."

"Hindi po," ikinabigla ni Sarito, "alam po ng lahat kung gaano kayo kabuti at sigurado akong batid niyo rin iyon."

"Oo," sumang-ayon si Costan, "gayunpaman, paulit-ulit na pinapaalala sa akin, kung may lehitimong anak lang si ama, hindi magiging Emperador ang bastardong katulad ko...hindi talaga ako ang nararapat na magmana ng Imperyo...kaya ba ako binabawian ng mga Diyos ngayon? Binabawi nila ng malaki ang buhay na naipagkaloob sa akin...pinagbabayad din ba ako sa pagtalikod ko kay Fierro at sa pagpapakulong ko sa kanya?"

"Kamahalan," pagpapatuloy ni Sarito, "hindi man po ako kasing talino ng mga tagapayo niyo pero ito lang po ang masasabi ko. Kayo po ang nararapat na mamuno sa Imperyong Cenpyre, bastardo man kayo, may dugo pa rin kayo ni Emperador Cresento at ng mga naunang Emperador. Sa inyo po ang Imperyong ito, hindi na po kayo dapat nagdududa sa sarili niyo. Hindi rin po kayo pinaparusahan ng mga Panginoon sa nangyari sa inyo ni Fierro. Matagal na pong patay ang Fierrong itinuring niyong kapatid, namatay siya ng lamunin ng kadiliman ang natitira sa kanyang puso, nararapat lamang ang kaparusahan niya. Wala kayong ginawang masama. Higit sa lahat, hindi po gawain ng mga Diyos na pahirapan at pagdusahin ang kanyang mga nilikha...may dahilan kung bakit nangyayari ang mga nangyayari ngayon...marahil sa ngayon hindi pa lang natin maintindihan."

Itinanim ni Costan sa isip niya ang mga sinabi ng Kapitan. Lahat ng nabanggit niya ay totoo at tila nakaramdam siya ng inis sa kanyang sarili sa kanyang pagdududa at pagsisisi sa mga bagay na hindi naman talaga nararapat.

Ilang saglit nabalutan ng katahimikan ang buong Templo at ang tanging tunog na maririnig lamang ay ang bulong ng mga apoy sa kandila.

"Ano po ba ang pinakahuling balita ng manggagamot sa inyong mag-ina?" Winakasan ni Sarito ang nakakabinging katahimikan sa loob.

"Ganoon pa rin, maaaring isa lang sa kanila ang mabuhay," ikinalungkot na tugon ng Emperador, "Ito ba ang kapalit ng kapangyarihan? Hawak ko nga ang Buong Lupain sa aking palad pero hindi ang buhay ng aking mga mahal sa buhay."

"Ang magagawa na lamang natin ngayon ay magdasal at humingi ng kahit katiting na milagro," sagot ni Sarito.

Bahagyang nagulantang si Costan sa huling salitang binitawan ni Sarito: Milagro. Biglaang bumalik sa kanyang gunita ang alaala ng nakalipas noong mga bata pa sila ni Fierro, nagtungo sila sa Mahiwagang Gubat ng Cen upang kumuha ng lunas para mapagaling ang malubhang kalagayan ng kanilang amang si Emperador Cresento. Ang katas ng Mahiwagang Bulaklak ng Cen, noong ininom ito ng dating Emperador, gumaling ang kanyang sugat at siya'y milagrong nakaligtas sa malubhang pinsala. Maaaring ito ang milagrong kinakailangan nila para masagip si Ysavel at ang kanilang anak.

"Kapitan, ipatawag mo ang iba pang mga kawal," sinabi niya ng walang paligoy-ligoy.

"Para saan po?" tanong ni Kapitan Sarito.

"Para samahan akong magtungo sa Gubat ng Cen," sagot niya.

***

Gaya ng ipinag-utos ng Emperador, nagtungo ang karamihan ng mga Kawal sa Mahiwagang Gubat ng Cen sa panguguna ni Kapitan Sarito.

"Nagbigay ng isang malahagang gawain sa atin ang Kamahalan," paglalahad niya, "ang hanapin sa Gubat na ito ang Mahiwagang Bulaklak ng Cen, sinasabing ang katas lang nito ang tanging pag-asa para mailigtas ang Emperatris Ysavel at ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Sa paglalarawan ng kamahalan, ang bulaklak ay kulay luntian at ito ay kumikinang lalo na sa gabi."

Sinimulan ng mga kawal ang paghahanap ng Bulaklak sa masukal na kagubatan, bitbit-bitbit ang kanilang mga lampara sapagkat may kadiliman na ang gabi.

Nauna na si Costan sa paghahanap bago man maatasan ng Kapitan ang ibang mga kawal, pagkabalik niya sa bukana ng gubat malapit sa Palasyo, sumalubong sa kanya ang mga kababayan niyang Cenpyero na tila may hinahanap rin sa kagubatan. Maging sina Aling Mela, Ermin at Lynda ay kasama rin sa kanila.

"Aling Mela, Ermin, Lynda, naririto rin kayo," pagbati ng kamahalan.

"Opo, kamahalan, mahalaga po sa amin si Emperatris Ysavel at tutulong po kami sa paghahanap ng lunas," saad ni Lynda.

"Ipinapangako po namin na hindi kami uuwi hanggang hindi namin nahahanap ang makapagpapagaling sa inyong mag-ina," dugtong ni Ermin.

"Kamahalan, maging ang inyong nasasakupan ay handang tumulong sa inyo, hindi ba?" tinanong ni Mela ang mga kababayang kasama nila sa paghahanap.

"Oo naman," sagot nila, "para sa Emperador."

"Maraming salamat sa inyong suporta, hinding-hindi ko makakalimutan ang ginawa niyong pagtulong ngayong gabi."

Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ni Costan sa kanilang presensiya, mabigat man ang pagsubok na kanyang kinakaharap, alam niyang hindi siya nag-iisa sapagkat marami ang handang tumulong at magmalasakit para sa kanya.

Nakisama na rin sa paghahanap ang mag-amang tagapayo na si Heman at Ving, pati na rin ang magtiyahin na Edina at Editha. Nagkasabay ang kanilang pagdating sa kagubatan at hindi maiwasan ni Ving na mapalingon sa dalagitang inaasar sa kanya ng ama. Napalingon rin si Editha sa binatang tagapayo at sila ay nagkangitian.

"Editha, gusto mong samahan na kitang maghanap?" nahihiyang alok ng Tagapayo sa dalagita.

"Sige," sagot niya.

"Tara, hindi pa tayo nakakapaghanap doon," itinuro ni Ving ang kabilang sulok at doon sila nagsimulang maghanap.

Nagpatuloy ang paghahanap ni Costan, ng mga kawal at ng mga kababayan sa kagubatan. Inakyat nila ang mga mababatong daanan pataas ng kabundukan, pati na rin ang tuktok ng mga kapunuan, naghahanap sa bawat pugad. Naghalughog ang iba sa mga maliliit na kweba at lunggaan ng mga hayop, baka sakaling naroroon ang bulaklak ngunit sila ay nabigo. Lumipas ang ilang oras at lumalim lalo ang gabi, marami silang nakikitang iba't-ibang bulaklak sa kagubatan tulad ng rosas, gumamela, santan at iba pa pero wala pa rin silang nahahanap na bulaklak na kahalintulad ng Mahiwagang Bulaklak ng Cen, kung mayroon man ang nasabing bulaklak, siguradong madali nila itong mahahanap sa taglay nitong liwanag lalo na sa ganitong oras ng gabi, pero ang mahiwagang bulaklak na paminsan-minsan ay umuusbong sa Gubat ng Cen ay tila naglaho na ng tuluyan sa hindi malamang dahilan. Ang lahat ay nakakaramdam na ng pagod, maging ang Emperador ay nakadadama na ng pangangalay sa kanyang paa pati na rin ang kanyang kamay sa matagal na paghawak ng lampara. Dahil sa pagiging abala nila sa paghahanap ng lunas, hindi nila namalayang inabot na sila ng Bukang-liwayway sa kagubatan.Napagpasyahan na ni Kapitan Sarito na pagpahingahin ang kanyang mga kawal.

"Kamahalan, hihingi po sana ako ng pahintulot na pagpahingahin ang ating mga kawal para makatulog na sila."

"Hindi!" mahigpit na pagbabawal ng Emperador. "Walang uuwi hanggang hindi nahahanap ang Mahiwagang Bulaklak, naiintindihan niyo ba ako?"

"Opo kamahalan, pero pagod na rin po ang ating mga tauhan sa paghahanap, nilibot na nila ang buong kagubatan, inakyat ang mga puno't-kabundukan, pinasok ang bawat kweba't-lungga. Kung saan-saan na sila naghanap ngunit hindi nila nakita ni kislap ng bulaklak."

Napailing si Costan at napahawak sa kanyang noo sa pamomroblema, "hindi, kailangang mahanap ang bulaklak kahit saang lupalop pa ako dalhin ng aking mga paa. Kung di niyo mahanap, ako na lang ang gagawa!"

Walang pagdadalawang-isip na nilayasan ni Costan ang Kapitan at ang kanyang mga kawal, tinignan ni Sarito ng may pagkahabag ang Emperador.

***

Patuloy na tinahak ni Costan ang kailaliman ng kagubatan, hindi siya tumigil sa pagtakbo hanggang sa bumigay na ang lakas ng kanyang mga paa at siya'y napabagsak sa damuhan, lingid sa kanyang kaalaman nakarating na siya sa bahagi ng kagubatan na hindi pa niya nararating at hindi pa rin nararating ninuman. Wala na siyang pakialam kung saan siya napadpad, iisa lang ang mahalaga sa kanya. Ang makuha ang lunas at masagip ang buhay ng mag-ina.

Kailangan kong mahanap ang bulaklak!

Wala ng inaksayang panahon ang Emperador, ibinangon niya ang nangangalay niyang binti at itinuloy ang paghahanap.

Habang naglalakad, pumukaw sa kanyang pansin ang isang malaking kweba sa kasuluk-sulukan ng kagubatan, may kalakihan ito kung ikukumpara sa mga kwebang karaniwang nakikita nila sa gubat ngunit may kaliitan lamang ang pasukan.

Pumasok si Costan sa loob, kinakailangan pa niyang pagkasyahin ang sarili sa pasukan pero nang siya'y nasa loob na, napagtanto niyang malawak at maluwag pala ito.

Pinagmasdan ng Emperador ang paligid, may mahabang daanan ang kweba sa looban, ang itaas ay napapaligiran ng mga magagaspang at patusok na bato kung saan nakasabit ang mga paniki. Tanging ang ingay lamang ng kanilang mga pakpak ang maririnig at ang mga kaluskos ng sinumang nasa loob.

Nagtungo si Costan sa diretsong daanan, nagmamatyag sa paligid, hinahanap ang bulaklak, pagkadaan niya sumalubong sa kanya ang dalawang daanan sa kaliwa at kanan. Walang maaaninag na liwanag sa kaliwa, at dahil naiwan na niya ang kanyang lampara, pinili na lang niyang puntahan ang kanan.

Pagkadating niya sa kanang bahagi ng kweba, natigilan ang Emperador sa kanyang nakita, nanlaki ang kanyang mga mata at halos bumaba na ang kanyang panga.

Ginto!

Imbes na matagpuan niya ang bulaklak, ang nahanap ay isang kwebang punong-puno ng ginintuang bato, sa itaas, sa ibaba, pati na rin sa kaliwa at kanan ng buong kweba ay napapaligiran ng mga kumikinang na ginto. Iba-iba ang kanilang laki, hugis at anyo. Ang karamihan ay maliliit lamang at kasing laki lamang ng isang baryang Cepros, pero ang iba naman ay may kalakihan rin at nakakita si Costan nang isang halos kapareho na ng kanyang ulo ang laki. Hindi mabilang kung gaano sila kadami, maaaring, ilang daan o ilang libo. Nakadikit sila sa bato at kinakailangan na lang ay mga minero at tauhan para hukayin ang mga ito. Gayunpaman, hindi ito pinag-interesan ni Costan. Siya na ang Emperador ng Imperyong Cenpyre at ang kapangyarihan niya ay higit pa sa lahat ng gintong makukuha niya rito.

Hindi kayang buhayin ng mga gintong ito ang aking mag-ina.

Hinanap niya ang Bulaklak sa kweba ng ginto, ngunit siya ay nabigong matagpuan ang lunas na hinahangad.

Napasandal si Costan sa isa sa mga dingding na puno ng ginto, umagos ang luha sa kanyang mga mata, na bunga ng kanyang kabiguan. Nahanap na niya ang lahat ng gintong maaari niyang makita sa tanang buhay niya ngunit hindi ang lunas para sa kanyang pamilya.

Sa kasagsagan ng kanyang pagtangis, isang kakaibang tunog ang narinig ng Emperador na siyang nagpahinto sa pagbaba ng kanyang mga luha. Tumayo siya kanyang kinaroroon, sinisiyasat kung saan nanggagaling ang tunog.

Para bang may isang kahali-halinang tinig ang sumasabay na isang himig na kasing banayad ng isang maliit na kampana.

Dyn din dyn...Dyn din dyn...Dyn din dyn...

Naglakad si Costan hanggang sa makalabas siya pabalik sa dalawang magkasalubong na daanan, narinig niya ang kakaibang tunog sa madilim na daanan sa kaliwa.

Doon nanggagaling ang tunog.

Sa pagtahak niya sa kaliwa lalo lamang kumiliti sa kanyang pangdinig ang kaakit-akit na tugtugin, kahit na puno ng kalungkutan at kabiguan ang kanyang puso, tila nakaramdam siya ng kakaibang kaginhawan at katahimikan.

Narinig niya ang isang tinig na sumasabay sa napakagandang himno, parang isang batang may malambot na boses, siya'y kumakanta sa lengguaheng hindi batid ng Emperador ngunit hindi naman ito nakasagabal sa pagsabay ng puso niya sa berso ng himig. Kakaibang kasiyahan at kapanatagan ang inihahatid nito sa kanyang kaluluwa, maihahalintulad sa heleng ibinibigay ng ina sa kanyang anak, kasing pareho ng dahan-dahang pagpatak ng ulan sa dahon.

Ano ba ang himig na'to? Maaari bang tinig ito ng mga Diyos at ako'y inaawitan nila?

Dahil sa angking karisma ng awit na kanyang naririnig, hindi na niya namalayang naglalakad na siya sa kadiliman ng kweba. Ang tanging naaninag lamang niya ay ang kumikinang na liwanag sa dulo ng daan.

Nang marating niya ang labas ng kweba, namataan niya ang isang talon na may kalakasan ang inaagos na tubig. Ngayon niya lamang nakita ang ganitong talon sa Gubat ng Cen, napakalinis ng tubig na umaagos dito at napakatingkad ng sinag ng araw at ng purong asul na kalangitan.

Nagpasya siyang lapitan ang talon nang bigla niyang mapansin ang isang kakaibang bulaklak na may mataas na tangkay sa damuhan. Kahalintulad ito ng anyo ng Mahiwagang Bulaklak, hindi siya maaaring magkamali, pero ito ay hindi kumikinang.

"Kuminang ka na lang...kuminang ka na lang...kailangan kong kuminang ka."

Sa kanyang pagkabigla, isang nakakasilaw na liwanag ang kuminang sa kanyang paningin at siya'y bahagyang napaurong. Napagtanto niyang hindi nga siya nagkamali. Ito nga ang Mahiwagang Bulaklak ng Cen. Ang lunas na hinahanap niya.Napangiti si Costan kasabay ng pagbaba ng luha sa kanyang kanang mata.

***

"Costan?" saad ni Ysavel noong siya'y nagising, "nasaan si Costan?"

Mataas pa rin ang lagnat ng Emperatris, malamlam pa rin ang kanyang mga asul na mata at kasing hina pa rin ng bulong ang kanyang matamlay na boses.

"May pinuntahan lang ang Emperador," sagot ni Edina sa kanya, "paparating na rin siya."

Bumukas ang pinto sa silid at lumitaw si Costan, na may hawak na baso. Laman nito ang pinakuluang katas ng Mahiwagang Bulaklak.

"Mahal...masama pa rin ang pakiramdam ko...papaano na si Covel?" tanong ni Ysavel.

"Huwag kang mag-alala, Ysavel," paninigurado ni Costan, "mabubuhay si Covel...mabubuhay ka rin."

Ipinakita ng Emperador ang lunas kay Ysavel.

"Iyan ba ang..."

"Oo, Ysavel ito ang lunas na magpapagaling sa'yo. Hinanap ko ito para sa'yo...para sa inyo."

Hinimas ni Costan ang kanyang tiyan. "Ito inumin mo."

Dahan-dahang hinigop ni Ysavel ang katas ng Mahiwagang Bulaklak at ilang minuto lang, nawala ang pamumutla ng kanyang balat pati na rin ang lamlam ng kanyang mata. Hinipo niya ang kanyang noo at bumalik na sa normal ang kanyang temperatura.

"Costan," maging ang lakas ng kanyang tinig ay muling nanumbalik.

Bumangon siya sa kanyang kinahihigaan at naglakad palapit sa kanyang asawa, dala-dala ang sanggol sa kanyang sinapupunan "magaling na ko."

Natawa si Costan sa ligaya, "magaling ka na! Salamat! Salamat! Ligtas na kayo ng anak natin!"

Niayakap niya ng mahigpit si Ysavel na para bang ayaw na niya itong malayo sa kanyang piling. Ngayon, hindi na niya kailangang mamili kay Ysavel at sa kanilang anak. Maaaring ang kapangyarihan nga ng bulaklak ang naging instrumento sa paggaling ng Emperatris ngunit ang pagpupursige, pagsusumikap at determinasyon ng Emperador ang tunay na nagligtas sa buhay ng kanyang pamilya.

***

Ikinatuwa ng lahat ang paggaling ng Emperatris, muling lumipad ang mga araw at isang buwan ang nakalipas, dumating na ang araw na pinakahihintay ni Costan. Ang araw na isisilang na ang kanyang panganay na anak.

Sa labas ng silid, naririnig ni Costan ang mga pag-ire ni Ysavel habang siya'y nanganganak. Paikot-ikot siya sa paligid ng silid, may kaunting pag-aalala pa rin para sa kanyang mag-ina.

Sa loob ng silid, hindi pa rin natatapos ang pag-ire ni Ysavel.

"Kaunti na lang at lalabas na ang sanggol," saad ng Tagapagpaanak.

Binigay ng Emperatris ang pinakamalakas na ire na kanyang nagawa sa buong buhay niya para maitulak palabas ng kanyang sinapupunan ang bata.

Matapos ang kanyang pag-ire, narinig niya ang pag-iyak ng bagong silang niyang anak.

Ilang minuto ang nakalipas, lumabas ang Tagapagpaanak na kaagad namang inusisa ng Emperador.

"Kamusta po ang mag-ina ko?"

"Matagumpay po ang panganganak ng Emperatris, lalaki po ang anak niyo," pagbubunyag niya, "pwede niyo na po silang makita."

"Maraming salamat po," saad ni Costan bago pumasok sa loob ng silid.

Pagkapasok ni Costan, nasilayan niya ang kanyang asawa, nakahiga kasama ang bagong silang nilang anak.

"Costan," naluluhang pagtawag ni Ysavel, "nandito na ang anak mo. Nandito na si Covel."

Unti-unting lumapit si Costan sa kanyang mag-ina, nakabalot sa puting tela ang sanggol, at tanging ulo't braso lamang niya ang makikita. Nang masilayan niya ang kanyang anak, para bang tumigil ang kanyang mundo.

Umupo siya malapit sa kanila habang haplos-haplos ang buhok ni Ysavel. Nakatitig siya ng taimtim sa sanggol, hindi kumukurap.

"Napakagwapo niya, para siyang maliit na anghel," papuri ni Ysavel sa batang prinsipe.

Nakapikit pa ang sanggol, mamula-mula ang may kabilugan niyang pisngi, hinimas ni Costan ang kapiraso niyang buhok sa ulo. Kulay kape ang kanyang buhok na may katingakaran rin ang pagkapula na namana niya kay Ysavel. Maya-maya nagising ang sanggol at bahagyang idinilat ang kanyang mga mata. Hindi pa man gaano halata, pero naaninag ni Costan na may pagkaberde ang mata ng sanggol na namana nito sa kanya at sa mga naunang Emperador.

Tumingin ang sanggol sa kanyang ama, ngunit di pa alam ni Costan kung nakikita na siya nito.

"Covel, siya ang iyong ama," kinausap ni Ysavel ang bata.

Bahagyang umimik ang sanggol na para bang sinagot niya ang ina. Napakaliit pa niya at maihahalintulad siya sa laki ng mga laruang manika.

Hinawakan ni Costan ang may kaliitan niyang kamay at nang maramdaman niya ang bahagya niyang paggalaw, kakaibang kasiyahan ang nadama niya. Siguro nga ganito ang pakiramdam ng mga bagong ama. Ang makita at mahawakan sa iyong piling ang sarili mong anak na siyang dugo't-laman sa unang pakakataon ay isa sa mga sandaling kahit kailan ay hindi niya ipagpapalit.

"Covel, anak, ako ang iyong ama," halos mabasag na ang tinig ni Costan dahil sa kanyang pagluha, "mahal na mahal ka namin ng iyong ina."

Hinagkan ng Emperador ang bagong panganak na Emperatris, pagkatapos ang bagong silang na prinsipe naman ang kanyang hinagkan sa noo.

Covel, anak, noong hindi ka pa man isinisilang sa mundong ito, isang pagsubok na agad ang iyong nalagpasan. Matatag ka, anak. Alam kong paglaki mo, makakayanan mo rin ang lahat ng pagsubok at hamon ng buhay. Magiging isa kang magiting na mandirigma at isang pinunong mamahalin ng iyong mga nasasakupan, aking unang tagapagmana

***

-Dusa ng Bilanggo sa Kontinente ng Kanluran-

Sa madilim at mainit na bilangguan, nagtungo ang Punong Bantay ng Dusa ng Bilanggo na si Lupet para siyasatin ang isang bilanggo. Nakabantay ang mga guwardiya sa isang kriminal na itinuturing ng Emperador na mapanganib.

Nilapitan ni Lupet ang nasabing bilanggo na may kakaibang ngiti sa kanyang malahalimaw na pagmumukha.

"Fierro, kamusta na?" tanong ni Lupet sa mapang-insultong tono.

Hindi siya inimik ng bilanggo, tulala lamang itong nakatitig sa isang sulok sa ibaba.

Humaba na ang kanyang buhok na ngayon ay aabot na sa kanyang balikat, maging ang kanyang balbas ay may kakapalan na rin kagaya ng mga ermitanyo. Hulpak ang kanyang mukha, animo'y isang manipis na patpat na lamang ang kanyang dalawang braso at halata na ang buto sa kanyang tadyang. Hindi na makikilala ang nasirang Prinsipe ng Cenpyre sa laki ng pinagbago ng kanyang anyo.

"Aba, matigas ah, dinedma lang ako," hinampas niya ng latigo ang likuran ni Fierro. Hindi siya umimik o humiyaw ngunit siya ay napapikit sa sakit.

"Nasasanay ka na bata," ngumisi ang Punong Bantay sa kanya, "sabi sa akin ng mga bantay, naigagalaw mo na raw ang mga kamay mo, totoo ba ito o nagkakamali lang sila?Sagutin mo ko."

Nanatiling nakatulala si Fierro na parang walang naririnig.

"Ang sabi ko sagutin mo ko!" sabay humampas ang latigo ni Lupet sa dibdib niya.

Binukas-sara ni Fierro ang kanyang kamao, bilang pagsagot sa kanya.

Natawa si Lupet nang makita niya ito, "biruin mo nga naman, naigagalaw mo na nga ang mga kamay mo, pero bakit parang napipi ka na?"

Sabay-sabay na humalakhak ang lahat ng mga bantay sa bilangguan, umalingawngaw sa malawak na bilangguan ang kanilang mga pagtawa, inabot ng isang bantay ang isang mangkok ng mainit na sabaw kay Lupet na siya namang ibinaba ng Punong Bantay malapit kay Fierro.

"Ito, mainit na sabaw, pabuya dahil nakakagalaw ka na..." Pangungutya ni Lupet, pagkatapos sinenyasan niya ang ibang bantay na ibaba ang kadena ni Fierro nang sa ganoon ay makakain siya.

Nang ibaba nila ang kadena, bumagsak si Fierro sa sahig sapagkat baldado pa rin ang kanyang mga paa at ang braso at kamay lang ang naigagalaw niya.

"Kumain ka na, kamahalan," yumuko ng may pag-uuyam si Lupet. "Alam mo noong bagong dating ka rito, gustong-gusto na kitang patayin, pinainit mo ng sobra ang dugo ko, pero ngayon napagtanto ko, mas makakabuti kung buhay ka pa, para mabulok ka rito at maranasan mo ang lupit ni Lupet. Isa pa kung patay ka na sino na lang ang paglalaruan namin? Ikaw lang ang pinagkakatuwaan namin sa mainit at mabahong lugar na ito."

Tinalikuran ni Lupet si Fierro nang may biglang pumasok sa kanyang isip, "tsaka nga pala. May nabalitaan ako...ang pagkakaalam ko isinilang na ang unang heredero ni Emperador Costan at Emperatris Ysavel...lalaki raw ang anak nila."

Nanlaki ang mga mata ni Fierro ngunit hindi niya ito gaanong pinahalata.

"Sinabi ko lang sa'yo para alam mo," isang nakakayamot na ngiti ang ipinambati ni Lupet sa kanya bago siya tuluyang umalis.

Noong wala na ang Punong Bantay, nanggalaiti ang mukha ni Fierro sa kanyang nalaman, si Costan ay masayang namumuno sa Imperyong Cenpyre kasama si Ysavel at ang kanilang anak habang siya ay nabubulok sa impiyernong kanyang kinaroroonan.

Sumara ang kanyang kamao sa pagkamuhi at padabog niyang hinampas papalayo ang mainit na mangkok ng sabaw sa kanyang harapan, unti-unting namula ang kanyang mga mata kasabay ng paglabas ng tinitimpi niyang galit.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro