Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 8: Graison

-Artemias-

Naibagsak ni Aurello ang sulat sa sahig matapos malaman kung ano nakapaloob rito. Natulala ang Duke nang ilang sandali, tila ngayon pa lang natatalos ng kanyang isipan ang nakapaloob sa sulat. Pumorma sa kanyang mukha ang isang kakaibang ngiti at siya ay tuluyan ng tumawa.

Umalingawngaw ang walang humpay na paghalakhak ni Aurello sa buong bulwagan, napapasok bigla si Roqil at inakala niyang nasisiraan na ito ng ulo.

"Mahal na Duke, ayos lang ba kayo?"

"Basahin mo?" Kinuha ni Aurello ang lumang sulat at ganado itong inabot kay Roqil.

Binasa ni Roqil ang sulat at napakunot ang noo niya sa nilalaman nito. "Saan nyo po ito nakita?"

"Dyan sa loob ng balabal na yan," tinuro ni Aurello ang balabal sa sahig na napapaligiran ng mga bubog ng nabasag na salaminan.

"Hindi ko maintindihan, binago ni Fierro ang balabal pero sinama niya ang sulat na makakasira sa kanyang reputasyon?"

"Ako man rin ay naguguluhan. Masyado akong nawalan kaagad ng pag-asa. Ipagpalagay na lang natin na ang mga Diyos na ang gumawa ng paraan para magkaroon ng isang milagro at sa wakas nahanap na natin ang pruwebang magpapabagsak kay Fierro."

"Paano natin masisigurado na lehitimo ang sulat na yan?" Diskumpyado pa rin ang Kawal.

"Ipapatawag ko ang ating mga ekspertong manunuri para surian kung totoo ba ang sulat na ito."

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Malayo na ang nilalakbay ni Graison sa kanyang panaginip. Natagpuan niya ang kanyang sarili na sa isang kagubatan. Napapaligiran ito ng mga punong purong kahel ang kulay ng dahon gaya ng nakita niya sa lupain ng Artemias. Nabighani siya sa ganda ng mga puno ngunit biglang umusbong mula sa kalupaan ang isang makapal at maitim na usok. Mula rito, bumangon ang isang higanteng puno. Ang mga dahon nito ay apoy na kulay kahel ngunit kalaunan ay naging pula. Tumindi ang kinang na dala nito at sinakop ng isang pagsiklab ang buong paligid. Nang maglaho ang liwanag, nakita ni Graison na sinunog ng puno ng apoy ang mga kahel na puno hanggang sa lahat sila ay matupok at siya na lamang ang matira sa kanila.

Pagkagising ni Graison, hindi ito mawala sa kanyang isip. Naiiba ito sa mga panaginip na nagiging malabo na sa oras na siya ay magising.

Kakaibang panaginip, nakakamangha.

Kinuha niya ang Mahiwagang Pisara ng Yelo at ipininta ang senaryong kanyang napanaginipan.

"Magandang pinta, anak," papuri ni Fierro, walang malay si Graison na pinapanood na pala siya ng Ama. "Mga punong kahel tulad ng sa Artemias."

"Tignan nyo po mabuti Ama," nilapit ni Graison ang pisara sa Emperador.

Pinagmasdan ni Fierro ang pinta at nakita niya ang mismong napanaginipan ng Prinsipe, kung paano umusbong ang puno ng apoy at kung paano nito tinupok ang mga kahel na puno sa paligid. Hindi ito naunawaan ni Fierro ngunit batid niyang may nais ipahiwatig ang pinta at siya ay bahagyang nabahala.

"Saan mo nakuha ang inspirasyon sa pagpinta nito?" Usisa niya sa anak.

"Hindi po inspirasyon," pagtatama ni Graison. "Ipininta ko lamang kung ano ang napanaginipan ko kanina. Sobrang liwanag kasi sa isip ko."

-Artemias-

Binigay ni Aurello ang sulat sa ekspertong manunuri na kanyang pinatawag.

"Ano masasabi mo? Totoo ba o peke?"

Taimtim na sinusuri ng matanda ang papel at sulat sa kanyang bilog na salamin na nakalagay sa kanyang mata.

"Unang-una sa aking pagsusuri, maaaring isinulat ito lagpas dalawampung taong na ang nakalipas base sa tinta. Naririto rin ang lagda ni Emperador Cresento."

Kumuha siya ng kopya ng aklat na may titulong "Talaan ng mga Emperador" kung saan nakapaloob ang bawat tatak at pirma ng lahat ng Emperador. Kinumpara ng Manunuri ang lagda ni Cresento sa libro sa lagdang nakapaloob sa sulat.

"Parehong-pareho. Sa tagal kong nagsusuri ng mga sulat at pirma, alam ko na kung peke at ginaya ito. Masasabi kong totoo at lehitimo ang sulat na ito."

"Ibig sabihin wala talaga siyang karapatan sa trono," napagtanto ni Aurello. "Nilabag niya ang Linya ng Sunod na Tagapagmana."

"Sa oras na ipakalat mo ang impormasyong ito, isa itong napakalaking rebelasyon na maaaring bumago sa kasaysayan ng Imperyong Cenpyre."

"Kaya nga sisiguraduhin kong isisiwalat ko ang nilalaman ng sulat na ito sa bawat lupaing sakop ng Imperyo, pagkatapos mawawalan na ng karapatan at kredibilidad ni Fierro."

***

Nagpagawa si Aurello ng napakaraming sulat at pinakalat na niya sa bawat lupain ng Imperyo ang katotohanan tungkol sa pagkatao ni Fierro. Nilahad niya rin ang kinalaman nito sa pagkamatay ng kanyang Ama at ang kaugnayan niya sa Itim na Diyos. Ang lahat ng nakabasa ng nasabing sulat ay nagulantang sa kanyang ginawang pagbubunyag. Maging ang mga Duke, Konde at Panginoon ay nabigla sa kanilang nalaman. Isa sa napukaw ng sulat ay si Konde Sethro.

Nagsimulang kumalat ang balita sa bawat dako ng Imperyo at ito ang naging laman ng usapan ng mamamayan ng Cenpyre. Iba't-iba ang ang naging reaksyon ng mga tao. May mga naniniwala at marami ring hindi naniniwala.

"Ano ang masasabi nyo dito sa kumakalat na kasiraan ni Emperador Fierro?" tanong ng isang panaderya sa mga kapitbahay.

"Nawalan na ko ng tiwala sa kanya, kay tagal na panahon, may nililihim pala siya. Isa lang pala siyang peke. Hindi ko nga alam kung dapat pa natin siyang sundin bilang Emperador."

"Ang sabi pa dyan, gumagamit siya ng Itim na Mahika at may ginawa siyang kababalaghan para maupo siya sa trono. Malamang inalay niya nga ang sarili niya sa Diyos ng kadiliman, nakakapagtaka na bigla na lang siyang sumulpot noong panahon ng kaguluhan at napasakanya ang Imperyo nang ganoong kabilis."

"Mapanganib pala ang taong yan," dagdag pa ng isa. "Kung masasabi pa nating tao siya at hindi halimaw na nagpapalabas ng apoy gaya ng mga kumakalat na tsismis sa kanya noon!"

"Sandali lang," sinaway sila ng isang kasama. "Maniniwala ba kayo sa sinasabi ng sulat na to?"

"Malakas ang loob ni Duke Aurello, sabi niya may matibay na ebidensya siya na sulat nga ni Emperador Cresento ang nasabing rebelasyon."

"Ewan ko sa inyo pero di ko agad panghahawakan ang salita ni Duke Aurello. Baka nakakalimutan nyo, nung isang araw lang ay inimbitahan niya ang Emperador sa kanyang lupain. Nakipag-ayos siya at inaming nagkamali siya ng paratang sa Emperador, pagkatapos ngayon pilit niyang ginigiit na may kinalaman si Fierro sa pagkamatay ng kanyang Ama. Mapapagkatiwalaan ba natin ang isang taong pabago-bago ng pahayag?"

"Tama ka, napakagulo ni Duke Aurello, nababaliw na siya sa inggit niya sa Emperador, kung ano-ano na ang kwentong ginagawa niya mapabagsak lang siya. Gusto pa niya na magkagulo tayo. Alam ba niyang hindi biro ang isang gyera!"

"Basta ako sa Emperador pa rin, wala naman siyang ginagawang masama atin. Siya pa nga ang nagligtas sa atin laban kay...alam mo na."

Hindi niya masabi ang ngalan ni Costan sapagkat alam niyang maaari niyang ikapahamak ang pagbanggit rito.

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Dahil sa kumakalat na bali-balita, nabalot ng katahimikan ang Palasyo. Alam na ng lahat ang tungkol dito ngunit walang naglalakas-loob na usisain ang Emperador sapagkat nananatili ring tikom ang kanyang bibig sa mga kontroberysang kinasasangkutan niya. Maging ang kanyang mag-ina ay bahagya ring naiilang sa kanya ngayon.

Pagsapit ng hapunan, magkasama sa piging ang Pamilyang Imperyal ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala ang pagkailang nila sa isa't-isa.

Tahimik pa rin si Ama, mabuti ng hayaan mo na lang siya ang magsimula ng paksang ito.

"Malamang nabalitaan nyo na ang mga kumakalat na tsismis sa akin," binasag na ng Emperador ang katahimikan sa hapag-kainan.

"Iyon ang laman ng usapan ng bawat tao ngayon sa Buong Lupain," sagot ni Grasiela,"pero huwag kang mag-alala, hindi kami naniniwala."

Napailing ang Emperador sa kahihiyan.

"May aaminin sana ako sa inyo, totoo ang binunyag ni Aurello na hindi ako ang tunay na Emperador."

Natigilan sa pagkain ang mag-ina at nagkasulyapan, pareho silang nagulat sa kanyang binunyag.

"Ano pong ibig nyong sabihin Ama?" naguguluhang tinanong ni Graison.

"Hindi ako ang susunod sa Linya ng Tagapagmana dahil hindi ako anak ni Emperador Cresento. Anak ako ni Emperatris Artura sa ibang lalaki ngunit lumaki akong isang Prinsipe at tinuring akong anak ng Emperador. Hindi man kami magkadugo ngunit sa puso at isipan ko anak nya ko. Iyon naman ang mahalaga kumpara sa dugo hindi ba?"

Nangangahulugang hindi rin ako ang lehitimong Tagapagmana ng Trono.

"Kinuha ko ang trono dahil alam ko noon pa man na ako ang mas karapat-dapat na mamuno sa Imperyong Cenpyre kaysa sa hangal na tinuring kong kapatid."

Ang kapatid na hindi dapat banggitin ang ngalan...ngunit siyang totoong Tagapagmana.

Natahimik si Grasiela sa nadiskobre, ngayon lang niya nalaman ang tungkol dito sa loob ng labing-apat na taong pagsasama nila ng Emperador.

"Patawarin nyo ko kung ngayon ko lang nasabi sa inyo, binaon ko na sa limot ang lihim na ito ngunit nakahanap ng paraan ang aking mga kalaban para gamitin ito sa akin. Ngayon maaaaring magulo ang lahat."

"Fierro, hindi mo kailangang humingi ng tawad sa amin," tugon ni Grasiela. "Ano man ang nalaman ko tungkol sa'yo ngayon, hindi magbabago ang pagtingin namin sa'yo. Gaya ng sabi mo, hindi mahalaga ang dugo. Ang mahalaga ang namumuno sa Imperyo ay isang tapat at mabuting taong katulad mo. Ikaw lamang ang aming Mataas na Emperador."

Napagtanto ni Fierro na talagang walang malay ang Emperatris kung anong klaseng tao talaga siya.

"Huwag kang mag-alala, Ama. Kahit anong mangyari, nakasuporta lang kami ni Ina. Hindi ka namin iiwan. Lagi mong inaalala ang aming kapakanan, panahon na para kami naman ang gumawa nito para sa'yo."

Napangiti ang Emperador sa sinabi ni Graison. "Napakapalad ko at kayo ang naging pamilya ko."

"Mga ingay lang ang sinasabi ni Duke Aurello," pagpapatuloy ni Graisela. "Pinagkakalat niya pa nga na binenta mo ang kaluluwa mo sa Itim na Diyos para makuha ang trono at hanggang ngayon ay gumagamit ka pa rin daw ng Itim na Mahika. Ikaw rin ang tinuturo niyang salarin sa pagkawala ng kanyang Ama."

"Iyon ang isang malaking kasinungalingan," sa pagkakataong ito, pinagbulaanan ni Fierro ang paratang ni Aurello. "Sa tingin nyo ba masisikmura kong gawin ang mga kasuklam-suklam na mga bagay na iyon?"

"Syempre hindi, ang magandang tanong, may maniniwala kaya sa mga sinabi niya."

-Artemias-

"Konde Sethro, maligayang pagdating," pagbati ni Aurello. Dumating ang Konde sa Artemias, ilang araw matapos pumutok ang balita. Sinadya niya talagang kausapin si Aurello.

"Magandang araw, Duke Aurello. Hindi na ko magpapaligoy-ligoy pa. Nang mabasa ko ang sulat na nilantad mo, nagmadali agad ako rito. Bilib rin ako sa'yo. Sa dinami-rami nating namumuno, ikaw lang ang naglakas-loob na kalabanin ang Emperador.

"Malamang dala lang ito ng pagnanasa kong maipaghiganti ang aking Amang si Duke Aragon na pinatay ni Fierro."

"Pinatay ni Fierro ang iyong Ama?" may pagtatakang inulit ni Sethro. "Paano ka nakakasiguro?"

"Nakakuha ako ng ebidensya, na kay Fierro ang duguang damit ng aking Ama."

"Ganun naman pala bakit hindi mo ito pinakita noong selebrasyon, binigyan mo pa nga siya ng handog na ginintuang balabal at akala ko pa nga ay nagkaayos kayo, kay bilis namang mag-iba ang ihip ng hangin."

"Mahabang kwento, maaaring hindi mo ko paniwalaan. Sabihin na lang natin na may mahikang sangkot sa lahat ng ito at nahanap ko ang sulat na nagpapatunay na isang huwad na Emperador si Fierro."

"Paano naman ako nakakasiguro na totoo ang sulat na ito?"

"Pinasuri ko na sa mga eksperto at napatunayan nilang sulat at lagda nga ni Emperador Cresento ang lahat."

Pinakita niya kay Sethro ang libro at ang sulat at nawala na ang duda ng Konde.

"Sinasabi ko na nga ba at may tinatagong lihim itong si Fierro. Kahit kailan talaga hindi maalis ang suspetsa ko sa kanya kahit sa paglipas ng mga taon."

"Alam kong isa ka sa pinakahuling nagbigay ng pagsuporta kay Fierro. Ano naman ang magtatanong kung bakit?"

Sumama ang mukha ng Konde nang maalala ang nakaraan.

"Hindi ko malilimutan ang atraso ng Emperador sa aking pamilya. Pinaslang niya ang pinsan kong si Sandra at pinagkait niya sa amin ang mabigyan siya ng maayos na burol at libing. Hindi na namin natagpuan ang mga labi niya. Namatay ang anak niya, ang dating Emperatris Ysavel at naglaho rin na parang bula ang mga anak nito. Hindi namin malilimutan yun, kaming mga Taga-Sadrupan."

"Ibig sabihin ba nito ay makikipagtulungan kayo sa amin?" umaasa si Aurello na may mabubuong alyansa sa pagitan nila.

"Pareho nating gustong makapaghiganti kay Fierro, nararapat lang na tayo ay magsanib-pwersa. Ang Artemias at Sadrupan laban sa Sentralisadong Imperyo. Magpapadala ako ng mga tauhan ko dito sa Artemias sakaling sumiklab ang Kaguluhan."

Ikinatuwa ni Duke Aurello na nakahanap siya ng bagong kakampi sa laban niya kay Fierro.

"Maraming salamat, Konde Sethro, magbalitaan na lang tayo. Malakas ang kutob kong maraming mangyayari sa pagdaan ng mga araw."

"Maasahan mo ang suporta ng Sadrupan."

"Ngayong kalat na ang balita sa katotohanan sa pagkatao ni Fierro, unti-unti na siyang tatalikuran ng iba pang mga Lupain. May naisip na rin akong plano kung paano ko pa siya gigipitin."

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Muling nagpagawa ng sulat si Aurello, sa pagkakataong ito, kay Fierro mismo nakapangalan ang sulat at kalakip nito ang isang mapangahas na hamon.

"Kung gusto mong manatiling Emperador ng Imperyong Cenpyre, isaalang-alang mo ang Artemias. Kakalas na kami at magiging isang malayang lupain at hindi na kami kailanman papasailalim sa isang huwad na Emperador. Ako na ang kikilalanin nilang Mataas na Pinuno ng Malayang Lupain sa Gitnang Kontinente. Paalisin mo ang mga Kawal Imperyal sa Artemias at walang masasaktan. Kung ikaw ay tututol sa aming mga kondisyon, madali akong kausap. Kapag umabot tayo rito, wala kaming magagawa kundi lusubin ang Sentralisadong Imperyo at pababain ka sa Trono bilang Emperador. Dumarami na ang aming pwersa, umanib na sa Artemias ang Sadrupan. Pag-isipan mong mabuti. Sa mga susunod mong hakbang nakasalalay ang hinaharap ng Imperyong Cenpyre."

Sa sobrang galit ni Fierro, nagliyab ang kanyang kamay at naabo ang sulat.

***

"Nagkakamali siya kung inaakalang niyang isusuko ko ng walang laban ang Artemias," saad ni Fierro matapos ikwento kay Grasiela ang lahat.

Pinaalalahanan siya ng Emperatris sa maaaring kahantungan ng mga pangyayari. "Huminahon ka, Fierro, huwag kang magpadala sa emosyon mo. Kapag pinatulan mo si Aurello, magkakaroon ng malaking digmaan. Marami ang madadamay."

"Wala na akong pakialam, madamay na ang sinumang madadamay, mahalaga sa akin ang Artemias, ito ang ang lupang tinubuan ng aking Ina at Lolo, hindi ako papayag na mawalan ng karapatan dito ang Imperyong Cenpyre."

"Ano pa ang halaga ng Artemias kung wala ng buhay na nakatira rito?"

Napahinga ng malalim ang Emperador sa mga pangaral ni Grasiela, batid niya kung gaano kabuti ang puso ng kabiyak.

-Artemias-

Habang ang Emperador ay nangagamba, si Aurello naman ay nagpapakasaya at sa wakas ay umaayon na sa kanya ang mga pangyayari. Ngayon lang siya naging ganitong kasaya sa loob ng maraming taon. Kumpiyansa siyang malapit na niya maipaghiganti ang Ama. Masaya silang nag-iinuman ni Roqil.

"Sumagot na ba ang Emperador sa inyong hamon?"

"Hindi pa, Roqil. Isa lang ang natitiyak ko, siguradong umuusok na ang ilong niya sa galit. Mahal niya ang Lupaing ito gaya ng pagmamahal niya sa Sentralisadong Imperyo, hindi niya ito isusuko lang ng basta-basta kaya aasahan kong kakagat siya sa pain, sigurado akong susubukan niyang bawiin ito at magsisimula na ang digmaang magpapabagsak sa kanya."

"Para sa pagbagsak ni Fierro!" Tumagay ang dalawa.

"Mabuhay ang Mataas na Panginoon ng Malayang Lupain!" saad ni Roqil.

"Mabuhay!" Lasing na sinigaw ni Aurello at sila ay nagtawanan.

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Nagtungo si Fierro sa sikretong himpilan na maraming alalahanin. Sari-sari ang nararamdaman niya ngayon: galit, panlulumo, pagkabagabag, pagtataka. Halos mawala na siya sa sarali.

"Nagpinta pala ulit ang binatilyo," bungad sa kanya ni Ora.

Nakalimutan na niya ang tungkol sa pininta ni Graison kung hindi ito binanggit ng mangkukulam.

"Alam mo ba ang nais pahiwatig ng kanyang pinta?" walang maririnig na emosyon sa mahina at matamlay niyang tinig.

Tumingin ang mangkukulam sa kanyang bolang krystal. "Oo, nagiging malinaw na ang lahat. Ang Imperyo laban sa Artemias. Lalamunin ng puno ng apoy ang punong kahel. Mangyayari ang lahat ng naaayon sa kalooban ng Panginoon."

Hindi na nakapagtimpi pa si Fierro sa pagsabog ng kanyang emosyon. Muli siyang nagliyab at lumabas ulit ang Panginoon ng Apoy. Bigla siyang sumunggab sa leeg ng matanda at tinaas ito.

"Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ito!"

"Panginoon, nasasaktan ako," nagsisimula nang mapaso ang leeg ni Ora sa init ng kanyang palad.

"Sabi mo maglalaho ang sulat ni Ama, paano ito nakarating kay Aurello?" nanggagalaiti siyang pinaamin ni Fierro.

"Patawarin nyo po ako, aking Panginoon, ginawa ko lang kung ano ang nararapat."

"Kumilos ka nang patalikod! Traydor! Nang dahil sa'yo mawawala sa akin ang minamamahal kong Lupain ng Artemias at ang aking Imperyo!"

Sa pagkakataong ito, para bang mas mahalaga pa sa kanya ang Lupain at ang pagiging Emperador kaysa sa mahika at kapangyarihang pinagkaloob sa kanya ng Itim na Diyos. Muling lumalabas kay Fierro ang kanyang pagkatao.

"Hayaan mo muna akong magpaliwanag!" namimilipit na sa init at higpit ng sakal ang matanda.

"Sige, sabihin mo kung bakit hindi pa kita dapat sunugin ngayon?" Lalong niyang hinigpitan ang pagkakasakal sa kanya.

"Hindi kita pinagtaksilan, ang lahat ng ginagawa ko ay naaayon lamang sa kagustuhan ng Itim na Diyos. Siya ang nagsasabi sa akin kung ano ang gagawin. Kailangan mangyari ang lahat ng ito para maisakatuparan ang lahat ng kanyang plano. Magtiwala ka sa akin. Ako pa lang ang kayang makipag-usap sa kanya ngayon. Kapag tinapos mo ko, hindi mo na malalaman ang mga susunod niyang hakbang, mapupunta lang sa wala ang lahat ng pinaghirapan natin."

Binaba ni Fierro si Ora nang may panggigigil.

"Pagbibigyan kita ngayon, sa susunod na gumawa ka ng kalapastanganan, papadala na kita sa Diyos mo! Hayop na Aurello yan, kung pwede lang tutustahin ko na silang lahat na kumakalaban sa akin!"

"Hindi pa pwede, di pa ngayon ang panahon para gamitin mo ang iyong kapangyarihan."

Wala ng sinagot sa kanya ang Emperador at tuluyan niyang nilayasan ang matanda.

***

Pagsapit ng hatinggabi, nagising si Grasiela at namataan niya si Fierro na nag-iisip malapit sa may bintana.

"Hindi ka makatulog?" Niyakap ni Grasiela ang Emperador mula sa likuran at sinandal niya ang kanyang ulo sa kanya.

"Ano ba ang dapat kong gawin para matapos na ang gulong ito?"

"Huwag mong patulan ang kakitiran ng kanyang utak," payo ni Grasiela, "bigyan mo pa siya ng pagkakataon para bawiin ang kanyang ginawa at ayusin ang kanyang kalat."

"Kapag ginawa ko yun magiging mukhang mahina ako, dapat nga ipapatay ko na siya sa ginawa niyang pag-insulto sa akin. Isang malaking sampal sa mukha ang ginawa niya."

"Hindi kahinaan ang pagpapakumbaba kahit sa ating mga kaaway. Subukan lang natin bigyan siya ng pagpipilian, nasa kanya na kung pipiliin niya ang katahimikan o ang kaguluhan."

Nagpatawag si Fierro ng mga Tagasulat at nagpagawa ng liham. Nakapagpasya na siya kung ano ang sasabihin niya.

-Artemias-

Paglipas ng mga araw, nakarating kay Aurello ang sulat.

"Sulat po galing sa Emperador."

Pagbasa ng sulat, hindi maganda ang timpla ng Duke sa bwelta ni Fierro.

"Ano pong sabi?" inalam ni Roqil.

"Inaamin niyang hindi nga siya anak ni Emperador Cresento pero pinaninindigan niyang walang itong epekto at siya pa rin ang Mataas na Emperador. Binibigyan niya ko ng oras para bawiin ang paninira ko sa kanya tungkol sa pagpatay niya kay Ama at sa kaugnayan niya sa Itim na Diyos. Kapag daw ginawa ko yun, kakalimutan niya ang lahat. Sinabi niya rin na tigilan ko na ang pag-angkin sa Artemias, kapag daw ako ay nagmatigas, ipapaaresto niya ako."

"Mukhang hindi lang ikaw ang naghahamon, pati rin siya."

"Talagang sinusubukan niya ang pasensya ko." Pinagbuntunan ni Aurello ang sulat at padabog niya itong hinagis. "Kamusta na sa labas? Nagsi-alisan na ba ang mga Kawal Imperyal?"

"Hindi pa po, Mahal na Duke. Nakakalat pa rin sila sa paligid."

"Oras na para pakitaan natin ng pangil si Fierro. Tipunin mo ang ating hukbo at paalisin silang lahat, kapag di sila sumunod alam nyo na ang gagawin nyo."

"Tamang-tama, nangangati pa naman ang kamay kong gamitin ang aking espada."

-Sentralisadong Imperyo-

Nag-alala si Panginoong Ocillo sa tumitinding tensyon ng Imperyo sa Lupain ng Artemias kaya nagpasya siyang magtungo sa Palasyo upang kausapin at kamustuhin ang kanyang Emperador. Hindi pa rin nababali ang katapatan niya kay Fierro. Ilang araw lang at nakarating sila ni Osylla sa Palasyo.

"Panginoong Ocillo, mabuti at nakarating kayo agad sa panahon ng aming pangangailangan," binati ng Emperador ang kaibigan.

"Walang anuman, kamahalan. Ako ay lubos na nababahala sa mga pangyayari. Sa totoo lang naririto ako para humingi ng isang pabor."

"Ano yun?"

"Kung maaari sana ay dito muna si Osylla," pagpapaalam ni Ocillo.

Sumigla ang mukha ni Graison sa narinig.

"Magkatabi lang ang Artemias at Ossig, kapag nagkaroon na ng kaguluhan at nilusob nila ang aming lupain dahil sa pakikipagkampihan ko sa inyo, ayokong madamay si Osylla."

"Makakaasa ka, Panginoong Ocillo, magiging ligtas ang iyong anak dito sa Palasyo." Paninigurado ni Grasiela.

"Poprotektahan ko po si Osylla sa abot ng aking makakaya," taas noong pinangako ni Graison.

Nagulat si Osylla sa sinabi ng Prinsipe at bahagya siyang namula.

"Ibig kong sabihin, poprotektahan namin siya habang nandito siya," maging si Graison ay nagulat sa matapang niyang pahayag.

"Maraming salamat, Mahal na Prinsipe."

"Ngayong naririto na kayo, pag-usapan natin ang mga susunod nating hakbang sakaling magkaroon ng digmaan," saad ng Emperador.

"Tama, tama, mainam pa nga," sumang-ayon ang Panginoon.

***

Makalipas ang ilang saglit, nasilayan ni Graison si Osylla na taimtim na nag-iisip sa may balkonahe. Mahahalata sa kanyang mapupungay na mga mata ang pag-alala. Ngayon lamang siya nakitang ganito ni Graison.

"Ayos ka lang?"

"Sa totoo lang, kinakabahan. Biruin mo parang noong isang araw lang tahimik ang lahat sa selebrasyon ng Artemias pero ngayon nasa bingit na tayo ng digmaan laban sa kanila. Nakakamangha lang isipin kung gaano kabilis magbago ang ikot ng mundo, sa loob lamang ng mga araw. Hindi ko maiwasang mangamba at matakot sa kalagayan nating lahat."

Naiintindihan ni Graison ang hinaing ng kaibigan. Maging siya ay naguguluhan sa mga pangyayari.

"Dati marami akong nababasang aklat tungkol sa mga nakalipas na digmaan. Napapaisip ako kung ano kaya ang pakiramdam ng mabuhay sa ganoong sitwasyon? Hindi ko lubos akalaing malaki na ang posibilidad na makaranas tayo ng isang totoong digmaan sa panahon natin. Siguro sa lahat ng nangyayaring kaguluhan ngayon, mayroon pa rin akong dapat ipagpasalamat."

"Ano naman yun?"

"Na nandito ka ngayon, na nagkita tayo ulit," pag-amin ng binatilyo na ikinagalak ni Osylla.

"Masaya rin ako, hinihiling ko lang na sana maayos na ang lahat at hindi na ito humantong sa kaguluhan."

"Sana nga, Maraming buhay ang madadamay. Isa pa, ayoko pang mawala. marami pa kong gustong gawin at gustong puntahan. Gusto kong makasama pa kita ng matagal."

Napasandal si Osylla sa balikat ni Graison at sabay nilang pinagmasdan ang mga kabahayan sa Imperyo.

-Artemias-

Bukod sa mga Kawal ng bawat lupain, nagtalaga rin ang Emperador na magkaroon ng mga Kawal Imperyal  (sundalong mula sa Sentralisadong Imperyo) sa lahat ng Lupaing sakop nito para siguraduhin ang kaayusan at katahimikan. Simbolo rin ito na nagpapasakop ang isang Lupain sa Imperyong Cenpyre. Hanggang ngayon ay pinagpapatuloy pa rin nila ang pagpapatrol sa mga lansangan sa kabila ng tumitinding tensyon.

Nagkasalubong ang Kawal Imperyal at ang mga Kawal Artemian. Sa pamumuno ni Roqil, pinaligiran ng mga Kawal Artemian ang mga sundalo ng Emperador.

"Bakit di pa kayo umaalis?" tanong ni Roqil.

"Naatasan kami ng Emperador na bantayan ang mga lupaing sakop ng kanyang Imperyo at iyon ang gagawin namin," sagot ng Kapitan ng Kawal Imperyal. "Wala siyang inuutos na umalis kami."

"Nahuli na pala kayo sa balita," pagpapatuloy ni Roqil. "Hindi na bahagi ng Imperyong Cenpyre ang Artemias, isa na kaming malayang lupain ngayon kaya umalis na kayo. Malayo-layo pa rin ang lalakbayin nyo pauwi."

"Paano kung ayaw namin?" naninindigan pa rin ang Kawal Imperyal.

"Pwes, mas pinili nyong masaktan," nilabas ni Roqil at ng kanyang mga tauhan ang kanilang mga sandata. Ganoon rin ang ginawa ng mga Kawal ng Emperador.

Sumugod si Roqil at walang atubili niyang sinaksak ang Kapitan. Nagsunuran na rin ang iba pang mga kawal at tuluyan nang nagkaroon ng sigalot sa pagitan ng dalawang pwersa. Sa sobrang agresibo ng mga Kawal Artemian, pinagpapapatay nila ang bawat Kawal at Sundalong Imperyal na nakikita nila sa Lupain. Mas marami ang napapaslang sa hanay ng Kawal Imperyal kumpara sa mga Kawal ni Aurello. Nang makita nilang lamang ang mga kalaban, wala ng nagawa ang iba sa mga Kawal Imperyal kundi lumikas. Napilitan silang tumakas at abandonahin ang kanilang mga pwesto dahil nag-aalala sila sa kanilang mga buhay. Nang araw na iyon, naghalo ang kulay kahel at pula sa Lupain ng Artemias.

-Sentralisadong Imperyo-

Sariwa pa ang mga dugong dumanak nang dumating ang balita sa Palasyo.

"Kamahalan, kumpirmadong nilusob ng mga Kawal Artemian ang ating hukbo sa Artemias. Marami ang nabawas sa ating mga tauhan."

"Ano?" Nagulantang ang Emperador sa nabalitaan.

"Hindi lang po iyon, maging ang Sadrupan, Heracio at Entrafor ay nagkaroon na rin ng engkwentro laban sa ating mga Kawal. Nagdeklara na sila ng pagsuporta kay Aurello at tuluyan na silang kumalas sa inyong pamumuno."

"Hindi ito maganda," napahampas si Fierro sa kanyang kinauupuan.

Nagpatawag ng pagpupulong ang Emperador kung saan dumalo si Emperatris Grasiela. Panginoong Ocillo, ang mga konseho at maging ang mga pinagkakatiwalaan niyang mga kawal.

"Ano na po ang gagawin natin?" tanong isang konseho.

"Apat na lupain na ang tumiwalag sa Imperyo, dumarami na ang mga kalaban natin!" saad ni Ocillo.

"Kamusta ang ibang Lupain?" tanong ni Fierro sa Konseho.

"Wala pa pong pahayag galing sa kanila pero natitiyak naming sa inyo pa rin ang suporta ng mga nananahimik na lupain. Sigurado akong magpapadala sila ng suporta kapag ipinag-utos natin."

"Gayunpaman, nakakabahala pa rin ang mga pangyayari, Kamahalan. Nagkakampihan na ang mga tarantado," dagdag ni Talas. "Nagbabadya na talagang magkaroon ng digmaan laban sa magkakalabang pwersa."

"Tanga ka ba, Talas?" Painsultong tanong sa kanya ni Malko. "Kahit magkamphihan sila mas malakas pa rin ang pwersa ng Emperador, matatalo lang sila sa huli."

"Tama ka, Malko, malakas nga ang pwersa natin pero di natin pwedeng ipawalang bahala ang sinabi ni Talas. Magkakampihan na ang lahat ng mga kalaban ko. Kung sakaling maisahan nila tayo, kailangan natin ng reserbang plano. Magpadala kayo ng sulat kay Lodell sa Kanluran, sabihin nyong magtalaga siya ng ibang tauhan niya dito sa Imperyo. Siguro naman sa dami ng kanyang tauhan, hindi ito magiging kabawasan sa kanila."

"Masusunod po," nagsimula silang gumawa ng sulat para sa Kanluran.

"Kamahalan, hayaan nyong magdagdag rin ako ng mga Kawal Ossig dito para makatulong ako sa inyo," pagpresinta ni Ocillo. "Makikibalita na rin ako sa ibang lupain kung magpapadala sila ng pwersa."

"Magandang ideya," tugon ni Fierro. "Salamat sa malasakit."

"Kamahalan, ano ng balak nyong gawin kay Aurello?" tanong ng Kapitan.

"Hindi siya sumunod sa kondisyon ko, nananatili siyang mapagmataas at tinawag pa niya ang kanyang sarili na Mataas na Pinuno ng Malayang Lupain. Hindi ko na mapapalagpas ang ginawa niyang paglapastangan sa akin. Malko, isama mo ang malaking bilang ng ating hukbo, magmartsa kayo ng ating hukbo sa Artemias at arestuhin nyo ang traydor. Kapag sila ay nanlaban, makipagsabayan na kayo. Kailangang mabawi natin ang Artemias laban sa kanya."

"Nangangako ako, dadalhin namin sa kanya ang parusa nyo, Kamahalan," paninindigan ni Malko.

"Sandali lang, hindi ka sasama?" pagtataka ni Grasiela. "Mas madali mo siyang makukumbinsing sumuko kapag ikaw ang nakipag-usap sa kanya."

"Kilala natin si Aurello, matigas ang bungo ng matandang iyon, hindi siya susuko. Matagal na niya akong gustong pabagsakin at ngayong nakahanap na siya ng tamang pagkakataon, hindi na niya ito palalagpasin. Tanggapin na natin na mauuwi na ang lahat sa dahas. Grasiela, ikaw na muna ang bahala sa Imperyo habang wala ako."

"Saan ka pupunta?" lalong nadagdagan ang tanong ng Emperatris.

"Para masigurado ang ating pagkapanalo sa digmaang ito, kailangan natin ng isang malakas na alyansa. Kailangan ko ng gawing kakampi ang isa sa ating mga kaaway bago pa ko maunahan ni Aurello. Magtutungo ako sa Kontinente ng Silangan."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro