Kabanata 9: Saraphine
-Palasyo ng Silangan-
Makikita ang repleksyon ni Saraphine sa plorerang kanyang pinupunasan. Nagdaan ang ilang araw at natapos na ang pagpapahinga niya. Dahil mahigpit itong ipinag-utos ng Hari, walang nagawa si Reyna Helena at Rhoda kundi gaangan ang mga gawaing ibinibigay sa kanya. Kasalukuyan siyang nakatoka sa pagpupunas ng mga kagamitan sa Pangunahing Bulwagan. Kasisimula pa lamang ng isa na namang panibagong araw.
Pumasok ang bagong gising na si Haring Rucaz at umupo sa kanyang trono. Pansamantalang tinigil ni Saraphine ang ginagawa at lumuhod siya sa Hari bilang pagbati. Napangiti lamang si Rucaz pagkatapos siya ay napatingin sa paligid na mukhang may hinahanap at napabugtong-hininga.
"May problema po ba, Kamahalan?"
"Nagkasakit kasi yung isang alalay ko, lumiban siya ngayon. Siya ang palaging nagdadala sa akin ng almusal kong ubas sa may mangkok."
"Paborito nyo po ang ubas?" muling napatanong ni Saraphine.
"Oo, dahil mahilig rin ako sa alak, nakasanayan ko ng nagsisimula ang araw ko ng may ubas, kaso nga lang walang magdadala sa akin ngayon."
Naisip ni Saraphine na ito ang pagkakataon para sumipsip sa Hari kaya naman nagpresinta siya. "Gusto nyo po ba ikuha ko po kayo sa may ubasan at ilagay ko rin sa mangkok?"
"Gagawin mo yun para sa akin?"
"Handa po akong paglingkuran kayo, sa abot ng aking makakaya."
"Sige, sige," napapayag na si Rucaz, "ikuha mo ko."
Nagtungo si Saraphine sa may ubasan. Napakalawak ng ubasan at napakarami ng hinog na ubas ang nakasabit sa malulusog at purong berdeng puno, ang iba ay kulay luntian at ang iba naman ay purong byoleta. Pumitas siya ng tatlong buwig ng ubas, hinugasan muna ito at inilagay sa isang mangkok at agad siyang bumalik sa Hari.
"Nakuha ko na po."
"Mahusay, ngayon tumayo ka dito sa aking kanan at hawakan mo lang ang mangkok habang kumakain ako."
Ginawa ni Saraphine ang ipinag-uutos ng Hari. Kumuha si Rucaz nang ilang piraso at kumain, "sarap."
"Buti po at nagustuhan nyo," matapos nito, nanahimik na si Saraphine at medyo nailang. Ngayon lamang siya tumayo ng ganitong katagal at kalapit sa Hari.
"Alam mo bukod sa ubas, yung alalay ko, madalas din niya ako nililibang sa pagbibigay ng mga bugtong o kaya pagkukwento ng mga nakakatawang mga biro."
"Tulad po ng ano?"
Sinimulan ng Hari. "May dalawang barko, ang isa ay mayroong isang-daang katao, at ang isa naman ay may siyam na katao lamang pero may kasama silang isang Hari. Ano sa tingin mo ang mas maraming laman?"
"Ano po?" nais malaman ni Saraphine.
"Yung barkong lulan ang Hari dahil katumbas daw ng isang libong katao ang Hari."
Nagsimulang humalakhak si Rucaz sa kanyang biro at napahampas siya sa braso ni Saraphine na muntikan nang mabagsak ang mangkok ng ubas. Nakisabay na lang rin si Saraphine kahit hindi naman ito nakakatawa para sa kanya.
"Ikaw naman, Sara ikaw naman," udyok ng Hari.
"Ako po?"
"Meron pa bang ibang Sara dito? Syempre ikaw. Ikaw naman ang magbiro sakin."
Hindi kasing galing ni Pinang si Saraphine sa pagbibiro pero nag-isip pa rin siya nang magandang maibabanat. "Sige po, pero baka hindi na po kayo makarami ng ubas."
"Bakit naman?" pagtataka ni Rucaz dahil marami pa naman ang ubas sa mangkok.
"Kasi po 'ubas' na," banat ni Saraphine, "kuha nyo po 'ubas' na."
Lalong lumakas ang halakhak ng Hari nang mapagtanto niyang ito na pala ang biro ni Saraphine.
"Maganda yang isang yan, Sara."
Natawa na rin si Saraphine at sabay silang nagtawanan. Unti-unti nang nakukuha ng dalagita ang loob ni Haring Rucaz.
Sa hindi kalayuan, pinapanood sila ni Helena mula sa balkonahe ng bulwagan, nang-init ang dugo niya sapagkat akala niya ay nilalandi ng dalaga ang Hari.
***
Nagtungo ang Reyna sa kanyang silid na nagdadabog, nakaabang na sa loob ang katiwala niyang si Rhoda para ayusan siya.
"Hindi na naman po maganda ang timpla nyo, Mahal na Reyna?" tanong ni Rhoda habang inaayos nito ang buhok ni Helena.
"Paanong hindi ako manggagalaiti, nakita ko na naman ang babaeng yun, kung makadikit kay Rucaz, parang linta, sinusubukan niya talagang agawin ang Hari sa akin!"
Napailing ang alalay. "Sa susunod baka hindi lang Hari maagaw niya, baka pati tong silid nyo, mga damit at alahas nyo at ang higit sa lahat yang titulo nyo bilang Reyna."
"Gusto mo bang buhay mo ang agawin ko?" Lalo lang nag-init ang ulo niya sa mga sinabi ng alalay. "Kung hindi talaga siya paaalisin ni Rucaz, ako na ang gagawa ng paraan para siya na mismo ang kusang umalis dito. Isa lang siyang duming kailangan nating linisin."
Nagulat si Rhoda nang bigla na lamang nagbago ang aura ng Reyna. Nakaisip na naman ng bagong kalokohan si Helena at bumulong siya sa katiwala.
"Sigurado kayo dyan, Mahal na Reyna, hindi ko masisikmurang gawin yun."
"Mag-utos ka sa mga kutsero natin, wala akong pakialam, ang mahalaga maipasok dito sa loob at maikalat."
***
Abalang nagpapakain ng mga ibon si Saraphine. Gaya ng ipinangako ni Rucaz kay Helena, napalitan na niya ang lahat ng ibong nawala sa kanya at dinoble pa niya ang bilang. Mas maliligalig at maiilap ang mga bagong ibon sapagkat naninibago pa sila sa bago nilang hawla.
"Ikaw tapusin mo na yan, bilis, may ipapagawa ako sa'yo," utos ni Rhoda sa kanya.
Sinamahan ng katiwala ang dalaga sa isang silid. Pagkapasok nila, napanganga si Saraphine nang makita niyang punong-puno ng tae ang silid na kanyang lilinisin.
"Linisin mo lahat yan, dapat walang matitirang kalat dito pagbalik ko."
"Ano po yan?" nadidiring inalam ng dalaga. "Dumi ba yan ng kabayo?" Paano yan napunta dito?"
"Huwag ng maraming tanong, kumilos na!" napalakas sa pagkapikon ang tono ni Rhoda
"Lahat po yan lilinisin ko?"
"Hindi ka ba nakakaintindi? Isa pang tanong mo lagot ka sa akin!"
Sa pagkakataong ito, hindi na nakatiis si Saraphine. "Sandali lang po, nananadya na po ata kayo. Ano bang nagawa ko at tinatrato nyo ko ng ganito? Wala naman akong ginagawang masama."
"Wala ka ring karapatang kwestyunin ang mga pinag-uutos ko sa'yo. Tandaan mo, alipin ka lang dito kaya wala ka sa posisyon para magreklamo. Magsimula ka na, at huwag na huwag itong makakarating kay Haring Rucaz kundi malilintikan ka talaga kay Reyna Helena."
Nananatili lamang si Saraphine sa kanyang pwesto, masama na ang tingin niya kay Rhoda. Nag-aalangan pa rin ang dalaga na sundin ang pinag-uutos nito.
"Anong tinitingin-tingin mo dyan? Alam ko na ang iniisip mo, sa Hari ka lang natatakot. Ito ang itatak mo sa kukote mo, hindi mo pa kilala si Reyna Helena, kung ano ang kaya niyang gawin sa mga hampas-lupang gaya mo, kaya magtrabaho ka na bago ko pa ingudngod ang pagmumukha mo dyan! Babalikan kita pagkatapos ng isang oras."
Baka gusto mong ikaw ang ngudngod ko dyan.
Nagsimulang maglinis si Saraphine. Tila babaliktad na ang sikmura ng dalaga dahil sa nakakasukang amoy ng mga tae kaya naman tinakpan na niya ng tela ang kanyang ilong at bibig.
Kinuha niya ang pala at niligpit ang mga dumi sa isang sako. Karamihan sa mga dumi ay ipot at malalambot.
Hindi pa nagtatagal, pumasok si Aling Estrella at ang iba pa nilang kasamahang kasambahay at nakita nila ang mga duming nililinis ni Saraphine.
"Pambihira, ito pala yung naaamoy kong mabaho mula kanina pa, kung naaamoy lang ang budhi ni Rhoda, malamang ganito ang amoy, ano bang nangyari dito?"
"Hindi ko rin po alam, Aling Estrella," sagot ni Saraphine habang abala sa pagpapala, "bigla na lang akong inutusan ni Rhoda na linisan lahat ito."
"Sigurado ako pinaglololoko ka na naman ng Reyna, tiyak pakana niya lahat ng ito para paalisin ka."
"Kung ganun nga po, kailangan pa niyang mag-isip ng iba pang paraan dahil hindi nya ko basta-basta mapapalayas dito."
"Ano ng gagawin mo?" naaawang usisa ng kanyang kasamahan. "Hahayaan mo lang na pahirapan ka nila?"
"Wala naman po akong karapatang magreklamo."
"Tara na at kumuha tayo ng mga pala," atas ni Estrella sa mga kasama.
"Bakit po? Anong gagawin nyo?"
"Ano pa ba? E di tutulungan ka namin."
"Huwag na po, nakakahiya naman."
"Hindi mo kayang gawin yan mag-isa," sambit sa kanya ni Estrella. "Tapos na naman kami sa mga gawain namin."
"Tama si Estrella," saad ng isa nilang kasamahan, "tutulungan ka namin."
"Pagtutulungan nating linisin lahat ito."
"Maraming salamat po sa inyong lahat," nakahinga ng maluwag si Saraphine.
Kumuha sila ng ilang sako at nagtulong-tulong sa paglilinis. Pinala nila ang lahat ng tae ng kabayo, matigas man o malambot at nilagay ang lahat sa mga sako. Binuhusan nila ng sabon ang sahig at nilampaso ito gamit ang kanilang mga paa hanggang ito ay tuluyang bumango at luminis. Natapos nila ang paglilinis sa loob lamang ng kalahating oras.
Maya-maya muling nagtungo si Rhoda sa silid, "ano tapos mo na ba...."
Natigilan siya nang makitang malinis na ang buong silid at kasama ni Saraphine ang iba pang mga kasambahay.
"Tapos na po," saad nila.
Lumabas si Saraphine at sumunod naman si Estrella at ang kanilang mga kasamahan. Nanggigil si Rhoda sa pagkainis.
***
Kinagabihan, naghahanda ang lahat ng kasambahay para matulog nang dumating ang hindi nila inaasahang bisita.
"Prinsipe Rionne," pagbati ni Saraphine
"Kamahalan," sabay-sabay na yumuko ang iba bilang pagrespeto sa Prinsipe.
"Naparito po kayo," napansin ni Saraphine na may mga dala itong pagkain.
"Alam kong pagod kayong lahat sa buong araw ng paninilbihan dito kaya dinalhan ko kayo ng galyetas mantikilya."
"Salamat po," nagsikuhanan ang dalaga at ang iba pa.
Pagkagat ni Saraphine, ramdam ang lutong ng galyetas na may mantikilya ngunit hindi naman ito ganoong katamis.
"Pagpasensyahan nyo na kung medyo matabang, kahinaan ko talaga ang paghuhurno ng kahit anong pagkain," nahihiyang tugon ng Prinsipe.
"Ayos naman po," sagot ni Saraphine. "Nag-abala pa po kayo, Mahal na Prinsipe."
"Wala yun."
"Kamahalan, ginagawa nyo po ba ito para sa aming lahat o para lang kay Sara?" pang-aasar ni Estrella
Nagsimulang maghiyawan sa kilig ang mga kasambahay sa biro ni Estrella at nagkahiyaan si Saraphine at Rionne. Medyo namula ang makinis na pisngi ng Prinsipe.
"Siyempre para sa inyong lahat."
"Yun naman pala, laklakan na natin to," pinagpiyestahan na ni Estrella at ng iba pa ang galyetas.
Habang kumakain ang lahat sinimplehan ni Rionne si Sara at tumabi siya sa dalaga.
"Kamusta ka naman, Sara. Nahihilo ka pa ba?"
"Maayos na po ako ngayon, Mahal na Prinsipe. Nakapagpahinga na po ako."
"B-buti naman," nautal ng kaunti si Rionne, "kamusta ang trabaho, binibigyan ka pa rin ba ng mabibigat na gawain?"
Naalala ni Sara ang ginawang pagbabanta sa kanya ni Rhoda. Kung siya ay magsusumbong tiyak na gaganti ang Reyna at lalo lamang titindi ang ginagawang pagpapahirap sa kanya nito na maaaring maging sanhi pa ng tuluyan niyang pag-alis. Alam niyang hindi siya dapat mapaalis hanggang hindi niya nagagawa ang kanyang plano.
"Hindi naman po, magagaan lang ang mga binibigay nilang gawain sa akin ngayon."
"Sigurado ka ba?" Tila hindi kuntento at may pagdududa ang Prinsipe sa kanyang sagot.
"Opo."
"Sige, basta pag nakaranas ka ng anumang pang-aapi o pang-aabuso mula kay Rhoda at sa Reyna, huwag kang mag-alinlangan na ipaalam sa akin. Hindi gaano napapakinggan ang boses ko sa Palasyo pero baka kahit papaano naman ay makatulong ako. Ayoko lang kasi na may nilalaspantangan na kahit na sino."
"Tatandaan ko po yan, Prinsipe Rigo, maraming salamat po sa malasakit."
***
Sumunod na araw, dumating sa daungan ng Kaharian ng Silangan ang isang barko galing sa Imperyong Cenpyre, lulan nito ang higit sa limang daang katao, karamihan mga Taga-Silangang naninirahan sa Imperyo na nagpasya nang lumisan dahil sa paglala ng sigalot ngayon sa Imperyo ngunit mayroong din namang mga Cenpyero. Kasama sa bumaba ng barko ang ilang mga Kawal Cenpyero kasama ang isang lalaking nababalutan ng balabal at mahabang kasuotan.
Pagdating sa bayan, nagmasid ang mga Kawal at pati na rin ang nakakubli nilang kasama sa paligid. Malamang ito ang unang pagkakataong nakatungtong ang mga paa nila sa Kontinente, namamangha sila nang makakita sila ng maraming kulay kayumangging mga Taga-Silangan na naka-Salakot. Ibang-iba rin ang mga kabahayan dito na yari sa kahoy at kubo. Kasagsagan ng tanghali at tirik na tirik ang sikat ng araw. Napadaan sila sa palengke kung saan napakaraming mga taong namimili at naglalako ng mga prutas, gulay, isda at karne. Sa pagiging abala ng lahat, naghahalo-halo na ang kanilang mga tinig na gumagawa ng isang nakaririnding ingay.
Nagtanong ang Kawal kung saan sila mayroong marerentahang karwaheng panglakbay, itinuro sila ng isang tindero sa may dulo malapit sa subastahan, kung saan nakahilera na ang mga pampasaherong mga karwahe kasama na ang mga kabayo. Nakipagnegosasyon ang Kawal sa isa sa mga kutsero at dodoblehin nila ang bayad sa kanya kung sila ay ihahatid nito patungo sa Palasyo ni Rucaz.
Hindi naman kalayuan ang bayan sa Palasyo at mabilis nila itong narating, habang dumadaan ang karwahe sa may tulayan sa may ilog, naaaninag na nila ang kulay pula at asul na kastilyo ng Hari.
Tumigil sila sa Pangunahing Pinto, bumaba ang Kawal at pinuntahan ang dalawang guwardiyang nakabantay rito.
"Nais naming makausap ang Haring Rucaz."
"Hindi nagpapapasok ng sinuman ang Hari kung walang imbitasyon, sino kayo at ano ang inyong sadya?"
"Nandito kami sa ngalan ng Mataas na Emperador Fierro ng Imperyong Cenpyre, naririto siya ngayon, kasama namin. Gusto niyang makausap ang Hari."
Natawa ang dalawang bantay na gwardiya.
"Nagpapatawa ka ba? Si Emperador Fierro, pupunta dito sa Silangan ng walang padalang liham sa Hari?"
"Tignan nyo nga yang karwahe nyo, napaka-ordinaryo, kung talagang ang Mataas na Emperador ang sakay nyan, hindi ba dapat yari yan sa ginto?"
"Sa iba na lang kayo manggulo, wala kayong maloloko dito, kaya umalis na kayo."
"Narinig mo yun? Hindi mo kami mapapaniwala."
Hindi na lang umimik ang Kawal, nagtungo ito sa karwahe at may sinabi sa nakasakay. Bumaba ang lalaking nakakubli ng balabal at mahahabang kasuotan.
Nagtungo ito malapit sa dalawang bantay na ikinayamot nila.
"Nandito pa rin kayo? Sinabi na namin sa inyo, umalis na kayo at di nyo kami mapapaniwala."
Tinanggal ng lalaki ang kanyang balabal sa ulo. Laking gulat ng dalawa nang makilala kung sino ang lalaki.
"Emperador Fierro," halos bumaba ang mga panga nila sa gulat.
"Hindi pa rin ba kayo maniniwala ngayon?" May pagkaasar na tinanong ng Emperador sa dalawa matapos ibunyag ang sarili sa kanila.
***
Nagmamadaling tumakbo ang isa sa mga guwardiya patungo sa Pangunahing Bulwagan ni Haring Rucaz.
"Naririto po siya," hinihingal niyang sinabi, "nasa labas po siya."
"Sino?" tanong ni Rucaz.
"Si Emperador Fierro."
"Ano?" napatayo si Rucaz sa kanyang trono sa pagkamangha.
***
Dahil sa biglaang pagdating ng Emperador, naging abala ang lahat sa Palasyo ni Rucaz sa madaliang paghahanda ng pagkain at paglilinis sa Palasyo. Walang kaalam-alam si Saraphine sapagkat kasalukuyan itong nagpapakain ng mga ibon sa may hawla.
Maging ang Hari ay napilitan ding mas mag-ayos pa ng sarili upang mas magmukhang kagalang-galang sa harap ng Emperador. Si Helena naman ay ipinahanda ang pinakamamahalin niyang bestida bilang paghahanda.
Nagtungo ang Pamilya Royal sa Pangunahing Bulwagan upang doon abangan ang Emperador. Ang lahat sa kanila ay naroroon pwera lamang kay Prinsipe Rionne na hindi inanyayahan ng Hari.
"Bakit ba kailangan nandito pa ko, wala naman ako pakialam sa Mataas na Emperador," pagrereklamo ni Rigo.
"Kailangan nandito ka dahil ipapakilala ko sa Emperador ang susunod na Hari ng Silangan."
"Makinig ka na lang sa Ama mo at magpakadisente ka," saad ni Helena baka ituon ang pansin sa Hari, "marunong ka pa ba ng Karaniwang Lengguahe?"
"Hindi pa naman ako nangangalawang, huwag kang mag-alala, kayo ko siyang kausapin ng diretso."
Ilang saglit lamang, binuksan na ng mga Kawal ang pinto ng Bulwagan at sinamahan nila si Emperador Fierro papasok sa loob. Sa kanyang pagdaan papalapit sa trono ng Hari, nagluhuran ang mga Kawal ni Rucaz na nakalinya na sa magkabilang direksyon.
"Haring Rucaz," walang paligoy-ligoy na pagtawag ng Emperador.
"Emperador Fierro, Kamahalan."Lumuhod si Rucaz mula sa kanyang trono.
"Kamahalan," sumunod naman si Reyna Helena at Prinsipe Rigo.
"Totoo nga, hindi ako nananaginip, sa wakas ay kaharap ko na ang Mataas na Emperador ng Imperyong Cenpyre," pinakitaan ni Rucaz nang pilit na ngiti si Fierro. "Kamusta naman ang inyong paglalayag?"
"Bahagyang nakakahilo lang, hindi ito ang unang beses ngunit di talaga ako sanay na maglayag sa dagat."
"Nakakagulat ang biglaan nyong pagdating. Hindi man lang kayo nagpasabi o nagpadala ng liham na tutungo kayo sa Silangan."
"Kaya nga po, Kamahalan," sumang-ayon ang Reyna sa pahayag ng asawa, "napaghandaan sana namin ang inyong pagdating."
"Maraming salamat sa mainit nyong pagtanggap ngunit talagang sinadya ko na ilihim ang aking pagpunta, mahirap na, kumakalat ang balita at baka samantalahin ito ng aking mga kaaway."
"Noong huling nagpunta rito ang Emperador, hindi naging maganda ang takbo ng mga pangyayari, sumiklab ang kaguluhan at ito ang naging sanhi kung bakit nagkaroon din ng hidwaan ang Imperyong Cenpyre at ang Kontinente ng Silangan na hanggang ngayon ay di pa rin nareresolba. Sabihin mo sa akin, Kamahalan, kasama ba kami sa tinuturing mong kaaway?"
Nananatili lamang kalmado ang Emperador sa maanghang na tanong ng Hari. "Kung tutuusin, alam mo na ang sagot sa tanong mong yan, malaki ang naging atraso ng iyong Ama sa aking Ama. Nag-agaw buhay siya pagbalik sa Imperyo nang dahil sa digmaan nyo sa mga Tribo at ano ang ginanti nyo? Imbes na pasalamatan ang Cenpyre sa pakikipaglaban sa mga Myongan, nagmatigas kayo, mula pa kay Haring Romando hanggang sa'yo. Kung mayroon mang naunang tumuring sa amin na kalaban, kayo yun. Gayunpaman, handa akong isaalang-alang ang lahat ng iyon."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Hindi ako naririto para makipag-away, naririto ako para makipagkasunduan sa'yo."
Napahalakhak si Rucaz at inaakala niyang nagbibiro lang ang Emperador.
"Nakuha mo ko, Kamahalan. Makipagkasunduan saan?"
"Nabalitaan mo naman siguro ang ginagawang panghahamon sa akin ni Duke Aurello."
"Hindi kami ganoong kaalam sa pinakabagong balita sa Imperyo pero may narinig ako."
"Nais niya akong pababain sa aking trono at sirain ang Imperyong pinakaiingatan ko, alam mo namang hindi ko yun mapapahintulutan. Sa ngayon, may ilang Lupain nang pumanig sa kanya at siguradong nasa bingit na kami ng digmaan."
"Ano naman ang kinalaman nito sa pakikipagkasundo natin?" naguguluhan ang Hari.
"Magandang tanong, nais ko sanang bumuo tayo ng alyansa laban sa kanya."
Napakunot ang noo ni Rucaz kasabay ng paghimas sa kanyang balbas, tila hindi niya nagustuhan ang pinapanukala ni Fierro.
"Gusto mong lumaban kami, ang mga sundalo ko, sa isang giyerang wala naman kaming kinalaman yan ba ang sinasabi mo? O gusto mo lang unahan si Aurello na makuha ako dahil alam mong may posibilidad na humingi rin siya ng tulong sa akin? Tignan mo nga naman, ikaw ang Mataas na Emperador ngunit sino ang pinag-aagawan ngayon: ako."
"Rucaz, patapusin mo muna ang Kamahalan." Sinaway ni Helena ang Hari, tingin niya ay nasosobrahan na ang pagiging arogante nito sa Emperador.
"Pasensya na, nagugulat lang ako at natatawa. Para kasing lumalabas na desperado ka na at namamalimos ka ng tulong sa amin."
Naiba na ang timpla ni Fierro sa mga mapang-insultong hirit ng Hari sa kanya.
"Kahit kailan hindi namalimos ng tulong ang Cenpyre, nag-uutos lang ako na magtalaga ka ng mga Kawal na magsisilbing mga reserba sakaling umabot sa sukdulan ang giyera. Ang nais ko lamang ay palagi akong lamang ng isang hakbang kay Aurello. Sa susunod mag-iingat ka sa mga binibitawan mong salita, alam mo ang parusa sa pag-insulto sa Mataas na Emperador."
Medyo natagalan ang Hari sa pagsagot nang makita nyang nagiging tensyonado na ang kanilang pag-uusap.
"Ipagpatawad mo Kamahalan, malabong mangyari ang gusto mo. Hindi ko ilalaan ang aking mga tauhan para sa inyo. Labas kami dyan, sana ay maintindihan mo. Isa pa, ano naman ang mapapala namin?"
"Dyan na papasok ang ating kasunduan. Kapag tinulungan mo kami sa giyerang ito, tuluyan nang magwawakas ang ilang dekadang hindi pagkakaunawaan ng Imperyong Cenpyre at ng Silangan. Magiging magkakampi na tayo."
"Talaga lang?" duda pa rin si Rucaz. "Paano kami makakasigurado na hindi nyo kami sasakupin sa oras na naipanalo nyo na ang digmaan?"
"Nauunawaan kita, Sa kasaysayan ng Buong Lupain, ilang ulit nang pinagtangkaang sakupin ng Cenpyre ang Silangan, pwera lang sa aking Ama. Tulungan mo kami at ganoon rin ang gagawin ko, hahayaan ko lang ang Silangan sa inyo at hindi ko ito sasakupin. Tulungan mo kami at ipatutupad ko ang pakikipagkalakan ng mga Cenpyero sa Silangan. Lalong lalago ang inyong ekonomiya. Sa patuloy na pag-unlad ng Imperyo, makakasama namin ang Silangan. Kumampi kayo samin at tutulungan din namin kayo sa oras na muling sumugod dito ang Tribong Myongan."
Muling natahimik si Rucaz sa dami ng pinangako ni Fierro, para bang nabulunan na siya at hindi na niya alam kung saan magsisimula.
"Rucaz, nagsimula lang naman sa ating mga Ama ang hidwaang ito, nadamay lang tayo. Ngayon pareho na silang wala, kalimutan na natin ang ating alitan, makipag-ayos ka na sa akin at bubuo tayo ng isang matibay na alyansa na walang makatitibag. Pareho lang makikinabang ang aking Imperyo at ang iyong Kaharian. Pag-isipan mo itong mabuti."
"May punto siya," saad ni Helena, "hindi mo ba nakikita? Tutulungan tayo ng Emperador na lipulin ang ating mga kalaban at palalaguin niya pa ang ating ekonomiya. Alam mo ba ang ibig sabihin nun? Mas malaking Palasyo para sa'yo at masa maraming magarbong kasuotan para sa akin. Pumayag ka na."
"Huwag mo kong pangunahan, nag-iisip pa ko."
Nag-usap ang dalawa na tila sila lang ang naroroon habang si Rigo naman ay nababagot na sa kanyang kinauupuan.
"Lilinawin ko lang," muli hinarap ni Rucaz ang Emperador. "Ang Imperyong Cenpyre ay sa Cenpyre lamang at ang Kontinente ng Silangan ay sa Silangan lamang."
"Itaga mo pa sa bato," matapang na sinagot ng Emperador. "Anong masasabi mo?"
"Sige pumapayag na akong makipagkasunduan sa'yo," nanindigan na si Rucaz. "Handa ng magpadala ng Kawal ang Silangan kung inyong hihilingan."
"Magaling!" Sumigla ang tinig ng Emperador. "Natutuwa ako sa iyong pasya, nawa'y ito na ang maging simula nang maayos at pangmatagalan nating pagkakaibigan."
Nilabas ni Fierro ang iskrol na naglalaman ng kasunduang pangkapayapan at nilagdaan na ito ni Haring Rucaz.
"Pasensya na at sa haba ng ating diskusyunan di ko na nabati ang iyong mag-anak. Nais ko lang sabihin na napakaganda ng iyong kabiyak at napakagwapo rin ng iyong anak. Naaalala ko tuloy ang aking Emperatris na isa ring tubong Silangan at ganoon na rin ang anak ko na halos kasing edad ng inyong anak."
"Salamat po," sagot ni Helena, "isang karangalan ang maihalintulad sa Pamilya Imperyal."
"Ngayong maayos na ang lahat, magpapahanda lang ako ng pagkain at inumin sa inyo," alok ng Hari. "Rhoda!"
Mabilis na lumapit ang katiwala.
"Luto na ba ang ating putahe?"
"Niluluto pa po."
"Pakisabihan sa kanila na bilisan at baka gutom na ang Emperador at dalhan niyo muna siya ng maiinom."
Habang papunta si Rhoda sa kusina, nakasalubong niya si Saraphine na kapapasok lamang sa Palasyo matapos magpakain ng ibon.
"Hoy ikaw, bilisan mo at bigyan mo muna ng maiinom ang paunahin ng Hari."
Ginawa ni Saraphine ang utos ng katiwala, kumuha siya ng tasa at bandeha at pinunan ito ng alak. Papasok na si Saraphine sa Bulwagan nang...
"Emperador Fierro, hindi ko inaasahan na magiging ganitong kaayos ang kahihinatnan ng lahat."
Nagkaroon ng ibang pakiramdam si Saraphine nang marinig ito mula sa Hari. Napasilip nang bahagya ang dalagita at namataan niya ang Hari at Reyna na kausap si Emperador Fierro.
Siya nga...siya nga...
Nakilala niya agad si Fierro kahit na limang taon pa lamang siya noong huli niya itong nakita. Sadya nga may mga bagay na kailanman ay hindi makakalimutan gaano man katagal lumipas ang panahon. Sa isang iglap bumalik sa kanya ang kalunos-lunos na kaganapan noong gabing iyon. Naalala niya kung paano sila inusig, paano sila nagkahiwalay mga magkakapatid at kung paano sila niligtas ng Ama laban kay Fierro. Para bang bumalik ang lahat ng takot na naramdaman niya noon nang dahil sa presensiya ng Mataas na Emperador. Naririto mismo ang taong sumira sa kanyang buhay.
Nanlaki ang mga mata ni Saraphine, bumilis ang pintig ng kanyang dibdib, naghabol siya ng hininga, nagsimulang mangatog ang kalamnan niya at tila nagulantang ang buong pagkatao niya. Natulala siya sa kanyang kinatatayuan, hindi malaman kung ano ang susunod niyang gagawin. Nagsimulang umuga ang hawak niyang bandeha at maging ang tasa ng alak na hinanda niya.
"Sandali lang Kamahalan, papaayos ko lang sa mga lingkod namin ang silid na tutulugan nyo."
Paglabas ni Helena, hindi niya inaasahang naroroon ang natulalang si Saraphine at sila ay nagkabangaan, tumapon sa damit ng Reyna ang alak at siya ay naimbyerna.
"Ano ba yan! Lintek kang tatanga-tanga ka!"
"Patawad po, patawad po, di ko po sinasadya!" bumalik sa wisyo si Saraphine.
"Tignan mo ang ginagawa mo sa suot ko! Bwiset ka, talagang pinupuno mo ko!"
Sinabunutan ni Helena si Saraphine ngunit dahil sa pagkamanhid, hindi ito gaano naramdaman ng dalagita. Naibagsak niya sa sahig ang tasa at bandeha.
Narinig ni Rucaz, Rigo at Fierro ang kaguluhan sa labas ng bulwagan at sila ay lumabas. Nakita nilang sinasabunutan ni Helena si Saraphine.
"Helena, tama na yan!" Inawat ni Rucaz ang asawa.
"Anong tama na?" Ayaw magpaawat ni Helena. "Tignan mo ginawa sakin ng kutong lupang yan, tinapunan yung damit ko! Mas mahal pa sa buhay niya yan."
"Paumanhin po, di ko naman po sinasadya."
Nagkatinginan ng mata sa mata si Saraphine at Fierro. Hindi niya inaasahan na naroroon na pala ang Emperador. Napayuko ang dalaga at umiwas, nagulo ang kanyang buhok kaya bahagyang natakpan nito ang kanyang mukha.
"Sige na, Sara, umalis ka na muna," utos sa kanya ni Rucaz.
Kinuha ng dalaga ang bandeha at tasa bago siya tuluyang tumakbo.
"Umalis ka na ngang gaga ka!" sigaw ni Helena, "huwag na huwag kang magpapakita sakin ngayon, boba ka!"
"Helena."
"Pasensya na, Kamahalan at nakita nyo pa ang katangahan niya."
"Sino ba siya?" tanong ni Fierro kay Helena.
"Bago naming katulong, napaka-istupida naman, parang walang laman ang utak."
Nakuha ni Saraphine ang atensyon ng Emperador at pinagmasdan siya nito hanggang sa siya ay makaalis. Nasulyapan ni Fierro nang sandali ang mukha ng dalaga at siya ay napaisip. Para bang may pagka-pamilyar sa kanya ito, para bang nakita na niya ito noon, hindi niya lang matandaan kung kailan at saan.
"Paano, magpapalit muna ako ng kasuotan tapos papaayos ko na ang inyong kama."
"Hindi na kailangan, Helena," pagtanggi ni Fierro, "aalis na rin naman ako mamaya, hindi na ko magpapalipas ng gabi rito."
"Sigurado ka, Kamahalan?" tanong ni Rucaz.
"Oo, kailangan kong makauwi na kaagad, hindi ko dapat pinatatagal na wala ako sa Imperyo, lalo na sa sitwasyon namin ngayon."
"Sang-ayon ako dyan, Kamahalan."
***
Nagtungo si Saraphine sa kanyang silid na umiiyak, hindi dahil sa ginawang pang-aalipusta ni Helena sa kanya kundi dahil kay Fierro. Kinuha niya ang kanyang unan, ito ang napagbuntunan niya ng galit at walang humpay niya itong pinagbubuntal. Maaga pa at siya lamang ang naroroon sa silid.
Hayop ka! Nandito ka ngayong halimaw ka! Ikaw ang ugat ng lahat ng kasawian ko! Pinatay mo ang pamilya ko! Walanghiya ka! Papatayin kita! Papatayin kita!
Nagpatuloy sa pagtangis si Saraphine at napahiga sa kanyang kama. Maya-maya, noong siya ay nahimasmasan na, binuksan niya ang kanyang baul at kinuha doon ang isang matalim na kutsilyo.
Maghintay ka lang Fierro, pagkatapos kong maipaghiganti si Ate Pinang, ikaw naman ang isusunod ko!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro