Kabanata 9: Covel
-Kanlungan ng Kanluran-
Lumipas ang ilang araw at nagpatuloy ang buhay ng Kapatiran sa kanilang munting lungga. Nahalata ng karamihan ang pananahimik ni Pinunong Haurre. Madalas siya ay nag-iisa, tila malalim ang iniisip at sa tuwing kakausapin para bang lumilipad ang kanyang kamalayan at kinakailangan pa niyang paulit ang sinasabi ng kausap. Nagsimula na ring mabahala ang ilang kasapi. Lingid sa kanila, hindi pa rin nawawaglit sa isipan ng Pinuno ang posibilidad na kanyang kinatatakutan.
Si Gavielle naman ay unti-unti ng nakakaraos sa unos na kanyang pinagdaanan sa tulong ni Itoi. Madalas nililibang na lamang niya ang sarili sa pakikipaglaro sa bata nang kahit papaano ay makalimutan niya pansamantala ang sakit ng pagkawala ni Donello.
Isang araw, matapos niyang makipaglaro sa masayahing bata, nakatulog na si Itoi at naiwan na naman si Gavy na napapaisip sa kanyang pag-iisa. Muling bumalik ang kalungkutan na hindi pa naman talaga tuluyang nawawala sa kanyang puso.
Namataan siya ni Covel kaya naman ipinaghanda niya ito ng maiinom na kape at makakaing tinapay.
"Kumain ka muna," malumanay na inalok ng Prinsipe, nag-iingat na baka masungitan na naman siya ng dalagita. Ilang araw na ang nakalipas ngunit madalang pa rin ang pag-uusap nila.
Kinuha ni Gavy ang kape at tinapay. Hindi pa rin maipinta ang kanyang mukha.
Dahan-dahang umupo si Covel sa tabi niya, "alam mo naaalala ko sa'yo ang kapatid kong babae, ganyan din kasi siya pag sinusumpong."
"Akala ko nawalan ka ng mga kapatid?" sa pagkakataong ito, mabilis ang sagot sa kanya ni Gavy.
"Tatlong nakababatang kapatid, dalawang babae at isang lalaki."
"Namatayan ka rin ng mga magulang, nalayo sa iyong tahanan, nawala rin ang lahat sa'yo... Paano mo nagawa iyon?"
"Nagawa ang alin?" naramdaman ni Covel ang pananabik at pagkauhaw ng dalagita sa kanyang tinig.
"Ang makabangon ulit, ipagpatuloy ang buhay. Napakabata mo pa noon."
Natigilan si Covel nang bahagya, kumukuha siya ng lakas ng loob na magbahagi ng kanyang kwento sa kanya.
"Hindi ito madali sa totoo lang, noong una nawalan na ko ng pag-asa. Akala ko mag-isa na lang ako sa mundo pero dumating si Tay Ermin at Nay Lynda. Inalagaan nila ako, kinupkop, pinalaki na parang sarili nilang anak. Sila ang naging bago kong pamilya at hindi nagtagal nadagdagan na kami nang dumating si Eryn at Itoi."
"Mabuti ka pa, nakapagsimula ka ulit kasama sila, hindi tulad ko na mag-isa na lang ngayon."
"Gavy, hindi ka mag-isa," paninigurado ni Covel. "May darating. Palaging mayroong darating na mga taong magmamahal at mag-aalaga sa'yo gaya ng isang pamilya. Mga taong ipaparamdam sa'yo na kahit kailan hindi ka nag-iisa. Nakahanap ako ng bagong pamilya sa piling nila, malay mo makahanap ka rin ng bagong pamilya dito sa Kapatiran. Hindi natin masasabi."
"Sana nga," hiling ni Gavy.
"Makakapagsimula ka pa ulit, huwag kang mawawalan ng pag-asa. Sa ngayon sandigan ko ang bago kong pamilya at ang Kapatiran, at ang nawala kong pamilya, sila naman ang dahilan kung bakit patuloy akong lamalaban."
Sa unang pagkakataon, napangiti si Gavielle kay Covel at unti-unting tumatatak sa kanya ang lalim ng kanyang mga pahayag.
"Pasensya na nga pala dahil naging matigas ang ulo ko, paumanhin rin dahil ilang beses akong nagalit at nagsungit sa'yo."
"Naiintindihan ko naman, malamang ganoon din ang naging reaksyon ko kung mapupunta ako sa katayuan mo. Huwag mo ng alalahanin yun."
"Salamat ulit, Prinsipe Covel."
"Covel na lang, baka naman sa susunod tawagin mo na akong Kamahalan."
Natawa si Gavielle sa biro ng binatilyo.
Kita mo na, hindi naman siya ganoong kasuplada.
***
Bago lumubog ang araw sa Lupain ng Gremon, isang lalaking nakatakip ng balabal ang pasikretong pumuslit sa bintana ng abandonadong bahay. Nagdahan-dahan ang lalaki sa paghakbang sapagkat matunog na ang kahoy. Nagtungo ito malapit sa may aklatan at napatigil doon. Bubulong-bulong sa kanyang sarili ang nakakubling lalaki at hindi malaman ang gagawin. Kumuha siya ng mga libro at nag-abang kung gagalaw ang estante ngunit nanatili lamang ito sa kanyang pwesto. Namataan niya ang pinakamalaking libro sa tuktok. Tinalon niya ito at matagumpay niyang nahablot ang libro ngunit dahil may kabigatan ito, nadala siya nito at napabagsak siya sa maalikabok na sahig. Napaubo siya nang malanghap ito. Sakto namang gumalaw ang estante at nasilayan na niya ang sikretong daluyan patungo sa lungga ng Kapatiran.
"Sa wakas," natuwang binulong ng lalaki at siya ay bumaba.
Nang marating niya ang taguan, nagmasid siya sa paligid. Nakita niya ang mga tolda, silya at lamesang may mga pagkain at bote ng alak ngunit wala siyang nakitang ni isang tao.
"Tao po?" Pagtawag ng lalaki at umalingawngaw ang boses niya sa buong taguan.
Sa isang iglap nakarinig siya ng mga paghiyaw at naglabasan sina Toro at ang iba pang miyembro ng Kapatiran mula sa mga tolda at lamesa. Natunugan nila ang pagdating ng lalaki kaya naman inabangan na nila ito para bitagin.
Nabulaga ang lalaki sa kanilang sorpresang pagsulpot kaya naman ito ay maligalig na napatakbo papalis. Naabutan siya ni Toro, tinanggal niya ang balabal nito at binagsak ito sa sahig.
"Sino ka? Anong ginagawa mo sa lungga namin?" Pinanlisikan siya ng mga mata ni Toro at tinutukan niya ito ng espada sa lalamunan.
"Huwag po, kaibigan ako, hindi ako kaaway! Huwag po ninyo akong saktan!"
Ang lalaki ay si Tukmul na tumulong noon kay Gavy.
"Anong kaguluhan ito?" lumabas si Haurre sa kanyang lungga at nagsidatingan na rin sina Covel, Ancho, Buto, Bilbel at Jualem.
"Pinuno, napasok tayo ng ibang tao," pagbubunyag ni Toro. "Nahuli namin!"
"Muntikan pa nga kami makatakas," dagdag pa ni Ronis.
"Ano gusto nyong gawin, uupakan na ba namin to?" tanong ni Nolan.
"Naku po, huwag!" lalong ninerbyos sa takot si Tukmul, napatingin siya sa paligid at nakita si Haurre. "Pinuno, salamat at nandito na kayo, sabihin nyo nga sa kanila na kakampi ako!"
"Maang-maangan ka pa! Pinuno, liligpitin na namin to!" Nanggigil na si Toro na puntiryahin ang estranghero.
"Wala kayong gagawin sa kanya," mahigpit na ipinag-utos sa kanila ng Pinuno. "Nagsasabi siya ng totoo. kilala ko siya. Kakampi natin siya."
Nakahinga na ng maluwag si Tukmul. "Sabi ko sa inyo, ngayon pwede bang ilayo nyo na sakin yan, mamaya e mabaon nyo pa sakin."
Ibinaba ni Toro ang kanyang espada at agad na lumayo sa kanya si Tukmul.
"Hindi namin maintidihan," ipinagtaka ni Ancho, "sino ba siya at paano kayo nagkakilala?"
"Siya si Tukmul, isa siyang palaboy. Kailan lang natagpuan ko siyang binubugbog ng ilang Tagapuksa, napagkatuwaan ata kaya niligtas ko siya, ginamot at binigyan ng pagkain. Mukha man siyang walang alam pero namukhaan niya ko. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa akin, nagpresinta siyang tulungan ang Kapatiran kaya naman ginawa ko siyang isa sa ating mga espiya sa labas."
"Espiya? Ito?" halos hindi makapaniwala si Toro sa nalaman.
"Tama ka. Mag-uulat siya sa akin kung saan ang susunod na operasyon ng mga Tagapuksa at kung saan may masasagip na mga Itmai at Puttlan. Walang makaaalam na tauhan natin siya. Sino ba naman ang magdududa sa isang palaboy?"
"Isa rin akong batikang mandurukot," saad ni Tukmul na para bang pinagmamalaki niya ito.
"Nakuha ko ang punto nyo, pero magtitiwala ba kayo sa patapong ito?" Diskumpyado pa rin si Toro.
"Mukha pa lang hindi na katiwa-tiwala," sumang-ayon sa kanya si Kamlon.
"Hayaan nyo muna akong matapos, alam nyo namang hindi ako kumikilos ng basta-basta? Tingin nyo ba hindi ko naisip ang mga tanong nyo? Upang mapatunayan kung mapapagkatiwalaan ba siya binigyan ko siya ng isang espesyal na misyon. Kapag nagawa at nakapasa siya, pasok na siya bilang ating tauhan at napagtagumpayan naman niya."
"Anong misyon?" tanong ni Jualem.
"Sabihin mo sa kanila," hinudyatan ni Haurre ang palaboy.
"Natatandaan nyo ba noong magpapanggap kayong mga Tagapuksa doon sa may tindahan ng serbesa at may nakita kayong mga hubad na Tagapuksa?"
"Sandali, ikaw ang may gawa nun?" napagtanto ni Covel.
"Ako nga, ako pa. Nilasing ko sila ng nilasing pagkatapos hinubad ko mga saplot nila para may maisuot kayo."
"Ikaw pala yun, maraming salamat nga pala," sabi ni Jualem.
"Sabi ko sa inyo, pasado na ko, Kapatiran na ko, maniniwala na ba kayo?"
"Wala pa rin ako tiwala dyan, paano natin masisiguro na hindi yan babaliktad?"
"Anong babaliktad, tignan mo nga kung ano ang nakasayad sa lupa? Yung ulo ko ba o yung paa?"
"Hindi ako nakikipagbiruan," galit na tugon ni Toro.
Ngayon lamang lumabas si Gavy sa kanyang tolda nang marinig niyang may komosyon. Kasama niya ang bagong gising na si Itoi. Nakilala niya ang lalaking pinaliligiran nila.
"Mapapagkatiwalian natin siya," sambit sa kanila ng dalagita.
"Paano ka nakakasigurado?"
"Kilala ko siya. Tinulungan niya kong makatakas sa mga Tagapuksa noong hinahabol nila ako. Mabuti siyang tao."
"Grasya, ikaw ba yan?" nilapitan ni Tukmul ang dalaga. "Hindi kita nakilala kasi ang linis mo na."
"Gavielle, nakalimutan mo na agad ang pangalan ko," napahalakhak ang dalaga, "pero salamat ulit, sa pagtulong mo sakin."
"Wala yun, kamusta ka na? Nagkita na ba kayo ng kapatid mo?"
Ang lahat ay hindi nakaimik sa tanong ng palaboy, naalala na naman ni Gavy ang nangyari sa kanyang kuya.
"Tukmul, mabuti siguro itikom mo na ang bibig mo," sinaway siya ni Haurre, "nasosobrahan ka na."
Muling hinarap ni Haurre ang kanyang mga alagad, "Ano, hindi pa rin ba kayo naniniwala na mapapagkatiwalaan siya? Magtiwala naman kayo sakin, alam ko ang ginagawa ko."
"Kung may tiwala kayo sa kanya Pinuno, magtitiwala na rin ako sa kanya," paninindigan ni Covel.
"Salamat, Kamahalan."
"Kamahalan?" napaisip ang espiya.
"Hindi ko pa nga pala nasabi sa'yo, Tukmul, siya si Prinsipe Covel, anak ni Emperador Costan."
"Prinsipe?" Lalong namangha si Tukmul at napaluhod siya sa harapan ni Covel. "Kamahalan. Ako po ang inyong lingkod, ano pong magagawa ko para sa inyo? Kahit ano po susundin ko."
"Hindi na kailangan maging pormal, hindi naman na ako ganap na Prinsipe ngayon."
"Pero kahit na, isa ka pa ring Prinsipe, alam mo noon kahit di kami Cenpyero, talagang hanga yung Lola ko mula kay Emperador Cresento hanggang sa inyong Ama, hindi kami naniniwalang masasama kayong tao."
"Maraming salamat kung ganun."
"Basta sandang-dikit na tayo, Kamahalan. Huwag na huwag nyo rin akong kakalimutan kapag nakaupo na kayo sa Trono nyo bilang Emperador."
"Sana naman ay magdilang-anghel ka."
"Kulev, sino siya?" Tinuro ni Itoi ang lalaking ngayon niya lang nakita.
"Siya si Tukmul," pagpapakilala ni Covel, "Tukmul ito nga pala kapatid ko si Itoi."
"Kamusta, Itoi," masaya siyang binati ni Tukmul.
"Ikaw may kamukha?" Napaisip ang bata, pilit na inaalala kung sino nga ba, "Itoi alam na! Masugid!"
"Salamat naman," matawa-tawa si Tukmul na tila kinikilig, "sino nga si Masugid?"
"Yung alaga naming aso," nahihiyang nilahad ni Covel.
"Ano? Sa gwapo kong to, pagkakamalan mo kong aso?"
"Hindi na kung ikaw huli Itoi!" tumakbo si Itoi nang matulin at puno ng sigla.
"Hoy, bumalik ka dito!" hinabol ni Tukmul si Itoi at sila ay nagsimulang maglaro.
"Maniniwala ka ba sa nangyayari ngayon?" tanong ni Ronis kay Toro.
"Ano na nga bang nangyayari satin, nasa puder natin ang isang nagtatagong Prinsipe, isang batang paslit, isang dalagita at isang siraulong palaboy. Kapatiran pa ba tayo o isang sirko?"
Napailing na lamang si Toro sa pagkayamot.
-Kampo ng Kamatayan-
Patuloy pa rin ang ginagawang pagpapahirap ng mga Tagalinis sa mga Itmai at Puttlan, habang ang iba ay abala sa sapilitang paggawa, katatapos lamang nilang sunugin sa Silid-Sunugan ang mga bata pati na rin ang mga maysakit at masyado nang mahina para magtrabaho. Nahahati ang kampo sa dalawang dibisyon. Ang una ay mahahalintulad sa impyerno sapagkat doon nagdurusa at pinapaslang ang mga bilanggong lahi. Ang ikalawa naman ay palaisipan sa marami sapagkat bibihira lamang ang nakakapasok doon, kahit ang mga Komandante ng Tagalinis ay umiiwas sa lugar na iyon, kaya naman lubos itong kinatatakutan dahil iilan lamang ang may alam ng misteryong bumabalot sa dibisyong ito ng nakagigimbal na kampo.
Madalas lamang makitang labas-pasok doon ang isang lalaking nakamahabang kasuotang puti. May kabataan pa ang lalaki na nasa tatlumpung taong gulang lamang. Taliwas sa istriktong anyo ng mga Tagalinis at Tagapuksa, pangkaraniwan lamang ang kanyang itsura. Mapapansin na palagi siyang maraming dalang kagamitan, kung ano man ang laman, siya lamang nakakaalam. Palagi rin itong naririnig na kumakanta at humuhuni, na para bang positibo pa rin ang kanyang disposisyon sa kabila ng kalunos-lunos na lugar na ito.
Pumasok siya sa ikalawang dibisyon na walang alinlangan. Sa loob, mayroong mga gusaling mahahalintulad sa mga ordinaryong bahay sa kanluran, hindi kataasan ngunit malawak na para ilang dosenang katao.
Naroroon ang ilang mga bilanggong mga Itmai at Puttlan. Mayroong mga bata, mayroong mga matanda ngunit sila ay naiiba sa mga bilanggong nasa unang dibisyon.
Nakarinig ang mga bata ng pagkatok mula sa kanilang silid.
"Hulaan nyo sino to?"
"Alorde," sagot ng mga bata. Magkakambal ang karamihan sa kanila. Pumasok ang lalaki sa looban at sinalubong siya ng ilang pares sa kanila, halatang malapit sa kanya ang mga ito.
"Tama, dahil dyan meron akong mga laruan at mamon para sa inyong lahat."
Maligayang inabot ni Alorde ang pasalubong sa bawat isa sa kanila.
"Maraming salamat po dahil ang bait nyo samin," saad ng isa sa mga batang kambal na Itmai.
"Walang anuman, sabi ko naman sa inyo, huwag kayong matatakot sa lugar na ito, hindi totoo na Kampo ito ng Kamatayan. Nagustuhan nyo ba ang mga bigay ko?"
"Opo," sabay-sabay nilang sinabi.
"Kamusta naman kayo, Gino at Giro?" tanong niya sa kambal na Itmai.
"Ayos naman po," naghalo ang boses ng dalawang batang lalaki.
"Lyra, kamusta si Monah?" usisa naman niya sa Puttlan.
"Nagpapagaling na po siya," kalmadong sagot ng bata.
"Mainam naman."
Bukod sa kanila mayroong ding mga Itmai at Puttlan na tunay ngang kakaiba, mayroong unano, mayroong sobrang tangkad, mayroong ding mga magkakaiba ang kulay ng mata.
May pagkainis na lumapit ang isang unano kay Alorde. "Ano ba ang ibig sabihin nito? Bakit nyo kami pinagsama-sama dito, kaming mga kakaiba. Kung papatayin nyo lang rin kami gaya nung ginagawa ninyo sa mga normal na bilanggo doon sa kabila, gawin nyo na! Hindi yung dinadaan nyo pa kami sa mga pang-aamo at pagpapakain nyo!"
Sinagot lamang ni Alorde nang maamong ngiti ang unano.
"Sino naman ang nagsabing papatayin namin kayo? Nauunawaan kita kaibigan kung nagdududa ka. Maniwala ka pag sinabi kong hindi naman kayo papatayin, mapapalad kayo, nagpasya Ang Mataas na Panginoon na hindi nila isasama sa papaslangin ang mga kagaya nyong espesyal. Naniniwala si Panginoong Lodell na may lugar sa mundong ito ang mga kakaibang kagaya nyo."
"Ibig sabihin ba nito, ligtas na kami?" Unti-unti nang nawawala ang pagdududa niya.
"Oo naman, at huwag kayong matatakot sa akin, kaibigan nyo ako."
Inabutan niya ng tinapay ang unano at tinapik niya ito bago niya lisanin ang silid.
***
Bandang ika-10 ng gabi, ipinatawag ni Lodell si Jiaruz at Wharen sa kanyang himpilan.
"Ano ang balita sa bangkay ni Donello?"
"Nabubulok pa rin sa Plaza sa mga oras na ito," ulat sa kanya ni Jiaruz.
"Mabuti, hayaan nyo lang doon. Wala bang nagtatangkang kumuha?" Nagbabaka-sakali siya na baka tangkain ng Kapatiran na kuhanin ang kanyang mga labi.
"Wala naman po, Mataas na Panginoon."
"Iyan lang naman, makakalabas na kayo at mag-eempake na ako."
"Aalis kayo, Panginoon?" Napatanong si Wharen.
"Kailangan kong pumunta sa Cenpyre, nagkakagulo na roon. Nanghahamon si Duke Aurello ng digmaan laban sa Emperador at humihingi ng ilang mga tauhan sa akin si Fierro. Isa pa, palihim siyang umalis at naglayag patungo sa Kontinente ng Silangan para makipag-alyansa sa Hari, lihim niya akong pinadalhan ng mensahe, nais niyang magtungo ako roon at gabayan ang Emperatris sa pamumuno habang wala siya."
"Kung ganoon parang magiging pansamantalang Emperador na rin kayo," bungad ni Jiaruz sa kanya.
Napangiti si Lodell habang nangangarap ng gising, "Mataas na Emperador Lodell, bagay pakinggan di ba?"
"Wala ng mas babagay pa," sinang-ayunan siya ni Wharen. "Kailan ang alis nyo?"
"Mamayang madaling araw na, iiwan ko muna ang Kanluran sa inyong pangangalaga. Kayong dalawa muna ang bahala rito habang wala ako."
Hindi nagustuhan ni Wharen na sinama na naman ni Lodell sa usapan ang karibal niyang si Jiaruz.
"Hindi nyo na po kailangang pagbilinan si Jiaruz, kaya ko naman pamunuan ang Kanluran kahit nakapikit ako."
"Kaya mo nga ba?" Banat ni Lodell sa kanya. "Hindi ganoon ang nakikita ko nitong mga nakaraan, Wharen. Napapansin kong nagiging palyado ka na. Baka kailangan mo ng katuwang. Jiaruz, umalalay ka nga muna sa kanya. Siguraduhin mong hindi papalpak ang mga hakbang niya."
"Masusunod, Panginoon ko," kumpiyansang sumagot si Jiaruz.
Nagtimpi na naman si Wharen sa Mataas na Emperador at sa kapwa Komandante.
"Mag-ayos kayong dalawa," paalala ng Mataas na Panginoon, "pagbalik ko dapat puro magagandang balita lang ang maririnig ko. Malakas ang tiwala ko sa inyo."
"Hindi ka naman didismaya, Panginoon," pangako ni Wharen.
***
Bago umalis si Lodell, nagtungo ang manggagamot na si Alorde sa kanyang himpilan.
"Panginoong Lodell," pagbati niya.
"Alorde, napadaan ka, Kamusta naman ang mga bagong grupo ng mga 'alaga' mo?"
"Ayun, nagpapakasarap muna, binubusog at binibigay ko ang lahat ng gusto nila. Hindi magtatagal mapapakinabangan ko na rin sila sa ginagawa kong pag-aaral."
"Mahusay! Hindi talaga ako nagkamali at itinalaga kita dito sa kampo."
"Salamat Panginoon at dahil sa inyo nakabalik ulit ako sa larangan ng Medisina, buhat kasi nang tanggalin ako sa Orde ng mga Manggagamot wala ng nagtiwala sa akin bukod lang sa inyo."
"Batid mo namang kakampi ko ang lahat ng kapareho ko ng pananaw, basta para sa ikababagsak ng mga mikrobyong yan, lahat papayagan ko. Ano bang sadya mo?"
"Nais ko lang sana magpaalam, kung bibigyan nyo ko ng permiso na gawin ang ilan sa aking mga eksperimento habang wala kayo."
"Walang problema, kaibigan, gawin mo ang lahat ng gusto mo habang wala ako. Ikaw naman ang namamahala sa ikalawang dibisyon."
-Kanlungan ng Kanluran-
Sumunod na araw, maagang nagising si Gavy. Hanggang ngayon ay dala-dala pa rin niya sa gunita ang mga sinabi sa kanya ni Prinsipe Covel at maraming bagay ang kanyang napagtanto. Nagkaroon siya ulit ng inspirasyon para muling ipagpatuloy ang hamon ng buhay. Muli niyang kinuha at binasa ang sulat ni Donello. Noong una ay puro sakit at kalungkutan lang ang nadarama niya sa tuwing binabasa niya ito, ngunit sa pagkakataong ito, iba na ang kanyang pananaw matapos niya itong basahin. Magaan na ang kalooban niya. Ngayon, nagiging maliwanag na sa kanya ang lahat, ngayon na bukas na ang kanyang isipan at mulat na siya.
Nilapitan siya ni Pinunong Haurre na maaga ring nagising. "Natutuwa akong makita na nagiging ayos ka na, nakapagpasya ka na ba kung ano ang susunod mong hakbang?"
"Opo, Pinuno, napagpasyahan ko na pong umanib sa Kapatiran."
Hindi ito inaasahan ni Haurre mula sa kanya at ito ay ikinagulat niya. "Sigurado ka na ba Gavielle? Mabigat na pasanin ang pagiging isang kasapi ng Kapatiran. Pag nagkataon, ikaw ang kauna-unahang babaeng magiging kasapi ng samahan."
Wala ng makikitang bahid ng pag-aalinlangan kay Gavy.
"Desidido na po ako, lubos ko ng nauunawaan ngayon kung ano ang ipinaglalaban ni Kuya. Namatay siya para sa ika-aayos ng Lupaing ito. Wala na siya pero hindi doon matatapos ang lahat, nais kong ipagpatuloy kung ano ang kanyang sinimulan, panahon na para ako naman ang lumaban para sa Kanluran. Si Kuya ang magiging lakas ko, at kayo naman ang magiging sandigan ko."
Napahawak si Haurre sa kanyang balikat. "Sigurado ako sa gagawin mo, mabibigyan mo ng karangalan ang alaala ni Donello."
Napayakap ang dalagita nang mahigpit sa Pinuno.
"Kailan mo gustong ganapin ang inisyasyon?"
"Ngayon na po sana kung maari."
"Pinahihintulutan ko."
"Ako rin po, Pinuno," sumulpot bigla si Tukmul mula sa kawalan, "sasabay na sana ako."
"Lintik naman, Tukmul, nakikinig ka ba sa pinag-uusapan namin?" May halong pagbibiro at pagkapikon ang tono ni Haurre.
"Naiyak nga ako sa usapan nyo." Nagpunas ng kanyang mga luha ang palaboy.
***
Agad na sinimulan ang inisyasyon para kay Gavielle at Tukmul. Taimtim na nanonood ang lahat habang nanunumpa ang dalawa kay Pinunong Haurre. Sa bawat tanong ng Pinuno, sabay silang sumasagot ng "Nangangako ako."
"Nangangako ka bang handa kang makipaglaban sa pwersa ng Mataas na Panginoon at ibuwis ang iyong buhay alang-alang sa Kapatiran at sa lahat ng nangangailangan?"
Hinuli ni Haurre ang pinakamahalagang katanungan.
"Nangangako ako," sabay na sagot ni Gavielle at Tukmul.
Inabot ni Toro ang espesyal na tarak na ginagamit ni Haurre pantatak sa mga sasali sa Kanlungan ng Kanluran.
Inilapit ni Gavy ang kanyang braso kung saan siya tatatakan. Dinahan-dahan ni Haurre ang pagtatak ng 'K' malapit sa kanyang pulsuhan, bahagyang nasaktan si Gavielle. Napalingon siya sa mga kasaping nanonood sa kanya at natuon ang pansin niya kay Covel.
Nakangiti sa kanya ang Prinsipe kasabay ng pagtango bilang pagsang-ayon sa kanyang desisyon, sinagot naman din siya ni Gavy ng ngiti at pagtango. Nang matapos ang proseso napatingin si Gavy sa kanyang braso, kasalukuyang tumutulo ang kapiranggot na dugo kung saan nabuo ang korte ng letrang K.
"Gusto na rin ni Itoi paganyan," sambit niya sa kanyang Kuya.
"Masakit yan at bata ka pa," paliwanag ni Covel.
Matapos matatakan ang dalagita, si Tukmul naman susunod nilang tatatakan.
"Saan mo ba gustong magpamarka?" tanong ni Haurre.
"Tutal espiya siya, mabuti siguro sa bahaging hindi mapapansin ang tatak niya," suhestyon ni Toro.
"Mabuti pa nga."
Itinaas ni Haurre ang malabasahang damit ni Tukmul at nilagay niya ang talim ng tarak sa may taas ng pwet.
"Bakit naman dyan, Pinuno?" Natatakot na sinabi ni Tukmul.
Hindi siya sinagot ni Haurre at sinimulan ang pagtatak sa kanya, napahiyaw si Tukmul na parang isang babae nang maramdaman niya ang talim ng tarak at siya ay nagpumiglas.
"Huwag kang malikot, saglit lang yan."
"Tiisin mo, ginusto mo yan," hinigpitan ni Toro ang hawak sa kanya para hindi na siya magpumiglas pa.
Nananahimik na lang si Tukmul, kahit na iniinda ang sakit sa pagmarka.
"Ngayon pinoproklama ko na kayong mga kasapi ng Kapatiran."
"Mabuhay si Gavielle at Tukmul," sigaw ni Buto.
"Mabuhay," sabay-sabay nilang sinigaw.
***
Kinagabihan, pagkatapos ng kanilang pagpupulong, pinaiwan muna ni Haurre sina Covel, Gavy at Tukmul.
"May problema ba Pinuno?" pag-usisa ni Covel noong sila-sila na lang ang naroroon.
"Mayroon, Kamahalan. Ilang araw nang may bumabagabag sa isipan ko. Hanggang ngayon palaisipan pa rin sa akin kung paano ako natiktikan ng mga Tagapuksa sa may ilog."
"Maging ako ay nagtataka rin po," sinang-ayunan siya ni Covel.
"Iyon ang pinili kong lugar sapagkat alam kong ligtas doon, hindi ito binabantayan ng mga bantay at walang makakakita sa atin. Hindi na nila pag-aaksayahan ng panahong bantayan ang ganoong katagong lugar lalo na at mayroong malaking kaganapan sa Plaza pero bakit nandoon na sila agad, para bang inaabangan nila ako at nabitag nila ako."
"Hindi po kaya nasundan nila tayo ng palihim?"
"Malabo, nakita nyo namang siniyasat ko ang bawat paligid noong umalis tayo, wala naman ako napansing kahina-hinala. Wala namang nakakaalam sa plano kundi ang buong Kapatiran, pwera na lang kung may naglabas ng impormasyong ito sa kanila na doon tayo pupunta."
"Sinasabi nyo po bang may traydor sa Kapatiran?" nahulaan ni Gavielle ang nais iparating ng Pinuno.
"Ayokong isipin na ganoon na nga ngunit iba talaga ang kutob ko. Kaya ko kayo pinatawag tatlo, dahil sa pagkakataong ito, kayo lamang ang mapagkakatiwalaan ko. Ikaw Prinsipe Covel dahil alam kong busilak ang iyong puso at kahit kailan hindi mo kami ipapahamak, ikaw Gavy dahil kararating mo lamang, imposible namang malaman mo ang aming plano kung wala ka sa puder namin at wala rin namang dahilan para pag-isipan kita ng masama."
"At ako po?" turo ni Tukmul sa kanyang sarili.
"Oo ikaw dahil sa kadaldalan at pagkabara-bara mo, madali kang mapapaghalataan kung may nililihim ka ba o kung niloloko mo ba kami."
"Kung totoo ang hinala nyo na may taksil dito sa Kapatiran tiyak na nasa panganib tayong lahat, ano pong balak nyong gawin?"
"Dapat malaman natin kung sino ang traydor sa lalong madaling panahon. May ipapagawa ako sa inyong tatlo at dapat walang makakaalam."
"Kahit ano po para sa samahan."
"Nais kong imbestigahan ninyo ang bawat miyembro ng Kapatiran, bantayan nyo ang bawat kilos nila at kung saan sila pumupunta."
"Mababantayan po namin ang mga kilos nila dito kaso nga lang ang problema ay hindi sila umaalis dito, hindi ba nagtatago tayo."
"Bukas na bukas magbibigay ako ng pahintulot sa lahat na maaari silang magpahinga sa ating mga tungkulin at pwede silang lumabas. Tiyak na sasamantalahin ito ng traydor para mag-ulat kina Lodell, kaya sasamantalahin din natin ito para mahuli natin siya."
"Huwag kayong mag-alala Pinuno, makakaasa po kayo sa amin," saad ni Gavielle.
"Tututukan po namin sila kahit na balatan ko pa ang mga mata ko," nangako rin si Tukmul.
"Kami na po ang bahala sa lahat," sinigurado ni Covel.
"Maraming salamat, alam kong hindi nyo ako bibiguin, basta tandaan nyo lang ang paalala ko, walang dapat makakaalam sa mga misyon nyo."
"Sa atin-atin lang ito, Pinuno," saad ni Covel.
"Mahirap sa akin na maglihim sa kanila dahil pamilya na ang turing ko sa inyong lahat, pero ano pa nga ba ang magagawa ko? Kailangan nating maging maingat, hindi natin alam kung sino sa kanila ang kumikilos laban sa atin ng pailalim. Hanggang hindi nakukumpirma kung mayroon bang traydor o wala, ang tanging mapapagkatiwalaan lamang natin ngayon ay ang ating mga sarili. Sana talaga ay nagkakamali lang ako."
"Kung sakaling mayroong ngang taksil sa grupo, ano pong mangyayari sa kanya?" Batid ng Prinsipe na magiging komplikado ang lahat.
Napabugtong hininga si Haurre. "Hindi ko alam. Ang alam ko lang dapat mapigilan siya bago pa niya tayo isuplong. Mapipilitan akong hatulan siya sa paraang nalalaman ko. Sana ay hindi na umabot doon."
Sana nga, sana nga nagkakamali lang si Pinuno at hindi na ito umabot sa sukdulan. Anuman ang kahahantungan ng lahat, hindi mo dapat biguin si Pinuno sa pagkakataong ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro