Prologo: Ang Pag-usig sa mga Tagapagmana
Gaya ng kanilang balak, nilusob ni Fierro sa pamamagitan ng wangis ni Costan at ng mga mersenaryo ang iba't-ibang Lupain sa Imperyo, pinagpapaslang nila ang mga walang kamalay-malay na tao mula sa Heracio, Ossig, Artemias, Kartiño at Mairuz. Dumanak ang dugo sa bawat Lupain at nabasag ang katahimikan at kapayapaang iniingatan ng Emperador.
-Lupain ng Ossig-
Kasalukuyang nalalapit na patungo sa Imperyo sina Konde Ysidro at Kondesa Sandra, wala silang kaalam-alam sa mga kaguluhang naganap ngayong araw na ito. Nasa karwahe ang mag-asawa nang marinig nila ang mga pagluha, sigawan at paghihinagpis ng taumbayan sa Lupain ng Ossig. Napagpasyahan nilang bumaba upang tignan kung ano ang nangyayari.
Pagkababa nila, sumalubong sa kanila ang mga bangkay ng mga taong walang awang pinaslang sa kanilang mga tahanan. Nagkalat ang mga labi at purong kulay pula ang makikita sa paligid. Patay ang humigit kumulang sa kalahati ang populasyon ng Ossig: bata man o matanda, lalaki man o babae, wala silang pinili. Naghihinagpis ang mga nakaligtas nilang kaanak at walang humpay ang pagtangis na maririnig.
Hindi masikmura ni Sandra ang karumal-dumal na pagpatay. Tila bumaliktad ang kanyang sikmura at para bang masusuka na siya sa presensiya ng mga pinaslang.
"Anong nangyari rito?" Nagigimbal na napatanong ang Kondesa habang nakatakip ang kanyang bibig.
"Mga hayop sila!" sagot ng isang dalagitang pinaslang ang mga magulang. "Pinagpapaslang nila ang lahat! Wala silang awa!"
"Sino? Sino ang walang kaluluwang gumawa nito sa inyong mga pamilya?" Usisa ni Konde Ysidro sa kanila.
"Ang manugang niyo!" sagot ng isa sa kanila. "Si Emperador Costan! Inutusan niya ang mga Militanteng Itmai at Puttlan na paslangin kaming lahat! Walanghiya siya!"
Sa kanilang pagkagulat, wala ng naisagot si Konde Ysidro at Kondesa Sandra sa kanila. Nagkatinginan ang magkabiyak, hindi makapaniwala ang dalawa sa kanilang natuklasan.
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Sa kanyang nakasarang silid, nananatiling walang malay sa may sahig ang Emperador Costan, namumuo ang nang-iinit na pawis sa kanyang noo at pisngi, pumula ang kanyang pisngi na tila mas matindi pa sa isang taong namumula sa kilig.
"Costan!" nag-aalalang pagtawag ni Ysavel kasabay ng kanyang walang humpay na pagkatok. "Costan, ano bang nangyayari dyan? Bakit hindi mo buksan ang pinto?"
Kanina pa siya kinakatok ng Emperatris ngunit hanggang ngayon hindi ito umiimik, kahit katiting na sagot man lang ay walang narinig na sagot si Ysavel mula sa kanyang asawa at ito'y kanyang ikinabahala.
Sinubukan niyang buksan ang nakakandadong pinto pero sa sobrang higpit nito, nasaktan lamang ang makikinis na palad ng Emperatris. Hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Ysavel at agad niyang ipinatawag si Kapitan Sarito at ang iba pang mga kawal at katiwala para tumulong sa pagbukas ng nakasaradong silid.
Iisa-isang sumubok si Kapitan Sarito at ang mga kawal sa pagbubukas, gayunpaman, nananatiling mahigpit ang kapit ng pinto at sila'y namilipit sa pagpupumilit nilang mabuksan ito.
Kinuha ni Sarito ang kanyang espada, ipinuwesto sa may bukasan at inugay nang malakas. Noong una'y nabigo siyang mabuksan ito ngunit napansin niyang nadisporma ang bukasan, kaya naman muli siyang umugay, at sa pagkakataong ito, nasira niya ang bukasan at matagumpay niyang nabuksan ang silid.
Nag-aalalang pumasok si Ysavel sa loob at bumulagta sa kanila ang walang malay na Emperador na nakahandusay sa sahig.
"Costan!" napasigaw ang Emperatris.
"Kamahalan!" Napalakas rin ang tinig ni Sarito at ng iba pang mga kawal.
Pinagmasdan ni Ysavel si Costan at napansin niya ang kanyang pagpapawis at pamumula ng kanyang pisngi.
"Costan, mahal!" Pinilit gisingin ng Emperatris ang Emperador. "Costan, gumising ka!"
Nagsimulang umungol si Costan na para bang binabangungot ito.
"Tumawag kayo ng Manggagamot, bilis!" utos ni Ysavel sa mga kawal.
Tumakbo ang mga kawal na natataranta at hindi malaman ang gagawin.
"Costan!" Napasampal ang Emperatris sa magkabilang pisngi ng asawa sa kagustuhan niyang maibalik ito sa wisyo.
Napadilat ang mata ng Emperador kasabay ng isang malakas na paghinga na animo'y nagising siya sa isang malalim na tulog. Hinihingal si Costan at may kabilisan ang kabog ng kanyang dibdib.
"Costan, ano bang nangyari?" halos maluha-luha si Ysavel sa matinding pag-aalala. "Bakit ka nawalan ng malay?"
Patuloy ang paghahabol ng Emperador sa kanyang hininga, muli niyang inalala ang mga nakita habang nasa malayo ang kanyang kamalayan.
Dugo, karahasan, mga taong walang buhay.
Sumakit ang kanyang ulo sa mga nagunita.
"N-nakita ko ang mga taong tutulungan ko," paglalahad niya sa Emperatris, "Inuusig sila ng mga taong halang ang kaluluwa, pinapaslang sila na parang mga hayop, dumanak ang dugo sa mga kabahayan, nagkalat ang mga bangkay sa bawat sulok ng Imperyo...lalaki man o babae, bata man o matanda... At ako'y nakatayo lamang sa kanilang harapan habang sila'y pinapatay, walang man lang magawa para matulungan sila!"
Hindi namalayan ng Emperador na umaagos na ang mga luha mula sa kanyang mga mata.
"Mahal, binangungot ka lang," nagimbal si Ysavel sa ibinunyag ng asawa ngunit mas nangibabaw sa kanya ang kagustuhang pagaangin ang loob ng Emperador, "hindi totoo ang lahat ng ito."
"Hindi, Ysavel!" tinutulan ni Costan ang kabiyak. "Hindi ako nananaginip, totoo ang lahat ng nakita ko! Rinig na rinig ko kung sino ang nagbibigay ng utos. Si Fierro! Gawa ito ni Fierro!"
Nagulumihanan si Ysavel sa sinabi ni Costan, "ano? Hindi kita maintindihan. Sabi mo sa akin natagpuang patay si Fierro nang gumuho ang kanyang bilangguan. Paano niya ito magagawa kung patay na siya?"
"Hindi siya patay, Ysavel," muling pagtatapat ng Emperador, "buhay siya at naririto siya ngayon sa Imperyo."
***
Pagsapit ng hapon, nagtipon-tipon ang mg kaanak ng mga nasawi sa iba't-ibang bayan ng Sentralisadong Imperyo para magdamayan sa mga nasawi nilang kapamilya. Nagsidaluhan rin ang mga nakaligtas sa mga kalapit-lupain.
"Mga hayop sila," umiiyak na saad ng isang lalaki, "napakabilis ng mga pangyayari, nakita ko na lang kung paano initak ng mga walanghiyang militante ang aking mag-ina at wala man lang akong nagawa."
"Huwag mong sisihin ang sarili mo sa nangyari," sagot ng isang ginang, "lahat tayo walang kamalay-malay, ang buong akala lang natin, tutulungan at pakakainin tayo ng Emperador gaya ng ginagawa niya dati, pero niloko niya lang tayong lahat. Nang dahil sa kanya, namatay ang anak at apo ko. Hinampas sila ng palakol sa ulo na bumaon sa kanilang mga bungo, pagkatapos ay pinugutan!"
"Papaano nagawa sa atin ito ng Emperador?" tanong ng isa sa kanila. "Pagkatapos natin siyang hangaan at mahalin. Kulang na lang sambahin natin siya sa kabutihan niya sa atin."
"Anong pumasok sa isa isip niya, anong nakain niya para makipagkampihan sa mga hayop na iyon at ipapatay tayong lahat!" Galit na galit na ang isang matandang babae.
"Ibang Emperador Costan ang nakita ko kanina, mabagsik, marahas, malupit...ibang-iba sa Emperador na minahal natin noon! Gawa-gawa lamang ba niya ang kabatan niya para kunin ang tiwala natin nang sa ganun ay madali niya tayong mapatay?"
"Malamang," sumang-ayon ang karamihan sa mga saksi.
"Ang balita ko hindi lamang tayo ang biniktima niya, nagkalat rin ang mga labi sa Lupain ng Heracio, Artemias, Kartiño at Ossig. Pinatay rin sila ng mga Itmai at Puttlan sa utos ni Emperador Costan! Pareho rin ang pahayag ng mga nakaligtas! Hindi ba?"
Nilingon ng lalaki ang mga tagaibang lupain.
"Oo, si Emperador Costan ang nagbigay ng utos," sagot ng isang binatilyo, "kitang-kita namin, maliwanag pa sa araw."
"Sumsosobra na ito," umiiyak na napapailing ang isang ina, "ano bang ginawa natin? Bakit kailangang dumanak ang dugo ng mga inosenteng tao?"
"Dapat may managot dito," paninindigan ng isang Lolo, "hindi dapat natin kunsintihin ang ganitong karahasan!"
"Kailangan nating lumaban! Kailangang makuha natin ang hustisya para sa ating mga pamilya at pati na rin sa iba pang nabiktima!"
Nagsama-sama ang tinig ng mga Cenpyero, ang hiyaw ng kanilang galit at pagkasuklam.
"Pero ano naman ang laban natin laban sa Emperador?" tanong ng isang matandang lalaki. "Maliliit na tao lamang tayo. Sino ang tutulong sa atin?"
Nabalutan ng katahimikan ang paligid sa sinabi ng matanda, napagtanto ng karamihan na may punto ito at maaaring hindi sila magtagumpay sa binabalak nilang pag-aaklas. Walang simuman ang nakapagsalita, maliban lamang sa isa.
"Ako!" Isang mapaghamong tinig ang narinig ng taumbayan sa kanilang likuran, lahat sila'y napalingon at nabigla sa kanilang nakita.
Taas-noong, nagtungo papalapit sa kanila ang dating tagapagmana ng Imperyong Cenpyre, ang nasirang Prinsipe Fierro. Nasa likuran niya si Lodell at ang bagong Kapitan na si Malko.
"Prinsipe Fierro?" Sambit ng karamihan sa kanila, bumaba ang kanilang panga sa pagkagulat at ang iba naman ay nagsibulungan sa kanilang mga katabi.
"Anong ginagawa niya rito? Akala ko ba patay na siya?"
"Mga kababayan, wala kayong dapat ipag-alala," maamong saad ni Fierro. "Hindi ako nandito para manggulo, naririto ako para tumulong."
"Tulong?" saad ng isang matangkad na lalaki. "Hindi kami hihingi ng tulong sa isang alagad ng kasamaang katulad mo!"
Napangiti si Fierro ngunit sa loob-loob niya, nais na niyang paslangin ang hampas-lupa.
"Hindi ko kayo masisisi kung ganyan ang tingin niyo sa akin. Lubha akong pinasama ni Costan sa lahat ng Cenpyero. Kung ano-anong kwento ang ginawa niya para siraan ako. Kung ano-anong kasinungalingan ang itinanim niya sa mga isipan niyo. Nagsabwatan sila ng kanyang ina para papaniwalaan si Ama na hindi ako ang tunay na tagapagmana, pagkatapos, ipinabilanggo pa niya ako dahil ako raw ay kampon ng kadiliman, isang bagay na walang katotohanan at napakaimposible. Hindi pa siya nakuntento, naghihirap na nga ako sa madilim at mainit na bilangguan, ipinag-utos pa niya sa mga Itmai at Puttlan na sunugin at pabagsakin ang Dusa ng Bilanggo para siguraduhing patay ako. Siguro naman nabalitaan niyo iyon. Nakaligtas lamang ako sa tulong ng isang kaibigan."
Inakbayan ni Fierro si Malko. Napaisip ang iba sa paglalahad niya, habang ang iba naman ay may bahid pa rin ng pagdududa.
"Totoo ang sinabi ng Kamahalan," sinakyan ni Malko ang kahibangan ni Fierro, "isa ako sa mga bilanggo noong maganap ang pagguho, narinig ko mismo sa isa mga Itmai na si Emperador Costan ang nag-utos sa kanila na pulbusin si Prinsipe Fierro. Nakikipagsabwatan ang Emperador sa mga milatante at siya ang utak sa lahat ng kaguluhang nangyayari ngayon sa Kanluran."
"Kalokohan!" hiyaw ng isang lalaki. "Bakit naman makikipagsabwatan ang Emperador sa mga militanteng grupo samantalang hawak naman niya ang buong Cenpyre at nasa kanya ang pinakamarami at pinakamalakas na mga hukbo!"
"Dahil segurista siya!" sagot ni Fierro. "Hindi niya matiyak kung napatay niya ako kaya naman nais niyang mas palakasin pa ang kanyang pwersa para kung sakaling babalik ako at kumampi sa akin ang taumbayan, nakahanda na siya. Nais niyang kuhanin ang Buong Kanluran at makukuha lamang niya ito kung tutulungan niya ang mga Itmai at Puttlan na siya namang bumubuo sa pitumpung porsiyento ng Kanluran. Nagkaroon sila ng kasunduan na bibigyan niya ng Lupain ang mga ito kung sila'y makikipagtulungan sa kanya, at kayo ang naging kapalit kaya naman pinagpapaslang nila kayong lahat! Nakareserba na ang inyong mga lupain para sa kanila! Matalino si Costan! Alam niyang kapag hawak na niya sa leeg ang Buong Kanluran, mas lalakas ang kanyang kapangyarihan at mahihirapan tayong tibagin siya!"
Hindi pa rin kumbinsido ang ilan sa paliwanag ni Fierro. "Ang lakas mo rin magturo! Bakit sa mismong araw na nagkagulo rito, bigla ka na lang sumulpot na parang kabute? Hindi ba nakapagtataka?"
Muling tinimpi ni Fierro ang apoy ng kanyang galit at sinubukan niyang maging kalmado sa bawat salitang kanyang binibitawan.
"Gaya ng sinabi ko kanina, hindi ko kayo masisisi kung hindi kayo magtitiwala sa akin ngayon. Nasa sa inyo na kung paniniwalaan niyo ko, ngunit pag-isipan niyo tong maigi. Sa lahat ng saksi, sino ba ang nakita niyong nag-utos na paslangin kayong lahat? Ako ba o si Costan?"
Walang nakasagot sa tinanong ni Fierro, maalala lang nila ang naganap, umaagos na ang luha sa kanilang mga mata.
"Hindi ako ang kaaway dito, naririto ako para tulungan kayong makabangon muli. Ang nangyari ngayon sa buong Imperyo ay isang malagim na trahedya, nakikiramay ako sa inyong lahat," pagpapatuloy ni Fierro, "masakit mang isipin ngunit ang may kagagawan nito ay ang parehong Emperador na inyong minahal, ginalang at nirespeto. Kung sino pa ang tumulong at nagmalasakit sa inyo noon, siya rin ang pumaslang sa inyong mga mahal sa buhay ngayon. Ang lahat ng kabutihang ipinamalas niya ay bahagi lamang ng kanyang palabas. Ngayon, inilahad na niya ang tunay niyang kulay, natapos na ang kanyang pagbabalat-kayo.
"May punto si Prinsipe Fierro," sumang-ayon ang isa sa kanila. "Hindi man natin paniwalaan ang kanyang mga salita, maaari natin itong panghawakan. Maaaring nagsisinungaling ang bibig ngunit hindi ang mga mata! Kitang-kita ko mismo kung paano inutusan ng Emperador na paslangin ang mga taong nagkukumpulan sa kanya! Nakita ko kung paano nila pinagtatataga ang aking mag-ina! Ang Emperador ang may kagagagawan nito! Walang duda!"
"Hindi siya tao!" sigaw ng isang ginang. "Halimaw siya!"
"Dapat niyang pagbayaran ang bawat dugong dumanak sa ating mga pamilya! Dugo sa dugo! Buhay sa buhay!"
Nagkangitian si Fierro at Lodell sa reaksyon ng taumbayan, nakasisiguro sila ngayon na makukuha na nila ang kooperasyon ng taumbayan sa kanilang mga balak.
"Kaya ngayon, sumunod kayo sa akin!" sigaw ni Fierro. "Lusubin natin ang Palasyo at putulin natin ang ugat ng lahat ng kabaluktutan at pati na rin ang kanyang mga bunga! Marami ang hukbo ngunit mas marami tayong mga Cenpyero! Samahan niyo ko at bibigyan ko ng katarungan ang inyong mga namayapang mahal sa buhay!"
Sabay-sabay na nagsihiyawan ang taumbayan bilang pagsang-ayon sa suhestiyon ni Fierro.
"Iluklok niyo ko sa trono at itatama ko ang lahat! Dudurugin ko ang mga Itmai at Puttlan! Pamumunuan ko ang Imperyo nang may integridad at katapatan sa aking mga nasasakupan gaya ng aking ama! Oras na para mamuno ang tunay na tagapagmana! "Ngayong gabi babagsak si Costan at pagsikat ng araw, ako na ang inyong Mataas na Emperador!"
"Para sa Tunay na Emperador!" sigaw ng taumbayan.
"Tara na at mag-aklas!" halos mapaos na si Fierro sa kanyang panghihikayat. Sumunod sa kanya ang taumbayan na tuluyan ng nalason ang kanilang isipan.
***
Sa pamumuno ni Fierro, nagsipaghanda ang taumbayan sa kanilang pag-atake sa palasyo, binigyan sila ng mga armas tulad ng espada, pana, tirador, sibat, palakol at iba pa. Ang iba namang kalalakihan ay nagtungo sa kakahoyan at nagputol ng mga Punong Kahoy bilang dagdag pwersa sa kanilang gagawing pagsalakay.
Pababa na ang araw nang magsulputan papunta sa Palasyo ang mga namumuhing Cenpyero mula sa iba't-ibang Lupain. Ang lahat ay galit na galit at pinaligiran nila ang mataas na pader ng mga kastilyo. Pinagbababato nila ang malaking pader at ilang guwardiya ang nakasaksi sa nagaganap na kaguluhan.
***
Hanggang ngayon punong-puno pa rin ng takot at kaba ang kalooban ng Emperador, pinapakalma siya ni Ysavel na nagpahain ng mainit na sabaw kay Mela para maibsan ang bigat ng kanyang kalooban.
Hindi nagtagal, nagmamadaling pinuntahan ni Sarito ang Emperador, dala-dala ang isang masamang balita.
"Kamahalan, may problema tayo," paglalahad niya, "may nangyayaring kaguluhan ngayon sa labas ng Palasyo."
"Kaguluhan? Anong kaguluhan?" pag-usisa ni Costan.
"May naganap na karumal-dumal na patayan sa iba't-ibang lupain ng Imperyo, libo-libong Cenpyero ang walang awang pinaslang sa kanilang mga tahanan, kagagawan raw ito ng mga militanteng Itmai at Puttlan, sinasabi ng mga nakaligtas na saksi na kayo ang nag-utos sa kanila na paslangin ang taumbayan at ngayon balak ng lusubin ng kaanak ng mga biktima ang buong palasyo!"
Napahawak sa kanyang noo si Costan kasabay ng pag-iling, "sinasabi ko na nga ba, totoo ang lahat ng nakita ko noong nawalan ako ng malay. Tiyak na kagagawan ito ni Fierro, ginamit niya ang katawan ko para masiraan ako sa mga nasasakupan ko."
"Ano na pong gagawin natin?" tanong ni Kapitan Sarito.
"Magpakita ka sa kanila," may pangamba man si Ysavel, nananatili pa rin ang kanyang paninindigan, "sabihin mong wala kang kasalanan, marami kaming magpapatunay na inosente ka sa mga pinaparatang nila."
Napaisip nang taimtim si Costan sa suhestiyon ng kabiyak, "madaling sabihin pero mahirap gawin, mahihirapan akong kumbinsihin sila, lalo pa at ang katauhan ko ang nakita nila. Kung ako ang nasa kalagayan nila, malamang hindi rin ako maniniwala, ngunit tama ka, Ysavel. Kailangan ko silang harapin para maipaliwanag ko ang lahat, pero ako lang."
Nagtaka si Ysavel, "anong ibig mong sabihin?"
"Naririto si Fierro," paglalahad ni Costan, "nararamdaman kong siya ang nasa likod ng pag-aalsa, at kapag dumating ang puntong mapasok ang Palasyo, kailangan wala na kayo dito ng mga bata."
"Hindi," tumutol si Ysavel, "kung haharapin mo si Fierro dapat naririto ako, haharapin natin siya ng magkasama, hindi ka namin iiwan!"
Sa pagkakataong ito ang emosyon naman ng Emperatris ang umabot sa sukdulan. Hindi niya maiitim na mawalay sa kanyang kabiyak lalo na ngayon at may panganib na nagbabadya.
"Makinig ka sa akin, Ysavel," pinakalma ni Costan ang Emperatris, "para ito sa kaligtasan niyo. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari sa inyo ng mga bata. Sa pagitan namin ito ni Fierro. Hindi ko isusugal ang buhay niyo sa laban namin."
Naunawaan ni Ysavel ang punto ng asawa hindi pa rin ito sang-ayon sa plano.
"Tawagin si Tiya Mela, Aling Edina at ang buong konseho, dalhin dito ang mga bata," utos ni Costan sa isang katiwala. Panahon na para isagawa nila ang planong napag-usapan nila noon sa isang pagpupulong.
"Kapitan Sarito, tipunin ang buong hukbo! Bantayan niyo ang bawat sulok ng Palasyo."
"Masusunod po, Kamahalan," tugon ng Kapitan, "ngunit paano po kung mapasok ng taumbayan ang Palasyo? Marami ang kanilang bilang. Hindi kakayanin ng ating hukbo."
"Huwag kang mabahala," paninigurado ni Costan, "hindi nila mapapasok ang Palasyo ng basta-basta, mayroon pa akong sapat na oras upang mapigilan ang kaguluhang ito."
***
"Hayop ka, Emperador Costan!" sigaw ng mga kalalakihang naghihimagsik.
"Pinapatay mo ang mga mahal namin sa buhay! Lumabas ka dyan at harapin mo kami ngayon!" Dagdag pa ng isang Ginang.
Patuloy ang panggugulo ng mga tao sa labas ng Palasyo, pilit nilang sinisira ang malalaking pintuan gamit ang mga pinutol nilang tangkay ng mga puno. Ang iba naman ay nagpupumilit na umakyat sa dingding. Umaksyon agad ang mga kawal at pinagpapana nila ang mga rebeldeng nagpupumilit akyatin ang pader.
***
Habang ang taumbayan ay patuloy na nanggugulo sa harap ng Palasyo, nagtungo naman si Fierro, Lodell, Malko at ang mga mersenaryo sa isa sa mga sikretong lagusan papasok ng Palasyo. Plano nilang pasukin nang palihim ang mga kastilyo habang ang mga ordinaryong mamamayan ay nambubulabog sa may bukana, sa oras na maisagawa nila ito, tsaka nila bubuksan ang pinto para tuluyang makapasok ang lahat ng nag-aaklas at mapasakanila na ang buong Palasyo.
Pagkababa nila sa kailaliman ng balon, natagpuan nilang naharangan na ng malalaking tipak ng bato ang buong lagusan at ito'y ikinabahala ni Lodell at Malko.
"May harang na ang lagusan," naiinis na sambit ni Malko.
"Mukhang mahihirapan na tayong pasukin ang Palasyo," sambit ni Lodell. "Maghanap na lang tayo ng ibang paraan."
Napangiti lamang si Fierro sa kanyang mga kasama, "ano ba naman kayo? Hanggang ngayon ba naman pinagdududahan niyo pa rin ako? Baka nakakalimutan niyong isa na akong Panginoon ngayon at sa isang Panginoon, walang imposible."
Pumwesto si Fierro malapit sa batuhan at itinuon niya rito ang kanyang mga mata. Pinagmasdan ni Lodell at Malko kung ano ang kanyang gagawin, makalipas ang ilang segundo lamang, nagkaroon ng mahinang pagyanig sa kanilang kinaroroonan, sa kanilang pagkabigla, nanliwanag ang paligid, nagkulay kahel ang mga magkapatong na bato na para bang ito'y nasusunog. Unti-unting nilamon ng siklab ang malalaking bato at ito'y nagsimulang matunaw na tila mga buhangin at alikabok. Napulbos ang lahat ng bato na nakaharang sa bawat daluyan, mula sa pinakauna hanggang sa pinakadulong hanay. Tuluyan ng nawala ang mga harang na ipinalagay noon ni Emperador Cresento.
Halos bumaba ang panga ng mga mersenaryong nakasaksi sa mga pangyayari. Ngayon lang nilang nakitang natunaw ang mga malahiganteng piraso ng bato na parang mga buhangin. Muli nang nabuksan ang sikretong daluyan para sa kanila.
"Ngayon, mayroon pa ba kayong ibang paraan para mas madali tayong makapasok?" May pag-uuyam na tanong ni Fierro.
Napailing si Malko habang si Lodell naman ay nakatulala lamang sa nasilayan.
***
Samantala, sa isa sa mga daanan malapit sa kanilang silid, naglalaro si Yrvin kasama ang alagang si Ystan nang siya'y madapa sa nakausling piraso ng sahig. Ipinagtaka ito ng pilyong bata. Itinaas niya ito at napagtanto niyang mayroon itong maliit na butas, lingid sa kanyang kaalaman, isa ito sa mga pasukan ng sikretong daluyan papasok sa palasyo. Nagtungo siya sa ibaba at ibinalik ang piraso ng sahig sa dating pwesto. Naiwan namang napapaisip ang alaga niyang pusa.
***
Ilang minuto lamang nagsidatingan na si Aling Mela, Aling Edina, Ermin, Lynda at Editha. Maging sina Heman, Ving at ang ibang mga tagapayo ay nagsidatingan na rin. Maya-maya, kasama na rin ng iba pang mga katiwala sina Covel, Cordelia at Ymma.
Nag-alala si Ysavel nang makita niyang kulang ang kanyang mga anak. "Si Yrvin? Nasaan siya?"
"Hindi po namin siya makita," sagot ng mga katiwala. "Pinaghahanap pa rin siya ng iba pang katiwala."
"Ako na ang bahala kay Yrvin," pinakalma ni Costan ang Emperatris, "sigurado ako naririto lang siya."
Kahit na nangako ang Emperador, hindi pa rin mapigilan ni Ysavel na mag-alala para sa bunsong Prinsipe.
Naging palaisipan naman sa mga bata kung bakit lahat sila'y tinipon ng Emperador sa oras ng gabi.
"Ano pong nangyayari?" tanong ni Cordelia.
"Mga anak, tsaka ko na ipapaliwanag," saad sa kanila ni Costan, "basta magpakabait lang kayo palagi at huwag matigas ang ulo."
Hinagkan niya isa-isa sa ulo ang mga anak, nangigilid ang mga luha. "Mahal na mahal kayo ng Ama. Palagi niyong tatandaan."
Nagulumihan lalo sina Covel at Cordelia sa inaasta ng kanilang ama. Kinuha ni Ysavel si Ymma mula kay Cordelia. Nagsilapitan sina Edina, Editha at Ving sa mag-ina. Kinuha naman ni Aling Mela si Covel, kasama naman nila si Ermin at Lynda. Nagpumiglas ang panganay na Prinsipe nang siya'y malayo sa ina at mga kapatid.
"Kuya!" sigaw ni Cordelia sa kapatid.
Nasaktan si Costan sa nakita ngunit hindi niya ito pinahalata. Nilingon ng Emperador si Heman at ang lahat ng kanyang konseho.
"Alam niyo na kung ano ang gagawin?" tanong ng Emperador.
"Gaya po ng ating napagkasunduan," sumenyas si Heman at nakita ni Costan na may handa ng mga armas ang lahat ng mga Tagapayo at Konseho.
Inabot ng isang katiwala ang dalawang magkaparehong mapa at inabot ito kay Ysavel at pati na rin kay Ermin.
"Ito ang mapa para hindi kayo maligaw sa Gubat," pagpapaalala ng Emperador, "may daanan doon palabas ng bayan, magtungo agad kayo sa daungan."
Plano niyang papuntahin sina Ysavel at ang mga batang Prinsesa sa Kontinente ng Silangan habang sina Covel at Yrvin naman ay maglalayag patungo sa Kontinente ng Kanluran kasama sina Mela, Ermin at Lynda. Napagkasunduan nila noon sa pagpupulong na mas makabubuti kung magkakahiwalay ang kanyang mga tagapagmana nang sa ganoon ay hindi agad sila mahanap ng mga kalaban.
Hinagkan ni Costan si Ysavel ng may buong pagmamahal, "mag-iingat ka, mahal ko."
Naluluhang niyakap ni Ysavel ang Emperador. "Ikaw rin. Mahal na mahal kita."
"Aling Edina, Ving, Editha, protektahan niyo ang mag-ina ko," payo sa kanila ni Costan. "Kayo na ang bahala sa kanila."
Tumango ang magtiyahin sa sinabi ng Emperador.
"Poprotektahan namin sila kahit buhay pa namin ang kapalit," sagot ni Ving.
"Salamat," sagot sa kanya ng Emperador.
"Tiya Mela, Ermin, Lynda alagaan niyong mabuti si Covel, ipinangako niyong ituturing niyo siyang kapamilya," bilin niya sa mag-ina.
"Wala po kayong dapat pag-alala, nasa mabuting kamay ang inyong anak," paninigurado ni Aling Mela.
"Ituturing naming tunay na anak si Covel," pangako ni Ermin kay Costan. "Makakaasa ka sa amin."
"Salamat, kaibigan," tinapik ni Costan ang braso ni Ermin bilang pasasalamat.
Tumulo ang mga luha sa mga mata ni Covel nang mabatid niya kung ano ang mangyayari. "Hindi!"
Lumayo siya kina Ermin at Lynda at kumapit siya sa piling ng ama, "ayokong sumama sa kanila, gusto ko sumama sa inyo, kasama sina Ina!"
Sa lahat ng kanyang mga anak, si Covel ang pinakamalapit sa kanyang ama at siya ang pinakaapektado sapagkat siya lamang ang mahihiwalay sa kanyang mga magulang. Kasama sana niya ang kapatid na si Yrvin ngunit ito'y hindi pa nila mahanap.
"Huwag ng matigas ang ulo, Covel," pinipigil na lamang ni Costan ang kanyang pagluha, "pansamantala lang ito, magkakasama-sama pa ulit tayo. Aalagaan ka nila Tiyo Ermin at Tiya Lynda mo. Huwag ka ng umiyak, tandaan mong isa kang Prinsipe, dapat maging matapang ka."
Sinenyasan ni Costan si Ermin at kinuha niya papalayo sa ama ang umiiyak na bata, hindi na rin mapigil ni Ysavel ang kanyang pagluha.
Nilapitan ng Emperatris ang kanyang panganay, "magpakabait ka, anak. Mahal na mahal ka namin."
Hinagkan niya ng may pagmamahal sa noo ang anak.
"Ina, Ama!" Pag-iyak ni Covel habang siya'y kinukuha nina Ermin at Lynda. Tumatangis na tinalikuran ni Ysavel ang anak.
"Kailangan niyo ng umalis..." Umiiyak na saad ni Costan.
***
Sa kadiliman ng mga sikretong daluyan, naglilibot sa paligid si Yrvin. Kahit na kung saan-saang sulok siya ng Palasyo nagsususuot, ngayon lamang siya nakarating sa lugar na ito. Ilang minuto pa lamang siyang nagmamasid, nakarinig siya ng yabag ng mga paa.
Nakita niyang mayroong paparating na mga armadong kalalakihan sa pamumuno ni Fierro. Agad na nagtago ang bunsong Prinsipe sa likuran ng isa sa mga dingding.
"Patayin niyo ang lahat ng nasa loob!" mahigpit na utos ni Fierro. "Pati na rin ang lahat ng kanyang mga anak! Dapat walang matira sa kanyang mga tagapagmana pero huwag na huwag niyong sasaktan si Ysavel! Sa akin lang siya!"
Nanlaki ang mga mata ni Yrvin sa kanyang narinig. Palihim niyang sinundan si Fierro at ang kanyang mga tauhan paakyat ng Palasyo.
***
"Sige na, lumakad na kayo," pagpupumilit ni Costan sa kanyang pamiliya na nagdadalawang-isip pa rin sa kanilang planong pag-alis. "Bago pa mahuli ang lahat."
Nang mga sandaling iyon, nagulantang ang buong kastilyo sa paglipad ng dalawang malaking pintuan ng sala at mula rito sumulpot si Fierro, namumula ang kanyang mga mata at may kakaibang ngisi sa kanyang mabagsik na mukha. Pinagmasdan niyang mabuti si Costan, Ysavel at ang mga bata. Natakot si Cordelia at Ymma sa kanya.
"Kamusta, Costan, Ysavel," saad niya, "hindi niyo ba ako babatiin ng maligayang pagbabalik?"
Nanlaki ang mga mata ni Costan nang makita ang mortal na kaaway, sumulyap siya pabalik sa kanyang pamilya.
"Umalis na kayo! Ngayon na! Bilis!" sigaw ng Emperador.
"Tara na!" Sigaw ni Ysavel at sila'y tumakbo papalayo, nangingilabot na kumapit sa kanyang ina si Cordelia.
Lumundag si Fierro patungo sa kanila ngunit hinarangan siya ni Costan. "Bago mo masaktan ang pamilya ko, kailangan mo munang dumaan sa akin, Fierro!"
"Mainam pa nga, kapatid!" Sumang-ayon si Fierro sa kanya. "Tapusin na natin to!"
Mabilis pa sa kisap-mata, taas-taas na ni Fierro si Costan gamit ang kanyang nag-aalab na palad.
Napalingon si Covel sa Emperador habang sila'y nagtutuos ni Fierro. Gumimbal sa kanya ang mabagsik na mukha ng lalaking tinatawag nilang Fierro.
"Ama!" sigaw ni Covel.
"Takas na!" hiyaw sa kanila ng Emperador.
"Tara na, Covel!" kinalong ni Ermin ang Prinsipe at sila'y sumunod na kina Ysavel.
"Habulin sila!" mahigpit na utos ni Fierro sa kanyang mga kawal at mersenaryo.
Inilabas ni Heman ng mga Tagapayo at ng mga Kawal ang kanilang mga espada at sila'y naghanda upang makidigma. Hinarangan nila ang daanan.
"Sugod!" utos ni Heman.
Nagtagpo ang pwersa ni Costan at ang mga tauhan ni Fierro. Nakipag-espadahan sina Heman at ang konseho sa mga mersenaryo upang mabigyan ng panahon na makatakas ang pamilya ng Emperador.
Sumunod ang grupo ni Malko sa mga tumatakas habang ang pulutong naman ni Lodell ang nakipagdigmaan sa mga kawal at konseho ni Costan.
Pinaulanan ni Lodell at ng mga mersenaryo ng kanilang mga pana ang mga Tagapayo at karamihan sa kanila ay tinamaan sa kanilang posisyon, dumanak ang dugo ng mga tapat na lingkod sa sahig ng Palasyo.
Napansin ni Heman na napaslang na ang ilan niyang mga kasamahan, gayunpaman patuloy pa rin siya sa pakikipaglaban, sinaksak niya ang isa sa mga mersenaryo nang lapitan siya ng isa pang mersenaryong matangkad at matikas ang pangangatawan. May dala itong palakol at ito'y ihahampas na niya sa matandang tagapayo ngunit biglang tumagos ang isang espada sa sikmura nito. Pagkabagsak niya, napagtanto ni Heman na si Lodell ang pumatay sa kanyang makakasagupa.
"Kamusta na, tanda?" painsultong tanong ni Lodell sa dati niyang kasamahan. "Matagal-tagal din tayong hindi nagkita."
"Traydor!" sagot ni Heman.
Pareho silang napalingon sa palakol ng napatay na mersenaryo at sabay silang tumakbo patungo rito, nag-uunahan kung sino ang makakakuha ng armas.
Dahil sa pagkakaiba ng kanilang edad, naunang makuha ni Lodell ang palakol at ito'y matulin niyang ihinampas kay Heman, bahagyang nakaiwas ang tagapayo ngunit nadaplisan ang kanyang noo at siya'y napabagsak sa sahig. Sumunod ang tusong tagapayo kay Malko at sa iba pa nilang mga kawal.
***
Nakahanay na si Kapitan Sarito at ang kanyang mga kawal sa may harapan ng Palasyo, walang humpay pa rin ang panggugulo ng mga galit na galit na taumbayan.
"Ano pong gagawin natin, Kapitan?" tanong ng isang Kawal.
"Hayaan niyo lang sila, mapapagod rin ang mga iyan," sagot ni Sarito. "Ang mahalaga'y makausap sila ng Emperador. Papunta na rin siya, sinisiguro lang muna niya ang kaligtasan ng kanyang pamilya."
Lingid sa kanilang kaalaman, napasok na sila ng mga Merseneryo at iba pang mga tauhan nila Fierro, Lodell at Malko.
"Kapitan!" sigaw ng isang kawal habang ito'y tumatakbo papalapit kay Sarito. "Napasok po tayo!"
"Anong napasok?" nagtatakang pag-usisa ni Kapitan Sarito.
"Napa-"
Bago pa makapagsalita ang kawal, tumagos sa kanyang dibdib ang isang tira ng pana, napatingin ang Kapitan at nasilayan nilang nagsusuguran na malapit sa kanila ang mga tauhan ni Fierro.
"Imposible!" saad ni Sarito. Wala ng sikretong daluyan at ang lahat ng ito ay natakpan na ng malalaking piraso ng bato. Naging palaisipan sa kanila kung paano nakapasok ang mga armadong pulutong.
"Lusob!" utos ng Kapitan. "Kayang-kaya natin sila!"
Tila mga mababangis na tigre ang mga pasugod na mersenaryo ngunit hindi nagpatalo ang Kawal ng Emperador at sinalubong nila ang mga paparating na kalaban.
Sinaksak ni Sarito ng kanyang espada ang unang mersenaryong kanyang nakaharap, nagsimula na rin makipaglaban ang mga Kawal sa mga lumulusob.
Pinaghahampas ng mga dating kawal ng Dusa ng Bilanggo ang mga kawal ni Costan gamit ang kanilang mga palakol at pinagsisibat naman ng mga mersenaryo ang ilan. Hindi nagpatalo ang hukbo ni Sarito at pinagpapana ng mga nasa itaas ng dingding ang mga manloloob upang matulungan ang kanilang mga kasamahan.
Sa kasagsagan ng labanan, napaslang ng isang matangkad na mersenaryo ang mga kawal na nakabantay sa may pangunahing pinto ng Palasyo. Habang abala si Sarito at ang iba pang mga kawal sa pakikipagsagupaan, winasak nito ang kandado ng pintuan at binuksan niya ito para makapasok ang mga nag-aaklas na taumbayan.
Nag-uunahang pumasok sa loob ng Palasyo ang mga nanggugulong Cenpyero, halos magkadaganan na sila sa pagsugod, dala-dala ang kanilang mga espada, sibat, pana, palakol at tirador. Napakarami ng kanilang mga bilang.
"Anak ng kamote!" Wala ng nagawa si Sarito at ang kanyang hukbo sa dami ng taong susugod sa kanila. Inihanda nila ang kanilang mga armas, handang harapin ang rumaragasang alon.
***
Noong mga sandaling iyon, tyempo namang narating na ni Ysidro at Sandra ang Sentralisadong Imperyo. Napatigil sila nang makita nila ang kalagayan ng Palasyo. Malayo pa lang ngunit naaaninag na nila ang kaguluhan sa loob, punong-puno ng tao ang harapan, lumulabas ang usok patungo sa itaas ng kalngitan at nanliliwanag ang paligid sa siklab at pagliyab ng apoy mula sa mga tanglaw.
"Ito na nga ang kinatatakutan ko, nagalit na sa Emperador ang lahat ng kanyang nasasakupan," saad ni Konde Ysidro.
"Naniniwala ka ba sa ipinaparatang nila sa Emperador?" tanong ni Sandra. "Na kaya niyang makipagsabwatan sa mga Itmai at Puttlan at ipapatay ang mga inosenteng tao?"
"Hindi," paninindigan ni Ysidro, "hindi ito magagawa ni Costan, kilala natin siya. Mabuti siyang tao. Sigurado akong gawa-gawa lamang ito ng mga kalaban para pabagsakin siya. Ang nakapagtataka lang, napakaraming testigo ang nagsasabing nakita nila mismo ang Emperador nang maganap ang patayan, ikinababahala ko kung paano maipagtatanggol ni Costan ang sarili niya ngayon."
Lumakas ang sigawan at kaguluhan sa loob at lalong sumiklab ang apoy na nakapaligid sa Palasyo.
"Ysidro, ano ng gagawin natin?" nag-aalalang usisa ni Sandra. "Nagkakagulo na sa loob, paano na si Ysavel at... ang mga bata!" Lalong kinabahan ang kondesa sa napagtanto. "Kailangan natin silang tulungan, baka mapahamak sila! Tulungan natin sila! Baka kung ano ang mangyari sa anak at mga apo natin! Hindi ko kakayanin, Ysidro!"
"Huminahon ka, Sandra," pinakalma ni Ysidro ang natatarantang asawa, "nauunawaan kita, gusto ko ring tulungan si Ysavel at ang mga apo natin, pero kung papasok tayo sa loob, para na rin tayong nagpakamatay...Sumusugod ngayon sa palasyo ang Buong Lupain at wala tayong sapat na hukbo para mapigilan sila. Huwag kang mag-alala, sigurado akong hindi pababayaan ni Costan si Ysavel at ang mga bata. Ang magagawa na lang natin ngayon ay manalangin para sa kaligtasan nila."
"Konde Ysidro, kung inyo pong mamarapatin, maaari po akong sumingit sa loob," nagpresinta ang kanyang Kawal na si Yerdo. "aalamin ko po ang kalagayan ng inyong pamilya at tutulungan sila hanggang sa aking makakaya."
Ikinatuwa ni Ysidro ang isinaad ng kanyang tauhan. "Mabuti pa nga, mag-iingat ka, Yerdo. Maraming salamat sa malasakit mo."
Palihim na nagtungo si Yerdo patungo sa nagkakagulong palasyo.
****
Sa kasuluk-sulukan ng Palasyo, patuloy ang pagtakbo nila Ysavel, Cordelia, Aling Edina, Ving at Editha, pati na rin sina Ermin, Lynda, Aling Mela at Covel. Nasa likuran lamang nila sina Malko, Lodell at ang kanilang mga tauhan. Nagpasya silang maghiwalay ng daanan para lituhin at pahirapan ang mga humahabol sa kanila.
"Ina, natatakot ako," mngiyak-iyak na si Cordelia, "bakit nila tayo hinahabol?"
"Huwag kang matakot, anak," paalala ni Ysavel, "basta kumapit ka lang sa akin."
"Habulin sila!" mahigpit na utos ni Malko. "Huwag hayaang makatakas!"
"Maghiwalay tayo!" suhestiyon ni Lodell. "Ako na ang bahala sa panganay, habulin niyo ang Emperatris!"
Sumang-ayon si Malko at muling nahati sa dalawa ang kanilang grupo.
***
Nagtungo sina Aling Mela, Ermin, Lynda at Covel sa kaliwang bahagi ng Palasyo, tumatakbo ng walang humpay papalayo sa mga kalaban. Nakita ni Ermin na papalapit na sa kanila si Lodell at ang kanyang mga tauhan.
"Nasa likod lang sila!" sigaw ni Ermin, "bilisan na natin, Ina!"
Dahil sa edad ni Aling Mela, hindi na niya kayang tumakbo ng mabilis at siya'y napapag-iwanan na.
"Paulanan niyo!" Utos ni Lodell.
Sa kanyang hudyat, sabay-sabay na nagsitira ang kanyang mga alagad, sinundan sila ng mga bala ng pana, ngunit sila'y hindi natinag sa pagtakbo. Ikinabahala ni Ermin ang naiiwang ina.
"Huwag mo na kong alalahanin, protektahan mo si Lynda at Covel!" paalala sa kanya ni Mela.
Hinarang ni Ermin ang kanyang sarili kina Lynda at Covel upang hindi sila matamaan ng pana.
Napagtanto ni Lodell na nahuhuli sa pagtakbo si Mela at siya'y nakaisip ng paraan kung paano mahuhuli ang mga tumatakas.Kumuha siya ng isang pana at itinapat ito sa kusinera, pagkatapos ay walang pag-aalinlangan niyang pinakawalan ang kanyang tira.
Pursigido pa rin sa pagtakas si Aling Mela nang tumama sa kanyang likuran ang pana ni Lodell. Napahiyaw sa sakit ang kusinera at siya'y bumagsak sa kanyang kinatatayuan.
"Ina!" wala ng nagawa si Ermin at Lynda kundi puntahan ang sugatang ina.
"Nay Mela, may tama kayo," saad ni Lynda.
"Tiya Mela!" naluha si Covel nang makita ang duguang likuran ng kusinera. "Ayos lang po ba kayo?"
"Huwag niyo na kong intindihin, tumakbo na kayo..." namimilipit ang tinig ni Mela, unti-unting lumalabas ang dugo mula sa kanyang bibig.
"Hindi ka namin iiwan, ina!" sumasabog na ang boses ni Ermin sa pag-aalala, "lahat tayo tatakas, ipapagamot ko kayo!"
"Hindi na, anak..." pahina na nang pahina ang tinig ni Aling Mela, "dito ako nabuhay at dito na rin ako mamamatay, pero kayo, kailangan niyo ng makaalis, paparating na sila...alis na..."
Napalingon muli sina Ermin, Lynda at Covel at nakita nilang papalapit na sina Lodell at ang kanyang mga tauhan.
"Ermin, tara na!" panghihikayat ni Lynda, kinalong niya si Covel.
Hindi pa rin magawang iwanan ni Ermin ang mahal niyang ina.
"Sige na!" Sa huling pagkakataon, napasigaw pa si Aling Mela na siya namang nagpaalis sa nalulumbay niyang anak.
Bumalik sa pagtakbo ang magkasintahan kasama ang panganay na Prinsipe. Iniwan na nila ang nag-aagaw buhay na kapamilya.Nagsunuran ang mga umuusig sa kanila.
Napatigil ng saglit si Lodell at pinagmasdan ang pinanang kusinera. Tumigil na sa paghihingalo si Mela, nakadilat pa ang kanyang mga mata at nakatuon ito sa direksyon kung saan nagtungo ang anak.
***
Gaya nila Ermin, Lynda at Covel, hindi pa rin tinatantanan ni Malko at ng kanyang mga tauhan ang Emperatris at ang kanyang grupo. Walang tinag ang kanilang pagpana sa kanila.
"Patayin niyo ang lahat, huwag lang ang Emperatris!" Muling paalala ni Malko.
Habang tumatakas ang kababaihan, gumaganti naman ng tira si Ving kay Malko at sa mga mersenaryo. Ilang tao rin ang napaslang niya gamit ang kanyang pana at dahil dito, nagkaroon pa ng oras para makalayo sina Ysavel.
"Mga tanga!" sigaw ni Malko. "Iisa lang iyan! Hulihin sila!"
Itinutok niya ang kanyang pana sa nanlalaban na Tagapayo ngunit siya'y nasilayan ni Ving, at inunahan na niya si Malko bago pa siya panain nito. Tumama ang kanyang tira sa balikat ng Kawal. Tumira ulit si Ving at napatakbo si Malko sa likuran ng isang haligi na parang inuusig na hayop. Hinatak ni Editha ang kasintahan at sila'y bumalik sa pagtakbo.
Namimilipit na inalis ni Malko ang bala ng pana sa kanyang balikat at nagbigay siya ng hudyat sa kanyang mga tauhan na sundan ang mga tumatakas.
Nauuna na si Ysavel, Aling Edina at ang mga batang Prinsipe, nasa likuran naman nila sina Ving at Editha.
Binilisan ng mga tauhan ni Malko ang kanilang pag-usig at hindi kalaunan naabutan nila ang magkasintahan. Hinablot nila si Editha at hinatak ito palayo.
"Bitawan niyo ko!" nagpupumiglas na isinigaw ni Editha ngunit mahigpit ang kanilang pagkakahawak sa kanya.
"Huwag niyong pakawalan!" utos ni Malko sa kalayuan. "Magagamit natin iyan!"
"Editha!" Sinugod ni Ving dala-dala ang kanyang espada ang mga kalabang may hawak sa kanyang kasintahan, pinatikman niya ng kanyang patalim ang mga kaaway at matagumpay niyang nabawi ang babaeng minamahal.
"Ayos ka lang ba?" tanong niya sa iniirog.
"Oo, ayos lang ako," nakahinga ng maluwag si Editha sa pagkakasagip sa kanya ni Ving.
Ihinanda ni Malko ang kanyang pana at siya'y lumabas mula sa kanyang pinagtataguan. Namataan ni Ving na balak silang puntiryahin ng Kawal. Kasalukuyang nakatalikod si Editha, walang kamalay-malay sa panganib na nagbabadya sa kanya.
Pinakawalan ni Malko ang kanyang tira, agad na tumalikod si Ving at hinarang ang sarili niya sa harap ni Editha. Tinamaan ng pana ang kanyang likuran.
"Ving!" hiyaw ni Editha habang napabagsak pababa ang minamahal.
"Tumakbo ka na," saad ni Ving. "Iwan mo na ko!"
"Hindi," sagot ng kanyang kasintahan.
"Umalis ka na, susubukan ko silang pigilan hanggang may natitira pa kong lakas," sambit ng tagapayo.
"Hindi! Ayokong mawalay sa'yo, hindi ko kaya!"
Bumuhos ang emosyon ng dalagita.
"Editha, makinig ka sa akin, maligaya na ako at nagkasama tayo ng ilang taon...at alam kong magkikita pa tayo, kung hindi man sa mundong ito, sa susunod. Tumakbo ka na, bilis!"
Sinunod ni Editha ang kasintahan nang makita ang paparating na mga kalaban at siya'y nagpatuloy sa pagtakbo.
Pilit ibinangon ni Ving ang kanyang nanghihinang katawan, hinablot ang pana ng isa sa mga napatay na kalaban at muling nakipagsagupaan. Pinana niya ang ilan sa mga kaaway at napatay pa niya ang ilan sa sa mga ito.
Sumenyas si Malko at sabay-sabay na nagpaulan ang kanyang mga tauhan. Tinamaan si Ving sa kanyang magkabilang tagliran at siya'y bumagsak sa kanyang tuhod, pagkatapos nilapitan siya ni Malko at siya naman ang nakahandang tumira. Tinignan siya ni Ving ng diretso sa mata habang nakatutok sa kanya ang pana, hindi natatakot sa kanyang kamatayan. Tumira ang Kapitan at tumagos ito sa dibdib ng tagapayo. Tuluyan nang bumagsak si Ving sa sahig, naliligo sa dugong dumanak sa kanya. Lumingon si Editha, nakita niya ang napaslang na kasintahan at siya'y napatangis.
"Halika na, Editha!" Niyaya siya ng kanyang tiyahin.
"Hulihin sila!" sigaw ni Malko na nakatayo malapit sa mga labi ni Ving.
Nagpatuloy si Ysavel, Edina, Editha at ang mga batang Prinsesa sa pagtakas, narating nila ang bakuran kung saan sila dadaan patungo sa Gubat ng Cen.
***
Sa Sentro ng Palasyo, patuloy pa rin ang pagkakasakal ni Fierro kay Costan.
"Ito na ang katapusan mo, Costan!" Unti-unting nagbabago ang anyo ni Fierro, sa pagkagulat ni Costan. Muling lumabas sa kanya ang katauhan ng Panginoon ng Apoy at dahan-dahan niyang inuubos ang lakas mula kay Costan. Pasong-paso na ang kanyang leeg sa pagkakasakal sa kanya ni Fierro pero patuloy pa rin niya itong nilalabanan.
"Sino ka ba sa tingin mo para kalabanin ako?" Tila isang kidlat ang tinig ng Panginoon ng Apoy. "Isa ka lang tao, isang walang kwentang tao na walang laban sa Panginoong katulad ako! Ngayon, sa akin na ang Imperyo at ako na ang mamumuno sa Buong Lupain!"
"Hindi ako magpapatalo sa'yo!" matapang na sinambit ni Costan kahit na namimilipit ang kanyang tinig.
"Anong sinabi mo?" tanong ni Fierro.
"Matapang ka lang naman dahil ginagamit mo ang kapangyarihan mo..." Pagpapatuloy ni Costan. "Bakit hindi mo ko labanan ng lalaki sa lalaki, ng tao sa tao! Huwag kang duwag!"
Lalong nanggalaiti Ang Panginoon ng Apoy sa sinabi ni Costan at mas sumiklab ang kanyang nag-aalab na katauhan, pero hindi nagtagal, kumalma ito at bumalik ang anyo ni Fierro.
"Tama ka, hindi magiging patas kung gagamitin ko ang aking lakas, matatalo agad kita at ayokong mangyari iyon, nais ko munang makipaglaro sa'yo at pahirapan ka hanggang sa hilingin mong tapusin ko na ang buhay mo!"
Ihinagis niya si Costan sa may dingding, pagkatapos kumuha siya ng isang espada mula sa mga napaslang niyang tauhan.
"Tara Costan, simulan na natin ang laro!"
Bumangon si Costan mula sa kanyang pagkakabagsak at kinuha niya ang kanyang espada, ang parehong espadang ginamit niya noong naglaban sila sa Gubat ng Cen.
Sumigaw ng may buong tapang si Costan at sabay silang nagsuguran ni Fierro, sa tindi ng dalawang pwersang nagtagpo, nakakangilo sa tenga ang paghampas ng kanilang mga espada, umugay si Fierro sa liksing ngayon niya lang nagawa ngunit naiilagan pa rin ng Emperador ang kanyang mga tira at tanging espada niya lang ang tinatamaan ng kaaway.
Naghiwalay ang dalawa at naghanda sa muli nilang pagtutunggali, sa pagkakataong ito hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Costan, itinuon niya ang kanyang tingin sa katawan ni Fierro at idiniretso niya ang kanyang espada ng walang pagdadalawang-isip.
Napatigil si Fierro, napatingin siya at napagtanto niyang nakasaksak na ang espada ni Costan sa kanyang sikmura.
Tinanggal agad ni Costan ang kanyang espada kasabay ng pamimilipit ni Fierro. Duguan ito, at siya'y napahiga sa sakit. Sa dami ng dugo sa espada, palagay ng Emperador na ito ang tuluyang tatapos sa buhay ni Fierro.
"Akala ko ba isa kang Panginoon? May Panginoon bang nasusugatan? Dapat noon pa man tinapos na kita!" sambit ni Costan, pagkatapos siya'y tumakbo patungo sa direksyon kung saan tumakas ang kanyang pamilya.
Namilipit si Fierro sa sakit, agad niyang pinaapoy ang kanyang palad at idinikit ito sa kanyang nasaksak na sikmura. Pagkaalis niya ng kanyang palad, wala ng dugo ang kanyang sikmura at gumaling na ang kanyang pinsala. May pagkasuklam niyang tinignan ang dinaanan ng Emperador.
***
Sinundan ni Yrvin kung saan nagtungo ang mga kalalakihang nakita niya sa may sikretong daluyan at dinala siya ng kanyang mga paa sa harap ng Palasyo kung saan namataan niya ang nagaganap na kaguluhan. Nasilayan niyang nagpapatayan ang mga Kawal ng kanyang ama at ang taumbayan na walang kasing bagsik ang ginagawang pag-aalsa. Nakita niyang nakikipaglaban si Kapitan Sarito sa isang Cenpyero sa pamamagitan ng kanyang Espada.
Mahilig si Yrvin makipaglaban at makipaglaro gamit ang kanyang espadang kahoy, madalas silang nagpapanggap ni Covel na sila'y mga kawal na nakikipagdigma, ngunit napagtanto niyang iba pala ang totoong digmaan sa kanilang mga laro, nabalutan ng takot ang puso ng batang Prinsipe, siya'y napausog at nabangga na niya ang dalawang lalaking Cenpyero na kabilang sa mga lumusob sa Palasyo.
"Tignan mo nga naman, kung sinuswerte tayo!" Sambit ng unang lalaki.
"Di ba si Prinsipe Yrvin ito na nakalaro ng aking anak?" sagot ng ikalawang lalaki. "Pero ngayon wala na siya, pinapatay ng iyong walanghiyang ama, kaya ngayon ikaw ang magiging kabayaran!"
Hinablot niya si Yrvin at ito'y nagpumiglas sa takot.
"Bitawan niyo ko!"
"Tumahimik ka!" sigaw nila. Tinutukan nila ng espada ang Prinsipe. "Dadalhin ka namin kay Emperador Fierro! Tiyak na malaking gantimpala ang ibibigay niya sa amin para sa ulo mo!"
Palihim nilang inilayo si Yrvin sa digmaan at sila'y dumaan sa kabilang sulok upang hanapin si Fierro.
-Gubat ng Cen-
Kasagsagan na ng gabi nang marating nina Ermin, Lynda at Covel ang kalagitnaan ng kagubatan. Sa kanilang likuran, patuloy silang inuusig ng mga tauhan ni Fierro. Hindi sila tumitigil sa paghabol sa mga tumatakas kasabay ng pagtira ng kanilang mga pana sa direksyon kung saan patungo ang mga lingkod ng Emperador kasama ang panganay na Prinsipe.
"Siguraduhin niyong patay silang lahat, lalo na ang Panganay na Prinsipe, kundi malilintikan tayo kay Lodell!" utos ng kanilang pinuno sa mga umuusig.
Bahagyang iniiwasan ng tatlo ang mga panang ilang pulgada na lamang ang pagitan sa kanila. Takot na takot pa rin si Covel sa mga humahabol sa kanila kahit na kasama na niya sina Ermin at Lynda. Napatigil sila sa pagtakbo nang humarang sa kanilang daanan ang rumaragasang ilog.
Sakto namang nakaabot ang mga humahabol sa kanila. Pinaligiran nila ang tatlo at tinutukan ng kanilang mga pana.
"Sumuko na kayo! Wala na kayong magagawa!" babala ng kanilang pinuno. "Dalawa lang ang pagpipilian niyo, ang tumalon sa ilog o sumuko sa amin! Iisa lang rin ang patutunguhan, ang inyong kamatayan!"
Napayakap si Covel kay Lynda, hinarangan naman ni Ermin ang dalawa.
"Tirahin niyo sila sa aking hudyat," paalala niya sa kanyang mga kasama.
Nakahanda na si Ermin at Lynda na tanggapin ang kanilang kapalaran sa kamay ng mga alagad ni Fierro. Wala na silang magagawa para matakasan ito.
Nakahanda na ring tumira ang mga kawal pero sa isang iglap, biglang tumama ang animo'y mga ligaw na pana mula sa likuran. Tinamaan ang karamihan sa mga tauhan ni Fierro at Lodell at ikinagulat ito hindi lamang ng kanilang pinuno kundi pati na rin nila Ermin at Lynda. Isa-isang nagbagsakan ang mga umuusig na tila mga usang tinamaan ng mangangaso.
"Putang ina!" napamura ang pinuno sa pagkalagas ng kanyang mga tauhan. "sinong -"
Tinamaan ng tatlong magkakasunod na pana ang Pinuno at siya'y nilagutan ng hininga bago pa siya bumagsak sa damuhan.
Walang ni isa ang natira sa mga umuusig. Nagsilabasan ang mga kalalakihang pumaslang sa kanila. Sa kanilang mga anyo, mababatid na isa silang mga kawal mula sa Kanluran.
Nanatili sina Ermin, Lynda at Covel sa kanikang kinatatayuan. Nilabas ni Ermin ang kanyang tarak bilang armas laban sa mga estranghero. Naglakad patungo sa kanila ang mga Kawal.
"Huwag kayong lalapit!" babala ni Ermin.
"Hindi kami kalaban," saad ng isa sa mga kawal. "kakampi kami."
"Nakanino ang katapatan niyo?" maingat na tanong ni Ermin.
"Ako si Moverick," pagpapakilala ng kawal, "ipinadala kami ng Mataas na Kawal na si Haurre para tulungan kayo."
Nagkatinginan si Ermin at Lynda sa sinabi ng kawal.
"Buhay siya?" tanong ni Ermin.
"Oo at may alam siyang ligtas na lugar sa Kabundukan ng Kanluran na maaari niyong pagtaguan. Nasaan ang Emperador, Emperatris at ang iba pa?"
"Nagpaiwan ang Emperador," paglalahad ni Lynda, "kasama naman ng Emperatris ang mga Prinsesa, minabuti niyang maghiwalay muna kami ng landas para sa kaligtasan ng kanyang pamilya."
"Nauunawaan namin," sagot ni Moverick, "tara na at sundan niyo kami bago pa nila kayo mahuli. Malayo-layo pa ang ating tatahakin patungo sa Kanluran. Tara may alam kaming daanan palabas ng kagubatan."
Wala ng nagawa si Ermin at Lynda kundi sundan ang mga taong tumulong sa kanila. Mayroon pa rin silang kaunting pag-aalinlangan at pagdududa pero mas makakabuti nang sumama sila kaysa mahuli ng mga kampon ni Fierro.
-Palasyo-
Dala-dala ng dalawang lalaki si Yrvin, nagpapapalag ang bata ngunit kulang ang lakas niya para makawala sa pagkakabihag nila.
"Siguradong matutuwa si Emperador Fierro sa handog natin sa kanya," saad ng unang lalaki.
"Oo nga pero saan naman natin hahanapin si Prinsipe Fierro?" Tanong ng isa.
"Aba ewan ko sa'yo," sagot ng una.
"Ah alam ko na, malamang pinasok nila ang isa sa mga kastilyo," napagtanto ng ikalawa, "tara doon tayo!"
Habang sila'y naglalakad, lumundag sa dalawang lalaki ang isang puting hayop, ito'y walang iba kundi ang alaga nilang pusa na si Ystan, inatake niya ang mga kalalakihan at pinagkakalmot ang mga ito sa braso at pisngi. Nabitawan nila si Yrvin at tumakbo papalayo ang bata.
"Hayop kang pusa ka!" Hinabol ng dalawa ang pusa at hindi nila namalayang nakawala na si Yrvin sa kanila.
Isang kamay ang humablot sa maliit na braso ng Prinsipe, ang kawal ni Ysidro na si Yerdo.
"Huwag kang matakot, tauhan ako ng Lolo Ysidro mo," paliwanag niya sa bata.
Nakahinga ng maluwag si Yrvin.
"Nasaan ang mga magulang at mga kapatid mo?" Usisa ni Yerdo.
"Hindi ko po alam saan sila," saad ni Yrvin, "kita ko na lang away dito."
"Ganun ba?" Tanong ni Yerdo. "O sige, itatakas na muna kita dito, dadalhin kita sa Lolo Ysidro at Lola Sandra mo, pagkatapos hahanapin ko sila."
Kinarga ni Yerdo ang batang Prinsipe at sila'y tumakbo papalayo.
"Nasaan ang Prinsipe?" tanong ng unang lalaki sa kanyang kasama nang mapansin niyang wala na ang bata.
"Natakasan tayo! Pinakawalan mo!" Sinisi siya ng kanyang kasama.
Hinanap nila si Yrvin at hindi nagtagal namataan nila ang batang prinsipe na kalong-kalong ng isang Kawal Entrafor.
"Ayun!" Pagtuturo ng unang lalaki.
"Tara habulin natin!"
Nakahalata si Yerdo na may humahabol sa kanila, kaya naman kinuha niya ang kanyang pana at pinuntirya ang dalawang lalaking sumusunod. Naduwag ang dalawa sa pana ng kawal at nagtago sila sa likod ng mga bariles. Matagumpay na nailayo ni Yerdo si Yrvin sa kaguluhan.
***
Samantala, mas lalong umaatikabong ang digmaan sa pagitan ng mga rebolusyanaryo at mersenaryo laban sa mga Kawal ni Costan.
Walang tigil sa pakikidigma si Kapitan Sarito at ang kanyang mga Kawal sa mga nag-aaklas. Buong tapang na hinarap ng magiting na Kapitan ang mga mersenaryong binayaran ni Fierro at maging ang mga kalalakihang nilamon na ng kanilang paghihimagsik. Sa bawat sulok ng Palasyo, makikita ang pag-uugayan ng espada, pagtusok ng sibat, pagtama ng pana at paghampas ng mga palakol at tanglaw.
Malakas ang pwersa ng Emperador ngunit wala silang kalaban-laban sa bilang ng taumbayan mula sa lahat ng Lupain ng Imperyo. Tila mas lalong pinapabangis ng kanilang galit ang mga rebolusyonaryo at ito ang nagbibigay sa kanila ng lakas para mapatay ang mga kawal ng Emperador.
Marami na ang napaslang hindi lamang sa hukbo ng Emperador kundi pati na rin sa mga naghihiganti. Napupuno na ng bangkay ang hardin at hinihigop na ng lupa ang mga dugong dumanak mula sa magkabilang panig. Tinutupok na ng apoy ang ilang haligi at dingding at sa isang iglap, tuluyan ng naglaho ang ganda at kapayapaang taglay ng Palasyo.
Sugat-sugat na ang katawan ni Kapitan Sarito dahil sa pinsalang tinamo mula sa mga napatay na kalaban, punong-puno na ng dugo ang kanyang pisngi, ngunit hindi niya iniinda ang pagod at sakit sapagkat may misyon siyang protektahan ang Emperador at ang kanyang pamilya.
"Walang susuko, laban lang!" utos niya sa nanghihinang hukbo. "Huwag niyo silang hayaang makapasok sa mga kastilyo!"
Habang siya'y nakikipaglaban, hindi niya batid na pinapanood siya ng kanyang anak na si Aric. Nakaharap ni Sarito ang isang matangkad na mersenaryo na hanggang balikat ang tangkad mula sa kanya, sinuntok nito ang kapitan gamit ang namimintog niyang kamao na nagpahilo sa paningin ni Sarito, pagkatapos inugay nito ang kanyang palakol at dumaplis ito sa braso ng Kapitan, napahiyaw siya sa sakit pero hindi siya nagpatalo. Hinablot ni Sarito ang kanyang espada at ipinangharang ito sa tira ng kalaban. Ibinigay ng kalaban ang kanyang buong pwersa. Nahihirapan na ang Kapitan sa taglay na lakas ng kaaway at ilang saglit na lang at mapapasuko na siya sa taglay na bigat ng kanyang pangangatawan at armas.
Nag-alala si Aric sa kalagayan ni Sarito, "Ama!"
Napalingon si Sarito sa sigaw ng anak, nakita niya itong umiiyak malapit sa isang puno. Muling itinaas ng kalaban ang kanyang palakol, balak samantalahin ang pagkakataon, ngunit hindi nagpatibag si Sarito, buong pwersa niyang itinagos ang kanyang espada sa katawan ng kalaban bago pa niya tamaan ng kanyang palakol.
Sumulyap si Sarito sa paligid, pinagmasdan niya kung paano kinukuyog ng taumbayan ang kanyang mga kawal. Napakagulo na ang buong paligid, sa bawat minutong lumilipas, lalong lumiliit ang pag-asang matalo ng mga Kawal ang mga naghihiganting rebolusyonaro. Sunod niyang nilingon ang kanyang lumuluhang anak, nakikita niya ang takot sa kanyang mga inosenteng mata. Masyado pa siyang bata para madamay sa mga ganitong kaguluhan. Hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kung may mangyayaring masama sa tanging pamilyang natitira sa kanya. Wala na si Alyna, hindi niya hahayaang mawala rin si Aric sa kanya. Mahalaga sa kanya ang Emperador ngunit mas mahalaga pa rin ang kapakanan ng anak.
"Patawarin mo ko, Kamahalan!" naluluha niyang sinambit.
Mabigat man sa kanyang loob, tuluyan na niyang binitawan ang kanyang espada at nilapitan ang kanyang nagigimbal na anak. Kinarga niya ito na parang isang sanggol at itinakas papalayo sa nagaganap na digmaan.
"Kapitan!" napansin ng mga kawal ang pagtakas ng kanilang Kapitan at dahil rito, unti-unti na ring nabuwag ang linya ng mga kawal, marami ang sumunod kay Sarito at tumakas. Sa pagkawala ng kanilang Kapitan, tuluyan na ring nawalan ng pundasyon ang buong hukbo.
-Gubat ng Cen-
Matapos ang kanilang paghaharap ni Fierro, nakatakas si Costan patungo sa Gubat ng Cen. Malalim na ang gabi at wala ng maaaninag at maririnig sa paligid kundi ang kaguluhan sa Palasyo at ang pagliyab ng apoy.
Tinignan ni Costan ang Palasyo habang ito'y unti-unti ng lumiliit kasabay ng kanyang pagtakbo.
Yrvin...babalikan kita, kailangan ko lang munang siguraduhin na ligtas ang ina at mga kapatid mo.
Samantala, hindi pa kalayuan sina Ysavel at ang kanyang mga kasama kay Costan, patuloy lamang ang kanilang pagtakbo sa kabila ng kadilimang bumabalot ngayon sa kagubatan.
Kasalukuyang tumatakbo si Costan malapit sa ilog, nang mapansin niyang unti-unting nawawalan ng tulin ang kanyang mga paa na para bang may pwersang pilit na pumipigil sa kanya sa pagtakas. Mas binilisan pa niya ang galaw ng kanyang paa ngunit may humahatak sa kanya paatras.
Humagis ang Emperador na tila hinigop siya ng isang ipo-ipo at hindi nagtagal natagpuan niya ang kanyang sarili sa pagkakahawak ni Fierro. Sakal-sakal niya ang leeg ni Costan, tanging ang mapupulang mga mata niya lamang ang nagpapaliwanag sa madilim na Kagubatan.
"Saan ka pupunta? Akala mo ba matatakasan mo pa ako!"
Tumingin si Costan sa katawan ni Fierro at napagtanto niyang wala na ang saksak mula sa kanyang espada.
"Kung inaakala mong mapapatay mo pa ako ngayon, nagkakamali ka!" Ihinagis niya si Costan sa damuhan na nagpadagundong sa buong kagubatan. "Tama ka! Dapat noon pa lang pinatay mo na ko dahil ngayon hindi ko palalagpasin ang pagkakataon kong patayin ka!"
Bumangon si Costan at kinuha niya ang kanyang espada.
Painsultong humalakhak si Fierro sa kanyang pagbangon. "Wala ka ng pag-asa, Costan! Wala na ang trono mo, sa akin na ang Imperyong Cenpyre. Kinamumuhian ka na ng Buong Lupain dahil sa ginawa mo sa kanila! Hindi mo natatandaan na ikaw ang nagbigay ng utos para patayin sila? Ngayon, ako ang bayaning magdadala ng ulo mo sa aking mga nasasakupan!"
"Walanghiya ka!" nangingiyak sa poot ang Emperador, "ginamit mo ang katauhan ko, pinaslang mo ang mga walang kalaban-laban para sirain lang ako at agawin ang trono ko. Wala kang kasing sama!"
"Wala talaga akong kasing sama dahil ako mismo ang Panginoon ng Kasamaan!" kasing bagsik ng leon ang tinig na pinakawalan ni Fierro, "at handa akong patayin ang lahat ng tao sa mundo mapasaakin lang ang Buong Lupain!"
"Hayop ka!" hindi na nakapagpigil pa si Costan at sinugod na niya si Fierro, bumagsak sila sa damuhan, pinagsusuntok niya ito ng paulit-ulit sa mukha. "Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin at sa kanila! Pagbabayaran mo ang lahat ng kahayupan mo!"
Nakalagpas limang suntok na si Costan sa pinsgi ni Fierro ngunit hanggang ngayon tila hindi man lang ito nasugatan o nasaktan sa kanyang pagganti. Ngumiti lamang ito sa kanya at biglang naglaho.
Pagkalingon ni Costan, nakatayo na malapit sa kanya Ang Panginoon ng Apoy. Kinuha niya ang kanyang espada at inugay ito ng may pagkamuhi kay Fierro pero hindi niya ito matablan, tumatagos lamang sa kanya ang espada.
Sinunggaban ni Fierro si Costan mula sa likuran at ibinalabag niya ito ng malakas sa may damuhan. Nahilo ang Emperador at nagsimulang dumoble ang kanyang paningin, muli siyang hinablot ng kalaban na parang isang maliit na hayop lamang. Ihinagis niya ulit ang Emperador, humampas ang katawan ni Costan sa isang puno at bumagsak siyang punong-puno ng gasgas at sugat.
Wala nang lakas ang Emperador para bumangon, sinamantala ito ni Fierro at muli niyang hinablot sa leeg ang dating kapatid.
"Tatapusin na kita ngayon!" Nakaramdam ng kakaibang sakit si Costan sa pagkakahawak ni Fierro. Nang-init ang kanyang buong katawan na para bang sinusunog siya ng isang napakalakas na apoy.
Hindi na napigilan pa ni Costan ang sakit na nadarama at isang nakapangingilabot na sigaw ang dumagundong sa buong Kagubatan.
***
Natigilan si Ysavel at ang kanyang mga kasama sa pagtakbo nang marinig nila ang kagimbal-gimbal na sigaw malapit sa kanila.
"Ama!" naluluhang saad ni Cordelia.
"Costan," nabosesan rin ni Ysavel ang tinig ng kanyang kabiyak.
Tumindi ang kabog sa dibdib ng Emperatris, nilingon niya si Cordelia at Ymma at napansin niya ang takot sa kanilang mga mata. Inabot niya ang bunsong Prinsesa kay Editha.
"Mauna na kayo ng mga bata," bilin ni Ysavel kay Editha at Edina.
"Pero paano ka?" tanong ni Editha sa kanya.
"Susunod ako, kailangan ko lang tulungan si Costan," paliwanag ni Ysavel.
"Ina," pagtawag ni Cordelia, "huwag mo kaming iwan ni Ymma! Natatakot po kami!"
Tinignan ni Ysavel ang dalawang Prinsesang parehong lumuluha. Nilapitan niya ang mga anak at hinagkan ang mga ito sa noo, "babalikan ko kayo, mga anak. Pangako."
Pagkatapos ay tuluyan nang tumakbo si Ysavel sa direksyon kung saan nila narinig ang sigaw.
"Ina!" umiiyak na pagtawag ni Cordelia.
"Mam-a!" pagtawag naman ni Ymma sa ina.
"Tumakas na kayo ng mga bata, Editha," paalala ni Edina sa pamangkin, "susundan ko lang ang Emperatris."
Sinunod ni Editha ang tiyahin at agad niyang itinakas ang mga Prinsesa habang sinusundan ni Edina si Ysavel.
***
Ilang saglit lamang ay narating ni Ysavel at Edina ang kinaroroonan nila Costan at Fierro. Tumingin-tingin sila sa paligid at ikinagulat ng kanilang mga mata ang kanilang nakita.
Nasilayan nilang sakal-sakal ni Fierro ang duguang Emperador. Namimilipit si Costan sa sakit, namumula na ang kanyang mukha at lumalabas na ang kanyang ugat. Nabitawan na niya ang espadang hawak sa panghihina ng kanyang kamay.
"Costan!" sigaw ni Ysavel.
Sabay na napilingon si Fierro at Costan at namataan nila ang Emperatris.
"Ysa-vel..."namimilipit na saad ni Costan.
"Ysavel," ikinatuwa ni Fierro ang kanyang presensiya. "Buti naman at nagpakita ka na, hindi na ko mahihirapang hanapin ka! Ngayon, makikita mo kung paano ko papatayin si Costan sa harapan mo!"
Ihinanda na niya ang kanyang kamaong maihahalintulad sa kamay ng isang demonyo. Mayroon itong mga kukong kasing talas ng limang tarak.
"Huwag!" sigaw ni Ysavel.
Hindi pinakinggan ni Fierro ang pagtutol ni Ysavel at walang paligoy-ligoy niyang ibinaon ang kanyang kamay sa sikmura ni Costan. Narinig nila ang matalas na tunog ng pagtusok sa katawan ng Emperador. Tumagos sa likuran niya ang matutulis at matatalim na kuko. Tumulo ang dugo mula sa katawan ni Costan patungo sa damuhan. Natigilan ang Emperador sa sakit. Nakangangang napaluhod si Ysavel, tumatangis. Maging si Edina ay nagulat sa nangyari.
"Ano, Costan?" hinarap siya ni Fierro. "Tutal may pinagsamahan rin naman tayo, bibigyan kita ng pagkakataong makapagpaalam kay Ysavel, sabihin mo na ang nais mong sabihin sa kanya!"
Nilingon ni Costan ang tumatangis na kabiyak, pagkabukas ng kanyang bibig, nagsimulang lumabas ang maiitim at malalapot na dugo, tumulo ang kaunting luha sa kanyang mga berdeng mata, hindi na niya kayang magsalita ngunit para sa minamahal ay pinilit niya pa rin.
"Ysavel...mahal...na mahal...ko kayo...ng mga...bata..."
Lalong umagos ang luha sa mga mata ni Ysavel, pagkatapos niya itong sabihin, tumigil na sa paggalaw si Costan at bumaba na payuko ang kanyang ulo. Nilagutan na ng hininga ang Emperador bago pa siya magawang sagutin ni Ysavel. Nakatuon pa rin ang kanyang nakadilat na mga mata sa minamahal. Patuloy ang pagtulo ng dugo sa kanyang bibig.
Hindi na nagsayang pa ng oras si Fierro at itinaas niya ang bangkay ng kanyang biktima at ihinagis niya ang walang buhay na Emperador sa may ilog. Kasalukuyang may kalakasan ang pagdaloy ng ilog at inanod ng rumaragasang tubig ang kanyang mga labi hanggang sa tuluyan na itong maglaho sa kanilang mga paningin.
"Costaaaaan!" umalingawngaw ang paghihingpis ni Ysavel sa Gubat ng Cen, muli siyang nagpakawala ng nakapangingilabot na sigaw. Humandusay siya sa damuhan, nilalamon ng pighati sa pagkawala ng minamahal niyang kabiyak.
Matapos niyang dispatyahin ang Emperador, nilapitan ni Fierro ang naghihinagpis na Emperatris, "wala na si Costan, pero huwag kang mag-alala dahil naririto pa naman ako para sa'yo, Ysavel."
Nabalutan ng poot ang luhaang pisngi ni Ysavel, bumangon siya mula sa damuhan at inatake si Fierro.
"Hayop ka! Wala kang kaluluwa! Demonyo ka! Mamamatay ka na! Hayop ka! Hayooop!"
Natikman ni Fierro ang mga hampas, sampal at buntal ni Ysavel pero para sa kanya balewala ito.
Hinablot niya si Ysavel at kinulong niya ito sa higpit ng kanyang yakap. "Oo! Hayop ako! Demonyo! Kahit ano pang itawag mo sa akin wala akong pakialam! Ang mahalaga sa akin ka na ngayon!"
Nagpumiglas si Ysavel ngunit walang balak si Fierro na bitawan siya.
"Bitawan mo siya!" Nangialam na si Edina.
"Huwag kang mangialam!" Humambalos kay Edina ang kamao ni Fierro at bumagsak siyang walang malay sa may damuhan.
"Halika na at iuuwi na kita sa Palasyo natin!" Nawalan na ng lakas si Ysavel para labanan si Fierro.
-Palasyo-
Ikinandado si Ysavel at Edina sa loob ng isang silid sa utos ni Fierro, pagkababa niya sa Pangunahing Bulwagan, nakaabang na sina Lodell at Malko sa kanya. Bukod sa kanila, nagkukumpulan na rin ang taumbayan sa loob, matagumpay sila sa pakikipagdigma sa mga tauhan ni Sarito at napasuko nila ang mga Kawal ng Emperador. Nakaabang na ang mga rebolusyonaryo para sa sasabihin ng kanilang bagong Emperador.
"Naitakas ni Costan ang mga anak niya, pero nahuli namin si Emperatris Ysavel," mahinahong paglalahad ni Fierro. "Kasalukuyan siyang nakakulong sa isang silid. Bukas na bukas kakausapin ko siya para sabihin sa amin kung saan patungo ang mga bunga ni Costan."
Taimtim na nakikinig ang lahat sa balita ni Fierro.
"Si Costan?" tanong ng isang ginang. "Nasaan siya? Nahuli mo ba ang walanghiyang Emperador?"
Nagbalat-kayo ang mapagpanggap na si Fierro. "Iyan sana ang balak kong gawin. Pinakiusapan ko siyang sumuko ng mapayapa sa akin at pagbayaran ang kalapastanganang ginawa niya sa inyo ngunit nanlaban siya, nagkaabot kami sa Ilog Cen, sinubukan niya kong kung lunurin pero sa awa ng mga Diyos nakatakas ako, hindi pinalad si Costan at inanod siya ng rumaragasang tubig. Wala na siya."
Nakahinga ng maluwag at may katahimikan sa kanilang puso ang taumbayan, walang kaalam-alam sa kasinungalingan ni Fierro sa kanila.
"Ang buhay niya ang kabayaran sa dugo ng aming mga kaanak," saad ng matandang lalaki, "nabigyan na sila ng hustisya, maraming salamat, Mataas na Emperador."
Binigyan sila ng maamong ngiti ni Fierro.
"Kamahalan, naghihintay na po ang trono sa inyo," paalala ni Malko.
Nagtungo si Fierro malapit sa may trono, hinimas niya ang ginintuang upuan at pinagmasdan ito ng may kakaibang galak at pagmamalaki sa kanyang puso. Ito ang tronong ipinangako sa kanya ng amang si Cresento, ang tronong laman ng kanyang panaginip at kaisipan, araw man o gabi. Naluluha siyang umupo sa Ginintuang Trono ng mga Emperador. Para bang nakaupo na rin siya sa tuktok ng mundo. Wala siyang inaasam kundi ang umupo rito balang araw at ngayon nagtagumpay na siya.
"Mabuhay ang Mataas na Emperador!" sigaw ni Lodell.
"Mabuhay!" Pag-uulit ng taumbayan.
"Mabuhay si Emperador Fierro!"
"Mabuhay!"
***
Narating ni Yerdo at Yrvin ang kinaroroonan ni Ysidro at Sandra, sa kanilang pagkagalak. Niyakap nila ng may pagmamahal si Yrvin.
"Yrvin, apo, maraming salamat at ligtas ka," pinupog ni Sandra ng halik ang Prinsipe.
"Ligtas po ako Kawal, Lola," paliwanag ni Yrvin.
"Yerdo, maraming salamat sa pagligtas mo sa apo namin," saad ni Ysidro. "Kamusta naman sa Palasyo?"
Nawala ang ngiti sa mukha ng kawal, "Konde Ysidro, may masamang balita po."
***
Hindi pa man umiinit ang katawan ni Fierro sa trono, nilapitan ng dalawang lalaking umuusig kay Yrvin ang Kapitan na si Malko at may ibinulong ito sa kanila. Nagmadaling nagtungo si Malko sa may trono upang ibalita ang nangyari kay Fierro.
"Kamahalan, may nakakita po sa bunsong Prinsipe ni Costan," paglalahad niya, "ang sabi ng dalawang saksi, itinakas ng isang Kawal Entrafor ang bata sa kasagsagan ng labanan."
"Kawal Entrafor?" Napaisip si Fierro sa ibinalita ng Kapitan. "Sigurado akong si Ysidro ang nasa likod nito. Nais niyang itakas ang kanyang apo laban sa akin!"
"Ano na pong gagawin natin?" tanong ni Malko.
"Ihanda ang mga tauhan, hahabulin natin sila at ako mismo ang papatay sa bata," paglalahad ni Fierro, "itaga mo sa bato, hindi pa nakakalayo ang mga iyon! Hindi nila ako maiisahan!"
"Masusunod po, Kamahalan," sagot ni Malko.
***
"Ngayong wala na si Costan at si Fierro na ang namumuno sa Imperyo, natitiyak kong gagamitin niya ang kamay na bakal para patumbahin ang sinumang kakalaban sa kanya," saad ni Ysidro sa asawa.
"Si Ysavel," pagpapaalala ni Sandra, "hawak ni Fierro ang anak natin, wala man lang ba tayong gagawin?"
"Sandra, hindi kayang patayin ng isang patak ng tubig ang kumakalat na apoy," paliwanag ni Ysidro, "ililigtas natin si Ysavel sa kamay ni Fierro, sa ngayon kailangan muna nating palakasin at paigtingin ang ating hukbo. Magtutungo tayo sa Heracio, hihingi tayo ng tulong kay Panginoong Herono at sa iba pang mga Panginoong tapat sa Imperyo. Matutulungan nila tayong mag-aklas at sibakin sa trono ang tiranong Emperador, pagkatapos, iingatan natin ang trono para kay Yrvin o kay Covel kung saan man siya naroroon."
"Magandang ideya, Konde Ysidro," sumang-ayon si Yerdo, "pero ngayon kailangan na po nating umalis bago pa nila matuklasan na naririto tayo."
"Tara na," alok ni Ysidro.
Pasakay na sa loob si Yerdo nang tumagos sa kanyang katawan ang isang sibat mula sa likuran.
Nabigla si Ysidro sa nangyari, napahiyaw si Sandra at napayakap si Yrvin sa kanyang lola. Pagkabagsak ng pinaslang na kawal, nakita ng mag-asawa na nakaabang na si Fierro at ang kanyang mga tauhan sa kanila.
"Si Fierro!" Napahiyaw si Sandra.
"Patakbuhin mo na, bilis!" Agad na inutos ng Konde sa kanyang kutsero at mabilis nitong pinatakbo ang kanyang kabayo.
"Habulin sila!" utos ni Fierro, nanguna ang kanyang kabayo kasunod sina Malko at ang iba pa nilang tauhan.
Nagsimula ang habulan sa kalagitnaan ng gabi, isang karwahe laban sa buong hukbo ng Mataas na Emperador.
"Ysidro, natatakot ako, napakarami nila!" Umiiyak na saad ni Sandra.
"Huwag kayong matakot, hanggang naririto ako, hindi nila kayo makukuha!" Pinapalakas ng Konde ang kanilang loob.
"Tirahin niyo!" sigaw ni Fierro.
Pinagpapana ng kanyang mga tauhan ang tumatakbong karwahe.
"Yuko!" saad ni Ysidro sa asawa at apo.
Yumuko sina Sandra at Yrvin at sila'y hinarangan ni Ysidro. Pumasok ang isang bala ng pana sa karwahe at tinamaan nito ang nakaharang na Konde.
"Ysidro!" sigaw ni Sandra. Nakita niyang nasa likuran ni Ysidro ang tumamang pana sa kanya. Hindi na nakasagot ang Konde at siya'y nawalan ng kamalayan.
"Huwag mo kaming iwan, Ysidro!" Pakiusap ni Sandra.
"Lolo!" Umiiyak na pagtawag ni Yrvin.
"Bilisan mo pa!" sigaw ni Sandra sa kutsero.
"Huwag hayaang makatakas!" Mahigpit na utos ni Fierro. Naaninag niyang natamaan nila si Ysidro at si Sandra ngayon ang nagpapamadali sa karwahe. "Sumuko na kayo! Itigil ang karwahe at ibigay mo sa akin ang bata! Akin na ang bata!"
"Bilis pa!" Natatarantang utos ni Sandra.
Unti-unti nang lumalabas kay Fierro ang bagsik ng Panginoon ng Apoy. Namumula na naman ang kanyang mga mata at nang-iinit ang kanyang pangngatawan, parang bulkan na anumang oras ay mag-aalboroto.
Bahagyang sumilip si Yrvin sa may bintana sa kanilang likuran at namataan niya ang malupit at matapang na mukha ng taong pilit na tumutugis sa kanila. Nabalutan ng takot ang puso ng batang prinsipeng walang kamuwang-muwang sa mga kaguluhang nagaganap.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro