Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 8: Saraphine

-Palasyo-

Pumasok si Rigo sa pangunahing bulwagan kung saan nakaabang ang Hari sa kanyang trono.

"Rigo, sa wakas, naririto ka na," sa kanyang tono, mukhang nainip siya sa paghihintay sa anak.

"Medyo abala lang ako kanina," hindi mawaglit sa isipan ni Rigo na naantala ang pananamantala niya kay Saraphine dahil dito. "Ano pong sasabihin nyo sa akin?"

"Nakilala mo na ba ang bago nating katulong?"

"Nakita ko na siya," kinumpirma ng Prinsipe, "maaaring siya na ang pinakamagandang babaeng nakita ko."

"Maaaring siya rin ang susunod mong biktima, kaya kita pinatawag para makiusap sayo. Hanggang maaari, layuan mo muna ang dalaga."

"Ano?" napangisi si Rigo na tila nakarinig siya ng isang biro.

"Narinig mo ko, ayokong makikitang lumalapit ka sa kanya," diniretso na siya ng Hari.

"Hindi ito patas, Ama. Wala naman akong gagawin sa kanya. Bakit nyo ba ako pinaparusahan ng ganito? Sinusubukan ko namang magbago."

Napailing si Rucaz sa reaksyon ng anak at siya ay napahawak sa kanyang noo. "Lagi mo namang sinsabi yan. Ilang beses ka na naming pinagtakpan sa mga kalokohan mo. Nagiging mapanuri na ang ating mga nasasakupan. Kapag hindi ka pa nagpakatino at tumigil, posibleng ito pa ang maging dahilan ng pagbagsak natin sa Kapangyarihan. Gusto mo ba iyon?"

Nagtatalo ang isipan ni Rigo ngunit nakuha niya ang pinupunto ng Ama.

"Pakiusap anak, para sa ikabubuti ng lahat, sundin mo na lang ako."

"Masusunod po, Kamahalan," sinambit niya ito sa tonong animo'y isa rin siyang utusan ng Hari. "Mayroon pa po ba kayong hihilingin?"

"Wala na, maaari ka ng lumabas."

Naglakad si Rigo nang padabog palabas ng bulwagan at nahalata ni Rucaz na labag pa rin sa loob ng anak ang kanyang utos.

***

Kinabukasan, sabay-sabay na ginising ni Rhoda ang lahat ng mga katulong sa isang malakas na pagkatok. Nagising si Saraphine sa kanyang kama at ganoon rin si Aling Estrella malapit sa kanya na siyang pinakakasundo niya sa lahat ng kanyang kasamahan.

"Magandang araw, Sara," pagbati ni Estrella.

"Sa inyo rin po, Aling Estrella," napahikab at nag-unat si Saraphine, tinatanggal ang antok sa kanyang katawan.

"Panibagong araw, panibagong pagod na naman, handa ka na bang matalakan ni Rhoda?"

Natawa ang dalaga sa banat ng bagong kaibigan.

"Ano pa nga ba ang magagawa ko kung hindi masanay na lang sa matinis at nakakarindi niyang boses."

Si Estrella naman ang kanyang napatawa sa sinabi, "tama ka, pasok sa kanan at labas na lang sa kaliwang tenga pag nagtatatalak ang bruha. Tiyak marami na naman yun papagawa sa'yo. Hanga nga ako sa'yo. Napakatyaga mo."

"Kung naroroon din naman ako sa puder ng tiyahin ko, wala rin namang pinagkaiba," kahit na hindi maganda ang naging relasyon nila, paminsan-minsan ay sumasagi pa rin sa isip ni Saraphine kung ano na ang lagay ni Uranna.

"Tara na at magsimula na tayo," bumangon sila, hudyat na magsisimula na ang panibagong araw ng paglilingkod.

***

Sinimulan ni Saraphine ang paglalampaso ng sahig sa sala. Sa may balkonahe sa itaas, nakamasid sa kanya si Reyna Helena at Rhoda. Habang nagpupunas, napalingon ang dalaga sa itaas at nakita niyang sa kanya nakabaling ang atensyon ng Reyna. Binati niya ito ng ngiti ngunit pag-ismid at irap lamang ang sinagot sa kanya ni Helena kaya naman nagpatuloy na lang siya sa pagtatrabaho.

"Napakainit talaga ng dugo ko sa babaeng yan!" Halos manggigil na sa pagkainis ang labi ni Helena.

"Dahil bata at maganda siya?" Diniretso siya ni Rhoda.

Lalong nayamot si Helena sa narinig. "Sinasabi mo bang matanda at panget ako?"

"Hindi naman po, Mahal na Reyna. Maging ako naiinis din sa kanya."

"Basta, hindi ko alam, iba talaga ang kutob ko sa kanya. May kakaiba. Pakiramdam ko mayroon siyang binabalak. Kailangan mawala na siya rito sa Palasyo sa lalong madaling panahon."

"Huwag kayong mag-alala, ako na ang bahala, pahihirapan ko siya, Sisiguraduhin kong susuko na lang siya sa dami at hirap ng mga ipapagawa ko sa kanya."

Sa lahat ng lumabas sa bunganga ni Rhoda, dito lang natuwa ang Reyna.

"Magaling, gusto ko yang naisip mo, gagawin nating impyerno ang buhay niya rito sa Palasyo."

***

Maya-maya, nang matapos si Saraphine sa paglalampaso ng malaking espasyo ng sala, nilapitan siya ni Rhoda.

"Halika rito, marami akong ipapagawa sa'yo."

Kung dati ang ginagawa ni Saraphine ay maglampaso ng sala, magpunas ng plorera, maglaba at magpakain ng mga ibon, ngayon dinoble pa ni Rhoda ang kanyang trabaho. Pinag-ayos siya ng mga kasangkapan sa kusina, pinag-abot ng mga agiw sa bakanteng silid at pinaghanda ng tubig at mga kagamitan para sa pampaligo ng Reyna.

"Ako rin po ba ang magkukuskos sa Reyna?" may pag-uuyam na tinanong ni Saraphine  matapos niyang asikasuhin ang tubig pampaligo.

"Gusto mo bang mapaalis dito ng maaga? Isa lang ang may karapatang magkuskos sa mamahalin at mala-porselanang balat ng Reyna at iyon ay walang iba kundi ako, ngayon umalis ka na at gawin mo pa yung iba kong utos."

Pagkatalikod niya, napairap si Saraphine sa matandang katiwala. Nagtitimpi na lamang siya sa ginagawang pagtataray nito sa kanya.

***

Sa mga sumunod na araw muling dinoble ni Rhoda ang gawain ni Saraphine, sa pagkakataong ito iba naman ang pinagawa niya. Nagpatuloy ang ganitong sistema. Pinahihirapan nila sa dami ng gawain si Saraphine ngunit palagi niya itong natatapos, napapagod man ang kanyang katawan. Nagugulat na lamang si Rhoda at hindi nila natitinag at napapasuko ang dalagita, ano man ang gawaing ibigay nila rito. Kahit na tinambakan na nila ang trabaho ni Saraphine, nagagawa pa rin niya ito ng angkop sa oras at hindi sila nagtatagumpay sa pagpapahirap sa kanya. Pursigido talaga ang dalagita na magtagal sa trabaho.

Sige lang, sagarin nyo ko sa trabaho, wala akong pakialam. Napapagod ang katawan ko, pero hindi ako mapapagod na ipaghiganti si Ate Pinang.

Nang makita niyang hindi gumagana ang kanilang plano at nananatili pa ring matatag si Saraphine, lalong umusok ang ilong ni Helena sa inis.

"Rhoda, anong nangyari? Akala ko ba pahihirapan mo si Sara? Bakit hanggang ngayon naririto pa siya?

Hindi na alam ni Rhoda kung ano ang isasagot niya, maging siya ay problemado na rin. "Ginagawa ko naman po, dinoble ko na po lahat ng gawain niya pero sanay talaga siya sa gawaing bahay."

"Pwes, triplehin mo pa! Dapat mapaalis na natin ang hampaslupang yan bago pa niya maisakatapuran kung ano namang kalokohan ang binabalak niya."

"Sige po, mas pahihirapan ko pa siya. Hindi ko po alam kung ano ang mayroon sa batang yan, parang hindi bumibigay ang katawan sa trabaho. Kahit yata hindi matulog yan pwede sa kanya."

Isang ideya ang biglang nabuo sa isipan ni Helena sa pahayag ni Rhoda.

"Sisimulan ko na po."

"Huwag na muna," sumigla ang aura ni Helena na ipinagtaka ni Rhoda, "may naisip na kong paraan kung paano natin siya mapapalayas dito sa Palasyo."

***

Ilang araw na siya sa Palasyo ngunit hanggang ngayon ay nakikiramdam pa rin si Saraphine, naghahanap siya ng tamang tyempo kung kailan niya sisimulan ang kanyang plano.

Para ako ay magtagumpay kailangan kong makabisado ang pasikot-sikot dito, ang bawat silid, ang bawat bulwagan, lahat. Pagkatapos, pag gamay ko na ang lugar tsaka ko sila hahanapan ng ebidensya. Sa oras na magawa ko yun, hindi na ako mag-aaksaya ng panahon at sisingilin ko na kung sino man sa inyo ang hayop na lumapastangan kay Ate Pinang.

Nagiging malaking balakid sa akin ang malditang Reyna pero pasalamat siya at hindi siya ang hangad ko. 'Prinsipe' ang sinabi ni Ate Pinang. Isa sa dalawang Prinsipe ang pumatay sa kanya at dapat malaman ko na kung sino.

Naalala niya ang ginawang panghihipo sa kanya ni Rigo nitong nakaraan.

Uunahin kong imbestigahan si Rigo, pero paano? Hindi ko na siya makita mula nung araw na iyon, mas madalas ko pang makasalubong si Rionne. Dapat mapasok ko ang silid niya ng walang nakakaalam.

Sinisimulan na ni Saraphine ang paglilibot sa pasilyo nang siya ay mamataan ni Rhoda. "Hoy ikaw!"

Muntik nang atakihin sa puso si Saraphine sa pagkagulat, kay lakas ba naman ng matinis na boses ng katiwala.

"Anong ginagala-gala mo rito?"

"Naninigurado lang po ako at baka may kailangan pang gawin dito," mabilis na nakaisip ng dahilan ang dalaga.

"Tigilan mo na yan at ipinapatawag ka ng Reyna."

"Bakit po? May nagawa po ba akong mali?"

"Huwag ng maraming tanong, sumama ka na lang," may pagkairita siyang minandohan ni Rhoda.

Pagkarating nila sa may balkonahe, nakaabang na roon kay Saraphine si Helena, nakaupo siya sa may mesa at maraming nakahandang inumin at pagkain.

"Pinapatawag nyo po ako, Kamahalan?" maamo pa sa tupa ang boses ni Saraphine.

"Maupo ka, samahan mo kong kumain," sinabayan ni Helena si Saraphine sa pagkakalmado.

Natigilan si Saraphine. Hindi niya ito inaasahan. Ngayon lamang niya nakitang ganito ang Reyna at siya ay nagtataka at napapaisip.

"Hindi mo ba ako narinig?" wala pa ring bahid ng pagkayamot sa kanyang tanong.

Napaupo na lang bigla si Saraphine sa kabilang silya sa may harap ng Reyna.

"Kumain ka, pinahanda ko ang lahat ng yan para sa'yo."

"Bakit po?"

"Sabihin na lang natin na ito ang paraan ko para batiin ka ng maligayang pagdating dito sa Palasyo. Hindi naging maganda ang simula natin, akala ko magiging problema ka, pero pinatunayan mong nagkamali ako. Isa kang masipag at maaasahang lingkod sa Palasyo. Tama nga ang Hari na tanggapin ka."

"Maraming salamat po, isa pong karangalan ang manilbihan sa inyo."

Sa unang pagkakataon, ngumiti ang Reyna sa dalaga, "mukhang ayos na ang lahat sa atin, magkwento ka naman tungkol sa'yo."

"Ano po?"

"Kwentuhan mo ako tungkol sa buhay mo, sino ang mga magulang mo? Saan ka lumaki? Ikaw na ang bahala."

"Mahal na Reyna...hindi po kasi ako...mahirap pa po sa akin na ikwento ang ibang pangyayari sa buhay ko.

Duda si Saraphine sa inaasta ni Helena, maaaring isang malaking patibong lang ang lahat. Naisip niya na baka nais lang siyang hulihin ng Reyna kung sakaling may butas ang kanyang kwento. Wala pa rin siyang tiwala sa kanya.

"Subukan mo ko, siguro naman hindi masama na alamin ng Reyna ang buhay ng isa sa kanyang mga Tagapaglingkod."

"Hindi ko po alam saan magsisimula," nag-aalangan pa rin ang dalaga.

"Simulan natin sa itsura mo, bakit nga ba nakakahumaling ang taglay mong kagandahan? Natatangi ka kumpara sa lahat ng babaeng nakita ko."

"Siguro po namana ko sa Ama kong Cenpyero," kung magkukwento lang rin siya, mabuti nang panindigan niya ang bersyong nilahad niya kay Rucaz nang sa ganoon, maging tugma ang lahat.

"Cenpyero ang tatay mo?" Nagpanggap na masigasig at ganado si Helena sa kanyang pagtatanong.

"Opo, dito siya nanirahan sa Silangan hanggang sa makilala niya ang aking Ina."

"Cenpyero sa Silangan, hindi yun karaniwan," nagsimulang maghanap ng butas si Helena, "alam ko pag nag-iibang lupain ang mga Taga Cenpyre, sa Kontinente ng Kanluran sila nagtutungo. Naging mailap na sa isa't-isa ang Cenpyre at Silangan mula nang magkaroon ng hidwaan sina Emperador Cresento at ang Ama ng aking asawa na si Haring Romando. Ang tanging Cenpyerong kilala ko lang ay ang panday na si Rito."

"Siguro po nais lang ng aking Ama na makaranas na tumira sa isang tahimik na lupain. Magulo na po kasi sa Cenpyre at Kanluran ngayon."

"Sa bagay tama ka, tahimik naman na talaga dito sa Silangan mula noong magtago na sa kanilang pugad ang Tribong Myongan. Huwag kang mag-alala at malilipol rin sila ng Hari, malapit na. Balik tayo sa mga magulang mo. Cenpyero ang iyong Ama at tubong Silangan ang iyong Ina, tama ba?"

"Opo."

"Kamusta naman sila ngayon?" Nagkunwari ulit ang Reyna na interesado siya sa buhay ng dalaga.

"Patay na po sila," hindi pagpapanggap ang lungkot sa tinig ni Saraphine sa pagkakataong ito. "Bata pa lang ako nung ako ay naulila."

"Paumanhin, anong kinamatay nila?"

Bumalik sa gunita ni Saraphine ang gabing tuluyan siyang nahiwalay sa kanyang pamilya. "Isang aksidente po, ayoko na po munang pag-usapan."

"Nauunawaan ko, hindi madaling pag-usapan ang mga ganitong bagay. Kung maaga silang nawala, sino ang nagpalaki sa'yo?"

"Ang tiyahin ko po, na kapatid ng aking Ina."

"Mukhang napalaki ka niya ng maayos."

"Kung ganoon nga lang po sana."

"Bakit mo naman nasabi yan?"

"Hindi po maganda ang pakikitungo niya sakin. Ginawa niya kong alila at lagi niyang pinamumukha sa akin kung gaano kalaki ang utang na loob ko sa kanya."

"Talaga? Hindi naman yata tama na ganoon ang trato niya sa'yo."

Sa totoo lang, halos magkapareho nga kayo.

"Nagtrabaho po ako dito sa Palasyo para patunayan sa kanya na kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa, na hindi ko siya kailangan."

Sinabi ito ni Saraphine nang may sinseridad sa kanyang mata at ekspresyon, lahat ng makakarinig sa kanya ay mapapaniwala.

"Tama ang naging pasya mo. Maraming salamat at nakapag-usap tayo, ngayon mas nakilala na kita. Kumain ka na."

Inalok ng Reyna ang malaking mamon na may maliliit na prutas sa loob. Habang kumakain si Saraphine, nilagyan ni Helena ng alak ang tasa. "Inumin mo, iyan ang pinakamasarap na alak dito sa Silangan."

Nilapit ng Reyna ang kanyang tasa. Tumagay ang dalawa at sabay na ininom ang alak, pinagmasdan ni Helena nang may mapanlasong tingin si Saraphine habang iniinom niya ang alak.

***

Pagkatapos kumain ni Saraphine, nagpatuloy siya sa kanyang mga gawain, nagtungo siya sa may bakuran papalapit sa hawla dala-dala ang pagkain ng mga ibon. Mainit ngayon at tirik na tirik ang sikat ng araw.

"Pagkatapos nito...isasagawa ko na ang plano ko."

Pagkabukas ng pinto ng hawla, bigla na lamang nakaramdam ng matinding hilo ang dalaga, nagsimulang umikot at nadoble ang kanyang paningin. Nagpasuray-suray siya at tila mabilis na umiikot ang buong mundo sa kanyang paningin. Naibagsak niya ang lalagyan ng pagkain at hindi nagtagal siya na mismo ang bumagsak sa ibaba bago pa siya makapasok sa loob ng hawla. Tuluyan nang nilamon ng dilim ang kanyang kamalayan.

Naiwan niyang bukas ang hawla at nagsimulang mag-silabasan ang mga ibon patungo sa kanilang kalayaan.

Naglalakad si Prinsipe Rionne sa may bakuran nang siya ay mabulagta sa dami ng ibon na lumilipad sa kanyang dinaraanan. Mga ibong malulusog at iba-iba ang kulay.

"Puta," napamura ang Prinsipe sa kanyang nasaksihan, alam niyang ito ang mga alagang ibon ni Reyna Helena.

Napalingon siya sa may hawla at nakita niya itong nakabukas. Nasilayan niya rin si Saraphine malapit sa hawla na walang malay at nakahandusay sa sahig. Nakadapo pa sa kanya ang iba pang mga ibon.

Agad na nagtungo malapit sa may hawla si Rionne, sinara niya ang pinto nang sa ganoon ay hindi na makalabas ang mga naliligalig na ibon.

Nilapitan niya ang dalaga at siniyasat niya kung may sugat ba siya at kung inatake ba siya ng mga ibon ngunit wala naman siyang nakita ni galos sa kanya.

"Sara? Sara?" Nananatiling walang malay ang dalaga kahit na tinapik na niya ito ng dahan-dahan sa kanyang malambot na pisngi.

Kinarga ni Rionne si Saraphine patungo sa silid nito.

"Ano pong nangyari kay Sara?" Laking gulat ni Estrella.

"Di ko alam basta natagpuan ko na lang siyang nakahandusay sa may bakuran," saad ni Rionne, hiniga nila nang maingat si Saraphine sa kanyang kama.

"Sandali lang po, kukuha ako ng bimpo at mainit na tubig," natatarantang nagmadali si Estrella.

Pagbalik niya, pinunasan niya ng maligamgam na tubig ang walang malay na dalagita. Hindi nagtagal nagkamalay na si Saraphine at pagkadilat niya nasilayan niya si Rionne na nag-aalalang nakatitig sa kanya.

"Prinsipe Rionne," napamasid siya sa paligid at napagtanto niyang siya ay nakahiga sa may kama, "ano pong ginagawa ko rito?"

"Nawalan ka ng malay," tugon ni Rionne, "Hindi mo ba natatandaan ano ang nangyari?"

"Ang natatandaan ko lang magpapakain ako ng mga ibon, bigla na lang ako nahilo tapos blangko na ang lahat," medyo matamlay pa rin ngayon ang dalaga.

"Kailangan mong magpahinga."

"Tama si Prinsipe Rionne, mahiga ka na muna," dagdag ni Estrella. "Pasalamat ka at nandun siya. Baka kung ano na ang nangyari sa'yo kung walang nakakita."

"Maraming salamat po, Mahal na Prinsipe, dalawang beses nyo ng sinagip ang buhay ko."

"Wala yun, ang mahalaga ay maayos ka na."

Napangiti sa kanya ang Prinsipe at ganoon na rin ang dalaga sa kanya.

Hindi dapat mapalagay ang loob ko sa kanya. Isa pa rin siya sa pinaghihinalaan kong may kagagawan sa pagkamatay ni Ate.

"Sara! Sara!" Malayo pa lang maririnig na ang bunganga ni Rhoda at naantala ang lahat sa pagdating niya.

Bahagyang natigilan si Rhoda nang makitang magkasama si Saraphine at Prinsipe Rionne.

"Nandito ka lang pala! Anong ginawa mo sa mga alaga ng Reyna? Hindi ito palalagpasin ni Reyna Helena, pinapatawag ka na ngayon para magpaliwanag! Lagot ka ngayon!"

"Teka lang Rhoda," pagsabat ni Rionne, "hindi mo ba nakikita na nagpapahinga pa si Sara?"

"Paumanhin, Prinsipe Rigo, pero ang Hari ang nagpapatawag sa kanya."

"Pupunta na po ako," saad ni Saraphine.

"Sigurado kang kaya mo na?"

"Maayos na po ako."

"Samahan na kita," inalalayan ni Rionne ang dalaga na bumangon mula sa kama.

***

Pagkarating sa Pangunahing Bulwagan, bumulong agad si Rhoda sa Reyna. Naroroon na ang Hari at nang makita niyang nakarating na maging si Saraphine at Rionne, inalam na niya ang lahat. "Anong nangyayari dito?"

Inunahan ni Helena si Saraphine sa paglapit sa Hari.

"Bakit di mo tanungin ang hampaslupang yan? Porket sinabi ko lang na masipag at maaasahan siya umabuso na! Alam mo ba ano ang ginawa niya? Pinabayaan niya ang kanyang tungkulin, iniwan niyang bukas ang pintuan ng mga hawla at nakawala ang kalahati sa mga ibon ko! Natagpuan siya ni Rhoda sa kanyang silid, nagpapahinga at kalandian yang kapatid mo!"

"Sara, totoo ba yun?" usisa ni Rucaz sa dalaga.

"Kamahalan, hindi po ako nagpabaya sa tungkulin ko, papakainin ko na po ang mga ibon nang bigla na lamang akong nahilo at nawalan ng malay. Hindi ko po sinasadya na makawala ang mga ibon."

"Nagsasabi ng totoo si Sara," pinagtanggol siya ni Rionne, "nakita ko siyang walang malay malapit sa may hawla at tinulungan ko lamang siya."

"Huwag kang sumabat dito, hindi ka kasali!" Ang Prinsipe naman ang pinagdiskitahan ng Reyna.

"Ano man ang mangyari, damay na ko rito," nanindigan sa kanya si Rionne.

"Tumahimik kayong dalawa," sinaway sila ng Hari baka muling ituon ang pansin sa dalaga. "Sara, sinabi mo na ikaw ay nahilo at nahimatay? Alam mo ba kung bakit?"

"Hindi po, Kamahalan. Mabilis po ang mga pangyayari."

"Tambakan ba naman siya ng trabaho ni Rhoda, talagang mapapagod siya," paglalahad ni Rionne.

Walang malay si Rucaz sa ginagawa nilang pagpapahirap kay Saraphine kung hindi pa nabanggit ni Rionne. "Rhoda? Anong ibig sabihin nito?"

Kinabahan ang katiwala nang siya na ang usisain ng Hari, "paumanhin po, Kamahalan. Marami po kasing trabaho nitong mga nakaraan."

"Pambihira ka naman, ang sabi ko marami siyang alam na gawain, hindi ko sinabing ipagawa mo sa kanyang ang lahat ng sabay-sabay."

"Patawad po," nawala ang taray ni Rhoda sa presensiya ng Hari.

"Mukhang tama nga ang hinala ni Rionne," saad niya kay Saraphine. "Baka napagod na ang katawan mo sa sobrang pagtatrabaho, dapat siguro ay magpahinga ka muna ng ilang araw, pagkatapos babawasan ko ang trabaho mo."

Hindi makapaniwala si Helena sa desisyon ng asawa at halos bumaba na ang panga niya sa pagkagulat.

"Ano? Yun lang ang gagawin mo? Nawala ang mga ibon ko ng dahil sa kanya, alam ba niya kung magkano ang katumbas nun? Higit pa sa buhay niya. Ang gusto ko palayasin mo siya sa Palasyo bilang kabayaran sa kanyang kapabayaan!"

"Helena, malinaw na hindi siya nagpabaya, nasagad lang siya sa dami ng trabaho. Huwag kang mag-alala sa mga nawala mong ibon, kayang-kaya ko palitan ang mga yan ngayon rin."

Nag-isip pa ng ibang palusot si Helena. "Nahimatay siya, ibig sabihin di niya kaya ang mga trabaho dito sa Palasyo. Hindi pa ba sapat na dahilan yun para paalisin siya dito?"

"Walang aalis ng Palasyo at hindi na mababago ang aking pasya," istriktong inulit ng Hari.

"Magsama kayong lahat!" Nilayasan sila ng Reyna sa galit nang malaman niyang wala na siyang magagawa.

"Pagpasensyahan mo na siya, baka nadala lang sa nangyari sa mg alaga niya, ayos ka lang ba?" Gaya ni Rionne, nag-alala rin ang Hari sa lagay niya. "Nais mo bang ipatawag ko ang mga manggagamot para mapatignan ka?"

"Ayos na po ako," paninigurado ni Saraphine, "maraming salamat po sa konsiderasyon."

***

Pagsapit ng hapon, nagkulong si Helena sa silid sa inis niya kay Saraphine at sa Hari. Naalala niya ang ginawa niya bago pa man dumating si Saraphine sa balkonahe. Kumuha siya ng isang maliit na bote na naglalaman ng likidong pampahilo at antok, pinatakan niya ng isang patak ang bote ng alak na siya namang sinalin niya sa may tasa at pinainom sa dalaga.

Nanggalaiti si Helena. Hindi niya akalain na papalpak ang kanyang planong ipahiya at patalsikin si Saraphine sa Palasyo. Sa kanyang ginawa, binawasan pa ni Rucaz ang gawain nito at nawalan pa siya ng mga pinakamamahal niyang alaga.

Hindi nagtagal, pumasok ang Hari. "Galit ka pa ba sakin?"

"Paanong hindi ako magagalit, simpleng hiling ko lang hindi mo ako mapagbigyan."

"Huwag kang mag-alala, babawi ako sa'yo. Kung ilan ang nawala sa mga alaga mong ibon, dodoblehin ko ang balik."

Pumwesto ang kamay ng Hari sa baywang ng Reyna at hinimas niya ito. Hinagkan niya ng dahan-dahan sa leeg si Helena at nagustuhan niya ito. Napapikit ang Reyna na tila nasasarapan. Para bang nakamot na ang nangangati sa kanyang katawan.

"Sa ibang ibon ako natatakam ngayon."

Si Helena naman ang umaksyon. Hinipo niya ang ari ni Rucaz. Nasarapan ang Hari, hindi niya namalayang lumuhod na pala ang Reyna at naroroon na ang bibig niya. Hindi pa nagtatagal, nagpasabog na siya sa lalamunan ni Helena. Hinatak siya ni Rucaz sa kama at sila ay nagtalik nang walang kasing tindi halos masira na ang kanilang malaking kama.

Natapos ang dalawa na naghahabol ng kanilang mga paghinga.

"Grabe, pinabilib mo ko, ngayon ko lang ulit naranasan sa'yo ang ganung kalakas na pwersa."

"Syempre. Alam mo namang mahal na mahal kita, Helena," saad ni Rucaz habang pinupupog ng halik ang dibdib ng asawa, "ikaw lang ang Reyna ko."

Napangiti si Helena sa kanya ngunit pagtalikod niya siya ay sumimangot at napaisip.

"Bakit iba ang pag-arangkada ni Rucaz sa akin ngayon? Iniisip ba niya ang babaeng iyon habang nagtatalik kami? Matandang kuluban na ang asawa ko. Ginalingan niya ngayon pero hindi hamak na mas magaling pa rin sa kanya si..."

***

Pagkalipas ng ilang sandali, lumabas si Helena ng kanyang silid at nagkasalubong sila ni Prinsipe Rigo sa pasilyo.

"Rigo, bibihira na kitang makitang lumabas ng iyong silid, may problema ba?"

"Umiiwas lang ako dun sa bagong katulong. Ito naman ang gusto ni Ama, ang magkulong na lang ako sa silid," paliwanag niya. "Nakakainis na."

"Nauunawaan kita, maging ako ay nahihirapan ng timplahin ang iyong Ama mula ng dumating ang babaeng yun dito sa puder natin. Basta lagi mong tatandaan, kahit hindi ka maunawaan ni Rucaz, lagi kang may kakampi sa akin."

Nilagay niya ang kanyang palad sa balikat ng Prinsipe.

"Maraming salamat, dahil nandito ka." Mula noong pagkabata niya, si Helena na ang tumayong ina sa kanya kaya naman malapit siya sa Reyna.

"Huwag ka ng magpa-apekto," payo ni Helena, "alam ko na kung ano ang makakapagpasaya sa'yo."

Isang kakaibang ngiti ang pumorma sa labi ni Rigo, hinawakan siya ni Helena sa kamay at hinatak siya nito papasok sa kanyang silid.

***

Kinagabihan, patulog na ang karamihan sa mga lingkod bukod lang kay Saraphine at Estrella na abala sa pag-uusap.

"Buti naman at hindi ka napaalis, akala ko pagkatapos kang ipatawag, diretso layas ka na."

Kumpiyansa pa rin si Saraphine na magtatagal siya sa Palasyo.

"Hindi yun basta magagawa ng Reyna hanggang nandito si Haring Rucaz, isa pa, sinamahan ako ni Prinsipe Rionne, pinagtanggol niya ko."

"Napakaswerte mo talaga, Sara, biruin mo pinagtanggol ka ng Prinsipe. Tagapagligtas mo talaga siya. Alam mo ba ang ibig sabihin nun?"

"Mabait siya?" hula niya.

"Hindi, sa tingin ko gusto ka niya," biro sa kanya ni Estrella.

"Ano? Aling Estrella naman, nagmamalasakit lang yung tao. Huwag nyong bigyan ng malisya."

"Nakita ko kung paano siya tumingin sa'yo, malalantik, nangungusap ang mga mata. Hindi mo ba nakikita? Kapag nagkatuluyan kayo magiging Prinsesa ka na, hindi ka na maninilbihan dito, ikaw na ang pagsisilbihan."

Prinsesa naman talaga ako...noon. Walang dapat makaalam. Malungkot mang isipin ngunit wala na rin naman ako babalikan sa Cenpyre, hindi na maibabalik ang dati kong buhay at mananatili na lamang isang pangarap ang paghahangad kong mamuhay ulit bilang isang Prinsesa.

"Wala sa isip ko yun at isa pa nadala na ako. Hindi na ko basta magtitiwala sa mga lalaki."

"Bakit naman?" naguluhan ang kasamahan sa sagot niya.

"May mga dahilan ako."

Una, naloko na ako ng isang lalaki, pangalawa tingin nila sa aming mga babae ay isa lamang gamit na kaya nilang gamitin at paglaruan.

"Siya, sige na nga at matulog na tayo. Kanina ka lang nahimatay at baka mabinat ka pa."

"Palaisipan pa rin sa akin bakit ako nawalan ng malay kanina, busog naman ako, katatapos ko lang mananghalian kasama ang...Reyna..."

Natigilan si Saraphine na para bang mayroon siyang napagtanto.

"Ewan ko rin, basta matutulog na ko."

Natulog na si Estrella habang si Saraphine ay napapaisip pa rin. Naalala niya na binigyan siya ni Helena ng isang tasa ng alak, napagtagpi-tagpi niya ang mga kaganapan. Pagkatapos niyang uminom, tsaka lamang siya nahilo at nawalan ng malay. Nagiging malinaw na sa kanya ang lahat. Maaaring may nilagay na gamot pampatulog ang Reyna sa kanyang mga pagkain at inumin na naging dahilan kung bakit siya nahilo at nahimatay.

Walanghiya ka, Helena. Alam kong may kinalaman ka sa nangyari sa akin kanina. Hindi sana kita papatulan pero sinasagad mo ko. Palalagpasin ko ang ginawa mo sa akin ngayon ngunit sa susunod na kantiin mo ako, mahahanap mo ang katapat mo. Kung gusto mong makipaglaro ng sasksakang patalikod sa akin, sasabayan kita at sisiguraduhin kong sa huli, ikaw ang matatalo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro