Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 8: Miya

Nagawa niya.

Nagawa niyang makipagbuno sa Buktot. Nagawa niyang maisahan ang halimaw at maibaon ang sibat sa galugod. Nagawa niyang pahiyawin ang halimaw sa pamimilipit, paguhuin ito sa kanyang kanyang bigat at tapusin ang paghahasik nito ng lagim.

Bumulwak ang dugo mula sa kanyang nakabukang bunganga. Pumikit ang nag-iisa nitong mata at tuluyang tumigil sa paggalaw.

Patay na ang halimaw.

Nakita ito lahat ni Miya at ng buong tribo at silang lahat ay di makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari. Walang makakurap sa mga Myongan, inaakala nilang sa oras na gumalaw sila, muling sumunggab nang pasorpresa ang halimaw at kainin sila. Mahirap paniwalaan na patay na talaga ito.

Namataan ng dalaga na bumangon si Aric mula sa damuhan, pagod na pagod sa paghahabol ng kanyang hininga at nahihirapan sa sugat na tinamo.

Sa sobrang pagkabigla ng lahat, wala ng nakapansin sa kanyang lagay bukod lang kay Miya.

Napapikit si Aric at bigla na lamang bumagsak sa damuhan. Agad siyang nilapitan ni Miya at sinandal sa kanyang kandungan. Pawis na pawis ang binatilyo at namumutla ito. Sa kanyang katawan, tumutulo ang dugo mula sa kalmot ng halimaw at sa braso naman niya ay namamaga ang nagnanana niyang pantal. Nang mga sandaling iyon, napuno ng habag ang dalagita sa kalagayan ng dayo.

"Nasaktan siya," tinawag ni Miya ang pansin ng mga Katribo.

"Tulungan siya! Bilis!" Utos ni Mortho nang siya ay mahimasmasan.

Nagtulong-tulong si Marcio at ang iba pang mga kalalakihan at dahan-dahan nilang tinaas at kinarga ang binatilyo.

"Ama, ano na ang gagawin natin ngayon?" tanong ni Maahan.

Muling napalingon si Datu Mortho sa halimaw na lubhang nakapaminsala sa kanilang lahat at ngayon ay isa na lamang bangkay.

"Patay na ang Buktot at uuwi na tayo."

***

Tinahak nila ang daan pauwi sa kanilang dating tahanan sa may dalampasigan. Nagtulong-tulong ang kalalakihan sa pagbuhat ng kanilang mga kubo at tolda, ang mga kababaihan naman sa kanilang mga ibang kagamitan at pagkain habang ang ibang kalalakihan ay nakaalalay kay Aric.

Pagkarating nila sa dalampasigan, bumati kay Miya ang puti at pinong buhangin at ang purong asul na katubigan. Kalmado silang binati ng alon at nadama nila ang preskong simoy ng hangin. Sa kabila ng nangyaring paglindol noon na muntik na nilang ikapahamak, tahanan pa rin ang turing dito ni Miya at nagagalak siyang nakabalik na sila.

Tinayo nila ang kani-kanilang kubo sa mababaw na tubigan ng dalampasigan gaya ng kanilang nakasanayan.

Dinala naman ng mga lalaki si Aric sa isa sa mga kubo at doon siya hiniga.

"Ako na ang bahalang tumingin sa kanya," sinigurado ni Myam-Gaam-Ot sa kanila.

Pinagmasdan ni Miya at Datu Mortho ang walang malay na binatilyo.

"Niligtas ka niya," saad ni Datu Mortho.

"Hindi lang ako," pagtatama ni Miya. "Tayong lahat."

"Tama ka. Hindi ko akalain na sa dinami-rami ng mga tao natin, siya pa ang magliligtas sa atin. Siya pa na ating bihag."

Naramdaman ni Miya na inuusig ng kanyang konsensya ang Datu.

***

Nagtungo si Miya, ang kanyang mga magulang at ang kaibigan niyang si Myoris sa may buhanginan. Ngayon lang ulit nila naramdaman ang lambot ng buhanginan sa kanilang katawan, taliwas sa magaspang na damuhan ng kagubatan.

"Maraming salamat at natapos na ang ating mga suliranin," masayang sambit ni Marcio. "Sa wakas at nakauwi na rin tayo."

"Salamat kay Miya," niyakap ni Myoris ang kaibigan.

"Wala akong ginawa, si Aric ang dapat nyong pasalamatan, siya ang nagsagip sa atin."

"Pero hindi niya maibabaon ang sibat kung hindi mo naitusok sa likod ng Buktot, kumbaga may parte ka pa rin."

"Siguro nga, totoo naman."

"Kayo ang tumapos sa halimaw," papuri ni Maahan. "Humahanga kami sa tapang mo."

"Ganoon rin sa tapang na ipinamalas ni Aric kanina, biruin nyo, para bang pinadala siya rito ng tadhana para iligtas tayo sa halimaw. Hindi mo naman masasabing nagkataon lang yun."

"Maging ako napahanga niya kanina," sumang-ayon si Miya sa kaibigan. "Ngayon ko lang nakita kung gaano katapang siya. Pagkatapos natin siyang bihagin, nagawa pa rin niya tayong tulungan. Sana lang ay maging maayos na siya ng makapagpasalamat ako sa pagsagip niya sa atin."

"Huwag kang mag-alala, si Myam-Gaam-Ot na ang bahala sa dayo," tugon ni Marcio. "Ang mahalaga ngayon wala ng manggugulo sa atin."

"Wala na nga ba?"

Namataan nilang akay-akay ng mga Tribong Leon si Datu Leyro na nawalan din ng malay sa paghambalos ng Buktot.

***

Nagising ang batang Datu at nakita niya si Miya at Datu Mortho na nakaabang sa kanya sa loob ng kubo.

"Anong ginagawa ko rito?" pagtataka ni Leyro. "Bakit kayo lahat nakatingin sa akin?"

"Nawalan ka ng malay nung nilusob mo ang halimaw," sagot ni Datu Mortho.

"Bwiset na halimaw yun, muntik na kong mapuruhan, sa susunod talagang tatapusin ko na siya."

"Huli ka na, patay na ang Buktot," binunyag ni Miya.

"Patay na?" napaisip ang Datu sa nalaman. "Napatay ba namin siya?"

"Hindi," giit ng Datu, "ang dayo ang nakapaslang sa kanya."

"Imposible! Paano niya napuruhan ang Bukrot?"

Napaikot ang mata ni Miya sa pagkaasar. "Hindi tulad mo, pinuntirya niya ang halimaw sa galugod at hindi siya nagpakitang-gilas lamang. Sabi mo ikaw ang lilipol sa halimaw, tignan mo ang nangyari sa'yo ngayon. Sa susunod kasi matuto kang makinig at huwag puro yabang ang pairalin mo."

Hindi nagustuhan ni Leyro ang sinabi ng dalagita. "Tinulungan na nga namin kayo tapos ganyan pa ang ibubungad mo sa akin?"

"Bakit hindi ba totoo ang sinabi ko?" bwelta sa kanya ni Miya.

"Tumigil na kayong dalawa, walang maitutulong ang pagbabangayan nyo," mahinahon silang sinaway ng Datu.

"Nasaan ang dayo?" Iniba na lang ni Leyro ang usapan.

"Nagpapagaling, nawalan siya ng malamay matapos kalabanin ang Buktot."

"Wala pa rin ako tiwala sa dayo. Dapat pag-isipan na natin kung ano ang gagawin natin sa kanya sa oras na magising siya."

Muli na namang nainis si Miya sa banat ni Leyro. "Ang dayong sinasabi mo ang nagligtas sa ating lahat. Wala kang gagawin sa kanya."

"Sang-ayon ako kay Miya, may utang na loob tayong lahat sa Dayo at marunong akong tumanaw. Hindi ko pa rin tiyak kung ano ang intensyon niya at kung ano ang magiging desisyon ko, sa ngayon wala tayong gagawin kundi bigyan siya ng lunas at hayaan na ang Inang Kalikasan ang humusga at magpasya."

***

Kinagabihan, matapos puntahan si Leyro, si Aric naman ang sunod na dinalaw ng maglolo. Kasalukuyang ginagamot ng matanda ang kanyang mga sugat gamit ang mga halamang erbal na nilagay niya sa kanyang katawan.

"Kamusta na siya?" usisa ng Datu.

"Hindi pa rin siya nagigising. Bukod sa mga sugat na tinamo niya, sobrang taas din ng lagnat niya. May nakita akong pamamaga sa isang braso, may pantal na nagnanana. Malamang ay nakagat siya ng isang insekto. Hindi ko lang matiyak kung ano."

Bumalik sa gunita ni Miya ang usapan nila ni Aric, natandaan niyang naitanong niya kung ano ang kumagat sa braso nito.

"Gagamba, nakagat siya ng gagamba."

"Paano mo nalaman yun?" pagtataka ng Datu.

"Nalaman ko nung sinabi niya sa akin," nahihiyang nilahad ni Miya, "pasensya na po at di ko nasabi sa inyo na nagkakausap kami."

Hindi naman siya pinagsabihan ng Datu sapagkat tapos na naman ito.

"Naaalala mo ba kung anong gagamba ang kumagat sa kanya?" tanong ni Myam-Gaam-Ot.

"Hindi niya nabanggit kung anong klaseng gagamba."

"Huwag naman sana..." may pag-aalala sa tono ng manggagamot.

"Ano po yun?"

"Kung tama hinila ko, nakagat siya ng higanteng pulang gagamba. Lubhang nakakalason ang kagat nito, sinasabing pinupuntirya ng kamandag nito ang utak ng biktima. Kapag hindi naagapan, maaari niya itong ikamatay."

Nabahala si Miya at ang kanyang Lolo, hindi nila alam na ganitong kaseryoso pala ang lagay ng binata.

"Gamutin mo siya bago pa lumala ang lason," masigasig na pinag-utos ni Mortho.

"Gagawin ko kaso wala sakin ang lunas sa lason. Kaya ko lamang langgasan ang mga sugat niya para guminhawa siya kahit papaano."

"Ano ang lunas?"

"Kailangan natin ng katas mula sa ugat ng Asul na Rosas. Kapag nilanggas ko ito sa kagat niya, maaari pa nating maagapan ang lason bago pa ito kumalat sa katawan niya. Matatagpuan ito sa kagubatan, karaniwang tumutubo sa mga mamasa-masang lugar."

"Nakahanda akong hanapin ang lunas," desididong nagpresinta ang dalaga.

"Apo, sigurado ka ba?"

"Lo, niligtas niya ang buhay natin, kahit ito man lang ang magawa natin para sa kanya. Kailangan natin siyang tulungan gaya ng ginagawa niyang pagtulong sa atin."

"Tama ka, Miya," napapayag niya ang Datu. "Kailangan niya ang tulong natin."

"Dapat nating bilisan," nagbigay babala ang manggagamot. "Lumalala na siya. Oras ang kalaban natin."

"Gaano katagal na lang ba?"

"Sa tansta ko kailangan na bago lumubog ang araw bukas."

"Ako na po ang bahala."

Mayroon na lang siyang kumulang isang araw para gawin ang kanyang misyon. Dapat na siyang umaksyon.

***

"Lintik na dayo yan, sinira niya ang lahat ng plano ko," hanggang ngayon hindi pa rin nawawala ang init ng ulo ni Leyro sa mga kaganapan.

"Sino ang makakaisip na siya lang pala ang makakatalo sa halimaw, sa lakas ba naman niya," biro ng isa niyang Katribo.

"Napahagis niya nga tayong lahat gamit lang ang buntot niya."

"Nakatsamba lang ang taong yun sa halimaw. Ang masaklap pa, sa kanya mapupunta ang lahat ng papuri na nararapat lamang sa akin. Kilala nyo ko, ang ayoko sa lahat ay yung inaagaw ang pansin sa akin. Ako lang ang matapang at malakas, ako lang ang dapat nilang hangaan at puriin!"

"Anong magagawa natin, nangyari na."

"Dapat na siyang mawala sa landas natin. Nakausap ko na ang Datu, ayaw nilang mangialam tayo. Kung wala siyang gagawin sa tao, ako na ang gagawa ng paraan para mawala siya!"

"Paano mo naman gagawin yun?" tanong ng isa pa niyang kasama.

Napalingon si Leyro sa tulis ng kanyang sibat at nabuo na ang isang masamang balak sa kanyang isip.

***

Hindi pa sumisikat ang araw, naghanda na si Miya para isagawa ang paghahanap sa lunas na magpapagaling kay Aric. Para sa kanya, isa na naman itong panibagong pagsubok ngunit nakahanda siyang magsakripisyo para mailigtas ang Dayo. Maaga pa lang ay nilibot na niya ang kagubatan sa paghahanap sa misteryosong Asul na Rosas. Sa tinagal-tagal niyang nanirahan sa Kasaganaan, ni minsan hindi pa siya nakakita ng Asul na Rosas. Alam niyang mahihirapan siyang hanapin ito lalo pa ng malaman niyang tumutubo lamang ito sa lugar na mamasa-masa.

Bukod sa dalampasigan, saan pa kaya ang lugar na mamasa-masa dito sa Kasaganaan?

Ang talon.

***

Nag-abang si Leyro sa kubo kung saan naroroon si Aric. Kasalukuyang nagbabantay si Myam-Gaam-Ot kaya kumuha muna ng tamang tyempo ang Datu. Makalipas ang ilang minuto, lumabas ang matandang manggagamot at sinamantala ni Leyro ang pagkakataon. Palihim niyang pinasok ang kubo bago pa may makakita.

Dala-dala ang kanyang sibat, lumapit si Leyro sa dayo upang pagmasdan ito. Ito ang unang beses na makikita niya ang taong labas. Wala pa ring malay si Aric, nananatili pa ring mabilis ang kanyang paghinga at namumutla pa rin ang kanyang balat. Napagtanto ni Leyro na may katangkaran at kakisigan ang estranghero gayunpaman, hindi pa rin siya makapaniwala na nakaya nitong lipulin ang halimaw. Tinignan niya ito nang may pagkamuhi mula ulo hanggang paa.

Nakahanda na siyang tapusin si Aric. Wala itong kalaban-laban, isang tusok lang at mawawala na siya mundong ito bago pa siya magising. Pumwesto na ang kamay ni Leyro sa dulo ng kanyang sibat.

"Leyro?" nakarinig siya ng isang pamilyar na tinig mula sa likuran at hindi naituloy ang pagtatangka niyang patayin si Aric.

"Datu Mortho," bumati siya at hindi nagpahalata.

"Anong ginagawa mo?" tanong ng Datu.

"Binisita ko lamang ang dayo, hindi ko pa kasi siya nakikita kaya naisip kong puntahan siya at bantayan. Sigurado ba kayo sa desisyon nyong gamutin at hayaan siya rito?"

"Leyro, akala ko malinaw na ang lahat? Alam ko ang ginagawa ko. Maliit na bagay lang ito sa ginawa niya para sa amin."

"Nag-alala lang ako sa kapakanan ng Tribo, hindi natin kilala ang taong yan. Paano natin malalaman kung mapapagkatiwalaan ba talaga siya?"

"Ang problema ng Tribong Myongan ay para sa mga Myongan. Kami na ang bahalang umintindi sa kanya, problema namin ang Dayo, hayaan mong kami na ang magpasya ukol sa kanya pagkatapos niyang magsing, maaari ba, Datu Leyro?"

"Kung yan ang inyong pasya."

"Salamat sa pag-unawa, ako na muna ang magbabantay sa kanya."

Lumabas si Leyro na nanggagalaiti sa pagbara sa kanya ni Mortho at sa pag-antala ng kanyang balak.

***

Habang binabagtas ang daan patungo sa may talon, may napansin si Miya. Para bang mayroong umaaligid sa kanya sa may gilid. Nakakarinig siya ng paggalaw sa damuhan at sa tuwing siya ay napapalingon, napapatigil rin ang paggalaw nito. Ngayong patay na ang Buktot, magiging malaya na ulit ang mga mababangis na hayop na maglibot sa kagubatan, pero iba ang kutob ni Miya. Palagay niya hindi hayop ang sumusunod sa kanya kundi isang tao. Hindi siya gaano kinakabahan sapagkat mas nakakatakot pa rin ang Buktot kaysa sa sinumang makakasalubong niya sa kagubatan at nalagpasan na niya ang pagharap sa halimaw noon.

Nagpatuloy ang dalagita sa paglalakad at nagpatuloy din ang paggalaw at ang pagyabag mula sa halamanan.

Hinanda ni Miya ang kanyang sibat at mapangahas siyang lumundag sa pinanggagalingan ng tunog upang mahuli ang naniniktik sa kanya.

"Huwag Miya, ako ito!" nagigimbal na napasigaw si Myoris, natatakot na baka saksakin siya nito ng sibat.

"Myoris, anong ginagawa mo rito?" Hindi inaasahan ni Miya na sinusundan siya ng kaibigan.

"Ano ba sa tingin mo? Sinusundan kita. Ikaw naman kasi, palagi kang umaalis mag-isa hindi mo man lang ako sinasama para may alalay ka. Ayaw mo na ba sakin?"

"Hindi sa ganun, Myoris. Kaya kita hindi sinasama, mapanganib ang mga pinupuntahan ko. Baka mapahamak ka lang."

"Gusto ko lang naman makatulong," animo'y isang bata ang tono ni Myoris.

Napailing si Miya sa kakulitan ng kaibigan. "Mas makakatulong ka kung uuwi ka na lang."

"Sinasabi mo bang pabigat ako?" Napalakas ang boses ng kaibigan. "Mabigat lang ako pero di ako pabigat."

Nakarinig si Miya ng pagkaluskos sa mga damuhan. May naaninag rin siyang isang mabilis na anino na dumaan sa may gilid. Sa pagkakataong ito, hindi na maganda ang kutob niya.

"Myoris, hinaan mo ang boses mo, hindi natin alam kung anong hayop ang maaari nating makasalubong dito."

"Anong hayop pinagsasasabi mo, hindi ako-"

Bigla silang nakarinig ng mga alulol. Mula sa mga halaman, lumabas ang isang kawan ng mga asong gubat na may patulis na tenga, matalas na pangil, mapupulang mga mata at may batik-batik na balahibo. Pinaligiran nila ang magkaibigan, nakahanda ng lumusob anumang oras.

"Hindi ka pa rin ba natatakot?" bulong ni Miya kay Myoris.

Nangatog ang kaibigan sa takot at nagtago sa kanyang likuran.

Tinutok ni Miya ang kanyang sibat sa kanila, lalo itong kinagalit ng mga aso at lumundag ang isa sa kanila habang si Myoris ay napapahiyaw. Dinepensahan ni Miya ang sarili at ang kaibigan. Sinabayan niya ito ng kanyang sibat at bahagya niyang nasugatan ang mabangis na aso.

"Miya, ano ng gagawin natin?"

Nag-isip si Miya, napapaligiran na sila ng mga mababangis na aso sa bawat direksyon ngunit napansin niyang may maluwag na espasyo sa may kanan.

"Pagsabi ko ng takbo, tumakbo ka sa bandang kanan."

Patuloy na tinutok ni Miya ang kanyang sandata, kapwa nakikiramdam siya at ang mga aso sa isa't-isa. Pumulot ng isang maliit na bato ang dalaga. Hinagis niya ito sa ulo ng isa sa mga aso na nagpatili rito.

"Takbo!" Sa kanyang hudyat, tumakbo nang matulin si Myoris sa kanan, sumunod si Miya at sila ay hinabol na ng mga nagugutom na aso.

"Saan tayo pupunta?"

"Di ko alam, basta tumakbo ka na lang."

"Tama ka, Miya, mali ako! Di ko na uulitin, ayoko pa mamatay."

"Lakasan mo loob mo," saad ni Miya. "Nakaligtas nga tayo sa Buktot."

"Oo, pero andun si Aric," mangiyak-iyak na paalala ni Myoris.

"Basta magtiwala ka sa akin."

Sa sobrang bilis ng kanilang takbo, hindi namalayan ni Myoris na papalapit na sila sa bingit ng isang bangin at sila ay napadiretso ni Miya pababa. Walang pag-iingat na humabol ang mga nagugutom na aso at nahulog ang isa sa kanila sa matarik na bangin, patungo sa kanyang kamatayan. Nakita ito ng iba niyang kasama at sila ay napaatras at natakot.

Mababaw lang ang pinaghulugan ni Miya at Myoris sapagkat sila ay dumiretso sa isang batuhan ngunit ilang hakbang na lang at mahuhulog na sila sa bangin.

"Muntik na tayo dun," hinihingal na sambit ni Myoris. Mabilis pa rin ang kabog ng kanyang dibdib. "Tignan mo nga kung wala na sila."

Umakyat si Miya sa bingit at siniyasat ang paligid, "mukhang wala na sila."

Tinulungan niyang makaakyat ang kaibigan.

"Pasensya na, Miya," nahihiyang sinabi ng kaibigan. "Napahamak ka dahil sa akin. Siguro nga dapat umuwi na lang ako."

Naglakad na papaalis si Myoris.

"Sandali," pinigilan siya ni Miya. "Tutal ay naririto ka na rin, ano pa nga ba magagawa ko? Isa pa hindi naman kita hahayaang umuwi ng mag-isa. Kailangan mo ko para protektahan ka."

"Sige," napangiti si Myoris at nanumbalik ang kanyang sigla. "Sabi ko na nga ba at di mo ko matitiis. Saan ba tayo pupunta?

"Kung saan may makikita tayong Asul na Rosas, siguro doon sa may talon."

Ilang lakaran ang nakalipas at narating nila ang talon. Naghanap sila sa pali-paligid ngunit hindi nila mahanap ang nasabing bulaklak. Kaya naman napagpasyahan nilang umakyat sa itaas ng talon. Nahirapan si Myoris sa pagpanik kaya inalalayan siya ni Miya.

Nahumaling si Miya sa ganda ng talon at sa malakas na pag-agos ng tubig mula sa tuktok. Napatingin ang dalagita sa batuhang nakaharang sa pagitan ng tubig at sa kanyang pagkamangha, natagpuan na ni Miya ang Asul na Rosas. Rumaragasa ang tubig ngunit hindi natitinag ang bulaklak sa kinalalagyan nito.

"Ayun," tinuro niya sa kaibigan.

"Ang galing, paano naman natin makukuha yan?" tanong ni Myoris sapagkat malayo-layo ito sa may tuktok kung saan sila narorooon.

Nag-isip si Miya kung ano ang gagawin at namataan niya ang kapunuan sa hindi kalayun na may mga makakapal at mahahabang mga baging.

"Myoris mukhang dito ko na magagamit ang tulong mo."

"Sandali lang, huwag mong sabihing ako ang pakukuhanin mo?"

"Kumalma ka nga, simple lang ang gagawin mo."

Kumuha si Miya ng mga baging at pinagtagpi-tagpi ang mga ito, pagkatapos, tinali ito sa kanyang baywang.

"Alam mo na ba ang gagawin mo?"

"Oo, hahawakan ko lang tong baging habang kinukuha mo ang bulaklak," inulit ni Myoris.

Muling pinagmasdan ni Miya ang bulaklak at ang talon at napagtanto niyang may kataasan din ito.

"Sigurado ka na ba?" tanong ni Myoris.

"Hindi," ninenerbyos na napapikit si Miya. Kahit na nakatali na ang baging sa kanyang katawan, humawak pa rin nang mahigpit ang mga kamay niya rito. Tumalon na siya patungo sa may bulaklak at hinigpitan ni Myoris ang paghawak sa baging.

Noong una, pagkadilat niya, hindi pa gaanong katayog ang narating niya. Malayo-layo pa rin ang bulaklak.

"Ibaba mo pa," utos niya sa kaibigan.

Binaba ni Myoris ang baging at unti-unti na siyang lumalapit sa kinaroroonan ng bulaklak.

"Sige lang, ituloy mo lang hanggang di ko pinahihinto."

Hindi nagtagal narating na niya ang batuhan sa gitna ng talon.

"Tama na." Tumigil si Myoris sa kanyang utos.

Mas asul pa ang bulaklak sa inaakala niya at ito ay may kakaibang kinang lalo na kapag nasinagan ng araw. Sa sobrang ganda nito, parang nanghinayang siyang pitasin ito pero mas manghihinayang siya kung mamamatay si Aric. Sinubukan niya itong hilahin ngunit mahigpit ang kapit ng ugat at hindi niya ito mapitas.

Kumalas ka na!

Binigay ni Miya ang buong lakas ng kanyang mga kamay at sa pagkakataong ito, napitas na niya ang bulaklak at maging ang ugat nito.

"Nakuha ko na, itaas mo na."

Habang tinataas ni Myoris ang baging, hindi nila napansin na mapipktal na ang baging dahil sa bigat ni Miya. Bago pa makarating sa tuktok, tuluyan na itong nabali at sa hindi nila inaasahan, nahulog si Miya at ang bulaklak sa taas ng talon.

"Miya!" sigaw ni Myoris na muntik na namang bumigay ang puso sa kaba.

Bumagsak si Miya pababa sa tubig. Paglubog, walang makita ang dalaga kundi ang bulang galing sa rumaragasang agos ng talon, nadadala siya sa lakas ng pwersa nito ngunit nagawa naman niyang lumangoy papalayo rito at hinanap ang bulaklak. Nasilayan niyang papalubog na ang bulaklak kaya naman binilisan ni Miya ang paglangoy para mahabol ito.

"Naku po," nag-alalang sambit ni Myoris. "Lagot ako kay Datu Mortho."

Bababa na sana si Myoris nang sumulpot si Miya mula sa ilalim ng tubig at nakahinga ng maluwag ang kaibigan.

"Nakuha ko na," pagmamalaki ni Miya habang taas-taas ang basang bulaklak.

"Pinakaba mo naman ako, umahon ka na dyan tara na."

***

Nalalapit na ang paglubog ng araw. Nagsimulang mangatog si Aric sa kanyang kinahihigaan at tumirik ang kanyang mata. Hinipo siya ng manggagamot at halos mapaso ang kanyang kamay sa init.

"Anong nangyayari sa kanya?" tanong ni Datu Mortho.

"Hindi bumubuti ang lagay niya, kailangan na niya ng lunas ngayon na, nauubusan na tayo ng oras."

"Nasaan na ba si Miya?" nag-aalalang tanong ni Maahan.

"Naririto na sila," pag-anunsiyo ni Marcio. Pumasok si Miya at Myoris na dala-dala ang bulaklak.

"Nakuha nyo ang lunas?"

"Ito na po," inabot ni Miya ang Asul na Rosas.

"Mabuti at nakaabot kayo," agad na nagpakulo si Myam-Gaam-Ot ng mainit na tubig. Binabad niya rito ang bulaklak kasama ang ugat.

Sinimulan niyang langgasan ang namamagang pantal ng binatilyo sa braso. Tumigil sa panginginig ang binatilyo. Ang lahat ay nakatuon ang pansin sa kanya.

Sana gumaling na siya.

Mga ilang sandali lamang, nagbigay ng magandang balita ang manggagamot. "Nawawala na ang pamamaga ng kanyang kagat, senyales na tinatanggap ng katawan niya lunas at nawawala na ang lason."

Gumalaw ang mga mata ni Aric at ito ay bahagyang napadilat.

"Nagkakamalay na siya."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro