Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologo: Ang Dating Tagapagmana

Siya ang babawi sa trono mo! Siya ang tatapos sa buhay mo! Walang hinaharap ang mga anak mo!

Paulit-ulit na bumabalik ang mga banta ng manlolokong manghuhula sa isipan ng Emperador, mula noong araw na maganap ito, hindi na nito nilubayan ang buong kamalayan ni Costan, kahit sa kanyang pagtulog, patuloy siyang binabagabag ng kanyang nakapangingilabot na halakhak at sa isang iglap, muli siyang ibinalik ng kanyang panaginip noong gabing nagkasagupaan sila ni Fierro sa Gubat ng Cen, kung paano nito binawi ang lakas mula sa kanya habang buhat-buhat siya nito sa leeg gamit lamang ang kanyang iisang kamay, kung paano namula ang kanyang mga mata at kung paano lumabas ang Bola ng Apoy mula sa kanyang palad na muntikan nang pumatay sa kanya.

Bumangon siya mula sa kanyang kama, nangangatog at pawis na pawis sa kalagitnaan ng gabi. Nagising si Ysavel at napansin niya ang pagkabalisa ng Emperador.

"Costan, bakit mahal? Ayos ka lang ba?"

Hinayaan muna ni Costan na bumalik sa tamang bilis ang kanyang paghinga bago sagutin ang Emperatris, "wala, Ysavel. Siguro naalimpungatan lang ako. Magpapahangin lang muna ako sa labas."

Ipinagtaka ni Ysavel ang reaksyon ng kanyang kabiyak, hindi na nagawang sabihin sa kanya ng Emperador ang nangyari sa kanila ng manghuhula at ang kanyang panaginip sapagkat ayaw na niyang mag-alala pa ang asawa. Nagpalipas siya ng gabi sa hardin, nakatingin sa kalangitan at taimtim na nag-iisip.

***

Sa panahong ito, ang lahat ay nagsasaya at namumuhay ng gaya ng karaniwan, bukod tanging si Emperador Costan lamang ang nakakaramdam ng hindi maipaliwanag na kaba at pag-aalala.

Maligaya si Ermin at Lynda habang magkahawak ang kanilang mga kamay, inalok na ng binata ang kamay ng dalaga at siya'y pumayag na. Nalalapit na ang kanilang pag-iisang dibdib.

Habang naglalakad si Ving sa palasyo patungo sa Silid-Pulungan, nakasalubong niya ang magkasintahan.

"Ermin, binabati ko kayo ni Lynda sa nalalapit niyong pagpapakasal, masaya ako para sa inyo," malugod niyang pagbati.

"Salamat, Ving," sagot sa kanya ni Ermin, "ikaw, kailan ka gagawa ng aksyon kay?"

Itinuro ni Ermin gamit ang kanyang labi ang naglilinis na si Editha.

"Kayo talaga, palagi niyo na lang kami tinutukso," saad ni Ving, "baka naiilang na yung tao."

"Hindi," saad ni Lynda, "nakikita naming namumula siya tuwing nagkikita kayo, babae rin ako, alam namin kung may tipo ang kapwa naming babae sa isang lalaki at sa nakikita namin kay Editha, naghihintay lang siya sa'yo."

Napasulyap si Ving sa dalagita.

"Huwag kang mag-alala, tutulungan ka namin," sabay kindat ni Ermin sa Tagapayo, "Editha!"

Ikinagulat ni Ving ang biglaang pagtawag ni Ermin sa dalagita. Agad naman siyang nilingon ito.

"Bakit?"

"Si Ving raw may sasabihin sa'yo," pagbubunyag ni Ermin na lalong ikinahiya ng Tagapayo.

Napangiti si Editha habang naglalakad papalapit sa kanila.

"Ah hindi," pagtutol ni Ving, "W-wala, nagbibiro lang itong si Ermin."

"Sige na, sabihin mo na," tinulak papalapit ni Ermin ang Tagapayo sa dalagita, "sayang ang pagkakataon, di na kayo bumabata."

"Maiwan na muna nami kayong dalawa," dagdag ni Lynda bago sila umalis ni Ermin na pinipigil ang kanilang pagtawa.

"Pasensya na, Editha," nahihiyang saad ng Tagapayo, "palabiro lang talaga tong si Ermin."

Napangiti ang magandang dalagita sa kanya, "wala ka ba talagang sasabihin? Hindi mo naman kailangang mahiya sa akin, matagal na naman tayong magkakilala."

"T-tama ka," pagsang-ayon ni Ving, "at siguro tama rin si Ermin, pitong taon na tayong magkakilala. Wala akong kasintahan at sa pagkakaalam ko wala ka ring nobyo...mamasamain mo ba kung sasabihin ko sa'yo na..."

Inunahan muli ng hiya ang Tagapayo at siya'y napatigil sa kanyang pagtatapat.

"Na ano?" malumanay na tanong sa kanya ni Editha. Naghihintay sa kung ano man ang kanyang sasabihin.

"Balak kong...kasi...aamin na ko...g-g-gusto kita."

Lalong nautal si Ving at nayamot siya ng kaunti sa kanyang sarili sa kanyang pagiging mahiyain. Natigilan si Editha sa ipinagtapat niya ngunit bahagyang nagulat ang kanyang mga mata.

"Pero kung hindi mo ko gusto, a-a-ayos lang naman," paninigurado ng binatang Tagapayo.

"Hindi," paglalahad ni Editha, "gusto rin kita, Ving, noon pa," hinawakan niya ang kamay ng binata, "naghihintay lang ako na ikaw ang magtapat sa akin."

"T-talaga," napangiti si Ving sa nalaman, "gusto mo rin ako, ibig sabihin ba nito, magkasintahan na tayo?"

Tumango na may matamis na ngiti si Editha, sa ligaya ni Ving, nagtatalon siya sa tuwa habang hawak niya ang kamay ng dalagita at nagmistulan siyang bata. "Gusto mo rin ako!"

"Oo na, sige na, magkasintahan na tayo," napahalakhak si Editha, "baka tumigil ang puso mo."

Ang hindi nila alam, nagtatago lamang si Ermin at Lynda sa isa sa mga haligi at nakikinig sila sa pag-uusap ng dalawa. Ikinagalak nila ang ginawang pag-amin ni Ving sa nararamdaman niya sa dalagita.

***

Sa Silid-Pulungan agad na nagtungo si Costan nang sumikat ang araw, hindi na siya bumalik sa kanyang silid para magpahinga, bagkus may iba siyang bagay na nais pagtuunang-pansin. Maaga pa at tanging siya lamang ang tao sa loob ng silid.

"Ipatawag ang buong konseho at pati na rin si Kapitan Sarito para sa isang mahalagang pagpupulong," utos niya sa isang katiwala.

***

Malapit sa may bakuran, pinapanood ni Aric ang amang si Sarito habang ito ay nag-susuot ng kanyang mga armas, may pagpupuri ang tingin ng bata sa magiting at matapang niyang ama.

"Ama, paglaki ko ba pwede rin ba ako maging isang kawal katulad niyo?" tanong niya.

"Oo naman, anak, bakit hindi?" pagsang-ayon ni Sarito, "kung gusto mo, ikaw pa ang pumalit sa akin bilang Kapitan."

"At ako naman po ang magpoprotekta kay Covel kapag siya na ang Emperador, pati na rin kina Yrvin, Ymma at kay Cordelia."

Napangiti ang kanyang anak habang iniisip ito.

"Malapit ka talaga sa kanila, lalo na kay Prinsesa Cordelia," sabi ni Sarito.

"Masaya po kasi siyang kalaro, malapit po siya sa akin, gusto niya po ako kasama at tingin niya po sakin, ako ang kawal niya," paliwanag ni Aric.

"Bibisita ako sa Heracio sa isang linggo, sasama ka na ba pauwi?" Tanong ng kanyang ama.

"Dito po muna ako sa Palasyo, ama," sagot ni Aric, "maglalaro pa po kami ng mga prinsipe't prinsesa."

Bago masagot ni Sarito ang anak, isang katiwala ang lumapit sa kanya na may mensahe mula sa Emperador, "Kapitan Sarito, ipinapatawag po kayo ng Kamahalan para sa isang pagpupulong."

"Sige, pupunta na ko," sagot ng Kapitan.

Pagkaalis ng katiwala, inakbayan ng Kapitan ang anak. "Makipaglaro ka muna, anak. Kailangan ng Emperador ang ama."

***

Sa loob ng Palasyo, katatapos lamang paliguan ni Ysavel at Edina ang bunsong Prinsesa, may kakulitang paliguan si Ymma at may mga panahong naglilikot ito sa paglalasti ng tubig kaya naman para bang naligo na rin ang Emperatris at ang lingkod ng dahil sa kanya.

"Anak naman, pati kami pinaliguan mo na," natatawang tugon ni Ysavel.

Nakangiti ang batang Prinsesa habang siya'y inaasikaso ng ina.

"Kamahalan, tandang-tanda ko noong bata ka, ganitong kalikot ka rin kapag pinapaliguan ka namin ng iyong ina," paglalahad ni Aling Edina sa Emperatris.

Natawa si Ysavel sa pagkukumpara sa kanya ng dating Tagapangalaga sa anak. Totoo ngang may kakulitan rin siya noong siya'y bata pa.

Pagkatapos nilang paliguan si Ymma, nagtungo sila sa silid upang punasan ito, pumasok si Covel at Cordelia habang inaasikaso ng ina at ni Edina ang kapatid.

"Ina, magbihis na po muna kayo," payo ni Covel kay Ysavel.

"Kami na po ang tutulong kay Aling Edina sa pagpunas kay Ymma," dagdag ni Cordelia.

"Kay babait naman ng mga batang ito," papuri ni Edina sa kanila, "manang-mana sa mga magulang."

"Salamat mga anak, sige magbibihis lang ako saglit," pagpapaalam ni Ysavel sa kanila.

Magkasabay na pinunasan ni Covel at Cordelia si Ymma na tila napagod na sa kanyang pangungulit sa Silid-Liguan habang si Edina naman ay naghahanda ng damit na isusuot nila sa batang Prinsesa.

Habang sila ay nag-aasikaso, pasimpleng sumilip si Aric sa kanila, tiyempo namang napatingin si Cordelia sa may pintuan.

"Aric," napangiti ang Prinsesa, tumigil siya sa pag-aasikaso sa kapatid at nilapitan niya ng nananabik ang batang lalaki.

"kamusta, mahal na Prinsesa?" Tanong ni Aric.

"Ayos naman, matagal na tayong di nakakapaglaro ah," saad niya, "laro ulit tayo ng Kawal at Prinsesa."

"Sige," pumayag si Aric.

"Cor-de-ma," pagtawag ni Ymma sa kanyang ate na nagpalingon sa kanya.

"Mamaya na pala," napagtanto ni Cordelia na di pa sila tapos sa pagbibihi sa kapatid, "binibihisan pa namin Ymma."

"Sige na, Cordelia," pag-uudyok ni Covel habang sinusuot ang damit sa kapatid, "kami na magbibihis kay Ymma, maglaro na muna kayo ni Aric."

Natuwa ang Prinsesa sa pagpayag ng Kuya, masigla niya itong nilapitan at niyakap, "salamat, kuya! Bait-bait mo talaga."

"Sige na, ako na magpapaalam kay Ina," paninigurado ng kuya niya.

"Tara na, Aric!" pagyayaya ni Cordelia, hinatak niya ang kamay ni Aric pababa ng hagdan. "Woo-hoo!"

"Teka lang, Cordelia," saad ni Aric, "dahan-dahan lang, mahuhulog tayo."

Lingid sa kanilang kaalaman, palihim silang sinusundan ni Yrvin patungo sa hardin.

***

Nang marating nila ang hardin, hindi magkamayaw sa tuwa si Cordelia, bukod sa kanyang mga kapatid, si Aric ang isa sa mga paborito niyang kalaro. Sininagan ng araw ang kahali-halinang mukha ng Prinsesa, nakangiti siya kay Aric at ito'y napangiti rin sa kanya.

"Ano istorya ng laro natin ngayon?" tanong ni Aric.

"Ganito, ikaw ulit yung kawal, tapos ako yung Prinsesa, tapos liligtas mo ko doon sa-"

Gumalaw ang isa sa mga halamanan at lumabas mula rito si Yrvin na para na namang tumatalbog na bola.

"Ano gawa niyo?" tanong niya.

"Yrvin, anong ginagawa mo dito? Nagpaalam ka ba?" Pumamewang  si Cordelia sa kapatid.

"Di pa Ate. Di ko sila makita eh," sagot ng bunsong Prinsipe.

"Bumalik ka na sa taas, maglalaro kaming dalawa ni Aric," saad ng Prinsesa sa mapang-utos na tono.

"Ano lalaruin niyo, sali Yrvin!"

"Maglalaro kami ng Kawal at Prinsesa," saad ni Aric sa kanya.

"Balik na, bilis!" naiiritang pag-uulit ni Cordelia.

"Hindi, kasali ako," sagot ni Yrvin, "ako yung kawal."

"Si Aric kaya yung kawal," pagtatama niya sa kapatid. "Kaming dalawa lang maglalaro."

"Ate, gusto ko kasali ako," pagpupumilit ni Yrvin, "pati si Kuya Covel, pati si Ymma."

"Pagbigyan na natin si Yrvin, ako naman palaging kawal," sagot ni Aric. "Siya naman ngayon."

"Pero gusto ko kasali ka, ikaw gusto kong kalaro," hindi papayag si Cordelia na hindi makasali ang kaibigan.

Napaisip si Aric ng paraan kung paano masosolusyunan ang kanilang munting suliranin.

"Alam ko na. May naisip ako, lahat tayo makakapaglaro."

***

Niyaya nila si Covel na makipaglaro sa kanila at isinama niya rin ang kapatid na si Ymma, inimbitahan rin nila si Ysavel pati na rin si Edina para manood sa kanilang gagawing pagtatanghal.

"Ano kaya itong naisip ng mga bata?" tanong ni Edina sa Emperatris.

"Tignan na lang natin," sagot ni Ysavel.

Mula sa kapununa, lumabas si Covel na nakasuot ng laruang Toga ng Emperador, nakasuot rin siya ng isang mahabang balabal na karaniwang sinusuot ng mga Emperador, Duke at Panginoon.

"Siya ang Emperador ng Imperyong Cenpyre at Pinuno ng Buong Lupain," pagpapakilala ni Cordelia sa kanyang kuya mula sa kanyang pinagtataguan.

Umupo si Covel sa maliit niyang trono at nagkunwaring siya ang Emperador.

"Kamahalan," yumuko si Ysavel at Edina at nakisali sa paglalaro ng mga anak.

"Ito naman ang anak ng Emperador," pagpapakilala ni Covel kay Cordelia kasabay ng kanyang paglabas, "ang Mahal na Prinsesa Cordelia."

Umupo si Cordelia sa maliit na upuan sa tabi ng kanyang Kuya Covel, sa kanyang murang edad, kitang-kita na ang kanyang ganda.

"Kay gandang Prinsesa niya naman," papuri ni Edina.

Maya-maya, si Yrvin naman ang sumulpot, suot-suot ang kanyang laruang armas at dala-dala ang kanyang espadang kahoy.

"Ako naman ang Kapitan Kawal," saad ng kanyang matinis na tinig, "poprotektahan ko ang Prinsesa at Emperador."

Inugay niya ang kanyang espada na para bang may kakalabanin siya. Natawa si Ysavel at Edina sa kakulitan ni Yrvin.

"Isang araw, may dumating na bisita sa Palasyo," pagpapatuloy ni Cordelia.

Nagtungo si Aric mula sa likuran ng puno na may suot na laruang korona ng isang Prinsipe.

"Ako ang Prinsipe ng Heracio," pagpapakilala niya, nagtungo siya sa may harap ni Cordelia at lumuhod habang nakatingin kay Covel na kunwaring Emperador. "Kamahalan, hinihingi ko po ang kamay ng inyong Prinsesa."

Ipinungay ni Cordelia ang kanyang mga mata sa batang Prinsipe habang hinahawakan nito ang kanyang kamay. Napansin ito ni Ysavel at siya'y natatawang napailing, alam niyang hindi na mahihirapan pa si Cordelia sa kanyang pagdadalaga sapagkat ngayon pa lang, marunong na siyang kumilos at umasta na parang ganap na Prinsesa. Minsan nga lang ay sumusobra ang arte niya.

"Pumapayag ang Emperador na pakasalan mo ang anak kong Prinsesa," tumayo si Covel sa kanyang inuupuan.

Nagtungo sa harapan ang Prinsipe Aric at Prinsesa Cordelia. Nakaipit ang siko ng Prinsesa sa braso ng kanyang Prinsipe.

"Maaari na kayo maghalikan," anunsiyo ni Covel.

Ngumuso si Cordelia at naghahanda ng halikan si Aric nang biglang nagsalita si Ysavel.

"Sandali lang anak," natatawa niyang sinabi, "palagpasin niyo na muna sa eksena ang halik."

"Bakit po ina?" nagtatakang tanong ni Cordelia. "Di ba po kapag kinakasal may halikan?"

"Oo, anak kaso bawal pa sa inyo," eksplanasyon ni Ysavel.

"Bawal po? Masama po ba? Di ba po palagi niyo po kami hinahalikan sa noo tuwing gabi?" lalong nag-usisa si Cordelia.

"Masyado pa kasi kayong mga bata," humahalakhak si Edina sa pagkainosente ng mga bata.

Nasa edad sila kung saan madalas nilang gayahin ang mga bagay na ginagawa ng matatanda kahit hindi pa nila nauunawaan ang ibig sabihin nito.

"Iba kasi yung halik naming mga magulang sa halik sa kasal," paliwanag ni Ysavel. "Pwede ka lang humalik sa lalaki kapag malaki ka na at kapag ikakasal ka na. Hindi pa kayo pwede ni Aric dahil mga bata pa kayo. Malalaman mo rin ang ibig kong sabihin habang tumatanda ka."

Tila nakuntento naman si Cordelia sa paliwanag ng ina. "Sige po, ina."

Batid ni Ysavel na malapit si Cordelia kay Aric at hindi niya binibigyang malisya ang kanilang madalas na paglalaro pero nais rin niyang maging bata muna sila at huwag munang mamulat sa mga ganitong bagay, sapagkat may tamang panahon para sa pag-ibig, halik at kasal.

"Ano ng susunod?" tanong ni Covel sa kapatid.

Napaisip si Cordelia, "nagkaroon ng anak ang Prinsipe at Prinsesa."

Inalalayan ni Yrvin sa paglalakad si Ymma patungo kay Cordelia, kinalong niya ang kapatid at nagkunwaring siya ang kanyang ina.

"At sila ay namuhay ng masaya at maligaya," sabay-sabay nilang sinabi bilang pagtatapos. Magkakasabay rin silang yumuko.

Pumalakpak si Ysavel at Edina sa kanilang ginawang palabas.

"Magaling, magaling," pagsuporta ni Edina.

***

Matapos ang kanilang paglalaro, iniligpit ng mga bata ang kanilang mga kagamitan at kasuotan, nilapitan ni Ysavel ang mga anak.

"Nagustuhan ko ang ginawa niyong pagtatanghal," paglalahad niya sa kanila, "sayang lang at wala ang inyong ama at hindi niya kayo napanood."

"Nasaan po si ama?" tanong ni Covel.

"May mahalaga lang siyang pagpupulong ngayon," sagot ng Emperatris.

"Tungkol po saan?" si Cordelia naman ang umusisa.

"Hindi ko rin alam mga anak," ito lang ang naisagot sa kanila ng Emperatris.

***

"Hahatulan niyo na ng sentensyang kamatayan si Fierro?" tanong ni Heman sa kasagsagan ng pagpupulong, matapos ianunsiyo ng Emperador ang kanyang balak, "kamahalan, sigurado na po ba kayo?"

"Oo, sigurado na ako," nanindigan ang tinig ni Costan.

"Kamahalan, kung inyo pong mamarapatin, hindi po ba nais niyo siyang mabulok sa kulungan nang mapagbayaran niya ang lahat ng kasalanan niya sa inyo? Kung papapaslang niyo siya, parang pinakawalan niyo na rin siya sa kaparusahang nararapat lamang sa kanya."

"Alam ko," sagot ni Costan, "tanda ko ang lahat, pero iba na ngayon, masama ang kutob ko, nararapat na siyang mamatay sa lalong madaling panahon. Buo na ang pasya ko. Mayroon pa ba sa inyo ang gustong magbigay ng kanyang opinyon?"

Nagtaas ng kamay si Ving at siya'y sinenyasan ng Emperador para magsalita.

"Kamahalan, magpipitong taon ng nakabilanggo ang dating prinsipe sa Dusa ng Bilanggo," paliwanag niya, "may katagalan na rin ngunit hindi pa sapat para mapagbayaran niya ang lahat ng kanyang kasamaan. Isa pa, guwardiyado siya ng mga bantay, araw-gabi, bente-kwatro oras at kasing hina na siya ng sinuman. Wala po ako nakikitang rason para may ipag-alala tayong lahat."

"May punto po si Ving," sumang-ayon sa kanya si Kapitan Sarito. "Hindi po basta-basta ang mga bantay sa Dusa ng Bilanggo, mga batikan silang mga sundalo, ganoon na rin ang kanilang seguridad, wala pang sinumang bilanggo ang nakatakas sa dami ng guwardiya at laki ng espasyo, iisa lang ang pasukan at labasan, imposibleng makatakas pa siya."

Pinakinggan ni Costan ang kanilang mga saloobin bago niya ipagpatuloy ang kanyang sasabihin, "nagpapasalamat ako sa inyong mga opinyon at saloobin, pero may kailangan kayong malaman."

Taimtim na nakinig si Heman, Ving at ang iba pang mga tagapayo, handang pakinggan kung anuman ang ipagtatapat ng Emperador.

"Isang araw, habang dinadalaw ko ang mga kababayan nating kapos-palad, isang manghuhula ang nakasalubong namin, nahikayat niya akong magpahula sa kanya. Noong una maayos ang kanyang mga pangitain sa mga anak ko, ngunit hindi katagalan, biglang nag-iba ang ihip ng kanyang hula, ipinagtapat niya sa akin na magbabalik ang Panginoon ng Apoy, na papatayin niya ako at kukunin niya ang lahat ng mayroon ako ngayon: ang kapangyarihan, ang trono at ang Imperyo. Nang ipapahuli ko na siya bigla na lamang siyang naglaho, nakakapangilabot ang kanyang mga halakhak. Napagtanto kong isa siyang kampon ng kasamaan at ako'y nalinlang niya."

Kinikilabutan ang Emperador habang inilalahad ito sa kanyang buong konseho, maging sila ay nakaramdam rin ng pagkagimbal at pagtaas ng kanilang mga balahibo.

"Mula noon, hindi na ako mapakali, paulit-ulit kong naaalala ang kanyang mga pananakot, sa aking panaginip palagi kong nakikita si Fierro, kung paano ko nasilayan ang tunay niyang kulay sa Gubat ng Cen. Siguro maiintindihan niyo na kung bakit nais kong gawin ang binabalak ko ngayon."

Walang nakasagot sa kanyang mga konseho, nanatiling tahimik si Heman at napayuko naman si Ving na nahihiya sa Emperador.

"Hindi ko hahayaang magkatotoo ang banta sa akin ng mangkukulam na iyon, hindi ko na bibigyan pa ng pagkakataon si Fierro na makapaghasik ng lagim sa Imperyo. Ako ang Emperador pero higit pa doon isa rin akong asawa at ama kay Ysavel at sa mga anak namin. May pamilya ako at wala akong inaalala ngayon kundi ang kaligtasan nilang lahat. Hindi ko isusugal ang mga buhay nila. Handa akong gawin ang lahat para lang maprotektahan ang mga mahal ko sa buhay. Hindi ko hahayaang sunugin ulit ako ng iisang apoy. Kaya dapat lang na mamatay si Fierro sa lalong madaling panahon."

Ibinaba niya sa mesa ang iskrol na naglalaman ng kanyang hatol. Galing ito sa sarili niyang kamay at nakalagay rito ang kanyang lagda at tatak.

"Naiintindihan na po namin kayo, Kamahalan," sagot ni Heman, "kung ano po ang pasya niyo, asahan niyong susuportahan namin kayo."

"Nasa likod niyo lang po kami, Kamahalan," dagdag pa ni Ving. "Palagi lang po kaming naririto, kasama niyo sa bawat hamon."

"Maraming salamat sa inyong lahat," sagot ng Emperador sa kanila, "batid ko ang malasakit niyo. Kailangang makarating ang utos na ito sa Dusa ng Bilanggo."

"Huwag kayong mag-alala, Kamahalan," paninigurado ni Sarito, "pababantayan ko sa aking mga kawal ang mensahero para siguraduhing makakarating ito sa Kontinente ng Kanluran."

***

-Dusa ng Bilanggo sa Kontinente ng Kanluran-

Matapos ng isang linggong paglalayag sa Dagat Kanluran mula pa sa Imperyong Cenpyre, narating ng mensahero ang Dusa ng Bilanggo upang iparating sa Punong Bantay ang kanyang hatol.

Sa loob ng bilangguan, abalang kumakain si Lupet ng isang malaking paa ng manok, sinusumpal niya ito sa kanyang bibig hanggang sa buto na lang ang matira.

"Punong Bantay," pagtawag ni Wael, dala-dala ang iskrol na ipinadala ng Emperador, "may mensahe ang Emperador para sa inyo, tungkol raw kay Fierro."

Kinuha ni Lupet ang iskrol, binuksan ito ng walang pag-iingat at binasa ang nilalaman, lalong nanliit ang kanyang mga mata habang binabasa ang laman ng liham, maya-maya isang mabagsik na ngiti ang kapansin-pansin sa makapal niyang labi na para bang ikinagagalak niya ang nabasa.

"Kung ito ang utos niya, tapusin na agad natin to," tumayo ang Punong Bantay kahit di pa siya tapos sa pagkain, "tara na, Wael. Oras na para tayo ay maglibang."

Sumunod sa kanya si Wael na hindi natitinag ang haba ng kanyang pagmumukha.

***

Sa kabilang dulo ng konretong tulay na nag-uunay sa bangin na kinaroroonan ng Dusa ng Bilanggo at ng Lupain ng Gremon, nakaabang si Lodell at Tandang Ora, pinagmamasdan ang bilangguan mula sa kalayuan.

"Naisagawa mo na ba ang parte mo sa planong ito?" tanong ni Ora sa tagapayo.

"Oo, alam na ng mga tauhan ko kung ano ang gagawin nila," may kumpiyansang isinagot ni Lodell sa matanda.

***

Umiidlip na si Fierro at pati na rin si Malko habang ang kanilang mga kamay ay banat sa mga kadenang nakagapos sa kanila. Kasagsagan na ng gabi at wala na silang inaasahang mangyayari kundi magpalipas ng magdamag at salubungin ang panibagong araw ng pagdurusa sa bilangguan.

Bumukas ang pinto at sa lakas ng kalampag nito nagising ang dalawang bilanggo, pumasok si Lupet kasama si Wael pati na rin ang dalawang bantay sa kanyang likuran.

Pumwesto ang Punong Bantay sa harapan ng sinag, suot niya sa kanyang mukha ang telang isinusuot ng mga berdugo kapag sila'y may bibitayin, hawak rin niya sa kanyang higanteng kamay ang isang dambuhalang palakol na kapansin-pansin ang talas ng patalim.

Natulala si Fierro sa kanyang nasilayan, nanlaki ang kanyang mga mata at nakaramdam siya ng panginginig sa kanyang kalamlam. Maging si Malko ay nagulat rin sa kanyang nakita.

"Kunin niyo na siya," kalmado ngunit may pagkagalak ang tinig ni Lupet.

Tinanggal ng dalawang kawal sa pagkakagapos si Fierro, pagkatapos ay hinawakan nila ito ng mahigpit patungo sa Punong Bantay. Nagpapalag ang dating prinsipe, nakukutuban ang maaari nilang gawin.

"Anong gagawin niyo sa akin? Bitawan niyo ko! Bitawan niyo ko!"

Nagpatuloy sila sa pagkaladkad kay Fierro kahit na hindi siya tumitinag sa pagpupumiglas. "Bitawan niyo ko!"

"Bitiwan niyo siya!" pagtatanggol ni Malko sa kanyang idolo, "mga loko-loko! Anong gagawin niyo sa kanya? Pakawalan niyo siya, mga hayop!"

Narindi si Lupet sa kakasigaw ni Malko, padabog siyang naglakad patungo sa nag-iingay na bilanggo at tinutukan niya ito ng kanyang matalas na palakol sa may baba.

"Magtigil ka kutong-kawal kung ayaw mong ikaw ang mauna sa kanya!" nagmistulang ulol na baboy-ramo ang pagmumukha ni Lupet.

Napatigil na si Malko matapos siyang pagbantaan, hawak-hawak pa rin ng dalawang bantay si Prinsipe Fierro nang magbigay ng utos si Lupet kay Wael.

"Kunin mo na."

Mula sa kadiliman, inilabas ni Wael ang isang malaking piraso ng kahoy na may kurbang hiwa sa gitna, lalong nagimbal ang laman ni Fierro nang makita niya ito. Batid niyang ito ang kahoy kung saan ipapatong ang ulo ng isang taong pupugutan ng ulo.

"Kawawa ka naman," pangungutya ni Lupet, "dating tagapagmana ng Imperyong Cenpyre, ngayon ay sinentensyahan na ng Emperador patungo sa Impyerno."

Napagtanto ni Fierro ang hatol sa kanya ni Costan at siya'y napailing, "hindi!"

"Ako na ba ang gagawa, Punong Bantay?" usisa ni Wael.

"Hindi, ako na," sagot niya, "malaki-laki ang atraso sa akin ng batang to, gusto ko ako mismo ang tatapos sa kanya."

Sumenyas siya kay Wael na para bang may inuutos.

"Pasensya na Mahal na Prinsipe, napag-utusan lang," saad ng Punong Bantay, pagkatapos nito dumilim na ang buong paligid ni Fierro sapagkat nilagyan na siya ni Wael ng tela sa kanyang ulo.

Nagpapalag si Fierro ngunit siya ay sinikmuraan ni Lupet, ipinatong ng mga bantay sa kahoy ang ulo ng binata. Nagtungo si Wael sa may kalayuan, malapit kay Malko.

"Mga hayop kayo!" muling isinigaw ni Malko nang makita niya kung ano ang balak nilang gawin kay Fierro. "Huwag niyo siyang patayin! Tumigil kayo!"

"Manahimik ka!" saad ni Wael kasabay ng isang suntok sa pisngi.

Tumayo si Lupet sa harapan ng dating Prinsipe, tapat-tapat ang kanyang palakol. "Bago ko wakwakin ang leeg mo, may nais ka bang sabihin kay Emperador Costan? Ipaparating ko sa kanya."

Hindi sumagot si Fierro sapagkat hindi na siya makapagsalita.

"O sige, kung wala, tapusin na natin to!"

Itinaas ni Lupet ang kanyang palakol, handa nang ibaon ito sa ulo ng bilanggo.

"Huwag!" sigaw ni Malko.

Pababa na ang kanyang palakol sa leeg ni Fierro nang biglang...

"Ah!" napasigaw si Lupet sa sakit at bumagsak sa sahig ang kanyang palakol, tumingin siya sa kanyang likuran at nakita niyang may panang tumama malapit sa kanyang balikat, umaagos ang kaunting patak ng dugo, nilingon niya kung saang direksyon nanggaling ang pana at gumimbal sa kanya ang nakita. Si Wael ang may hawak ng pana at siyang pumana sa kanya. Nanggalaiti ang pagmumukha ng Punong Bantay.

"Puta! Anong ibig sabihin nito?" nagtataka niyang tinanong.

Habang wala ang atensyon niya sa bilanggo, sinamantala ito ng dalawang bantay na may hawak kay Fierro at mabilis nilang itinakbo ang binata papalayo sa Punong Bantay. Nanlaki ang mga mata ni Lupet at siya'y nagpakawala ng isang nakaririnding sigaw.

Lumingon siya sa mga bantay na nakaposisyon sa may balkonahe ng isa sa mga tore sa bilangguan, "ano pang hinihintay niyo? Tirahin niyo sila, mga gunggong!"

"Tirahin niyo raw sabi niya," painsultong inulit ni Wael.

Itinaas ng mga bantay ang kanilang mga pana at itinapat ito kay Lupet, sa kanyang pagkagulat. Pinakawalan nila ang kanilang tira at walang nagawa si Lupet kundi tumakas na parang mailap na pusa, iniiwasan ang pagtira ng kanyang mga bantay.Nadaplisan ng isang pana ang kanyang binti. Nagtungo siya sa sulok at nakaharap niya ang taksil na si Wael. May hawak itong palakol na kagaya ng sa kanya.

"Pagbabayaran mo to! Isa kang traydor!" Nagpumilit na tumayo si Lupet.

"Pasensya na, napag-utusan lang rin," ibinalik ni Wael sa kanya ang sinabi ng Punong Bantay kay Fierro.

Sinubukan niyang suntukin si Wael gamit ang kanyang malalaking kamao ngunit sadyang mas maliksi ito sa kanya at naiwasan niya ang bawat tira nito. Pumwesto ang kalaban sa kanyang likuran at ihinampas niya ang palakol sa likod ng Punong Bantay. Bumagsak si Lupet na walang malay habang nakabaon sa kanyang likuran ang palakol.

"Sagana ka lang sa laki, pwe!" saad ni Wael bago siya umalis.

Sumenyas siya sa mga kasabwat niyang bantay at silang lahat ay nagsunuran.

Tinanggal ng dalawang bantay ang takip sa ulo ni Fierro at siya'y nagulumihanan sa nangyayari, napalingon siya sa mga bantay at nakita niyang sinusundan sila ng mga ito pero para bang hindi siya inuusig.

"Anong nangyayari?" tanong niya.

"Itatakas ka namin dito," paglalahad ni Wael, "iyon ang nangyayari!"

Habang sila ay tumatakbo, nananatili naman sa kanyang kadena ang bilanggong si Malko na naguguluhan rin sa mga kaganapan.

"Kamahalan," pagtawag niya, "kamahalan, tulungan niyo ko! Pakiusap!"

Napalingon sa kanya si Fierro at naalala niya kung paano pinalakas ni Malko ang kanyang kalooban noong siya'y nalulugmok at kung paano siya nito ipinagtanggol noong siya'y bibitayin na dapat ni Lupet.

"Kalagan niyo siya!" sigaw ni Fierro.

"Pakawalan niyo, bilis!" utos ni Wael sa kanyang mga tauhan.

Pinakawalan ng mga bantay si Malko at inalalayan ito paalis, tumakbo silang lahat patungo sa kaliwang bahagi ng bilangguan patungo sa may silong.

Bumalik ang malay ni Lupet matapos ng ilang saglit, hinablot niya ang palakol sa kanyang likuran at hinila ito kasabay ng isang malakas na paghiyaw. Sa kapal ng kanyang balat, hindi siya mapapabagsak ng ilang tira ng pana at palakol. Tumayo siya at nakita niyang papaalis na ang mga balimbing niyang bantay kasama ang kinamumuhiang bilanggo.

"Hindeeee!" sigaw niya.

Narinig ng kanyang mga tapat na bantay ang kaguluhan at ang lahat ay nagtungo upang tulungan ang kanilang Pinuno. Karamihan sa mga tauhan niya ay nakapwesto sa mga matataas na tore at palapag habang ang mga tauhan naman ni Wael ay nakabantay sa ibaba sa kinaroroonan ni Fierro kaya naman madali silang nakagawa ng aksyon.

"Mga inutil! Si Fierro, itinakas ni Wael at ng kanyang mga tauhan! Habulin niyo! Doon sila patungo sa silong, sigurado akong magtutungo sila sa sikretong lagusan!"

Kumilos ang apat na libong tauhan at nagsimulang usigin ang bilanggo at mga traydor na kasamahan.

Natawa si Lupet nang makita ang bilang ng kanyang hukbo. "Kung inaakala nilang matatakasan nila ako nagkakamali sila! Dalhin niyo sa akin si Fierro, buhay man o patay!"

***

Nagpatuloy sa pagtakas sina Fierro, Wael, Malko at ang iba pang mga bantay na tapat sa kanila.

"Dadaan tayo sa sikretong lagusan sa may silong, bilang lang ang may alam nito sa mga guwardiya," paliwanag ni Wael, "hindi totoo na isa lang ang pintuan palabas ng bilangguan."

"Tinutulungan niyo ko, bakit?" hanggang ngayon ay nagtataka pa rin si Fierro.

"Dahil utos ng isang kaibigan," sagot ni Wael.

"Sinong kaibigan?" pagtatanong ulit ni Fierro.

"Si Lodell," sagot ng bumaliktad na kawal.

Nagulat si Fierro nang muli niyang marinig ang pangalang Lodell matapos ang maraming taon.

"Kasabwat ka rin ni Lodell," may pagkamangha sa tinig ni Malko, "ang liit lang talaga ng mundo."

"Kinakailangan na nating makalabas ngayon," babala ni Wael, "isang libong kawal lang ang hawak ko sa limang libo, hindi natin makakayang talunin ang apat na libong pwersa ni Lupet."

Habang sila ay tumatakbo sa mas mababang palapag, kasabay na rin nilang nagtatakbuhan mula sa mga tore at daluyan ang mga tauhan ni Lupet. Naririnig nila mula sa ibaba ang kanilang pagmamartsa pababa ng bilangguan.

Maya-maya narating nila ang silong ng bilangguan kung saan naroroon ang sikretong labasan. Pagkababa nila, balot ng kadiliman ang buong sulok at ang tanging liwanag na makikita lamang ay ang ilaw na nanggagaling sa mga tanglaw ng dingding. Pinangunahan sila ni Wael.

"Tara doon tayo lalabas sa-"

Tumama sa balikat ni Wael ang isang tama ng pana at siya'y napabagsak sa pamimilipit.

Mula sa kadiliman, naglitawan ang mga bala ng pana at tinamaan ng walang kalaban- laban ang karamihan sa mga tauhan ni Wael sa kanilang kinatatayuan, nagbagsakan silang wala ng mga buhay, umaagos ang dugo mula sa tinamaan nilang ulo at katawan. Tila may sikretong daanan ang mga bantay kaya naunahan sila ng mga kalaban sa pagbaba.

"Urong!" utos ni Wael. "Napaghandaan tayo!"

Nagsi-urungan sila habang patuloy ang pagtira ng mga bantay mula sa kadiliman ng silong. Lumaban ng tira ang mga tumiwalag na bantay at bahagyang nanahimik ang sulok kung saan nanggagaling ang mga tira.

Bumalik sila pataas ng silong upang humanap ng ibang daanan ngunit pagkaakyat nila, sumalubong sa kanila ang iba pang mga bantay ni Lupet sa bawat sulok ng bilangguan. Nakatutok ang kanilang mga sibat at pana. Maya-maya sa kanilang itaas, nanliwanag ang bawat tore, balkonahe at pati na rin ang mga sala-salabat na tulay at daluyan ng bilangguan. Lumitaw si Lupet. Sa kanyang hudyat nagsilabasan ang tatlong libong kawal sa ibaba at isang libo naman sa itaas, pinaghandaan nilang mabuti mga kalaban. Natagpuan ni Fierro, Wael at ng iba pa ang kanilang sarili na napapaligiran ng mga bantay sa sentro ng bilangguan.

"Titirahin namin sila sa itaas, ubusin niyo sila sa ibaba!" utos ni Lupet bago siya tumawa na parang isang demonyo.

"Nabitag nila tayo!" sigaw ni Malko.

"Tira!" Dumagundong ang sigaw ni Lupet sa mga kawal sa itaas at kasabay nito, umulan ng mga pana mula sa itaas ng bilangguan patungo sa kanilang kinaroroonan.

Tumama ang malalaking tira ng pana sa mga kawal ni Wael, bumagsak ang ilan sa kanila na duguan at may tama sa dibdib, likuran at ulo. Umilag si Fierro at Malko at nagpatuloy sa pagtakbo, bahagyang iniiwasan ang pagtama ng mga pana sa anumang bahagi ng kanilang katawan.

"Atake!" utos ni Wael sa kanyang maliit na hukbo.

Tumira rin ang kanyang mga tauhan at napuruhan nila ang ilang mga bantay na nahulog pababa ng daluyan patungo sa kanilang kamatayan. Umiwas si Lupet at nagtago sa ilalim ng isang daluyan.

Sunod namang umaksyon ang mga nasa ibaba. Nagsigawan sila at sumugod ng sabay-sabay hawak ang kanilang mga espada, pana at sibat.

"Lumaban kayo!" sigaw ni Wael sa kanyang nanghihinang pwersa.

Inilabas rin nila ang kanilang mga armas at nagsimula ang madugong labanan sa pagitan ng apat na libo at isang libo. Nag-uugayan ng espada at sibat ang dalawang hukbo sa ibaba habang ang nasa itaas naman ay nagpapakawala ng kanilang mga tira.

Yamado man ang pwersa ni Lupet, hindi nawalan ng lakas ng loob ang mga tauhan ni Wael sa pakikidigma, matagumpay sila sa pagsaksak at paghiwa sa mga sumusugod na kalaban. Ang iba naman ay hindi pinalad at tinamaan ng panang galing sa taas at nasasaksak ng mga espada ng kaaway sa ibaba. Masigasig si Wael sa pagsibat sa katawan ng mga kalaban. Nakipag-ugayan naman si Malko sa isang matangkad na bantay hanggang sa maunahan niya ito at naibaon niya ang kanyang espada sa puso ng kaaway. Nakipagdigma na rin si Fierro sa mga bantay at matagumpay siya sa pagpaslang sa mga ito gamit ang panang kinuha niya sa napatay na bantay, gayumpaman, hindi maikakaila na mas malakas ang pwersa ng Punong Bantay kaysa sa hukbo ng tumiwalag na bantay. Mula sa bilang na isang libo, mabilis na naubos ang mga tauhan ni Wael. Walang tinag ang pamamana at pagsaksak sa kanila ng buong hukbo. Nagkalat ang bangkay sa ibaba ng bilangguan. Hindi nagtagal nangalahati na lamang ang kawal na tumutulong kina Fierro samantala ang mga kalaban naman ay marami-rami pa. Nakaharang sila sa bawat sulok at totoo ngang nahuli ni Lupet sa kanyang patibong si Fierro at ang taksil na si Wael.

Matagumpay si Wael at Malko sa pakikipagdima, napapatay nila ang sinumang nakakasagupa nila sa ibaba at natatamaan naman nila ang pinupuntirya nilang panain sa itaas pero hindi ganito ang masasabi sa kanilang mga kakampi. Mula sa kalahati, bumaba na lamang sa sa dalawang daan ang natitirang nakatayo at malakas sa kanila at patuloy pa itong nababawasan sa walang humpay na pag-atake ni Lupet.

Habang nakikipagdigma, nasisilayan ni Fierro ang pagtagos ng mga espada at sibat sa mga kawal ni Wael. Tumingala siya sa taas at napagmasdan kung paano tumatama ang mga pana sa katawan ng mga walang kalaban-laban na mga bantay at siya ay nagsimula ng panghinaan ng loob.

Ipinuwesto ni Malko ang kanyang pana sa itaas upang tumira ngunit isang ligaw na pana ang nagpabagsak sa kanya. Siya ay tinamaan sa binti, sa pagkagulat ni Fierro. Lumingon siya kay Wael at nakita niyang duguan na ito sa pakikidigma. Sa itaas, isang nakapangingilabot na ngiti ang pambati sa kanila ni Lupet.

"Ano Fierro? Ngayon matitikman niyo na talaga ang Lupit ni Lupet!"

Humalakhak siya ng malakas kasabay ng kanyang mga kasama. Nanggagalaiti na si Fierro sa kanila. Nagkaroon na siya ng pagkakataong makatakas sa impyernong ito ngunit ngayon tila sila ay muling mabibigo. Nagpainit sa kanyang ulo ang mga insultong ibinabato sa kanila ni Lupet habang ang mga tumutulong sa kanya ay isa-isang nagsisimatayan.

Sumara ang kanyang kamao sa inis at umabot ang dugo niya sa kanyang ulo, nagsimulang mag-init ang katiting na natitira sa kanyang mga laman at unti-unting bumabalik ang pagkapula sa kanyang mga mata.

***

"Bakit ang tagal nila?" nag-aalalang usisa ni Lodell kay Tandang Ora. "Sabi ko na nga ba walang patutunguhan ang planong ito. Hindi kakayanin ng pwersa ni Wael ang lakas ni Lupet kahit na bayaran ko pa sila ng ilang sakong ginto."

Ngumisi si Tandang Ora, "Liodencio, tigilan mo na ang kakaputak mo at makinig ka sa akin. Makakatakas ang Panginoon ng Apoy ngayong gabing ito."

"Pero paano? Hindi kayang talunin ng tauhang kinuha ko ang mga kalaban, nakakaintindi ka ba, Tanda?"

"Gaya ng sinabi ko sa'yo, hindi na niya kakailangin pa ang tulong nila para makatakas, magagawa niya ito kahit na nag-iisa siya, nagsisilbi lamang silang instrumento para magkagulo sa loob. Para gumuho ang bilangguan at bumukas ito sa paglabas ng Panginoon. Pitong taon ang nakasaad sa propesiya, pitong taon bago bumalik ang lakas at kapangyarihan niya at lahat ng ito ay matutupad ngayong gabi...ilang segundo na lang!"

Napailing si Lodell sa pinagsasasabi ng matanda. Hindi alam kung totoo ang kanyang sinasabi o nababaliw na siya.

***

"Fierro! Lamunin mo to!" sigaw ni Lupet, pinakawalan niya ang tirang papaslang sa bilanggo.

Nanlaki sa pagkabigla ang namumulang mata ni Fierro, nakikita niyang tatama na sa kanya ang pana at agad niyang binuksan ang kanyang nakasarang kamao. Lumabas dito ang isang kumikinang na Bola ng Apoy na siyang kumatagpo sa pana at ito'y naabo bago pa ito tumama kay Fierro.

Tumama ang bola ng apoy sa isa sa mga daluyan ng tore na siyang nagpaguho rito, bumagsak kasama nito ang ilan sa mga bantay ni Lupet. Sila ay nahulog sa ibaba at nabagsakan ang ilang tauhan ng Punong Bantay. Wala na silang buhay pagkatama nito sa kalupaan.

Natigilan ang lahat sa nangyari, nagulat si Wael, Malko at lalong-lalo na si Lupet na hindi makapaniwala sa kanyang nakita, halos bumaba na ang kanyang panga sa nasilayan. Napangiti nang may pagkasuklam si Fierro sa Punong Bantay bilang pang-insulto.

"Tirahin niyo! Lahat kayo! Tirahin siya!" sigaw niya. "Huwag niyong tigilan!"

Tinira ng mga nasa ibaba si Fierro gamit ang kanilang mga pana ngunit ang mga ito ay nasusunog lamang bago pa makapinsala sa kanya. Naiiwasan niya ang mga pana sa pamamagitan ng Bolang Apoy na nagmumula sa kanyang palad. Hinahagisan niya ng apoy ang sinumang nagtatangkang pumaslang sa kanya at hindi nagtagal, nagliliyab na ang katawan ng mga guwardiya ni Lupet. Naghihiyawan sila habang sinusunog ng apoy ni Fierro ang buhay mula sa kanila, ang iba ay nagtatakbuhan na lamang hanggang sa sila ay matupok ng apoy. Nang makita ni Wael at Malko na nakakalamang na sila sa kalaban, sinamantala nila ito at tinulungan si Fierro sa pakikipaglaban.

Pinagpapawisan na si Lupet sa kanyang nasasaksihan, "tadtarin niyo siya, mga tanga! Iisa lang iyan!"

Nanginginig na ang mga bantay sa itaas ng mga balkonahe. "May kapangyarihan po siya!"

"Paulanan niyo ng sabay-sabay, mga duwag!" halos maubos na ang tinig ni Lupet sa kakautos.

"Sabay-sabay daw!" pag-uulit ng nanginginig na Kawal. "Isa...dalawa..."

Naaninag ni Fierro na sabay-sabay siyang pupuntiryahin ng mga kawal sa bandang itaas. Ngumisi sa kanila ang binata pagkatapos isinara niya nang napakahigpit ang kanyang kamao, pagkabukas niya, isang malaking bola ng apoy ang kanyang ihinagis sa kinaroroonan ng mga kawal na titira sa kanya. Sumiklab ito pagkatama ng tulayan, nagliyab sa apoy ang mga bantay habang gumuguho pabagsak ang kanilang kinatatayuang daluyan.

Sunod namang titira sa kanya ang nasa kanang daluyan, bago pa nila mapakawalan ang kanilang pana, sinunod-sunod ni Fierro ang pagtira ng bola ng apoy sa kanila hanggang sa masira ang buong tulay na nagdudugtong sa bandang kanan ng isa sa mga tore. Gumuho ito pababa at bahagya itong naiwasan ni Wael, Malko at ng iba pang mga bantay. Nababalutan na ng usok at alikabok ang paligid ng dahil sa apoy at batong natupok mula sa mga daluyan. Patay na ang karamihan sa apat na libong tauhan ni Lupet.

"Hindi," bulong niya sa kanyang sarili.

Itinuon ni Fierro ang kanyang mga mata sa lalaking nagpahirap sa kanya ng sukdulan. Nabalutan ng kilabot at takot ang Punong Bantay. Itinapat ni Fierro ang kanyang kamaong nagliliyab sa kanya, handa ng tapusin ang kinamumuhiang kalaban.

"Lupeettt!" sigaw niya, pagkatapos pinakawalan niya ang apoy mula sa kanyang palad.

Tumakbo ang dambuhalang bantay na parang mailap na hayop, papalayo sa taglay na kapangyarihan ng Panginoon ng Apoy.

"Sige takbo! Magtago ka hanggang kaya mo pa! Dapat pala binalaan kita! Huwag kang makipaglaro sa apoy kung ayaw mong masunog!" sigaw ni Fierro, habang inaatake niya ang bawat direksyon na pinupuntahan ng Punong Bantay. Lalong lumalala ang pinsalang dulot nito sa bilangguan.

Bahagyang naiiwasan ni Lupet ang bawat tira ni Fierro, habang tumatakbo, naaninag niya ang isang bakal na hawla sa may pinakatuktok ng bilangguan. Matapos nito nagtungo siya sa isang hawlang magtataas sa kanya sa ibabaw, dala-dala ang kanyang palakol, inakyat niya ang dingding na parang isang butiki hanggang sa marating niya ang itaas kung saan nakakabit sa kadena ang bakal na hawla na maaari niyang gamitin para mahuli si Fierro.

"Lupet! Lupet!" patuloy ang pagsigaw ng binata, "nasaan ka! Magpakita kang duwag ka! Umurong na ba ang bayag mo!"

"Ungas!" Sigaw ni Lupet mula sa itaas ng hawla. "Nandito ako!"

Ipinagmalaki niya ang hawak na palakol, ginamit niya ito panghiwa sa mga kadenang nagdudugtong sa hawla, sa taglay niyang lakas, nakalas niya ito at nagsimulang bumagsak ang napakabigat na hawla sa tapat ni Fierro.

Dahil sa angkin niyang kapangyarihan, tiwala si Fierro na mapapatay na niya si Lupet at nanatili siya sa kanyang pwesto, itinapat niya ang kanyang kamao upang atakihin ang Punong Bantay ngunit sa kanyang pagkabigla, walang lumabas na bolang apoy sa kanyang palad at bago pa siya magkaroon ng pagkakataon para makaiwas, bumagsak sa ibabaw niya ang hawla.

Dahil sa angking bigat nito, bumaon sa kalupaan ang patusok na bakal sa ilalim ng hawla at natagpuan niya ang kanyang sarili sa bitag ni Lupet. Ginawa mismo ang hawla upang bitagin ang sinumang magtatangkang tumakas sa bilangguan.

Sinubukan niyang palabasin ang apoy mula sa kanyang palad nang sa ganoon ay matunaw niya ang bakal, pero gaya noong nangyari sa kanya pitong taon na ang naklipas, muling naglaho sa kanya ang angking kapangyarihan.

Sa ibabaw ng hawla, narinig niya ang mapag-insultong halakhak ni Lupet. "Ano naubusan ka na ba ng lakas?"

Pumito si Lupet at nagsilabasan ang mga tauhan niyang nagtago sa kasagsagan ng pag-atake ni Fierro. Iilang daan na lamang sila ngunit sapat pa rin ang kanilang bilang para mabihag ang mga natitirang kawal ni Wael.

"Paligiran niyo!" saad ni Lupet.

Itinapat nila ang kanilang mga pana kina Wael, Malko at iba pang mga bantay. Wala na silang nagawa kundi ibaba ang kanilang mga armas at yumuko sa pagkatalo.

"Huwag niyong patayin ang dalawang ito," tugon ng Punong Bantay, "may binabalak ako sa kanila."

Bumaba si Lupet at sinuntok ng malakas si Wael sa pisngi. "Magbabayad ka ng mahal sa pagtataksil mo sa akin!"

Matapos pagdiskitahan si Wael, humarap naman siya kay Fierro. "Nasaan na ang tapang mo ngayon, bata? Sige ngayon mo ako sunugin gamit ang kapangyarihan mo!"

Sinunggaban ni Fierro si Lupet na parang isang tigreng nasa hawla at hinablot niya ang damit nito. Sabay-sabay namang itinapat ng mga bantay ang kanilang mga pana sa kanya.

Kumawala si Lupet habang palakas nang palakas ang kanyang pagtawa, "tignan mo nga naman, totoo pala ang sinasabi mong kapangyarihan na ipinagkaloob sa'yo ng Itim na Diyos, muntik mo ng masira ang Dusa ng Bilanggo, pero ako, ako ang buhay na saksi sa taglay na kapangyarihan ng Panginoon ng Apoy. Mabubuhay pa ako, hindi tulad mo. Pagkatapos kang tadtarin ng pana ngayong gabi, iiwan ko rito ang bangkay mo."

Nanginig sa panggagalaiti ang mga labi ni Fiero habang pinapakinggan ang Punong Bantay.

"Pagmamasdan kita habang nabubulok ka, hahayaan kong ubusin ka ng mga uod hanggang sa wala ng matira sa'yo. Pagkatapos, pipira-pirasuhin ko ang mga buto mo para ipakain sa mga aso, pero ititira ko ang kalansay mo. Gagawin ko itong tropeyo, ipangangalandakan ko sa lahat na ako si Lupet, ang bayaning nakapatay sa Panginoon ng Apoy."

Bumilog ang mga mata ni Fierro sa pagkamuhi. Umabot sa ulo ang kanyang dugo at tumagos sa kanya ang bawat salitang binitawan ng kaaway.

"Sige, oras na para tapusin natin to...bibilang ako ng tatlo bago niyo siya tirahin...isa."

Sumara ang kamao ni Fierro, nangangatog sa galit.

"Dalawa..."

Nagsimula uling pumula ang mga mata niya.

"Tatlo!"

Pinakawalan ng mga kawal ang kanilang mga tira, napasigaw si Fierro kasabay ng paghagupit ng isang nakapangingilabot na kidlat.

***

Sa kinaroroonan ni Lodell at Ora nasilayan nila ang isang nakagigimbal na pagsabog mula sa Dusa ng Bilanggo. Nanliwanag ang Buong Paligid na parang isang apoy sa tanglaw, kasabay nito ang isang matinding paglindol na yumanig sa buong kontinente ng Kanluran, lalo na sa Lupain ng Gremon kung saan malapit ang bilangguan. Nagtakbuhan ang mga tao sa pangingilabot. Ang iba ay nag-alay ng panalangin sa Diyos na Puti sapagkat para sa kanila, isa itong masamang pangitain.

"Anong nangyari? Ano iyon?" Kinakabahang tinanong ni Lodell sa matanda.

"Nangyari na, tuluyan ng nagbalik ang Panginoon ng Apoy!" natutuwang inanunsiyo ni Tandang Ora.

***

Bumalik ang kamalayan ni Wael, pagkatapos ang matinding pagsabog na gumimbal sa lahat ng naroroon, pagkadilat niya, wala na siyang maaninag kundi apoy. Napapalibutan na ng apoy ang buong paligid, akala niya nasa impyerno na siya. Nagsisimula ng magbagsakan ang mga pundasyon at malalaking piraso ng bato na bumubuo sa istraktura ng bilangguan. Nasa tabi niya si Malko na wala ring malay.

"Gising, Malko!" pagtawag niya.

Nagising si Malko, napalingon kung saan huling nakapwesto si Fierro at ito ay natigilan na parang nakakita siya ng multo, pagkasulyap ni Wael, maging siya ay natigilan rin. Sa kabilang sulok, nanginginig sa takot ang mga mga natitirang kawal ni Wael, sa paligid, nakakalat ang mga nasusunog na bangkay ng mga tauhan ni Lupet na dapat ay papaslang kay Fierro. Wasak at tunaw na ang bakal na hawlang pinagkulungan sa binata. Si Lupet naman ay nasa isang sulok, walang malay.

Napaluhod si Wael at Malko sa harapan ng nilalang na hindi nila matiyak kung ano. Nagmimistulan itong tao base sa kanyang korte ngunit ang kanyang katawan ay binubuo ng purong kahel na apoy at siya'y nagtataglay ng nakasisilaw na liwanag gaya ng sa araw. Ang mga mata niya lamang ang makikita sa kanyang nagliliyab na mukha. Mga matang walang kasing pula at kasing bangis.

"Huwag kayong matakot," walang katulad sa sinumang tao ang kanyang tinig, tuwing siya'y nagsasalita, tila sumasabay ang kidlat at pagyanig ng lupa sa kanyang malaking boses. "Ako pa rin ito, si Prinsipe Fierro, pero ako na rin Ang Panginoon ng Apoy ngayon."

"Panginoon ko," yumuko si Malko sa kanya.

"Kamahalan," pagbati ni Wael. "Ano pong maipapaglingkod namin sa inyo?"

"Umalis na kayo ngayon na," saad ng Panginoon ng Apoy, "bukas na ang Pangunahing Pinto. Ilang minuto na lang guguho na ang buong bilangguan. May dalawa kayong pagpipilian, ang gumuho kasama ng bilangguang ito o mamuhay sa bagong mundo bilang mga tagasunod ko. Kayo na ang bahala."

"Tara na," pagyayaya ni Malko, inalalayan siya ni Wael patayo, at mabilis pa sa alas-kwatro, nilisan nila ang Dusa ng Bilanggo habang ito ay unti-unting gumuguho, nagsunuran rin ang kumulang sa isang daan na mga bantay, lahat sila'y tumawid sa konkretong tulay patungo sa bayan, lumalaki na ang lamat sa nasabing daanan.

Nakita ni Lodell at Tandang Ora na patawid na sa tulay sina Malko at Wael, ilang minuto lamang narating na nila ang dulo ng tulay patungo sa Lupain ng Gremon.

"Nasaan si Fierro?" tanong ni Lodell sa dalawa.

"N-nasa loob pa ang Panginoon," may panginginig na sagot ni Malko.

***

Pagkalabas ng lahat, nagkaroon na rin ng malay si Lupet, pinagmasdan niya ang paligid at napagtantong nasusunog na ang buong bilangguan at patay na ang lahat ng kanyang mga bantay. Lapnos ang kalahati ng kanyang pisngi at braso.

Mula sa apoyan, lumabas ang isang mala-taong apoy na nilalang na nagpatayo sa kanyang mga balahibo. Naglalakad ito papalapit nang papalapit sa kanya. Tumigil ito malapit sa kanyang kinahihigaan at unti-unting nagbago ang kanyang anyo, pumorma pabalik sa itsura ni Fierro ang Panginoon ng Apoy, hindi hamak na mas malusog at mas kaaya-aya ang kanyang anyo kung ikukumpara noong una siyang pumasok sa bilangguan pitong taon na ang nakalipas.

"I-ikaw?" pagkabiglang isinambit ni Lupet nang mapagtantong siya ang kakaibang nilalang.

Sa isang iglap, binuhat ni Fierro ang Punong Bantay sa leeg gamit lamang ang kanyang isang kamay na para bang nagbuhat lang siya ng isang kuting, kahit na higit na mas malaki ito sa kanya.

"Kapag ako nakawala sa'yo...pahihirapan kita," pagbabanta niya, "hihilingin mong hindi ka na dapat ipinanganak pa!"

"Ako Ang Panginoon ng Apoy!" pagmamalaking idineklara ni Fierro. "Hindi talaga ako ipinanganak!"

Tumingkad ang pagkapula sa mga mata niya at nagsimulang pumaso sa leeg ng Punong Bantay ang kanyang palad.

"Naaangkop nga sa'yo ang pangalang 'Lupet', dahil isang malupit na kamatayan ang ibibigay ko sa'yo, mararamdaman mo ito hanggang sa impyernong pupuntahan mo!"

Sinuntok niya ng isa niyang kamao ang sikmura ni Lupet, sa taglay niyang Mala-Diyos na lakas, bumaon sa sikmura ang kanyang kamao, nagsimulang lumabas ang malalapot na dugo mula sa bibig ng Punong Bantay, pagkatapos, usok naman ang lumabas rito, kasabay ng pagliyab ng apoy mula sa kanyang lalamunan.

Sumigaw ng malakas si Fierro habang binubuksan niya ang nakasarang kamao sa loob ng sikmura ng kaaway, pagkabukas niya ay tumalsik sa paligid ang nagkalasog-lasog na piraso ng katawan ni Lupet. Nagkalat ang kanyang nagkagiling-giling na lamang loob at nagmistulang iniihaw na karne ang kanyang katawan habang ito ay tinutupok ng apoy.

Bumalik sa pagiging Panginoon ng Apoy ang anyo ni Fierrro, pagkalabas niya ng bilangguan, tuluyan na itong gumuho at sumuko sa apoy, na animo'y hinintay niya muna ang kanyang paglabas bago ito tuluyang mapulbos. Ganoon rin ang tulay, pagkalagpas niya sa kabilang banda, tuluyan na rin itong nawasak at nagkapira-piraso sa kailaliman ng bangin. Wala na ang Dusa ng Bilanggo, wala na ang lugar ng kanyang pagdurusa at paghihirap.

Nakaabang na sina Tandang Ora, Lodell, Wael, Malko at ang mga nakaligtas na bantay sa pagdating ng Panginoon ng Apoy.

Sa pagtapak niya sa kalupaan ng Gremon, agad na yumuko si Tandang Ora bilang pagsamba sa kanya. Nagsunuran ang iba sa matanda at sila'y nagsiluhuran pati na rin si Lodell.

"Mahal kong Panginoon," saad niya ng may pagkagalak.

"Nagbalik na ako," saad niya, "at ito ang magiging hudyat sa nalalapit na pagdating ng Itim na Diyos. Inihahanda ko na ang mundo para sa nalalapit niyang pagbabalik."

"Nagagalak akong marinig iyan, kamahalan," sagot ni Tandang Ora.

Tumayo si Lodell at pinagmasdan ang kakaibang nilalang na tinatawag nilang Panginoon ng Apoy.

"Fierro, ikaw ba iyan?" tanong niya na may pagkamangha.

Ibinalik niya sa anyo ni Fierro ang kanyang itsura at siya'y nakilala na ng tagapayo.

"Oo, ako ito," sagot niya.

"Ngayong nakalaya na kayo, ano na po ang susunod nating hakbang, kamahalan?" usisa ni Lodell.

"Ang bumalik sa Imperyong Cenpyre at paslangin si Costan," may pag-asa at kumpiyansa ang kanyang tono, "panahon na para kunin ng Panginoon ng Apoy at ng dating tagapagmana ang mga bagay na dapat ay sa kanya."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro