Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologo: Ang Hinaharap ng mga Tagapagmana

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Lumalalim na ang gabi ngunit hanggang ngayon hindi pa rin natininag ang pagtakas ng mga walang kalaban-laban sa paghabol ng mga umuusig.

Tinitigan ni Yrvin nang may pagkasindak ang buong pwersa ng Mataas na Emperador habang patuloy ang kanilang pagsunod sa Silanganang Bayan ng Sentralisadong Imperyo.

"Yrvin, baba," hinila ni Sandra pababa ang apo upang maprotektahan ito sa nagliliyab na galit ni Fierro.

"Sandra!" naririnig nila ang sigaw ni Fierro sa kanilang likuran. "Huwag na kayong tumakas! Ibigay mo na sa akin ang bata!"

Lalong humigpit ang pagyakap ni Sandra sa kanyang mahal na apo, walang balak na isuko ito kay Fierro.

"Masyado silang marami, saan na po tayo pupunta?" tanong ng natatarantang kutsero.

Napalingon si Sandra sa walang malay na asawa at naalala niya ang plano nitong magtungo sila sa Lupain ng Heracio upang humingi ng tulong kay Panginoon Herono.

"Dumiretso ka lang, pupunta pa rin tayo sa Heracio," paninindigan ng Kondesa. "Bilisan mo pa!"

Malayo-layo pa ang lalakbayin nila patungong Heracio, sapagkat ilang oras ang bubunuin bago nila marating ang lupain, ipinapanalangin na lang ni Sandra na makarating sila ng ligtas at matulungan sila bago pa mahuli ang lahat.

"Hyah!" Pinabilis pa ng kutsero ang kanyang kabayo at lumayo ang pagitan nila laban kay Fierro at sa kanyang mga tauhan.

"Makakaalis sila!" Pangamba ni Malko nang mapagtantong bumibilis ang takbo ng karwahe.

"Hindi!" Nanggalaiti ang pagmumukha ng Mataas na Emperador, sumara ang kanyang kamao ang ito'y sumiklab. "Hindi niyo ko matatakasan!"

Itinapat ni Fierro ang kanyang nag-aalab na kamay sa karwahe at hinagisan niya ito ng kanyang bolang apoy. Tumama ito sa may likuran at sa bilis ng andar ng karwahe, mabilis ring kumalat ang apoy.

"Lola!" sigaw ni Yrvin nang makitang nagliliyab na ang kanilang sinasakyan.

"Huwag kang matakot, hindi kita pababayaan!" Unti-unti nang nararamdaman nila Sandra at Yrvin ang init sa kanilang sinasakyan. Nagsimula na ring mataranta ang kanilang kabayo sa presensiya ng apoy at hindi nila namalayang patungo na sila sa isang pababang daanan kung saan maraming lubak at mga bato.

"Tigil!" utos ni Sandra ngunit dumiretso na doon ang karwahe at ito'y sumadsad pababa sa mga batuhan. Tumagilid ito at tuluyang nabagsakan ang kutsero pati na rin ang kabayo na kanilang ikinamatay.

***

Nagising si Sandra at natagpuan niya ang kanyang sarili na sugatan sa loob ng tumaob nilang karwahe. Nilalamon na ito ng apoy at kumakalat na ang usok sa buong paligid. Bumabara na sa kanyang baga ang kapal ng usok, sa kanyang tabi, nakita niya ang asawang si Ysidro na wala pa ring malay. Napansin niyang mas lalong bumaon ang panang nakatusok sa kanyang katawan.

"Ysidro," pabulong na pagtawag ni Sandra sa kanya, "Ysidro!"

Gumapang pa siya papalapit at itinapat ang kanyang tenga sa dibdib ng kabiyak. Wala na siyang naririnig na pintig sa kanyang puso at nalaman niyang patay na ang Konde. Hinawakan niya ito sa ulo at hinagkan ang kanyang noo nang may pagmamahal at lumbay, "Paalam, Ysidro."

Napalingon si Sandra sa paligid at namataan niyang nakahiga patalikod ang apong si Yrvin malapit sa bintana ng karwahe, gumapang ulit ang Kondesa papalapit sa kanya, ihiniga niya paharap ang apo at nakita niyang pumutok ang ulo nito sa pagsadsad ng karwahe na malamang ay tumama sa mga malalaking tipak ng bato. Duguan ang kanyang malapad na noo. Kumakalat na ang apoy sa loob at hindi magtatagal, tutupukin na nito ang buong sasakyan, kaya naman pinilit ni Sandra na igapang palabas ang apong si Yrvin sa maliit na bintana ng karwahe. Matagumpay niyang nailabas sa apoyan ang apo at ito'y pilit niyang ginising.

"Yrvin, Yrvin," Pabulong na tawag sa kanya ng Kondesa.

Dumilat ang mga mata ni Yrvin ngunit tila nawala ito sa wisyo sa pinsalang tinamo sa ulo.

"Salamat at buhay ka, apo," niyapos ni Sandra ang batang Prinsipe.

Hindi pa nagtatagal, narinig nila sa likuran ang tinig ng mga umuusig sa kanila.

"Doon!" Saad ng isa sa kanila.

"Bumagsak dun ang karwahe! Tara!"

Napangtanto ng Kondesa na papalapit na sila sa kanilang kinaroroonan, sa bungad nila mayroong isang mataas na damuhan na mas mataas pa kay Yrvin.

"Apo, umalis ka na, nakikita mo ba ang damuhan?" itinuro niya ito sa bata, "tumakbo ka doon at huwag na huwag kang magpapahuli sa kanila."

Nakatulala lamang si Yrvin na para bang hindi nito naintindihan ang iniuutos ng kanyang lola.

"Ano pang hinihintay mo?" napalakas ang boses ni Sandra, napatakbo si Yrvin at naglaho siya sa damuhan.

Ilang pikit mata lang, narating ni Fierro, Malko at ang kinaroroonan ni Sandra ngunit natagpuan nila itong nag-iisa.

"Nasaan ang bata?" Walang paligoy-ligoy na tanong ni Fierro sa Kondesa.

Hindi siya sinagot ni Sandra, tanging tingin na may pagkasuklam lamang ang kanyang isinagot sa kanya.

"Nasaan siya?" Sinakal niya sa leeg ang Kondesa.

"Wala na siya rito at hindi niyo siya makukuha!" matapang na sagot ni Sandra.

Padabog na ihinagis ni Fierro sa batuhan ang Kondesa at dumugo ang kanyang labi.

"Suyurin ang buong paligid," utos ni Malko sa kanyang mga tauhan, "hindi pa nakakalayo ang bata!"

Nagsimulang maghanap ang kanilang mga tauhan sa buong paligid at sinuyod ng iba ang damuhan kung saan huling namataan si Prinsipe Yrvin.

"Hindi na bale, mahahanap ko rin siya," pinapakalma ni Fierro ang kanyang sarili, ang mahalaga na sa akin na si Ysavel!"

"Hindi, Fierro," sumabat si Sandra, "makakaalis rin si Ysavel sa piling mo."

"Nagkakamali ka," sagot ni Fierro, "wala ng makakapagligtas kay Ysavel ngayon, lalo na pag wala na ang kanyang mga magulang!"

"Kahit na patayin mo pa kami, naniniwala akong gagawa ng paraan ang mga Diyos para sagipin si Ysavel, at ikaw, hindi matatanggal mawawala rin ang sumpang dala mo sa Buong Lupain! Walang liyab ang hindi napapatay!"

Hindi na nakapagtimpi pa si Fierro sa mga sinabi sa kanya ni Sandra, "tumahimik ka!"

Napalingon siya sa may karwahe at nakita itong nasusunog sa kanyang kagagawan.

"Alam kong gusto mo ng makita ulit ang iyong asawa, hindi ko na ito patatagalin pa para sa'yo."

Ibinuhos ni Fierro ang buong pwersa niya sa leeg ni Sandra at siya'y namilipit habang unti-unting inaalis ng Mataas na Emperador ang buhay mula sa kanya. Nangisay ang kanyang buong katawan sa sakit. Isang malutong na tunog ang nagmula sa leeg ng Kondesa. Pagkabitaw ni Fierro, bumagsak ang kanyang walang buhay na katawan sa may batuhan.

***

Bumalik si Fierro sa Palasyo at pumasok siya sa silid ni Ysavel kung saan nakita niyang dinadamayan ni Edina ang lumuluhang Emperatris.

"Ysavel!"

Hinatak niya si Ysavel sa may sulok ng silid at tinignan ito nang may pagnanasa mula ulo hanggang paa, maaaring apat na ang anak niya ngunit napanatili pa rin niya ang magandang hugis ng kanyang katawan.

"Mahal ko, wala ng makakapagligtas sa'yo ngayon, wala ka ng magagawa kundi mahalin ako."

"Hinding-hindi ako magmamahal ng isang halimaw na katulad mo!" Paninindigan ni Ysavel.

Mapangahas niyang dinuraan sa mukha si Fierro pero ito'y tila ikinatuwa pa niya. Hindi niya binirahan ng suntok o hampas ang Emperatris.

"Sige, kung ito ang gusto mo, madali naman akong kausap," sagot niya, pagkatapos ay nagtungo ito kay Edina at hinatak niya ang braso nito papalabas ng silid.

"Sandali," nagulat ang lingkod, "pakawalan mo ko!"

"Bitawan mo siya!" hiyaw ni Ysavel. "Saan mo siya dadalhin!"

"Sa tuwing tatanggihan mo ang aking pag-ibig, paparusahan kita!" sagot ni Fierro. "Mayroong masasaktan!"

Isinara ni Fierro ang pinto at muli itong ikinandado bago pa makahabol ang Emperatris.

"Hayop ka, Fierro! Huwag mong sasaktan si Aling Edina!" halos mapaos na si Ysavel sa kakasigaw.

***

Dinala ni Fierro si Aling Edina sa isa sa mga bodega sa Palasyo, itinulak niya ito sa may sahig.

"May nakapagsabi sa akin na kasama niyong tumakas ang pamangkin mo, at ngayon siya ang kasama ng dalawang Prinsesa. Saan sila patungo? Natitiyak kong alam mo."

"Wala akong alam, biglaan lang ang pagtakas namin," paninindigan ni Edina, "at kung may alam man ako bakit ko sasabihin sa'yo?"

Pumula ang mata ni Fierro sa galit at itinutok niya ang kanyang nagliliyab na palad kay Edina, "matapang kang hampas-lupa ka! Tignan natin kung hanggang saan ang tapang mo sa gagawin ko ngayon!"

"Sige, patayin mo na ko!" Panghahamon ng lingkod. "Pahihirapan mo lang rin naman ako, mas mabuti pang tapusin mo na ako gaya ng ginawa niyo sa mga tao dito sa Palasyo!"

Nanggagalaiti pa sa galit si Fierro ngunit biglang pumasok sa isipan niya na kapag pinatay niya si Edina, mahihirapan na siyang matunton ang mga Prinsesa. Kailangan pa niya ang lingkod.

Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ng Emperador. "Alam kong hindi ka takot mamatay, pero kung papatayin kita ngayon, parang nagpatalo na rin ako kapag sinunod ko ang kahilingan mo! Hindi ka muna mamamatay! Mabubulok ka muna dito sa aking Palasyo hanggang sa wala ka ng magawa kundi ikanta ang pamangkin mo!"

Isinara niya ang pinto at nilamon ng dilim ang paligid ni Edina.

***

Sa bawat sulok ng Palasyo, nagkalat pa rin ang mga bangkay ng mga nasawi sa naganap na digmaan, kawal man o lingkod, mersenaryo man o taumbayan, punong-puno ito ng labi at nagmistulan itong sementeryo. Malapit sa may dingding, nakahiga ang walang buhay na pusa. Ang alaga ni Ysavel na si Ystan. Mayroon siyang dalawang tama ng pana sa kanyang katawan, malamang ay tinamaan ito ng ligaw na pana sa kasagsagan ng labanan.

Nakaupo si Fierro sa kanyang trono, sa kanyang tabi, nakaupo rin malapit sa kanya si Lodell, hinihintay na iharap sa kanila ang mga kawal ni Costan na sumuko sa kalaban.

Maya-maya, itinutulak na ng mga tauhan ni Fierro ang mga kawal. Nakagapos ang kanilang mga kamay at karamihan sa kanila ay sugatan at pagod pa sa labanan. Sa libo-libong mga kawal, ilang daan na lang ang natira sa kanila, hindi pa kasama ang bilang ng mga tumakas.

Kasama nila ang dating Tagapayong si Heman na bukod tanging nakaligtas sa konseho ni Costan, may daplis ang kanyang ulo ngunit hindi ito malala.

Tinitigan isa-isa ni Fierro ang mga nagigimbal na kawal at mayroon siyang napagtanto.

"Nasaan ang Kapitan niyong si Sarito?" tanong niya.

"Tumakas po siya sa gitna ng labanan kasama ang kanyang anak," sagot ng isang kawal na nakakita sa nangyari.

Napangisi si Fierro, "ang duwag, umurong na siguro ang bayag niya."

Napangiti si Malko at Lodell sa sinabi ng Mataas na Emperador.

"Kapitan Malko, siguraduhin niyong mahahanap niyo si Sarito, oras na para pagbayaran niya ang lahat ng ginawa niya sa akin."

"Masusunod, kamahalan," sagot ni Malko.

Muling hinarap ni Fierro ang mga sumukong kawal.

"Kayo pala ang natira sa pwersa ni Costan," pagpapatuloy niya, "ano nga ba ang gagawin ko sa inyo?"

Nagsiluhuran ang karamihan sa mga kawal at sila'y tumangis, nananatili naman sa kanyang pwesto si Heman, "maawa kayo, Emperador Fierro. Huwag niyo po kaming patayin."

"Huwag kayong mag-alala, hindi naman ako kasing sama ng inaakala niyo," paninigurado ni Fierro.

Napailing si Heman sa sinabi niya, nayayamot sa ipokritong Emperador.

"Hindi ko kayo papatayin, ibabalik ko ang inyong mga ranggo kung paglilingkuran niyo ko," saad ni Fierro.

Mabilis pa sa alas-kwatro, nagsiluhuran ang lahat ng mga kawal, "paglilingkuran namin kayo, Kamahalan!"

Natuwa si Fierro sa ginawa nilang pagluhod, "sige, ngayon ilabas na silang lahat. Marami pa silang kailangang gawin."

Inilabas ang mga nagsunurang kawal sa pangunguna ni Malko.

"Heman," pagtawag ni Fierro sa natitirang tagapayo. "Matagal mong pinaglingkuran ang ama kong si Emperador Cresento at ang lolo kong si Emperador Cenon, at dahil dito bibigyan pa kita ng pagkakataon para makapag-isip kung ano ang magiging kapalaran mo. Maaari mo kong paglingkuran o tanggapin ang iyong kamatayan. Ngayon, susubukin kita...kapag nagawa mo ang ipinapagawa ko, tatanggapin kita sa aking Konseho."

"Ano namang kalokohan ang ipapagawa mo sa akin, kamahalan?" May pag-uuyam ang kanyang tinig, nananatiling matatag ang pagkakatayo ni Heman, walang balak lumuhod kay Fierro.

***

Dinala ni Fierro at Lodell si Heman sa Gubat ng Cen, sa kanyang pagtataka. Nakita niyang naroroon ang mga sumukong sundalo, lahat sila'y naghuhukay ng lupa sa nasabing Gubat. Lagpas anim na talampakan na ang kanilang nahuhukay.

Binigyan ni Lodell ng pala ang matandang Tagapayo at tinapik ito sa balikat, "ito, maghukay ka na, Tanda!"

"Para saan?" Nagtatakang tanong ng matanda.

"Malalaman mo rin," itinapat ni Lodell ang kanyang palakol sa kanya bilang pambanta.

Nagsimulang maghukay si Heman kasama ang iba pang mga kawal. Makalipas ang ilang minuto, nagsibalikan ang mga iba pang kawal. Dala-dala nila ang mga bangkay ng mga napaslang nilang kasamahan at ganoon na rin ang bangkay ng iba pang mga lingkod at konseho. Ibinalik ni Fierro ang mga bangkay ng mga taumbayang nasawi sa kanilang mga pamilya habang ang mga mersenaryo naman ay kasama sa mga ililibing sa Gubat ng Cen.

Ihinelera ng mga Kawal ang mga bangkay sa damuhan. Pinagmasdan ni Heman kung sino-sino ang kanilang mga ililibing.

Nakita niyang nakahilera ang lahat ng kanyang mga kasamahan sa Konseho, sunod niyang nakita si Mela na may tama ng pana sa kanyang likuran. Namataan niya rin si Konde Ysidro na lapnos ang kalahating katawan at si Kondesa Sandra na nakadilat pa ang mga mata at nakapilipit ang leeg. Napapailing ang Tagapayo sa mga nasayang na buhay sa loob lamang ng isang gabi.

Maya-maya natigilan ang matandang Tagapayo sa kanyang nasilayan. Nasilayan niya ang kanyang napaslang na anak na si Ving. Mayroon siyang tama ng pana sa puso, sa likuran at sa kanyang mga tagliran. Naliligo sa dugo ang kanyang kasuotan.

"Ilibing mo na," utos ni Lodell, "anak mo, libing mo!"

Nagsitawanan si Malko at ang mga tauhan ni Fierro.

Wala nang nagawa pa ang Tagapayo kundi mapaluhod at tumangis. Wala siyang kamalay-malay na kabilang ang anak sa nasawi, ang buong akala niya kasama siyang tumakas ng Emperatris. "Ving, anak ko! Mga demonyo kayo! Pinatay niyo ang anak ko!"

"Nanlaban siya, kasalanan niya iyan," paalala ni Malko sa kanya. "Tinignan ko muna siya sa mata bago ko siya pinaslang!"

Hindi na nakapagpigil pa si Heman, bumangon siya sa kanyang kinaroroonan at hinablot ang espada ni Malko sa kanyang sintron.

"Hayop ka!"

Ihahampas na ni Heman ang kanyang espada kay Malko, pero inunahan siya ni Lodell. Ihinagis niya ang palakol at bumaon ito sa tadyang ng matandang Tagapayo. Bumagsak si Heman sa tabi ng mga labi ng kanyang anak.Nagsitinginan ang mga kawal sa nangyari.

"Anong tinitingin-tingin niyo?" Tanong ni Lodell, kinuha niya ang duguang palakol sa katawan ni Heman at ipinanakot ito sa mga kawal. "Ilibing niyo na ang mga iyan, kung ayaw niyong kayo ang ilibing!"

Nagsibalikan ang lahat sa paghuhukay ng libingan.

"Sinayang mo ang pagkakataon, Heman," saad ni Fierro malapit sa kanyang labi, "ngayon, mabulok ka sa ilalim ng lupa kasama ang anak mo!"

***

Pagkatapos nilang ilibing ang mga bangkay, nakatanggap ng balita si Malko at agad niya itong ibinalita sa Mataas na Emperador.

"Kamahalan," ibinigay niya ang ilang iskrol kay Fierro. "Magandang balita, nagbigay na ng liham ng pagsuporta sa inyo ang mga namumuno sa iba't-ibang lupain ng Imperyo. Unang nagbigay si Panginoong Ocillo ng Lupain ng Ossig, nagbigay na rin ng kanilang pagsuporta ang bayan ng Kartiño at Mairuz."

"Magandang balita," sagot ni Fierro, "at ang Artemias?"

"Tikom pa rin po ang bibig ng inyong pinsang si Duke Aurello," paliwanag ni Malko.

"Hindi niya maaaring ipagkait sa akin ang Artemias, nakakalimutan ba niyang dugong Artemian ang nananalaytay sa aking ugat?"

"Hindi lang po siya ang inyong problema, wala pa rin pong Liham ng Pagbati ang Heracio at Entrafor, tiyak na hindi nila basta matatanggap ang nangyari sa kanilang Konde at Kondesa."

"Pupunta ako ng Entrafor, paniniwalain kong nakipagsabwatan ang mag-asawa kay Costan at iyon ang naging mitsa ng kanilang mga buhay, pagkatapos magtatalaga ako ng taong aking mapapagkatiwalaan para pamunuan ang Lupain. Ang Heracio naman ay hahayaan ko lang, hindi magtatagal, magpapasakop rin sila sa aking pamumuno at kapag hindi iyon nangyari, handa akong giyerahin ang kanilang Lupain, kung ito lamang ang tanging paraan para makuha ko ang Buong Lupain."

Tumango si Malko sa mga desisyon ng bagong Emperador. Sunod na lumapit si Lodell sa Trono ng Mataas na Emperador.

"Kaibigan, maraming salamat sa tulong na naibigay mo sa akin," saad ni Fierro habang siya'y komportableng nakasandal sa kanyang ginintuang trono, "ngayong nabawi na natin ang Imperyo at ako na ang Mataas na Emperador, maaari mo ng makuha ang iyong gantimpala, ang matagal mo ng inaasam, Ang Kontinente ng Kanluran."

Umabot hanggang tenga ang ngiti ng Tagapayo kasabay ng kanyang pagluhod, "maraming salamat, Kamahalan."

"Binibigyan na kita ng permisong magtungo sa Kanluran, kailan mo ba balak bumalik?" tanong ni Fierro.

"Sa lalong madaling panahon," hindi pa rin naaalis ang saya sa mukha ni Lodell. "Inihahanda na ni Wael ang lahat para sa aking pagdating."

"Siguro nga ay dapat mo ng bilisan," sumabat si Malko sa usapan, "lalo na ngayon at nagkakagulo sa Kanluran, sa pagkawala ng kanilang Mataas na Panginoon, para silang mga tupang nawalan ng pastol."

"Ako ang magiging pastol nila," sagot sa kanya ni Lodell na may kakaibang ngisi, "pero hindi sila mananatiling mga tupa, gagawin ko silang mababangis na lobo na bibiktima sa mga Itmai at Puttlan hanggang sa mabura ko silang lahat sa mukha ng mundo."

Sinagot siya ni Fierro ng kanyang ngisi, sumasang-ayon sa binabalak ng kanyang lingkod.

***

Pumasok si Fierro sa nakakandadong silid ni Ysavel, bumangon ang Emperatris sa kanyang kama, inaakalang si Edina ang papasok sa loob. Napaupo siya pabalik sa kama nang malaman niyang si Fierro ang pumasok.

"Nasaan si Aling Edina? Anong ginawa mo sa kanya?" tanong niya kay Fierro.

"Sa ngayon wala pa," sagot ni Fierro, "huwag kang mag-alala, ligtas siya. Naisip kong may pakinabang pa siya sa akin, maaaring siya ang maging susi para makakuha ako ng impormasyon kung saan patungo ang mga anak mo, isa pa naisip ko rin kung mananatili ka rito kailangan mo ng makakasama kahit papaano."

Ipinagtaka ni Ysavel ang inilahad nito sa kanya, "anong pinagsasasabi mo?"

Pumorma ang mabagsik na ngiti sa aura ni Firrro, "hindi mo pa nga pala alam, wala na ang karamihan sa mga lingkod niyo. Patay na sina Heman, Ving, Aling Mela at pati na rin ang alaga mong pusa. Napatay sila sa kasagsagan ng labanan, nanatili silang tapat kay Costan at buhay nila ang naging kapalit."

Natigilan si Ysavel sa kanyang natuklasan. Napailing ito habang nakapikit, inaalala ang mga nasawi.

"Alam kong nabigla ka pero may kailangan ka pang malaman," seryoso ang tinig ni Fierro, "tungkol sa bunso mong Prinsipe."

"Si Yrvin!" Muling napabangon si Ysavel sa sinabi ni Fierro.

"Sinubukan siyang itakas ng mga magulang mo, nangahas silang kalabanin ako pero hindi sila nagtagumpay..."

Binitin pa ni Fierro ang kanyang pagsasalaysay.

"Anong ginawa mo sa kanila? Anong ginawa mo sa kanila?" kumapal ang boses ni Ysavel sa galit.

"Wala na rin sila," ibinato ng Emperador.

Tila nawalan ng pakiramdam si Ysavel nang malaman ang nangyari sa kanyang mga magulang, hindi niya namalayang tumutulo na ang luha sa kanyang mga mata.

"Hindi," pabulong niyang isinambit, "ang mga magulang ko! Hindi maaari!"

Nilingon niya si Fierro at tinignan ito ng diretso sa mata, mayroon siyang isang katanungan, "ang anak ko?"

Hindi umimik si Fierro ngunit isang malupit na ngiti ang isinagot niya sa Emperatris. Tila alam na ni Ysavel ang sagot sa kanyang katanungan.

Bumuhos na ang emosyon ni Ysavel, hindi na niya kinaya pa ang nalaman tungkol sa anak. Sinampal niya ng may pagkamuhi ang pisngi ni Fierro.

"Walanghiya ka! Pinatay mo si Costan pagkatapos ang mga magulang at anak ko naman! Ano pa ba ang gusto mo? Nakuha mo na ang trono! Ilan pa ba ang kailangang mamatay! Napakasama mo! Kinamumuhian kita!"

Hinila ni Fierro sa buhok si Ysavel hanggang sa mabanat ang kanyang anit. "Gusto ko lahat at hindi ako makukuntento! Kamatayan ang sasapitin ng lahat ng kakalaban sa akin! Kaya kung ako sa'yo, tanggapin mo na ang kapalaran mo! Halika, dito ka!"

Itinulak niya si Ysavel sa kama at sinunggaban niya ito, pinupog niya ng halik ang Emperatris sa labi na tila nilalamutak na niya ito.

"Lumayo ka sa akin!" Humiyaw ng malakas si Ysavel pero hindi ito pinansin ni Fierro, pinunit niya ang kanyang bestida, hinalikan at tinikman ang iba't-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sinamantala niya ang pagkakataon para pagpiyestahan ang babaeng kanyang inaasam noon pa man. Hinubad rin niya ang kanyang kasuotan at ginahasa ang naghihinagpis na Emperatris. Wala ng nagawa si Ysavel sa pambababoy na ginagawa sa kanya ng bagong Mataas na Emperador.

Pagkatapos niyang magawa ang nais niya sa iniirog, nananatiling nakahiga sa kama si Fierro kasama ang Emperatris, wala silang saplot at tanging kumot lamang ang nakatakip sa kanilang mga katawan.

Ipinulupot ni Fierro ang kanyang mga kamay sa piling ni Ysavel, patuloy na hinahagkan ang kanyang makinis na balikat.

"Wala na ang asawa mo, ang mga magulang, ang mga anak mo at ang lahat ng taong mahalaga sa'yo pero hindi pa huli ang lahat para magsimula ka ng panibagong buhay," bulong ni Fierro sa kanyang tenga, "tanggapin mo lang ang aking pagmamahal at ibibigay ko sa'yo ang lahat. Bibigyan kita ng maraming Prinsipe at Prinsesa kung ito ang papawi ng iyong kalungkutan at mamumuhay tayo ng masaya bilang Emperador at Emperatris ng Imperyong Cenpyre. Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin para sa'yo. Mahal na mahal kita, Ysavel."

Ilang minuto ang lumipas bago sumagot si Ysavel sa kanyang panghihikayat. "Nahihibang ka na. Maaaring nakuha mo ang katawan ko pero kahit kailan hinding-hindi mo makukuha ang puso at kaluluwa ko. Kinasusuklaman kita, nandidiri ako sa presensiya mo. Mas nanaisin ko pang lamunin ng kawalan kaysa mabuhay ng isang segundo sa piling mo."

Hindi tumitigil ang pagdaloy ng mga luha ni Ysavel patungo sa kanyang unan. Hindi niya maatim na harapin ang lalaking pumaslang sa kanyang mga mahal sa buhay. Nang mga panahong iyon, napagtanto ni Fierro kung gaano kasukdulan ang pagkamuhi sa kanya ni Ysavel.

***

-Heracio-

Madaling araw sa Lupain ng Heracio, makikitang naglalakbay sakay ng isang kabayo ang isang lalaking nakatakip ng balabal ang mukha, kasama niya ang isang batang lalaking nasa walong taon ang edad. Patungo sila sa isa mga panuluyan sa kabayanan na pagmamay-ari ni Sania.

Bumaba ang lalaki sa kabayo at inalalayan pababa ang kasamang bata, pagkatapos siya'y nagtungo sa pinto at kinatok ito ng malumanay.

"Sandali lang," sagot ni Sania habang siya'y papalapit sa pinto.

Pagkabukas niya ng pinto, nakilala niya agad ang batang lalaki.

"Aric?"

Naluluhang yumakap sa kanya ang bata at niyakap niya rin ito pabalik. Tinanggal ng lalaki ang kanyang takip sa mukha at ikinagulat ito ni Sania.

"Mga Diyos ko, Sarito!" nagulantang siya nang makita ang sugatang mukha ng pamangkin. "Anong nangyari sa'yo. Tara at pumasok na kayo sa loob."

***

Maya-maya, nakatulog na si Aric, masyado nang naging mahaba ang gabi para sa isang batang kagaya niya. Ginagamot ni Sania ang mga sugat ni Sarito at dahan-dahan ang pagdampi ng pamunas sa kanyang mukha.

"Sigurado akong pinauusig na ako ni Fierro sa mga oras na ito," sabi ni Sarito, "noon pa man mainit na ang dugo namin sa isa't-isa. Ilang beses na rin kaming nagkabanggaan, hindi niya palalagpasin ang pagkakataong gantihan ako. Hindi na kami ligtas dito ng anak ko."

"Ano na ang balak mo ngayon?" tanong ni Sania habang patuloy ang kanyang panggagamot.

"Kailangang makaalis na kami ni Aric sa Imperyo, mamumuhay kami sa ibang lupain, ilalayo ko siya sa kaguluhang naganganap dito."

Hindi na nagtaka ang kanyang tiyahin sa sinabi niya, tama lamang na isipin niya ang kalagayan ng anak.

"Nauunawaan kita," sagot ni Sania, "pero paano na si Emperatris Ysavel? Nabalitaan kong hawak siya ni Emperador Fierro ngayon, nakakulong sa Palasyo. Wala ka man lang bang gagawin?"

Nagpakawala ng bugtong hininga ang Kapitan na para bang ayaw na niyang balikan pa ang mga nangyari.

"Hindi ko siya kayang iligtas, hawak na ng mga tauhan ni Fierro ang buong Palasyo. Pinatay nila ang mga kawal ko.Wala akong kalaban-laban."

"Iyan ba talaga ang tunay na dahilan?" nakikita ni Sania na may iba pang bumabagabag sa kanyang pag-iisip.

"Wala na akong mukhang maihaharap sa Emperatris, pagkatapos ng nangyari," naluluhang pag-amin ni Sarito. "Namatay si Emperador Costan sa kamay ni Fierro at hindi ko man lang siya naprotektahan. Binigo ko siya pati na rin ang Imperyo. Noong nakita kong umiiyak si Aric sa takot, wala na kong naisip kundi ang kaligtasan niya. Tumakas ako at tinalikuran ang sinumpaang tungkulin bilang isang kawal. Isa akong malaking kahihiyan, dinungisan ko ang aking pagkakawal. Naduwag ako."

Batid ni Sania na unti-unti ng kinakain ng kanyang konsiyensiya ang nabigong pamangkin. Ngayon lamang siya nagkaganito mula noong siya'y naging kawal.

"Sarito, isa kang Kawal pero huwag mong kalimutang tao ka lang rin, nagkakamali, nabibigo, nadadapa, ginawa mo lang kung ano ang sa tingin mo ay makakabuti sa iyong anak nang mga panahong iyon" paaalala sa kanya ni Sania, "oo nabigo ka pero huwag mong hayaang magbunga pa ito ng isa pang kabiguan. Nadapa ka pero ang mahalaga ay bumangon ka ulit at lumaban dahil ito ang gagawin ng Saritong kilala ko. Huwag mong hayaang diktahan ka ng isang pagkatalo. Matapang ka, magiting at alam kong sa huli gagawin mo pa rin kung ano ang tama."

Tila naliwanagan si Sarito sa sinabi ng kanyang tiyahin

-Palasyo-

Nananatiling nakakandado si Ysavel sa loob ng kanyang silid, tuwing gabi binibisita siya ni Fierro at siya'y ginagalaw nito sa lahat ng paraan na kaya niya, pagkatapos tinatabihan niya ito sa pagtulog. Lumipas ang mga araw at nagpatuloy ang ganitong kalagayan ng Emperatris at para bang nasanay na siya sa presensiya ni Fierro. Hindi na siya umaalma sa tuwing may gagawin ito sa kanya, nagmistulan siyang gamit, laruan at libangan sa kanya. Nawalan na siya ng pakiramdam at animo'y isa na lamang siyang malungkot na istatwa. Naglaho ang larawan ng noong napakagandang Emperatris, nangayayat ang kanyang pangangatawan, namamalat ang kanyang dating kulay rosas na labi at nanamlay ang kanyang asul na mata. Namumula ang kanyang leeg at dibdib sa bakat ng mga halik ni Fierro sa kanya. Palagi siyang dinadalhan ng pagkain at tubig ni Edina ngunit hindi niya ito ginagalaw, lalo pang lumala ang lahat ng siya'y magsimulang ubuhin at lagnatin.

Makalipas ang isang linggo, muli siyang dinalhan ni Edina ng pagkain at gamot upang siya'y gumaling.

Namumutla na si Ysavel, nangingitim na ang ibaba ng kanyang mga mata at maririnig ang pag-aagahas sa tuwing siya'y humihinga.

"Kamahalan, dinalhan ko po kayo ng mainit na sabaw na may katas ng erbal," saad ng lingkod. Ibinaba niya ang mangkok sa may mesa malapit sa kama. Hinipo niya ang noo ng Emperatris at hanggang ngayon hindi pa rin nawawala ang kanyang lagnat.

"Mainit pa rin kayo," nag-aalalang sambit ni Edina, siya ng isang kutsarang sabaw at itinapat ito sa kanyang bibig, "kumain na po kayo."

Kahit anong pilit niya, ayaw talagang kumain ni Ysavel at nananatili lamang siyang nakatulala sa isang sulok.

"Emperatris Ysavel, kailangan mong kumain para manumbalik ang lakas mo. Kailangan mong magpakatatag para sa mga anak mo."

"Iwan mo na muna ako, Edina," sagot ni Ysavel. "Napakarami mo ng nagawa para sa akin, hindi ka na dapat pa nadamay sa lahat ng ito."

"Hindi ko iyon magagawa," paninindigan ni Edina, "nangako ako sa mga magulang mo na paglilingkuran kita hanggang sa aking makakaya at ngayon mo ako mas kailangan, pero paano kita matutulungan kung ikaw mismo, ayaw mo ng tulungan ang sarili mo."

Malakas ang hingal ni Ysavel at natagalan ito bago sumagot sa kanya, "hindi mo naiintindihan, wala nang makakatulong sa akin ngayon. Noong pinatay ni Fierro si Costan, may bahagi na ring namatay sa aking pagkatao. Noong malaman kong pinaslang niya ang mga magulang ko at si Yrvin, parang pinira-piraso na niya ang aking puso. Araw-araw niya akong inuusig, inuubos ang ano pa mang natitira sa akin...wala nang rason para mabuhay ako..."

"Huwag mong sabihin iyan, hindi pa huli ang lahat," hinawakan ni Edina ang kanyang kamay, "hindi pa para kay Yrvin."

"Pinaslang siya ni Fierro noong itatakas siya nila Ama at Ina, sinabi niya sa akin," sagot ni Ysavel.

"Hindi iyan totoo," paglalahad ni Edina, "nakausap ko ang isa sa mga nakaligtas na kawal, nilibing nila ang lahat ng namatay noong gabing iyon sa Gubat ng Cen, kasama sa kanila sina Konde Ysidro at Kondesa Sandra pero hindi kabilang sa kanila si Yrvin. Wala silang natagpuang bangkay."

Nanlaki ang nananamlay na mata ni Ysavel sa narinig at tila umaliwalas ang kanyang aura, "ibig...sabihin..."

"Maaaring buhay pa si Yrvin," sagot sa kanya ni Edina, "posibleng naitakas siya nila Konde Ysidro at Kondesa Sandra. Tingin ko nasa mabuting kalagayan siya kung saan man siya naroroon."

Sa unang beses muling napangiti si Ysavel kasabay ng kanyang pag-iyak, "buhay siya, buhay si Yrvin... Buhay ang anak ko..."

"At aalamin ko kung nasaan siya," paninigurado ni Edina, "sisiguraduhin kong hindi siya masasaktan ni Fierro."

"Maraming salamat...Edina," sa sobrang pagkagalak ni Ysavel, lalong bumilis ang kanyang paghinga at ito'y ikinabahala ng kanyang lingkod.

"Wala pong anuman, pero ngayon magpagaling po muna kayo...kailangan mo munang huminahon."

"Ngayon maaari na kong mamatay ng mapayapa...ngayong alam kong wala sa puder ni Fierro...ang mga anak ko...panatag kong lilisanin ang mundong ito...nalalamang nasa mabuting kamay silang lahat..."

Humigpit ang pagkakahawak ng kanyang kamay kay Edina. Naghahabol ang natitira sa kanyang paghinga, umaagos ang luha sa mga mata.

"Hinihintay na ako...ni Costan..."

Tuluyang ipinikit ni Ysavel ang kanyang mga mata, tumigil ang kanyang paghinga at bumitaw ang pagkakahawak ng kanyang kamay kay Edina.

Napagtanto ni Edina na naglakbay na sa kabilang buhay ang kaluluwa ng minamahal niyang Emperatris, hinagkan niya ang maputlang kamay nito at siya'y napayuko malapit sa kanyang kinahihimlayan.

Natyempong papasok si Fierro sa silid at namataan niyang tumatangis si Edina malapit kay Ysavel na hindi na gumagalaw.

Nagmadali siya patungo sa kama at itinulak si Edina papalayo kay Ysavel. "Anong ginawa mo?"

Ipinuwesto ni Fierro ang pisngi ni Ysavel sa kanyang mga palad at pinagmasdan itong maigi.

"Ysavel! Ysavel!" Lumalakas ang kanyang tinig sa bawat pagtawag niya. "Ysavel gumising ka!Hindi ka pwedeng mawala sa akin! Ysaveelll!"

Bumaha ang luha sa mga mata ni Fierro, isinubsob niya ang kanyang sarili sa mga labi ng pumanaw na Emperatris, ipinagdadalamhati ang pagkawala nito habang buhay sa kanyang piling. Naiwan ring umiiyak si Edina sa may sulok ng silid.

***

Ipinatanggal ni Fierro ang imahe nila Costan, Ysavel at ng kanilang mga anak at siya'y nagpalagay ng sarili niyang imahe sa lugar nito.

Patawarin mo ko, Ysavel, nakakalungkot lamang isipin na mas pinili mong makalimutan kasama nina Costan at ng inyong mga anak kaysa mamuhay kasama ako.

***

Napagpasyahan nina Ermin at Lynda na hindi makakabuti kung sila'y maglalayag agad patungong Kanluran, masyado pang sariwa ang nangyari at malamang maraming mga mata at tenga si Fierro na nagmamatyag sa kanila. Dinala sila ni Moverick sa isang panuluyan sa Kanlurang Bayan ng Sentralisadong Imperyo. Doon sila nagpalipas ng linggo bago sila tuluyang nagtungo sa daungan sa may Dagat Kanluran.

Pagkarating nila sa pyer, nagdadagsaan na ang mga taong patungo sa Kontinente ng Kanluran. Mahaba-haba na ang nabuo nilang pila patungo sa barko.

Luminya na rin sina Ermin, Lynda at Covel kasama si Moverick. Nakatakip ng balabal ang kanilang mga mukha, hindi dapat sila makilala kundi sila'y mahuhulog na sa bitag ng Mataas na Emperador.

"Napakarami namang pupunta ng Kontinente ng Kanluran," saad ni Ermin.

"Alam na natin ang dahilan," sagot ni Moverick, "hindi nila gusto ang pamamalakad ng bagong Emperador."

"Mas mabuti pa sa Kanluran, malayo tayo sa mga kamay ni Fierro," dagdag ni Lynda.

"Pero hindi pa rin tayo ligtas," paalala ni Moverick. "Nasa pamumuno na ni Lodell ang buong Kanluran at wala siyang halos pinagkaiba kay Fierro."

Habang sila'y nag-uusap, nakatuon naman ang pansin ni Covel sa sasakyan nilang barko. Buong buhay niya, ngayon lamang siya nakarating sa pyer at nakakita ng dambuhalang barko. Pinagmasdan niya ang purong asul na tubig dagat at ang mga naunang barkong naglalayag na patungo sa kabilang kontinente.

Sa kanilang harapan, nag-uusap ang dalawang matandang babaeng may kalakasan ang tinig.

"Aalis na talaga ako sa lugar na ito lalo na at iba na ang namumuno," saad ng unang babae.

"Oo nga, kapag naririto ako, naaalala ko lang ang mga nangyari, kaawa-awa ang sinapit ni Emperador Costan at ngayon naman si Emperatris Ysavel. Dati mapayapa silang namumuno, ngayon pareho na silang wala."

Nagulat si Covel sa kanyang narinig. Maging si Ermin at Lynda ay narinig ang kanilang pinag-uusapan dahil sa lakas ng kanilang mga boses.

"May balita na ba tungkol sa burol ng Emperatris?" tanong ng unang babae.

"Naku, tikom pa rin ang bibig ni Emperador Fierro kung ano ang balak niya sa bangkay, kahit ba naman sa kamatayan, nais pa rin niyang ipagkait si Ysavel, kaawa-awang Emperatris, malamang ay hindi niya kinaya ang pagkamatay ni Emperador Costan kaya sinundan na niya agad sa kabilang buhay. Matahimik nawa ang kanilang mga kaluluwa."

Hindi makapaniwala si Covel sa kanyang narinig, tumakbo siya papalayo sa pilahan at ito'y ikinabahala ni Ermin at Lynda.

"Sundan niyo siya, ako na ang bahala sa pila," suhestiyon ni Moverick.

Sinundan ni Ermin at Lynda ang nalulungmok na Prinsipe na hindi pa nakakalayo sa may daungan.

"Covel," pagtawag ni Ermin.

Pagkaharap sa kanila ng Prinsipe, nakita nilang basa na sa luha ang kanyang pisngi.

"Totoo po ba ang sinabi nila, patay na po ba sina Ama at Ina?" tanong ni Covel, umaasang wala itong katotohanan.

Nagkatinginan si Ermin at Lynda na may lumbay sa kanilang mga mata. "Patawarin mo kami at hindi namin agad nasabi sa'yo. Naghihintay lang kami ng tamang tyempo."

Nagpatuloy sa pag-iyak si Covel. "Patay na ang mga magulang ko, hindi ko na sila makikita at makakasama, gaya ng mga kapatid ko."

Niyakap ni Lynda ang bata, awang-awang sa nangyari sa kanyang pamilya, "Covel, huwag ka ng umiyak. Maaaring wala na ang mga magulang mo pero ipinapangako namin sa sa'yo na hindi ka magkukulang sa pagmamahal ng isang magulang, sa pamamagitan namin."

"Aalagaan ka namin, Covel, ituturing ka namin bilang tunay na anak," hinawakan ni Ermin ang balikat ng batang Prinsipe. "Nangako kami sa Emperador, hindi ba? Hinding-hindi ka namin pababayaan."

"Kami na ang Inay at Itay mo ngayon," nakangiting saad ni Lynda, "at ikaw na ang anak namin."

Napatingin si Covel sa kanyang mga bagong magulang, humihikbi sa kanyang pag-iyak, pagkatapos niyakap niya ang mga ito, bilang tanda ng kanyang pagtanggap sa kanyang buhay.

-Heracio-

Nagbalik si Sarito sa panuluyan ng kanyang Tiya Sania. Nagtungo siya sa Sentralisadong Imperyo na may isang misyon, ang makabawi sa kanyang pagkakamali at itakas si Emperatris Ysavel sa mga kamay ni Fierro, ngunit ngayon labis na ikinagulat ni Sania ang maaga niyang pagbabalik.

"Mag-empake na kayo at aalis na tayo," saad ni Sarito.

"Ang Emperatris, kamusta siya?" tanong ni Sania, "nailigtas mo ba siya?"

"Huli na ko," sagot ni Sarito, "wala na ang Emperatris. Hindi ko na siya naabutan."

Ikinalungkot ni Sania ang nabalitaan mula sa pamangkin.

"Wala ng dahilan pa para manatili kami dito ni Aric, kailangan na naming maglaho ng parang bula sa Imperyo."

Desidido na ang dating Kapitan na magpakalayo-layo kasama ang anak.

"Kung ganoon, sasamahan ko kayo," pagapapaalam ni Sania.

***

Sa isang panuluyan sa may Kanluran ng Sentralisadong Imperyo, dumating ang isang babae at isang kawal mula sa Kontinente ng Kanluran. Mahahalata sa kanilang anyo na mula sila sa nasabing kontinente, hindi katangkaran ang babae, kayumanggi ang kanyang kutis at purong itim ang unat na buhok at may kalakihang mga mata. Gayunpaman, hindi maikakaila na may angkin siyang kagandahan na hindi pangkaraniwan sa basehan ng mga Cenpyero. Maaaring nasa dalawampung-walo o dalawampung siyam ang kanyang edad. Ang kasama naman niya ay isang lalaking matipuno at mayroong kakisigang taglay ng mga kalalakihang Taga-Silangan. Mahahalatang isa siyang kawal sa kanyang suot na bakal na armas at espadang nakasuot sa malapit sa kanyang sintron.

"Tatlong linggong paglalayag at sa wakas ay narating rin natin ang Kontinenteng ito," saad ng kawal.

"Oo nga, hindi ko akalaing, may kalayuan pala ang ating lalakbayin, Talas," sagot ng babae sa kasama. "Ibang-iba ang Lupaing ito sa ating kinagisnan. Higit itong mas malawak at mas malamig. Mabuti na lang at kahit papano marunong tayo ng Karaniwang Lengguahe."

"Huwag mong sabihing nagsisisi kang umalis tayo, Grasiela," sagot ni Talas, "alam mong pinoprotektahan lamang kita. Mula ng mamatay ang ating mga magulang, tayong magpinsan na lang ang magkasama at di ko hahayaang may mangyari sa'yong masama. Parang kapatid na kaya kita. Pinagbantaan na tayo ng Reynang puta na kapag hindi tayo umalis sa kastilyo nila, may kalalagyan tayo. Alam niyang tinamaan sa'yo ang hinayupak na Hari. Kitang-kita ko rin kung paano ka titigan ng Rucaz na iyon. Kulang nalang hubaran ka niya. Kung hindi lang siya Hari, binasag ko na ang bayag niyang hindot. At ang Helenang iyon, kung tignan ka niya, kala mo naman siya ang pinakamagandang babae sa Buong Lupain. Baka nga mas masangsang pa yung puke niya."

"Ang dila mo na naman," natatawang saad ni Grasiela sa pinsan niya.

"Parang hindi ka pa nasanay sa akin," sagot ni Talas, "kaya nga 'Talas'ang tawag nila sa akin dahil mas matalas pa raw ang dila ko kaysa sa espada ko, pero nagkakamali sila, mayroon pa ring mas matalas sa dila ko."

Napailing si Grasiela sa pagbibiro ng kanyang pinsan. "Tulungan mo na lang nga ako."

Tinulungan ni Talas si Grasiela sa pagubuhat ng mga manggang mula pa sa Silanganan kung saan tumutubo ang pinakamatatamis at mapupulang mangga.

Gumulong ang ilang piraso ng mangga sa may sulok malapit sa isang bariles. Nagtungo si Grasiela upang kunin ito nang masilayan niya ang isang batang nakasandal sa may bariles.

"Anak ng kalabaw, Talas!" Pagtawag niya sa kasama. "May bata!"

Nagtungo si Talas at nakita niya rin ang bata. "Tang ina, oo nga."

Walang malay ang bata, may kadungisan ito at may malaking putok sa may noo. Matagumpay na natakasan ni Yrvin ang mga humahabol sa kanya sa damuhan.

"Sugatan siya, tulungan natin," suhestiyon ni Grasiela.

"Sandale," saad ni Talas, "baka may maghanap sa kanya."

***

Ginamot ni Grasiela ang sugat sa kanyang ulo at nanghiram sila ng damit pambata sa mga kalapit-bahay. Malalim ang putok sa kanyang noo at malamang ay matatagalan pa bago mawala ang bakas nito.

"Kararating pa lang natin may batuta na tayong iniintindi," may pagkayamot na saad ni Talas.

"Maawa ka naman, pinsan," sagot ni Grasiela, "kailangan niya ng tulong natin."

Dumilat ang matatamlay na mata ni Yrvin habang siya'y inaasikaso ng mga bagong lipat  na estranghero. Nasilayan niya ang mukha ng babaeng nagligtas sa kanya, ngunit tila malalim ang iniisip niya.

"Gising na siya," may pagkagalak na ipinaalam ni Grasiela kay Talas.

"Nagulat talaga ako," may pag-uuyam na saad ni Talas.

"Kamusta ka na?" tanong ni Grasiela, "may masakit pa ba sa'yo?"

Hindi sumagot si Yrvin.

"Nahanap ka naming sugatan sa may bariles, anong nangyari?" Maamong tanong ni Grasiela. "Anong pangalan mo? Nasaan ang mga magulang mo?"

Nananatili lamang itong nakatitig sa dalawa, walang imik.

"Wala? Baka pipi siya?" tanong ni Talas.

Siniko ni Grasiela ang pinsan, pagkatapos, hinimas niya ang makulot-kulot na buhok ng bata.

"Sige, ayos lang. Huwag kang matakot. Magpahinga ka muna, dito ka muna habang nagpapagaling ka. Bukas ang tahanan namin para sa'yo."

Napailing si Talas sa sinabi ng pinsan, "mukhang alam ko na kung saan to papunta."

***

Ilang araw ang lumipas at nanatili ang batang Prinsipe sa pangangalaga ni Grasiela, habang tumatagal mas napapalapit si Grasiela sa bata at ganoon na rin ang bata sa kanya. Hindi makapagsalita si Yrvin sa loob ng tatlong araw, nakatulala lamang ito ngunit sa tuwing siya'y inaasikaso ni Grasiela, napapangiti ito sa kanya.

Kinabukasan, pinaliguan ni Grasiela sa unang pagkakataon ang bata, masyado pa siyang mahina noong mga nakaraang araw kaya naman kaunting punas at dampi lamang ang paglilinis sa kanya. Habang naliligo, napansin ng kanyang tagapangalaga na makinis ang balat ng bata at mas lalo siyang napaisip sa tunay niyang katauhan. Hindi maikakaila na nanggaling ito sa mayamang angkan ngunit ipinagtataka niya kung bakit ito madungis at sugatan noong araw na matagpuan nila ito.

"Halika na rito, bibihisan na kita," pinunasan ni Grasiela si Yrvin, ipinagtahi niya ito ng bagong damit. "Ito, ginawa ko para sa'yo. Sana magkasya."

Isinuot niya ang damit sa kanya at ito'y umangkop sa anyo ng bata.

"Ayan, napakagwapo mo naman," papuri niya sa bata. "Sigurado ako kapag nakita ka ng magulang mo, iuuwi ka na nila agad, dahil napakagwapo mong bata, para kang isang...Prinsipe."

Pinanggigilan niya ang pisngi ni Yrvin at ito'y napangiti.

"Saan ka nga ba talaga nagmula?" pabulong na tanong ni Grasiela sa kanyang sarili.

"Di ko po alam," biglang sambit ni Yrvin na labis na ikinagulat ni Grasiela. Ito ang unang beses na narinig niya ang tinig nito.

"Nakakapagsalita ka na?" natutuwa niyang tinanong.

Napatango ang bata sa kanyang katanungan.

"Anong ba talagang nangyari sa'yo? Bakit ka sugatan noong natagpuan ka namin? Nawalay ka ba sa pamilya mo? May humahabol ba sa'yo? Nawawala ka ba?"

"Hindi ko po alam," muling sagot ni Yrvin.

"Sandali lang, hindi mo alam?" nagtaka si Grasiela sa kanyang sagot, "wala ka bang naaalala sa nangyari?"

Umiling lamang ang bata.

"E ang pangalan mo, alam mo ba kung ano ang pangalan mo?" tanong ni Grasiela.

Muling umiling si Yrvin, maging ang sarili niyang pangalan ay hindi niya matandaan. Napagtanto ni Grasiela na malamang ay nakaapekto ang pagkakabagok ng kanyang ulo at ito ang naging sanhi kung bakit walang maalala ang bata.

"Hindi ko man alam kung tagasaan ka at anong nangyari sa'yo, pero huwag kang mag-alala. Hanggang wala ka pa sa tamang pag-iisip at wala pang naghahanap sa'yo, ako muna ang mag-aalaga sa'yo."

Nakangiting niyakap ni Yrvin si Grasiela.

Hindi pa nagtatagal, dumating si Talas mula sa kabayanan.

"Grasiela, pinsan!" pagtawag niya nang may pagkagalak.

"O Talas, anong meron?" tanong ni Grasiela.

"Magandang balita, nabalitaan kong naghahanap ng mga bagong Kawal at mga lingkod ang bagong luklok na Emperador, makakapagtrabaho na ulit tayo. Paglilingkuran ko siya bilang Kawal at mamamasukan ka bilang kusinera."

Tila si Talas lamang ang natuwa sa kanyang ibinalita, nabatid niya ang pag-aalinlangan sa mukha ni Grasiela.

"O bakit tambakol ang mukha mo? Hindi ka ba masaya?" tanong niya.

"Hindi naman sa ganoon, kaya lang nababahala ako," paglalahad ng kanyang pinsan, "nabalitaan ko ang nangyaring kaguluhan sa Palasyo, libo-libong tao ang namatay ilang araw lang ang nakalipas. Umalis tayo sa Kastilyo ng Silangan para lumayo sa gulong dala ng Hari at Reyna, hindi kaya papasok lang ulit tayo sa panibagong kaguluhan kapag nagtungo tayo sa Palasyo ng Emperador?"

Napailing lamang ang kanyang pinsan, "masyado ka lang mapag-alala, Grasiela. Kung ano man ang nangyari sa Palasyo, labas na tayo doon. Walang pakialam ang mga Taga-Silangan sa giyera ng mga Cenpyero, ang mahalaga gawin lang natin ang ating tungkulin. Mamamasukan lang naman tayo doon para magtrabaho, iyon lang."

Napaisip si Grasiela sa sinabi ng pinsan, "o sige na nga, kailan ba tayo pupunta sa Palasyo?"

"Bukas na bukas rin lalakad na tayo," saad ni Talas.

"Sige, ihahanda ko lang si Graison," sagot ni Grasiela.

"Graison?" May pagtatakang sambit ni Talas, "sinong hinayupak naman iyon?"

Sumenyas si Grasiela sa batang nakayakap sa kanya.

"At talagang pinangalanan mo pa ang paslit?" may pag-uuyam na saad ni Talas.

"Ito ang nais kong ipangalan kung magkakaanak ako," paglalahad niya.

"Pero hindi mo siya anak kaya bawiin mo na ang pangalang ibinigay mo sa kanya, hanggang hindi mo ito ginagawa, mas lalo ka lamang mapapalapit sa kanya. Kinakailangan na nating iwanan ang bata."

"Iwanan?" tanong ni Grasiela. "Hindi ko ito maaaring gawin, hindi pa natin nahahanap ang mga magulang niya. Kailangan niya ng aking aruga."

"Magiging pabigat lang siya sa atin sa Palasyo," sagot ni Talas, "hindi ko nga alam kung bakit mo pinulot iyan?"

"Ano namang masama roon, kailangan niya ng tulong ko at tinulungan ko lang siya, hindi ba isa ito sa tungkuling sinumpuan mo bilang Kawal? Ang tumulong sa mga nangangailangan."

Wala ng maisip na isagot si Talas, matalas man ang kanyang dila, mas magaling naman sa diskusyonan ang kanyang pinsan.

"Hindi natin kilala ang batang iyan, wala tayong alam kung saang lupalop siya nagmula, kung tama ang hinala ko, baka anak lang iyan ng isang babaeng puta, naging pasanin na sa kanya, kaya itinapon na niya sa lansangan o maaaring pulubing pipe lang talaga, baka nga may dala pang malas iyan."

Nagtago si Yrvin sa likuran ni Grasiela, natatakot sa presensiya ng matangkad at masungit na kawal.

"Nakakapagsalita na siya," pagbubunyag ni Grasiela, "wala siyang matandaan kung anong nangyari sa kanya, kahit pangalan niya hindi niya maalala. Sa ngayon wala siyang aasahan kundi ako, kundi tayo. Ano ng mangyayari sa kanya kung pababayaan lang natin siya dito? Pagbigyan mo na ako, pinsan. Ako na ang bahala sa kanya sa Palasyo. Sa oras na mahanap siya ng kanyang tunay na pamilya, ibabalik ko agad siya sa kanila."

Taimtim na napaisip si Talas sa pakiusap ng pinsan pagkatapos ay tinignan niya ang malulungkot na mga mata ni Yrvin na nakatingin sa kanya.

"Sige na nga, isasama na natin siya sa Palasyo," pagpayag niya, "basta tuparin mo lang ang kasunduan natin, kapag may naghanap sa bata, isasauli natin siya kaagad."

Napangiti si Grasiela sa pagsang-ayon ni Talas, "maraming salamat Talas, alam ko namang hindi matalas ang puso mo."

"O sige na, tang-ina baka magbago pa ang isip ko," pagbibiro ni Talas.

Nagkangitian si Grasiela at Grasion sa sinabi niya.

***

Sumunod na araw, maagang nagtungo si Grasiela at Talas kasama si Yrvin sa Palasyo upang kilalanin ang Mataas na Emperador at manilbihan sa kanya bilang mga bagong lingkod.

Noong una'y ayaw sila papasukin ng mga Guwardiya sa loob, ngunit agad silang napapayag nang sabihin ni Talas na isa siyang Kawal at balak niyang manilbihan sa Palasyo. Pagpasok nila sa loob, namangha ang magpinsan sa lawak ng Palasyo ng Emperador, kung tutuusin wala pa sa kalahati nito ang Kastilyo ni Haring Rucaz sa Silangan kung saan sila dating naninilbihan. Medyo magulo pa ang Palasyo ngunit naiintindihan nila ito sapagkat ilang araw lamang may naganap na digmaan.

"Talas, ang dila mo," paalala ni Grasiela sa kanya, "tandaan mo, Emperador ang kakausapin natin, mag-ingat ka kung ayaw mong mapugutan ng ulo."

Natawa si Talas sa babala ng pinsan, "huwag ka ng mag-alala, may delikadesa rin naman ako kung kinakailangan."

Hindi nila namalayang nag-iikot na si Graison sa paligid ng Palasyo.

"Nasaan si Graison?" tanong ni Grasiela.

Bago pa makasagot si Talas, nilapitan sila ng isang katiwala. "Hinihintay na kayo ng Mataas na Emperador."

***

Ihinatid ng katiwala si Grasiela at Talas sa pangunahing bulwagan kung saan natagpuan nila ang Ginintuang Trono kung saan nakaupo si Fierro, nakabantay malapit sa kanya ang Kapitan niyang si Malko. Pinagmasdan siya ng dalawa. Natulala si Grasiela nang siya'y napasulyap sa Mataas na Emperador.

"Kayo pala ang nais manilbihan sa akin," saad ni Fierro, "maligayang pagdating."

"Kamahalan," sabay na yumuko ang magpinsan bilang pagrespeto sa Mataas na Emperador.

Sumenyas si Fierro at lumapit sa kanya ang dalawa.

"Maaari ko ba kayong makilala?" tanong niya.

"Ako po si Talas, kamahalan, Kawal ng Silangan," pagpapakilala niya, "at ito naman po ang pinsan kong si Grasiela."

"Ikinagagalak kong makilala kayong dalawa," sagot ni Fierro.

"Ganoon din po kami, Emperador Fierro," pagsipsip ni Talas.

"Salamat," mahinahong sambit ni Fierro. Napalingon ito kay Grasiela na hanggang ngayon ay nakatitig pa rin sa kanya na parang matutunaw niya ito.

Napaubo si Talas upang mahimasmasan ang nahuhumaling na pinsan.

"Pasensya na po, kamahalan," nahihiyang sambit ni Grasiela, "nabighani lamang po ako sa inyong presensiya, totoo nga pong napakagwapo niyo."

Napangisi si Fierro sa papuri sa kanya ng dalagita, "hindi lang ikaw ang unang nagsabi sa akin niyan, pero salamat pa rin."

Pagkatapos nito, inalis niya ang tingin sa dalagita at muling tinignan si Talas, "Sinabi niyong Taga-Silangan kayo, marunong naman kayo ng Karaniwang Lengguahe base sa nakikita ko."

"Sakto lang po, kamahalan," tugon ni Talas, "tinuruan po kami ng aming mga magulang noong bata pa kami."

"Anong pinagkakaabalahan niyo sa Silangan bago kayo nagtungo rito?" Muling pag-uusisa ni Fierro.

"Naninilbihan po kami dati kay Haring Rucaz, ako bilang Kawal at si Grasiela bilang Kusinera," paglalahad ni Talas.

"At bakit niyo namang naisipang umalis sa puder ni Rucaz?"

"Dahil may ginawa po siyang hindi namin nagustuhan," nagmistulang disenteng Panginoon si Talas sa kanyang pagsagot, "pinilit niyang yurakan ang dignidad ng aking pinsan para lamang sa sa sarili niyang kasiyahan."

Tila natamaan si Fierro sa sinabi ng Kawal ngunit pilit niya itong ikinukubli, "kung ano ang puno, siya rin ang bunga, namana ng Rucaz na iyan ang kahayupan ng ama niyang si Romando...ngunit sa kabila ng ginawa niya, may sinumpuan pa rin kayong tungkulin sa kanya...kung kaya niyo siyang layasan, paano niyo masasabing hindi niyo iyon magagawa sa akin?"

Nagkalingunan si Grasiela at Talas, hindi malaman ang kanilang isasagot.

"Hindi naman sa hinuhusgahan ko kayong mga Taga-Silangan pero wala akong tiwala sa inyo, napahamak ang ama ko dati ng dahil sa kagagawan ng mga Taga-Silangan."

Lumapit si Grasiela para makiusap sa Emperador, "kamahalan, ginawa lang po namin iyon para sa aming proteksyon."

"Tama po si Grasiela," dagdag pa ni Talas, "mapapagkatiwalaan niyo po kami, ipinapangako namin sa inyo, makakaasa kayong mapapabilang sa inyong hanay ang isa sa pinakamagaling na Kawal sa buong Silangan kapag kinuha niyo ko."

Sumama ang tingin ni Malko kay Talas.

"Kamahalan, makakaasa po kayo sa aming mga salita," dagdag ni Grasiela, "kung tatanggapin niyo po kami, paglilingkuran ko kayo, alam ko po lahat ng gawaing bahay at mapapakinabangan po ako dito sa Palasyo."

"Pwede ba!" Napalakas ang tinig ni Fierro.

Napausog si Grasiela at napansin niyang nagimbal ang dalawa sa tinig niya.

"Pasensya na, hindi ko lang gusto na pinangungunahan ako. Hindi ko pa kayo kilala, kailangan ko munang pag-isipan kung kukunin ko kayo."

Nawalan na ng pag-asa si Grasiela na makakapasok sila dahil sa inasta ng Emperador. "Kamahalan, ipagpaumanhin niyo po."

Tumango si Fierro, lumabas si Grasiela ng pangunahing bulwagan, puno ng pagkadismaya. Naiwan naman si Talas sa harap ni Fierro at Malko.

***

Sa may sala, masayang naglilibot si Graison. Wala siyang natatandaan sa dati niyang tahanan ngunit nararamdaman niya na tila pamilyar ang lugar na ito sa kanya, madali niyang nalibot ang pasikot-sikot ng Palasyo.

Napalingon siya sa dingding kung saan nakasabit na ang kwadrong may larawan ni Fierro sa posisyon kung saan dating nakasabit ang imahe ng pamilyang Imperyal.

Nagtatakbo sa mahabang daanan ang bata hanggang sa bumangga siya sa isang babaeng naglilinis ng mga dekorasyon. Ito'y walang iba kundi si Aling Edina. Napalingon siya at muling nasilayan ang nawawalang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre.
Nanlaki ang kanyang mga mata at muntikan na niyang mabagsak ang plorerang kanyang hinahawakan.

"Prinsipe Yrvin," pagtawag niya sa bata, "buhay ka."

Sinubukan niyang lapitan ang bata ngunit lumalayo lamang ito sa kanya. "Huwag kang matakot, hindi mo ba ako natatandaan? Ako ito, si Aling Edina."

Mas lalong napapaurong papalayo ang bata.

"Anong nangyari sa'yo? Bakit ka may sugat sa noo?"

Bago pa man makasagot ang bata, natagpuan siya ni Grasiela. "Graison. Saan ka ba nagsususuot, bata ka? "

Napasulyap ang dalagita kay Edina, "pasensya na po, may kakulitan lang po talaga ang batang to."

Nakatulala lamang si Edina kay Graison.

"Ayos lang po ba kayo?" tanong ni Grasiela.

"Ah oo," sagot ni Edina,"anak mo?"

"Hindi po," pagbubulgar ni Grasiela, "napulot ko lang po siya, natagpuan ko po siyang sugatan sa may kalye. Hindi po niya matandaan kung sino siya at kung anong nangyari sa kanya kaya inampon ko na muna hanggang sa mahanap namin ang mga magulang niya. Ako nga po pala si Grasiela."

"Edina," kinamayan niya ang dalagita. "Ano nga pala ang sadya mo dito, Grasiela?"

"Nagbabakasakali lang po na makapasok sa Palasyo bilang Kusinera, kaso mukhang hindi po kami tipo ng Emperador, mukhang ayaw niya sa aming mga Taga-Silangan."

"Ayaw naman niya kahit kanino," pabulong ni Edina sa kanyang sarili.

"Ano po?"

"Wala, ang ibig ko lang sabihin, mahirap talagang kumbinsihin ang bagong Emperador, pero kung gusto mo talagang makapasok dito, ilihim mo na lang ang tungkol sa bata. Kapag nagtanong siya, sabihin mong anak mo siya."

"Bakit naman po?" Pagtataka ni Grasiela.

Napaisip ng magandang maidadahilan si Edina sa kanya, "dahil mahigpit ang Emperador sa mga estranghero, kapag nalaman niyang kinupkop niyo lamang ang bata, malamang lalo itong makaapekto sa kanyang pasya kung tatanggapin ba niya kayo o hindi."

Naunawaan ni Grasiela ang ipinupunto ni Edina, "Ganun po pala, sige po, susundin ko po ang mga sinabi niyo."

Napangiti sa kanya si Edina, ito na lamang ang tanging paraan para masagip niya si Yrvin kay Fierro. Sa oras na malaman ni Fierro na tunay na anak ni Grasiela ang batang Prinsipe, maaari nitong isipin na baka kamukha lamang niya si Yrvin at baka nagkakamali lamang siya.

"Grasiela!" pagtawag ni Talas sa kanya, "bakit ka lumabas? Nakakahiya sa Emperador, tara na at bumalik na tayo sa loob."

"Sige po, Aling Edina," pagpapaalam ni Grasiela , "ikinagagalak ko po kayong makilala."

Muling napangiti si Edina sa kanya, habang sila'y naglalakad kasama si Yrvin patungo sa Pangunahing Bulwagan, naiwang napapaisip si Edina.

"Mag-iingat kayo..."

***

Sa loob ng bulwagan, nag-aabang si Fierro sa pagbabalik ng magpinsan, hanggang ngayon hindi pa siya sigurado kung tatanggapin niya ang serbisyo ng dalawang dayuhan na nagmula pa sa kabilang Kontinente.

Maya-maya, bumukas ang pinto at unang pumasok si Talas.

"Nasaan na ang pinsan mo?" tanong niya.

"Paparating na po siya," saad ni Talas.

Ilang segundo lamang pumasok na rin sa loob si Grasiela, hawak-hawak si Graison, itinuon ni Fierro ang tingin niya sa dalagita at nakitang may kasama itong bata. Sumulyap siya sa bata, napatingin rin si Graison sa kanya.

Nanlaki ang mga mata ni Fierro at agad niyang namukhaan ang bata sa unang tingin. Siya ito, hindi ako maaaring magkamali!

Siya ang bunsong prinsipe nina Costan at Ysavel, ang batang pilit na itinakas sa kanya nila Ysidro at Sandra noong gabing iyon. Ang batang pinahahanap niya sa kanyang mga tauhan.Parang sasabog na ang Emperador ngunit pinilit niyang kimkimin ang bugso ng kanyang damdamin.

"May kasama pala kayong bata," sabi niya sa dalawa, "sino siya?"

"Si Graison po kamahalan," pagpapakilala ni Grasiela, "anak ko po."

Nagulantang si Fierro sa kanyang isinagot, tinitigan niya si Graison, inilayo naman ng bata ang tingin niya sa Emperador. Maging si Talas ay nagulat sa pag-angkin ni Grasiela sa bata, sumenyas siya dito, pilit na ipinapaalala ang kanilang napagkasunduan.

"Anak mo?" mahinahong usisa ni Fierro.

"Opo," sagot ni Grasiela, nahalata niya ang pagkagulat ng Emperador, "may problema po ba?"

"Wala," pagtanggi ng Emperador, "nagulat lang ako sapagkat magkaiba ang inyong mga anyo."

"Mana po kasi siya sa ama niya," gumawa ng palusot si Grasiela.

"Nasaan ang ama niya?" Nais hulihin ni Fierro si Grasiela sa kanyang sagot.

"Patay na po siya," siguradong tugon ng babae.

Tama ka, patay na siya, ako mismo ang pumatay kay Costan.

Napatango na lamang si Fierro, pagkatapos siya'y tumayo mula sa kanyang trono, "tutal naririto na rin naman kayo, wala na tayong kailangan pang pag-usapan, ipahahanda ko na ang mga kwarto niyo."

Nabigla ang magpinsan sa sinabi ng Emperador at hindi nila naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. Nagulumihanan rin si Malko sa sinambit ni Fierro.

"Kwarto po?" tanong ni Talas.

"Magtatrabaho kayo dito hindi ba?" Ibinalik sa kanila ni Fierro ang tanong. "Kung ganun, kinakailangan niyo ng matutuluyan."

"Ibig sabihin po ba tanggap na kami?" Paglilinaw ni Grasiela.

"Oo, tinatanggap ko na ang serbisyo niyo, hindi ko na kailangang ipaliwanag pa," pagkumpirma niya.

Napangiti ang magpinsan sa kinahantungan ng kanilang pagpunta. Ang buong akala nila wala na silang pag-asang makapasok sa Palasyo.

"Maraming salamat po, kamahalan," hinawakan ni Grasiela ang kanyang kamay bilang pasasalamat. "Hindi niyo po ito pagsisisihan."

"Maraming salamat po," dagdag pa ni Talas.

"Sige na at mag-ayos na kayo," utos ni Fierro, "lalo ka na, Talas, at bukas manunumpa ka na bilang Kawal ng Imperyong Cenpyre."

Maligayang yumuko ang magpinsan sa kanilang bagong pinuno, habang sila'y palabas, taimtim pa rin na nakatitig si Fierro sa batang tinatawag nilang Graison.

***

"Naririto ang bata, dito mismo sa aking Palasyo, sa mga oras na ito," nanggagalaiting saad ni Fierro habang siya'y naglalakad ng pabalik-balik sa kanilang sikreto at madilim na himpilan sa pinakaibaba ng Palasyo.

"Oo nga," sagot ni Tandang Ora.

"Gustong-gusto ko na siyang patayin!" hiyaw niya.

"Nakikita ko nga," muling sagot ng matanda.

"Wala ka man lang bang gagawin kundi sang-ayunan ang lahat ng sinasabi ko, para may pakinabang ka, tulungan mo na lang akong hanapin ang tatlo pang anak ni Costan!"

"Masusunod po," kinuha ni Tandang Ora ang kanyang mahiwagang orbe, ipinikit niya ang kanyang mga mata at hinawakan ang kumikislap na bola ng apoy. Ilang saglit pa lamang ay napabitaw ang matanda, napahiyaw ito ng bahagya at tila nasaktan ito. Naglaho ang kislap na nagmumula sa orbe.

"Ano, natuklasan mo na ba kung nasaan ang tatlo?" tanong ni Fierro.

"Hindi..." Sagot ng mangkukulam. "Blangko ang lahat. May isang pwersang pumipigil sa akin na malaman ang kanilang kinaroroonan. Ang kapangyarihan ng Diyos na Puti, ikinukubli niya ang mga Tagapagmana sa kanyang proteksyon."

Napailing si Fierro sa pagkabigo ng kanyang likod, "tsaka ko na iyan poproblemahin, hindi magtatagal at mahahanap ko rin sila, ang mahalaga nasa puder ko na ang isa sa kanila. Hindi ko na patatagalin pa, papatayin ko na agad siya bago pa siya makawala sa akin, pero kailangang malinis ang aking pagkakagawa, hindi ito maaaring malaman ng mga kumupkop sa kanya!"

"Panginoon ko, mapapatay mo rin siya...sa tamang panahon. Sa ngayon, tumutugma ang lahat sa kalooban ng Itim na Diyos. Hindi mo ba nakikita?"

"Nakikita ang ano?" tanong ni Fierro.

"May plano ang Diyos para sa bata, magagamit natin siya, mapapakinabangan, gaya ng kanyang mga tagapangalaga."

-Kontinente ng Silangan-

Matapos ang ilang linggong paglalayag, narating na nila Editha, Cordelia at Ymma ang Kontinente ng Silangan, hindi naging madali ang kanilang paglalayag sapagkat may kalakasan ang along taglay ng Dagat Silangan at palaging nasusuka ang mga batang Prinsesa sapagkat ngayon lamang sila nakasakay sa barko. Gayunpaman, pumukaw sa pansin ni Cordelia ang purong asul na tubig ng karagatan.

Pagkababa nila kasabay ng iba pang pasahero, sumalubong sa kanila ang matinding sinag ng araw. Kumapit agad sa balat ng mga Prinsesa ang init ng hangin. Sagana ang Silangan sa mga dalampasigang maaalinsangan at mabuhangin, at sagana rin ito sa mga bagyo at pag-ulan.

Nagtungo ang tatlo sa kabayanan upang libutin ang paligid, hindi tulad ng Cenpyre, mabababa lamang ang mga bato at kubong kabahayan sa paligid, masikip ang paligid sa mga tindero at tinderang nagtitinda ng mga gulay, prutas, isda at mga karne. Narating na nila ang palengke. Napapatingin si Cordelia at Ymma sa mga Taga-Silangan at sila'y nanibago sa kanilang purong itim na buhok at mata, katamtamang taas at kayumangging kutis. Maging ang kanilang pananamit ay naiiba, di hamak na mas manipis ang kanilang kasuotan at karamihan sa kanila'y mga walang manggas.

"Saan po tayo pupunta?" tanong ni Cordelia kay Editha.

"Hahanap tayo ng bahay na maaari nating upahan," sagot ni Editha, "pero bago iyon, bibili muna tayo ng mga makakain, alam kong hindi naging sapat ang mga dala nating pagkain."

"Sige po, nagugutom na nga po kami, di ba Ymma?"

"Myma," sagot ng batang prinsesa sa kanyang ate.

Napangiti si Editha, dumukot siya ng perang pambili ng mga tinapay at prutas sa kanyang telang sako na nakasabit sa kanyang leeg. Lingid sa kanilang kaalaman, isang binatilyong nasa katorse ang edad ang nakaabang sa kanilang likuran na parang nagugutom na uwak.

Habang abala si Editha sa pagkuha ng pera, sinamantala ito ng binata at mabilis pa sa alas-kwatro, hinablot niya ang sako mula sa leeg ni Editha at sinabayan ito ng matulin na pagtakbo.

"Hoy! Magnanakaw! Ibalik mo sa amin iyan!"

Agad na hinabol ni Editha at Cordelia ang binatilyo ngunit dahil karga ng dalagita si Ymma, hindi na nila nagawa pang abutan ang magnanakaw.

"Naroroon lahat ng pera at pagkain natin," namomroblemang ipinaalam ni Editha kay Cordelia. "Ninakaw na niya lahat."

"Ano na pong gagawin natin ngayon?" tanong ni Cordelia sa kanyang tagapangalaga.

"Huwag kang mag-alala, susubukan kong makiusap sa mga paupahan kung maaari nila tayong patuluyin ng pansamantala," paliwanag sa kanya ni Editha, "pagkatapos hahanap ako ng trabaho para mabayaran natin sila."

***

Naglakad-lakad sila sa kabayanan para maghanap ng pansamantalang matutuluyan. Narating nila ang isang kabahayang pinauupahan. Agad na nagtanong si Editha sa may-ari.

"Magandang gabi po, maaari po ba kaming umupa kahit ilang araw lang?"

"Bayad," inilapit ng Ale ang kanyang kamay, nag-aabang ng ipambabayad sa kanya.

"Wala po kaming pambayad, nanakawan po kami kanina pero kung maaari-"

"Hindi para sa mga pulubi ang paupahan ko," saad ng tindera at isinara na niya agad ang pinto bago pa makasagot si Editha.

"Hindi kami mga pulubi!" napalakas ang tinig ni Editha.

Nagtungo sila sa isa pang panuluyan sa di kalayuan at muling nagtanong si Editha, nanghingi ng paunang bayad ang may-ari at sinabi niyang wala silang perang maibabayad sa ngayon dahil sila'y ninakawan.

"Pasensya na, di ko kayo mapapatuloy," pagtanggi ng lalaki, "Cenpyero man o Silangan basta walang bayad, walang upa."

Sinarahan muli sila ng pinto.

"Pakiusap, kahit ang mga bata na lang," pagmamakaawa ni Editha ngunit wala na silang narinig mula sa lalaki.

Nagtanong-tanong pa sila sa mga kasunod ngunit sa huli'y pinagsasarahan lamang sila ng pinto. Minsan pa nga, hindi marunong magsalita ng Karaniwang Lengguahe ang mga ito at sila'y sumasagot sa wikang Silangan na hindi maunawaan nila Editha at Cordelia.

Inabot na sila ng gabi ngunit wala silang nahanap na matutuluyan, nagtungo na lamang ang tatlo sa kakahoyan malapit sa bayan. Nagsiga si Editha ng apoy bilang kanilang liwanag, tinanggal ang kanyang balabal na suot at pinahiga dito ang magkapatid. Binigay niya sa magkapatid ang natitirang tinapay sa kanyang bulsa upang may makakain sila bago matapos ang gabi.

"Patawarin niyo ko, Cordelia, Ymma," naluluha niyang sinabi sa magkapatid, "pumalpak ako sa pag-aalaga sa inyong dalawa."

Napangiti si Cordelia sa kanya, "wala po kayong kasalanan, Ate Editha. Nanakawan po tayo di ba? Huwag na po kayong umiyak."

Pinunasan ni Editha ang mga luha sa kanyang mata, "matulog na kayo, pangako ko bukas na bukas makakahanap na tayo ng matutuluyan."

Ipinikit ni Cordelia ang mga mata niya, at tinabihan ang natutulog na kapatid. Humiga si Editha sa may damuhan at nagpasyang matulog na rin.

***

Pagsapit ng hatinggabi sa kakahoyan, maririnig ang yabag ng mga paa sa mga damuhan. Naglalakad ang dalawang lalaking balot ang kasuotan. Ang unang lalaki ay may kaliitan at katabaan, siya ay tinatawag na Nonong. Ang ikalawa naman ay matangkad at may kapayatan. Ang pangalan naman niya ay Basyo.

Habang sila'y naglalakad, namataan nila ang tatlong natutulog sa may apoyan.

"Basyo tignan mo!" Pagtuturo ni Nonong sa kasama.

"Kung sinuswerte nga naman tayo," saad ni Basyo, "isang magandang babaeng masarap kainin at dalawang batang pwedeng ibenta sa subasta!"

"Ako ang titikim sa babae, ikaw ang magbenta sa mga bata," suhestiyon ni Nonong.

"Ano ka sinuswerte? Ako ang titikim sa babae at ikaw ang magbenta!" Sagot ni Basyong.

"Ganito na lang, preho nating tikman ang babae at pareho rin nating ibenta ang mga bata," saad ni Nonong, "hating kapatid. Ayos na ba yun sa'yo?"

"Sige, sige tara na!" sagot ni Basyo.

Dahan-dahan silang lumapit sa tatlo.

***

Mahimbing na ang tulog ni Editha nang tumakip sa kanyang bibig ang kamay ni Basyo. Natagpuan niyang nakapatong sa kanya ang lalaki. Sinubukan niyang magsalita ngunit mahigpit ang pagkakatakip sa kanyang bibig at may espada itong nakatutok sa kanya.

"Huwag kang sisigaw kundi mamamatay siya," ipinakita ni Basyo si Cordelia na nasa pagkakabihag ni Nonong. Nagpapapalag ang Prinsesa ngunit masyadong malakas ang matabang lalaki.

Nanlaki ang mga mata ni Editha nang makita ang sitwasyon ng Prinsesa.

Nanlilisik naman ang mga mata ni Basyo sa pagnanasa, "mukhang napakasarap mong putukan, pagsasawaan kita ngayong gabi!"

Sinunggaban niya ng halik si Editha sa leeg, agad na umaksyon ang dalagita, sinipa niya ng malakas sa bayag ang lalaki at napasigaw si Basyo sa pamimilipit, hinawakan ang kanyang itlog. Nakawala sa kanya ang babae at kinarga nito ang natutulog na si Ymma.

Umangat naman ang ulo ni Cordelia sa kamay ni Nonong at kinagat niya ang mga daliri nito. Napatili si Nonong sa sakit at nakawala sa kanya ang bata.

"Tara na, Cordelia!" Utos ni Editha at tumakbo sila papalayo sa dalawang lalaki, patungo sa kalaliman ng kakahoyan.

"Habulin natin!" kinuha ni Nonong at Basyo ang kanilang mga espada at pana at hinabol ang mga tumatakas.

Nagsimula ang habulan sa kakahoyan, bumibilis ang kabog ng dibdib ni Cordelia at Editha, nararamdaman nilang nasa likuran lamang ang dalawang lalaki. Naririnig nila ang kanilang mga boses at paa.

"Bilisan mo, Cordelia!" Paalala ni Editha. "Tumakbo ka lang!"

Nauuna sa pagtakbo ang panganay na Prinsesa, bigla siyang napatigil nang makitang nasa binigit na sila ng bangin. Mayroong malaking tangkay ng puno na nagsisilbing tulay sa magkabilang banda. Sa ibaba umaagos ang rumragasang ilog. May kataasan ito at malulula ang sinumang titingin.

Napagtanto ni Editha na ang tulay na puno lamang ang tanging pag-asa nila para matakasan ang mga humahabol sa kanila.

"Tara, tatawid tayo," saad niya.

Nauna sa pagtawid si Cordelia, kasunod niya lamang si Editha at ang kapatid. Natatakot na ang Prinsesa sa taas ng bangin.

"Huwag ka lang titingin sa ibaba," paalala ni Editha.

Hindi namalayan ni Editha na may nakausling maliit na tangkay sa kanilang tinatawarin at siya'y nadapa. Dumulas siya at napahawak ang isa niyang kamay sa may tangkay habang ang isa naman ay nakahawak kay Ymma.

"Ate Editha!" sigaw ni Cordelia nang makitang nasa bingit na ng kamatayan si Editha at Ymma.

"Tutulungan ko po kayo!"

Nagsimulang umiyak si Ymma sa pagkalula sa bangin.

"Hindi," sagot ni Editha, "kunin mo ang kapatid mo. Ako nang mag-isa ang aakyat!"

Tyempo namang narating ni Basyo at Nonong ang tawiran, "ayun sila!"

"Tara!" panghihikayat ni Nonong.

"Bilisan mo na, kunin mo na si Ymma!" Napalakas ang tinig ni Editha nang malamang naririto na ang mga humahabol sa kanila.

Yumuko si Cordelia upang abutin ang kapatid mula kay Editha, pilit na inilalapit ng dalagita ang bunsong prinsesa sa kanyang kapatid. Papalapit na ng papalapit si Ymma sa kamay ni Cordelia nang...

Tinamaan ng isang pana sa sa likuran si Editha at nabitawan niya ang tangkay sa pamimilipit kasama si Ymma. Nahulog ang dalawa patungo sa rumaragasang ilog. Dumadagundong sa bangin ang hiyaw ni Editha at iyak ni Ymma.

"Ymma! Ate Editha!" Pagtili ni Cordelia. Nangatog ang bata sa naganap at nanlaki ang kanyang ulo sa pagkabigla.

Hinablot siya ni Nonong sa may anit at hinila ito papalayo sa may tawirang kahoy. Hawak-hawak naman ni Basyo ang panang ginamit niyang pangtira kay Editha.

"May pakinabang ka pa rin naman sa amin," saad ni Basyo.

"Bitawan niyo ko, mga salbahe!" Pag-iyak ni Cordelia. "Ate Editha! Ymma!"

"Tumahimik ka! Wala ka ng magagawa!" sigaw ni Nonong. "Patay na sila!"

Lalong tumangis si Cordelia, namumula na ang kanyang makinis na pisngi, kinaladkad siya papalayo ng dalawang lalaki.

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Lumipas ang mga linggo, nanumpa si Talas bilang Kawal at tuluyan nang naging ganap na Kawal ng Cenpyre, nanilbihan naman si Grasiela bilang kusinera kapalit ng yumaong si Mela. Napag-isip-isip ni Fierro na tuparin ang kalooban ng kanyang panginoon. Ang pakinabangan ang anak ni Costan at ang mga taong kumupkop rito.

Nakasanayan na ni Grasiela na siya ang naghahain ng kanyang mga putahe sa Emperador at habang tumatagal, nagkakapalagayan na sila ng loob ni Fierro. Noon pa man ay may pagtingin na ang kusinera sa kanya.

Tinikman ni Fierro ang niluto niyang minatamis na baboy at ito'y nasarapan sa kanyang putahe.

"Masarap," papuri ni Fierro habang ngumunguya, "alam mo, ilang linggo mo na akong pinagluluto at kahit kailan hindi mo ko dinismaya sa mga putahe mo. Ano ba talaga ang sikreto mo?"

Napangiti si Grasiela sa tanong ng kamahalan, "wala naman, sa tuwing nagluluto lang naman ako, sinasamahan ko ito ng pagmamahal."

Pinagmasdan ni Fierro ang kusinera mula ulo hanggang paa, hindi man siya katangkaran o kaputian sapagkat siya'y isang morena, hindi maitatanggi ni Fierro na may angking sariling kagandahan si Grasiela, ang kagandahan ng isang dalagitang mula sa Silangan.

"Grasiela, sa totoo lang mula noong dumating ka dito, binigyan mo ng kulay ang buong Palasyo."

Humalakhak si Grasiela sa sinabi ng Emperador, "kayo po talaga, hindi ko po alam na may pagkabulero pala kayo."

"Hindi ako nagbibiro," seryosong saad ni Fierro, "tara, samahan mo ako.."

"Saan po tayo pupunta?"

***

Dinala ni Fierro si Grasiela sa kanyang silid, hinalugkat niya ang aparador at inilabas ang mga damit at bestidang pagmamay-ari ng yumaong Emperatris Ysavel.

"Pagmamay-ari ito ng nag-iisang babaeng minahal ko, si Ysavel," malungkot na ikinuwento ng Emperador.

"Nasaan na po siya?" Nais malaman ni Grasiela.

"Wala na siya," malungkot na ibinunyag ni Fierro, "maaga siyang kinuha sa akin."

"Paumanhin po," nahihiyang sambit ni Grasiela.

"Nais kong ibigay ang lahat ng ito sa'yo."

Nagulumihanan ang kusinera sa sinabi ni Fierro.

"Bakit niyo po sa akin ibibigay ang mga damit ng babaeng iniirog niyo? Isa lamang akong hamak na kusinera."

"Dahil ipinangako ko sa sarili ko na balang araw ibibigay ko ang mga gamit ni Ysavel sa babaeng aking mamahalin."

Naunawaan na ni Grasiela ang nais ipahiwatig ni Fierro sa kanya, "kamahalan, hindi po ito maaari."

"Bakit naman hindi?" tanong ni Fierro. "Binata pa ako, at dalaga ka. Wala namang masama doon."

"Emperador ka at...kusinera lang ako," sambit ni Grasiela, "anong iisipin ng mga tao? Matatanggap ba nila na isang hamak na banyaga ang kanilang magiging bagong Emperatris?"

"Wala akong pakialam sa kanila," sagot ni Fierro, "may pakialam ako sa atin, kung anong mayroon tayo ngayon."

"Kamahalan, umalis kami ni Talas sa Silangan dahil pinagnasahan ako ni Haring Rucaz..."

"Ibahin mo ako kay Rucaz," sumabat si Fierro, "mahal kita at alam kong mahal mo rin ako, igagalang kita, irerespeto at handa akong maging ama kay Graison...kung tatanggapin mo lang ang pagmamahal ko. Pakakasalan kita. Grasiela, ikaw ang nagpatunay sa akin na mayroon pa lang tinatagong kagandahan ang Silangan...hayaan mong ipakita ko sa'yo kung gaano kita kamahal."

"Kamahalan..."

Sinunggaban na ni Fierro ng halik sa bibig si Grasiela at mabilis namang bumigay ang kusinera sa mga salita ng Emperador. Ihiniga siya ni Fierro sa kama at itinuloy nila ang kanilang pagroromansa.

Tinanggap ni Grasiela ang alok ni Fierro at sila'y nagpakasal ng engrande, isang kasal na naaangkop para sa Emperador at sa kanyang Emperatris. Kinilala na siya bilang Emperatris Grasiela. Sari-sari ang naging reaksyon ng mga Cenpyero sa kanilang bagong Emperatris. Marami ang natuwa at nakahanap ng bagong pag-ibig ang Emperador ngunit gaya ng inaasahan niya, marami rin ang bumabatikos at humuhusga sa kanya, lalo na ang mga kababaihang naiinggit. Hindi nila matanggap na isang dayuhan mula sa ibang kontinente ang kasalukuyang Emperatris.

Si Prinsipe Yrvin naman ay muling naging isang Prinsipe ngunit siya'y si Prinsipe Graison na ngayon. Nagkunwari si Fierro na magpapakaama siya sa kanya kahit sa loob-loob niya, kinasusuklaman niya ang bata.

***

Muling ipinagkaloob kay Graison ang dati niyang silid, ngayong isa na siya uling ganap na Prinsipe, dito na ulit siya matutulog.

Isang gabi, palihim na pinasok ni Fierro ang kanyang silid habang natutulog ang bata, tinitigan niya ito ng may pagkamuhi at nagsimulang pumula ang kanyang mga mata.

Habang humihinga ka, mananatili kang banta sa aking posisyon, sa aking kapangyarihan. Ikaw ang buhay na bunga ng pagmamahalan ni Costan at Ysavel. Kailangan mo ng mamatay!

Nagliyab ang palad ni Fierro at unti-unti na siyang lumalapit upang tapusin ang buhay nito sa kanyang kamay tulad ng ginawa niya sa kanyang ama.

Noong ihahampas na niya ang umaalab niyang kamao, biglang naglaho ang kanyang apoy.

Hindi pa kita maaaring patayin ngayon...magagamit pa kita para tuparin ang plano ng Diyos...

***

Habang nasa Silangan sina Emperatris Grasiela at Talas para bisitahin ang iba nilang mga kaanak, sinamantala ni Fierro ang pagkakataong ipatawag ang mga Cenpyero para sa isang mahalagang pagpupulong. Ukol ito sa tunay na pagkatao ni Graison.

"Malamang ay napapaisip kayong lahat kung totoo ba ang kumakalat na tsismis na naririto raw sa Palasyo ang bunsong Prinsipe ng nasirang Emperador Costan na si Yrvin, nais kong bigyang linaw ang lahat, totoo ito."

Nagkabulungan ang mga taong ipinatawag sa pagpupulong.

"Kinupkop siya ng aking mahal na Emperatris noong mga panahong nagkakagulo dito sa Palasyo. Nawalan siya ng alaala at hanggang ngayon wala pa rin siyang maalala sa mga nangyari. Dati rati nag-aalangan ako kung kukupkupin ko siya sapagkat anak siya ng isang traydor, ngunit nakita ko kung gaano siya kamahal ni Grasiela, at noong pinakasalan ko siya, nangako akong ituturing ko siyang tunay na anak at balak kong tuparin ito. Kaya ngayon, naririto ako upang humingi ng pabor sa inyong lahat. Nais kong manatiling lihim ang katotohanan sa pagkatao ng batang Prinsipe. Hindi na siya si Prinsipe Yrvin, bagkus siya na si Prinsipe Graison, anak ni Emperador Fierro. Hindi na niya kailangang malaman pa ang kanyang nakaraan, maaaring ito ang sumira sa kanyang buhay. Ayoko na ring ipaalam ito sa aking maybahay at maging sa kawal kong si Talas, madadamay lamang sila sa kaguluhang lumipas na. Kapag may nakaalaam nito sa kanilang tatlo, hindi niyo magugustuhan ang kaparusahan ko. Ang sinumang dadaldal at susuway sa aking kautusan ay sesentensyahan ng kamatayan ng walang paglilitis. Nagkakaintindihan ba tayo?"

"Opo, kamahalan," sagot ng kanyang mga nasasakupan.

Sumenyas si Fierro sa kanyang mga katiwala at binigyan nila isa-isa ang taumbayan ng mga iskrol na naglalaman ng kanyang mahalagang kautusan.

Nanonood si Edina habang pinamimigay ang kautusan sa taumbayan.

"Kailangan kong manahimik," saad niya sa kanyang sarili, "hindi ko matutupad ang pangako ko kay Emperatris Ysavel kung patay na ko. Poprotektahan ko si Yrvin sa aking pananahimik...babantayan ko siya at aalagaan hanggang sa aking makakaya."

-Kontinente ng Silangan-

Natagpuan ni Cordelia ang sarili sa kanyang tahanan, sa kanilang Palasyo sa Imperyong Cenpyre, kasama niya ang kanyang Ama, Ina at ang kanyang mga kapatid. Katabi niya sina Covel, Yrvin at Ymma habang sila'y kinakantahan nila Emperador Costan at Emperatris Ysavel ng kanilang paboritong awitin.

"Kayo ang aking mundo, ang aking buhay
Ang aking karagatan at kalangitan
Pag-ibig ko sa inyo ay hindi pagkakaitan

Araw man o gabi
Ako'y palaging nasa inyong tabi

Mula ngayon at magpakailanman,
Pangakong hindi ka iiwanan

Dahil kayo ang aking mundo, ang aking buhay."

Napakasaya pa nilang buong pamilya, sila'y nagtatawanan, naglalaro at nagmamahalan.

***

"Hoy, gumising ka!" kinalabit ni Nonong nang may kalakasan ang bata at nagising si Cordelia.

Wala na ang Palasyo, ang awitin, ang kasiyahan at higit sa lahat ang kanyang buong pamilya. Nag-iisa na lamang siya ngayon, kasama ng mga lalaking halang ang bituka, hindi alam kung ano ang mangyayari sa kanya.

Inabot na sila ng umaga sa kakahoyan, maya-maya tinahak na nila ang bayan, ginapos nila ang mga kamay ni Cordelia para hindi ito makatakas.

"Tiyak na kikita kami ng malaki sa'yo, bata," natutuwang sinabi ni Basyo.

"Ano pong gagawin niyo sa akin, saan niyo ko dadalhin?" Umiiyak niyang tanong.

"Malalaman mo rin." Sagot ni Nonong.

Matapos ang isang oras narating nila ang isang mataong lugar na maihahalintulad sa isang palengke pero sa pagkakataong ito, nagulat si Cordelia sapagkat hindi prutas, gulay o karne ang itinitinda rito, kundi mga tao. Binati ni Basyo at Nonong ang kanilang mga kasamahan sa pagbebenta.

Pinagmasdan ni Cordelia ang paligid. Nakahilera ang iba't-ibang uri ng tao, mayroong mga pulubi, mga Taga-Silangan, mga Itmai, Puttlan at iba pa. Bata man o matanda, lalaki man o babae, lahat sila'y nakatayo sa isang hanay, mayroon silang mga kwadradong kahoy na isinasabit sa kanilang mga leeg, at ito'y sinusulatan ng mga presyo na para bang sila'y mga kagamitan lamang na maaaring bilhin ng sinuman.

Magsisimula na ang Subasta at marami ang nais bumili ng mga alipin, alila, katulong o ano pa man ang tawag nila dito. Nagsisimula ng mamili ang mga tao. Inaanunsiyo ng mga tindero ang paunang presyo sa mga alipin at nagpapataasan ang mga bibili sa halagang kanilang ibabayad, kung sino man ang nakapagbigay ng pinakamataas na presyo, siya ang makakabili sa nasabing alipin.

"Dito ka," Ihinelera nila Basyo at Nonong si Cordelia sa mga batang pulubi at palaboy na kanilang ibebenta.

Nilagyan nila ng kwadradong kahoy ang batang Prinsesa at sinulatan nila ito ng presyo.
Ipinagbebenta nila si Cordelia sa halagang 100 Gintong Silangan (isang uri ng barya sa Silangan.) Higit itong mataas sa iba pang mga bata sapagkat sila'y ipinagbebenta lamang sa halagang 30 Gintong Silangan.

"Bili na kayo ng isang magandang batang Cenpyero!" Alok ni Nonong sa mga mamimili.

"Magsisimula ang bentahan sa halangang 100 Gintong Silangan," dagdag ni Basyo.

Marami agad ang nakapansin kay Cordelia dahil siya ang nangingibabaw sa mga bata.

"Bibilhin ko siya sa 150," saad ng isang babae.

"150, may tataas pa ba?" tanong ni Basyo.

"Kaya ko siyang kunin sa 300," pagyayabang ng isang lalaki.

"Narinig niyo ba iyon, 300! May tataas pa ba?" tanong naman ni Nonong.

Habhang sila'y nagsusubasta, napadaan ang isang babaeng morena. May makakapal na kolorete sa kanyang mukha, mahaba ang kanyang kilay at halos makikita na ang buong kaluluwa niya sa kanyang kasuotan. Napatigil siya sa harap ng dalawang tindero.

"Nonong, Basyo, kamusta na ang dalawang ugok?" pagbibiro niya sa dalawa.

"Aba, aba, aba nandito pala si Putang Uranna," pagbati ni Basyo.

"Kamusta nga pala ang trabaho sa taberna?" tanong ni Nonong.

"Ayun, may asim pa rin hanggang ngayon," sagot ni Uranna sa kanila.

"Mukha nga," napatingin si Basyo sa may kalakihan niyang suso.

"Kayo, kamusta ang bentahan?" tanong ng babae. "Anong meron ngayon?"

"Mayroon kaming Ginto ngayon," pagmamalaki ng dalawa, inilapit nila si Cordelia sa babaeng pakawala. "Isang batang Cenpyero, baka gusto mong bilhin?"

Natatawang napailing si Uranna, halatang hindi ito interesado, "naku hindi na, sa pamangkin ko nga lang naiimbyerna na ko. Pabigat lang, hindi tuloy ako makapagdala ng lalaki sa bahay, baka makita pa kaming umaaksyon. Kung hindi lang namatay ang kapatid ko, di ko kukupkupin iyon, hindi talaga ako pwedeng maging ina. Nabubuhay lang ako sa isang kasabihan: gumalaw sa kama, gumawa ng pera, hindi ng bunga. Sa iba niyo na lang ibenta iyan."

Nagkatinginan sina Basyo at Nonong.

"O sige pero pag-isipan mo, maganda, maputi at makinis ang batang ito, maaaring pabigat lamang siya ngayon pero pagdating ng panahon tiba-tiba ka sa kanya sa Taberna, isipin mo na lang kikitain mo sa kanya paglipas ng sampung taon," saad ni Basyo.

Napaisip si Uranna sa sinabi niya, pagkatapos pinagmasdan niya si Cordelia mula ulo hanggang paa at napagtanto niyang maganda nga ang bata. Natakot naman ang bata sa panlilisik ng kanyang mga luwang mata.

"Magkano ba siya?" tanong niya.

"300 ang presyo niya ngayon," paglalahad ni Nonong.

"Ito, 1,000," hinagisan niya ng maliit na sako ang dalawa. "Sa akin na siya."

Natuwa ang dalawa sa ibinayad niya, "aba mukhang masagana tayo sa taberna ngayon."

"Napakagaling ko kasi sa kama," sagot ni Uranna.

"Sige, sa'yo na ang bata," tinanggal na ni Basyo ang presyo kay Cordelia, pagkatapos ay hinatak nila ito palapit kay Uranna.

"Salamat, mga bugok."

Hinawakan ni Uranna nang mahigpit sa braso ang bata, pagkatapos ay umalis na sila sa Subasta. Naluluha si Cordelia, ayaw niyang ng sumama sa babaeng gumigimbal sa kanya.

"Kung ako sa'yo titigil na ko sa pag-iyak," saad ni Uranna, "kundi makakatikim ka ng sampal ko. Ano bang pangalan mo?"

Napaisip si Cordelia kung ibibigay ba niya ang pangalan niya sa babae, "Vella po."

"Vella?" Hindi kumbinsido si Uranna sa pangalang ibinigay ng bata, "Sigurado ka ba?"

"Opo," sagot ni Cordelia.

"Siguraduhin mo lang,"muling pagbabanta ni Uranna, "ang ayoko sa lahat ay yung niloloko ako! Marunong ka ba ng Wikang Silangan?"

Napailing si Cordelia sa pagkainis ni Uranna.

***

Umuwi si Uranna sa kanyang bahay sa kabayanan kasama ang bagong biling si Cordelia, nakatira siya sa bahay na yari sa kubo. Pagkabukas niya ng pinto, sumalubong sa kanya ang isang batang babaeng nasa sampung taong gulang, isa siyang morena ngunit mayroon siyang maaamong mga mata.

"Tiyang Uranna," pagbati niya, "naririto na po pala kayo."

"Ay hindi wala pa," pambabara ni Uranna, "ano, inutil natapos mo na ba ang mga pinapagawa ko sa'yo?"

"Tapos na po ako magluto," sagot ng bata.

Nayamot ang kanyang tiyahin sa isinagot niya, "luto lang? Nakapaglaba ka na ba, walis, hugas ng pinggan, dilig ng halaman, natiklop mo na ba yung mga damit ko, nilinis mo na ba kwarto ko?"

"Hindi pa po, pero gagawin ko na po sana," katwiran ng bata.

"Kahit kailan ka talaga, Pinang, napakakupad mo," nanlilisik ang mga mata ng kanyang tiyahin, "alam mong hindi ko na magagawa iyan, kailangan na ako ng mga lalaki sa taberna, o siya, siya. Buti na lang at bumili ako ng makakasama mong aalilain ko.Vella, pasok!"

Dahan-dahang pumasok si Cordelia at pinagmasdan ang bahay, malaki pa ang kwarto niya sa palasyo kaysa dito pero sapat na rin ito sa ilang katao. Nakita niya ang batang babae doble ng kanyang edad.

"Ito si Vella, mula ngayon dito na siya titira kasama natin," paliwanag ni Uranna, "kakain na ko, turuan mo ng gawaing bahay yang isang iyan, para naman may pakinabang ako sa inyong dalawa."

***

Pagkatapos niyang kumain, naligo si Uranna, nag-ayos ng mukha, nagpabango ng matingkad at nagsuot ng malaswang kasuotan.

"Aalis na ko, dapat pag-uwi ko tapos na kayong maglinis, kundi makakatikim kayong dalawa sa akin."

Pagkaalis ni Uranna, nakangiting nagpakilala ang bata sa kanya, "kamusta,Vella, ako nga pala si Saraphina, pero pwede mo kong tawaging Ate Pinang."

Napangiti lamang sa kanya si Cordelia.

"Tara na, magtrabaho na tayo, tuturuan kita," mahinahong saad ng bata.

Nagsimula sa pagtatrabaho ang dalawa, una nagtiklop sila ng mga damit ni Uranna, pagkatapos, nagwalis sila sa buong kubo hanggang sa kwarto. Sunod, diniligan nila ang mga halaman sa labas. Huli nilang ginawa ang paglalaba, noong una pinapanood muna ni Pinang si Cordelia kung paano sabunin at kuskusin ang mga damit, pagkatapos sumubok na rin ang Prinsesa sa paglalaba at unti-unti na siyang natuto sa mga gawaing bahay. Sinampay ng dalawa ang mga damit na kanilang nilabhan. Ika-tatlo na ng hapon ng matapos sila sa kanilang gawain.

"Ano ng gagawin natin ngayon, Ate Pinang?" tanong ni Cordelia.

"Alam ko na," sagot ni Saraphina.

Nagtungo sila sa labas sa may puno malapit sa kubo at pinagmasdan nila ang isang ibon habang ito'y nagpapakain sa kanyang mga inakay na sisiw. Nalibang si Cordelia sapagkat ngayon lamang siya nakakita ng mga ibon at sisiw ng malapitan.

Pagkababa nila sa puno, naghagis si Cordelia ng mga palay sa lupa at hindi nagtagal, nagsilapitan dito ang mga ibon para kumain.

"Takot ka kay Tiyang Uranna?" Tanong ng nakatatandang bata.

Napatango sa kanya si Cordelia, "huwag kang mag-alala, masasanay ka rin sa kanya. Dati takot din ako sa kanya. Akala ko mabait siya, pero ng mamatay ang nanay ko, palagi na niya akong inaapi at kinakatulong. Ikaw, Vella, anong kwento mo?"

Napaisip si Cordelia, "Ate Pinang, may sasabihin po ako. Hindi Vella ang pangalan ko, Cordelia po."

Bahagyang nagulat si Saraphina, "bakit hindi mo sinabi kay Tiyang Uranna?"

"Natatakot po ako sa kanya dahil salbahe siya, baka isumbong niya ko kapag sinabi ko pangalan ko."

"Ano bang meron sa pangalan mo?" Pagtataka ni Saraphina.

"Isa po akong Prinsesa," pagbubunyag niya, "Prinsesa Cordelia ng Cenpyre."

Hindi makapaniwala si Saraphina, "Cenpyre? Yung malaking Imperyo sa kabilang kontinente?"

"Opo, nagkagulo po sa Palasyo at nahiwalay ako sa pamilya ko, napadpad po ako sa Silangan hanggang sa bilhin ako ni Aling Uranna. Kapag nalaman niya ang totoo, baka sumbong niya ko sa lalaking umagaw sa trono ni Ama. Papatayin niya ko."

"Kawawa ka naman pala," tugon ni Saraphina, "huwag kang mag-alala, sikreto lang natin ito. Walang makakaalam na Prinsesa ka. Bibigyan na lang kita ng bagong pangalan para walang makaalam. Mula ngayon, Saraphine na ang itatawag ko sa'yo."

"Saraphine," nagustuhan ni Cordelia ang kanyang bagong pangalan. Handa na siyang iwan ang dati niyang pagkatao, ang pagiging isang Prinsesa.

"Pagkatapos tuturuan kita ng Wikang Silangan, madali lang naman siya. Ako nga tinuruan ni Tiyang Uranna ng Karaniwang Lengguahe, magagamit ko raw ito paglaki ko sabi niya."

Tila hindi naririnig ni Cordelia ang mga sinasabi ni Saraphina, tumutulo ang luha sa kanyang mga mata.

"Bakit ka umiiyak?"

"Yung kapatid kong si Ymma, patay na siya. Hinahabol kami ng mga lalaki, tumawid kami ng tulay, nahulog siya at hindi ko siya nailigtas."

Niyakap ni Saraphina ang nalulugmok na bata, "huwag kang mag-alala, naririto ako. Ako na ang kapatid mo ngayon. Ganito na lang, mag-isip ka ng ginagawa mo dati kasama ang pamilya mo, gagawin rin natin."

Pinunasan ni Cordelia ang kanyang nga mata, "palagi akong binabasahan ni Ina at Kuya Covel ng mga kwento."

"Tamang-tama, marami rin akong alam na kwento," masayang sagot ni Saraphina. "Alam mo ba ang kwento ng dalawang sisiw sa pugad?"

"Hindi," ngayon lamang ito narinig ng bata. "Tatlong sisiw lang ang alam ko."

"Gawa ko siya, ngayon lang," pagmamalaki ni Saraphina, "isang araw mayroong dalawang sisiw na nawalan ng ina, kinupkop sila ng isang kalapating mababa ang lipad sa kanyang munting pugad."

"May kalapitang mababa ang lipad?" Dahil sa kanyang kamusmusan, hindi pa maunawaan ni Cordelia ang ibig sabihin nito. Natawa lamang si Saraphina sa tanong niya.

"Lumaki ang dalawang sisiw ngunit nanatili sila sa pugad,"nagpatuloy siya sa pagkukuwento, "dahil pinagbawalan sila ng kalapati na lumipad, gayunpaman nangako ang dalawang sisiw sa isa't-isa na balang araw, makakaalis rin sila sa kanilang munting pugad, lilipad sila ng mas matayog pa sa kalapati at sila'y lilipad ng mataas at malaya sa kalangitan"

Napangiti si Cordelia sa kanyang kwento, balak tuparin ni Saraphina ang pagwawakas ng kanyang kwento, hindi man ngayon, sa hinaharap.

***

Samantala, sa isang ilog sa kasuluk-sulukan ng Silangan, sumulpot ang isang babaeng naghihikahos, napapaligiran ng dugo ang tubig kung saan siya umahon, akay-akay niya ang isang batang babae, Si Prinsesa Ymma.

Nakatusok pa rin sa likuran ni Editha ang panang ipinantira sa kanya ni Basyo, marami ang nawalang dugo sa dalagita at wala ng kulay ang kanyang bibig. Kaunti na lang ang natitira niyang lakas ngunit nagawa pa niyang maiahon ang bata mula sa ilog patungo sa Kalupaan. Hindi na naiahon pa ni Editha ang sarili, isinandal na lamang niya ang kanyang braso sa damuhan. Tinignan siya ni Ymma nang may lungkot sa kanyang mga asul na mata.

Napangiti naman ang kanyang tagapangalaga nang malamang maayos ang bata, "ligtas ka, natupad ko ang pangako ko sa mga magulang mo."

***

Hindi kalayuan, naglalakad ang isang mag-asawang mula sa Tribong Myongan. Ang lalaki ay limang talampakan ang lalaki, kayumanggi ang balat at kulot ang buhok. Ang babae namn ay hindi aabot sa limang talampakan, bahagyang mas maputi ang kanyang kayumangging balat kaysa sa kanyang asawa ngunit mas kulot rin ang kanyang buhok. Nakasuot sila ng mga tapis na karaniwang sinusuot ng kanilang tribo.

"Sigurado akong magagalit ang iyong ama kapag nalaman niyang lumuwas tayo ng bayan," saad ni Marcio. Nag-uusap sila sa Lengguaheng Myongese.

"Naglibot-libot lang naman tayo," pangangatwiran ng asawa niyang si Maahan, "gusto kong makita kung may lugar pa ba tayo sa Silangan at base sa nakita natin, hawak pa rin ni Haring Rucaz ang lupain, mas umuunlad at gumagara, mas lalong walang pakialam sa mga katulad natin. Hindi pa tayo makakabalik."

"Sino ba naman ang gugustuhin pang bumalik?" tanong ni Marcio. "Ligtas na tayo sa Kasaganaan, kung saan hindi tayo matutugis ng Hari, hindi na dapat tayo namumuhay kasama ang..."

Natigilan si Maahan sa kanyang kinatatayuan at napansin ito ni Marcio, namataan ng magkabiyak ang isang babaeng nag-aagaw buhay sa isang ilog kasama ang isang bata.

"Kailangan nila ng tulong!" agad na lumapit si Maahan kina Editha at Ymma.

Naghahabol na ng kanyang mga huling hininga si Editha ngunit nakita niyang papalapit ang dalawang mag-asawang Myongan.

Inilapit ni Editha si Ymma hanggang sa maabot na siya ni Maahan.

"Tulungan niyo siya," mahina pa sa bulong ang tinig ni Editha. Taimtim siyang tinitigan ni Maahan, pagkatapos ipinikit na niya ang kanyang mga mata, yumuko at tuluyang lumubog sa ilog bago pa siya matulungan ng dalawa.

Natigilan ang mag-asawa sa takbo ng pangyayari, karga-karga ni Maahan ang batang Prinsesa sa kanyang piling.

"Kaawa-awang bata," saad ni Marcio.

"Halika, iuuwi na natin siya sa Kasaganaan," pagyayaya ni Maahan.

-Kasaganaan-

Ang Kasaganaan ay matatagpuan sa pinakasilangan ng Silangan. Isang lugar na hindi pa naitatala o matatagpuan sa mapa ng Kontinente. Ikinukubli ito ng pinakamalawak na Disyerto sa Buong Lupain, Ang Disyerto ng Syl. Mararating lamang ito ng isang tao kung siya'y may sapat na pagkain, tubig at lakas laban sa init ng disyerto at sa ngayon, wala pang sinuman ang nakarating dito maliban sa mga Myongan. Sa Dulo ng disyerto, matatagpuan ang isang masaganang lupain, isang kagubatang punong-puno ng halaman, gulay, prutas at hayop. Isang karagatang sagana sa isda at mga lamang dagat. Dito sa dalampasigan, itinayo ng mga Myongan at iba pang tribo ang kanilang tahanan, dito sila bumuo ng isang bagong pamayanan at tinawag nila itong Kasaganaan. Dito malayo sila sa banta ng Haring patuloy na umuusig sa kanila, natagpuan nila ang misteryosong lugar na ito sa oras ng kanilang pangangailangan.

Narating nila Marcio at Maahan ang kanilang tahanan matapos ang ilang araw na paglalakbay sa disyerto. Sanay ang mga Myongan sa init ng panahon at kaya nilang tiisin ang init na maaaring ikamatay ng karaniwang tao.

Kasama ng mag-asawa si Ymma sa kanilang pagbabalik at ang lahat ay nagulat sa presensiya ng isang batang banyagang naiiba ang anyo sa kanilang lahat, mula sa buhok, sa mata, sa ilong at sa kutis.

Pinagkaguluhan ng lahat ang bata at tinitigan ito nang may pagkagulat at pagkamangha. Humalakhak naman siya sa mga taong nakapaligid sa kanya.

"Sino ang batang iyan? Para siyang maputing bangus." Saad ng isang babaeng Myongan.

"Hindi nga rin namin alam," paliwanag ni Marcio, "natagpuan lang namin siya sa may ilog."

"Bata, anong pangalan mo?" tanong ni Maahan.

"Ako...mimi...mimi...miya!" sagot ni Ymma sa kanila.

Nagkatawanan ang mag-asawa at ang iba pa sa sinagot ng bata.

***

Pumasok ang isang Myongan sa kubo ng kanilang pinuno na si Datu Mortho na ngayon ay may katandaan na ang edad.

"Mahal na Datu, nagbalik na po ang anak niyo..."

"Mainam naman," nakahinga saiya ng maluwag.

"Hindi ko po alam kung ikatutuwa niyo ito, ngunit may kasama silang bata...isang estranghero."

***

Nagtungo ang Datu sa kubo ng mag-asawa kung saan nagkukumpulan pa rin ang mga Myongan kay Ymma.Pinadaan nila si Datu Mortho bilang pagrespeto.

"Ama, naririto na pala kayo," pagbati ni Maahan sa ama niyang Datu.

Tila hindi narinig ni Datu Mortho ang pagbati ng anak, itinuon niya ang kanyang pansin sa bata, unang titig pa lang niya, alam niyang hindi ito Myongan at hindi rin ito Taga-Silangan, bagkus isa itong Cenpyero.

"Saan niyo natagpuan ang batang iyan?" tanong niya.

"Sa ilog po sa may bayan," matapat na itinugon ni Marcio.

"Patay na ang kanyang ina," dagdag ni Maahan, "pero bago siya nawala, ibinigay niya sa amin ang bata."

Sumama ang mukha ni Datu Mortho, "sinasabi ko nga ba, nagpupunta pa rin kayo sa bayan, hindi na ba kayo nadala? Papaano kung nakita kayo ng mga tauhan ng Hari, paano kung napahamak kayo o nasundan? Maaaring ito na ang katapusan ng ating tribo, ng ating buhay! Kaya nga tayo nagtungo sa lugar na ito, para umiwas sa gulo at mamuhay ng mapayapa, pero parang kayo ata ang naghahanap ng gulo."

"Nais ko lang naman pong malaman kung ano na ang kalagayan ng Silangan ngayon, sa naobserbahan ko ganoon pa rin, wala naman pong nangyari," pangangatwiran ni Maahan.

"Walang nangyari?" tanong ni Mortho, "ito ang nangyari!"

Itinuro niya ang bata.

"Ano na ang balak niyo sa bata?"

"Kukupkupin po namin siya," niyakap ni Maahan nang mahigpit ang bata, "at ituturing bilang anak."

"Ano?" nagulat si Datu Mortho at ang iba pang Myongan. "Hindi maaari anak, hindi siya isa sa atin. Hindi natin siya kalahi, tignan mong maigi. Isang Cenpyero ang batang iyan, kalahi siya ng isa sa mga naging kalaban ng ating tribo noon. Hanggang maaari,ayoko nang magkaroon ng kahit anong ugnayan sa kanila!"

"Ama, matagal na po iyon," sagot ni Maahan, "hindi ko pwedeng pabayaan ang bata, hindi siya mabubuhay kung wala ako. Kailangan niya ng mag-aalaga at magpapalaki sa kanya. Tao rin naman siya, tulad natin."

"Maahan, hindi mo siya anak," kumalma na si Datu Mortho.

"At hindi na ko magkakaanak," paglalantad ni Maahan,"sinabi sa akin ni Myo-Gaam-Ot na walang sanggol na mabubuhay sa sinapupunan ko, kaya hanggang ngayon wala pa rin kaming anak ni Marcio kahit ilang taon na kaming kasal."

Natahimik si Datu Mortho sa sinabi ng anak, hindi siya nakaimik.

"Ang batang ito na lang ang tanging pag-asa ko para maging isang ina," naluluhang saad ni Maahan, "ipagkakait niyo po ba sa akin iyon, ama?"

Nabalutan ng lungkot ang mukha ng Datu.

"Tama po siya, ama," sumang-ayon sa kanya ang kabiyak na si Marcio, "ito na po ang pagkakataong makabuo kami ng sariling pamilya, hindi niyo po ba kami mapapagbigyan?"

Huminga ng malalim si Datu Mortho, hindi alam kung ano ang kanyang gagawin.

"Isang gabi," saad niya, "bigyan niyo ko ng isang gabi para makapag-isip kung ano ang pasya ko tungkol sa bata..."

Nilisan ng Datu ang kubo ng mag-asawa at bumalik sa kanyang kubo para mag-isip.

***

Kinagabihan, kasing lalim ng gabi ang pag-iisip ni Datu Mortho, bumalik sa kanyang gunita ang naging karanasan niya sa mga Cenpyero, kung paano niya pinaslang ang ilan sa kanila at kung paano niya sinaksak si Emperador Cresento kahit na balak na nitong makipagkasundo sa kanila.

Sumilip siya sa kanyang bintana sa may dalampasigan at sumulyap siya sa kubo ni Marcio at Maahan, nakita niya kung paano arugain ng magkabiyak ang banyagang bata at kung gaano sila kasaya. Karga-karga ni Maahan ang bata at ito'y pinatatawa ni Marcio.

Pagsapit ng hatinggabi, nagtungo si Mortho sa kubo ni Marcio at Maahan, tulog na ang mag-asawa ngunit gising pa rin ang bata.

Nilapitan ng Datu si Ymma sa may higaan, tumitig sa kanya ang malalaki at purong asul na mata ng bata pagkatapos ito'y napangiti sa kanya. Napangiti na rin si Datu Mortho at tuluyan nang natunaw ang kanyang puso. Inilapit niya ang kanyang nangungulubot na kamay at kinapitan ng maliit niyang palad ang isa sa kanyang mga daliri.

***

Kinabukasan, maagang gumising si Maahan para asikasuhin si Ymma, abala siya sa pagpapakain dito nang lumabas ang kanyang ama sa kubo.

"Magandang araw, anak," pagbati ni Datu Mortho.

"Magandang araw din po, ama," pagbati ni Maahan.

"Nasaan si Marcio?"

"Nangangaso kasama ang ibang kalalakihan," sagot ni Maahan.

Pinagmasdan ni Mortho si Maahan habang pinapakain nito ang bata ng dinurog na saging.

"Maaari ko ba siyang kargahin?" tanong ng Datu.

"Siyempre naman po," may pag-iingat na inabot ni Maahan ang bata sa ama.

Muling nagkangitian si Ymma at Mortho.

"May naisip ka na bang pangalan sa kanya?" usisa ng Datu.

"Bakit niyo po naitanong?" pagtataka ni Maahan.

"Natural kung mananatili siya dito, kailangan niya ng pangalan," paliwanag ng kanyang ama.

Umaliwalas ang mukha ni Maahan sa sinabi ng ama, "nangangahulugan po bang pumapayag na kayong ampunin namin ang bata?"

Tumango ang Datu. Napatalon si Maahan sa tuwa at nilundagan niya ng yakap ang ama.

"Maraming-maraming salamat po, ama!"

Niyakap ni Mortho nang mahigpit ang anak.

"Napagtanto kong tama kayo ni Marcio, nararapat lamang na magkaanak kayo at wala akong karapatang pagbawalan at pigilan kayo. Isa pa, naisip ko ang nangyari sa pagitan namin ng mga Cenpyero noong nakaraan. Pinagsisihin ko ang ginawa ko sa loob ng mahabang panahon. Ipinapangako kong hindi ko na dudungisan pa ang aking mga kamay, na sa ganitong paraan man lang ay makabawi ako sa mga pagkakamali ko noon."

Napangiti ang anak niya sa kanyang mga sinabi.

"Ngayon, balik tayo sa tanong ko, may pangalan na ba siya?"

"Miya," siguradong sagot ni Maahan, "ito ang salitang palagi niyang sinasabi kaya ito na ang ipinangalan namin sa kanya."

"Miya," pag-uulit ni Mortho. "Napakagandang pangalan para sa napakaganda kong apo. Ipahahanda ko na ang pagbasbas sa lalong madaling panahon."

***

Dumating ang araw ng binyag ni Miya, nagkaroon ng tradisyonal na sayawan, kantahan at kasiyahan sa pamumuno ni Datu Mortho. Katabi niyang nakaupo si Marcio, Maahan at ang kanyang bagong apo.

"Aking Tribo, naririto kayo ngayon para saksihan ang pagbasbas sa aking apong si Miya. Mula sa araw na ito hanggang sa kanyang huling hininga, siya'y kikilalanin bilang isang purong Myongan, itatrato natin siya bilang isa sa atin. Lalaki siyang taglay ang espiritu at asal ng isang tunay na Myongan!"

Sinumulan na ang seremonya ng pagbasbas, lumapit ang nakatatandang si Myo-Gaam-Ot at hinawakan niya ang palad ni Datu Mortho, dahan-dahan siyang humiwa sa palad ng Datu, pagkatapos isinawsaw niya ang kanyang daliri sa malapot na dugo. Lumapit siya sa bata at ipinahid ang dugo sa kanyang noo sa korteng "IVI"

"Mabuhay si Miya!" Sigaw ni Mortho.

"Mabuhay si Miya!" pag-uulit ng mga Myongan.

-Dagat Kanluran-

Unti-unti nang bumabalot sa paligid ng karagatan ang hamog na taglay ng Kanluran, sa himpapawid, masisilayan ang sabay-sabay na paglipad at paghuni ng mga ibong bako na para bang binabati nila ang mga paparating sa Kontinente. Kumakapit sa balat ni Covel ang lamig na taglay ng hanging Kanluran at ito'y dinama niya sa isang malalim na paghinga. Nagtungo ang batang Prinsipe sa dulo ng barko upang pagmasdan ang pagsayaw ng alon sa Dagat Kanluran, may pagkaitim ang asul na tubig ng dagat ngunit sariwa ang amoy nito sa isang batang unang beses pa lamang nakapaglayag.

Itinuon ni Covel ang tingin niya sa kapuluang maaaninag sa karagatan, malamang ito na ang Lupain ng Gremon at ilang saglit na lamang ay itatapak na nila ang kanilang mga paa ibang Lupain. Sinamahan ni Ermin at Lynda si Covel sa may dulo ng barko at sabay-sabay nilang tinanaw ang Kanluran. Kasama ang bago niyang pamilya, handa na ang Tagapagmana ng Imperyo na makipagsapalaran sa kanyang hinaharap.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro