Kabanata 8: Aric
Nagmistulang blangko ang lahat mula ng makasagupa niya ang Buktot. Wala siyang pakiramdam, wala siyang kamalayan, wala siyang alam sa nangyayari sa kanyang paligid at wala siyang alam kung gaano katagal ang paglipas ng panahon. Ang lahat ay sakop ng kadiliman at kawalan. Para siyang himbing na natutulog sa madilim na dimensyon kung saan siya ay nag-iisa at walang makakaabot sa kanya. Malamang ganito ang pinagdaraanan ng lahat ng tao sa oras na tuluyan ng pumikit ang kanilang mga mata, bumigay ang katawan at tumigil ang tibok ng puso ngunit iba ang kaso niya, hindi pa siya patay. Tumitibok pa rin ang kanyang puso, minsan mabagal at mahina, minsan mabilis at malakas, tulad ng isang tambol na dumadagundong. Ito ang gumising sa kanyang himbing na kaluluwa at natagpuan niya ang bahaging ito ng kanyang pagkatao sa isang lugar na hindi pa niya nararating sa buhay niya.
Nakakakita siya ngunit wala siyang nararamdaman, ang katawan niya ay tila gawa sa isang usok at ulap at lumulutang siya ng walang bigat na nadarama. Ang lahat ay nag-iba nang bigla na lamang kumapit sa kanya ang animo'y isang itim na nilalang na tulad niya ay yari din sa usok. Humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya at pakiramdam niya siya ay sinasakal ng libo-libong mga kamay. Ang lahat ng kagaangang nararamdaman niya ay naglaho. Wala na siyang maramdaman ngayon kundi ang bigat ng paghila nito. Siya ay naghihikahos habang patuloy siya nitong nilulubog pababa. Lumalaban siya upang makawala, ngunit wala na siyang magawa. Nagtatagumpay na kung anumang pwersa ang humahatak sa kanya.
Ito na ba ang kamatayan, kinukuha na niya ako! Saan ba niya ako dadalhin? Sa mundo ng mga patay o sa impyerno?
Mula sa madilim na kawalan, naaninag niya ang isang liwanag na unti-unting lumalapit sa kanya.
Tulong! Tulong!
Narinig siya ng liwanag at nagkaroon ito ng ibang anyo. Anyo ng isang tao, isang babaeng nakasisilaw ang buong katauhan. Nakita na niya ang babaeng ito sa kanyang panaginip noon, hindi siya maaaring magkamali. Lumapit ito sa kanya at inalok ang kanyang kamay.
Pinilit ni Aric na itaas ang kanyang kamay upang abutin ang kamay ng babaeng liwanag. Nang magtagpo ang kanilang mga kamay, nasaktan ang mga nilalang ng dilim, nagpakawala sila ng nakabubulabog na hiyaw at sila ay kumalas na sa kanya.
Hinatak siya ng babaeng liwanag pataas, para bang sila ay lumalangoy sa madilim na karagatan ng kawalan. Habang sila ay papaangat, nababawasan ng kinang ang liwanag at unti-unti nang naaaninag ni Aric ang mukha ng kakaibang nilalang na ito. Nagulantang siya nang masilayan niya ang mukha nito na lubhang pamilyar sa kanya.
Miya?
Muli siyang nasilaw at sinakop na ng liwanag ang kadiliman.
***
Dumilat ang kanyang mata at nakarinig siya ng tinig na hindi niya maunawaan mula sa isang matanda. Namataan niyang nakatuon ang pansin sa kanya ni Miya, ni Datu Mortho at ng iba pang nasa loob ng kubo. Natulala siya ng ilang saglit, wala pa rin siya sa wisyo. Karaniwan lamang dahil kagagaling lamang niya sa bingit ng kamatayan.
"Kamusta, pakiramdam?" tanong ni Miya.
Noong una ay malabo pa ang pandinig ng binatilyo pero sapat naman para marinig ang salitang kamusta.
Napahawak siya sa kanyang noo, "masakit pa rin ang ulo ko. Ano bang mga nangyari?"
"Ikaw muntik mamatay," tugon sa kanya ni Datu Mortho.
Napalingon si Aric sa sarili at nakita niya ang mga sugat na iniwan ng halimaw sa kanyang katawan. Unti-unti ng bumabalik sa kanya ang mga nangyari. Naglaban sila ng Buktot, ito na ang huling bagay na naaalala niya.
"Ang halimaw, buti na lang at nakaligtas ako sa kanya."
"Hindi halimaw muntik pumatay sa'yo," pagtatama ni Mortho. "Lason, ikaw nakagat gagambang may lason. Naghanap pa apo ko lunas gubat malayo, para ikaw gumaling."
Napagtanto ni Aric na ang kamandag pala ng gagamba ang nagpahina sa kanya nitong mga nakaraang araw, matagal na niyang napatay ito ngunit hanggang ngayon pala ay muntik pa siya nitong mapinsala kung hindi lang dahil kay Miya.
Napatingin ang binatilyo sa dalagita, "maraming salamat."
"Ikaw tinulungan dahil ikaw ligtas sa amin. Salamat dahil ikaw tinulungan kami. Napatay mo halimaw."
Hindi lubos makapaniwala si Aric sa narinig. Natatandaan na niya ang iba pang mga pangyayari. Nagawa niyang maibaon ang sibat sa galugod ng halimaw at sila ay bumagsak. Napatay niya nga ito.
"Bakit ikaw gawa yun?" nananatiling kalmado ang tinig ni Mortho, taliwas noong una niya itong nakausap.
"Ang alin?"
"Tulungan kami."
Maging siya mismo ay napapatanong sa sarili kung bakit nga ba niya ito nagawa. Nag-isip siya ng angkop na sagot sa tanong ng Datu.
"Nakasagupa ko na ang halimaw, nakita ko kung gaano ito kapanganib, hindi ko naman kayo maaaring pabayaan na lang. Marami ang mamamatay kung wala akong ginawa."
"Ligtas kaming lahat dahil ikaw," napansin ni Aric ang bahagyang pagngiti ni Mortho. "Bilang salamat, ikaw di na namin kulong. Ikaw magpagaling."
"Ibig sabihin ba pag gumaling na ko, papayagan nyo na akong umalis?"
Napaisip si Datu Mortho, kahit na niligtas na sila ni Aric, hindi pa rin buong-buo ang tiwala niya rito. "Ikaw di na namin kulong, hindi ibig sabihin ikaw malaya na."
"Malalaman namin," saad ni Miya. "Kung ikaw aming palayain."
May sinabi si Datu Mortho sa lengguaheng Myongese sa matandang manggagamot at muli nitong nilanggasan ang kanyang mga sugat.
***
Gumagaling na ang binatilyo sa kanyang pinsala, ngunit hanggang ngayon nanlalata pa rin ang katawan niya at hindi pa lubusang bumabalik ang lakas niya. Buong araw siyang nakahiga sa kawayan sa loob ng kubo, kada ilang oras ay bumabalik si Myam-Gaam-Ot upang langgasan ang kanyang mga sugat sa katawan, braso at paa.
Kinagabihan, pumasok si Miya sa kubo kasama ang isang dalagitang Myongan na may katabaan ang pangangatawan ngunit halos kasing edad niya lamang. May dala-dala silang mga buslo ng prutas na naglalaman ng mansanas, mangga at saging.
"Baka ikaw nagugutom na, dala kami pagkain," tugon ni Miya.
"Salamat."
"Wa-la, anu-man," nakangiting sumagot sa kanya ang kasama ng dalaga.
"Siya Myoris," pagpapakilala ni Miya, "aking kaibigan."
"Kamusta, Myoris," malugod niyang binati ang dalagang Myongan.
Sinagot siya ni Myoris ng matamis na ngiti. Sumenyas siya sa kaibigan at iniwan niya muna ang dalawa sa kubo.
"Hindi siya marunong salita wika mo," binunyag sa kanya ni Miya pagkaalis ng kaibigan.
"Kaya pala," sa ngayon tanging si Miya at Mortho pa lamang ang nakakausap niya kahit papaano.
Bukod sa mga prutas, may dala rin si Miya na mainit na sabaw na nakalagay sa bunot ng niyog.
"Higupin mo."
Malumanay na hinigop ni Aric ang sabaw, inakala niyang ito ay sabaw ng buko. Napaubo siya at nasamid nang matikman niya ito. Hindi niya nagustuhan ang lasa, mapait-pait ito may halong bango at pakla, hindi niya maipaliwanag.
"Lasang bulaklak," reklamo niya.
"Ito bulaklak nga," sinang-ayunan siya ni Miya, "nakakain ba ikaw bulaklak?"
"Hindi pa naman, nahalata ko lang sa amoy."
"Kailangan ikaw inumin ito. Ito lunas para ikaw gumaling sa lason," sabi ng dalagita, "Ang asul na rosas at ugat."
"Asul na rosas?" Nagtaka si Aric. "Hindi ko alam na mayroon pala nito. Saang lupalop mo naman yan nakuha?"
"Malayo, sa gubat. Sa gitna ng talon."
"Gitna ng talon?" Maisip pa lang niya ang imahe nito, nahihirapan na siya, "Buti nakuha mo pa, hindi ka ba nalagay sa peligro?"
"Ako nahulog sa ibaba," nahihiyang binahagi ni Miya at kinumpas niya ang kamay pababa, tila sinasadula kung paano siya bumagsak sa tubig. "Marunong ako lumangoy kaya ako nakaligtas."
Napahalakhak si Aric sa kanyang mga kwento at sinabayan ito ni Miya. Sa unang pagkakataon, nasilayan niya ang magandang ngiti ng dalaga. Lalo naman siyang napahanga sa nalaman niya.
"Hindi ko maisip na gagawin mong suungin ang panganib para lang maligtas ako."
"Ikaw ligtas samin Buktot," pinaalala ulit sa kanya ni Miya, "ngayon kami naman tulong sa'yo."
"Maraming salamat ulit," napahawak si Aric sa kamay ng dalagita.
Bahagyang natigilan ang dalaga dahil sa kanyang paghawak. Mainit-init pa ang kamay ni Aric. Ilang saglit lang ay umiwas si Miya at bumitaw sa kanyang kamay.
"Magpahinga ka," sinabi niya bago lisanin ang kubo.
***
Lumipas ang mga araw at nagpatuloy ang ginagawang pagmamalasakit ni Miya sa binatilyo, araw-araw niya itong dinadalhan ng prutas at pinapainom ng mainit na sabaw ng lunas. Napapadalas na rin ang pagdalaw ng Datu. Matipid magsalita ang matandang pinuno ngunit lagi naman siyang kinakamusta nito, kung maayos na ba ang nararamdaman niya at kung gumagaling na ba ang sugat niya.
Natuwa ang binatilyo dahil nakatulong ang ginawa niyang pagsagip sa tribo upang maisakatuparan ang kanyang balak. Gayumpaman, batid niyang hindi ito ang tunay na dahilan kung bakit niya tinulungan ang mga Myongan. Nagawa niya ito dahil sa tawag ng kanyang konsensiya at ang likas niyang pagiging matulungin sa kapwa. Likas naman talaga sa kanya ang tumulong sa sinumang nangangailangan, isa yun sa dahilan kung bakit gusto niyang maging kawal, upang makatulong sa ibang tao, kahit na ang kapalit nito ay ang paglupig sa isang tribo. Hanggang ngayon hindi pa rin niya tinuturing na sibilisado ang mga Myongan. Gaya ng karamihan sa mga Taga-Silangan, may diskriminasyon pa rin siya sa nasabing lahi. Hindi sila ang mga taong nais niyang tulungan, ngunit sa kabila ng lahat, nagawa pa rin niya.
Isang hakbang ang nagligtas sa kanilang lahat at ang susunod namang hakbang ang maaaring magpahamak sa kanila ng tuluyan.
Bakit ko pa sila niligtas kung ipapahamak ko lang rin sila?
Tila may parte sa kanya na pumipigil sa nais niyang gawin. Hindi niya akalain na sa ginawa niyang ito, magiging komplikado ang lahat.
***
Isang araw, tumulong sa pagdadala ng pagkain ang isang lalaki at babaeng Myongan. Dinalhan nila si Aric ng mga prutas at maiinom na sabaw.
"Salamat po," saad ng binatilyo.
"Maahan, Marcio," pagpapakilala ni Miya, "mga magulang ko."
Nagtaka si Aric na ito pala ang mga magulang ni Miya sapagkat parehong purong Myongan ang dalawa. Hindi sila katangkaran, kulot ang buhok at kayumanggi ang balat. Ibang-iba sa anyo ni Miya. Ngayon, lalong nakasigurado si Aric na hindi isang Myongan si Miya at malamang ay hindi rin siya tunay na anak ng dalawa. Maaari pa sana kung ang isa sa kanila ay kahawig ng dalagita sa pisikal na anyo.
"Sila pala ang mga magulang mo," hindi na lamang pinahalata ni Aric na siya ay naguluhan, "magandang araw po."
Napangiti na lamang si Marcio at Maahan sa kanya, gaya ni Myoris, hindi rin sila marunong ng Karaniwang Lengguahe at ng Wikang Silangan.
***
Tila nagkaroon ng pangalawang buhay si Aric dahil sa pagsagip sa kanya ni Miya ngunit hindi pa rin nag natitinag ang mithiin niyang abutin ang pangarap. Buong buhay niyang pinangarap maging isang Kawal. Ito lang ang hinahangad niya kaysa sa anumang bagay sa mundo at wala pa ring makakahadlang sa kanya para matupad ito kahit na ang pangyayaring ito.
Lumilipas na ang mga araw at tumatagal na siyang nakaratay sa kubo. Sa susunod na malagay siya sa kapahamakan, maaaring hindi na siya palarin. Kailangan na niyang kumilos, hindi niya dapat sayangin ang panibagong buhay na pinagkaloob sa kanya.
Sinubukan niyang tumayo sa kanyang kinahihigaan, magaling na ang kanyang paa. Langib na lamang ang kanyang hiwa sa talampakan. Medyo nahihilo at uuga-uga pa rin siya sa paglalakad dahil sa tagal niyang nakahiga.
Paglabas niya sa kanyang kubo, napansin niya agad ang tubig sa ibaba at ang kahoy na tulay na nagdudugtong mula sa kanyang kubo patungo sa iba pang mga kubong itinayo nila sa may pampang. Ngayon lang siya nakalabas at hindi niya akalaing wala na siya sa gubat at nasa dalampasigan na siya. Ang nakakamangha pa, parehong-pareho ito sa nakita niya sa kanyang panaginip noon. Purong asul ang katubigan at maging ang kalangitan. Puti naman ang pino at makapal na buhanginan. Napakaganda ng lugar tulad ng nasa panaginip niya.
Halos walang tao sa paligid ng dalampasigan bukod lamang sa mga maliliit na batang naglalaro. Malamang abala sila sa kani-kanilang mga kubo, kasisimula pa lamang kasi ng araw. Sinamantala niya ang pagkakataon para makasingit at tumakas. Namataan niya ang mga punuan sa dulo na patungo sa kagubatan at tinahak niya ang daan habang walang nakakakita.
"Miya," malayo na ang kanyang nilalakad nang marinig niya ang boses ng kaibigan ni Miya na si Myoris at siya ay napatingin sa may pampang.
Kasalukuyang lumalangoy ang magkaibigan sa dalampasigan. Umahon si Miya kasabay ng matinding sikat ng araw na lalo pang nagpatingkad sa kanyang kagandahan. Nakasuot siya ng kulay puting panlangoy na yari sa telang hinabi. Natatakpan nito ang kanyang dibdib at pang-ibaba. Dahil siya ay basa pa galing sa tubig, humapit sa kanya ang kasuotan at lalong nahalata ang magandang hubog ng kanyang pangangatawan. Masaya ang dalagita at sila ay nagtatawanan ni Myoris habang nasa tubig. Natulala si Aric sa pagkabighani, para bang nakakita siya ng isang Diyosang bumangon sa tubig at dahil siya ay nakaputi, mas lalo pa nitong nakahawig ang babaeng nakita niya sa kanyang mga panaginip.
Napangiti ang binatilyo habang nakatitig sa dalaga. Nang mga panahong yun, nagkaroon ng pag-aalangan si Aric sa kanyang desisyon kung tutuloy pa ba niya ang pagsuplong sa buong tribo, sa pagkakataong ito, dahil kay Miya. Niligtas siya ni Miya ngunit pinaalala na lamang niya sa sarili niya na huwag maging malapit sa dalaga. Wala siyang utang na loob rito, niligtas lamang siya nito para maibalik ang utang na loob nila sa kanya at ngayon ay patas na sila. Kahit na umiiwas ang binatilyo na isipin ang dalaga, talagang tumatak si Miya kumpara sa lahat ng babaeng nakilala siya. Pakiramdam niya may kakaiba talaga sa dalagita at ngayon ay nahuhumaling siya sa angkin nitong ganda at tapang.
Mukha ni Miya ang babaeng liwanag na nag-ahon sa kanya sa dilim at si Miya mismo ang humanap ng lunas para gumaling siya.
Sa kahit anong anggulo man tignan, si Miya pa rin ang nagligtas sa kanya.
Tigilan mo na ang kahibangan mo sa babaeng yan. Tumakas ka na. Hindi ang isang babaeng gaya niya ang sisira sa pangarap mo. Hindi ka napigilan ni Saraphine noon at mas lalong hindi ka mapipigilan ni Miya ngayon.
Nagpasya si Aric ipagpatuloy na lang ang pagtahak papunta ng kagubatan. Pagharap ng binatilyo siya ay nagulat dahil nakaharang sa kanyang daan ang isang lalaking ngayon niya lamang nakita. Hindi ito katangkaran ngunit makapal ang tararak nitong buhok, mabangis ang mga mata nito at yari sa balat ng leon ang kanyang kasuotan. Mabagsik ang tingin nito sa kanya. Nagsulputan pa ang iba nitong mga kasama. Pinaligiran nila si Aric at tinutukan ng sibat.
Sino na naman ba ang mga ito?
Humampas kay Aric ang sibat ng kanilang pinuno at siya ay napabagsak sa buhanginan na may gasgas sa ulo. Nakita ni Miya kung ano ang nangyari at inutusan niya si Myoris na tawagin ang Datu at ang iba pang katribo.
"Leyro!" narinig ni Aric na tinawag ni Miya ang lalaki. Lumapit ang dalagita sa kanya at inalalayan siyang tumayo.
Hindi nagtagal, dumating si Datu Mortho at ang iba pang mga Myongan.
"Ano nangyayari?" tanong ni Mortho sa wikang mauunawaan ni Aric.
"Mahal na Datu, naglalakad lamang ako dito, nang bigla akong nilusob ng taong yan," kwento ni Aric.
Nagsalita ang mabangis na lalaking tinatawag nilang Leyro sa lengguaheng hindi niya maunawaan. Kahit hindi niya naiintindihan, ramdam niya ang galit nito sa kanyang magaspang na boses. Nahuhulaan na niya kung saan ito papunta, siguradong isusumbong siya nito.
"Sabi niya, ikaw daw nakita niya, papunta gubat," sinalin sa kanya ni Miya, "ikaw daw tatakas."
"Hindi," giit niya, "sinasanay ko lang ang paa ko maglakad ulit."
Muling nagsalita si Leyro at may sinabi kay Datu Mortho. Sumama ang mukha ng Datu kay Aric.
"Ikaw kita niya, kung ikaw lakad lang, bakit ikaw patagong punta gubat?"
Sa pagkakataong ito, alam na ni Aric na wala ng silbi ang magpalusot pa. Nahuli na siya sa bitag.
"Sabi ka samin totoo," pag-uudyok ni Miya, "ikaw ba tatakas?"
"Oo, aaminin ko na. Tatakas dapat ako, pero maniwala kayo sa akin, wala akong masamang intensyon, gusto ko lang naman umuwi. Gumagaling na naman ako, siguro naman pwede nyo na akong pakawalan."
Maging si Miya ay dismayado sa inamin niya, "ako nagkamali, kala ko ikaw mapapagkatiwalaan."
"Ikaw hindi aalis hanggang ako walang sabi!" napalakas ang tinig ng Datu. "Kami wala pa rin tiwala sayo!"
"Maniwala kayo sa akin, hindi nyo ako kaaway," pinanindigan ng binatilyo, "noong nilusob kayo ng halimaw, aaminin ko, nagbalak rin akong tumakas ngunit hindi ko ginawa. Mas pinili ko kayong tulungan kahit na may pagkakataon na ako para makaalis. Sa tingin nyo ba gagawin ko yun kung masama akong tao? Niligtas ko kayong lahat."
Tila gumana ang pagpapaalala niya nito at unti-unting nawala ang galit sa mukha ni Miya. Si Datu Mortho naman ay natahimik at nawalan ng imik.
"Hindi nyo pa rin ako pinagkakatiwalaan?"
"Dahil ikaw ay hindi isa samin," mahinahong sagot ng Datu.
"Kung ganun gawin nyo kong isa sa inyo, handa akong maging parte ng inyong komunidad, gagawin ko ang lahat."
"Mabuti pa kung ikaw ay kulong ulit," nagbigay ng utos si Mortho, tinanggihan niya ang pakiusap ng dayo.
May sinabi ang dalagita sa kanyang lolo sa wikang Myongese.
"Lo, huwag mo itong gawin," pinagpalagay ni Aric na ito ang sinabi ng dalagita sa Datu.
Umaasa si Aric na makakatulong sa kanya kung ano man ang sinabi niya. Nararamdaman niyang tumatanaw pa rin ng utang na loob ang dalaga sa ginawa niya.
"Ikaw hindi na namin kulong, bilang utang na loob sa ginawa mong pagligtas sa amin," sabi ni Mortho. "Pag ikaw tangka ulit tumakas, ikaw matatapos na."
"Nauunawaan ko po, hindi ko na uulitin. Salamat, Mahal na Datu."
Tumalikod ang matandang Datu at sila ay umalis na kasama si Miya at ang iba pang mga tribo.
Naiwan si Aric at nakita niyang masama pa rin ang tingin sa kanya ni Leyro at ng mga kasama nito. Base sa nakita niya kanina, tila may malalim na pinanghuhugutan ang panggagalaiti nito. Para itong isang mabangis na hayop na nagwawala dahil may nakapasok na ibang hayop sa kanyang teritoryo.
Mukhang mas lalo na akong mahihirapang makaalis dito at mukhang magiging problema ko rin ang isang ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro