Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 9: Graison

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Nananatiling lihim ang biglaang paglisan ng Mataas na Emperador sa Imperyong Cenpyre. Kinabukasan, matapos ang kanyang pagpapasya, naglayag siya sa Karagatan ng Cenpyre patungo sa Silangan, lulan ng isang pampublikong barko at nakakubli sa mga pangkaraniwang tao. Ang tanging nakakaalam lamang ng kanyang pag-alis ay ang lahat ng nasa Palasyo at si Lodell na kanyang pinadalhan ng dalawang liham. Isang bunyag at isang lihim. Ang una ay naglalaman ng kanyang utos na magpadala ito ng mga karagdagang tauhan sa Imperyo at ang ikalawa naman ay ang paghingi nito ng pabor sa kanyang kaibigan ukol sa pamumuno ni Grasiela sa Palasyo.

Lubhang nakakapanibago sa lahat ang pagkawala ng kanyang presensiya lalo na at sanay silang naririto ang Emperador. Lumipas ang mga araw at sinubukan ni Grasiela na umupo sa trono at pamunuan ang Imperyo. Si Graison at Osylla naman ay lubos pa ring nababahala sa tumitinding gulo.

***

Isang gabi, nasilayan ng mga bantay mula sa itaas ng tore ang pagmamartsa ng isang pulutong. Winawagayway nito ang bandera ng pulang tumanggong. Batid na ng mga bantay na mga tauhan ito ng Mataas na Panginoon kaya naman agad silang pinapasok sa Palasyo.

Pinangungunahan sila ni Lodell na nakasakay sa kanyang kabayo at puno ng otoridad.

"Mataas na Panginoon," sabay na lumuhod ang dalawang bantay. "Nandito rin pala kayo."

"Pakisabi si Emperatris na nais ko siyang makiusap," agad nitong inutos sa kanila.

***

Papatayo na si Grasiela sa trono matapos ang mahabang araw ng paghalili kay Fierro nang samahan ng mga katiwala si Lodell papasok sa Pangunahing Bulwagan.

"Magandang gabi, Kamahalan," pagbati nito.

"Maligayang pagdating, Mahal na Panginoon," bumati rin si Emperatris Grasiela.

"Natanggap ko ang liham ng Emperador kaya agad kong tinipon ang mga piling tauhan ko para tulungan kayo sa giyera laban kay Aurello. Nakahanda na silang lahat para ipagtanggol ang kanilang Emperador."

"Maraming salamat," tugon ni Grasiela, "hindi ko alam na pati pala ikaw ay kasama nilang pupunta rito."

"Hindi ba yun ang sinabi ng Mataas na Emperador sa kanyang sulat? Magtungo daw ako sa Cenpyre para alalayan ka sa pamumuno habang wala siya?"

Walang alam si Grasiela tungkol dito, medyo nakaramdam ng kaunting hinanakit ang Emperatris. Ang akala niya buong-buo na ang tiwala sa kanya ni Fierro.

"Oo nga," nagkunwari na lamang ang Emperatris, "pasensya na at nawala na sa isip ko, napakarami kasi naming iniintindi ngayon dito sa Palasyo."

"Ngayong nandito na kami, mababawasan na ang inyong mga alalahanin, subukan lang ni Aurello na lumusob dito at matitikman niya ang bangis ng mga sundalo ko. Sanay kami sa pakikidigma, ginagawa na nga lang naming laro ang pakikipaglaban namin sa Kapatiran."

Bahagyang napangisi ang Emperatris sa pagiging mahangin ng Mataas na Emperador. Sa totoo lang hindi niya gusto na nandito ngayon si Lodell. Alam niya ang reputasyon nito bilang isang malupit na diktador sa Kanluran at kung hindi lang siya pinagkakatiwalaan ng Emperador, malamang hindi niya masisikmurang kausapin ang ganitong klaseng tao.

Pumasok si Prinsipe Graison sa Bulwagan at nakitang may kausap ang kanyang Emperatris. "Ina, mayroon pala tayong bisita."

"Graison, ito nga pala si Panginoong Lodell," ipinakilala ni Grasiela ang anak sa Mataas na Panginoon.

Gaya ng kanyang Ina, nagulat rin si Graison na naparito ang taong ito. Ngayon lang siya nakita ng Prinsipe ngunit alam niya ang mga ginawa ni Lodell dahil nabasa na niya ito sa kanyang mga aklat.

"Kamahalan, binata ka na pala," imbes na yumuko, inalok niya lang ng pakikipagkamayan ang Prinsipe. "Nakikita ko sa'yo ang iyong Ama at Ina."

Mahinahon na nakipagkamayan si Graison kay Lodell.

Bakit kakaiba ang tono niya sa akin?

"Kilala ko po kayo. Nababasa ko po ang mga ginawa nyo sa Kanluran."

Pinagpalagay ni Lodell na papuri ang sinabi ng Prinsipe. "Biruin mo, hindi lang pala ako sa Kanluran sikat, pati rin pala dito sa Cenpyre. Sana ay naging inspirasyon ako sa inyo, Mahal na Prinsipe."

"Hindi maganda ang mga nababasa ko," dineretso siya ng Prinsipe. "Paano nyo nagagawa ang mga bagay na iyon?"

Alam ni Grasiela na may basehan ang tanong ni Graison kaya di niya sinaway ang anak.

Napangisi lamang si Lodell, "kung tatanungin mo ko, mas makakabuti na tanungin mo rin ang iyong Ama. May basbas niya ang lahat ng ginagawa ko sa Kanluran."

***

Maya-maya, nagkaroon ng pagpupulong ang Emperatris kasama si Panginoong Ocillo, Lodell at iba pang Konseho.

"May balita na ba kung nahuli na nila Malko si Duke Aurello?" panimulang tanong ng Emperatris.

"Wala pa po," sagot ng isang Konseho.

"May magandang balita ako, Kamahalan," anunsyo ni Ocillo, "handa na ang buong pwersa ng Ossig na magmartsa dito sakaling magkagulo. Nagpadala na ng liham ang aking Kawal."

"Maraming salamat sa tulong, Panginoong Ocillo. Ang ibang Lupain, nagbigay na ba sila ng pahayag tungkol sa mga pangyayari?"

"Nakatanggap kami ng balita mula sa Kartiño, nagpahayag na sila ng pagsuporta sa Emperador ngunit ang ibang Lupain ay nananahimik pa rin."

"Hanggang ngayon pala tikom pa rin ang mga bibig nila," kumunot ang noo ng Emperatris at nananamlay na ang kanyang tinig sa pamomroblema.

"May suhestyon sana ako hinggil dyan kung papayagan nyo ako," binilisan ni Ocillo bago pa siya masingitan ng iba.

"Handa akong makinig."

"Paano kung puntahan na lang natin sila. Hikayatin natin at pamunuan ang paghahanda ng kanilang mga pwersa. Mahirap tong ganitong nananahimik sila, hindi naman tayo manghuhula kung ano talaga ang saloobin nila sa sigalot."

Pinag-isipan maigi ni Grasiela ang payo ni Ocillo. "Mabuti pa nga siguro, para magkaalaman na kung kanino talaga sila panig. Pag nakita nilang nag-abala tayong puntahan sila, malaki ang tsansa na tulungan nila tayo."

"Sasamahan ko po kayo, Kamahalan," alok ng Panginoon, "tutal ako naman ang nakaisip nito."

"Papasamahan ko rin kayo sa mga tauhan ko," ngayon lamang nagsalita si Lodell na nakikinig lang sa kanila kanina pa.

***

Nabalitaan ni Graison mula sa isang katiwala ang napipintong pag-alis ng kanyang Ina. Nagtungo siya agad sa silid nito at naabutang naghahakot ng kanyang mga gamit.

"Itutuloy nyo talaga ang pag-alis nyo, Ina?"

"Alam mo na pala." saad ni Grasiela habang abala sa pag-aayos. "Kinakailangan, lumalala na ang kaguluhan. Dapat namin malaman kung naghahanda at kakampi ba sa atin ang ibang mga Lupain. Desidido na kami ni Panginoong Ocillo na siguraduhin ang mga ginagawa nilang paghahanda."

"Nauunawaan ko naman, kaso nga lang kailangan ba talaga ngayon? Wala na nga si Ama, tapos pati kayo aalis rin. Paano na ang Palasyo at ang Imperyo?"

"Hindi mo na ito kailangang alalahanin, iiwan ko ito sa taong lubos kong pinagkakatiwalaan, sa'yo."

"Sakin po?" Imbes na kumalma, lalo lamang nabalisa ang Prinsipe.

"Ikaw muna ang uupo sa trono habang wala kami ng iyong Ama."

"Ina, ano naman ang alam ko sa pamumuno? Wala pa naman akong karanasan."

"Matalino ka, anak. Marami ka ng nabasang mga aklat, ngayon magagamit mo na ang lahat ng natutunan mo."

"Kahit na, paano naman ako makakasigurado na tama ang mga gagawin kong mga pasya?"

"Basta gawin mo lang kung ano nararapat, kung ano ang binubulong ng iyong puso at huwag mo rin kalimutang gamitin ang iyong utak. Puso at utak, kailangan silang magtugma sa tuwing gagawa ka ng pasya."

"Hindi ko alam, hindi ko alam kung kaya ko ba talaga. Napakalaking pasanin nito."

Ramdam ni Grasiela ang pangamba ni Graison sapagkat siya ay nangangamba rin sa kalagayan nila ngayon. Hinaplos niya ang buhok ng anak.

"Kakayanin mo, magtiwala lang sa sarili mo gaya ng kung paano ako nagtitiwala sa'yo. Anak, ilang taon na lang at maaari nang ipamana ng iyong Ama ang trono sa'yo, kailangan ka namin ihanda para rito. Alang-alang sa amin, subukan mo."

Huminga muna ng malalim si Graison, "Sige po, pumapayag na ko."

Napayakap si Grasiela sa Prinsipe bilang pamamaalam, "hanggang sa pagbabalik ko."

***

Habang naghahanda sa kanyang paglisan, bumisita rin ang Mataas na Panginoon sa Emperatris na baon ang abot tengang ngiti.

"Huwag kang mag-alala, Kamahalan. Iiwan mo sa mabuti kong mga kamay ang Palasyo."

Umirap si Grasiela bago harapin si Lodell. "Hindi ko nga pala nasabi sa'yo, si Prinsipe Graison muna ang hahalili sa trono habang wala kami ng Emperador."

Ang buong akala ni Lodell ay mapapasakanya ng pansamantala ang Cenpyre, nadismaya ito sa desisyon ng Emperatris at mabilis na natunaw ang ngiti sa kanyang labi.

"Ah ganun ba, pero hindi ba masyado pang bata ang Prinsipe? Nakasaad na kapag wala ang Emperador at Emperatris, ang Mataas na Panginoon muna ang hahalili sa trono hanggang wala pa sa takdang edad ang anak nila."

"Nakasaad rin na may karapatan ang Emperatris na baguhin ang batas kung nais niya. May tiwala ako sa kakayahan ng anak ko, mabuti ang kanyang puso."

"Kung ganun, para saan pa na naparito ako kung wala naman pala akong maitutulong?"

"Nandito ka lamang para gabayan siya at tulungan siya sa kanyang pagpapasya."

"Maliwanag na ang inyong punto," napilitan lamang sa pagsang-ayon si Lodell, "Masusunod, Kamahalan."

***

Natuloy na rin sa pag-alis si Emperatris Grasiela at Panginoong Ocillo. Pansamantala nang humalili si Graison bilang pinuno.

Kinabukasan, kagigising pa lamang niya at kumatok na agad ang isang katiwala.

"Kamahalan, oras na po."

Sinamahan nila si Graison sa Pangunahing Bulwagan. Sumenyas ang mga Katiwala sa Ginintuang Trono at tuluyan ng umupo ang Prinsipe. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na siya ay umupo sa purong gintong silya na nagsisilbing simbolo ng kapangyarihan at responsibilidad. Hindi naging komportable si Graison sa kanyang kinalalagyan, siya ay nangangapa, kinakabahan at hindi mapakali. Habang nakadiretso ang kanyang tingin sa Bulwagan, tila lalo lamang itong nagmumukhang mas malawak para sa kanya. Madalas siyang umupo sa harapan ng Bulwagan sa tuwing nagkakaroon ng pagdriwang at salo-salo ngunit naiiba ngayon. Kahit kailan hindi pa niya natagpuan ang kanyang sarili na sentro ng atensyon. Ramdam niya sa kanyang kinalalagyan ang bigat ng responsibilidad na nakaatang sa kanya.

Dumating na rin si Lodell at kumuha ang mga katiwala ng ordinaryong silya na mas mababa sa Ginintuang Trono at inilagay ito sa tabi nito. Umupo ito na napipilitan lamang. Hindi niya maiwasang mapatingin at mainggit sa eleganteng upuan ni Graison.

"Magsisimula na ba?" usisa ng Prinsipe sa Katiwala.

"Opo, Kamahalan."

Nagsimula nang tumanggap ng mga tao sa Bulwagan. Humarap ng magkakasunod ang mga pangkaraniwang taong naninirahan sa mga Lupain, karamihan sa kanila mga mangbubukid at magsasaka. Lahat sa kanila ay may hinaing at mga kahilingan sa Imperyo. Pinakinggan ni Graison ang kanilang mga himutok. Karamihan ay humihingi ng tulong sa kanilang kabuhayan dahil napeste raw ang kanilang pananim, ang iba naman ay nakukulangan sa mga materyales sapagkat ang iba rito ay inaangkat pa mula sa Artemias lalo na ang harina para sa mga tinapay. Dahil sa kaguluhan, pinutol ng Lupain ang pang-aangkat ng mga ito sa Sentralisadong Imperyo. Nagpasya si Graison nang naaayon sa kanyang isip at puso gaya ng payo sa kanya ni Grasiela. Pinagbigyan niya ang mga kahilingan nito at sa iba naman ay nagpanukala siya ng pansamantalang alternatibo sa kanilang mga problema. Hindi ikinatuwa ni Lodell ang pagiging mabait at makatao ng Prinsipe. Marami naman ang nagtataka kung bakit wala ang Emperador kaya sinabi na lamang ni Graison na abala ito sa ibang mahahalagang mga tungkulin kaya siya muna ang pinaharap sa kanila.

Unti-unti nang napapawi ang kaba kay Graison at sa bawat taong dumadating mas lalo na siyang nasasanay. Hindi kalayuan sa may Bulwagan, taimtim na nanonood sa Prinsipe sina Osylla, Edina at Zusan.

"Magaling siya," papuring binulong ni Zusan sa alaga.

"Tama po kayo," sagot ni Osylla.

Sunod na pumasok ang isang Kawal ng Imperyo na may mataas na ranggo. Tinanggal niya ang kanyang bakal na kupya at yumuko sa Prinsipe bago ipaalam ang kanyang balita.

"Kamahalan, nagbalikan po sa Sentralisadong Imperyo ang mga Kawal Imperyal na nakipagsagupaan sa pwersa ni Duke Aurello. Ano pong gagawin natin?"

Sinamantala ni Lodell ang pagkakataon para sumingit, "Prinsipe Graison kung may maipapayo ako, mabuti siguro na pabalikin agad ang mga yan sa Artemias at sa mga Lupain kung saan sila nakatalaga para ipagpatuloy ang kanilang mga tungkulin, sa Kanluran sinisigurado kong ang lahat ay nakatayo sa kanilang posisyon."

"Hindi po ganoong kadali ang sinasabi nyo," pagkontra sa kanya ni Graison. "Wala pa nga tayong alam kung ano ang lagay nila."

Tutol si Graison sa payo ng Panginoon, naalala niya ang isa sa mga kasabihan ni Emperador Cresento. 'Naririto tayo para pagsilbihan ang ibang tao, hindi para tayo ang pagsilbihan nila."

Napalingon si Graison pabalik sa Kawal, "kamusta naman po ang mga bumalik na Kawal. Mayroon bang mga napinsala at sagutan sa kanila?"

"Marami-rami din po, Mahal na Prinsipe."

"Siguraduhin na magagamot at makapagpapahinga sila. Bigyan rin sila ng pagkain at inumin. Baka gutom at uhaw na rin sila. Sa oras na gumaling na sila, tsaka namin pagpapasyahan kung nararapat ba na pabilikin sila sa kanilang mga pwesto."

"Magandang suhestyon po."

Pagkaalis ng Kawal, itinuon ni Graison ang pansin kay Lodell.

"May maidadagdag pa ba kayo, Mataas na Panginoon?"

"Wala na, Kamahalan," sambit ni Lodell, "napakagandang ideya, Mahal na Prinsipe."

"Anak ka nga talaga ng Ama mo," bulong ni Lodell. Hindi si Fierro ang tinutukoy niya kundi si Costan.

"Ano pong sabi nyo?" tanong ng Prinsipe.

"Sabi ko sigurado ako pinagmamalaki ka ng Ama mo."

Hindi talaga maganda ang kutob ko sa taong ito, ayaw ko man siyang husgahan.

Halata ni Graison ang pagkahambog ni Lodell. Ramdam niyang hindi sinsero ang trato nito sa kanya. Napansin rin ni Edina na hindi na maganda ang ekspresyon ng Prinsipe habang naroroon si Lodell at siya ay nabahala. Alam rin ng katulong kung anong klaseng tao ang Mataas na Panginoon. Tanda niyang kasama ito noong gabing nag-aklas ang taumbayan laban kay Costan.

***

Ipinagtimpla ni Edina ng gatas ang Prinsipe matapos ang kanyang trabaho sa Pangunahing Bulwagan.

"Uminom po muna kayo," alok niya.

"Salamat, Tiyang Edina," inabot ito ni Graison at malumanay na ininom.

"Kamahalan," kumukuha ng tamang tyempo ang katulong, "gusto lang sana kita tanungin, kung ano ang pinagsasasabi sa'yo ng Lodell na yan?"

"Bakit naman po?"

"Wala kasi akong tiwala sa kanya, baka mamaya kung ano-anong maling impluwensiya ang itanim niya sa isip ng alaga ko."

Napangiti ang Prinsipe nang tawagin siyang alaga ni Edina.

"Maging ako rin po. Wala rin akong tiwala sa kanya. Hindi ako sang-ayon sa ginagawa niya sa Kanluran, baka pag ako na ang nakaupo sa trono, magagawa ko itong pigilan. Huwag kayong mag-alala, Tiyang Edina. Hindi po ako patatangay sa kanya, kung sakaling mayroon siyang masamang pinapayo sa akin."

"Alam kong yun ang gagawin mo, anak. Kamusta ka nga pala ngayong ikaw lang ang naiwan ngayon dito sa Palasyo?"

"Naninibago, ngayon lang kasi ako nahiwalay kay Ama at Ina. Ang hirap pala pag malayo ka sa mga magulang mo. Nananabik na nga ako na umuwi sila."

"Talagang mahal na mahal mo sila," sagot ni Edina.

"Nang buong puso ko," walang bahid ng pag-aalinlangan sa boses ng Prinsipe.

"Kung sakaling papipiliin ka kung sino ang magiging mga magulang mo, anong gagawin mo?"

"Sila pa rin ang pipiliin ko, wala po akong babaguhin. Hindi ko sila ipagpapalit sa kahit na sinumang magulang. Ganoon naman dapat ang isagot ng lahat ng anak, hindi ba?"

Sa pagkakataong ito, napagtanto ni Edina kung gaano na kalapit ang Prinsipe kay Fierro at Grasiela.

"Nagpapasalamat nga po ako na kahit wala sila, naririto po kayo, parang kayo na kasi ang naging pangalawa kong Ina."

Napayakap ang katulong kay Graison, pilit na ikinukubli ang mga luha at ang sikretong kanyang nalalaman.

***

Nagtungo ang Prinsipe sa kanyang silid na pagod sa buong araw na paghalili sa kanyang mga magulang, tila naubos ang lakas niya sa dami ng taong nakausap niya lalo na siya ay aminadong mahiyain at hindi palahalibilo sa maraming tao.

Pagkahiga niya, nakarinig siya ng pagkatok sa kanyang pinto. "Pasok."

Bumukas ang pinto at nakangiting pumasok si Osylla.

"Osylla," napabangon si Graison mula sa kanyang kama.

"Mahal na Prinsipe," bungad niya, "nais lang sana kitang batiin. Napagmasdan kita kanina habang nakaupo ka sa trono. Napahanga mo kami kung paano mo nabigyan ng solusyon ang kanilang mga problema. Mukhang handa ka na talaga. Sigurado ako magiging isang magaling na Emperador ka balang araw."

"Sana nga."

Napansin ni Osylla na tila walang sigla sa tugon ng Prinsipe.

"May problema ba?"

"Noong bata ako, nabasa ko ang tungkol sa mga ginawa ni Emperador Cresento noong pamumuno niya at sobrang napahanga ako sa kanya. Tiningala ko siya, ginawa ko siyang huwaran at gabay kung paano dapat mamuno ang isang Emperador, sabi ko pag ako ay naging Emperador tutularan ko siya. Pinagmamalaki ko siya bilang lolo ko kahit hindi ko siya naabutan. Ngayon nalaman ko na ang katotohanan kay Ama, na hindi pala talaga kami kadugo ng Emperador, napapaisip ako, nararapat ba na kami ang nakaupo sa kapangyarihan? Pakiramdam ko kasi hindi talaga ako nararapat sa trono."

Ngayon lang nalaman ng dalaga ang himutok ng Prinsipe. "Grai, kahit naman hindi mo kadugo si Emperador Cresento, basta isinabuhay mo ang mabubuti niyang ginawa para sa Imperyo, kapag ginawa mo yun, ito ang magpapatunay na karapat-dapat kang maging susunod na Emperador."

"Ewan ko, Osylla. Minsan napapaisip ako, sana hindi na lang kinuha ni Ama ang Trono sa tunay na Emperador. Sana ay namumuhay na lang kami ng tahimik at payapa, malayo sa panganib at kaguluhan. Mas gusto ko pa ang simpleng pamumuhay kaysa sa kapangyarihan."

"May nabasa akong kasabihan, sabi doon, 'Walang mas nararapat na mamuno kaysa doon sa taong walang hinahangad na kapangyarihan."

Taimtim na napaisip si Graison sa sinabi ng kaibigan.

"Minsan nagagalit tayo, hindi natin matanggap ang sitwasyong kinalalagyan natin ngayon ngunit hindi natin alam, naroroon na pala tayo, kung saan talaga tayo nararapat."

Lalong namangha ang Prinsipe sa angking talino ni Osylla. "Sa totoo lang, ilang taon ka na ba?"

"Labing-anim pa lang."

"Labing-anim o animnapu?" biro ni Graison.

"Ikaw talaga," napahampas siya ng mahinhin sa braso ng Prinsipe. "Hindi naman talaga ako ganitong katalinhaga, naengganyo lang ako magbasa dahil sa'yo."

***

Patuloy na binabagtas ni Malko at ng mga Kawal ang daan papunta sa Artemias. Hindi ganoong karami ang nagmamartsa sa kanilang hanay sapagkat isa sa sampung sundalo lamang ang itinalaga ng Emperador. Habang sila ay pansamantalang tumigil sa kanilang kampo, isang mensahero ang nakaabot sa kanila at nagbigay ng mensahe galing kay Emperador Fierro. Hindi ikinatuwa ng Kapitan ang laman ng sulat.

"Nagbago na ang isip ng Emperador. Dahil sa pagmamahal niya sa Artemias, minabuti niyang mabawi ito ng buo at walang dumadanak na dugo, ang gusto lang niya ay mapasuko si Aurello, sa oras na naaresto na natin siya, aalis na tayo. Wala tayong kakalabanin na sino. Nakakainis ngayon lang siya nagsabi kung kailan pinadala na sa atin ang mga tirador! Kay bibigat pa naman ng mga yan!"

"Maganda siguro kung mananatili lang munang tago ang mga yan," suhestyon ni Talas. "Hindi tayo magmamartsa sa Kastilyo ng Artemias dala ang mga yan, puki ng ina, baka lalong magmatigas si Aurello."

"Hindi ba ayaw naman ng Emperador na masira ang Artemias bakit hindi pa natin pauwi ang mga yan?" tanong ni Malko.

"Sa tingin ko nag-iingat ang Emperador. Kailangan maging handa tayo sakaling lusubin nila tayo sa daan pauwi. Makakatulong sa atin ang mga yan."

"Ang iba sa inyo, magtulong-tulong sa mga tirador, pagdating natin sa Artemias sasabihin ko kung saan yan itatago," may pag-aalinlangan na inutos ni Malko. "Yan sinunod ko na ang suhestyon mo pero tatandaan mo pa rin kung sino ang Kapitan dito, Talas."

"Tanga ba ko at kailangan mo pang ipaalala?" binara siya ni Talas.

"Nakakainis lang, bakit di pa tinipon ng Emperador ang lahat ng pwersa natin nang sa ganoon ay mabawi na natin agad ang Artemias at matapos na ang gulong ito."

"Nag-iisip ang Emperador, kapag pinairal niya ang bugso ng kanyang emosyon, matatalo siya ni Aurello. Magtiwala na lang tayo sa estratehiya niya."

-Lupain ng Artemias-

Pagsapit ng umaga, narating na nila ang Artemias. Dumaan sila sa malawak nitong kakahoyan upang mas mapabilis ang pagdating nila sa Palasyo. Noong sila ay makarating, nakiramdam ang Kapitan sa kilos ng mga bantay. Inaasahan nilang pahirapan ang pagpasok nila sa Pangunahing Pinto ng Kastilyo ngunit sa kanilang pagkabigla, pinapasok agad ng mga Kawal Artemian sina Malko at ang kanilang mga Kawal.

"Nakapasok na sila," pinapanood sila ni Aurello mula sa itaas ng kanyang balkonahe, "Oras na."

"Sigurado na ba talaga kayo?" hindi mapalagay si Roqil sa gagawin ni Aurello.

"Huwag kang mabalisa, Roqil."

Bumaba si Aurello at Roqil at nakaharap na nila sina Malko, Talas at iba pang mga Kawal ng Emperador.

Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Malko at sinambit ang kanilang sadya. "Duke Aurello, mabuti naman at hindi nyo na kami pinahirapan, ikaw ay inaaresto namin sa salang pagtatraydor sa Emperador, paninirang-puri at rebelyon laban sa Imperyong Cenpyre. May sasabihin ka pa ba bago ka namin dakpin?"

"Sumusuko na ko," kalmadong tugon ni Aurello. "Gawin nyo na ang inyong tungkulin."

Tinalian ng mga Kawal si Aurello nang mahigpit sa kamay.

Namataan ni Malko ang bagong banderang ipinagawa ni Aurello na nakasabit sa kanilang pinakamataas na tore. Ito ay may kulay Itim at Asul at ito ay imahe ng isang sirang kadena na korte ng letrang A. Ito ay sumisimbolo sa pagkalas ng kanilang Lupain sa Imperyong Cenpyre.

"Nakita namin na nagpagawa ka ng bagong bandera, kung talagang sinusuko nyo na ulit ang Artemias sa Imperyong Cenpyre, ibaba nyo na yan."

"Roqil," sa utos ni Aurello ibinaba na ulit nila ang bandera mula sa tore.

"Halika na," utos ni Malko sa mga tauhan.

Nagpaiwan siya ng ilang pulutong ng mga Kawal sa Kastilyo bilang pormalidad, ang pinakamahina sa kanilang hukbo. Pagkatapos kinuha na nila si Aurello at sinakay sa isang karwahe kung saan pinapagitnaan siya ng dalawang Kawal.

***

Noong wala na si Malko at ang ibang kawal Cenpyre, tanging ang mga iniwang Kawal na lamang ang natira. Nagbigay ng hudyat si Roqil. Pinuntirya ng mga Kawal Artemian ang mga Kawal Cenpyero mula sa likuran at tinusok nila ng sibat ang mga ito.

"Sinadya nilang iwan ang mga mahihina sa kanila, tara na at ligtas na natin Ang Mataas na Pinuno ng Malayang Lupain!"

Lumabas si Konde Sethro, "nakahanda na rin ang pwersa ng Sadrupan. Sugurin na natin sila!"

***

Nakalabas na sa bayan ang mga Kawal ng Emperador. Kasalukuyan nilang tinatahak ang kakahoyan ng Artemias na mayroong mga malalagong damuhan at nagtataasang mga puno na lahat ay purong Kahel. Nakakubli ang ilang mga Kawal Artemian sa mga puno at halamanan, inaabangan ang kanilang pagdating. Napasimple ng tingin si Aurello sa labas at namataan na niya ang kanyang mga tao. Walang kamalay-malay ang mga Kawal na katabi niya na mayroong hawak na tarak ang bihag at unti-unti na niyang hinihiwa ang tali para siya ay makawala na sa pagkakagapos.

Matagumpay niya itong nakalas, wala na siyang inaksayang panahon at tinira niya ang mga Kawal. Ginilitan niya ang leeg ng nasa kanan at sinaksak niya naman sa katawan ang nasa kaliwa. Binuksan niya ang pinto ng karwahe at tumalon.

Nakita siya ni Talas, "putang ina, si Aurello tumatakas!"

"Hulihin siya!" Nakukunsuming inutos ni Malko.

Bago pa makakilos ang mga Kawal ng Emperador, nagsilabasan na ang dalawang dosenang Kawal ni Aurello sa punuan. Kinuha ng dalawa sa kanila si Aurello at tinakas, ang iba naman ay sumugod na sa mga Kawal at nagsimula na ang digmaan sa kakahoyan.

"Hindi!" Hiyaw ni Malko nang makita nilang tinatakas nila ito. "Habulin nyo!"

Hahabol sana ang mga Kawal ngunit pinagpapana sila ng iba pang sumulpot na Kawal Artemian mula sa halamanan.

Naaalala ni Aurello ang naging paghahanda nila sa kanilang plano.

"Bakit kayo magpapaaresto sa mga Kawal? Hindi ko kayo maunawaan, sumusuko na ba kayo sa Emperador?" Tanong ni Roqil.

"Hindi ako susuko, kahit kailan di ako papagapi kay Fierro. Gagawin ko lamang yun para mailigtas ang kastilyo sa kanila. Tiyak pinaghandaan tayo ng mga yan at may mga dala silang mga tirador. Kapag nagmatigas pa ko, magkakaroon ng labanan sa ating tahanan at baka paulanan pa nila ng mga higanteng bato ang ating mga dingding. Magtalaga ka ng mga Kawal sa kakahoyan kung saan sila dadaan. Sila ang tutulong sakin para makatakas. Mabuti pang doon na lang magkagulo."

"Paano naman kayo nakakatiyak na sa kakahoyan sila dadaan?"

"Ito ang pinakamabilis na daan pabalik sa Imperyo, siguradong yun ang daang tatahakin nila."

Nagsimula ng makipaglaban si Malko, Talas at ang iba pang kawal sa mga tauhan ni Aurello. Matagumpay si Malko sa pagsaksak at pag-ugoy ng kanyang espada sa mga alay na Kawal Artemian at ganoon rin si Talas na nakikipagsabayan ng panaan sa kanila.

"Nasaan na ang mga tirador natin?" Tanong ni Talas sa mga kasamahan nang bahagyang mabakante sa kalaban.

"Nakapwesto sa may dulo ng kakahoyan."

"Kuhanin nyo na agad bago pa magdatingan ang iba, bilis!"

Sumunod sila sa utos nito. Habang nakikipaglaban, namataan ni Talas na mayroong kalabang papana kay Malko.

"Kapitan!" babala niya.

Hinarangan niya ito at siya ang natamaan ng pana sa may balikat.

"Talas!" pagtawag ni Malko.

Nahihirapang makatayo si Talas sa pinsalang tinamo, "tulungan mo ko."

Nagsimulang magpaulan ng mga pana ang mga kalaban. Imbes na tulungan, nagtago na lang si Malko sa likuran ng karwahe. Marami sa kanilang hanay ang tinamaan at napaslang pwera kay Talas na yumuko sa may damuhan.

"Tarantado ka, Malko!" Nagpasya na lamang si Talas na tanggalin na lang ang pana sa kanyang balikat at siya ay namilipit na napahiyaw kasabay ng pagtanggal. Pinilit niyang tumayo at kinuha ang dalawang espada ng mga kasamahang napaslang.

Buong loob na sinugod ni Talas ang mga natitirang Kawal Artemian at pinagsasaksak niya ito. Isang espada sa kanan at isang espada sa kaliwa hanggang sa kahuli-hulihang kalaban.

Napalingon siya kay Aurello na kasalukuyan pa ring tumatakbo kasama ang mga Kawal. Hindi pa sila nakakalayo at kalalagpas lang nila sa burulan.

"Habulin sila," utos ni Talas sa mga iba pang Kawal.

Susunod pa sana ang mga Kawal paitaas sa may burulan ngunit sila ay natigilan sa di-malamang dahilan. Kahit nahihirapan, inakyat ni Talas ang burol upang tignan kung ano ang nangyayari.

Natigilan siya nang makita ang malaking hukbo ng kalaban. Nagsanib pwersa na ang mga Kawal Artemian at Kawal Sadrupan. Nabawi na nila si Aurello at nakatayo na ito sa kanilang hanay. Tinatayang mga nasa ilang libo ang bilang ng mga Kawal Artemian at Sadrupan. Sa oras na magtagpo ang magkabilang panig, tiyak na dehado ang pwersa ng Emperador sapagkat kakaunti lamang sila.

Muling ginunita ni Aurello ang pagpapatuloy ng kanilang plano.

"Pag nailayo na ako, dyan na kayo papasok ng hukbo ni Konde Sethro, gugulatin natin sila sa dami natin. Susugurin na natin sila at papatayin lahat!"

Lumapit na rin si Malko sa kinatatayuan ni Talas at lalong umurong ang bayag nito sa takot. "Siguradong papatayin na nila tayo! Katapusan na natin!"

"Tumahimik ka nga dyan, punyeta ka," nayayamot na pagsaway ni Talas.

Sakto namang nakarating ang mga tirador nila.

"Subukan lang nilang lumapit, at pag-uumpugin ko lahat ng mga itlog nila!" banta ni Talas.

"Sugod!" sigaw ni Roqil at Sethro. Lahat sila ay nagsimula ng magtakbuhan patungo sa kanilang kalaban.

Nilagay ng mga Kawal Cenpyre ang bato sa tirador, nakahanda ng tumira.

"Tumira kayo sa hudyat ko," nagmistulang si Talas na ang kanilang sinusunod na Kapitan. Kumukuha lamang siya ng tamang tyempo kung kailan pakakawalan ang tira.

Papalapit na ng papalapit ang kanilang mga kalaban. Bumibilis na ang pintig ng puso ni Talas. Sa isang iglap, bigla na lamang nandilim ang buong paligid. Nagsabay ang pagkulog at pagkidlat na ubod ng lakas. Sa lawak ng inabot ng kidlat, nabitak nito ang ilang bahagi ng kakahoyan. Nang dahil naman sa liwanag nitong taglay, nasilaw ang lahat at muntik ng mabulag.

Tinamaan nito ang sumusugod na hukbo at mayroong mga natusta at namatay sa kanila. Bumungad kay Aurello ang umuusok at nangingitim nilang bangkay. Hindi pa doon natapos ang pagkidlat, muli itong humagupit na tila nagagalit at tumama ito sa isa sa pinakamalaking puno sa kakahoyan. Dumaloy ang apoy mula sanga hanggang sa kailaliman ng ugat, kumalat ito sa ibaba at nagsimulang magliyab sa apoy ang Kahel na damuhan, ang mga punong Kahel at ang lahat ng halaman ay nagsimulang masunog, hindi lamang sa kakahoyan kundi sa buong bayan ng Artemias.

"Tignan nyo yung puno!" turo ng isang babae habang nagiging purong apoy ang kahel na dahon ng puno sa may bayan.

Nabulabog si Aurello, Roqil at Sethro sa walang humpay na pagkidlat, sa tuwing sila ay aabante, lalo lamang lumalakas ang paghagupit nito na para bang pinipigilan ng langit ang paglusob nila sa kalaban.

Maging sina Talas at Malko ay nahiwagahan rin sa nangyayari, hindi na nila nagawang paulanan ng dambuhalang bato ng tirador ang kanilang mga kalaban sa tindi at lakas ng kidlat sa kabilang dako.

Nagimbal at kinilabutan ang mga Artemian sa nakakatakot na kaganapang ito sa kanilang Lupain.

"Mga Diyos ko po!" Nagsimulang magdasal ang mga matatanda.

"Naging apoy ang lahat ng puno at halaman. Isa itong masamang pamahiin!"

Sa bawat pagkidlat, dumarami lamang ang natutusta sa hukbo ni Aurello. Nasilayan niyang nasusunog ng apoy ang kanilang mga naghihikahos na sundalo. Nakaramdam ng init si Aurello sa kanilang kinaroroonan, kitang-kita niya kung paano naging purong apoy ang mga kahel na damuhan. Nagpasya na ang Duke na tigilan ang kanilang paglusob.

"Atras! Atras! Lisanin ang kakahoyan!" Nadesisyon ang Duke na umurong bago pa sila tuluyang matupok ng kumakalat na apoy.

"Narinig nyo ang Mataas na Pinuno!" sigaw ni Roqil. "Balik sa bayan!"

Lahat sila ay umurong na parang mga natatakot na langgam.

Nananatili namang tahimik sa kinaroroonan nila Talas at Malko. Naging apoy na ang lahat ng puno at halaman ngunit napansin nilang hindi ito umabot sa kanilang banda. Noong araw na iyon, lalong naging kulay Kahel ang Lupain ng Artemias.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro