Kabanata 9: Aric
-Kasaganaan-
"Muhurya Agni," abot tenga ang ngiti ni Aric habang binabati ang bawat Myongan na kanyang makakasalubong sa dalampasigan. Ang iba ay nagugulantang sa kanyang pagbati sapagkat ngayon lang nila narinig ang kanilang salita na binabanggit ng isang taong labas samantalang ang iba naman ay masaya ring bumabati sa kanya. Kasalukuyan siyang may bitbit na tangkay ng puno sa kanyang batak na braso.
Sa ilang araw na pag-aaral ng Lengguaheng Myongese, marami-rami na ring natutunan si Aric mula kay Miya. Bukod sa mga pagbati, naituro na rin sa kanya nito paano sabihin ang salamat, oo, hindi, kamusta at ibang mga salitang madalas nilang sabihin sa isa't-isa.
Sinubukan ni Aric na makinig sa pag-uusap ng mga Myongan sa kanyang paligid. Marami pa rin siyang hindi naiintindihan at kailangang matutunan ngunit hindi tulad ng dati, kahit papaano naman ay may nauunawaan na siya sa kanilang mga pinag-uusapan.
Mukhang nakukuha ko na.
Ramdam ni Aric na mas nasasanay na siya ngayon na maging kaisa ng Tribong Myongan kumpara noong unang araw niya.
Matapos ang pagtatangka niyang tumakas, akala niya nabibilang na ang oras niya sa kamay ng Tribo. Hindi niya inaasahan na siya ay aabutan ni Mortho ng mga kasuotang Myongan at idedeklarang isa sa kanila. Sinuot niya ang tapis at bandanang pula. Kasya naman sa kanya ang tapis kaya lang hindi siya sanay sa ganitong kasuotan at medyo nangangati nga lang siya.
"Kailangan mo munang suotin yan kung gusto mong magsuot ng Pang-Kawal sa susunod."
Naging madali ang unang utos sa kanya ng Datu na tumulong sa paghahakot ng mga kahoy panggatong ngunit mas humirap na ang mga susunod nitong pinagawa. Magdamag siyang pinagbantay sa dalampasigan hawak ang isang sibat at tanglaw. Dahil hindi siya sanay sa ganitong gawain, nangalay agad ang kanyang braso at binti. Plastado at antok na antok siya pagkatapos. Ilang oras lamang matapos makatulog, ginising na agad siya ng Datu at sa hindi malamang dahilan, pinagputol siya nito ng mga puno sa kagubatan. Noong tanungin niya kung ano ang gagawin, hindi niya maunawaan ang paliwanag ng namamahalang Myongan.
Ano na naman kaya ang pinagsasabi ng kupal?
Nanghula na lamang siya at ipinagpalagay na kailangan pa nila ng panggatong na kahoy, kaya naman pinagsisibak niya ito sa maliliit na piraso at pinagpatong-patong sa silyang naroon para lang malaman kay Miya na mali pala ang ginagawa niya. Ipinaalam nito na inuutos pala ng namamahala na siya dapat ay gagawa ng kaparehong silya mula sa kahoy.
Hindi pa dito natapos ang kanyang kapalpakan. Sinubukan niyang bumawi sa kanilang pangangaso ngunit ginulo lamang niya ang kanilang plano sa kanyang pangunguna. Nakawala ang kanilang huli at siya ang nahuli sa bitag.
Bukod sa kanyang kapalpakan, problema din niya si Datu Leyro na madalas ay nakatutok ang mata sa kanya. Ilang beses na rin siya nitong binabangga at pinaglalaruan.
Maswerte siya at wala ako sa teritoryo ko, kung hindi matagal na siyang nakatikim ng kamao ko.
Habang walang nakakapansin, nagtungo siya sa kanyang kubo upang magpahinga at mag-isip-isip. Naramdaman niyang pumipintig ang kanyang mga sugat na kagagaling pa lamang.
Kailangan mong tiisin lahat ng hirap...nakasalalay dito ang lahat. Ano nga ba ang ginagawa mo, Aric?
Alam niyang higit siyang mas sibilisado kumpara sa kanilang lahat ngunit sa sitwasyon niya ngayon parang siya pa ang nagiging mukhang ignorante.
Naiinis pa rin siya sa kanyang kapalpakan. Buti na lang at dumating si Miya. Ibinaling na lamang niya ang atensyon sa dalaga at tinanggap ang alok nitong turuan siya ng Wika ng mga Myongan.
Pansin niya ang pamumula ng dalaga noong sinabihan niya ito ng maganda sa Myongese. Sa pagkakataong ito, hindi nagpapanggap si Aric, totoo namang nagagandahan siya kay Miya.
Talagang napapalagay na siya sa akin at ganoon din naman ako sa kanya. Sayang lang at dapat na itong maudlot.
***
Kinaumagahan, ilang oras pa lamang ang nakakaraan, napasulyap si Aric sa bintana ni Datu Mortho. Naaninag niyang nakaupo si Mortho sa kanyang paboritong kahoy na silya. Hindi nagtagal, napatayo ang Datu na para bang hindi ito komportable, hinawakan niya ang upuan at bigla na lamang nakalas ang isang paanan nito at ganoon na rin ang isang sandalan.
Naalala niyang napagpatungan niya nga pala ito ng mabibigat na kahoy panggatong, malamang ito ay bumigay na sa bigat ng mga kahoy. Napaisip nang masinsinan si Aric.
Kailangan may gawin ako. Si Datu Mortho ang daan para makaalis na ako rito. Dapat makuha ko na ang tiwala niya. Sa oras na pinahintulutan na niya akong umalis, masasabi ko na kina Uwalhid ang daan papunta rito.
Kinuha niya ang kanyang palakol at tinahak ang kagubatan. Tinantsa niya isa-isa ang mga puno at pumili ng isang naaangkop na gawing upuan. Sinibak niya ito at agad na binuhat patungo sa dalampasigan.
Pinagmasdan ng binata ang dinala niyang punong kahoy at napaisip kung paano niya ito gagawing isang upuan. Wala naman siyang mga itak panghulma at pangkikil gaya ng ginagamit ng kanyang Ama kapag gumagawa ito ng silya. Kumuha na lamang siya ng karaniwang itak. Una niyang inukit ang upuang bahagi, nilakihan niya ang bloke para umangkop sa malapad na katawan ng Datu. Sinunod naman niya ang paghulma sa sandalan. Ginaya niya ang kurbado at bilugang korte ng nasirang silya. Sa mga paa naman, simple lamang ang ginawa ni Aric, basta tiniyak niya lamang na pare-pareho ang kanilang haba para manatili ang balanse ng silya. Matapos hulmahin ang bawat parte, hinawakan niya ito at napansin niyang may kagaspangan pa ito at marami pang matutulis na piraso na kahoy ang natira. Delikado ito at maaaring masalubsob pa ang Datu sa oras na siya ay umupo. Kailangan pa niya itong kinisin. Wala siyang kagamitan, kaya gumawa na lamang siya ng sarili pangkikil. Tinanggal niya ang kanyang bandana, nilagyan ito ng buhangin at ito ang pinangkuskos niya sa mga bahagi hanggang sa ito ay kumutitap na sa kinis. Pinagkabit-kabit na niya ang parte gamit ang martilyo. Sa wakas at natapos na niya ang paggawa sa silya. Hindi lamang lakas ng katawan at mga materyales ang kinailangan para magawa niya ang upuan, ginamitan niya rin ito ng talino at diskarte.
***
Inantabayanan ni Aric ang paglabas ng Datu sa kanyang kubo. Natagalan si Mortho pero dumating din ang oras na lumabas ito sa kanyang bahay.
"Muhurya Igmas, Datu Mortho," bumungad agad ang binatilyo. Binati niya ng magandang tanghali si Mortho sa Myongese.
Nagtaka ang Datu nang marinig niyang nagsasalita ng Myongese ang dayo gayumpaman binati niya pa rin ito. "Muhurya Igmas, ano gawa ikaw? Ingay-ingay, dinig ko aking kubo."
"Ginawan ko po kayo ng upuan," nakangiting ipinakita ni Aric ang kanyang pinagmamalaking silya.
Hindi maikakaila sa mukha ni Mortho na siya ay namangha sa nakita. Bahagyang nanlaki ang kanyang maliliit na mata. Nilapitan niya ang silya at pinagmasdan ito ng maigi.
"Ikaw gawa ito?" hindi makapaniwalang tinanong ng Datu.
"Opo, nakita ko kasi na sira na yung upuan nyo kaya ginawan ko kaya ng bago. Bakit di nyo po subukan?"
Dahan-dahang naupo si Mortho, sumundal siya at pinakiramdaman ang kanyang likuran. Nakuha ni Aric ang kurbadong sandalan, komportable ito sa likuran ngunit hindi naman sobrang kurba na makakaapekto sa kanyang postura at sa matanda niyang buto. Hindi perpekto ang gawa ni Aric pero higit itong maganda kaysa sa inaakala niya. Huminga ng malalim ang Datu, tila nasasarapan sa kanyang pag-upo.
"Nagustuhan nyo po ba?"
"Mahusay," napangiti ng kaunti si Mortho sa kanya, "buti ikaw tama na gawa."
"Natutuwa po ako at nagustuhan nyo. May ipapagawa pa po ba kayo, Mahal na Datu?"
Natagalan si Mortho bago sumagot, naging seryoso ang kanyang aura. Pansin ng binata na para bang nagtatalo na ang isip ng Datu. Napalingon ang matanda sa kamay ni Aric. Nakita niyang namumula at may mga paltos na ang kamay nito sa paggawa ng silyang inuupuan niya ngayon.
"Wala, ikaw pahinga na buo araw," kalmado nitong itinugon.
"Talaga po," lalong sumigla ang mga ngiti ni Aric. "Mueras, Datu Mortho."
Sa sobrang tuwa niya, napasalamatan niya sa lengguahe ng mga Myongan ang Datu.
"Hindi," pagtatama ni Mortho, "Mueras, Aric."
Isa itong magandang senyales para sa binatilyo.
***
Sinulit ni Aric ang kanyang bakanteng oras para maglibot-libot sa pampang. Naglakad-lakad siya sa mahabang kahoy na tuluyan na nakadugtong sa bawat kubo. Pagtingin niya sa ibaba ng tulay, walang kasing linaw ang tubig sa dalampasigan at purong asul pa rin ang kalangitan. Maihahalintulad pa rin niya sa isang paraiso ang dalampasigan ng Kasaganaan.
Sa kanyang paglalakad, nakarinig siya ng malulutong na yabag mula sa kahoy na tulayan, napalingon siya sa kanyang likuran at nakita niyang sinusundan siya ng isang maliit at kulay puting usa.
"Nandito ka pala," hinimas ni Aric sa ulo si Puti, maamong nakatitig sa kanya ang batang usa.
"Tanda ikaw Puti?" tanong ni Miya na biglang sumulpot sa tulayan.
Napangiti si Aric, "paano ko makakalimutan? Dahil sa kanya kaya lumundag sa akin ang isang matapang at mabangis na dalagita at mula noon nag-iba na ang buhay ko."
Nasilayan niya ang muling pamumula ng pisngi ni Miya.
"Kasi ngayon isa na rin akong Myongan."
"Ako tanda din, ikaw muntik paslang Puti," pinaalala sa kanya ng dalagita.
"Nadala lang ako sa tawag ng pangangailangan."
"Gawain wala ikaw?" nagtaka ang dalaga kung bakit wala itong ginagawa.
"Magandang balita pala, pinayagan akong magpahinga ng Datu buong araw kaya marami akong oras para mag-aral ng Myongese, kung walang problema sa'yo."
"Sige," pumayag si Miya, "pero ano muna ikaw sabihin sa akin dahil turo kita?"
"Mueras, muhurya Miya. Mueras, siktal muri tugit madji," sambit ni Aric na ang ibig sabihin ay 'Salamat, magandang Miya. Salamat dahil ikaw tinuruan ako.' "
Muling tinuruan ni Miya ng mga salitang Myongan si Aric, gaya ng dati tinatanong niya muna ang binatilyo kung anong salita ang nais niyang matutunan sa Myongan pagkatapos ito ay sinasalin niya sa kanilang wika.
"Ikaw sabi 'buhay' Myongese."
"Li-he-vishta," binaybay ni Aric, "Lihevishta."
"Tama."
"Sa wakas, medyo mahirap ang isang yan," nakahinga ng maluwag ang binata matapos niya itong banggitin.
Sa totoo lang, hindi niya akalain na malilibang siya na mag-aral ng ibang lengguahe. Dalawang lengguahe na ang alam niya, Ang Karaniwang Lengguahe at ang Wikang Silangan ngunit iba pa rin ang pakiramdam nang may bago kang natututunan. Nakikita niyang kumikinang ang mga mata ng dalaga sa tuwa tuwing mayroon siyang nababanggit sa Wikang Myongese. Marami ng naitulong sa kanya si Miya, sa sobrang dami, hindi na niya alam kung paano niya ito masusuklian. Isang bagay lamang ang naisip niyang pambawi sa ngayon.
"Miya, marami-rami ka na ring naituro sa akin sa inyong lengguahe, gusto ko namang gantihan ang mga tulong mo sa akin. Mamarapatin mo ba kung ikaw naman ang tuturuan ko ng mga lengguaheng nalalaman ko?"
"Ako runong salita naman Silangan," sagot ni Miya.
"Oo naman marunong ka na, nakakausap mo naman ako at naiintidihan mo ang sinasabi ko sa'yo ngayon pero may iaayos pa ang Wikang Silangan mo. Matutulungan din kita."
"Sige," mukhang interesado naman ito sa alok niya.
"Simulan natin ngayon. Sabihin mo sa akin ang mga ginawa ko nitong mga nakaraang araw at itatama ko."
"Ikaw gubat kahoy-hakot," sinimulan ni Miya, "magdamag bantay dalampasigan."
"May nababaliktad ka lang na mga salita at medyo kulang din sa pang-ukol. Kailangan mo din ng tulong sa mga pandiwa. Mas maigi siguro kung ganito mo siya sasabihin."
Kumuha muna ng tamang tyempo ang binata. "Si Aric ay naghakot ng kahoy sa gubat. Ulitin mo."
"Si Aric...ay...naghakot...ng kahoy sa gubat," maingat na inulit ng dalaga. "Si Aric ay naghakot ng kahoy sa gubat."
"Ayun," naging aktibo ang tono ng binata. "Hindi ba mas maayos?"
"Mas ayos nga," napangiti si Miya, natutuwa siya dahil nagawa niya.
"Yung kasunod naman," muling siyang inengganyo ni Aric, "pero kahit huwag mo ng banggitin ang pangalan ko. Kahit simulan mo na lang sa ikaw."
"Ikaw..." Pilit na inaalala ni Miya kung paano niya binuo kanina ang pangungusap. "Ikaw ay...magdamag nagbantay...sa dalampasigan."
"Mahusay, Miya, ngayon gumawa ka naman ng sariling pangungusap, ano naman ang ginagawa natin ngayon?"
"Ako, ikaw... ay."
"Kahit 'tayo' na lang ang sabihin mo."
"Tayo ay nag-aaral ngayon...ng mga Wika."
"Nakukuha mo na talaga, dahil marunong ka ng magsalita ng Silangan, madali na lang to sa'yo. Gusto mo pa bang turuan kita?"
Tumango si Miya na may masayang ngiti sa kanyang pisngi.
"Kapag bihasa ka na sa Wikang Silangan, tuturuan naman kita ng Karaniwang Lengguahe."
***
Mula noon, araw-araw nang bumibisita si Miya sa kubo ni Aric. Tinuturuan niya ang binatilyo paano magsalita ng Myongese at pagkatapos si Aric naman ang nagtuturo sa kanya paano ayusin ang pagsasalita niya ng Silangan. Mabilis silang natuto sa kanilang pag-aaral dahil pareho silang pursigido. Nakatulong rin na hindi na muling hinirapan pa ni Datu Mortho ang mga gawain ni Aric kaya naman marami na silang oras para mag-aral.
Nalaman ng magkapatid na Maoro at Mylka na nag-aaral ang kanilang Ate Miya kaya naman kinulit siya nito na pati sila ay sasali rin sa pag-aaral ng Wikang Silangan.
"Sila sina Maoro at Mylka, gusto din nila aral ng Wikang Silangan," pamamaalam ni Miya.
"Pu...wede po, Ku-ya Aric?" tanong ni Mylka.
Naaalala ni Aric ang dalawa, sila ang mga batang palagi niyang nakikita na naglalaro sa dalampasigan.
"Bakit naman hindi, tara."
"Ako gusto din," humabol si Myoris na hinihingal mula sa pagtakbo.
"Sige, mas marami, mas masaya."
Sinimulan ni Aric ang pagtuturo sa kanila, dahil mga bata pa, hindi rin nahirapan na matuto si Mylka at Maoro habang si Myoris naman ay nangangapa sa pagpapantig. Kumalat sa tribo ang ginagawa nilang pag-aaral at marami ang naengganyo na magputuro kay Aric ng ibang lengguahe. Nagpaalam ang ibang Myongan sa Datu at pinahintulutan niya ang mga ito. Napanganga si Aric nang makita ang dami ng nagkukumpulang mga Myongan sa kanyang kubo. Hindi ikinatuwa ni Datu Leyro ang pagiging tanyag ni Aric sa mga Myongan. Sinipa niya ng padabog ang mga bunot na kanyang nakikita.
Gamit ang matutulis na dahon at ang itim na tinta mula sa mga huling pusit, tinuruan din sila ni Aric paano magsulat, sa lengguaheng Myongese man o sa Wikang Silangan. Nauunawaan na ngayon ni Aric ang nararamdaman ni Miya. Habang mas marami siyang naipapamahaging kaalaman, mas lalong gumagaan ang kanyang kalooban.
Habang abala si Miya sa pagsusulat sa malapad na bloke ng kahoy, hindi maalis ni Aric ang mga mata niya sa dalaga. Sa bawat araw na lumilipas lalong gumaganda ang dalaga sa paningin ng binatilyo.
"Huli ka, Kuya Aric!" hiyaw ni Maoro nang makita niyang nakatitig si Aric sa dalaga.
"Bakit anong ginagawa ko?"
"Kita ka namin, tingan ikaw Ate Miya," pangbubuking ni Mylka.
"Hindi," itinanggi niya, "doon ako nakatingin sa sinusulat niya."
"Gusto mo, Ate Miya?" tanong nila.
Napahalakhak si Miya sa kakulitan ng mga bata at pinanggigilan niya ang magkapatid. "Kayo talaga!"
***
Sumunod na araw, nabulabog ang tulog ng lahat nang makarinig sila ng isang ingay sa dalampasigan. Tila nagmula ito sa nagbagsakang mga kahoy at kawayan sa may pampang. Nagkumpulan ang mga Myongan kasama na rin si Aric malapit sa pinangyarihan. Natagpuan nila si Myam-Gaam-Ot na basa ng tubig, nagkapira-piraso na ang kubong kanyang tinitirahan.
"Anong nangyari?" may pag-alalang inusisa ni Datu Mortho.
"Buti at dumating kayo," nakahinga ng maluwag ang matandang manggagamot. "natutulog ako ng mahimbing nang bigla na lamang gumuho ang bahay ko. Matagal na itong may uga pero di ko naman akalain na talagang makakalas, mabuti at nakatalon ako bago ako mabagsakan. Kaso wala na kong kubo."
"Huwag kang mag-alala, tutulungan po namin kayo," nahabag si Miya sa matanda at inakbayan niya ito bilang pagdamay.
"Tama si Miya, igagawa ka namin ng bagong kubo."
Kahit na di pa sobrang bihasa si Aric sa Wikang Myongese, karamihan sa mga salita nila ay nauunawaan na niya, hindi pa nga lang niya mabanggit ang ilang mga mahihirap na salita.
Sa utos ng Datu, ang mga kalalakihan ay nagtungo sa gubat upang maghakot ng mga kawayan at dahon ng nipa. Ang lahat ay nagtulong-tulong sa pagtatali ng mga kawayan at pag-aayos ng gagawing bubungan, kahit na ang mga babae.
Pansamantala munang pinatuloy ni Miya at ng kanyang mga magulang ang matandang manggagamot sa kanilang kubo habang hindi pa tapos ang iba sa paggawa.
Kinabukasan, natapos na nila ang pagbuo ng kanyang bagong kubo. Mas malaki ang nagawa nilang kubo kumpara sa dati at higit na mas matatag ang mga kawayang ginamit dito kaya hindi ito basta-basta matitibag ng hangin at alon. Ang kinakailangan na lang gawin ay itayo ito sa may pampang.
Sigurado ako may kabigatan yan.
"Buhatin nyo na sa may pampang, para makalipat na agad siya," atas ni Datu Mortho.
"Tutulong po ako," nagpresinta si Aric.
Kasama ni Aric, nagtulong-tulong ang higit sa isang dosenang kalalakihan sa pagbubuhat ng bagong kubo. Mayroong pumunta sa unahan at mayroon din sa likuran. Pumwesto si Marcio at ang iba sa kanan, si Aric at ang iba naman ay nasa kaliwa. Sama-sama silang naglakad dala ang kubo mula sa buhanginan patungo sa pampang. Pinagtulungan nila itong bitbitin kung saan dating nakatayo ang nasira niyang bahay.
"Ibaba natin dahan-dahan," panuto ni Marcio.
Sa kanyang hudyat, sabay-sabay nilang ibinaon ang paanan sa ilalim ng pampang at siniguradong mahigpit ang kapit nito.
Inalalayan ni Miya at Aric ang manggagamot pagpasok sa kanyang bagong bahay. Nilibot ni Myam-Gaam-Ot ang mga mata sa kubo at siya ay maluha-luha.
"Maraming salamat sa inyong lahat."
"Walang anuman, maligaya kami na may bago ka ng bahay," saad ng Datu.
Noong araw na ito, isang kakaibang pangyayari ang nasilayan ni Aric. Sa tanang buhay niya, ngayon lamang siya nakakita ng ganitong klaseng pagtutulungan. Ang lahat ay nagkakaisa at walang ni isa sa kanila ang nagreklamo mula sa paggawa ng kubo hanggang sa pagbuhat nito. Lubos siyang namangha sa ipinamalas ng mga Myongan.
"Ganito ba talaga lagi dito sa inyo?" may pagtataka niyang tinanong kay Miya sa Wikang Silangan.
"Oo Aric," sagot ni Miya sa parehong Wika. "Dito sa Tribong Myongan, kami lahat nagtutulungan. Lahat kami handang tulong sa isa't-isa. Problema ng isa, problema ng lahat. Hindi kami nag-iiwanan."
"Ano naman ang kapalit ng tulong na ito?"
"Wala, hindi naman kailangan kapalit pag tulong ka sa iba. Saya na kami pag tulong kami sa bawat isa."
Natamaan si Aric sa pinahayag ng dalaga. Pinapakitaan man niya ng mabuti ang Tribo, alam naman niya sa puso niya na may kapalit ang lahat ng ito.
"Pinahanga nyo talaga ako, iba kayong mga Myongan."
Kahit na siya ang nagtuturo sa mga Myongan, si Aric na naman ang may bagong natutunan sa kanila ngayon. Unti-unti na siyang namumulat kung anong klaseng tao ang Tribong ito.
***
Kinabukasan, kagigising pa lamang ni Aric nagulumihanan na siya sapagkat halos lahat ng Myongan ay naliligalig at abala sa kanilang mga ginagawa. Sa bawat sulok, mapapansin na ang bawat isa ay may kanya-kanyang mga gawain na nakatalaga sila. Ang iba ay abala sa pag-iihaw ng mga hayop at karne. Ang iba ay naghahanda ng mga tambol at iba pang instrumentong pangmusika. Abala ang iba sa paghuhulma ng mga palayok at ang iba ay naghahabi ng mga tela at iba pang kasuotan.
"Anong ganap ngayon?" pinuntahan niya si Miya na abala sa paghahabi ng isang kasuotan.
"Ipagdidiwang natin ang ika-animnapung taon ni Lolo Mortho bilang Datu," paglalahad ni Miya, "sumama ka, marami musika, sayawan, palaro at pagkain."
"Mueras sa paanyaya, Miya."
"Ako may gagawin din mamaya," hindi magkamayaw sa pananabik ang dalaga. "Hintayin mo."
"Sige, kahit ano para sa'yo."
***
Kinagabihan, nagsimula na ang pagdiriwang nila para sa Datu. Sinimulan ng magpatugtog ng mga tambol, plawta at tamborin ang mga manunugtog na Myongan. Ang iba naman ay nagsasayaw ng mga katutubong sayaw kasama ang kanilang mga kapareha. Ilang baboy-ramo din ang hinuli nila para ihawin. Sabay-sabay na nilantakan ng mga tribo ang lahat ng mga pagkain na nakahain sa isang mahabang hapag.
Kasalukuyang pinagmamasdan ni Aric ang kasiyahan sa paligid. Katabi niya si Miya, Myoris at ang iba pang kabataang Myongan. Sila ay nakaupo sa telang nilatag nila sa buhanginan. Sina Datu Leyro naman ay nakatayo lamang sa isang sulok.
Masaya nilang pinapanood ang mga Myongan na abala sa paglalaro. Si Maoro at Mylka naman ang susunod sa kanila. Tinakpan ni Mylka ng bandana ang mata ng kapatid. Inikot niya ito at inabutan ng kahoy na pamalo. Naglakad siya nang walang nakikita patungo sa nakabitin na palayok. Sinusubukan niyang hatawin ng kanyang pamalo ang gumagalaw na palayok. Sa bawat hataw niya, naghihiyawan ang Tribo, inuudyukan nilang tamaan ng bata ang palayok bago pa ito tuluyang itaas. Walang humpay na humampas ang bata at matagumpay na niyang nabasag ang palayok. Nalaglag sa kanya ang mga ubas, lansones at rambutan na nagsisilbing premyo.
"Magaling Maoro," hiyaw ni Miya.
Sa kasagsagan ng walang humpay na kasayahan, tumindig si Datu Mortho at pansamantalang tumigil ang lahat upang makinig sa kanyang mensahe.
"Ako ay nagpapasalamat sa Inang Kalikasan at sa inyong lahat. Kung wala kayo, hindi ako aabot ng animnapung taon bilang Datu, kaya bilang pagtanaw ng utang na loob sa aking Mahal na Tribo, lahat tayo ay magsasaya buong gabi! Walang matutulog!"
Lalong lumakas ang hiyawan at tawanan sa anunsyo ng Datu.
Maya-maya, paglingon ni Aric, napansin niyang bigla na lamang naglaho si Miya sa kanyang tabi. Kanina pa nakatuon ang pansin niya sa mga naglalaro kaya hindi niya namalayan na umalis na pala ito.
Nagpatugtog ulit ang mga Myongan ng isa pang masayang musika at lumabas si Miya sa sentro ng dalampasigan. Nakasuot siya ng mahabang patadyong na kulay puti sa itaas at luntian sa ibaba. May hawak siyang mga pamaypay na yari sa balahibo ng ibon at sa kanyang ulo nakasuot naman ang palamuting mayroon ding balahibo ng ibon. Pumwesto ang dalawang babaeng Myongan sa magkabilang dulo, bawat isa ay may hawak na isang piraso ng kawayan. Sasayawin ni Miya ang "Sayaw ng Ibong Tikling."
Bumilis ang pagtugtog ng mga Myongan, hudyat na magsisimula na ang sayaw. Sumabay ang dalaga sa himig, nagsasayaw siya habang tinatapik at pinagdidikit ng mga Myongan ang kanilang mga kawayan sa kanyang paanan. Tugma ang mga paa ni Miya sa paggalaw ng kawayan, walang hirap niya itong naiilagan at ni minsan hindi nito naipit ang kanyang mga daliri. Nagpatuloy lamang ang pagtaas at pagtalon ng kanyang mga paa kasabay ng paghawi ng kanyang mga kamay sa mga pamaypay. Sa angking galing ng dalaga, lalo siyang naging kaaya-aya sa lahat ng nanonood.
Hindi maalis ni Aric ang atensyon niya sa dalaga.
"Gusto mo sumayaw kasama Ate Miya?" Paanyaya ni Mylka sa kanya.
"Hindi ako marunong."
"Sige na," hinila siya ni Maoro sa kanyang kinatatayuan. Ayaw pa rin magpatangay ni Aric dahil nahihiya pa rin siya.
"Huwag ng mahiya, Aric," tinulak ni Myoris ang binatilyo at nahila na rin siya sa wakas ng dalawang bata.
Hinatak siya ng mga bata patungo sa pinagsasayawan nila Miya. Napalingon ang dalaga at hindi niya inaasahan na dadalhin doon ng mga bata si Aric, gayunpaman nagpatuloy pa rin siya sa pagsasayaw.
"Kaya mo yan, Aric!" sigaw ni Myoris.
Napilitan na lamang si Aric na makisali sa sayaw. Tinaas niya ng paulit-ulit ang kanyang mga paa ngunit hindi siya marunong at ito ay naipit ng mga kawayan.
Natawa si Miya sa kanya. Tinignan siya ng dalagita at sinenyas niya ang mga mata sa kanyang paa. Sumunod si Aric at pinagmasdan ang pagiging isa ng kanyang binti sa mga kawayan. Ginaya niya ang hakbang ni Miya na higit na mas matulin at siya ay mas naging kampante, hindi nagtagal nagawa na niyang makisabay sa dalaga. Humudyat si Miya na siya ay aalis sa kanyang pwesto at nakuha naman ito ng binatilyo, nagpalit sila ng posisyon. Sa pagbilis ng musika, mas lalo ring bumilis ang kanilang pagsasayaw. Hindi lamang ang kanilang mga paa ang naging kaisa ng kawayan, tila silang dalawang ay naging iisa rin. Noong mga panahong iyon, naramdaman pareho ni Aric at Miya na parang silang dalawa lang ang tao ngayon at ang mundo ang kanilang sayawan.
Natapos ang sayaw at hindi inaakala ni Miya na siya ay mapapatid sa mga kayawan ngunit agad naman siyang sinalo ni Aric. Nagkatagpo ang kanilang mga mata. Halos mawala na sa wisyo ang binata nang masilayan niya ng mas malapitan ang purong turkesang mga mata ni Miya.
"Malehevishta, Miya!" hiyaw ni Myoris na sinundan ng iba pa. "Malehevishta, Aric!"
Itinayo ni Aric si Miya at napalayo sila ng bahagya sa isa't-isa, para bang nagkakahiyaan.
Ang lahat ay naghihiyawan maliban lang kay Datu Mortho at sa mga magulang ng dalaga. Nagkatinginanan lamang si Marcio at Maahan na tila nababalisa. Nararamdaman nila na mayroong namumuong kakaiba sa pagitan ng dalawa at sila ay nababahala. Si Datu Leyro naman ay lumayas na lang sa pagkainis.
***
Natapos ang gabing puno ng saya, nabusog ang binatilyo sa kinain niyang inihaw na baboy at sobra siyang nalibang sa pakikipaglaro at pakikipagsayawan sa Tribo. Ito na yata ang isa sa pinakamaligayang gabi ng kanyang buhay. Wala sa kalingkingan nito ang pamamasyal niya dati sa taberna.
Nahiga si Aric sa kanyang kubo na maraming napapagtanto. Mas lalo na siyang namumulat kung sino talaga ang Tribong Myongan.
Nagkamali ako tungkol sa kanila. Hindi pala sila mga mangmang.
Sa totoo nga mas higit pa sila sa mga sibilisadong taong kilala niya. Mabubuti ang kanilang puso at masasaya silang kasama. Maganda ang kanilang prinsipyo at paniniwala. Mga tao lang rin sila gaya niya na may buhay at may sariling kultura at tradisyon. Mga taong gaya niya ay marunong din makaramdam at masaktan. Higit pa sa lahat, isinasabuhay nila ang pagmamalasakit at pagmamahal sa isa't-isa, isang bagay na bihira niyang makita sa mga Taga-Silangan. Ngayon, nangingibabaw na ang tunay na kulay ng mga Myongan.
Sinubukang matulog ni Aric ngunit sa pagpikit ng kanyang mga mata, nakikita niya pa rin si Miya. Kahit anong pilit niyang alisin sa isip ang dalagita, hindi niya magawa. Palagi niyang nakikini-kinita ang turkesa niyang mga mata at ang maganda niyang mga ngiti. Para siyang isang ilaw na nagbibigay liwanag sa kaibuturan ng kanyang pagkatao.
Hindi maipaliwanag ang pagkahumaling ni Aric sa dalaga. Kahit kailan hindi pa niya naranasan ito sa kahit sinong babae. Wala ng hihigit pa sa kanya. Kahit na si Saraphine o ang babae sa kanyang panaginip.
Mahal ko na ba siya? Tama ba ang lahat ng ito?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro